Mga Tampok sa Bibliya Esther 1:1–10:3
Iniligtas ng Diyos Buhat sa Pagkalipol
Ang gagawing paglipol ay mahusay ang pagkabalangkas: mga kabataan at matatanda, mga maliliit na bata at mga babae, lahat ay malilipol nang walang itinatangi. Walang sinoman na mangangahas na sumalungat sa pakana, sapagkat ang utos na lumipol ay mayroong taglay na tatak ng hari. Oo, ang mga Judio ay mangamamatay na tulad ng mga bakang walang magawa!
Halos ganiyan ang tingin ni Haman sa mga bagay-bagay, ang pangulong ministro ng sinaunang Persiya. Siya ang nagpakana ng gagawin na lansakang pagpatay na ito dahilan sa kaniyang sukdulang pagkapoot sa Judiong si Mardocheo. Subalit samantalang hinihintay ni Haman ang kaniyang kakamting tagumpay, ang bansang Judio ay nananalangin na sila’y iligtas. Ang resulta? Ito’y isinisiwalat sa madulang aklat sa Bibliya ng Esther. Ito’y isinulat ni Mardocheo at nagpapatibay-pananampalatayang paglalahad ng kung paanong ang makalangit na tulong—at ang pananampalataya ng isang babae—ay nagligtas sa isang bansa.
Si Esther ay Naging Reyna
Pakisuyong basahin ang Esther 1:1–2:23. Noong mga dakong 484 B.C.E., ang Persiyanong haring si Assuero (Xerxes I) ay nagbigay ng isang malaking bangkete. Subalit si Reyna Vasti ay tumangging makinig sa kaniyang pag-uutos na pumaroon doon. Nagalit ang hari at inalis siya sa kaniyang pagkareyna at humayo upang humanap ng isang bagong reyna. Pagkatapos na magmasid sa palibot sa pinakamagagandang mga babae sa kaharian, ang kaniyang pinili ay isang mayuming babaing Judio na nagngangalang Hadasa, na inihanda para sa pagkareyna ng kaniyang pinsan na si Mardocheo. Ang kaniyang pagiging Judio ay itinago ng dalagang ito, at ang kaniyang ginamit ay ang kaniyang pangalang Persiyano na Esther.
◆ 1:3-5—Bakit nga idinaos ang mga kapistahang ito?
Sang-ayon sa historyador na si Herodotus, si Xerxes ay minsang tumawag ng isang kapulungan upang magsaayos nga isang kampanyang militar laban sa Gresya. Marahil ay ito rin ang ganoong pagtitipon. Malamang, ipinagmalaki ni Xerxes ang kaluwalhatian at mga kayamanan ng kaniyang kaharian upang makombinsi ang mga taong maharlika ng kaniyang abilidad na isagawa ang kampanyang iyon laban sa Gresya.
◆ 1:8—Ano ba ang batas tungkol sa pag-inom?
Waring nga na ang mga Persiyano ay may kaugalian na manghimok sa isa’t-isa na uminom ng isang takdang dami ng alak sa gayong mga pagtitipon. Gayunman, ang hari ay gumawa ng pagtatangi sa okasyong ito. Kung ito baga ay nagbunga ng higit na katamtaman o walang-patumanggang pag-iinuman, hindi sinasabi iyan ng Bibliya.
◆ 2:19, 20—Bakit si Mardocheo ay ‘naupo sa pintuang bayan ng hari’?
Sa malas ay isa si Mardocheo sa mga opisyal ni Haring Assuero. Ang ganiyang mga lalaki na may autoridad ay karaniwan nang umuupo sa pintuang-bayan, naghihintay ng utos buhat sa hari. Tiyak na si Mardocheo ay nasa isang mataas na katungkulan. Sapagkat kung hindi, agad-agad marahil na siya ay pinaalis doon ni Haman. Sa gayo’y nasa katayuan si Mardocheo na maalaman at mahadlangan ang pakana na patayin ang hari.
