Ang Gantimpala ni Job—Pinagmumulan ng Pag-asa
“Pinagpala ni Jehova ang wakas ni Job pagkatapos nang higit kaysa kaniyang pasimula.”—JOB 42:12.
1. Ano ang ginagawa ni Jehova para sa kaniyang bayan, kahit na sila’y labis na pahinain ng mga pagsubok?
SI Jehova ay “nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Pinalakas din niya ang kaniyang tapat na bayan na magpatotoo nang may lakas-loob, kahit na sila’y halos mamatay na sa panghihina dahil sa mga pagsubok. (Job 26:5; Apocalipsis 11:3, 7, 11) Iyan ay napatunayang totoo sa nangyari sa nagdurusang si Job. Bagaman siniraan ng tatlong di-umano’y mga mang-aaliw, hindi siya napatahimik ng takot sa tao. Sa halip, siya’y nagbigay ng tahasang patotoo.
2. Bagaman sila’y dumanas ng pag-uusig at paghihirap, papaano nalampasan ng mga Saksi ni Jehova ang mga pagsubok sa kanila?
2 Maraming Saksi ni Jehova sa kasalukuyan ang dumanas ng gayong matitinding pag-uusig at paghihirap anupat sila’y nabingit sa kamatayan. (2 Corinto 11:23) Gayunman, gaya ni Job, sila’y nagpakita ng pag-ibig sa Diyos at gumawa ng matuwid. (Ezekiel 14:14, 20) Nalampasan din nila ang mga pagsubok taglay ang pasiyang paluguran si Jehova, napatibay na tahasang magpatotoo, at napuspos ng tunay na pag-asa.
Tahasang Nagpatotoo si Job
3. Anong uri ng patotoo ang ibinigay ni Job sa kaniyang huling pagsasalita?
3 Sa kaniyang huling pagsasalita, nagbigay si Job ng mas malaking patotoo kaysa sa ibinigay niya noon. Lubusan niyang napatahimik ang kaniyang di-umano’y mga mang-aaliw. May bahid ng masakit na panunuya, sinabi niya: “O anong laking tulong ninyo sa isang walang lakas!” (Job 26:2) Pinuring mabuti ni Job si Jehova, na dahil sa kapangyarihan ay ibinitin sa wala ang ating makalupang globo at pinigil ang mga ulap na punung-puno ng tubig sa ibabaw ng lupa. (Job 26:7-9) Gayunman, sinabi ni Job na ang gayong mga kababalaghan ‘ay wala kundi mga palawit lamang ng mga daan ni Jehova.’—Job 26:14.
4. Ano ang sinabi ni Job tungkol sa katapatan, at bakit maihahayag niya ang kaniyang sarili sa gayong paraan?
4 Palibhasa’y nakatitiyak na siya’y walang kasalanan, nagpahayag si Job: “Hanggang sa ako’y mamatay ay hindi ko aalisin sa akin ang aking pagtatapat!” (Job 27:5) Taliwas sa mga maling paratang na ipinaulan sa kaniya, wala siyang nagawang anuman upang marapatin ang nangyari sa kaniya. Alam ni Job na si Jehova ay hindi nakikinig sa mga panalangin ng mga apostata, subalit gagantimpalaan naman ang mga tagapag-ingat ng katapatan. Ito’y lubusang nagpapaalaala sa atin na di na magtatagal at bubunutin ang mga balakyot mula sa kinalalagyang kapangyarihan pagsapit ng unos ng Armagedon, at hindi nila matatakasan ang mahigpit na mga kamay ng Diyos. Hanggang sa panahong iyon, ang bayan ni Jehova ay lalakad sa kanilang katapatan.—Job 27:11-23.
5. Papaano ipinaliwanag ni Job ang tunay na karunungan?
5 Gunigunihin ang tatlong marurunong sa sanlibutan na nakikinig habang ipinaliliwanag ni Job na ang tao’y gumagamit ng kaniyang mga kakayahan upang humanap ng ginto, pilak, at iba pang kayamanan sa lupa at sa dagat. “Subalit,” sinabi niya, “ang isang supot na punô ng karunungan ay mas mahalaga kaysa sa isang punô ng mga perlas.” (Job 28:18) Hindi makabibili ng tunay na karunungan ang di-umano’y mga mang-aaliw ni Job. Ang pinagmumulan nito ay ang Maylikha ng hangin, ng ulan, ng kidlat, at ng kulog. Tunay, ang may-pagpipitagang “takot kay Jehova—na siyang karunungan, at ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.”—Job 28:28.
