BAHAY
Bukod sa iba pang mga bagay, ang salitang “bahay” o “sambahayan,” gaya ng pagkakagamit sa Bibliya (sa Heb., baʹyith; sa Gr., oiʹkos o oi·kiʹa; sa Ingles, house), ay maaaring tumukoy sa (1) isang sambahayan [sa Ingles, household] o sa lahat ng supling ng isang tao (Gen 12:1; 17:13, 23; Ob 17, 18; Mik 1:5); (2) isang tinatahanang bahay (Gen 19:2-4); (3) isang piitan o, sa makasagisag na paraan, sa bansa kung saan inaalipin ang isa (Gen 40:3, 14; Exo 13:3); (4) isang tahanang dako ng mga hayop at mga ibon (Job 39:6; Aw 104:17); (5) isang sapot ng gagamba (Job 8:14); (6) isang maharlikang tirahan o palasyo (2Sa 5:11; 7:2); (7) isang makasaserdoteng linya (1Sa 2:35); (8) isang maharlikang dinastiya (1Sa 25:28; 2Sa 7:11); (9) tabernakulo o templo ni Jehova, kapuwa sa literal na paraan at kapag ginagamit sa isang makatalinghagang paraan (Exo 23:19; 34:26; 1Ha 6:1; 1Pe 2:5); (10) tahanang dako ni Jehova, ang langit mismo (Ju 14:2); (11) santuwaryo ng isang huwad na diyos (Huk 9:27; 1Sa 5:2; 1Ha 16:32; 2Ha 5:18); (12) nasisirang pisikal na katawan ng mga tao (Ec 12:3; 2Co 5:1-4); (13) walang-kasiraang espirituwal na katawan (2Co 5:1); (14) karaniwang libingan (Job 17:13; Ec 12:5); (15) asosasyon ng mga manggagawa na iisa ang propesyon (1Cr 4:21); at (16) isang gusali na pinagtataguan ng opisyal na mga rekord ng estado (Ezr 6:1).
Kadalasan, ang isang anyo ng salitang Hebreo para sa bahay (baʹyith) ay nagiging bahagi ng isang pangalang pantangi, gaya sa Bethel (nangangahulugang “Bahay ng Diyos”) at Betlehem (nangangahulugang “Bahay ng Tinapay”).
Mga Materyales at Mga Pamamaraan sa Pagtatayo. Noong sinauna, gaya sa ngayon, nagkaroon ng iba’t ibang uri ng mga tirahan. Nagkakaiba-iba ang mga pamamaraan ng pagtatayo depende sa yugto ng panahon, sa kalagayang pangkabuhayan ng nagpapatayo, at sa mga materyales na makukuha. Bilang halimbawa, ang mga tagapagtayo ng Babel ay gumamit ng mga laryo sa halip na bato, at ang “bitumen ay nagsilbing argamasa para sa kanila.”—Gen 11:3.
Marami sa mga Israelita ang nagsimulang manahanan sa mga bahay ng itinaboy na mga Canaanita at malamang na sa loob ng maraming taon pagkatapos nito ay gumamit sila ng katulad na mga pamamaraan sa pagtatayo. (Deu 6:10, 11) Lumilitaw na mas gusto nila ang mga bahay na bato (Isa 9:10; Am 5:11), yamang mas matitibay ang mga ito at mas ligtas sa mga nanloloob kaysa sa mga bahay na yari sa laryong putik. Madaling pasukin ng mga magnanakaw ang mga bahay na putik sa pamamagitan lamang ng paghuhukay sa isang dingding. (Ihambing ang Job 24:16.) Gayunman, sa mabababang lupain, kung saan kakaunti ang makukuhang de-kalidad na batong-apog at batong-buhangin, mga laryong putik na pinatuyo sa araw, o kung minsan, niluto sa hurnuhan, ang ginagamit sa mga dingding ng mga tirahan. Mga biga at mga tahilang sikomoro, enebro, at, partikular na sa mas matitibay na bahay, sedro, ang ginagamit.—Sol 1:17; Isa 9:10.
Nakahukay ang mga arkeologo ng mga guho ng iba’t ibang uri ng sinaunang mga tirahan sa Palestina. Kadalasan ay may isang pugon sa looban at kung minsan, mayroon ding balon o imbakang-tubig. (2Sa 17:18) Batay sa mga guho ng mga bahay na nasumpungan, makikita na malaki ang pagkakaiba-iba ng sukat ng mga ito. Ang isa ay mga 5 m (16 na piye) kuwadrado lamang, samantalang ang isa naman ay may sukat na 32 por 30 m (104 por 97 piye). Kadalasan, ang mga silid ay may sukat na mula sa 3.5 hanggang 4.5 m (12 hanggang 15 piye) kuwadrado.
