Mga Bilang
3 Ito ang mga angkan* nina Aaron at Moises nang araw na kausapin ni Jehova si Moises sa Bundok Sinai.+ 2 Ito ang pangalan ng mga anak ni Aaron: ang panganay na si Nadab at sina Abihu,+ Eleazar,+ at Itamar.+ 3 Ito ang pangalan ng mga anak ni Aaron, ang mga saserdoteng pinahiran* ng langis at inatasan* para maglingkod bilang mga saserdote.+ 4 Gayunman, sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ni Jehova nang mag-alay sila kay Jehova ng ipinagbabawal na handog*+ sa ilang ng Sinai, at wala silang mga anak na lalaki. Pero sina Eleazar+ at Itamar+ ay patuloy na naglingkod bilang mga saserdote kasama ng ama nilang si Aaron.
5 At sinabi ni Jehova kay Moises: 6 “Dalhin mo ang tribo ni Levi+ sa harap ni Aaron na saserdote, at maglilingkod sila+ sa kaniya. 7 Gagampanan nila ang kanilang pananagutan sa kaniya at sa buong bayan sa harap ng tolda ng pagpupulong sa pamamagitan ng paglilingkod nila may kaugnayan sa tabernakulo. 8 Iingatan nila ang lahat ng kagamitan+ ng tolda ng pagpupulong at gagampanan ang kanilang pananagutan sa mga Israelita sa pamamagitan ng pag-aasikaso ng mga gawaing may kaugnayan sa tabernakulo.+ 9 Ibibigay mo ang mga Levita kay Aaron at sa mga anak niya. Sila ay ibinigay sa kaniya bilang kaloob mula sa mga Israelita.+ 10 Dapat mong atasan si Aaron at ang mga anak niya, at gagampanan nila ang mga atas nila bilang saserdote,+ at ang ibang taong* lumapit sa santuwaryo ay dapat patayin.”+
11 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 12 “Kinukuha ko ang mga Levita mula sa mga Israelita kapalit ng lahat ng panganay* ng mga Israelita,+ at ang mga Levita ay magiging akin. 13 Dahil ang lahat ng panganay ay akin.+ Nang araw na patayin ko ang lahat ng panganay sa Ehipto,+ pinabanal ko para sa akin ang lahat ng panganay sa Israel, tao man o hayop.+ Sila ay magiging akin. Ako si Jehova.”
14 Sinabi pa ni Jehova kay Moises sa ilang ng Sinai:+ 15 “Irehistro mo ang mga anak ni Levi ayon sa angkan at pamilya nila. Dapat mong irehistro ang bawat lalaki mula isang buwang gulang pataas.”+ 16 Kaya inirehistro sila ni Moises ayon sa utos ni Jehova. 17 Ito ang pangalan ng mga anak ni Levi: Gerson, Kohat, at Merari.+
18 At ito ang pangalan ng mga anak ni Gerson ayon sa pamilya nila: Libni at Simei.+
19 Ang mga anak ni Kohat ayon sa pamilya nila ay sina Amram, Izhar, Hebron, at Uziel.+
20 Ang mga anak ni Merari ayon sa pamilya nila ay sina Mahali+ at Musi.+
Ito ang mga pamilya ng mga Levita ayon sa angkan nila.
21 Kay Gerson nagmula ang pamilya ng mga Libnita+ at pamilya ng mga Simeita. Ito ang mga pamilya ng mga Gersonita. 22 Ang lahat ng lalaking nairehistro mula sa kanila na isang buwang gulang pataas ay 7,500.+ 23 Ang mga pamilya ng mga Gersonita ay nagkakampo sa gawing kanluran, sa likuran ng tabernakulo.+ 24 Ang pinuno ng angkan ng mga Gersonita ay si Eliasap na anak ni Lael. 25 Ang atas ng mga anak ni Gerson+ sa tolda ng pagpupulong ay asikasuhin ang tabernakulo at ang tolda,+ ang pantakip nito,+ ang pantabing*+ sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, 26 ang nakasabit na tabing+ ng looban, ang pantabing*+ sa pasukan ng looban na kinaroroonan ng tabernakulo at altar, ang mga panaling pantolda nito, at ang lahat ng gawaing may kaugnayan sa mga ito.
