Nakikinabang Mula sa “Butil ng Langit”
SANDALING panahon pagkatapos ng makahimalang pagkakatubos sa kanila mula sa Ehipto, ang mga Israelita ay nagpakita ng matinding kawalan ng pananampalataya sa kanilang Manunubos, si Jehova. Bunga nito, hinayaan sila ni Jehova na magpagala-gala sa iláng ng Sinai sa loob ng 40 taon. Sa buong panahong iyon, ang mga Israelita at ang “malaking haluang pangkat” ng mga dayuhan na sumama sa kanila ay kumain at uminom “hanggang sa kabusugan.” (Exodo 12:37, 38) Sinasabi sa atin ng Awit 78:23-25 kung paano ito nangyari: “Inutusan niya [ni Jehova] ang maulap na kalangitan sa itaas, at binuksan niya ang mismong mga pinto ng langit. At patuloy siyang nagpaulan sa kanila ng manna upang makain, at ang butil ng langit ay ibinigay niya sa kanila. Kinain ng mga tao ang mismong tinapay ng mga makapangyarihan; nagpadala siya sa kanila ng mga panustos hanggang sa kabusugan.”
Bilang isa na kumain ng manna, inilarawan ni Moises ang pambihirang pagkaing ito. Isinulat niya na sa umaga, pagkatapos na “sumingaw ang latag ng hamog . . . , sa ibabaw ng ilang ay may pinong bagay na mala-niyebe, pinong tulad ng nagyelong hamog sa ibabaw ng lupa. Nang makita iyon ng mga anak ni Israel, sila ay nagpasimulang magsabi sa isa’t isa: ‘Ano ito?’ ” o literal sa Hebreo, “man hu’?” Malamang na ang ekspresyong ito ang pinagmulan ng salitang “manna,” ang pangalan na itinawag ng mga Israelita sa pagkain. Sinabi ni Moises: “Iyon ay maputi na tulad ng buto ng kulantro, at ang lasa niyaon ay tulad ng tinapay na lapad na may pulot-pukyutan.”—Exodo 16:13-15, 31, talababa sa Ingles.
Ang manna ay hindi isang pagkaing likas na nangyayari, gaya ng ikinakatuwiran ng ilan. Kasangkot ang isang sobrenatural na puwersa sa paglalaan nito. Halimbawa, makukuha ito saanman o anumang oras. Kung ito’y itatabi sa magdamag, ito’y inuuod at bumabaho; gayunman, ang dobleng bahagi na tinitipon ng bawat pamilya sa araw bago ang lingguhang Sabbath ay hindi nasisira sa magdamag, kaya nakakain ito sa Sabbath—ang araw na hindi magkakaroon ng manna. Tunay, isang makahimalang paglalaan ang manna.—Exodo 16:19-30.
Ang pagbanggit ng “mga makapangyarihan,” o “mga anghel,” sa Awit 78 ay nagpapahiwatig na maaaring ginamit ni Jehova ang mga anghel upang maglaan ng manna. (Awit 78:25, talababa sa Ingles) Anuman ang kalagayan, ang bayan ay may lahat ng dahilan upang magpasalamat sa Diyos dahil sa kaniyang kabaitan. Gayunman, ang karamihan ay hindi nagpakita ng utang na loob sa Isa na nagligtas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Maaari rin nating ipagwalang-bahala ang mga paglalaan ni Jehova o maging walang utang na loob pa nga kung hindi tayo magbubulay-bulay sa kaniyang maibiging-kabaitan. Kaya makapagpapasalamat tayo na isinama ni Jehova ang ulat tungkol sa katubusan ng Israel at ang kasunod na mga pangyayari bilang “tagubilin sa atin.”—Roma 15:4.
Nakikinabang ang mga Kristiyano sa Isang Aral Para sa Israel
Nang maglaan si Jehova ng manna, hindi lamang basta sapatan ang pisikal na pangangailangan ng mga tatlong milyong Israelita ang nasa isip niya. Ibig niyang ‘papagpakumbabain sila at ilagay sila sa pagsubok’ upang dalisayin at disiplinahin sila para sa kanilang sariling pakinabang. (Deuteronomio 8:16; Isaias 48:17) Kung tutugon sila sa pagdalisay at disiplinang iyon, malulugod si Jehova na ‘pagbutihin ang kanilang wakas’ sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapayapaan, kasaganaan, at kaligayahan sa Lupang Pangako.
Kailangang matutuhan nila ang isang mahalagang bagay na “hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” (Deuteronomio 8:3) Kung hindi inilaan ng Diyos ang manna, tiyak na nagutom ang bayan—isang bagay na kusa nilang inamin. (Exodo 16:3, 4) Araw-araw na ipinaalaala sa mapagpahalagang mga Israelita ang kanilang lubusang pagkaumaasa kay Jehova at sa gayo’y pinagpakumbaba sila. Kapag nasa Lupang Pangako na at taglay na nila ang materyal na kasaganaan, malamang na hindi nila makakalimutan si Jehova at ang pagkaumaasa nila sa kaniya.