May mga bahay na itinayo sa ibabaw ng malalapad na pader ng lunsod. (Jos 2:15) Ngunit lalong mabuti kung itinayo ang mga ito sa ibabaw ng batong-limpak (Mat 7:24), at karaniwan na, hindi pinasisimulan ang kayariang laryong putik hangga’t hindi nakapaglalatag ng dalawa o tatlong hanay ng mga bato. Kapag ang bahay ay hindi maitatayo sa isang batong-limpak, kadalasan ay naglalatag ng isang solidong pundasyon, anupat ang lalim niyaon ay kasintaas ng batong pader nito. Ang ilang pundasyon ay gawa sa malalaking bato na di-tinabas, at ang mga bitak niyaon ay pinupunan ng maliliit na bato; ang iba naman ay yari sa tinabas na mga bato. Ang mga guho ng isang bahay na yari sa laryong putik at nahukay ng mga arkeologo ay may kayariang bato na mahigit sa 0.5 m (1.5 piye) ang taas; sa isa pang bahay, ang mga bato ay umabot sa taas na mga 1 m (3 piye). Ang mga dingding ng ilang bahay ay may kapal na mga 1 m (3 piye). Kadalasan, isang uri ng kalburo ang ipinapahid sa labas ng mga dingding (Eze 13:11, 15), at kung minsan, ang mga dingding na yari sa laryong putik at nakaharap sa lansangan ay nilalatagan ng maliliit na bato upang maingatan ang pinakaibabaw ng mga ito.
Ang mga bato para sa pagtatayo ay pinagpapantay-pantay at pinagdurugtong sa pamamagitan ng mga batong-panulok na maingat na pinakinis at inilapat. (Ihambing ang Aw 118:22; Isa 28:16.) Noon, pinaghalong luwad at dayami ang karaniwang ginagamit bilang argamasa. Kung minsan ang halong ito ay may kasamang apog, abo, pinulbos na mga bibinga ng mga kagamitang luwad, dinikdik na mga kabibi, o batong-apog. Ipinapahid ito sa mga laryo o mga bato upang pagdikit-dikitin ang mga iyon, at ginagamit din itong palitada sa mga dingding sa loob. (Lev 14:41, 42) Gayunman, sa ilang kalagayan, eksaktung-eksakto ang pagkakatabas ng mga bato anupat hindi na kailangan ang argamasa.
Mga sahig. Ang mga sahig, pati sahig ng looban, ay yari sa siniksik na lupa o nilalatagan ng bato, laryo, o palitadang apog. Isang hukay sa sahig ang karaniwang nagsisilbing apuyan, ngunit mga brasero ang ginagamit upang painitin ang mas magagandang tahanan. (Jer 36:22, 23) Sa isang butas sa bubong lumalabas ang usok. (Os 13:3) Marahil, kahoy ang sahig ng mga silid sa malapalasyong mga bahay, gaya ng sahig sa templo.—1Ha 6:15.
Mga bintana. Noon, parihabang mga butas sa dingding ang nagsisilbing mga bintana. Ang ilan sa mga ito ay may kalakihan anupat makadaraan dito ang isang tao. (Jos 2:15; 1Sa 19:12; Gaw 20:9) Partikular na, ang mga bintanang nakaharap sa lansangan ay nilalagyan ng mga sala-sala.—Huk 5:28; Kaw 7:6.
Mga pinto. Karaniwan na, ang mga pinto ay gawa sa kahoy at pumipihit sa mga paikutan (Kaw 26:14) na nakalapat sa mga ukit na nasa bigang kahoy o bato at nasa pintuan. Dalawang posteng kahoy na patayo ang nagsisilbing mga hamba. (Exo 12:22, 23) Bagaman may ilang bahay na dalawa ang pasukang-daan, kadalasan ay isang pinto lamang ang mapapasukan mula sa lansangan patungo sa looban, at mula naman dito ang isa ay makapapasok sa lahat ng silid ng bahay.
Mga dekorasyon sa loob at muwebles. Sa mararangyang tahanan, ang mga dingding ng mga silid ay may entrepanyong sedro o iba pang mamahaling kahoy at pinapahiran ng sangkap na matingkad na pula. (Jer 22:14; Hag 1:4) Maliwanag na ang “mga bahay na garing” ng ilang mayayaman ay may mga silid na nilagyan ng entrepanyong kahoy at kinalupkupan ng garing. (1Ha 22:39; Am 3:15) Bukod sa iba’t ibang kagamitan sa pagluluto, mga sisidlan, mga basket, at iba pang mga gamit sa bahay, maaaring kabilang sa mga muwebles ng tahanan ang mga higaan o mga kama, mga silya, mga tuntungan, mga mesa, at mga patungan ng lampara. (Ihambing ang 2Sa 4:11; 2Ha 4:10; Aw 41:3; Mat 5:15.) Ang mga muwebles sa mga tahanan ng ilang mayayamang tao ay pinaganda ng mga kalupkop na garing, ginto, at pilak.—Ihambing ang Es 1:6; Am 3:12; 6:4.
