Paglalaan ni Jehova, ang “mga Ibinigay”
“Mga tagaibang-lupa ay magsisitayo at magpapastol sa inyong mga kawan.”—ISAIAS 61:5.
1. Bakit si Jehova ang ipinaaalaala sa atin ng salitang “tagapagbigay”?
ANONG bukas-palad na tagapagbigay nga ang Diyos! Si apostol Pablo ay nagsabi: “[Si Jehova] mismo ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at hininga at lahat ng bagay.” (Gawa 17:25) Bawat isa sa atin ay makikinabang buhat sa pagbubulay-bulay sa maraming ‘mabubuting kaloob at sakdal na mga handog’ na tinatanggap natin mula sa Diyos.—Santiago 1:5, 17; Awit 29:11; Mateo 7:7; 10:19; 13:12; 21:43.
2, 3. (a) Papaano tayo dapat tumugon sa mga kaloob ng Diyos? (b) Sa anong diwa “mga ibinigay” ang mga Levita?
2 May mabuting dahilan nga na mag-usisa ang salmista kung papaano niya mababayaran si Jehova. (Awit 116:12) Ang Maylikha sa atin ay talagang hindi naman nangangailangan ng anuman na mayroon o maibibigay ang mga tao. (Awit 50:10, 12) Subalit, ipinakikita ni Jehova na siya’y nalulugod pagka ang mga tao’y may pagpapahalaga na nagbibigay ng kanilang sarili sa tunay na pagsamba. (Ihambing ang Hebreo 10:5-7.) Lahat ng tao ay dapat gumawa ng pag-aalay ng kanilang sarili sa kanilang Maylikha na, siya naman, sa kabilang panig, ay maaaring magbigay ng karagdagan pang mga pribilehiyo, tulad ng pangyayari sa sinaunang mga Levita. Bagaman lahat ng mga Israelita ay nag-alay sa Diyos, kaniyang pinili ang Levitikong pamilya ni Aaron bilang mga saserdote na maghahandog ng mga hain sa tabernakulo at sa templo. Kumusta naman ang iba pang mga Levita?
3 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Ilapit mo ang tribo ni Levi . . . At kanilang iingatan ang lahat ng kasangkapan ng tabernakulo ng kapisanan . . . At iyong ibibigay ang mga Levita kay Aaron at sa kaniyang mga anak. Sila ang mga ibinigay [Hebreo, nethu·nimʹ], ibinigay sa kaniya mula sa mga anak ni Israel.” (Bilang 3:6, 8, 9, 41) Ang mga Levita ay “ibinigay” kay Aaron upang gampanan ang mga tungkulin sa paglilingkod sa tabernakulo, kaya naman masasabi ng Diyos: “Sila ay mga ibinigay, ibinigay sa akin mula sa mga anak ni Israel.” (Bilang 8:16, 19; 18:6) Ang ibang mga Levita ay gumagawa ng simpleng mga gawain; ang iba naman ay tumatanggap ng napakalalaking pribilehiyo, tulad ng pagtuturo ng batas ng Diyos. (Bilang 1:50, 51; 1 Cronica 6:48; 23:3, 4, 24-32; 2 Cronica 35:3-5) Ngayon ay ibaling natin ang ating pansin sa isa pang “ibinigay” na bayan at sa isang modernong kahalintulad.
Nagbalik Buhat sa Babilonya ang mga Israelita
4, 5. (a) Sinong mga Israelita ang nagsibalik buhat sa pagkabihag sa Babilonya? (b) Sa modernong panahon, ano ang katulad ng pagbabalik ng mga Israelita galing sa pagkabihag?