27 Kay Kohat nagmula ang pamilya ng mga Amramita, pamilya ng mga Izharita, pamilya ng mga Hebronita, at pamilya ng mga Uzielita. Ito ang mga pamilya ng mga Kohatita.+ 28 Ang lahat ng lalaki mula isang buwang gulang pataas ay 8,600; sila ang inatasang mag-asikaso sa banal na lugar.+ 29 Ang mga pamilya ng mga anak ni Kohat ay nagkakampo sa gawing timog ng tabernakulo.+ 30 Ang pinuno ng angkan ng mga pamilya ng mga Kohatita ay si Elisapan na anak ni Uziel.+ 31 Ang atas nila ay ang pag-aasikaso sa Kaban,+ mesa,+ kandelero,+ mga altar,+ mga kagamitan+ para sa paglilingkod sa banal na lugar, at pantabing,*+ at sa lahat ng gawaing may kaugnayan sa mga ito.+
32 Ang pinakapinuno ng mga Levita ay si Eleazar+ na anak ni Aaron na saserdote, na nangangasiwa sa mga nag-aasikaso ng mga gawain sa banal na lugar.
33 Kay Merari nagmula ang pamilya ng mga Mahalita at pamilya ng mga Musita. Ito ang mga pamilya ni Merari.+ 34 Ang lahat ng lalaking nairehistro mula isang buwang gulang pataas ay 6,200.+ 35 Ang pinuno ng angkan ng mga pamilya ni Merari ay si Zuriel na anak ni Abihail. Nagkakampo sila sa gawing hilaga ng tabernakulo.+ 36 Ang mga anak ni Merari ang inatasang mag-asikaso sa mga hamba+ ng tabernakulo, mga barakilan* nito,+ mga haligi nito,+ may-butas na mga patungan nito, at lahat ng kagamitan nito,+ at sa lahat ng gawaing may kaugnayan sa mga ito,+ 37 pati sa mga haligi sa palibot ng looban at sa may-butas na mga patungan,+ mga tulos na pantolda, at mga panaling pantolda ng mga ito.
38 Si Moises at si Aaron at ang mga anak nito ang magkakampo sa harap ng tabernakulo sa gawing silangan, sa harap ng tolda ng pagpupulong na nakaharap sa sikatan ng araw. Sila ang may pananagutan sa pag-aasikaso ng santuwaryo, na gagampanan nila para sa mga Israelita. Ang ibang taong* lumapit dito ay papatayin.+
39 Ang lahat ng lalaking Levita mula isang buwang gulang pataas, na iniutos ni Jehova kina Moises at Aaron na irehistro ayon sa pamilya, ay 22,000.
40 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Irehistro mo ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita mula isang buwang gulang pataas,+ bilangin mo sila, at ilista mo ang mga pangalan nila. 41 Dapat mong kunin ang mga Levita para sa akin—ako si Jehova—kapalit ng lahat ng panganay ng mga Israelita,+ at kunin mo ang mga alagang hayop ng mga Levita kapalit ng lahat ng panganay ng mga alagang hayop ng mga Israelita.”+ 42 At inirehistro ni Moises ang lahat ng panganay ng mga Israelita, gaya ng iniutos ni Jehova. 43 Ang lahat ng panganay na lalaki mula isang buwang gulang pataas na inirehistro ang pangalan ay 22,273.
44 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 45 “Kunin mo ang mga Levita kapalit ng lahat ng panganay ng mga Israelita, at kunin mo ang mga alagang hayop ng mga Levita kapalit ng kanilang mga alagang hayop, at ang mga Levita ay magiging akin. Ako si Jehova. 46 Mas marami nang 273 ang panganay ng mga Israelita kaysa sa mga Levita. Para matubos+ ang sumobra sa mga panganay na ito,+ 47 kumuha ka ng limang siklo* para sa bawat tao,+ ayon sa siklo ng banal na lugar.* Ang isang siklo ay 20 gerah.*+ 48 Ibibigay mo ang pera kay Aaron at sa mga anak niya bilang halagang pantubos ng mga sumobra sa bilang nila.” 49 Kaya kinuha ni Moises ang pera na halagang pantubos para tubusin ang bilang ng mga panganay na sumobra sa bilang ng mga Levita. 50 Kinuha niya ang pera mula sa panganay ng mga Israelita, 1,365 siklo, ayon sa siklo ng banal na lugar. 51 Pagkatapos, ibinigay ni Moises kay Aaron at sa mga anak niya ang pera na halagang pantubos ayon sa sinabi* ni Jehova, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.