PAGSASAKA, MGA KAGAMITAN SA
Bagaman bumabanggit ang Bibliya ng iba’t ibang gawaing agrikultural, hindi nito detalyadong inilalarawan ang mga kagamitang ginamit noon sa pagsasaka. Gayunman, ang mga larawan ng mga kagamitan sa pagsasaka na nasa mga bantayog ng Ehipto at maging ang labí ng mga kagamitang natagpuan sa Ehipto at Palestina ay nagsisilbing kapupunan ng rekord ng Bibliya. Bukod diyan, malaki ang pagkakahawig ng mga ito sa simpleng mga kagamitan sa pagsasaka na ginagamit pa rin sa ilang bahagi ng Ehipto at Palestina.
Ang mga tinidor na ginamit noon sa pagtatahip (Isa 30:24; Jer 15:7), gaya niyaong mga ginamit nitong kalilipas na mga panahon, ay malamang na gawa sa kahoy at may ilang nakakurbang tulis.
Ang suyod ay hindi binabanggit sa Bibliya, ngunit ang pagsusuyod ay ipinakikitang naiiba sa pag-aararo. (Isa 28:24; Os 10:11) Pangunahing ginagamit ang makabagong suyod sa pagdurog at pagpatag ng lupa, bagaman ginagamit din ito sa paglalatag ng dayami, pagtatakip sa binhi, at pag-aalis ng mga panirang-damo. Noong sinaunang panahon, marahil ay isang tablang may pabigat o isang magaspang na kahoy ang kinakaladkad sa ibabaw ng inararong lupa upang durugin at patagin ang buu-buong lupa.
Ginamit ang asarol upang alisan ang lupa ng mga panirang-damo at malamang ay upang durugin din ang buu-buong lupa. Sa ilang makahulang talata, espesipikong binanggit ang paggamit ng mga asarol sa ubasan.—Isa 5:5, 6; 7:23-25.
Malamang na ginamit ang asada upang hukayin at bunutin ang mga ugat ng mga panirang-damo at upang buhaghagin ang lupa. Noong mga araw ni Saul, kabilang ito sa mga kasangkapan na kinailangang dalhin ng mga Israelita sa mga Filisteo upang ipahasa. (1Sa 13:20, 21) May natagpuang mga asadang bronse at bakal na kahawig ng makabagong asarol.
Ang simpleng kahoy na araro na ginagamit pa rin sa ilang bahagi ng mga lupain sa Bibliya ay walang gaanong ipinagbago sa paglipas ng mga siglo, gaya ng malinaw na makikita kung ihahambing ito sa mga larawan ng mga araro sa mga sinaunang bantayog at maging sa mga tapyas na luwad. Ang araro ay hindi kinakabitan ng mga gulong ni dinisenyo man ito para sa pagbubungkal ng mga tudling; binubuhaghag lamang nito ang lupa sa lalim na mga 8 o 10 sentimetro (3 o 4 na pulgada). Maliban sa metal na sudsod nito, ang araro ay gawa sa kahoy. (Ihambing ang 1Sa 13:20; 1Ha 19:19, 21; Isa 2:4.) Ang kalakhang bahagi ng araro ay isang kahoy na pinagkakabitan ng sudsod. Ang tanso at bronseng mga sudsod (sa katunayan, mga tulis lamang ng sudsod) na natagpuan sa paghuhukay sa Israel ay karaniwan nang may mga yupi dahil sa paggamit.—Tingnan ang PAG-AARARO.
Ang karit na pampungos ay espesipikong binabanggit sa Bibliya may kaugnayan sa pagpungos ng punong ubas. (Isa 18:5) Yamang sinasabi ng Kasulatan na ang mga sibat ay gagawing mga karit na pampungos, at ang mga karit na pampungos naman ay gagawing mga sibat, maaaring ang kasangkapang ito ay binubuo ng matalas na talim na hugis-kutsilyo na nakakabit sa isang hawakan anupat maaaring kahawig ng karaniwang karit.—Isa 2:4; Joe 3:10.
Ang karit ay pangunahin nang ginagamit noon sa paggapas ng nakatayong halamang butil, bagaman binabanggit din ng Bibliya ang paggamit ng karit kapag inaani ang bunga ng punong ubas. (Joe 3:13; Apo 14:18) Bahagyang nakakurba ang mga karit na natagpuan sa Israel. Ang ilang karit na natagpuan ay binubuo ng mga piraso ng batong pingkian na ginatlaan, pinagkabit-kabit at idinikit sa isang piraso ng kahoy o buto ng hayop sa pamamagitan ng bitumen. May natagpuan ding mga bakal na talim ng karit, at ang mga ito ay nakakabit sa isang hawakan sa pamamagitan ng mga rimatse o basta isinusuksok dito.
Ang panggiik na kareta ay dinisenyo upang ihiwalay ang mga butil mula sa mga uhay nito. Malamang na ang panggiik na karetang ginamit noon ay kahawig ng dalawang uri ng kareta na ginagamit pa rin ngayon sa ilang bahagi ng mga lupain sa Bibliya. Ang isa ay binubuo ng mga tablang pinagdugtung-dugtong na ang unahan ay nakatikwas. Ang ilalim nito ay may matatalas na bato o mga talim. (Ihambing ang 1Cr 21:23; Job 41:30; Isa 41:15.) Tumatayo sa kareta ang tagapagpatakbo bilang pabigat. Ang isang uri naman ay may upuan para sa tagapagpatakbo at binubuo ng isang mababang kaha ng kariton na may apat na kanto. Ikinakabit sa kahang ito ang dalawa o tatlong magkakahilerang panggulong na may makikitid na piraso ng bakal.—Ihambing ang Isa 28:27, 28.
Ang palang pantahip, malamang na yari sa kahoy, ay ginagamit noon sa pagsasaboy ng giniik na mga butil nang pasalungat sa hangin upang matangay ang dayami at ipa.—Mat 3:12.
Tingnan din ang AGRIKULTURA.