Aral Para sa Atin: Si Esther ay nagpakita ng pagpapahalaga sa kahinhinan sa bagay na hindi siya humingi ng mga alahas o mararangyang kasuotan bago humarap sa hari. Hinayaan niyang ang lihim na pagkatao ng kaniyang puso, taglay ang “tahimik at mahinahong espiritu,” ang umakit sa hari. (1 Pedro 3:1-5) Gayundin naman, yaong mga kabilang sa mga pinahirang nalabi na tinitipon sapol pa noong 1919 ay ganoon nakaakit sa Haring si Jesu-Kristo.
Ang Pakana ni Haman
Basahin ang 3:1–5:14. Isang Amalekita na nagngangalang Haman ang ginawa ni Assuero na kaniyang pangulong ministro. Subalit alam ni Mardocheo na si Jehova ay desidido na “makipagdigma kay Amalek sa buong panahon ng lahing ito,” kaya siya’y tumanggang magpatirapa sa harap ni Haman. (Exodo 17:8-16) Bilang paghihiganti, ang hambog na si Haman ay nakapanaig sa hari upang gumawa ng hakbang upang lipulin ang mga Judio!
Hiniling ni Mardocheo kay Esther na ito’y mamagitan, at ipinaalaala kay Esther na, kung ito’y tatahimik, “ang katubusan at pagliligtas sa mga Judio ay manggagaling sa ibang dako.” Yamang ang nakataya ay ang kapalaran ng bayan ni Jehova at ang kaniyang kahatulan laban sa mga Amalekita, nagtitiwala si Mardocheo na ang Diyos ay gagawa ng paraan para sa kaligtasan. (1 Samuel 12:22) Si Esther ay humarap sa hari bagaman hindi siya ipinakakaon—na talagang isang kasalanan na karapatdapat sa kamatayan! Subalit, si Assuero ay nagkaloob pa rin sa kaniya ng buhay at ito’y dumalo sa isang bangkete na idinaos ni Esther. Umuwi si Haman at ganiyang na lang ang kaniyang galit nang mapag-alaman niya ang pagtanggi ni Mardocheo na magpatirapa sa kaniya, kaya siya’y nagplano na patayin ito.
◆ 3:7—Ano ba ang kasangkot sa pagpapalabunutan ng “Pur“?
Wari nga na ang “Pur” ay isang salitang Persiyano na ibig sabihin ay “palabunutan.” Ang palabunutan ay malimit na ginagawa ng mga astrologo bilang isang anyo ng divination o huwad na panghuhula. Marahil, ito’y ginagawa noon upang tiyakin ang pinakamainam na panahon para maisakatuparan ni Haman ang kaniyang balak na manlipol.
◆ 4:3—Bakit nag-ayuno si Mardocheo at ang mga Judio?
Sapagkat may napipintong sumapit na isang pambansang kalamidad, kaya naman ito’y isang panahon para sa mahalaga at taimtim na pag-iisip. (Eclesiastes 3:4) Kailangang-kailangan nila noon ang makalangit na patnubay. Kaya ang pag-aayuno ay nangangahulugan ng kanilang pagbaling kay Jehova para humingi ng kinakailangang lakas at karunungan. Pagka kayo nakaharap sa mga pagsubok, kayo ba rin naman ay nananalangin at bumabaling sa Diyos? —Hebreo 5:7.
◆ 5:6-8—Bakit ipinagpaliban ni Esther ang pagbibigay-alam sa hari?
Tunay na si Esther ay hindi nasiraan ng loob, yamang isinuong niya sa kamatayan ang kaniyang buhay. Datapuwat, marahil naging palagay-loob sa kaniya ang hari. Kaya, kaniyang inanyayahan ito sa ikalawang bangkete. Kasangkot din dito ang makalangit na patnubay, sapagkat ang kasunod na pagitan ng panahon ay nagbigay-daan sa mga ilang pangyayari.