4 Si Ezra at si Nehemias ay naglalahad kung papaano ang isang nalabi ng mga Israelita, pinangungunahan ni Gobernador Zerubabel, ay bumalik sa kanilang lupain buhat sa Babilonya, upang isauli ang tunay na pagsamba. Ang kapuwa pag-uulat na iyan ay nagsasabi na ang mga nagsibalik na ito lahat-lahat ay 42,360. Libu-libo sa bilang na iyan ay “mga lalaki sa bayan ng Israel.” Ang susunod na iniuulat ay ang mga saserdote. Pagkatapos ay nariyan ang 350 Levita, kasali na ang Levitikong mga mang-aawit at mga tagatanod-pinto. Si Ezra at si Nehemias ay may binanggit din na karagdagang libu-libo na waring mga Israelita, marahil mga saserdote pa nga, ngunit hindi nila mapatunayan ang kanilang talaangkanan.—Ezra 1:1, 2; 2:2-42, 59-64; Nehemias 7:7-45, 61-66.
5 Ang nalabing ito ng Israel na dinala sa pagkabihag at ng bandang huli’y bumalik sa Jerusalem at sa Juda ay nagpakita ng namumukod na debosyon sa Diyos at ng matatag na paninindigan sa tunay na pagsamba. Gaya ng mapapansin, makikita natin sa modernong panahon ang isang angkop na pagkakatulad kung tungkol sa nalabi ng espirituwal na Israel na lumabas sa pagkabihag sa Babilonyang Dakila noong 1919.
6. Papaano ginamit ng Diyos ang espirituwal na mga Israelita sa panahon natin?
6 Magbuhat ng kanilang paglaya noong 1919, ang nalabi ng pinahirang mga kapatid ni Kristo ay masigasig na kumilos nang pasulong sa tunay na pagsamba. Pinagpala ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap na tipunin ang mga huling kabilang sa 144,000 na bumubuo ng “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Apocalipsis 7:3, 4) Bilang isang grupo, ang pinahirang nalabi ang bumubuo ng uring “tapat at maingat na alipin” na ginagamit upang maglaan ng saganang nagbibigay-buhay na pagkaing espirituwal, na kanilang pinagpapagalan na maipamahagi sa buong lupa.—Mateo 24:45-47.
7. Sino ang nakikisama sa mga pinahiran sa tunay na pagsamba?
7 Gaya ng ipinakita ng naunang artikulo, sa bayan ni Jehova ngayon ay kasali ang milyun-milyong “mga ibang tupa,” na may bigay-Diyos na pag-asang makatawid sa malaking kapighatian na kaylapit-lapit nang dumating. Ang nais nila ay maglingkod kay Jehova magpakailanman sa lupa, na kung saan sila’y hindi na magugutom at mauuhaw at hindi na tutulo ang mga luha ng kalungkutan. (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9-17; 21:3-5) Sa ulat ba tungkol sa mga nagbalik buhat sa Babilonya ay makakakita tayo ng anumang nakakatumbas ng gayong mga tao? Oo!
May Nagbalik Ding mga Di-Israelita
8. Sino ang kasama ng mga Israelita nang magbalik sila buhat sa Babilonya?
8 Nang may lumabas na panawagan para sa mga umiibig kay Jehova sa Babilonya na bumalik sa Lupang Pangako, libu-libong mga di-Israelita ang tumugon. Sa tala na ibinigay ni Ezra at Nehemias, mababasa natin ang tungkol sa mga “Nethineo” (ang ibig sabihin, “Mga Ibinigay”) at “ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon,” na ang bilang kung pagsasama-samahin ay 392. Ang salaysay ay bumabanggit din ng mahigit na 7,500 na iba pa: ‘mga lalaking alipin at mga babaing alipin,’ at di-Levitang “mga mang-aawit na lalaki at mga mang-aawit na babae.” (Ezra 2:43-58, 65; Nehemias 7:46-60, 67) Ano ang nag-udyok sa napakaraming mga di-Israelita na magbalik?