Bubong at pang-itaas na silid. Karamihan ng mga bubong noon ay patag, at kahilingan sa Kautusan na ang mga bubong ng mga Israelita ay lagyan ng isang halang sa palibot upang maiwasan ang mga aksidente. (Deu 22:8) Kapag may kaunting dahilig ang bubong, makaaagos ang ulan pababa. Ang bubong ay nakapatong sa matitibay na bigang kahoy na nakalatag mula sa isang dingding hanggang sa kabilang dingding. Nakapatong nang pahalang sa mga bigang ito ang mas maliliit na tahilang kahoy, at ang mga ito naman ay tinatakpan ng mga sanga, mga tambo, at iba pang katulad nito. Pagkatapos ay tinatabunan ito ng isang suson ng lupa na mga ilang pulgada ang kapal—isang makapal na palitada ng luwad o ng pinaghalong luwad at apog. Madaling humukay ng butas sa ganitong bubong na yari sa luwad, gaya ng ginawa ng mga lalaking nagsikap na iharap kay Jesus ang isang paralitiko upang mapagaling ito. (Mar 2:4) Ang mga biga ng bubong ay sinusuportahan ng isang hanay ng mga posteng kahoy na patayo at nakapatong sa mga pundasyon na bato. Maaaring tubuan ng damo ang mga bubong na ito (Aw 129:6), at hindi maiiwasang tumulo ang mga bubong. (Kaw 19:13; 27:15; Ec 10:18) Malamang, bago dumating ang tag-ulan, kinukumpuni ang mga bubong at pinakikinis ang mga ito upang madaling umagos ang tubig.
Noon, sa mga bubong ginagawa ang maraming aktibidad kapuwa sa mapayapa at sa kapaha-pahamak na mga panahon. (Isa 22:1; Jer 48:38) Mula sa mga ito ay maaaring gumawa ng pagpapatalastas o mabilis na maipagbibigay-alam sa madla ang ilang pagkilos. (2Sa 16:22; Mat 10:27) Sa mga bubong pinatutuyo ang lino (Jos 2:6), at doon ang mga tao ay maaaring mag-usap (1Sa 9:25), maglakad sa isang malamig na gabi (2Sa 11:2), magsagawa ng tunay o huwad na pagsamba (Jer 19:13; Zef 1:5; Gaw 10:9), o matulog pa nga (1Sa 9:26). Kapag Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani, nagtatayo ng mga kubol sa mga bubong at sa mga looban ng mga bahay.—Ne 8:16.
Kadalasan ay nagtatayo ng isang silid-bubungan o pang-itaas na silid sa may bubungan ng bahay. Isa itong presko at malamig na silid na kadalasa’y nagsisilbing silid-pampanauhin. (Huk 3:20; 1Ha 17:19; 2Ha 1:2; 4:10) Sabihin pa, ang ilang tahanan ay mga gusaling dalawa ang palapag anupat may karaniwang itaas na palapag. Sa isang malaking silid sa itaas, maaaring isang silid-bubungan o isang silid na nasa itaas na palapag, ipinagdiwang ni Jesus ang huling Paskuwa kasama ng kaniyang mga alagad at pinasinayaan niya ang paggunita sa Hapunan ng Panginoon. (Luc 22:11, 12, 19, 20) At noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., lumilitaw na mga 120 alagad ang nasa isang silid sa itaas ng isang bahay sa Jerusalem nang ibuhos sa kanila ang espiritu ng Diyos.—Gaw 1:13-15; 2:1-4.
Kadalasan, mga hagdanan sa labas o, sa mas mahihirap na mga tahanan, mga hagdang kahoy ang ginagamit upang makaakyat sa bubong mula sa looban. Kaya naman, kung kinakailangan, ang isang taong nasa bubungan ng bahay ay maaaring lumisan nang hindi na pumapasok pa sa bahay mismo. Yamang maraming tahanan ang itinayo nang magkakatabi, kadalasan ay posibleng maglakad mula sa isang bubungan tungo sa kabila. Maaaring may kaugnayan ang mga salik na ito sa kahulugan ng payo ni Jesus na nasa Mateo 24:17 at Marcos 13:15. Sa mas malalaking bahay, may isang hagdanan sa loob na magagamit paakyat sa itaas na palapag.
