-
Ang Katapatan ni Job—Bakit Totoong Pambihira?Ang Bantayan—1986 | Marso 1
-
-
Ang Katapatan ni Job—Bakit Totoong Pambihira?
“Hanggang sa ako’y mamatay ay hindi ko aalisin sa akin ang aking pagtatapat!”—JOB 27:5.
1. Sino si Job, at paano natin nalalaman na siya ay isang tunay na tao?
SI Job ay isang kilalang tao sa kasaysayan. Siya’y hindi lamang totoong mayaman kundi siya’y iginagalang din noon bilang isang mahabaging hukom at tagapanguna. Sinasabi ng Bibliya na siya’y “naging ang pinakadakila sa lahat ng taga-Silangan.” (Job 1:3; 29:12-25) Siya’y nakilala, pati si Noe at si Daniel, bilang isang taong napakamatuwid. (Ezekiel 14:14, 20) Tinutukoy din ng Bibliya si Job bilang isang halimbawa para sundin ng mga Kristiyano, at sa gayo’y ipinakikita na siya’y isang tunay na tao sa kasaysayan.—Santiago 5:11.
2. Paano natin matitiyak kung kailan sinubok ni Satanas si Job?
2 Si Job ay nanirahan sa lupain ng Uz, na ngayo’y ang Arabia. Bagaman hindi Israelita, si Job ay isang mananamba kay Jehova, na itinawag-pansin ni Jehova kay Satanas. Ang sinabi ng Diyos na “walang gaya niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid” ay nagsisiwalat na walang ibang tanyag na lingkod ang Diyos na nabubuhay noong panahong iyon. (Job 1:8) Samakatuwid, ang pagsubok kay Job ni Satanas ay naganap samantalang ang kaniyang malalayo nang mga pininsan, ang mga Israelita, ay alipin sa Ehipto—noong mga taon pagkatapos na mamatay ang napatanyag sa katapatan na si Jose noong 1657 B.C.E. at bago pa pumasok si Moises sa kaniyang landasin ng katapatan.
3. Sino ang sumulat sa aklat ng Job, at bakit niya nakuha ang impormasyon?
3 Maliwanag na si Moises ang sumulat ng aklat ng Job. Ngunit paano kaya napag-alaman niya ang pagsubok kay Job? Bueno, pagkatapos na si Moises ay napilitang umalis sa Ehipto noong 1553 B.C.E. siya’y nanirahan sa Midian, hindi kalayuan sa lupain ng Uz. (Exodo 2:15-25; Gawa 7:23-30) Noon, si Job ay nasa katapusang 140 mga taon ng buhay na ipinagkaloob sa kaniya ni Jehova. (Job 42:16) Nang malaunan, na ang mga Israelita ay malapit na sa Uz nang matatapos na ang kanilang paglalakbay sa ilang, tiyak na nabalitaan ni Moises ang huling mga taon ng buhay ni Job at ang kaniyang kamatayan.
Ang Limitadong Kaalaman ni Job
4. (a) Ano ang maliwanag na pinanggalingan ng kaalaman ni Job tungkol kay Jehova, at bakit tiyak na nakipagtalastasan siya sa mga inapo ni Abraham at ni Isaac? (b) Paano ngang si Job ay isang tao na nakilala sa katapatan?
4 Nang subukin si Job, ang kaniyang kaalaman sa Diyos at sa kaniyang mga layunin ay limitado, sapagkat wala pang bahagi ng Bibliya na nasusulat noon. Gayunman, tiyak na napag-alaman ni Job ang tungkol sa pakikitungo ni Jehova kina Abraham, Isaac, Jacob, at Jose. Ito’y dahilan sa si Job ay maliwanag na isang inapo ng kapatid ni Abraham na si Nahor, sa pamamagitan ng panganay ni Nahor na si Uz. Isa pa, ang kapatid ni Uz ay si Bethuel, ang ama ng asawa ni Isaac na si Rebeca at lolo sa tuhod ni Jose. (Genesis 22:20-23) Tiyak na minahalaga ni Job ang anumang kaalaman niya tungkol sa pakikipagtalastasan ni Jehova kay Abraham at sa kaniyang mga inapo, at siya’y sabik na makalugod kay Jehova. Kaya naman si Job ay naging isang tao na may pambihirang katapatan, isang taong walang kapintasan at lubusang nakatalaga kay Jehova.
5. Ano, lalo na, ang dahilan kung bakit pambihira ang katapatan ni Job?
5 Noong bago pa lamang kamamatay ni Jose sa Ehipto, ang katapatan ni Job ay naging paksa ng tunggalian ni Jehovang Diyos at ni Satanas sa di-nakikitang kalangitan. Gayunman walang kaalaman si Job tungkol sa tunggaliang ito na nakasentro sa kaniyang katapatan. At ang kaniyang kawalang-alam, lalo na, sa kung bakit siya’y nagdurusa ang dahilan kung bakit pambihira ang katapatan ni Job. Sa kapakinabangan ng lahat ng mga lingkod ng Diyos kung kaya ipinasulat ni Jehova kay Moises ang detalye ng tunggalian may kinalaman sa katapatan ni Job.
Ang Usapin Tungkol sa Katapatan ni Job
6. (a) Paanong isang pagtitipon sa langit ang nagsiwalat na mayroong usapin ang Diyos at si Satanas? (b) Kailan nagsimula ang usaping ito, at ano ba ang usaping ito?
6 Sa aklat ng Job ay ipinasisilip sa atin ang kalangitan at nakikita natin ang isang pulong ng mga anghel na naganap sa harap ng Diyos na Jehova sa langit. Doon ay ipinaalaala ni Jehova kay Satanas, na naroroon din, na “walang gaya [ni Job] sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at humihiwalay sa kasamaan.” (Job 1:8) Maliwanag, may usapin noon na tungkol sa katapatan ni Job. Subalit ito’y hindi bago. Ang usapin ay ipinahiwatig ng italikod ni Satanas sa Diyos sina Adan at Eva, at, sa katunayan, nagsabi: ‘Bigyan lamang ako ng pagkakataon ay maitatalikod ko ang sinuman buhat sa paglilingkod sa iyo.’—Genesis 3:1-6.
