Dinadakila si Jehova ng Kamangha-manghang mga Bagay sa Sangnilalang
ANG Diyos na Jehova ay mas dakila kaysa sa maguguniguni ng di-sakdal na mga tao. Ang kaniyang mga nilalang sa lupa at sa langit ay nagbibigay ng kapurihan sa kaniya at ng dahilan upang manggilalas tayo.—Awit 19:1-4.
Bilang ang Maylalang at Soberano ng Sansinukob, talaga ngang karapat-dapat pakinggan si Jehova kapag nagsasalita siya. Subalit lalo tayong mamamangha kung makikipag-usap siya sa atin na mga hamak na tao lamang sa lupa! Ipagpalagay nang nakikipag-usap siya sa iyo sa pamamagitan marahil ng isang anghel. Tiyak na makikinig ka. Malamang na nakinig na mabuti ang matuwid na lalaking si Job nang makipag-usap sa kaniya ang Diyos mga 3,500 taon na ang nakalilipas. Ano ang matututuhan natin sa mga salita ng Diyos kay Job hinggil sa lupa at sa pisikal na langit?
Sino ang Nagtatag ng Lupa, at Sino ang Kumokontrol sa Dagat?
Mula sa isang buhawi, tinanong ng Diyos si Job tungkol sa lupa at sa dagat. (Job 38:1-11) Walang taong arkitekto ang nagpasiya kung ano ang dapat na sukat ng lupa at pagkatapos ay tumulong na gawin ito. Sa paraang inihahambing ang lupa sa isang gusali, tinanong ng Diyos si Job: “Sino ang naglatag ng batong-panulok niyaon?” Hindi ang tao! Ang mga anghelikong anak ng Diyos ay nagmasid at nagsaya nang lalangin ni Jehova ang planetang ito.
Ang dagat ay isang sanggol kung ihahambing sa Diyos, na siyang nagbihis dito ng kasuutan sa makasagisag na paraan. Ito’y “nagsimulang humugos na gaya ng pagsambulat mula sa bahay-bata.” Pinipigil ng Diyos ang dagat na parang may mga halang at nakakandadong mga pinto, at ang pagtaas at pagkati ng tubig ay nakadepende sa paghihilahan ng buwan at ng araw.
Ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang hangin ang lumilikha sa karamihan ng mga alon sa karagatan, mula sa maliliit hanggang sa malahiganteng mga alon na mahigit 100 piye (30 metro) ang taas. . . . Pagtigil ng hangin, patuloy pa rin ang mga alon sa paglalakbay sa karagatan at nakararating sa pagkalalayong lugar mula sa kanilang pinanggalingan. Ang mga ito’y nagiging mabagal at mahaba. Sa wakas, nararating ng mga alon ang dalampasigan, kung saan sumasalpok at nababasag ang mga ito.” Sumusunod ang dagat sa utos ng Diyos: “Hanggang dito ka makararating, at hindi na lalagpas pa; at dito ang hangganan ng iyong mga palalong alon.”
Sino ang Nagpapasikat sa Bukang-Liwayway?
Itinanong naman ng Diyos kay Job ang tungkol sa mga epekto ng liwanag at iba pang mga bagay. (Job 38:12-18) Walang taong makakakontrol sa pagsasalitan ng gabi at araw. Sa makasagisag na paraan, hinahawakan ng liwanag sa umaga ang mga dulo ng lupa at ipinapagpag mula roon ang mga balakyot. Maaaring gumawa ng masama ang mga makasalanan sa “kadiliman ng gabi.” (Job 24:15, 16) Subalit itinataboy ng bukang-liwayway ang maraming manggagawa ng kasamaan.
Sa kamay ng Diyos, ang liwanag sa umaga ay parang pantatak na pinagmumulan ng magandang tatak ng lupa. Lumilitaw ang maraming kulay dahil sa sinag ng araw, kung kaya ang globo ay parang nabibihisan ng napakagandang kasuutan. Si Job ay walang kinalaman dito at hindi siya nakalibot sa matubig na kalaliman upang magsagawa ng imbentaryo sa kayamanan nito. Aba, hanggang sa ngayon, limitado pa rin ang kaalaman ng mga mananaliksik tungkol sa buhay sa karagatan!
Sino ang May mga Imbakan ng Niyebe at Graniso?
Walang taong nakapaghatid ng alinman sa liwanag o kadiliman sa tahanan nito o nakapasok man sa mga imbakan ng niyebe at graniso na pinipigilan ng Diyos para sa “araw ng labanan at digmaan.” (Job 38:19-23) Nang gamitin ni Jehova ang graniso laban sa kaniyang mga kaaway sa Gibeon, “mas marami ang namatay sa mga batong graniso kaysa sa mga napatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.” (Josue 10:11) Maaari niyang gamitin ang mga batong graniso na di-matiyak ang laki upang puksain ang balakyot na mga tao na pinamumunuan ni Gog, o Satanas.—Ezekiel 38:18, 22.