Tulad ng mga Israelita, dapat manatiling palaisip ang mga Kristiyano sa kanilang pagkaumaasa sa Diyos para sa mga pangangailangan sa buhay—pisikal at espirituwal. (Mateo 5:3; 6:31-33) Bilang sagot sa isa sa mga tukso ng Diyablo, sumipi si Jesu-Kristo sa pananalita ni Moises na masusumpungan sa Deuteronomio 8:3, na sinasabi: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’ ” (Mateo 4:4) Oo, ang tunay na mga mananamba ng Diyos ay napakakain sa pamamagitan ng pagbasa sa mga pananalita ni Jehova na masusumpungan sa kaniyang Salita. Bukod pa rito, napatitibay ang kanilang pananampalataya kapag naranasan nila ang kapaki-pakinabang na mga epekto ng mga pananalitang ito sa kanilang buhay habang lumalakad sila na kasama ng Diyos at inuuna ang mga kapakanan ng kaniyang Kaharian.
Maaaring maiwala ng di-sakdal na mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa mga bagay na naging isang rutin na bahagi ng buhay—kahit na kung ang mga bagay na ito ay pagpapaaninag ng maibiging pagkabahala ni Jehova. Halimbawa, nanggilalas at nasiyahan sa simula ang mga Israelita sa makahimalang paglalaan ng manna, subalit nang maglaon ay nagreklamo ang marami sa kanila. “Kinamumuhian na ng aming kaluluwa ang kasuklam-suklam na tinapay,” ang walang-galang na hinaing nila—isang pahiwatig na sila’y nagsimulang ‘lumayo mula sa Diyos na buháy.’ (Bilang 11:6; 21:5; Hebreo 3:12) Samakatuwid, ang kanilang halimbawa ay nagsisilbing isang “babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.”—1 Corinto 10:11.
Paano natin isasapuso ang babalang halimbawa na ito? Ang isang paraan ay huwag kailanman pahintulutang maging ordinaryo, o pangkaraniwan na lamang ang mga turo o mga paglalaan ng Bibliya na tinatanggap natin sa pamamagitan ng tapat at maingat na uring alipin. (Mateo 24:45) Kapag ipinagwawalang-bahala o pinagsasawaan natin ang mga kaloob ni Jehova, magsisimulang lumamig ang ating kaugnayan sa kaniya.
May mabuting dahilan, hindi tayo nilulunod ni Jehova ng walang-lubay na pag-ulan ng kapana-panabik na mga bagong bagay. Sa halip, unti-unti at pasulong niyang pinasisikat ang liwanag sa kaniyang Salita. (Kawikaan 4:18) Ito’y nagpapangyari sa kaniyang bayan na maunawaan at maikapit ang mga bagay na kanilang natututuhan. Sinunod ni Jesus ang halimbawa ng kaniyang Ama nang turuan niya ang kaniyang unang mga alagad. Ipinaliwanag niya sa kanila ang Salita ng Diyos “hanggang sa kaya nilang pakinggan,” o “maunawaan,” gaya ng pagkakasalin dito ng ilan.—Marcos 4:33; ihambing ang Juan 16:12.
Patibayin ang Iyong Pagpapahalaga sa mga Paglalaan ng Diyos
Ginamit din ni Jesus ang pag-uulit. Sabihin pa, maaaring unawain ng isip ang isang punto—halimbawa, isang simulain ng Bibliya—subalit ang pagsasapuso nito at gawin itong bahagi ng Kristiyanong “bagong personalidad” ay maaaring gumugol ng higit pang panahon, lalo na kung ang dating makasanlibutang mga paraan at saloobin ay malalim ang pagkakaugat. (Efeso 4:22-24) Iyan nga ang kalagayan ng mga alagad ni Jesus pagdating sa pagdaig sa pagmamapuri at pagpapaunlad sa kapakumbabaan. Kailangang ituro sa kanila ni Jesus ang tungkol sa kapakumbabaan sa maraming pagkakataon, sa tuwina’y inihaharap ang gayunding mahalagang punto mula sa iba’t ibang anggulo upang ito’y tumimo, na nangyari naman sa dakong huli.—Mateo 18:1-4; 23:11, 12; Lucas 14:7-11; Juan 13:5, 12-17.