7. Anong mga mungkahi ang napilitan si Satanas na ibigay tungkol sa katapatan ni Job, at paano hinamon ng Diyablo ang Diyos?
7 Ngayon, na nagaganap ang opisyal na pagtitipong ito sa langit, si Satanas ay obligado na nagbigay ng paliwanag tungkol sa katapatan ni Job. “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos?” ang tanong niya. “Hindi baga kinulong mo siya ng bakod at pati kaniyang sambahayan at lahat ng kaniyang pag-aari? . . . Ngunit, para mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay,” ang hamon ni Satanas, “at galawin ang lahat na taglay niya at tingnan mo kung hindi ka niya itatakwil nang mukhaan.”—Job 1:9-11.
8. (a) Paano tumugon si Jehova sa hamon ni Satanas? (b) Anong kakila-kilabot na mga dagok ang pinasapit ni Satanas kay Job?
8 Tinanggap ni Jehova ang hamon ni Satanas. Lubusang nagtitiwala siya sa katapatan ni Job at ang sagot kay Satanas: “Narito! Lahat ng mayroon siya ay nasa iyong kamay. Siya lamang ang huwag mong pagbubuhatan ng iyong kamay!” (Job 1:12) Dagling kumilos si Satanas laban kay Job. Tinangay ng mga tulisang Sabeo ang 1,000 mga baka at 500 mga asno, at pinagpapatay ang lahat ng kanilang mga bataan maliban sa isa. Pagkatapos ay nagpadala si Satanas ng apoy buhat sa langit upang supukin ang 7,000 mga tupa ni Job pati na ang kanilang mga tagapag-alaga, maliban sa isa. Pagkatapos ay pinapangyari ni Satanas na tatlong pangkat ng mga Caldeo ang tumangay sa 3,000 kamelyo ni Job at pinatay ang lahat ng mga tagapag-alaga maliban sa isa. Sa wakas, si Satanas ay nagpasapit ng malakas na hangin na tumama sa bahay na kung saan may kapistahan ang sampung anak ni Job, at namatay silang lahat. Pagkatapos, sunud-sunod, ang mga nakaligtas sa mga kapahamakang ito ay nagbigay-alam kay Job ng nakasisindak na balita.—Job 1:13-19.
9. Ano ang dahilan kung kaya ang mga kapahamakan ni Job ay lalo nang mahirap na tiisin, gayunman ay ano ang tugon ni Job?
9 Anong kalunus-lunos na mga kapahamakan! Kahit na alam ni Job kung sino ang nagpangyari nito, ito’y mahirap na tiisin. Ngunit hindi gayon para sa kaniya! Hindi niya alam na siya ang sentro ng isang usapin sa langit at siya’y ginagamit ni Jehova upang ipakita na mayroong mga tao na mananatili sa kanilang katapatan sa kabila ng lahat ng pagdurusa na maaaring pasapitin sa kanila ni Satanas. Gayunman, palibhasa’y nagdadalamhati at marahil iniisip na sa paanuman ang Diyos ay may bahagi sa kaniyang kasawian, si Job ay nagsabi: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis. Patuloy na purihin ang pangalan ni Jehova.” Oo, “sa lahat na ito ay hindi nagkasala si Job o inisip man niya na ginawan siya ng masama ng Diyos.”—Job 1:20-22.
10. (a) Ano pa ang hiniling ni Satanas na payagan siyang gawin kay Job, at bakit pumayag si Jehova na ipagkaloob ito? (b) Ano ngayon ang nangyari kay Job nang siya’y malagay na sa gayong abang kalagayan?
10 Anong laking kahihiyan para kay Satanas, sa isa pang pagtitipon ng mga anghel, naipaalaala ni Jehova tungkol kay Job: “Gayunman ay namamalagi siya sa kaniyang pagtatapat”! Subalit si Satanas ay hindi umurong. Ngayon ay naghahamon siya na kung siya’y bibigyan ng pagkakataon na pagbuhatan ng kamay si Job, mukhaang itatakwil ni Job ang Diyos. Palibhasa’y nagtitiwala sa katapatan ni Job kahit sa sukdulang ito, si Jehova ay pumayag, ngunit pinagsabihan si Satanas na ingatan ang buhay ni Job. Kaya’t ang ginawa ni Satanas ay ‘pinasibulan si Job ng masamang bukol mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa puyo ng kaniyang ulo.’ (Job 2:1-8) Si Job ay napauwi sa isang napakaabang karima-rimarim na kalagayan kung kaya’t nilayuan siya ng kaniyang mga kamag-anak at mga kaibigan, at tinuya siya ng kaniyang mga dating kakilala.—Job 12:4; 17:6; 19:13-19; 30:1, 10-12.
11. Ano pang dagok ang pinagtiisan ni Job, at ano ang dahilan kung bakit masasabing pambihira ang katapatan ni Job sa kabila ng lahat ng kaniyang pinagtiisan?
11 Pagkatapos ay may isa pang dagok! Nanghina ang pananampalataya ng asawa ni Job. Ang sabi nito sa kaniya: “Mamamalagi ka ba sa iyong katapatan? Itakwil mo ang Diyos at mamatay ka!” Subalit sinabi ni Job sa kaniya: “Gaya ng isang babaing hangal, ganiyan ka nagsasalita. Ang mabuti ba lamang ang tatanggapin natin sa tunay na Diyos at tayo’y hindi rin tatanggap ng masama?” Sinasabi ng ulat, “Sa lahat na ito ay hindi nagkasala si Job ng kaniyang mga labi.” (Job 2:9, 10) At pagka naalaala mo na ang dahilan para sa kaniyang pagdurusa ay hindi alam ni Job, tunay na pambihira ang kaniyang katapatan!
Isa Pang Anyo ng Pag-atake
12. (a) Sino yaong mga lalaki na naparoon upang umaliw kay Job? (b) Paano ginamit ni Satanas ang mga lalaking ito upang subukin pa si Job?