6. Bakit binanggit ni Job ang tungkol sa kaniyang buhay noon?
6 Sa kabila ng kaniyang pagdurusa, si Job ay hindi huminto sa paglilingkod kay Jehova. Sa halip na lumayo sa Kataas-taasan, inasam-asam ng tapat na lalaking ito ang dating “matalik na kaugnayan sa Diyos.” (Job 29:4) Hindi nagmamalaki si Job nang kaniyang isalaysay kung papaano niya ‘iniligtas ang mga nahahapis, binihisan ang sarili ng katuwiran, at naging tunay na ama sa mga dukha.’ (Job 29:12-16) Sa halip, sinasabi lamang niya ang mga katotohanan sa kaniyang buhay bilang tapat na lingkod ni Jehova. Nakagawa ka na ba ng gayong mabuting ulat? Mangyari pa, inilalantad din ni Job ang kamalian ng mga paratang na ginawa ng tatlong relihiyosong impostor.
7. Naging anong uri ng tao si Job noon?
7 Si Job ay pinagtawanan ng nakababatang mga lalaki ‘na ang mga ama ay hindi man lamang niya mailagay na kasama ng mga aso ng kaniyang kawan.’ Siya’y kinamuhian at niluraan. Bagaman labis na nahahapis, si Job ay hindi pinagpakitaan ng konsiderasyon. (Job 30:1, 10, 30) Sapagkat siya’y lubusang nakatalaga kay Jehova, gayunman, mayroon siyang malinis na budhi at makapagsasabi: “Titimbangin niya ako sa wastong mga timbangan at makikilala ng Diyos ang aking katapatan.” (Job 31:6) Si Job ay hindi mangangalunya o mapagbalak ng masama, at hindi siya nagkulang sa pagtulong sa nangangailangan. Bagaman siya’y mayaman, hindi siya kailanman umasa sa materyal na kayamanan. Bukod doon, si Job ay hindi nagsagawa ng idolatriya sa pamamagitan ng pagpapakita ng debosyon sa walang-buhay na mga bagay, gaya ng buwan. (Job 31:26-28) Taglay ang pagtitiwala sa Diyos, siya’y nagpakita ng mainam na halimbawa bilang tagapag-ingat ng katapatan. Sa kabila ng lahat ng kaniyang paghihirap at ng pagkanaroroon ng di-umano’y mga mang-aaliw, si Job ay nagtanggol nang may kadalubhasaan at nagbigay ng napakagaling na patotoo. Sa pagtatapos ng kaniyang sinasabi, bumaling siya sa Diyos bilang kaniyang Hukom at Tagapagbigay-gantimpala.—Job 31:35-40.
Nagsalita si Elihu
8. Sino si Elihu, at papaano siya nagpamalas kapuwa ng paggalang at lakas ng loob?
8 Sa di-kalayuan ay naroroon ang binatang si Elihu, inapo ng anak ni Nahor na si Buz at samakatuwid ay kamag-anak ng kaibigan ni Jehova na si Abraham. (Isaias 41:8) Nagpakita si Elihu ng paggalang sa mga nakatatandang lalaki sa pamamagitan ng pakikinig sa magkabilang panig ng pagtatalo. Ngunit, buong-giting niyang sinagot ang tungkol sa mga bagay na doo’y nagkamali sila. Halimbawa, sumilakbo ang kaniyang galit sa “paghahayag [ni Job] na matuwid ang kaniyang kaluluwa sa halip na ang sa Diyos.” Higit ang pagkagalit ni Elihu sa di-umano’y mga mang-aaliw. Ang kanilang mga sinasabi ay waring nagpapadakila sa Diyos ngunit ang totoo’y nagbibigay ng kahihiyan sa kaniya dahil sa pagkampi nila sa panig ni Satanas sa nagaganap na pagtatalo. Sa pagiging “puspos ng mga salita” at pinakikilos ng banal na espiritu, si Elihu ay isang walang-kinikilingang saksi ni Jehova.—Job 32:2, 18, 21.