9. Papaano nasasangkot ang espiritu ng Diyos sa pagbabalik galing sa pagkabihag?
9 Ang Ezra 1:5 ay tumutukoy sa “lahat na ang espiritu’y pinukaw ng tunay na Diyos, upang magsiakyat at itayong-muli ang bahay ni Jehova.” Oo, pinakilos ni Jehova ang lahat ng mga nagsibalik. Kaniyang pinasigla ang kanilang espiritu, samakatuwid nga, ang nag-uudyok sa kanila na hilig ng kaisipan. Kahit na buhat sa langit, magagawa ito ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit sa kaniyang banal na espiritu, ang kaniyang aktibong puwersa. Sa gayon, lahat ng pinukaw “upang magsiakyat at itayong-muli ang bahay ni Jehova” ay tinulungan “ng espiritu [ng Diyos].”—Zacarias 4:1, 6; Hagai 1:14.
Isang Modernong-Panahong Kahalintulad
10, 11. Ano ang kahalintulad ng mga di-Israelita na nagsibalik galing sa Babilonya?
10 Sino ba ang inilarawan ng gayong nagsibalik na mga di-Israelita? Maraming Kristiyano ang marahil tutugon: ‘Ang mga Nethineo ay katumbas ng “mga ibang tupa” sa ngayon.’ Totoo iyan, subalit hindi lamang ang mga Nethineo; sapagkat lahat ng mga di-Israelita na nagsibalik ay kumakatawan sa mga Kristiyano sa ngayon na hindi bahagi ng espirituwal na Israel.
11 Ang aklat na Maaari Kayong Makaligtas sa Armagedon Tungo sa Bagong Sanlibutan ng Diyosa ay may ganitong puna: “Hindi lamang ang nalabi ng 42,360 Israelita ang nagsialis sa Babilonya kasama ni Gobernador Zerubabel . . . May libu-libong di-Israelita . . . Bukod sa mga Nethineo ay mayroon pang ibang mga di-Israelita, ang mga alipin, ang propesyonal na mga mang-aawit na lalaki at babae at ang mga inapo ng mga lingkod ni Haring Solomon.” Ang aklat ay nagpaliwanag: “Ang mga Nethineo, alipin, mang-aawit at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon, pawang mga di-Israelita, ay lumisan sa lupain ng pagkabihag at nagsibalik kasama ng nalabing Israelita . . . Kaya tama ba namang isipin na sa ngayon ang mga tao na may iba’t ibang nasyonalidad na hindi naman espirituwal na mga Israelita ay makikisama sa nalabi ng espirituwal na Israel at itataguyod ang pagsamba sa Diyos na Jehova kasama nila? Oo.” Ang gayong mga tao ay ‘naging modernong-panahon, antitipikong mga Nethineo, mga mang-aawit, at mga anak ng mga lingkod ni Solomon.’
12. Papaano ginagamit ng Diyos ang kaniyang espiritu sa isang pantanging paraan ukol sa espirituwal na mga Israelita, subalit bakit natin matitiyak na ito’y makakamtan ng lahat ng sumasamba sa kaniya?
12 Tulad sa sinaunang kahalintulad, pinagkakalooban din ng Diyos ng kaniyang espiritu ang mga taong umaasang mabubuhay magpakailanman sa lupa. Totoo, sila’y hindi ipinanganganak na muli. Bawat isa sa 144,000 ay may minsanan lamang karanasan ng muling pagkapanganak sa kaniya bilang isang espirituwal na anak ng Diyos at pinahiran ng banal na espiritu. (Juan 3:3, 5; Roma 8:16; Efeso 1:13, 14) Mangyari pa, ang pagkapahid na iyon ay isang pambihirang pagpapakita ng espiritu ng Diyos alang-alang sa munting kawan. Subalit ang espiritu ng Diyos ay kinakailangan din upang maganap ang kaniyang kalooban. Sa gayon, sinabi ni Jesus: ‘Ang Ama sa langit ay nagbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.’ (Lucas 11:13) Makalangit man ang pag-asa ng isang humihingi o siya’y isa sa mga ibang tupa, ang espiritu ni Jehova ay saganang makakamtan upang maganap ang Kaniyang kalooban.