12 Ngunit si Satanas ay hindi pa nagkasiya riyan. Siya’y nagbangon ng tatlong lalaking kunwari’y marurunong at kilala nilang personal si Job o kaya’y kanilang nabalitaan ang kaniyang kabantugan bilang “ang pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan.” Maliwanag na sila’y makapupong may edad kaysa kay Job. (Job 1:3; 15:10; 32:6) Dalawa sa kanila ang malayo nang mga kamag-anak. Si Elipaz na Temanita ay isang inapo ni Abraham kay Teman, isang apo ni Esau, at si Bildad na Suhita ay isang inapo ng anak ni Abraham na si Sua. (Job 2:11; Genesis 36:15; 25:2) Si Sophar naman ay hindi tiyak ang pinanggalingang angkan. Tila nga ang tatlong ito ay naparoon upang umaliw kay Job, subalit ang totoo’y ginagamit sila ni Satanas upang sirain ang katapatan ni Job. Kung paanong ang pulitikal na mga tagapag-usisa na nagkukunwaring mga kaibigan ay nagtagumpay ng pagsira sa katapatan ng mga preso at ibinaling sila laban sa kanilang sariling mga pamahalaan, si Satanas ay umasa na si Job ay ibabaling laban sa kaniyang Diyos ng kaniyang “mga mang-aaliw.”—Job 16:2, 3.
13. (a) Ano ang ginawa ng mga bisita ni Job nang sila’y dumating? (b) Nang magsimula ang pag-uusap, ano ang kinalabasan niyaon?
13 Nang sila’y dumating, ang tatlong bisita ay pitong araw at pitong gabi na nagmasid kay Job sa kaniyang matinding hirap at labis na kahihiyan. (Job 2:12, 13) Si Elipaz, ang pinakamatanda marahil, ang naunang nagsalita, na ipinahiwatig ang takbo at temang paksa na ang kinalabasan ay isang tatlong-round na debate. Ang karamihan ng sinabi ni Elipaz, pati ng kaniyang mga kasama, ay mga paratang. Pagkatapos na bawat isa ng kaniyang mga tagapagparatang ay magsalita, si Job naman ay sumasagot, ibinubuwal ang kanilang mga argumento. Si Sophar ay hindi sumali sa ikatlong round ng debate, marahil inaakala niya na wala na siyang maidaragdag doon. Kaya si Sophar ay gumawa ng dalawa lamang pagpapahayag, samantalang si Elipaz at si Bildad ay gumawa ng tig-tatatlo.
14. Anong uri ng mga argumento ang ginamit ng tatlo laban kay Job, at paano ginamitan ni Satanas si Jesus ng nakakatulad na taktika?
14 Ang mga pahayag ni Elipaz ay mas mahahaba, at medyo malambot ang kaniyang pangungusap. Ang pangungusap ni Bildad ay mas masasakit, at ang kay Sophar ay lalo pang higit na gayon. Tuso ang pagkadisenyo ng kanilang mga argumento upang magtagumpay ang layunin ni Satanas na sirain ang katapatan ni Job. Malimit na ang sinasabi nila’y totoo naman, ngunit mali ang konteksto at ang pagkakapit. Ganoon ding taktika ang ginamit ni Satanas kay Jesus. Siya’y sumipi ng isang kasulatan na nagsasabing iingatan ng anghel ni Jehova ang kaniyang lingkod buhat sa kapahamakan, pagkatapos ay sinabihan ni Satanas si Jesus na patunayang siya’y anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapatihulog niya buhat sa templo. (Mateo 4:5-7; Awit 91:11, 12) Si Job, sa loob ng isang mahaba-habang panahon, ay napaharap sa ganoon ding pangangatuwiran ni Satanas.
15. Ano ang ikinatuwiran ni Elipaz na pinanggagalingan ng mga kapahamakan ni Job?
15 Sa kaniyang pambungad na pahayag, ikinatuwiran ni Elipaz na ang mga kapahamakan ni Job ay parusa ng Diyos sa kaniyang mga kasalanan. “Sino nga bang walang sala ang napahamak?” ang tanong niya. “Ayon sa aking nakita na, silang nagpapakana ng masama at silang naghahasik ng kapahamakan ang aani rin niyaon.” (Job 4:7, 8) Pagkatapos, sinabi ni Elipaz na hindi nagtitiwala ang Diyos sa kaniyang mga lingkod. “Sa kaniyang mga lingkod siya’y walang tiwala,” ang sabi ni Elipaz, “at ang kaniyang [mga anghel] ay inaari niyang mangmang. Gaano pa kaya sila na nagsisitahan sa mga bahay na putik.”—Job 4:18, 19.
16. Paano pinasundan ni Bildad ang paratang ni Elipaz, at anong maling paghahalimbawa ang ginamit niya?
16 Pinasundan ni Bildad ang berbalang paratang. “Kung ikaw ay malinis at matuwid,” aniya, “walang pagsalang ngayon [ang Diyos] ay gigising dahil sa iyo at kaniya ngang isasauli ang iyong matuwid na tahanang dako.” Binanggit ni Bildad na ang papiro at tambo ay natutuyo at namamatay kung walang tubig at totoo naman ang kaniyang sinabi na “lahat ng mga lumilimot sa Diyos” ay magkakaganoon din. Subalit anong laking kamalian na ang paghahalimbawang ito ay ikapit niya kay Job at sabihin pa, “Ang mismong pag-asa ng isang apostata ay mabibigo”!—Job 8:6, 11-13.
17. Ano ang lalong matinding pangungusap ni Sophar?
17 Ang pangungusap ni Sophar ay mas lalong matindi. ‘Oh magsalita sana ang Diyos at sabihin sa iyo ang kaniyang iniisip!’ ang sa katunayan, sinasabi niya. ‘Alam ng Diyos ang iyong ginawa. Mas magaan ang ipinaparusa niya sa iyo kaysa nararapat. Iwaksi mo ang lahat mong kasalanan pati lahat mong kasamaan, at ikaw ay matitiwasay at magkakaroon ng maraming kaibigan.’—Job 11:4-6, 14-20.