9. Papaano nagbigay si Elihu ng palatandaan ng pananauli para kay Job?
9 Higit na inalala ni Job na maipagbangong-puri ang kaniyang sarili kaysa ang sa Diyos. Sa katunayan, siya’y nakipagtalo sa Diyos. Gayunman, habang papalapit na ang kamatayan ng kaluluwa ni Job, nagkaroon ng palatandaan ng pananauli. Papaano iyon nangyari? Buweno, napakilos si Elihu na sabihing sinang-ayunan ni Jehova si Job taglay ang mensaheng ito: “Iligtas mo siya sa pagbabâ sa hukay! Ako’y nakasumpong ng katubusan! Hayaang mas manariwa ang kaniyang laman kaysa sa isang bata; hayaan siyang bumalik sa mga araw ng kaniyang kalakasan dahil sa kabataan.”—Job 33:24, 25.
10. Hanggang saan susubukin si Job, subalit ano ang tinitiyak sa atin may kaugnayan sa 1 Corinto 10:13?
10 Itinuwid ni Elihu si Job dahil sa pagsasabing walang pakinabang sa kaluguran sa Diyos sa pamamagitan ng pananatiling tapat. Sinabi ni Elihu: “Malayo nawa sa tunay na Diyos na siya’y gumawa ng masama, at sa Makapangyarihan-sa-lahat na siya’y gumawa nang walang katarungan! Sapagkat ayon sa gawa ng tao sa lupa ginagantimpalaan niya siya.” Naging padalus-dalos si Job sa pagbibigay-diin sa kaniyang sariling katuwiran, subalit ginawa niya iyon nang walang sapat na kaalaman at malalim na unawa. Idinagdag ni Elihu: “Hayaang subukin si Job hanggang sa sukdulan dahil sa ang kaniyang mga sagot ay gaya ng sa masasamang tao.” (Job 34:10, 11, 35, 36) Gayundin, ang ating pananampalataya at katapatan ay maaaring lubusang mapatunayan kung tayo lamang ay ‘masusubok hanggang sa sukdulan’ sa ilang paraan. Gayunpaman, hindi hahayaan ng ating mapagmahal at makalangit na Ama na subukin tayo nang higit sa ating makakaya.—1 Corinto 10:13.
11. Kapag matinding sinusubok, ano ang dapat nating alalahanin?
11 Sa pagpapatuloy ni Elihu, muli niyang ipinaliwanag na si Job ay labis na nagbibigay-pansin sa kaniyang sariling katuwiran. Ang pansin ay dapat ituon sa ating Dakilang Maygawa. (Job 35:2, 6, 10) “Hindi pananatilihin [ng Diyos] na buháy ang sinumang masama, subalit ang kahatulan ng mga nagdadalamhati ay ibibigay niya,” sabi ni Elihu. (Job 36:6) Walang sinuman ang maaaring mag-alinlangan sa paraan ng Diyos at sabihing siya’y naging di-matuwid. Siya’y mas dakila kaysa sa nalalaman natin, at ang kaniyang mga taon ay di-malirip na walang-katapusan. (Job 36:22-26) Kapag matinding sinusubok, tandaan na ang ating walang-kamatayang Diyos ay matuwid at gagantihin tayo dahil sa ating tapat na mga gawa ukol sa kaniyang kapurihan.
12. Ano ang ipinahihiwatig ng katapusang pagpapahayag ni Elihu tungkol sa paghatol ng Diyos sa mga balakyot?
12 Samantalang nagsasalita si Elihu, namumuo ang isang bagyo. Habang ito’y papalapit, ang kaniyang puso ay nagsimulang lumukso at manginig. Inungkat niya ang dakilang mga bagay na ginawa ni Jehova at nagsabi: “Dinggin mo ito, O Job; huminto ka at ipakita ang iyong sarili na nagbibigay-pansin sa kahanga-hangang mga gawa ng Diyos.” Gaya ni Job, kailangan nating pansinin ang kahanga-hangang mga gawa at kakila-kilabot na karangalan ng Diyos. “Kung tungkol sa Makapangyarihan-sa-lahat, hindi natin siya napag-alaman,” sabi ni Elihu. “Siya’y mataas sa kapangyarihan, at ang katarungan at kasaganaan ng katuwiran ay hindi niya mamaliitin. Samakatuwid ay hayaang katakutan siya ng mga tao.” (Job 37:1, 14, 23, 24) Ang panghuling pananalita ni Elihu ay nagpapaalaala sa atin na di-magtatagal kapag hinatulan na ng Diyos ang balakyot, hindi niya mamaliitin ang katarungan at katuwiran at ililigtas niya yaong natatakot sa kaniya bilang kaniyang nagpipitagang mananamba. Tunay na isang pribilehiyo na mapabilang sa gayong mga tagapag-ingat ng katapatan na kinikilala si Jehova bilang ang Pansansinukob na Soberano! Magbata na gaya ni Job, at huwag kailanmang hayaan ang Diyablo na ilayo ka mula sa pinagpalang kalagayan sa gitna ng maliligayang tao.