Noong Hulyo 2002, ang mga batong graniso na kasinlalaki ng itlog ng manok ay kumitil ng 25 katao at sumugat sa 200 iba pa sa sentral Tsina sa Probinsiya ng Henan. Tungkol naman sa bagyo ng graniso noong 1545, ang Italyanong eskultor na si Benvenuto Cellini ay sumulat: “Isang araw ang distansiya namin noon sa Lyons . . . nang magsimulang kumulog nang napakalalakas mula sa kalangitan. . . . Pagkatapos ng pagkulog, narinig sa kalangitan ang napakalakas at nakapangingilabot na ingay anupat ang akala ko’y katapusan na ng mundo; kaya pinahinto ko sandali ang aking kabayo, habang nagsisimula nang umulan ng mga graniso na wala man lamang ni gapatak na tubig. . . . Ang mga graniso ay naging kasukat na ng malalaking limón. . . . Ilang sandali ring nagngalit ang bagyo, subalit humupa rin ito sa wakas . . . Nagpakitaan kami ng mga galos at sugat; ngunit sa dako pa roon na mga isang milya ang layo, nakita namin ang isang pagkawasak na mas masahol sa aming dinanas, anupat hindi ito mailarawan. Ang lahat ng punungkahoy ay nawalan ng mga dahon at nangabuwal; ang mga hayop sa kabukiran ay namatay; marami sa mga pastol ay namatay rin; napansin namin ang napakaraming batong graniso na bawat isa’y hindi magkakasya sa dalawang kamay.”—Autobiography (Aklat II, 50), Harvard Classics, Tomo 31, pahina 352-3.
Ano kaya ang mangyayari kapag binuksan na ni Jehova ang kaniyang imbakan ng niyebe at graniso laban sa kaniyang mga kaaway? Tiyak na hindi sila makaliligtas kapag ginamit ang niyebe at graniso sa pagsasakatuparan ng kaniyang kalooban.
Kaninong Gawa ang Ulan, Hamog, Nagyelong Hamog, at Yelo?
Itinanong naman ni Jehova kay Job ang tungkol sa ulan, hamog, nagyelong hamog, at yelo. (Job 38:24-30) Ang Diyos ang dakilang Tagapagpaulan, at maging ang “ilang na walang makalupang tao” ay nagtatamasa ng kaniyang pagpapala. Ang ulan, yelo, at nagyelong hamog ay walang amang tao o tagapagpasimulang tao.
Ang Nature Bulletin ay nagsasabi: “Ang pinakadi-pangkaraniwan at marahil pinakamahalagang katangian [ng yelo] ay na ang tubig ay umaalsa habang ito’y namumuo . . . Dahil sa namuo at lumulutang na yelo na nakatakip sa isang dagat-dagatan kapag taglamig, nananatiling buháy sa tubig na nasa ilalim ng yelo ang mga halaman at hayop na pantubig (isda, atbp.). Kapag . . . ang tubig ay naging masinsin at siksik habang ito’y namumuo, magiging mas mabigat ang yelo kaysa sa tubig at lulubog ito. Mamumuo ang mas maraming yelo sa ibabaw hanggang sa maging matigas na yelo ang buong dagat-dagatan. . . . Sa mas malalamig na bahagi ng daigdig, ang mga ilog, dagat-dagatan, lawa, at maging ang karagatan ay permanente nang magyeyelong lahat.”
Laking pasasalamat natin na hindi nagiging matigas na yelo ang mga katubigan sa iba’t ibang dako! At tiyak na nagpapahalaga tayo na ang mga gawa ni Jehova, na ulan at hamog, ay nagpapayabong ng mga pananim sa lupa.
Sino ang Nagtakda ng mga Batas ng Langit?
Itinanong naman ng Diyos kay Job ang tungkol sa mga langit. (Job 38:31-33) Ang konstelasyon ng Kima ay karaniwan nang tinutukoy bilang ang Pleiades, isang grupo na binubuo ng pitong malalaking bituin at maraming maliliit na bituin na mga 380 light-years ang layo sa araw. Hindi ‘maitatali ng tao nang mahigpit ang mga bigkis ng konstelasyon ng Kima,’ upang maging isang kumpol ang grupong iyon. Hindi ‘makakalag ng tao ang mga panali ng konstelasyon ng Kesil,’ na karaniwang tinutukoy bilang grupo ng mga bituin na tinatawag na Orion. Anuman ang kasalukuyang tawag sa mga konstelasyon ng Mazarot at Ash, ang mga ito’y hindi kayang kontrolin at patnubayan ng tao. Hindi kayang baguhin ng mga tao ang “mga batas ng langit,” ang mga kautusang umuugit sa uniberso.