18. Sa pangalawang round ng debate, paano ipinagpatuloy ng tatlo ang kanilang pag-atake kay Job?
18 Sa pangalawang round ng debate, si Elipaz ay patuloy ng pag-atake sa katapatan ni Job. ‘Aba, kahit mga anghel ay hindi pinagtitiwalaan ng Diyos, gaano pa ang kagaya mo! Ang isang taong balakyot ay laging napapaharap sa suliranin.’ (Job 15:14-16, 20) Si Bildad, na pinagalit na ng katigasan ni Job sa pagsalungat sa kanilang mga argumento, sa katunayan, ay nagsasabi: ‘Ang ilaw mo ay papatayin. Lahat ng alaala ng iyong buhay ay mapapawi. Ganiyan ang nangyayari sa mga nakalilimot sa Diyos.’ (Job 18:5, 12, 13, 17-21) Si Sophar, na nagpapahiwatig tungkol sa nakalipas na kaunlaran ni Job, ay nagtatanong: ‘Hindi mo ba alam na ang kagalakan ng masama ay pansandalian, at ang pagsasaya ng apostata ay sandali lamang? Binibilad ng langit ang kasamaan ng mga balakyot.’—Job 20:4, 5, 26-29.
19. (a) Ayon kay Elipaz, anong halaga ang ibinibigay ng Diyos sa katapatan ng tao? (b) Paano tinapos ni Bildad ang pag-atake kay Job?
19 Bilang pasimula ng ikatlong round ng debate, si Elipaz ay nagtanong: ‘May halaga kaya sa Diyos ang sinumang tao? Kahit na kung ikaw ay walang kapintasan, iyon ba ay makabubuti sa Diyos? Manumbalik ka sa Diyos,’ aniya, ‘at ituwid mo ang iyong pamumuhay. Kung magkagayon ay tatanggapin ka uli.’ (Job 22:2, 3, 21-23) Tinatapos ni Bildad ang berbalang pag-atake. ‘Sino sa lupa ang makapangangalandakan na siya’y malinis?’ ang tanong niya. ‘Totoong maningning ang Diyos na kahit na ang buwan at mga bituin ay walang-wala sa kaniya. Gaano pa nga kaya ang tao, na mistulang isang uod lamang sa kaniyang paningin!’—Job 25:2-6.
Ang Pagtatanggol ni Job at Pagtutuwid sa Kaniya
20. (a) Paano sinagot ni Job ang argumento na ang pagdurusa ay parusang buhat sa Diyos para sa mga kasalanan? (b) Ano ang determinasyon ni Job, at paano natin nalalaman na ang kaniyang katapatan ay talagang mahalaga sa Diyos?
20 Sa kabila ng kaniyang kakila-kilabot na pagdurusa, saglit man ay hindi napadala si Job sa magdarayang mga argumento ng mga umuusig sa kaniya. Kung ang pagdurusa ay parusa buhat sa Diyos para sa mga kasalanan, ang tanong niya, “bakit nga ang mga balakyot ay patuloy na nabubuhay, sila’y tumatanda, at totoong yumayaman?” (Job 21:7-13) At salungat sa sinasabi ng mga tagapagparatang kay Job, minamahalaga ni Jehova ang mga nananatili sa katapatan at sa ganoo’y nagsisilbing kasagutan sa pangungutya ni Satanas na kaniyang maitatalikod ang sinuman sa paglilingkod sa Diyos. (Kawikaan 27:11; Awit 41:12) May pagtitiwala si Job sa kaniyang sariling katapatan, at ang bulalas: “Hanggang sa ako’y mamatay ay hindi ko aalisin sa akin ang aking pagtatapat!” (Job 27:5) Hindi, siya’y hindi gumawa ng anuman na karapat-dapat sa kapahamakan na sumapit sa kaniya.
21. Ano ang sinabi ni Elihu sa nagkunwaring mga mang-aaliw ni Job, at anong kailangang pagtutuwid ang ginawa niya kay Job?
21 Ang binatang si Elihu ay matamang nakikinig sa bawat salita ng mahabang debateng ito. Ngayon ay nagsasalita siya, sinasabi sa nagkunwaring mga mang-aaliw ni Job na anumang sinabi nila ay hindi nagpapatunay na si Job ay isang makasalanan. (Job 32:11, 12) Pagkatapos, si Elihu ay bumaling kay Job at ang sabi: “Ang iyong mga salita ay patuloy na naririnig ko, ‘Ako’y malinis at walang pagsalansang; ako’y walang sala, ni may kasamaan man sa akin. Narito! Siya’y nakasumpong ng kadahilanan laban sa akin, kaniyang itinuring ako na isang kaaway niya.’ . . . Dito ay nagkamali ka.” (Job 33:8-13; 6:29; 13:24, 27; 19:6-8) Oo, si Job ay totoong nabahala tungkol sa pagbabangong-puri sa kaniyang sarili. Gayunman, kailanman ay hindi niya sinumpa ang Diyos ni nawalan man siya ng pagtitiwala na gagawin ng Diyos ang matuwid.
22. (a) Pagkatapos makapakinig kay Jehova, ano ang tugon ni Job? (b) Ano ang hiniling ng Diyos sa nagkunwaring mga mang-aaliw ni Job, at ano ang kinalabasan para kay Job?
22 Isang bagyo ang nagsimula habang tinatapos ni Elihu ang kaniyang pahayag, at si Jehova mismo ang nagsalita buhat sa ipuipo: “Sino ito na nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salita na walang kawawaan? Bigkisan mo ang iyong mga balakang . . . Tatanungin kita, at sagutin mo ako.” Pagkatapos na makapakinig kay Jehova, kinilala ni Job na siya ay nagsalita nang padalus-dalos, na walang lubos na kaalaman, at nagsisi “sa alabok at mga abo.” Pagkatapos ay nagsalita si Jehova laban kay Elipaz at sa kaniyang dalawang kasama, sinabi kay Job na siya’y magsilbing tagapamagitan para sa kanila. Nang magkagayo’y nanumbalik sa dati si Job, at nagkaanak uli ng pitong lalaki at tatlong magagandang babae at nagkaroon siya ng makadobleng dami ng mga hayop. Siya’y nabuhay ng 140 mga taon pa, at sa wakas si Job ay namatay na “matanda na at nalubos ang mga araw.”—Job 38:1-4; 42:1-17.
