Labanan ang Propaganda ni Satanas
‘HUWAG kayong magpalinlang. Hindi kayo tutulungan ng Diyos n’yo. Sumuko na kayo kung ayaw n’yong mapahamak!’ Ito ang mensahe ni Rabsases, ang sugo ni Haring Senakerib ng Asirya, sa mga taga-Jerusalem. Nakubkob na ng hukbo ng hari ang lupain ng Juda. Layunin ng mensaheng iyon na takutin at pahinain ang loob ng mga taga-Jerusalem para sumuko sila.—2 Hari 18:28-35.
Kilala ang mga Asiryano sa pagiging brutal at malupit. Ipinamamalita nila ang nakapangingilabot na pagpapahirap sa kanilang mga bihag para sindakin ang kanilang mga kaaway. Ayon sa istoryador na si Philip Taylor, gumagamit sila ng “pananakot at propaganda para kontrolin ang mga nasasakop nila at sindakin ang mga posibleng lumaban sa kanila, anupat ipinangangalandakan kung gaano sila kalupit.” Ang propaganda ay isang napakalakas na sandata. “Isip ang pinupuntirya [nito],” ang sabi ni Taylor.
Ang mga tunay na Kristiyano ay “may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa . . . balakyot na mga puwersang espiritu,” samakatuwid nga, laban sa mga espiritung nilalang na naghimagsik sa Diyos. (Efe. 6:12) Pangunahin sa mga ito si Satanas na Diyablo. Nananakot din siya at gumagamit ng propaganda.
Inaangkin ni Satanas na kaya niyang sirain ang katapatan ng bawat isa sa atin. Ganito ang sinabi niya sa Diyos na Jehova noong kapanahunan ng patriyarkang si Job: “Ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” Pinalalabas ni Satanas na hindi mananatiling tapat sa Diyos ang tao kapag napaharap sa matinding panggigipit. (Job 2:4) Tama ba siya? Lahat nga ba tayo ay makikipagkompromiso kapag buhay na natin ang nakataya? Gusto ni Satanas na ganoon ang isipin natin. Kaya gumagamit siya ng tusong propaganda para isiksik ang ideyang iyon sa ating isip. Suriin natin kung anong mga pakana ang ginagamit niya at kung paano natin siya malalabanan.
Ang Kanilang “Pundasyon ay Nasa Alabok”
Ginamit ni Satanas si Elipaz, isa sa tatlong dumalaw kay Job, para igiit na walang kalaban-laban ang mga tao kay Satanas. Matapos tukuyin ang mga tao bilang “mga tumatahan sa mga bahay na luwad,” sinabi ni Elipaz kay Job: “Ang [kanilang] pundasyon ay nasa alabok! Sila ay mas madaling durugin ng isa kaysa sa isang tangà. Mula umaga hanggang gabi ay pinagdudurug-durog sila; kahit walang sinumang nagsasapuso niyaon ay nalilipol sila magpakailanman.”—Job 4:19, 20.
Sa isa pang talata sa Kasulatan, inihalintulad naman tayo sa marurupok na “sisidlang luwad.” (2 Cor. 4:7) Marupok tayo dahil sa minana nating kasalanan at di-kasakdalan. (Roma 5:12) Kung tayo lang, wala tayong laban kay Satanas. Pero bilang mga Kristiyano, makakaasa tayo sa tulong ni Jehova. Sa kabila ng ating mga kahinaan, mahalaga pa rin tayo sa paningin ng Diyos. (Isa. 43:4) Hindi lang iyan, nagbibigay rin si Jehova ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya. (Luc. 11:13) Dahil sa kaniyang espiritu, nagkakaroon tayo ng “lakas na higit sa karaniwan” anupat nakakayanan ang anumang pagsubok ni Satanas. (2 Cor. 4:7; Fil. 4:13) Kung maninindigan tayo laban sa Diyablo at magiging “matatag sa pananampalataya,” palalakasin tayo ng Diyos. (1 Ped. 5:8-10) Kaya hindi tayo dapat matakot kay Satanas na Diyablo.
Ang Tao ay “Umiinom ng Kalikuan”
“Ano ang taong mortal upang siya ay maging malinis, O ang sinumang ipinanganak ng isang babae upang siya ang maging tama?” ang sabi ni Elipaz. Idinagdag pa niya: ‘Narito! Sa kaniyang mga banal ay walang tiwala ang Diyos, at maging ang langit ay hindi malinis sa kaniyang paningin. Lalo pa nga kapag ang isa ay karima-rimarim at tiwali, isang tao na umiinom ng kalikuan na parang tubig!’ (Job 15:14-16) Sinasabi ni Elipaz kay Job na walang taong matuwid para kay Jehova. Sinasamantala rin ng Diyablo ang ating negatibong kaisipan. Gusto niyang mabagabag tayo dahil sa dati nating mga pagkakamali, maging mapanghatol sa sarili, at mawalan ng pag-asa. Gusto rin niyang isipin nating masyadong mataas ang inaasahan sa atin ni Jehova at na hindi tayo karapat-dapat sa Kaniyang pag-alalay, pagpapatawad, at awa.
Oo, tayong lahat ay “nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” Walang di-sakdal na tao ang makaaabot sa sakdal na mga pamantayan ni Jehova. (Roma 3:23; 7:21-23) Pero hindi ito nangangahulugang wala tayong halaga sa kaniya. Alam ni Jehova na sinasamantala ng ‘orihinal na serpiyente, na tinatawag na Diyablo at Satanas,’ ang ating pagiging makasalanan. (Apoc. 12:9, 10) Dahil batid ng Diyos na “tayo ay alabok,” pinagpapaumanhinan niya tayo at hindi ‘hinahanapan ng kamalian.’—Awit 103:8, 9, 14.
