Ang Bibliya—Isang Aklat ng Katotohanan
Noon pa man, maraming tao na ang naniniwalang ang Bibliya ay isang aklat ng katotohanan. Sa ngayon, milyon-milyon ang sumusunod sa mga turo nito. Pero para sa iba, ang Bibliya ay hindi na mahalaga at kathang-isip lang. Ano sa palagay mo? Totoo ba ang mga sinasabi ng Bibliya?
KUNG BAKIT KA MAKAKAPAGTIWALA SA BIBLIYA
Bakit ka makakapagtiwala sa Bibliya? Halimbawa, kung may kaibigan ka na laging nagsasabi ng totoo, hindi ba magtitiwala ka sa kaniya? Ang Bibliya ay gaya ng kaibigang iyan, lagi nitong sinasabi ang katotohanan. Tingnan ang ilang ebidensiya.
Tapat ang mga Manunulat Nito
Tapat ang mga manunulat ng Bibliya, inaamin pa nga nila ang kanilang mga pagkakamali. Halimbawa, isinulat ni propeta Jonas na sumuway siya sa Diyos. (Jonas 1:1-3) Sa katunayan, sa aklat ng Bibliya na ipinangalan sa kaniya, mababasa sa huling bahagi nito ang pagtutuwid sa kaniya ng Diyos pero hindi niya isinulat kung paano niya itinuwid ang sarili niya. (Jonas 4:1, 4, 10, 11) Ipinapakita ng katapatan ng lahat ng manunulat ng Bibliya na mahalaga sa kanila ang katotohanan.
Praktikal ang mga Payo Nito
Lagi bang praktikal ang mga payo ng Bibliya? Oo naman. Halimbawa, para mapanatiling maganda ang kaugnayan sa iba, sinasabi ng Bibliya: “Lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.” (Mateo 7:12) “Ang mahinahong sagot ay nakapapawi ng galit.” (Kawikaan 15:1) Oo, praktikal ang mga payo ng Bibliya mula noon hanggang ngayon.
Tama Pagdating sa Kasaysayan
Pinapatunayan ng maraming tuklas sa arkeolohiya na talagang umiral ang mga tao, at totoo ang mga lugar at pangyayari na binanggit sa Bibliya. Halimbawa, tingnan ang ebidensiya ng isang maliit na detalyeng binanggit ng Bibliya. Sinabi nito na noong panahon ni Nehemias, ang mga taga-Tiro (mga taga-Fenicia mula sa Tiro) na nakatira sa Jerusalem ay “nagpapasok ng isda at lahat ng klase ng paninda.”—Nehemias 13:16.
May ebidensiya ba na totoo ito? Mayroon. Ang mga arkeologo ay nakahukay sa Israel ng mga produkto mula sa Fenicia na nagpapakitang nagkaroon ng kalakalan sa pagitan ng dalawang sinaunang bansa. Bukod diyan, nahukay sa Jerusalem ang mga labi ng isda na mula sa Mediteraneo. Pinaniniwalaan ng mga arkeologo na ang mga isdang ito ay dala ng mga mangangalakal mula sa malayong baybayin. Matapos suriin ang ebidensiya, sinabi ng isang iskolar: “Ang sinabi sa Neh[emias] 13:16 na ang mga taga-Tiro ay nagbenta ng isda sa Jerusalem ay kapani-paniwala.”
Tama Pagdating sa Siyensiya
Ang Bibliya ay pangunahin nang isang aklat ng relihiyon at ng kasaysayan. Pero tama rin ang mga sinasabi nito tungkol sa siyensiya. Tingnan ang isang halimbawa.
Mga 3,500 taon na ang nakakalipas, sinabi ng Bibliya na ang mundo ay nakabitin “sa kawalan.” (Job 26:7) Ibang-iba ito sa mga alamat na nagsasabing ang mundo ay nakalutang sa tubig o nakapatong sa likod ng isang malaking pagong. Mga 1,100 taon matapos maisulat ang aklat ni Job, naniniwala pa rin ang mga tao na imposibleng nakabitin sa kawalan ang mundo at dapat na nakapatong ito sa isang bagay. Tatlong daang taon pa lang ang nakakaraan, noong 1687, inilathala ni Isaac Newton ang kaniyang tuklas tungkol sa grabidad at ipinaliwanag niya na ang mundo ay nananatili sa orbit dahil sa isang di-nakikitang puwersa. Mahigit 3,000 taon na itong nakasulat sa Bibliya bago pa natuklasan ng siyensiya!
Nagkatotoo ang mga Hula Nito
Natupad kahit ang kaliit-liitang detalye ng maraming hula sa Bibliya. Ang isang halimbawa ay ang hula ni Isaias tungkol sa pagbagsak ng Babilonya.
Hula: Noong ikawalong siglo B.C.E., inihula ng manunulat ng Bibliya na si Isaias na ang Babilonya—na magiging kabisera ng isang makapangyarihang imperyo—ay pababagsakin at hindi na muling titirhan. (Isaias 13:17-20) Pinangalanan pa nga ni Isaias ang mangunguna rito, si Ciro. Inilarawan din niya ang magiging taktika ni Ciro—“tutuyuin” nito ang ilog. At inihula niya na maiiwang bukas ang mga pintuang-daan ng lunsod.—Isaias 44:27–45:1.
Katuparan: Makalipas ang 200 taon mula nang ihula ito ni Isaias, nilusob ng isang hari ng Persia ang Babilonya. Sino ang haring ito? Si Ciro. Dahil matibay ang depensa ng Babilonya at mahirap itong pasukin, naisip ni Ciro na ilihis ang tubig ng Ilog Eufrates na umaagos sa palibot ng lunsod. Pinaghukay niya ang mga tauhan niya para dumaloy ang tubig papuntang latian. Bumaba nang hanggang hita ang tubig sa ilog kaya nakatawid ang hukbo ni Ciro. Ang kamangha-mangha, naiwang bukas ang pintuang-daan na nakaharap sa ilog! Pinasok ng hukbo ni Ciro ang Babilonya at pinabagsak ito.
Pero natupad din ba ang hula na hindi na muling titirhan ang Babilonya? Sa loob ng ilang daang taon, may mga tumira pa rin doon. Pero sa ngayon, ang mga guho ng Babilonya—malapit sa Baghdad, Iraq—ay nagpapatunay na natupad ang hula. Kaya makakapagtiwala rin tayo na matutupad ang mga hula ng Bibliya tungkol sa hinaharap.