23. Paano tayo dapat maapektuhan ng katapatan ni Job?
23 Tunay, si Job ay isang tao na may pambihirang katapatan! Siya’y walang paraan ng pagkaalam na siya pala’y tudlaan ng balakyot na hamon ni Satanas. Ito ang lalo pang nagpapatingkad sa kaniyang katapatan sapagkat kahit na ang paniwala niya’y sa Diyos galing ang lahat ng kaniyang pagdurusa, gayunman ay hindi niya itinakwil o isinumpa ang Diyos. Anong inam na aral ito para sa atin, yamang alam natin ang pinanggagalingan ng mga pagsubok sa ating katapatan! Tunay na dapat tayong maudyukan na tularan ang halimbawa ni Job at magpatuloy sa gawain ni Jehova anuman ang gawin sa atin ng Kaaway ng Diyos.
-
-
Ang Katapatan ni Job—Sino ang Makatutulad Doon?Ang Bantayan—1986 | Marso 1
-
-
Ang Katapatan ni Job—Sino ang Makatutulad Doon?
“Kaniyang titimbangin ako sa hustong timbangan at mababatid ng Diyos ang aking katapatan.”—JOB 31:6.
1. Bakit mabuti na isaalang-alang ang halimbawa ni Job, at anong mga tanong ang bumabangon?
SI Job ay may tiwala sa kaniyang katapatan, kaya’t tinanggap niya ang pagsusuri sa kaniya ng Diyos. Ang kaniyang halimbawa ay nagsisilbing mahusay na pampatibay-loob sa atin ngayon, lalo na ngayong si Satanas na Diyablo ay nagsisikap na sirain ang katapatan ng lahat ng naglilingkod sa Diyos. (1 Pedro 5:8) Sa pagkakilala rito, sinabi ng alagad na si Santiago na “kunan ninyong halimbawa ng pagbabata at pagtitiis ang mga propeta,” lalung-lalo na si Job. (Santiago 5:10, 11) Ngunit sino ang makatutulad sa katapatan ni Job? Tayo kaya? Sa paano nagbigay halimbawa si Job sa pag-iingat ng katapatan para sa atin?
2. (a) Ano ang kahulugan ng pangalang Job? (b) Ano ang matagumpay na naisagawa ng pananatili ni Job sa katapatan?
2 Ang pangalang Job ay nangangahulugang “Isang Kinapopootan,” at ganoon nga siya. Subalit nang ipagkaloob ni Jehova ang kahilingan ni Satanas at alisin ang proteksiyon na nakapalibot kay Job, walang nagawa si Satanas upang sirain ang katapatan ni Job sa Diyos. (Job 1:1–2:10) Sa ganoo’y nagbigay si Job ng kasagutan sa panunuya ni Satanas na ang sinuman ay maitatalikod niya sa paglilingkod sa Diyos. (Kawikaan 27:11) Sa pamamagitan ng kaniyang pananatiling tapat si Job ay, sa katunayan, nagpapahayag sa buong sansinukob, ‘Satanas, ikaw ay pusakal na sinungaling, sapagkat si Jehova ang aking Diyos, at ako’y mananatiling tapat sa kaniya anuman ang dumating!’—Job 27:5.
Yaong mga Katulad ni Job
3. Sino ang may proteksiyon sa langit, at anong mga tanong ang ibinangon tungkol sa kaniya?
3 Makahulugan nga, ang usapin sa pagitan ni Jehova at ni Satanas ay pansansinukob, ang kasangkot dito’y ang dako ng mga espiritu. Naroon sa langit, napalilibutan ng proteksiyon ni Jehova, ang ipinangakong “binhi” na gagamitin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng Kaniyang dakilang mga layunin. (Genesis 3:15) Subalit, kung alisin ang ‘nakapalibot na proteksiyon,’ ang isa kayang ito ay tunay na tutulad sa katapatan ni Job? Kaniya kayang ipakikilala na ang isang sakdal na tao, gaya ni Adan noon, ay mananatili sa sakdal na katapatan sa Diyos? (1 Corinto 15:45) Si Satanas ay gumawa ng paghahanda para ang “binhi” na ito ay paraanin sa pinakamahigpit na pagsubok pagka Siya’y naparito sa lupa.
4. (a) Sino ang naging pangunahing tudlaan ng pagkapoot ni Satanas, at paano natin nalalaman na sa kaniya’y inalis ng Diyos ang Kaniyang proteksiyon? (b) Anong kasagutan ang ibinigay ni Jesus tungkol kay Jehova?
4 Si Jesu-Kristo ang napatunayan na sinugong “binhi” galing sa langit. Kaya’t sa kaniya napatuon ang pansin ni Satanas, oo, siya ang pangunahing tudlaan ng pagkapoot ni Satanas. Bilang patotoo na inalis na ni Jehova ang kaniyang nakapalibot na proteksiyon, si Kristo ay sumigaw nang malakas nang siya’y nasa pahirapang tulos: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46; Awit 22:1) Bagama’t halatang-halata na inalis ng Diyos ang kaniyang proteksiyon, si Jesus, tulad ni Job, ay “hindi nagkasala o nag-isip man ng di nararapat kung tungkol sa Diyos.” (Job 1:22) Siya’y tumulad kay Job, nanatili sa sakdal na katapatan sa Diyos, at sa ganoo’y pinatunayan na ‘walang gaya niya sa lupa.’ (Job 1:8) Samakatuwid, kahit kay Jesus lamang ay mayroong lubusan at walang hanggang kasagutan ang Diyos na Jehova sa maling paratang ni Satanas na ang Diyos ay hindi makapaglalagay sa lupa ng isang tao na mananatiling tapat sa kaniya sa ilalim ng pinakamahigpit na pagsubok.
5. (a) Ano ang patuloy na ginagawa ni Satanas? (b) Ano ang ginawa ni Satanas nang siya’y paalisin sa langit?
