Seksiyon 3
Tanging Bukál ng Mataas na Karunungan
1, 2. Bakit dapat nating suriin ang Bibliya?
1 Ang Bibliya ba ang ulat ng nakahihigit na karunungang iyon? Maibibigay kaya nito sa atin ang makatotohanang mga kasagutan sa mahahalagang tanong na may kaugnayan sa layunin ng buhay?
2 Tiyak na ang Bibliya ay karapat-dapat sa ating pagsusuri. Ang isang dahilan ay na ito ang pinakapambihirang aklat na kailanma’y natipon, ibang-iba sa anumang aklat. Isaalang-alang ang sumusunod na mga katotohanan.
Pinakamatanda, Pinakamalawak na Naipamahaging Aklat
3, 4. Gaano katanda ang Bibliya?
3 Ang Bibliya ang pinakamatandang aklat na kailanma’y nasulat, ang mga bahagi nito ay isinulat mga 3,500 taon na ang nakalipas. Ito’y maraming dantaong mas matanda kaysa anumang ibang aklat na itinuturing na sagrado. Ang una sa 66 na aklat na nilalaman nito ay isinulat mga sanlibong taon bago si Buddha at si Confucius at mga dalawang libong taon bago si Muḥammad.
4 Ang kasaysayang naiulat sa Bibliya ay mula pa noong pasimula ng sambahayan ng tao at ipinaliliwanag nito kung paano tayo napunta rito sa lupa. Dinadala pa nga tayo nito pabalik sa panahon bago ang mga tao ay nilalang, binibigyan tayo ng mga impormasyon tungkol sa paggawa ng lupa.
5. Ilang sinaunang mga manuskrito ng Bibliya ang umiiral, kung ihahambing sa sinaunang sekular na mga akda?
5 Ang ibang relihiyosong aklat, at mga aklat din na walang kaugnayan sa relihiyon, ay ilang kopya lamang ng kanilang matandang manuskrito ang natitirang umiiral. Halos 11,000 sulat-kamay na mga kopya ng Bibliya o mga bahagi nito ang umiiral sa Hebreo at Griego, ang ilan ay may petsang malapit sa panahon ng orihinal na pagsulat. Ang mga ito ay nakaligtas kahit na ang pinakamatinding maiisip na mga pagsalakay ay ginawa laban sa Bibliya.
6. Gaano kalawak na naipamahagi ang Bibliya?
6 Gayundin, ang Bibliya ang aklat na pinakamalawak na naipamahagi sa buong kasaysayan. Halos tatlong bilyong Bibliya o mga bahagi nito ay naipamahagi sa mga dalawang libong wika. Sinasabing 98 porsiyento ng sambahayan ng tao ay makababasa ng Bibliya sa kanilang sariling wika. Walang ibang aklat ang nakaaabot sa sirkulasyong iyan.
7. Ano ang masasabi tungkol sa kawastuan ng Bibliya?
7 Karagdagan pa, walang ibang sinaunang aklat ang maihahambing sa kawastuan ng Bibliya. Ang mga siyentipiko, mananalaysay, arkeologo, heograpo, mga dalubhasa sa wika, at iba pa ay patuloy na nagpapatunay sa mga ulat ng Bibliya.
Siyentipikong Kawastuan
8. Gaano kawasto ang Bibliya sa mga bagay may kaugnayan sa siyensiya?
8 Halimbawa, bagaman ang Bibliya ay hindi isinulat bilang isang aklat-aralin sa siyensiya, ito ay kasuwato ng tunay na siyensiya kapag binabanggit nito ang siyentipikong mga bagay. Subalit ang ibang sinaunang aklat na itinuturing na sagrado ay naglalaman ng siyentipikong mga alamat, kamalian, at tahasang mga kasinungalingan. Pansinin ang apat lamang sa maraming halimbawa ng siyentipikong kawastuan ng Bibliya:
9, 10. Sa halip na ipabanaag ang hindi makasiyentipikong mga palagay noong panahon nito, ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa alalay ng lupa?