Aral Para sa Atin: Si Esther ay nagpakita ng pananampalataya, lakas ng loob, at kaniyang sinunod ang payo ni Mardocheo. Yaong mga naging bahagi ng pinahirang nalabi sapol noong 1919 ay nagpakita ng nahahawig na pananampalataya, lakas ng loob, at sila’y handang gumawa kasama ng mas nakatatandang mga miyembro ng kasintahan ni Kristo. Napakainam na mga halimbawa nga!
Nahadlangan ang Pakana
Basahin ang 6:1–7:10. Si Assuero ay dumanas ng di-pagkakatulog, tiyak na ito’y kinasihan din ng langit. Marahil ay nadama niya na nagkaroon siya ng ilang pagkukulang, kaya naman iniutos niya na basahin sa kaniya ang aklat ng mga rekord, marahil ang talaarawan sa palasyo. Natuklasan niya na si Mardocheo ay hindi pala nabigyan ng kagantihan sa ginawa niyang paghahayag ng isang pakana na patayin ang hari, kaya hiniling ng hari kay Haman na ito’y magmungkahi ng isang angkop na gantimpala. Ginuniguni ni Haman na siya yaong bibigyan ng gamtimpala kaya siya’y nagmungkahi ng isang magarang seremonya. Subalit sa di niya sukat akalain iniutos sa kaniya na si Mardocheo ang bigyan ng gayong karangalan! Ang mga tagapayo kay Haman ay nag-isip na ito’y isang palatandaan na nagpapahiwatig ng kaniyang pagbagsak.
Hindi pa natatapos halos ang ganitong sinapit na kahihiyan ni Haman ay may mga eskorte na si Haman na naparoon sa ikalawang bangkete ni Esther. Doon ay inanyayahan ng hari si Esther na gumawa ng kahilingan. “Ibigay sana sa akin ang sarili kong kaluluwa sa aking kahilingan at ang aking bayan sa aking pakiusap,” ang pahayag ng matapang na reyna. Pagkatapos na isiwalat na siya’y isang Judio, kaniyang ibinunyag naman ang pakana ni Haman. Ganiyan na lang ang pangingilabot ni Haman kung kayat nagmakaawa siya na iligtas ang kaniyang buhay ngunit ang tinanggap niya, sa hari, ay kamatayan—doon sa mismong tulos na inilaan para kay Mardocheo!
◆ 7:4—Bakit ang pagkalipol ng mga Judio ay makapipinsala sa hari?
Kung sakaling ang naging pakana ni Haman ay ipagbili sa pagkaalipin ang mga Judio, malamang na ito’y magdadala ng malaking pakinabang para kay Assuero. Subalit ang pagkalipol ng isang buong bayan ay magdudulot ng kalugihan ng mas malaki pa kaysa 10,000 mga talentong pilak na ipinangako ni Haman na ibabayad. Kung sakaling nagtagumpay ang pakanang iyon sa paglipol pati ang hari ay mawawalan ng kaniyang reyna—napakalaking pinsala nga sa hari!
◆ 7:8—Bakit may takip ang mukha ni Haman?
Hindi tinakpan ni Haman ang kaniyang sariling mukha nang dahil sa kahihiyan o pagsisisi. Marahil ang mga opisyales sa palasyo ang nagtakip sa kaniyang mukha, at posibleng ito’y upang magpahiwatig ng kahiya-hiya o kapaha-pahamak na ginawa. Marahil ito ang unang hakbang sa katuparan ng sentensiyang kamatayan.
Aral Para sa Atin: Bagaman nanganganib ang kaniyang buhay, lakas-loob na isiniwalat ni Esther na siya’y isang Judio. Sapol noong 1931, ang bayan ng Diyos ay hindi rin naman natakot na sila’y pag-usigin nang dahil sa paghahayag na sila’y mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10-12) Kayo ba ay ganiyan ding kalakas-loob?