Ipinagsanggalang ng Kautusan ang mga Karapatan sa Pag-aari. Layunin ni Jehova na tamasahin ng kaniyang masunuring bayan ang kasiyahan ng paninirahan sa sarili nilang mga bahay. (Ihambing ang Isa 65:21.) Isang kalamidad na sasapit sa mga masuwayin ay ang pagtira ng ibang tao sa bahay niyaong nagtayo nito. (Deu 28:30; Pan 5:2) At ang isang tao na hindi pa nakapagpapasinaya ng kaniyang bagong bahay ay eksemted sa paglilingkod militar.—Deu 20:5, 6.
May ilang probisyon sa kautusan ng Diyos sa Israel na nagsanggalang sa mga karapatan sa pag-aari. Hinatulan ng Kautusan ang pag-iimbot sa mga pag-aari ng iba, pati na sa bahay nito (Exo 20:17), at sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, tinuligsa ni Jehova ang di-matuwid na pang-aagaw ng mga bahay. (Mik 2:2; ihambing ang Ne 5:1-5, 11.) Ang isang tagapagpautang ay hindi maaaring sapilitang pumasok sa bahay ng may utang sa kaniya upang agawin ang isang panagot. (Deu 24:10, 11) Maaari namang tubusin ng isang Israelita ang bahay na pinabanal niya kay Jehova sa pamamagitan ng pagbabayad sa santuwaryo ng 120 porsiyento ng tinatayang halaga nito. (Lev 27:14, 15) Gayundin, kahit sa loob lamang ng ilang panahon, ang karapatang tumubos ay nananatili sa mga taong nangailangang ipagbili ang kanilang mga bahay. Ang mga bahay na nasa mga nayong walang pader ay maaaring tubusin ng orihinal na mga may-ari nito at kailangang isauli sa kanila sa taon ng Jubileo. Ngunit ang mga bahay na nasa mga lunsod na may pader ay nagiging permanenteng ari-arian ng bumili kung hindi tinubos ang mga ito sa loob ng itinakdang isang-taóng yugto kung kailan may bisa pa ang karapatang tumubos. Permanente naman ang karapatang tumubos sa kalagayan ng mga bahay na nasa napapaderang mga lunsod ng mga Levita. Kung hindi pa natutubos, lahat ng bahay na dating pag-aari ng mga Levita ay kailangang ibalik sa orihinal na mga may-ari nito sa taon ng Jubileo.—Lev 25:29-33.
Isang Dako Ukol sa Espirituwal na Pagtuturo. Mula pa noong sinaunang panahon, ang tahanan ay nagsilbing sentro na nagbibigay ng mga tagubilin ukol sa dalisay na pagsamba. Ang kautusan ng Diyos sa Israel ay espesipikong nag-utos sa mga ama na turuan ang kanilang mga anak kapag nakaupo sila sa bahay, at pati sa ibang mga pagkakataon. (Deu 6:6, 7; 11:19) Karagdagan pa, dapat isulat, lumilitaw na sa makasagisag na paraan, ang kautusan ng Diyos sa mga poste ng pinto ng kanilang mga bahay (Deu 6:9; 11:20), at ang tahanan ay dapat panatilihing malaya sa lahat ng mga kagamitan sa idolatriya. (Deu 7:26) Yamang ang tahanan ay ginagamit sa gayong sagradong layunin, dapat gibain ang mga bahay na nahawahan ng “malubhang ketong.” (Tingnan ang KETONG.) Ang kautusan may kinalaman sa mga bahay na may ketong ay magpapaalaala sa mga Israelita na maaari lamang silang manirahan sa mga tahanang malinis sa pangmalas ng Diyos.—Lev 14:33-57.
Nang maitatag ang Kristiyanismo, naging isang prominenteng bahagi ng tunay na pagsamba ang pangangaral at pagtuturo sa bahay-bahay. (Gaw 20:20) Nakinabang ang mga tagasunod ni Jesus sa pagkamapagpatuloy na iniukol sa kanila niyaong mga “karapat-dapat” o mga “kaibigan ng kapayapaan,” at nanatili sila sa mga bahay ng gayong mga tao hanggang sa matapos ang kanilang ministeryo sa isang partikular na lunsod. (Mat 10:11; Luc 10:6,7; tingnan ang MANGANGARAL, PANGANGARAL [“Sa Bahay-bahay”].) Noon, kadalasan na, ang mga grupo o mga kongregasyon ng mga Kristiyano ay regular na nagtitipon sa mga bahay upang isaalang-alang ang Salita ng Diyos. (Ro 16:5; 1Co 16:19; Col 4:15; Flm 2) Ngunit hindi tinatanggap sa mga pribadong tahanan ang sinumang tumalikod sa turo ng Kristo.—2Ju 10.