9 Kung paanong ang lupa ay pinananatili sa kalawakan. Noong sinaunang panahon nang ang Bibliya ay isinusulat, maraming haka-haka tungkol sa kung paanong ang lupa ay pinananatili sa kalawakan. Ang ilan ay naniniwala na ang lupa ay inaalalayan ng apat na elepante na nakatayo sa isang malaking pawikan. Si Aristotle, isang pilosopo at siyentipikong Griego ng ikaapat na siglo B.C.E., ay nagturo na ang lupa ay hindi maaaring nakabitin sa hungkag na kalawakan. Sa halip, itinuro niya na ang makalangit na mga bagay ay nakapirmi sa isang matibay, naaaninag na mga bilog, na ang bawat bilog ay nakabaon sa loob ng isa pang bilog. Ipinalalagay na ang lupa ang nasa kaloob-loobang bilog, at ang pinakalabas na bilog naman ang humahawak sa mga bituin.
10 Gayunman, sa halip na ipabanaag ang hindi makatotohanan, hindi makasiyentipikong mga palagay na umiiral noong panahong ito’y isinusulat, payak na sinasabi ng Bibliya (noong mga taóng 1473 B.C.E.): “Ibinibitin [ng Diyos] ang lupa sa wala.” (Job 26:7) Sa orihinal na Hebreo, ang salita para sa “wala” na ginamit dito ay nangangahulugang “walang anumang bagay,” at ito lamang ang panahon na ito ay lumilitaw sa Bibliya. Ang larawan na inihaharap nito tungkol sa isang lupa na napaliligiran ng hungkag na kalawakan ay kinikilala ng mga iskolar bilang isang pambihirang pangitain sa panahon nito. Ang Theological Wordbook of the Old Testament ay nagsasabi: “Kapuna-punang inilalarawan ng Job 26:7 ang noo’y kilalang daigdig na nakabitin sa kalawakan, sa gayo’y naghihintay ng siyentipikong pagtuklas sa hinaharap.”
11, 12. Kailan naunawaan ng mga tao ang katotohanan ng Job 26:7?
11 Ang wastong pahayag ng Bibliya ay nauna pa kay Aristotle ng mahigit 1,100 taon. Gayunman, ang palagay ni Aristotle ay patuloy na itinuro bilang katotohanan sa loob ng mga 2,000 taon pagkamatay niya! Sa wakas, noong 1687 C.E., inilathala ni Sir Isaac Newton ang kaniyang mga tuklas na ang lupa ay pinananatili sa kalawakan may kaugnayan sa iba pang makalangit na mga bagay sa pamamagitan ng atraksiyon ng isa’t isa, yaon ay, ang grabidad. Subalit iyan ay halos 3,200 taon pagkatapos sabihin ng Bibliya nang may magandang kapayakan na ang lupa ay nakabitin “sa wala.”
12 Oo, halos 3,500 taon na ang nakalipas, may katumpakang sinabi ng Bibliya na ang lupa ay walang nakikitang alalay, isang katotohanan na kasuwato ng bagong naunawaang mga batas ng grabidad at pagkilos. “Kung paano nalaman ni Job ang katotohanan,” sabi ng isang iskolar, “ay isang tanong na hindi madaling sagutin niyaong ayaw maniwala sa pagkasi sa Banal na Kasulatan.”
13. Ano ang palagay ng mga tao tungkol sa hugis ng lupa mga dantaon na ang nakalipas, subalit ano ang bumago ng kanilang isipan?
13 Ang hugis ng lupa. Ganito ang sabi ng The Encyclopedia Americana: “Ang pinakamaagang kilalang larawan ng tao sa lupa ay na ito ay isang patag, matibay na plataporma sa gitna ng sansinukob. . . . Ang idea tungkol sa isang bilog na lupa ay hindi malawakang tinanggap kundi noong panahon ng Renaissance.” Ang ilang sinaunang maglalayag ay natakot pa nga na baka sila mahulog sa dulo ng patag na lupa. Subalit ang pagpapakilala ng kompas at iba pang pagsulong ay nagpangyari ng mas matagal na mga paglalayag sa karagatan. Ang “mga paglalayag ng pagtuklas” na ito, paliwanag ng isa pang ensayklopedia, “ay nagpakita na ang mundo ay bilog, hindi patag na gaya ng paniwala ng karamihan.”