5 Subalit dahil sa kagustuhan ng higit pang kasagutan, patuloy na sinusumbatan ni Satanas ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus, na, kasama ni Jesus, bubuo ng “binhi” ng tulad-babaing organisasyon ng Diyos. Sa paglalahad ng tungkol sa pagkatatag ng Kaharian sa langit, sinasabi ng Bibliya tungkol kay Satanas: “Ang tagapagparatang sa ating mga kapatid ay inihagis na, siyang nagpaparatang sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos!” Datapuwat, higit pa ang ginagawa ni Satanas kaysa magparatang lamang, siya’y gumagawa ng isang marahas na pag-atake! Ipinaliliwanag ng Bibliya na pagkatapos na siya’y palayasin sa langit, “ang dragon [si Satanas] ay nagalit sa babae, at humayo upang makipagbaka sa mga nalalabi ng kaniyang binhi, na tumutupad ng mga utos ng Diyos at may gawain na magpatotoo kay Jesus.”—Apocalipsis 12:7-12, 17.
6. (a) Sino sa ngayon ang nangunguna sa gawaing pangangaral, at sino ang sumasama sa kanila? (b) Ano ang sinisikap ni Satanas na gawin sa lahat ng mga ito?
6 “Ang mga nalalabi ng binhi [ng babae]” ay yaong pinahirang mga saksi ni Jehova na naririto pa sa lupa ngayon. Sila ang nangunguna sa gawain na “pagpapatotoo kay Jesus,” na hayagang nagbabalita sa buong daigdig na siya ngayon ay nakaluklok na Hari at sa hindi na magtatagal kaniyang wawakasan ang likong sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:14; Daniel 2:44) Ngunit sila’y hindi nag-iisa! Ngayon isang lubhang karamihan ng mahigit na tatlong milyong katao ang kasama nila at bumubuo ng isang nagkakaisang, pambuong daigdig, na organisasyon ng mga tapat. Lahat nitong mga tapat na ito ay naging tudlaan din ng walang lubay na pag-uusig ni Satanas, at ang kanilang makalangit na Amang si Jehova ay nalulugod sa kanilang katapatan.—2 Timoteo 3:12; Kawikaan 27:11.
7. Bakit tayo makapagtitiwala sa harap ng mga pag-atake ni Satanas?
7 Tunay na isang seryosong bagay na malaman na, gaya ng nangyari kay Job, ang atensiyon ng balakyot na si Satanas ay nakatuon sa atin na mga nagsisikap na manatiling tapat sa Diyos. Gayunman, hindi tayo dapat mabalisa. Bakit? Sapagkat “si Jehova ay lubhang magiliw magmahal at maawain” at “hindi ka niya iiwanan ni pababayaan ka man na lubusan.” (Santiago 5:11; Deuteronomio 31:6) Oo, tayo’y aalalayan ni Jehova. “Sapagkat sa mga nagsisilakad sa katapatan siya ay isang kalasag,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 2:7) Subalit, hindi ibig sabihin nito na hindi papayagan ni Jehova na tayo’y subukin. Papayagan niya ito, gaya ng ginawa niya kay Job. “Ngunit tapat ang Diyos, at hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman niya ang paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.”—1 Corinto 10:13.
Pagka Nasa Ilalim ng Pagsubok
8. Paano tayo makikinabang sa ngayon sa halimbawa ni Job?
8 Ang halimbawa ni Job ng katapatan ang lalo nang mapapakinabangan natin pagka tayo’y nakaharap sa mahihigpit na pagsubok. Napakahigpit ang pinagdaanang hirap ni Job kung kaya’t hiniling niya na sana’y mamatay na siya at mapakanlong sa Sheol, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Job 14:13) May mga taong ganiyan din ang nadarama sa ngayon, na sinasabing maaari nilang tularan ni Job nang siya’y naghihirap na mabuti. Marahil kung minsan ay nakadarama rin kayo ng ganiyan. Oo, ang pagbabasa tungkol sa kaniyang mga paghihirap ay maaaring makatulad ng pagtanggap ng pampatibay-loob buhat sa isang kaibigan na dumanas ng pagsubok na higit pang mahigpit kaysa dinaranas natin. Sa pagkaalam na mayroong isa na nakapagtiis, at nakakaunawa, tunay na tumutulong ito sa atin na magtiis.
9. Paano tayo nakikinabang sa pananatiling tapat ng mga iba?
9 Palibhasa’y alam niya ang ating mga pangangailangan, ipinasulat ni Jehova ang aklat ng Job upang tulungan tayo na manatiling tapat gaya ni Job. (Roma 15:4; Santiago 5:10, 11) Batid ng Diyos na kung paanong ang isang bahagi ng katawan ay umaasa sa iba ganoon din na kailangan ng kaniyang tapat na mga lingkod ang isa’t isa. (1 Corinto 12:20, 26) Alalahanin ang kamakailan na mga kombensiyon ng “mga Nag-iingat ng Katapatan” na dinaluhan ng angaw-angaw na mga mambabasa ng magasing ito. Naaalaala pa ng mga nakadalo ang kasarapan na kasa-kasama mo ang napakaraming ang pangunahing layunin sa buhay ay makapanatiling tapat sa Diyos. Anong laking pampatibay-loob sa pag-iinat ng katapatan para sa mga dumalo na malaman na ang maraming libu-libong kasa-kasama nila—samantalang nasa kanilang mga dakong pinaghahanapbuhayan o nasa paaralan sa kanilang sariling mga pamayanan—ay nananatiling tapat din sa ilalim ng mga pagsubok!—1 Pedro 5:9.
10. (a) Paanong ang isang tao’y maaaring mawalan ng tamang pangmalas? (b) Ano ang pinasimulan ni Job na pag-alinlanganan?
10 Subalit baka hindi tayo laging may tamang pangmalas, gaya rin ni Job noon. Ang isang taong dumaranas ng malaking hirap, at nanlulumo ang kaisipan, ay baka magsabi, ‘Oh, bakit ba naman ginagawa ito ng Diyos sa akin? Bakit niya pinahihintulutan ito na mangyari?’ Baka maisip pa niya, ‘Ano ba ang kabuluhan ng paglilingkod ko sa Diyos?’ Palibhasa’y hindi niya natatalos ang pinagmumulan ng kaniyang paghihirap, si Job ay nag-alinlangan sa kasalukuyang pakinabang sa pagiging matuwid, sapagkat ang mabubuti’y waring nagdurusa na gaya rin ng pagdurusa ng mga masasama, kung hindi man nakahihigit. (Job 9:22) Ayon kay Elihu, sinabi ni Job: “Ano ba ang mapapakinabang ko? Ano ba ang makakamit ko higit kaysa kung ako’y nagkasala?” (Job 35:3, An American Translation) Subalit hindi natin mapapayagan na tayo’y madaig ng ating sariling mga suliranin na anupa’t nawawala tayo sa wastong pangmalas at pinag-aalinlanganan natin ang halaga ng paglilingkod sa Diyos.