Sinagot ni Jehova si Job
13, 14. (a) Tungkol sa ano nagsimulang magtanong si Jehova kay Job? (b) Anu-anong punto ang maaaring matutuhan mula sa ibang mga tanong ng Diyos kay Job?
13 Gayon na lamang marahil ang pagkamangha ni Job nang kausapin siya ni Jehova mula sa hanging dala ng unos! Ang unos na iyon ay isang gawa ng Diyos, di-gaya ng napakalakas na hangin na ginamit ni Satanas upang gibain ang bahay at patayin ang mga anak ni Job. Naumid ang dila ni Job nang magtanong ang Diyos: “Saan ka nagkataong naroroon nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa? . . . Sino ang naglagay ng batong-panulok nito, nang maligayang umawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga, at lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsimulang maghiyawan sa kagalakan?” (Job 38:4, 6, 7) Sunud-sunod ang mga tanong ni Jehova kay Job tungkol sa karagatan, sa ulap na kasuutan nito, sa pagbubukang-liwayway, sa mga pintuang-daan ng kamatayan, sa liwanag at dilim, at sa mga bituin. Walang nasabi si Job nang siya’y tanungin: “Napag-alaman mo na ba ang mga batas ng langit?”—Job 38:33.
14 Ang iba pang mga tanong ay nagpapahiwatig na bago lalangin ang tao at bigyan ng kapangyarihan sa mga isda, ibon, hayop, at gumagapang na mga bagay, ang Diyos ang naglalaan sa kanila—nang walang anumang tulong o payo mula sa tao. Ang iba pang mga tanong ni Jehova ay tumukoy sa mga nilalang na gaya ng mabangis na toro, ng ostrich, at ng kabayo. Tinanong si Job: “Ikaw ba ang nag-uutos na lumipad na paitaas ang isang agila at na gumawa ng pugad nito sa itaas?” (Job 39:27) Hinding-hindi! Gunigunihin ang reaksiyon ni Job nang itanong sa kaniya ng Diyos: “Dapat bang magkaroon ng pakikipagtalo sa Diyos ang isang mamimintas?” Hindi kataka-takang sabihin ni Job: “Narito! ako’y walang kabuluhan. Ano ang isasagot ko sa iyo? Ang aking kamay ay inilalagay ko sa aking bibig.” (Job 40:2, 4) Yamang si Jehova ay palaging tama, kung sakaling matukso tayong magreklamo laban sa kaniya, dapat nating ‘ilagay ang ating kamay sa ating bibig.’ Ang mga tanong ng Diyos ay nagpatingkad ng kaniyang kataasan, karangalan, at kalakasan, gaya ng ipinakikita sa paglalang.
Ang Behemot at Leviatan
15. Karaniwan nang tinutukoy na anong hayop ang Behemot, at anu-ano ang ilang katangian nito?
15 Sumunod ay binanggit ni Jehova ang Behemot, na karaniwang tinutukoy na hippopotamus. (Job 40:15-24) Kapansin-pansin sa kalakihan, kabigatan, at matigas na balat nito, ang hayop na ito na kumakain lamang ng mga halaman ay ‘kumakain ng berdeng damo.’ Ang pinagmumulan ng lakas at kakayahan nito ay sa mga balakang at sa mga litid ng tiyan nito. Ang mga buto ng mga binti nito ay kasintibay ng “mga túbo ng tanso.” Hindi natatakot ang behemot sa rumaragasang tubig kundi madaling nakalalangoy pasalungat sa agos.
16. (a) Sa anong hayop naaangkop ang pagsasalarawan ng Leviatan, at anu-ano ang ilang katotohanan tungkol dito? (b) Ang kapangyarihan ng Behemot at Leviatan ay maaaring magpahiwatig ng ano tungkol sa pagganap ng mga atas sa paglilingkod kay Jehova?