14. Paano inilarawan ng Bibliya ang hugis ng lupa, at kailan?
14 Gayunman, bago pa ang mga paglalayag na iyon, mga 2,700 taon ang nakalipas, ang Bibliya ay nagsabi: “May Isa na nananahan sa ibabaw ng balantok ng lupa.” (Isaias 40:22) Ang salitang Hebreo na isinalin ditong “balantok” ay maaari ring mangahulugan na “bilog,” gaya ng binabanggit ng iba’t ibang reperensiyang akda. Kaya, ang ibang mga salin ng Bibliya ay nagsasabi, “ang globo ng lupa” (Douay Version) at, “ang bilog na lupa.”—Moffatt.
15. Bakit ang Bibliya ay hindi naimpluwensiyahan ng hindi makasiyentipikong mga palagay tungkol sa lupa?
15 Sa gayon, ang Bibliya ay hindi naimpluwensiyahan ng hindi makasiyentipikong mga palagay na laganap noong panahong iyon tungkol sa alalay ng lupa at sa hugis nito. Ang dahilan ay payak: Ang Awtor ng Bibliya ang siyang Awtor ng sansinukob. Nilalang niya ang lupa, kaya alam niya kung sa ano ito nakabitin at kung ano ang hugis nito. Kaya nga, nang kinasihan niya ang Bibliya, tiniyak niya na walang hindi makasiyentipikong mga palagay ang masasama rito, anuman ang pinaniniwalaan ng iba noong panahong iyon.
16. Paanong ang kayarian ng nabubuhay na mga bagay ay sumasang-ayon sa pangungusap ng Bibliya?
16 Ang sangkap ng nabubuhay na mga bagay. “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa,” sabi ng Genesis 2:7. Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi: “Lahat ng kemikal na mga elementong nasa nabubuhay na mga bagay ay makikita rin sa mga bagay na walang-buhay.” Kaya lahat ng mahalagang mga kemikal na nasa nabubuhay na mga organismo, pati na sa tao, ay nakikita rin sa lupa mismo. Ito’y kasuwato ng pangungusap sa Bibliya na nagpapakilala sa materyal na ginamit ng Diyos sa paglalang sa mga tao at sa lahat ng iba pang nabubuhay na bagay.
17. Ano ang katotohanan sa kung paano umiral ang nabubuhay na mga bagay?
17 “Ayon sa kani-kaniyang uri.” Binabanggit ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang unang mag-asawa at na sa kanila nagmula ang lahat ng iba pang tao. (Genesis 1:26-28; 3:20) Sinasabi nito na ang iba pang nabubuhay na bagay, gaya ng mga isda, mga ibon, at mga mamal, ay gayundin ang ginawa, nagpaparami “ayon sa kani-kaniyang uri.” (Genesis 1:11, 12, 21, 24, 25) Ito nga ang nasumpungan ng mga siyentipiko sa likas na paglalang, na ang bawat nabubuhay na bagay ay nanggagaling sa isang magulang na kauri. Walang eksepsiyon. Sa bagay na ito ay ganito ang sabi ng pisikóng si Raymo: “Ang buhay ay gumagawa ng buhay; ito ay nangyayari sa lahat ng panahon sa bawat selula. Subalit paano gumawa ng buhay ang walang-buhay? Isa ito sa pinakamalaking tanong na hindi pa nasasagot sa biyolohiya, at hanggang sa ngayon wala kundi mga hula lamang ang nagagawa ng mga biyologo. Sa paano man ay nagawa ng mga bagay na walang-buhay na maayos sa ganang sarili sa isang buháy na paraan. . . . Gayunpaman, malamang na wastong naipahayag ito ng awtor ng Genesis.”