11. Anong mainam na pagtutuwid ang ginawa ni Elihu kay Job?
11 Si Elihu ang gumawa ng kailangang pagtutuwid kay Job, kaniyang itinuwid ang mga bagay sa pamamagitan ng pagtatawag-pansin sa totoong kataasan ni Jehova kay Job. (Job 35:4, 5) Ipinakita ni Elihu na, anuman ang mangyari, hindi natin dapat isipin na ang Diyos ay walang malasakit at mangangatuwiran tayo na matitikis natin Siya sa inaakalang pang-aapi na ginagawa Niya. “Kung aktuwal na magkakasala ka,” ang tanong ni Elihu kay Job, “ano ang naisasagawa mo laban sa kaniya? At kung ang iyong mga paghihimagsik ay dumami na, ano ang ginagawa mo sa kaniya?” (Job 35:6) Oo, kung titikisin mo ang Diyos sa pamamagitan ng pagtatakwil sa kaniyang mga daan o sa paglilingkod sa kaniya, ang sarili mo lamang ang pinipinsala mo, at hindi ang Diyos.
12. Paano ba naaapektuhan ang Diyos ng ating pananatiling tapat?
12 Sa kabilang dako, ipinakita ni Elihu na hindi naman personal na nakikinabang si Jehova kung matuwid ang ginagawa natin. Mangyari pa, ang Diyos ay nalulugod kung tayo’y mananatiling tapat, gayunman, sa anumang paraan ay hindi siya dumidepende sa ating pagsamba, gaya ng ipinakikita ng tanong ni Elihu kay Job: “Kung talagang nasa matuwid ka, ano ba ang ibinibigay mo sa kaniya, o ano ang tinatanggap niya sa iyong kamay?” (Job 35:7) Ang Diyos ang nagbigay sa atin ng buhay, at dahilan sa kaniya kaya tayo humihinga at kumikilos at nabubuhay. Siya ang may-ari ng lahat! (Gawa 17:25; 1 Cronica 29:14) Samakatuwid ang ating pagkamasama o ang ating pagkamatuwid ay hindi maaaring makaapekto nang personal sa Diyos.—Job 35:8.
Pagka Itinuwid
13. (a) Ano ang ikinilos ni Job sa ginawang pagtutuwid sa kaniya? (b) Ano ang suliranin nating lahat, kasali na ang litaw na mga Kristiyano na gaya ni Pedro?
13 Paano ang ikinilos ni Job nang siya’y ituwid, una muna ni Elihu at pagkatapos ay ni Jehova mismo? Kaniyang tinanggap iyon, nagsisi “sa alabok at mga abo.” (Job 42:6) Oo, si Job ay nagpakumbaba, kinilala niya ang kaniyang pagkakamali. At hindi baga hinahangaan natin ang gayong pagpapakumbaba? Ngunit kumusta naman tayo? Bagama’t tayo marahil ay matitibay na sa ating katapatan tulad ni Job, lahat tayo ay nagkakamali at nadudupilas sa anumang paraan. (Santiago 3:2; Galacia 2:11-14) Ano ang dapat nating gawin pagka ang ating pagkakamali o di kasakdalan ay itinawag-pansin sa atin, kahit na ng isang nakababata na tulad ni Elihu?—Job 32:4.
14. (a) Ano ang karaniwang hilig pagka ang isang tao ay itinuwid? (b) Ano ang isang dahilan ng mga kamalian o maling pasiya, at anong halimbawa ang ipinakita ni Job nang siya’y ituwid?
14 Hindi laging madali na tumanggap ng pagtutuwid. (Hebreo 12:11; Kawikaan 3:11, 12) Ang hilig ay ang ipangatuwiran ang ating sarili. Tulad ni Job, baka hindi natin sinadya ang pagsasabi o paggawa ng isang kamalian. Baka mabuti naman ang ating motibo. Subalit baka tayo’y nagsalita nang walang hustong kaalaman, at kulang ng unawa o ng pandamdam. Baka sa ating mga nasabi ay nahalata na ating ipinagmamataas ang ating lahi o bansa, o mahigpit tayo sa isang bagay na wala namang patotoo sa Kasulatan. Baka itinawag-pansin sa atin na sa ating sinabi ay nahahalata ang ating personal na punto-de-vista at iyon ay nakasakit sa iba sa sukdulang isinasapanganib ang kanilang espirituwalidad. Pagka tayo’y itinuwid, tayo ba’y tutulad kay Job at aaminin na tayo’y ‘nagsalita nang walang unawa’ at “babawiin” ang ating sinabi?—Job 42:3, 6.
Pagtitiwala sa Diyos, Hindi sa Kayamanan
15. Paano natin nalalaman na hindi sa kaniyang kayamanan nakalagak ang pagtitiwala ni Job?
15 Inilagay ni Bildad sa alanganin ang pinagtitiwalaan ni Job, ipinahiwatig niya na nakalimutan ni Job ang Diyos at na ang kaniyang tiwala’y nakalagak sa iba. (Job 8:13, 14) Gayunman bagama’t pinagpala si Job sa pagkakaroon ng maraming kayamanan, wala rito ang kaniyang pagtitiwala. Siya’y hindi natinag bahagya man sa kaniyang katapatan nang mawala ang lahat niyang ari-arian. (Job 1:21) Sa kaniyang huling pagtatanggol, sinabi ni Job: “Kung ang ginto ang pinaglagakan ko ng aking tiwala, o sa ginto’y sinabi ko, ‘Ikaw ang aking tiwala!’ Kung ako’y nagalak dahilan sa marami ang aking pag-aari, at dahilan sa nakasumpong ng maraming bagay ang aking kamay . . . iyan man ay kasamaan na bibigyan-pansin ng mga hukom, sapagkat itinakwil ko ang tunay na Diyos na nasa itaas.”—Job 31:24-28.