16 Tinanong din ng Diyos si Job ng ganito: “Mahuhuli mo ba ang Leviatan ng isang bingwit, o mailalabas mo ba ang kaniyang dila ng isang panali?” Naaangkop sa buwaya ang pagsasalarawan sa Leviatan. (Job 41:1-34) Hindi iyon nagpapatibay ng isang tipan ng kapayapaan kaninuman, at walang pantas na tao ang magkakalakas-loob na galitin ang reptilyang ito. Hindi ito naitataboy ng mga pana, at “tinatawanan nito ang haginit ng sibat.” Napakukulô ng nagngangalit na Leviatan ang kalaliman na gaya ng pamahid na pinakukuluan sa palayok. Ang katotohanan na higit na malalakas ang Leviatan at Behemot kaysa kay Job ay tumulong upang magpakumbaba siya. Dapat din nating aminin nang may pagpapakumbaba na hindi tayo napakalalakas kung sa ating sarili lamang. Tayo’y nangangailangan ng bigay-Diyos na karunungan at kalakasan upang maiwasan ang mga pangil ni Satanas, ang Serpiyente, at upang magampanan ang ating mga atas sa paglilingkod kay Jehova.—Filipos 4:13; Apocalipsis 12:9.
17. (a) Papaano ‘nakita [ni Job] ang Diyos’? (b) Ano ang napatunayan ng mga tanong na hindi nasagot ni Job, at papaano ito nakatutulong sa atin?
17 Taglay ang lubusang pagpapakumbaba, inamin ni Job ang kaniyang maling pananaw at tinanggap na siya’y nakapagsalita nang walang karunungan. Magkagayon man, siya’y nagpahayag ng pananampalataya na kaniyang “makikita ang Diyos.” (Job 19:25-27) Papaano mangyayari iyan, yamang walang taong maaaring makakita kay Jehova at mabuhay pa? (Exodo 33:20) Ang totoo, nakita ni Job ang katunayan ng banal na kapangyarihan, narinig ang salita ng Diyos, at nabuksan ang kaniyang mga mata ng pang-unawa upang makita ang katotohanan tungkol kay Jehova. Si Job sa gayon ay ‘umurong at nagsisi sa alabok at mga abo.’ (Job 42:1-6) Ang maraming tanong na hindi niya nasagot ay nagpatunay ng sukdulang kataasan ng Diyos at nagpakita ng kaliitan ng tao, maging ng isang tapat kay Jehova na gaya ni Job. Tumutulong ito sa atin na maunawaang hindi natin dapat pahalagahan ang ating kapakanan nang higit kaysa sa pagpapabanal ng pangalan ni Jehova at sa pagbabangong-puri ng kaniyang soberanya. (Mateo 6:9, 10) Ang ating pangunahing mithiin ay ang manatiling tapat kay Jehova at parangalan ang kaniyang pangalan.
18. Ano ang kinailangang gawin ng di-umano’y mga mang-aaliw ni Job?
18 Kumusta naman ang nag-aaring-matuwid na di-umano’y mga mang-aaliw? May katuwiran naman sana si Jehova na patayin sina Eliphaz, Bildad, at Sophar dahil sa hindi nila pagsasabi ng katotohanan tungkol sa kaniya, na gaya ng ginawa ni Job. “Kumuha kayo sa inyo ng pitong guyang baka at pitong lalaking tupa at pumaroon kayo sa aking lingkod na si Job,” sabi ng Diyos, “at kayong mga lalaki ay dapat maghandog ng isang haing susunugin sa ganang inyo; at ang aking lingkod na si Job ay mananalangin mismo para sa inyo.” Kinailangang magpakumbaba ang tatlo upang makasunod. Ang tagapag-ingat ng katapatan na si Job ang siyang dapat manalangin para sa kanila, at nasumpungan ni Jehova na karapat-dapat tanggapin ang kaniyang panalangin. (Job 42:7-9) Ngunit kumusta naman ang asawa ni Job, na pumilit sa kaniyang sumpain ang Diyos at mamatay? Lumalabas na siya’y nakipagkasundo sa kaniya sa awa ng Diyos.