Iniligtas ang Bayan ng Diyos
Basahin ang 8:1–10:3. Si Mardocheo ay naging pangulong ministro kahalili ni Haman. Muli na namang isinapanganib ni Esther ang kaniyang buhay nang siya’y humarap sa hari bagamat hindi siya ipinakakaon at ipinakiusap niya na gumawa ng hakbang upang mapawalang-kabuluhan ang ginawang pakana ni Haman. Ang hari ay sumang-ayon at pinayagan niya si Mardocheo na magdikta ng isang kakontrang utos salig sa pangalan ni Assuero. Bagamat dahil sa kaugaliang Persiyano ang dating utos na paglipol ay hindi maaaring kanselahin, ang bagong batas ay nagpapahintulot sa mga Judio na ipagtanggol ang kanilang sarili.
Ganiyan na lang ang pagsasaya ng mga Judio! Sila’y hindi na mga mahihinang biktima ngayon, mayroon na silang mga ilang buwan na maaaring gugulin upang isaasyos ang kanilang pagtatanggol. Sa wakas, sumapit ang Adar (Pebrero-Marso) at ang ika-13 araw nito. Humigit-kumulang 75,000 na ‘naghahangad ipahamak’ ang mga Judio ang pinatay ng mga ito. Yamang baka makalimutan nila na ang tagumpay na ito ay galing kay Jehova, iniutos ni Mardocheo na ang taunang Kapistahan ng Purim ay ganapin sa ika-14 at ika-15 ng Adar.
◆ 8:5—Paano nagpakita si Esther ng mahusay na kaunawaan?
Maingat na pinagtimbang-timbang ni Esther ang kaniyang pananalita, siya’y dumulog sa hari na pawalang-saysay ang mga dokumento ng pakana ni Haman, “na sinulat niya [ni Haman].” Mataktika, iniwasan ni Esther ang anomang pagbanggit sa pananagutan ng hari sa bagay na ito. Ang mga Kristiyano ay mataktika rin naman pagka sila’y nagpapatotoo sa harap ng mga opisyales ng pamahalaan.
◆ 8:17—Paanong nag bayan ay ‘nagpahayag na sila’y mga Judio’?
Ang Septuagint ay nagsasabi na ang mga Persiyanong ito “ay nagpapatuli at pumapanig sa Judaismo.” Marahil itinuring ng maraming Persiyano na ang kakontrang utos ay tanda ng makalangit na pagtataguyod sa mga Judio, kaya naman sila’y naging mga proselitang Judio. Gayundin naman sa ngayon, “isang malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ang naninindigan kasama ng pinahirang nalabi.—Apocalipsis 7:9; Juan 10:16; Zacarias 8:23.
◆ 9:10, 15, 16—Bakit ang mga Judio ay hindi kumuha ng mga samsam?
Ang utos ng hari ay nagbigay sa kanila ng karapatan na kumuha ng mga samsam. Gayunman, ang kanilang pagtangging gawin iyon ay nagpapatotoo ng kanilang layunin na iligtas ang kanilang sarili, hindi ang magpayaman.
Aral Para sa Atin: Tulad ng mga Judio noong kaarawan ni Esther, ang mga Saksi ni Jehova ay angkop na umaapela sa mga pamahalaan at mga hukuman para bigyan sila ng proteksiyon buhat sa kanilang mga kaaway. Lalung-lalo na noong Digmaang Pandaigdig II kinailangan na gawin nila ito dahilan sa mga pag-atakeng dinanas ng bayan ng Diyos na ang nagsulsol ay mga klerigo. Sa pagpapala ni Jehova, maraming malalaking kaso sa hukuman ang naipagwagi nila.
Ang aklat ng Esther ay nagsisilbing isang bukal ng pag-asa at pampatibay-loob sa mga Saksi ni Jehova ngayon. Batid nila na dahilan sa matinding pagkapoot sa kanila ni Satanas ay malapit na itong humantong sa kaniyang lubus-lubusang pagtatangka na sila’y lipulin. Kung paano ililigtas sila ni Jehova sa panahong iyon iyan ay balang araw makikita pa natin. (Ezekiel 38:16-23) Subalit sila’y nagtitiwala na, gaya noong kaarawan ni Esther, hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan. Sa tamang panahon, kaniyang pangyayarihin ang kanilang “katubusan at kaligtasan.”