Makasaysayang Kawastuan
18. Ano ang sinasabi ng isang abugado tungkol sa makasaysayang kawastuan ng Bibliya?
18 Ang Bibliya ay naglalaman ng pinakawastong sinaunang kasaysayan ng anumang aklat na umiiral. Ganito itinatampok ng aklat na A Lawyer Examines the Bible ang makasaysayang kawastuan nito: “Bagaman ang mga romansa, alamat at maling patotoo ay maingat na inilalagay ang mga pangyayaring nauugnay sa ilang malayong lugar at ilang di-tiyak na panahon, sa gayo’y nilalabag ang unang mga tuntunin kung saan kaming mga abugado ay natututo ng mahusay na pagsamo, na ‘ang pahayag ay kailangang magbigay ng panahon at lugar,’ ang mga salaysay ng Bibliya ay nagbibigay sa atin ng petsa at lugar ng nauugnay na mga bagay nang may katiyakan.”
19. Ano ang komento ng isang akda tungkol sa makasaysayang mga detalye ng Bibliya?
19 Ang The New Bible Dictionary ay nagkokomento: “[Ang manunulat ng Gawa] ay naglalahad ng kaniyang salaysay sa balangkas ng kapanahong kasaysayan; ang kaniyang mga pahina ay punô ng mga pagbanggit sa mga mahistrado ng lungsod, mga gobernador ng lalawigan, mga haring nasasakupan, at mga katulad niyaon, at ang mga pagbanggit na ito sa bawat panahon ay napatunayang tamang-tama sa lugar at panahon na pinag-uusapan.”
20, 21. Ano ang sinasabi ng isang iskolar ng Bibliya tungkol sa kasaysayan ng Bibliya?
20 Sumusulat sa The Union Bible Companion, si S. Austin Allibone ay nagsasabi: “Si Sir Isaac Newton . . . ay kilala rin bilang isang kritiko ng sinaunang mga akda, at maingat na sinuri ang Banal na Kasulatan. Ano ang kaniyang palagay tungkol sa puntong ito? ‘Nasusumpungan ko,’ aniya, ‘ang higit na tiyak na mga tanda ng katotohanan sa Bagong Tipan kaysa anumang ibang [sekular na] kasaysayan.’ Si Dr. Johnson ay nagsasabi na mas marami tayong katibayan na si Jesu-Kristo ay namatay sa Kalbaryo, gaya ng binabanggit sa mga Ebanghelyo, kaysa katibayang taglay natin na si Julius Caesar ay namatay sa Kapitolyo. Oo, marami tayong katibayan.”
21 Ganito pa ang sabi ng akda: “Tanungin mo ang sinuman na nagsasabing nag-aalinlangan sa katotohanan ng kasaysayan ng Ebanghelyo kung anong dahilan niya sa paniniwalang si Caesar ay namatay sa Kapitolyo, o na si Emperador Carlomagno ay pinutungan bilang Emperador ng Kanluran ni Papa Leo III noong 800? . . . Paano mo nalaman na ang taong gaya ni Charles I [ng Inglatera] ay nabuhay kailanman, at pinugutan ng ulo, at na si Oliver Cromwell ay naging pinuno na kahalili niya? . . . Si Sir Isaac Newton ay binibigyang-kredito sa pagkatuklas sa batas ng grabitasyon . . . Pinaniniwalaan natin ang lahat ng mga sinabi tungkol sa mga taong ito; at sapagkat mayroon tayong makasaysayang katibayan ng mga katotohanang ito. . . . Kung, sa paghaharap ng gayong patotoo na gaya nito, ang sinuman ay hindi pa rin maniniwala, hinahayaan namin sila bilang matigas ang ulong mangmang o walang pag-asang ignorante.”
22. Bakit ang ilan ay tumatangging tanggapin ang pagiging totoo ng Bibliya?
22 Pagkatapos ang akdang ito ay naghihinuha: “Kung gayon, ano ang masasabi namin tungkol sa kanila na, sa kabila ng saganang katibayang mayroon ngayon tungkol sa pagiging totoo ng Banal na Kasulatan, ipinahahayag ang kanilang mga sarili na hindi kumbinsido? . . . Tiyak na may dahilan tayo na maghinuha na ang puso sa halip na ang ulo ang may deperensiya;—na ayaw nilang maniwala sa bagay na magpapababa sa kanilang pagmamataas, at pipilit sa kanila na mamuhay ng kakaibang buhay.”