16. (a) Anong pagsusuri ang dapat nating gawin sa ating sarili? (b) Ano ang pangako ng Diyos sa mga nagtitiwala sa kaniya?
16 Kumusta naman tayo? Saan natin inilalagak ang ating tiwala—kay Jehova ba o sa mga kayamanan? Sakaling tayo’y tinimbang sa hustong timbangan, gaya ng ibig mangyari ni Job, matatalos kaya ng Diyos ang ating katapatan sa bagay na ito? Ang pangunahing bagay ba sa ating buhay ay talagang ang mabigyan si Jehova ng isang ulat ng katapatan ng sa gayo’y masagot niya ang mga pangungutya ni Satanas? O wala tayong higit na pinagkakaabalahan kundi ang masapatan ang ating hangarin sa mga kalayawan at ari-arian? Anong buti kung tayo’y makatutulad kay Job at pagagalakin ang puso ni Jehova sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kaniya, at hindi labis na pagpapahalaga sa ating sarili o sa mga kayamanan! Kung tayo’y magtitiwala kay Jehova, na inuuna ang kaniyang mga kapakanan, siya’y nangako na hindi tayo iiwanan o pababayaan.—Mateo 6:31-33; Hebreo 13:5, 6.
Kalinisang-Asal sa Sekso
17. Ano ang mga ipinahiwatig ng mga “mang-aaliw” kay Job, subalit ano ang sinabi ni Job tungkol sa kaniyang kalinisang-asal?
17 Ang mga bulaang tagaaliw kay Job ay hindi naman tuwirang nagparatang sa kaniya ng maling asal sa sekso, ngunit manakanaka ay kanilang ipinahihiwatig na siya’y nakagawa ng isang lihim na pagkakasala at doo’y pinarurusahan siya ng Diyos. Bilang isang taong maykaya, na “ang pinakadakila sa lahat ng taga-Silangan,” tiyak na nagkaroon si Job ng mga pagkakataon sa pakikiapid. (Job 1:3; 24:15) Ang mga ibang lingkod ng Diyos, bago at pagkaraan ng panahon ni Job, ay nangahulog sa tukso at sa pakikiapid. (Genesis 38:15-23; 2 Samuel 11:1-5) Subalit, ipinagtanggol ni Job ang kaniyang sarili laban sa anumang ipinahihiwatig na gayong pagkakasala, na ang sabi: “Ako’y nakipagtipan sa aking mga mata. Kaya paano nga akong titingin sa isang dalaga? Kung ang aking puso ay napadaya sa pang-aakit ng isang babae, at ako’y patuloy na bumakay sa pintuan ng aking kapuwa . . . iyon nga ay kalibugan, at isang kasamaan na pagbibigyan-pansin ng mga hukom.”—Job 31:1, 9-11.
18. Bakit napakahirap na manatili sa kalinisang-asal sa sekso, gayunman ay bakit tayo’y liligaya kung mananatili tayo rito?
18 Marahil ang pinakamatagumpay na paraan ni Satanas sa pagsira sa katapatan ng mga lingkod ng Diyos ay ang panghihikayat sa kanila na mangalunya. (Bilang, kabanata 25) Matutularan mo kaya ang katapatan ni Job sa pamamagitan ng hindi pagpapadala sa lahat ng panghihikayat upang makiapid? Ito nga’y isang hamon, lalo na sa haling-sa-seksong daigdig na ito na kung saan palasak ang imoralidad. Ngunit isip-isipin kung gaanong kabuti, pagka ikaw ay nagusulit na, na makapagsabi ka nang may pagtitiwala gaya ni Job: “Mababatid ng Diyos ang aking katapatan”!—Job 31:6.
Ano ang Tutulong sa Atin
19. Ano ang kailangan na tutulong sa atin na manatiling tapat?
19 Hindi madali na tularan ang katapatan ni Job, yamang si Satanas ay puspusang nagsisikap din ngayon na sirain ang ating katapatan gaya ng sinikap niyang gawin kay Job. Kung gayon, kailangan na isakbat natin ang hustong kasuotang baluti buhat sa Diyos. (Efeso 6:10-18) Kasangkot dito ang pagiging palaisip sa Diyos, gaya ni Job, na laging nag-iisip na palugdan Siya sa anumang gawin natin o ng ating pamilya. (Job 1:5) Kaya, ang pag-aaral ng Bibliya, ang regular na pakikisama sa mga kapananampalataya, at ang pangmadlang pagpapahayag ng ating pananampalataya ay kailangan.—2 Timoteo 2:15; Hebreo 10:25; Roma 10:10.
20. (a) Anong pag-asa ang aalalay sa atin sa panahon ng pagsubok? (b) Anong gantimpala para sa mga tapat na binanggit ng salmista ang maaaring tanggapin natin?
20 Ngunit ang lalo nang aalalay sa atin sa sandali ng pagsubok ay yaong umalalay kay Job—ang kaniyang pagtitiwala na ang buhay na ito’y hindi siyang lahat-lahat. “Kung ang isang malakas na tao ay mamatay mabubuhay pa kaya siya?” ang tanong ni Job. At ang sagot niya: “Ikaw ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo.” (Job 14:13-15) Ang pagkakaroon ng ganoon ding lubos na pagtitiwala na bubuhayin-muli ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod ay tutulong din sa atin na harapin ang anumang pagsubok na ipadaranas ni Satanas. (Hebreo 6:10) Noong sinaunang panahon ay sumulat ang salmista ng Bibliya: “Sa ganang akin, dahilan sa aking pagtatapat ay inalalayan mo ako, at iyong ilalagay ako sa harap ng iyong mukha magpakailanman.” (Awit 41:12) Harinawang iyan ang maging maligayang hinaharap ng bawat isa sa atin—ang tayo’y alalayan ni Jehova at ingatan tayo magpakailanman dahil sa pagiging kaniyang tapat na mga lingkod!
-