13. Papaano mapakikilos ng espiritu ang lahat ng mga lingkod ng Diyos?
13 Ang espiritu ng Diyos ang nagpakilos kapuwa sa mga Israelita at sa mga di-Israelita upang magbalik sa Jerusalem, at ito ang nagpapalakas at tumutulong sa lahat ng kaniyang tapat na mga lingkod sa ngayon. Ang bigay-Diyos na pag-asa man ng isang Kristiyano ay buhay sa langit o buhay sa lupa, siya’y kailangang mangaral ng mabuting balita, at ang banal na espiritu ang umaalalay sa kaniya upang maging tapat sa bagay na iyan. Bawat isa sa atin—anuman ang ating pag-asa—ay dapat magpaunlad ng mga bunga ng espiritu, na lubusang kailangan nating lahat.—Galacia 5:22-26.
Ibinigay Para sa Pantanging Paglilingkod
14, 15. (a) Kabilang sa mga di-Israelita na nagsibalik, anong dalawang grupo ang pinili? (b) Sino ang mga Nethineo, at ano ang gawaing iniatas sa kanila?
14 Kabilang sa libu-libong mga di-Israelita na pinakilos ng espiritu upang bumalik ay dalawang maliliit na grupo na pinili ng Salita ng Diyos—ang mga Nethineo at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon. Sino sila? Ano ba ang kanilang ginawa? At ano ang maaaring kahulugan nito sa ngayon?
15 Ang mga Nethineo ay isang grupo na nagmula sa mga di-Israelita at sila’y nagkapribilehiyo na maglingkod kasama ng mga Levita. Tandaan ang mga Cananeo na taga-Gabaon na naging “mga tagapangahoy at mga tagaigib ng tubig para sa kapisanan at sa dambana ni Jehova.” (Josue 9:27) Marahil ang iba sa kanilang mga inapo ay kabilang sa mga Nethineo na bumalik buhat sa Babilonya, at gayundin ang iba na naparagdag bilang mga Nethineo nang naghahari si David at nang iba pang mga panahon. (Ezra 8:20) Ano ba ang ginawa ng mga Nethineo? Ang mga Levita ay ibinigay upang tumulong sa mga saserdote, at pagkatapos naman ang mga Nethineo ay ibinigay upang tumulong sa mga Levita. Kahit na para sa tinuling mga banyaga, ito ay isang pribilehiyo.
16. Papaano nang sumapit ang panahon ay nagbago ang papel na ginagampanan ng mga Nethineo?
16 Nang bumalik ang grupo galing sa Babilonya, ito’y may kasamang kaunti lamang na mga Levita, kung ihahambing sa mga saserdote o mga Nethineo at “mga anak ng mga lingkod ni Solomon.” (Ezra 8:15-20) Ang Dictionary of the Bible, ni Dr. James Hastings, ay may pamumuna: “Pagkaraan ng isang panahon makikita natin [ang mga Nethineo] na lubusang nakatatag bilang isang sagradong uring opisyal, na pinagkalooban sila ng mga pribilehiyo.” Ang paham na magasing Vetus Testamentum ay nag-uulat: “May naganap na pagbabago. Pagkatapos ng Pagbabalik buhat sa Pagkabihag, ang mga [banyaga] na ito ay hindi na itinuring na mga alipin ng Templo, kundi mga tagapaglingkod doon, nagtatamasa ng isang kalagayang nahahawig sa mga ibang grupo, na nangangasiwa sa Templo.”—Tingnan ang kahong “Isang Nagbagong Kalagayan.”
