JEDUTUN
[posibleng mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “purihin”].
1. Isang Levitikong manunugtog. Lumilitaw na si Jedutun ay dating tinatawag na Etan, sapagkat bago dumating ang Kaban sa Jerusalem, si “Etan” ay binanggit kasama ng iba pang mga manunugtog, sina Heman at Asap, ngunit nang dakong huli ay si “Jedutun” ang kasama nila. (1Cr 15:17, 19; 25:1) Hindi ibinigay ang pinagmulang angkan ni Jedutun; ngunit ibinigay ang kay Etan. (1Cr 6:44-47) At walang binanggit na mga inapo ni Etan; ngunit binanggit ang kay Jedutun. (1Cr 9:16) Ang pagpapalit ng pangalan mula sa Etan [nangangahulugang “Namamalagi; Umaagos Nang Walang Tigil”] tungo sa Jedutun [posibleng mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “purihin”] ay kasuwato ng atas na ibinigay sa kaniya.—1Cr 16:41; tingnan ang ETAN Blg. 3.
Si Jedutun at ang kaniyang pamilya ng mga manunugtog ay nakibahagi sa ilang pagdiriwang kapag kailangan doon ang ‘pagpapasalamat at pagpuri kay Jehova’ (1Cr 25:3); gaya noong dalhin sa Jerusalem ang kaban ng tipan. (1Cr 16:1, 41, 42) Sa 24 na pangkat na inorganisa ni David para sa mga manunugtog sa santuwaryo, ang ika-2, ika-4, ika-8, ika-10, ika-12, at ika-14 na palabunot ay nahulog sa anim na anak ni Jedutun, na lahat ay gumawa sa ilalim ng pangangasiwa ng kanilang ama. (1Cr 25:1, 3, 6, 7, 9, 11, 15, 17, 19, 21) Ang pakikibahagi nina Jedutun, Asap, at Heman sa mga tungkuling ito ay nangahulugan na ang bawat isa sa tatlong pangunahing sanga ng mga Levita (Merari, Gersom, at Kohat ayon sa pagkakasunud-sunod) ay may kinatawan sa mga manunugtog sa templo. (1Cr 6:31-47) Ang lahat ng tatlong grupo ay pumuri kay Jehova sa pamamagitan ng musika noong pasinayaan ni Solomon ang templo. (2Cr 5:12, 13) Ang mga inapo ni Jedutun ay binanggit noong panahon ng paghahari ni Hezekias at maging sa gitna ng mga tapon na bumalik mula sa Babilonya.—2Cr 29:1, 12, 14, 15; Ne 11:17.
Ang tatlo sa mga awit ay may binabanggit na Jedutun sa mga superskripsiyon nito. Sa Ingles, ang dalawa sa mga ito (Aw 39, 62) ay kababasahan ng “Sa tagapangasiwa ng [of] Jedutun” (“alinsunod sa paraan ng [koro ni] Jedutun,” tlb ng Ro sa superskripsiyon ng Aw 39), samantalang ang ikatlo (Aw 77) ay kababasahan ng “Sa tagapangasiwa ng [on] Jedutun.” (Rbi8; Ro; “upon,” AT) Sa bawat kaso, ang pagkatha sa awit ay ipinatutungkol sa iba, ang unang dalawa ay kay David at ang ikatlo ay kay Asap; kaya walang pahiwatig na si Jedutun ang kumatha ng mga iyon, bagaman sa ibang dako ay tinatawag siyang “tagapangitain ng hari” at sinasabi rin na siya ay “nanghuhula na may alpa.” (2Cr 35:15; 1Cr 25:1, 3) Samakatuwid, ang mga superskripsiyon ng tatlong awit na ito ay maliwanag na mga tagubilin para sa pagtugtog sa mga ito, marahil ay tumutukoy sa isang istilo o kaya ay sa isang panugtog na iniuugnay kay Jedutun; maaaring inimbento o pinahusay ito ni Jedutun o ng kaniyang mga anak, o ginawa nila itong popular dahil sa paggamit.
2. Isang Levita na ang anak o inapo, si Obed-edom, ay bantay ng pintuang-daan noong panahong ipag-utos ni David na dalhin ang Kaban sa Jerusalem.—1Cr 16:1, 37, 38.