Sa modernong panahon, sinusunod ng mga pulong Kristiyano at mga publikasyon ng Watch Tower ang halimbawa ni Jesus sa paggamit ng pag-uulit na pinag-isipang mabuti. Kaya pahalagahan natin ito bilang isang kapahayagan ng maibiging pagmamalasakit ng Diyos sa atin at kailanma’y huwag tayong magsawa sa ating tinatanggap, di-tulad ng mga Israelitang nagsawa sa manna. Sa halip, habang may pagtitiis nating itinutuon ang ating sarili sa pagtanggap ng regular na mga paalaala ni Jehova, makikita natin ang mainam na bunga nito sa ating buhay. (2 Pedro 3:1) Ang mapagpahalagang saloobin na ito ay tunay na nagpapakitang ‘nakukuha natin ang diwa’ ng Salita ng Diyos sa ating puso gayundin sa ating isip. (Mateo 13:15, 19, 23) May kaugnayan dito, mayroon tayong mainam na halimbawa sa salmistang si David, na, bagaman walang iba’t ibang espirituwal na pagkaing gaya ng tinatanggap natin sa ngayon, ay naglarawan na ang mga kautusan ni Jehova ay “mas matamis kaysa sa pulot-pukyutan at sa umaagos na pulot ng mga bahay-pukyutan”!—Awit 19:10.
“Manna” na Nagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan
“Ako ang tinapay ng buhay,” ang sabi ni Jesus sa mga Judio. “Kinain ng inyong mga ninuno ang manna sa ilang at gayunma’y namatay. . . . Ako ang tinapay na buháy na bumaba mula sa langit; kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito siya ay mabubuhay magpakailanman . . . Ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.” (Juan 6:48-51) Hindi nagbigay at hindi makapagbibigay ng buhay na walang hanggan ang literal na tinapay o ang manna. Subalit ang mga nananampalataya sa haing pantubos ni Jesus ay magtatamasa sa dakong huli ng pagpapalang buhay na walang hanggan.—Mateo 20:28.
Ang karamihan niyaong makikinabang sa pantubos ni Jesus ay magtatamasa ng buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. “Isang malaking pulutong” nito—na inilarawan ng “malaking haluang pangkat” ng mga dayuhan na nakisama sa mga Israelita sa kanilang paglabas mula sa Ehipto—ang makaliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian” na siyang mag-aalis sa lupa ng lahat ng kabalakyutan. (Apocalipsis 7:9, 10, 14; Exodo 12:38) Higit pang gantimpala ang tinatamasa niyaong inilalarawan ng mga Israelita mismo. Inilarawan ni apostol Pablo ang mga ito, na may bilang na 144,000, na siyang bumubuo sa espirituwal na Israel ng Diyos. Ang kanilang gantimpala sa kamatayan ay isang pagkabuhay-muli tungo sa buhay sa langit. (Galacia 6:16; Hebreo 3:1; Apocalipsis 14:1) Doon ay bibigyan sila ni Jesus ng isang pantanging uri ng manna.
Ang Kahulugan ng “Nakatagong Manna”
“Sa kaniya na nananaig ay magbibigay ako ng bahagi ng nakatagong manna,” ang sabi ng binuhay-muling si Jesus sa espirituwal na Israel. (Apocalipsis 2:17) Ipinagugunita ng simbolikong nakatagong manna na ito ang manna na iniutos ng Diyos kay Moises na ilagay sa isang ginintuang banga sa loob ng sagradong kaban ng tipan. Ang Kaban ay nakalagay sa Kabanal-banalang silid ng tabernakulo. Nanatili ito roon na hindi nakikita, nakatago wika nga. Iniingatan bilang isang alaala, ang sampol na ito ng manna ay hindi nasira habang ito ay nanatili sa loob ng Kaban, kaya isa itong angkop na sagisag ng isang di-nasisirang panustos na pagkain. (Exodo 16:32; Hebreo 9:3, 4, 23, 24) Sa pagbibigay sa 144,000 ng nakatagong manna, tinitiyak ni Jesus ang pagtanggap nila ng imortalidad at kawalang-kasiraan bilang espiritung mga anak ng Diyos.—Juan 6:51; 1 Corinto 15:54.
“Nasa iyo [Jehova] ang bukal ng buhay,” ang sabi ng salmista. (Awit 36:9) Anong inam na tinitiyak ng paglalaan ng manna—kapuwa ang literal at simboliko—ang mahalagang katotohanang ito! Ang manna na ibinigay ng Diyos sa sinaunang Israel, ang makasagisag na manna na inilaan niya sa anyo ng laman ni Jesus na ibinigay alang-alang sa atin, at ang simbolikong nakatagong manna na ibinibigay niya sa 144,000 sa pamamagitan ni Jesus ay pawang nagpapagunita sa atin ng ating lubusang pagkaumaasa sa Diyos para sa buhay. (Awit 39:5, 7) May kapakumbabaan, kahinhinan, at palagiang kilalanin natin ang pagkaumaasa nating ito. Gagawin naman ni Jehova na ‘mapabuti ang ating wakas.’—Deuteronomio 8:16.
[Mga larawan sa pahina 26]
Upang magtamo ng buhay na walang hanggan, lahat ng tao ay umaasa sa “tinapay na buháy na bumaba mula sa langit”
[Larawan sa pahina 28]
Ang pagdalo sa lahat ng mga pulong Kristiyano ay nagpapaaninaw ng ating pagpapahalaga sa mga paalaala ni Jehova