17. Bakit ang mga Nethineo ay tumanggap ng higit pang gawain, at ano ang patotoo rito ng Bibliya?
17 Mangyari pa, ang mga Nethineo ay hindi naging mga kapantay ng mga saserdote at ng mga Levita. Itong huling grupo ay mga Israelita, na pinili ni Jehova mismo at hindi hahalinhan ng mga di-Israelita. Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na sa dahilang kumaunti ang mga Levita, ang mga Nethineo ay binigyan ng higit pang gawain sa paglilingkod sa Diyos. Sila’y binigyan ng mga tirahan malapit sa templo. Noong kaarawan ni Nehemias sila’y gumawang kasama ng mga saserdote sa pagkukumpuni ng mga pader malapit sa templo. (Nehemias 3:22-26) At ang hari ng Persia ay nag-utos na ang mga Nethineo ay ipuwera sa pagbabayad ng buwis, gaya rin ng mga Levita na ipinuwera dahilan sa kanilang paglilingkod sa templo. (Ezra 7:24) Ipinakikita nito kung gaano kalapit ang kaugnayan noon ng “mga ibinigay” na ito (mga Levita at mga Nethineo) kung tungkol sa espirituwal na mga bagay at kung papaano naragdagan ang gawain ng mga Nethineo kasuwato ng pangangailangan, bagaman sila’y hindi kailanman ibinilang na mga Levita. Nang malaunan na si Ezra ay tumipon ng mga bihag upang bumalik, sa simula ay walang mga Levita sa gitna nila. Kaya kaniyang pinag-ibayo ang pagsisikap na tumipon ng ilan. Ang resulta niyan ay 38 na mga Levita at 220 Nethineo ang nagbalik upang maglingkod bilang “mga ministro ukol sa bahay ng ating Diyos.”—Ezra 8:15-20.
18. Maaaring ano ang naging gawain ng mga anak ng mga lingkod ni Solomon?
18 Ang pangalawang grupo ng mga di-Israelita na pinili ay yaong mga anak ng mga lingkod ni Solomon. Kakaunti ang ibinibigay na mga detalye ng Bibliya tungkol sa kanila. Ang iba ay “ang mga anak ni Sophereth.” Si Ezra ay nagdaragdag ng isang tiyak na pantukoy sa pangalang iyon, anupa’t ginagawa ito na Has·so·pheʹreth, posible na nangangahulugang “ang eskriba.” (Ezra 2:55; Nehemias 7:57) Sa gayon sila ay maaaring isang pangkat ng mga eskriba o mga tagakopya, posibleng mga eskriba para sa templo/administrasyon. Bagaman mga anak ng banyaga, ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay nagpatunay ng kanilang debosyon kay Jehova sa pamamagitan ng paglisan sa Babilonya at pagbabalik upang makibahagi sa pagsasauli ng pagsamba sa Kaniya.
Pagbibigay ng Ating mga Sarili sa Ngayon
19. Ano ang kaugnayang namamagitan sa mga pinahiran sa ngayon at sa mga ibang tupa?
19 Sa panahon natin, ang pinahirang nalabi ang buong-lakas na ginamit ng Diyos sa pangunguna sa dalisay na pagsamba at sa paghahayag ng mabuting balita. (Marcos 13:10) Anong laki ng kagalakan ng mga ito na makita ang sampu-sampung libo, daan-daang libo, at ngayon ay milyun-milyong mga ibang tupa na nakikisama sa kanila sa pagsamba! At anong kalugud-lugod na pagtutulungan ang makikita sa pagsasamahan ng nalabi at ng mga ibang tupa!—Juan 10:16.
20. Anong bagong unawa ang makatuwiran kung tungkol sa isang grupo na kahalintulad ng mga Nethineo at ng mga anak ng mga lingkod ni Solomon? (Kawikaan 4:18)
20 Lahat ng mga di-Israelita na nagsibalik galing sa pagkabihag sa sinaunang Babilonya ay kahalintulad ng mga ibang tupa na ngayo’y naglilingkod kasama ng nalabi ng espirituwal na Israel. Ano, gayunman, ang sabi tungkol sa bagay na sa Bibliya, pinili ang mga Nethineo at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon? Sa tipo ang mga Nethineo at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay binigyan ng mga pribilehiyo na higit kaysa ibinigay sa ibang nagsibalik na mga di-Israelita. Ito’y maaaring lumarawan sa pinalawak na mga pribilehiyo at karagdagang mga tungkulin na ibinigay sa ilang mga maygulang at nahahandang tumanggap niyaon na mga ibang tupa.