Itinakda ng Diyos ang mga kautusang pumapatnubay sa mga bagay sa kalangitan, na nakaaapekto sa klima, sa paglaki at pagkati ng tubig, sa atmospera, at sa mismong pag-iral ng buhay sa planetang ito. Isaalang-alang natin ang araw. Tungkol dito, ang The Encyclopedia Americana (1996 Edisyon) ay nagsasabi: “Ang mga sinag ng araw ay nagbibigay sa lupa ng init at liwanag, tumutulong sa pagtubo ng mga halaman, nagiging dahilan ng ebaporasyon ng tubig mula sa karagatan at iba pang mga katubigan, may ginagampanang papel sa pagkakaroon ng hangin, at nagsasagawa ng marami pang ibang gawain na mahalaga sa pag-iral ng buhay sa lupa.” Ang reperensiyang akda ring ito ay nagsasabi: “Upang maunawaan ang napakalakas na puwersang taglay ng liwanag ng araw, kailangang isipin lamang ng isa na ang lahat ng puwersang taglay ng hangin at ng mga prinsa at ng mga ilog at ang lahat ng puwersang nasa likas na panggatong na gaya ng kahoy, karbon, at langis ay pawang enerhiya lamang ng liwanag ng araw na naimbak sa isang napakaliit na planeta [ang lupa] na 150 milyong kilometro ang layo mula sa araw.”
Sino ang Naglagay ng Karunungan sa mga Ulap?
Sinabi ni Jehova kay Job na isaalang-alang ang mga ulap. (Job 38:34-38) Hindi kayang utusan ng tao ang kahit isang ulap upang ito’y lumitaw at maglabas ng tubig nito. Ngunit napakalaki ng pangangailangan ng mga tao sa siklo ng tubig na itinatag ng Maylalang!
Ano ba ang siklo ng tubig? Ganito ang sabi ng isang reperensiyang akda: “Ang siklo ng tubig ay binubuo ng apat na magkakaibang yugto: pag-iimbak, ebaporasyon, pagpatak ng ulan, at pagdaloy sa mga batis. Ang tubig ay maaaring pansamantalang mapaimbak sa lupa; sa karagatan, lawa, at ilog; at sa nakatakip na mga yelo at glacier. Sumisingaw ito mula sa ibabaw ng lupa, naiipon sa mga ulap, bumabalik sa lupa bilang mga patak ng ulan (o niyebe), at sa dakong huli ay dumadaloy sa mga dagat o kaya naman ay muling sumisingaw tungo sa atmospera. Halos lahat ng tubig sa lupa ay nakaikot na nang di-mabilang na ulit sa siklong ito.”—Microsoft Encarta Reference Library 2005.
Ang mga ulap na punô ng tubig ay parang mga bangang imbakan ng tubig sa langit. Kapag itinagilid ni Jehova ang mga ito, maaaring bumuhos ang napakalakas na ulan anupat maglulusak ang mga alabok at magdikit-dikit ang mga kimpal ng lupa. Magagawa ng Diyos na umulan o pigilin ito.—Santiago 5:17, 18.
Karaniwan nang sinasabayan ng kidlat ang ulan, subalit hindi ito kayang gawin ng tao para masunod ang gusto niya. Ang mga kidlat ay parang nag-uulat sa Diyos at nagsasabi, “Narito na kami!” Ang Compton’s Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang kidlat ay nagdudulot ng malalaking kemikal na pagbabago sa atmospera. Kapag gumuhit ito sa hangin, naglalabas ito ng napakatinding init na nagiging sanhi ng pagsasanib ng nitroheno at oksiheno upang bumuo ng nitrate at iba pang mga pinagsanib na sangkap. Ang mga pinagsanib na sangkap na ito ay bumabagsak sa Lupa kasama ng ulan. Dahil dito, patuloy na nakatutulong ang atmospera sa pagdaragdag ng suplay ng sustansiyang kailangan ng lupa upang tumubo ang mga pananim.” Nananatili pa ring palaisipan sa tao ang tungkol sa kidlat ngunit hindi sa Diyos.
Nagdudulot ng Kapurihan sa Diyos ang Kamangha-manghang mga Bagay sa Sangnilalang
Tunay ngang dinadakila ng kamangha-manghang mga bagay sa sangnilalang ang Maylalang ng lahat ng bagay. (Apocalipsis 4:11) Tiyak na hangang-hanga si Job sa mga salita ni Jehova tungkol sa lupa at sa mga bagay sa langit na nasa kalawakan!
Hindi lamang ang katatalakay nating kamangha-manghang mga bagay sa sangnilalang ang mga tanong at paglalarawang iniharap kay Job. Gayunman, nauudyukan na tayo ng mga natalakay natin na bumulalas: “Masdan mo! Ang Diyos ay higit na dakila kaysa sa makakaya nating alamin.”—Job 36:26.
[Picture Credit Line sa pahina 14]
Taliptip ng niyebe: snowcrystals.net
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Pleiades: NASA, ESA and AURA/Caltech; isda: U.S. Fish & Wildlife Service, Washington, D.C./William W. Hartley