Panloob na Pagkakasuwato at Pagkaprangka
23, 24. Bakit lubhang pambihira ang panloob na pagkakasuwato ng Bibliya?
23 Isip-isipin na ang isang aklat na sinimulang isulat noong panahon ng Imperyong Romano, ay nagpatuloy hanggang noong Edad Medya, at nakumpleto noong ika-20 siglo, na maraming iba’t ibang manunulat ang nagsisulat. Anong resulta ang aasahan mo kung ang mga manunulat ay iba-iba sa kanilang trabaho na gaya ng mga sundalo, hari, saserdote, mangingisda, pastol, at mga doktor? Maaasahan mo ba ang aklat na maging magkakasuwato at magkakaugnay? ‘Malamang na hindi!’ maaaring sabihin mo. Buweno, ang Bibliya ay isinulat sa ilalim ng mga kalagayang ito. Gayunman, ito ay lubusang magkakasuwato, hindi lamang sa panlahat na mga idea kundi sa kaliit-liitang detalye rin.
24 Ang Bibliya ay isang koleksiyon ng 66 na aklat na isinulat sa isang yugto ng panahon na mahigit 1,600 taon ng mga 40 iba’t ibang manunulat, nagsimula noong 1513 B.C.E. at natapos noong 98 C.E. Ang mga manunulat ay buhat sa iba’t ibang katayuan sa buhay, at marami ay hindi nakikilala ang iba pang manunulat. Gayunman, ang aklat na nagawa ay sumusunod sa isang pangunahin, magkakaugnay na tema hanggang sa wakas, na para bang ginawa ng isang isipan. At salungat sa paniwala ng ilan, ang Bibliya ay hindi gawa ng Kanluraning sibilisasyon, kundi ito ay isinulat ng mga taga-Silangan.
25. Ang katapatan at pagkaprangka ng Bibliya ay nagtataguyod ng anong pag-aangkin ng mga manunulat ng Bibliya?
25 Bagaman ang karamihan ng sinaunang mga manunulat ay nag-uulat lamang ng kanilang mga tagumpay at kagalingan, hayagang inamin ng mga manunulat ng Bibliya ang kanila mismong mga pagkakamali, gayundin ang mga pagkukulang ng kanilang mga hari at lider. Iniuulat ng Bilang 20:1-13 at Deuteronomio 32:50-52 ang mga pagkukulang ni Moises, at isinulat niya ang mga aklat na iyon. Itinala ng Jonas 1:1-3 at 4:1 ang mga pagkakamali ni Jonas, na siyang sumulat ng mga ulat na iyon. Iniuulat ng Mateo 17:18-20; 18:1-6; 20:20-28; at Mat 26:56 ang hindi mabubuting katangian na ipinakita ng mga alagad ni Jesus. Sa gayon, ang katapatan at pagkaprangka ng mga manunulat ng Bibliya ay nagtataguyod sa kanilang pag-aangkin na sila ay kinasihan ng Diyos.
Ang Pinakapagkakakilanlang Tampok Nito
26, 27. Bakit ang Bibliya ay napakawasto sa siyentipiko at iba pang mga bagay?
26 Isinisiwalat mismo ng Bibliya kung bakit ito ay napakawasto sa siyentipiko, makasaysayan, at iba pang bagay at kung bakit ito ay lubhang magkakasuwato at tapat. Ipinakikita nito na ang Kataas-taasang Persona, ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylikha na gumawa sa sansinukob, ang Awtor ng Bibliya. Ginamit niya lamang ang mga taong manunulat ng Bibliya bilang kaniyang mga kalihim, inuugitan sila ng kaniyang makapangyarihang aktibong puwersa na isulat kung ano ang kinasihan niyang ipasulat sa kanila.
27 Sa Bibliya ay binabanggit ni apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.” At sinabi rin ni apostol Pablo: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na narinig ninyo sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito, gaya ng salita ng Diyos.”—2 Timoteo 3:16, 17; 1 Tesalonica 2:13.