Kung iiwan natin ang ating makasalanang landasin at buong-pagsisising lalapit kay Jehova, “magpapatawad siya nang sagana.” (Isa. 55:7; Awit 51:17) Kahit na ang ating mga kasalanan ay “maging gaya ng iskarlata, ang mga ito ay mapapuputing gaya ng niyebe,” ang sabi ng Bibliya. (Isa. 1:18) Kaya huwag na huwag sana tayong titigil sa paggawa ng kalooban ng Diyos.
Makasalanan tayo, kaya hindi tayo kailanman magkakaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos kung sa sariling sikap lang. Naiwala nina Adan at Eva ang kasakdalan at ang pag-asang buhay na walang hanggan, at nadamay tayong lahat. (Roma 6:23) Pero dahil sa dakilang pag-ibig ni Jehova sa sangkatauhan, inilaan niya ang haing pantubos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Kung mananampalataya tayo sa haing ito, mapapatawad ang ating mga kasalanan. (Mat. 20:28; Juan 3:16) Isa ngang “di-sana-nararapat na kabaitan” mula sa Diyos! (Tito 2:11) May pag-asa pa tayo! Kaya huwag tayong magpadaya kay Satanas.
“Galawin Mo Siya Hanggang sa Kaniyang Buto at sa Kaniyang Laman”
Iginiit ni Satanas na mas mahalaga kay Job ang kalusugan kaysa sa katapatan sa Diyos. Hinamon ng Diyablo si Jehova: “Galawin mo siya hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.” (Job 2:5) Gustung-gusto ng Kaaway ng Diyos na madama nating wala na tayong silbi dahil matanda na tayo o may sakit.
Gayunman, hindi tayo itatakwil ni Jehova kahit hindi na tayo nakapaglilingkod na gaya ng dati. Paano kung may malapít tayong kaibigan na binugbog at malubhang nasaktan? Hindi na ba siya masyadong mahalaga sa atin dahil hindi na niya tayo natutulungan na gaya ng dati? Hinding-hindi! Mamahalin pa rin natin siya at pagmamalasakitan—lalo na kung nasaktan siya dahil sa pagtatanggol sa atin. Hindi ba’t gayon din ang aasahan natin kay Jehova? “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan,” ang sabi ng Bibliya.—Heb. 6:10.
Iniulat ng Kasulatan ang tungkol sa “isang nagdarahop na babaing balo” na maaaring matagal nang naglilingkod sa Diyos. Nang makita siya ni Jesus na naghulog ng “dalawang maliit na barya na napakaliit ng halaga” sa kabang-yaman ng templo, winalang-halaga kaya ni Jesus ang babaing iyon at ang kaniyang abuloy? Hindi. Sa halip, pinapurihan siya ni Jesus dahil ginawa niya ang kaniyang buong makakaya para suportahan ang tunay na pagsamba.—Luc. 21:1-4.
Kung mananatili tayong tapat, mananatili ring matibay ang ating kaugnayan kay Jehova, kahit kaunti na lang ang nagagawa natin dahil sa epekto ng di-kasakdalan, gaya ng pagtanda o pagkakasakit. Hindi kailanman iiwan ng Diyos ang mga tapat kahit limitado na ang kanilang paglilingkuran.—Awit 71:9, 17, 18.
Tanggapin “ang Helmet ng Kaligtasan”
Paano natin mapoproteksiyunan ang ating sarili mula sa propaganda ni Satanas? Isinulat ni apostol Pablo: “Patuloy kayong magtamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan. Isuot ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.” Bahagi ng espirituwal na kagayakang iyon “ang helmet ng kaligtasan.” (Efe. 6:10, 11, 17) Para maproteksiyunan mula sa propaganda ni Satanas, dapat nating tanggapin ang helmet na iyon at palagi itong isuot. Pinoproteksiyunan ng helmet ang ulo ng sundalo. Ang ating “pag-asa ng kaligtasan”—ang ating pagtitiwala sa katuparan ng mga pangako ng Diyos tungkol sa maluwalhating bagong sanlibutan—ang magbibigay ng proteksiyon sa ating isip mula sa mga kasinungalingan ni Satanas. (1 Tes. 5:8) Kailangan nating panatilihing matibay ang ating pag-asa sa pamamagitan ng masikap na personal na pag-aaral ng Kasulatan.
Tiniis ni Job ang malupit at mabangis na mga pag-atake ni Satanas. Napakatibay ng pananampalataya ni Job sa pagkabuhay-muli kung kaya hindi siya nasiraan ng loob kahit pa nanganib ang buhay niya. Sa halip, sinabi niya kay Jehova: “Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.” (Job 14:15) Handang mamatay si Job dahil nagtitiwala siyang iniibig ng Diyos ang Kaniyang mga tapat na lingkod at bubuhayin Niya silang muli.
Gayon din sana katibay ang pagtitiwala natin sa tunay na Diyos. Kayang-kayang pawiin ni Jehova ang anumang pinsalang maaaring idulot ni Satanas at ng kaniyang mga kampon. Tandaan din na tinitiyak sa atin ni Pablo: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”—1 Cor. 10:13.
[Larawan sa pahina 20]
Pinahahalagahan ni Jehova ang iyong tapat na paglilingkod
[Larawan sa pahina 21]
Tanggapin ang helmet ng kaligtasan at palagi itong isuot