Nagbigay sa Atin ng Pag-asa ang Ipinangakong mga Gantimpala
19. May kaugnayan kay Job, papaano ipinakita ni Jehova ang Kaniyang kataasan kaysa sa Diyablo?
19 Karaka-raka nang ihinto ni Job ang pagkabahala tungkol sa kaniyang pagdurusa at napanauli sa paglilingkod sa Diyos, binago ni Jehova ang mga bagay-bagay para sa kaniya. Pagkatapos na ipanalangin ni Job ang tatlo, ‘tinapos [ng Diyos] ang kaniyang kalagayan bilang bihag’ at ibinigay sa kaniya ‘ang lahat ng dati nang sa kaniya na makalawa ang dami.’ Ipinakita ng Diyos ang Kaniyang kataasan kaysa sa Diyablo sa pamamagitan ng pagpapahinto sa nagdadala-ng-sakit na kamay ni Satanas at makahimalang pinagaling si Job. Pinaurong din ng Diyos ang mga demonyong kampon at pinigil sila sa pamamagitan ng muling pagkakampo ng Kaniyang mga anghel sa palibot ni Job bilang proteksiyon.—Job 42:10; Awit 34:7.
20. Sa anong mga paraan ginantimpalaan at pinagpala ni Jehova si Job?
20 Ang mga kapatid na lalaki at babae ni Job, at ang mga datihang kakilala ay patuloy na dumarating upang makisalo sa kaniya sa pagkain, dumamay sa kaniya, at aliwin siya dahil sa kasakunaang ipinahintulot ni Jehova na danasin niya. Bawat isa sa kanila ay nagbigay kay Job ng salapi at isang singsing na ginto. Pinagpala ni Jehova ang wakas ni Job nang higit sa kaniyang pasimula, kung kaya nagkaroon siya ng 14,000 tupa, 6,000 kamelyo, 1,000 tuwang na baka, at 1,000 asnong babae. Nagkaroon din si Job ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae, gaya ng bilang ng anak niya noon. Ang kaniyang mga anak na babae—sina Jemimah, Keziah, at Keren-happuch—ang siyang pinakamagaganda sa lupain, at binigyan sila ni Job ng mana kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki. (Job 42:11-15) Bukod doon, nabuhay si Job ng 140 taon pa at nakita ang apat na salinlahi ng kaniyang mga anak. Nagtapos ang ulat: “Unti-unting namatay si Job, matanda at puspos ng mga kaarawan.” (Job 42:16, 17) Ang paghaba ng kaniyang buhay ay isang makahimalang gawa ng Diyos na Jehova.
21. Papaano tayo natulungan ng maka-Kasulatang ulat tungkol kay Job, at ano ang dapat na ipasiya nating gawin?
21 Ang maka-Kasulatang ulat tungkol kay Job ay nagpapangyari sa atin na maging listo sa mga pakana ni Satanas at tumutulong sa atin na maunawaan kung papaanong ang pansansinukob na soberanya ay may kaugnayan sa katapatan ng mga tao. Gaya ni Job, lahat ng umiibig sa Diyos ay susubukin. Subalit makapagbabata tayo gaya ni Job. Napagtagumpayan niya ang mga pagsubok sa kaniya taglay ang pananampalataya at pag-asa, at marami ang gantimpala sa kaniya. Bilang mga lingkod ni Jehova sa ngayon, mayroon tayong tunay na pananampalataya at pag-asa. At anong laking pag-asa ang inilagay ng Dakilang Tagapagbigay-gantimpala sa bawat isa sa atin! Ang patuloy na pagsasaisip ng makalangit na gantimpala ay tutulong sa mga pinahiran na maglingkod sa Diyos nang buong katapatan sa natitirang bahagi ng kanilang buhay dito sa lupa. Marami sa mga may pag-asa sa lupa ang hindi na mamamatay, subalit yaong mga namatay ay gagantimpalaan ng pagkabuhay-muli sa Paraiso sa lupa, kasama ni Job mismo. Taglay sa puso at isip ang gayong tunay na pag-asa, hayaang patunayan ng lahat ng umiibig sa Diyos na si Satanas ay sinungaling sa pamamagitan ng pagtayong matatag sa panig ni Jehova bilang mga tagapag-ingat ng katapatan at matibay na tagapagtaguyod ng kaniyang pansansinukob na soberanya.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anu-ano ang ilang punto na sinabi ni Job sa kaniyang pangwakas na sagot sa kaniyang di-umano’y mga mang-aaliw?
◻ Papaano napatunayang si Elihu ay isang walang-pinapanigang saksi ni Jehova?
◻ Anu-ano ang ilang katanungan ni Jehova kay Job, at anong epekto mayroon ang mga ito?
◻ Papaano ka nakinabang sa maka-Kasulatang ulat tungkol kay Job?
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang mga sinabi ni Jehova tungkol sa Behemot at Leviatan ay tumulong upang magpakumbaba si Job