Genesis
1 Nang pasimula ay nilalang* ng Diyos ang langit at ang lupa.+
2 Ang lupa noon ay walang anyo at walang laman, at madilim sa ibabaw ng malalim na katubigan,*+ at ang aktibong puwersa* ng Diyos+ ay gumagalaw sa ibabaw ng tubig.+
3 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag.” At nagkaroon ng liwanag.+ 4 Pagkatapos, nakita ng Diyos na ang liwanag ay mabuti, at pinaghiwalay ng Diyos ang liwanag at ang dilim. 5 Tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, pero ang dilim ay tinawag niyang Gabi.+ At lumipas ang gabi at ang umaga, ang unang araw.
6 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakan*+ sa pagitan ng mga tubig para mahiwalay ang tubig sa tubig.”+ 7 At iyon nga ang nangyari. Ginawa ng Diyos ang kalawakan; pinaghiwalay niya ang tubig kaya nagkaroon ng tubig sa ilalim ng kalawakan at sa ibabaw ng kalawakan.+ 8 Tinawag ng Diyos ang kalawakan na Langit.* At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikalawang araw.
9 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Matipon sa isang lugar ang tubig na nasa ilalim ng langit, at lumitaw ang tuyong lupa.”+ At iyon nga ang nangyari. 10 Tinawag ng Diyos ang tuyong bahagi na Lupa,+ pero ang natipong tubig ay tinawag niyang Dagat.+ At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.+ 11 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Tubuan ang lupa ng damo, mga halamang may binhi, at mga puno na ang bunga ay may buto, ayon sa kani-kanilang uri.” At iyon nga ang nangyari. 12 At ang lupa ay tinubuan ng damo, mga halamang may binhi,+ at mga puno na ang bunga ay may buto, ayon sa kani-kanilang uri. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. 13 At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikatlong araw.
14 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw*+ sa langit* para maghiwalay ang araw at ang gabi,+ at ang mga iyon ay magiging batayan* ng mga panahon at ng mga araw at taon.+ 15 Ang mga iyon ay magsisilbing tanglaw sa langit* para magbigay ng liwanag sa lupa.” At iyon nga ang nangyari. 16 At ginawa ng Diyos ang dalawang maliliwanag na tanglaw, ang isang tanglaw para sumikat nang maliwanag* kapag araw+ at ang isa pa para magbigay ng mahinang liwanag* kapag gabi. Ginawa rin niya ang mga bituin.+ 17 Inilagay ng Diyos ang mga iyon sa langit* para magbigay ng liwanag sa lupa, 18 para maging tanglaw sa araw at sa gabi, at para maghiwalay ang liwanag at ang dilim.+ At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. 19 At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikaapat na araw.
20 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa tubig ng maraming buháy na nilalang,* at magliparan sa ibabaw ng lupa ang lumilipad na mga nilalang sa langit.”*+ 21 At nilalang ng Diyos ayon sa kani-kanilang uri ang dambuhalang mga hayop sa dagat at lahat ng buháy na nilalang* na gumagalaw at lumalangoy nang sama-sama sa tubig, pati na ang bawat nilalang na may pakpak at lumilipad. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. 22 Pagkatapos, pinagpala sila ng Diyos at sinabi: “Magpakarami kayo at punuin ninyo ang tubig sa dagat,+ at magpakarami sa lupa ang lumilipad na mga nilalang.” 23 At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikalimang araw.
24 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng buháy na mga nilalang* ayon sa kani-kanilang uri—maaamong hayop, gumagapang na mga hayop,* at maiilap na hayop, ayon sa mga uri nito.”+ At iyon nga ang nangyari. 25 At nilikha ng Diyos ang maiilap na hayop sa lupa ayon sa mga uri nito, ang maaamong hayop ayon sa mga uri nito, at ang lahat ng gumagapang na hayop sa lupa ayon sa mga uri nito. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.
26 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Gawin natin+ ang tao ayon sa ating larawan,+ ayon sa ating wangis,*+ at sila ang mamamahala sa mga isda sa dagat at sa lumilipad na mga nilalang sa langit at sa maaamong hayop at sa bawat gumagapang na hayop sa ibabaw ng lupa, at pangangalagaan nila ang buong lupa.”+ 27 At nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, ayon sa larawan ng Diyos ay nilalang niya siya; nilalang niya sila na lalaki at babae.+ 28 Gayundin, pinagpala sila ng Diyos at sinabi: “Magpalaanakin kayo at magpakarami, punuin ninyo ang lupa+ at pangasiwaan iyon,+ at pamahalaan+ ninyo ang mga isda sa dagat at lumilipad na mga nilalang sa langit at bawat buháy na nilalang na gumagala sa ibabaw ng lupa.”
29 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng halamang may binhi na nasa ibabaw ng buong lupa at ang bawat puno na ang bunga ay may buto. Ang mga ito ay magiging pagkain para sa inyo.+ 30 At sa bawat mailap na hayop sa lupa at sa bawat lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat bagay na may buhay* na gumagala sa ibabaw ng lupa, ibinibigay ko ang lahat ng berdeng pananim bilang pagkain.”+ At iyon nga ang nangyari.
31 Pagkatapos, nakita ng Diyos ang lahat ng ginawa niya, at iyon ay napakabuti.+ At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikaanim na araw.