21. Papaanong ang ilang mga kapatid na may makalupang pag-asa ay tumanggap ng karagdagang mga tungkulin at mga pribilehiyo?
21 Ang karagdagang mga pribilehiyo na ibinigay sa mga Nethineo ay tuwirang kaugnay ng espirituwal na mga gawain. Ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay waring tumanggap ng mga pananagutan sa pangangasiwa. Sa katulad na paraan ngayon, ang kaniyang bayan ay pinagpala ni Jehova sa pagbibigay sa kanila ng “mga kaloob na mga lalaki” upang mag-asikaso ng kanilang pangangailangan. (Efeso 4:8, 11, 12) Kasali sa paglalaang ito ang maraming daan-daang maygulang, makaranasang mga kapatid na lalaki na nakikibahagi sa ‘pagpapastol ng kawan,’ naglilingkod bilang mga tagapangasiwa ng sirkito at ng distrito at sa mga Komite sa Sangay sa 98 na mga sangay ng Watch Tower Society. (Isaias 61:5) Sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Samahan, sa ilalim ng patnubay ng “tapat na katiwala” at ng Lupong Tagapamahala nito, may kakayahang mga lalaki ang sinasanay na tumulong sa paghahanda ng espirituwal na mga laang pagkain. (Lucas 12:42) Ang ibang malaon nang nag-alay na mga boluntaryo ay sinanay na maglingkod sa mga tahanang Bethel at sa mga pabrika at mangasiwa sa mga programa sa buong-daigdig sa pagtatayo ng mga bagong pasilidad sa sangay at mga bulwagan para sa pagsamba ng mga Kristiyano. Sila’y labis na nasanay sa paglilingkod bilang mga mapagkakatiwalaang katulong ng pinahirang nalabi, na siyang bumubuo ng isang bahagi ng makaharing pagkasaserdote.—Ihambing ang 1 Corinto 4:17; 14:40; 1 Pedro 2:9.
22. Bakit angkop na ang ilan sa mga ibang tupa ay bigyan ng mabibigat na pananagutan ngayon, at papaano tayo dapat maapektuhan nito?
22 Noong sinaunang mga panahon, ang mga saserdote at mga Levita ay patuloy na naglingkod sa gitna ng mga Judio. (Juan 1:19) Gayunman, sa ngayon ang nalabi ng espirituwal na Israel na narito pa sa lupa ay kailangang patuloy na kumaunti. (Ihambing ang pagkakaiba ng Juan 3:30.) Sa wakas, pagkatapos ng pagkapuksa ng Babilonyang Dakila, lahat ng 144,000 na ‘mga tinatakan’ ay doroon na sa langit para sa kasal ng Kordero. (Apocalipsis 7:1-3; 19:1-8) Subalit ngayon ang mga ibang tupa ay kailangang patuloy na dumami. Yamang ang ilan sa kanila, kahalintulad ng mga Nethineo at ng mga anak ng mga lingkod ni Solomon, ay inaatasan ngayon ng mabibigat na mga pananagutan sa ilalim ng pangangasiwa ng pinahirang nalabi ang gayon ay hindi umaakay sa kanila na magmataas o mag-isip na sila’y mahalaga sa ganang sarili. (Roma 12:3) Ito’y nagbibigay sa atin ng pagtitiwala na sa “pag-ahon sa malaking kapighatian” ng bayan ng Diyos, magkakaroon ng mga lalaking may karanasan—“mga prinsipe”—na handang manguna sa gitna ng mga ibang tupa.—Apocalipsis 7:14; Isaias 32:1; ihambing ang Gawa 6:2-7.