28. Saan, kung gayon, nanggaling ang Bibliya?
28 Sa gayon, ang Bibliya ay galing sa isipan ng isang Awtor—ang Diyos. At taglay ang kaniyang nakasisindak na kapangyarihan, isang simpleng bagay para sa kaniya na tiyakin na ang katapatan ng naisulat ay maingatan hanggang sa ating panahon. Tungkol dito isang pangunahing awtoridad sa mga manuskrito ng Bibliya, si Sir Frederic Kenyon, noong 1940, ay nagsabi: “Napawi na ang kahuli-hulihang saligan sa pag-aalinlangan kung baga nakarating sa atin ang mga Kasulatan na gaya ng unang pagkasulat nito.”
29. Paano maaaring ilarawan ang kakayahan ng Diyos na makipagtalastasan?
29 Ang mga tao ay may kakayahang magpadala ng mga hudyat ng radyo at telebisyon sa lupa mula sa libu-libong milya sa kalawakan, kahit na mula sa buwan. Ang mga pagsisiyasat sa kalawakan ay nagpadala sa lupa ng pisikal na impormasyon at mga larawan mula sa mga planeta na daan-daang milyong milya ang layo. Tiyak na ang Maylikha ng tao, ang Maylikha ng mga alon ng radyo, ay higit pa ang magagawa. Tunay, isang simpleng bagay para sa kaniya na gamitin ang kaniyang makapangyarihan-sa-lahat na lakas upang ihatid ang mga salita at mga larawan sa isipan niyaong pinili niyang mag-ulat ng Bibliya.
30. Nais ba ng Diyos na malaman ng mga tao kung ano ang kaniyang layunin para sa kanila?
30 Higit pa riyan, maraming bagay tungkol sa lupa at sa buhay na naririto na nagpapatunay sa interes ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya nga, nais niyang tulungan ang mga tao na malaman kung sino siya at kung ano ang layunin niya para sa kanila sa pamamagitan ng maliwanag na paghahayag ng mga bagay na ito sa isang aklat—isang permanenteng dokumento.
31. Bakit makapupong nakahihigit ang isang kinasihang mensahe na naiulat kaysa impormasyon na ipinasa sa pamamagitan ng bibig?
31 Isaalang-alang din, ang kahigitan ng isang aklat na ang may-akda ay ang Diyos, kung ihahambing sa impormasyong ipinapasa ng mga tao sa pamamagitan lamang ng bibig. Ang bibigang komunikasyon ay hindi maaasahan, yamang papakahuluganán ng mga tao ang mensahe, at sa paglipas ng panahon, ang kahulugan nito ay mababago. Ihahatid nila ang impormasyon sa pamamagitan ng salitang binibigkas ayon sa kanilang sariling pangmalas. Subalit ang isang kinasihan-ng-Diyos, permanenteng nasusulat na ulat ay malamang na hindi magkaroon ng mga pagkakamali. Isa pa, ang aklat ay maaaring gawing-muli at isalin upang ang mga taong bumabasa ng iba’t ibang wika ay maaaring makinabang dito. Kaya hindi ba makatuwiran na ginamit ng ating Maylikha ang gayong paraan upang maglaan ng impormasyon? Oo, higit pa sa pagiging makatuwiran, yamang ang Maylikha ay nagsasabi na ito ang kaniyang ginawa.
Natupad na Hula
32-34. Ano ang nilalaman ng Bibliya na wala sa ibang aklat?
32 Karagdagan pa, ang Bibliya ay nagtataglay ng tanda ng pagkasi ng Diyos sa isang namumukod-tanging paraan: Isa itong aklat ng mga hula na nagkaroon at patuloy na nagkakaroon ng di-nagkakamaling katuparan.
33 Halimbawa, ang pagkawasak ng sinaunang Tiro, ang pagbagsak ng Babilonya, ang pagtatayong-muli ng Jerusalem, at ang pag-ahon at pagbagsak ng mga hari ng Medo-Persia at Gresya ay inihula nang detalyado sa Bibliya. Ang mga hula ay napakawasto anupat sinubok ng ilang kritiko, ngunit nabigo sila, na sabihin na ang mga ito ay isinulat pagkatapos maganap ang mga pangyayari.—Isaias 13:17-19; 44:27–45:1; Ezekiel 26:3-6; Daniel 8:1-7, 20-22.