23. Bakit lahat tayo ay kailangang magpaunlad ng espiritu ng pagbibigay kung tungkol sa paglilingkod sa Diyos?
23 Lahat ng nagsibalik buhat sa Babilonya ay handang gumawang puspusan at patunayan na ang pagsamba kay Jehova ang pangunahin na nasa kanilang isip at puso. Ganiyan din sa ngayon. Kasama ng pinahirang nalabi, “mga tagaibang lupain ang aktuwal na tatayo at magpapastol ng mga kawan.” (Isaias 61:5) Kaya anuman ang ating pag-asa na inilaan ng Diyos, at anuman ang mga pribilehiyong maipagkaloob sa hinirang ng espiritu na mga matatanda bago dumating ang araw ng pagbabangong-puri ni Jehova sa Armagedon, hayaang lahat tayo ay magpaunlad ng isang walang pag-iimbot, kapaki-pakinabang, na espiritu ng pagbibigay. Bagaman hindi natin mababayaran si Jehova sa lahat ng kaniyang dakilang mga kaloob sa atin, harinawang tayo’y maging buong-kaluluwa sa anumang ating ginagawa sa loob ng kaniyang organisasyon. (Awit 116:12-14; Colosas 3:23) Sa gayon lahat tayo ay makapagbibigay ng ating sarili sa tunay na pagsamba, samantalang ang mga ibang tupa ay naglilingkod nang buong pakikipagkaisa sa mga pinahiran, na itinalaga upang kanilang “pagharian ang lupa.”—Apocalipsis 5:9, 10.
[Talababa]
a Pahina 142-8; lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Mga Puntong Dapat Tandaan
◻ Sa anong paraan “mga ibinigay” ang mga Levita sa sinaunang Israel?
◻ Sinong mga di-Israelita ang nagsibalik galing sa pagkabihag, na lumalarawan kanino?
◻ Anong pagbabago ang waring naganap kung tungkol sa mga Nethineo?
◻ Tungkol sa mga Nethineo at sa mga anak ng mga lingkod ni Solomon, anong pagkakatulad ang naunawaan na ngayon?
◻ Anong pagtitiwala ang bunga ng pagtutulungan ng mga pinahiran at ng mga ibang tupa?
[Kahon sa pahina 14]
ISANG NAGBAGONG KALAGAYAN
Maraming mga diksiyunaryo at ensayklopediya ng Bibliya ang nagkukomento sa mga pagbabagong naranasan ng ilan sa mga di-Israelita na nagsibalik buhat sa pagkabihag. Halimbawa, sa ilalim ng “Pagbabago sa kanilang posisyon,” ang Encyclopædia Biblica ay nagsasabi: “Ang kanilang posisyon sa lipunan, gaya ng ipinakita na, ay kasabay ring tumaas. [Ang mga Nethineo] ay lumilitaw na hindi na mga alipin sa eksaktong kahulugan ng salitang iyan.” (Isinaayos ni Cheyne at Black, Tomo III, pahina 3399) Sa The Cyclopædia of Biblical Literature, si John Kitto ay sumulat: “Hindi maaasahan na marami sa kanila [mga Nethineo] ay babalik sa mababang kalagayang ito sa Palestina . . . Ang kusang katapatan na sa ganoo’y ipinakita ng mga taong ito ang lubhang nagtaas sa kalagayan ng mga Nethineo.” (Tomo II, pahina 417) Binabanggit ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Sa liwanag ng ganitong kaugnayan at ng kanilang pinagdaanang karanasan sa panahon ni Solomon, maipagpapalagay na ang mga lingkod ni Solomon ay nagkaroon ng mahalagang mga pananagutan sa ikalawang templo.”—Isinaayos ni G. W. Bromiley, Tomo 4, pahina 570.
[Larawan sa pahina 15]
Nang magsibalik ang mga Israelita upang muling itayo ang Jerusalem, libu-libong mga di-Israelita ang kasama nila
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 17]
Ang Komite ng Sangay sa Korea. Katulad ng sinaunang mga Nethineo, mga lalaking kabilang sa mga ibang tupa ang may mabibigat na pananagutan sa tunay na pagsamba sa ngayon