34 Ang mga hula na ibinigay ni Jesus tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. ay tamang-tamang natupad. (Lucas 19:41-44; 21:20, 21) At ang mga hula tungkol sa “mga huling araw” na ibinigay ni Jesus at ni apostol Pablo ay detalyadong natutupad sa atin mismong panahon.—2 Timoteo 3:1-5, 13; Mateo 24; Marcos 13; Lucas 21.
35. Bakit ang hula ng Bibliya ay maaari lamang magmula sa Maylikha?
35 Walang isip ng tao, gaano man katalino, ang tamang-tamang makahuhula ng mga mangyayari sa hinaharap. Tanging ang isipan ng makapangyarihan-sa-lahat at matalino-sa-lahat na Maylikha ng sansinukob ang makagagawa niyaon, gaya ng mababasa natin sa 2 Pedro 1:20, 21: “Walang hula ng Kasulatan na buhat sa sariling pagpapakahulugan. Sapagkat ang hula’y hindi dumating kailanman dahil sa kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila’y inaakay ng banal na espiritu.”
Ito’y Nagbibigay ng Kasagutan
36. Ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya?
36 Kaya naman, sa maraming paraan, ang Bibliya ay nagtataglay ng katibayan ng pagiging kinasihang Salita ng Kataas-taasang Persona. Bilang gayon, sinasabi nito sa atin kung bakit ang mga tao ay nasa lupa, kung bakit napakaraming paghihirap, kung saan tayo patungo, at kung paanong ang mga kalagayan ay magbabago sa ikabubuti. Isinisiwalat nito sa atin na may isang kataas-taasang Diyos na lumikha sa mga tao at sa lupang ito sa isang layunin at na ang kaniyang layunin ay matutupad. (Isaias 14:24) Isinisiwalat din sa atin ng Bibliya kung ano ang tunay na relihiyon at kung paano natin masusumpungan ito. Kaya, ito lamang ang bukál ng nakahihigit na karunungan na makapagsasabi sa atin ng katotohanan tungkol sa lahat ng mahahalagang tanong tungkol sa buhay.—Awit 146:3; Kawikaan 3:5; Isaias 2:2-4.
37. Ano ang dapat itanong tungkol sa Sangkakristiyanuhan?
37 Bagaman may saganang katibayan sa pagiging totoo at pagkamatapat ng Bibliya, sinusunod ba ng lahat ng nagsasabing tinatanggap nila ito ang mga turo nito? Isaalang-alang, halimbawa, ang mga bansang nag-aangking nagsasagawa ng Kristiyanismo, alalaon baga, ang Sangkakristiyanuhan. Mayroon silang Bibliya sa loob ng maraming dantaon. Subalit tunay bang ipinababanaag ng kanilang pag-iisip at mga kilos ang nakahihigit na karunungan ng Diyos?
[Mga larawan sa pahina 11]
Si Sir Isaac Newton ay naniwala na ang lupa ay pinananatili sa kalawakan sa pamamagitan ng grabidad
Ang larawan na inihaharap ng Bibliya tungkol sa isang lupa na napaliligiran ng hungkag na kalawakan ay kinilala ng mga iskolar bilang isang pambihirang pangitain ng panahon nito
[Larawan sa pahina 12]
Ang ilang sinaunang mga maglalayag ay natakot pa nga na baka sila mahulog sa dulo ng patag na lupa
[Larawan sa pahina 13]
Mas maraming katibayan na si Jesu-Kristo ay umiral kaysa katibayan na si Julius Caesar, Emperador Carlomagno, Oliver Cromwell, o Papa Leo III ay nabuhay
[Larawan sa pahina 15]
Ang katuparan ng mga hulang ibinigay ni Jesus tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. ay pinatunayan ng Arko ni Tito sa Roma