Si Jehova ang Naghahanda ng Daan
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral.”—MATEO 24:14.
1. Ano ang naisakatuparan ng gawaing pangangaral kapuwa noong una at ika-20 siglo?
SAPAGKAT si Jehova ay Diyos ng pag-ibig, kalooban niya na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Nangangailangan ito ng isang internasyonal na kampanya ng pangangaral at pagtuturo. Noong unang siglo, naging “isang haligi at suhay ng katotohanan” ang kongregasyong Kristiyano dahil sa pangangaral na ito. (1 Timoteo 3:15) Pagkatapos ay sumunod ang isang mahabang yugto ng apostasya na doo’y dumilim ang liwanag ng katotohanan. Kamakailan, ngayong “panahon ng kawakasan,” ang “tunay na kaalaman” ay muling sumagana, anupat nagdulot ng salig-Bibliya na pag-asang walang-hanggang kaligtasan ng milyun-milyon.—Daniel 12:4.
2. Ano ang ginagawa ni Jehova may kinalaman sa gawaing pangangaral?
2 Sa kabila ng walang-humpay na pagsisikap ni Satanas na biguin ang layunin ng Diyos, kagila-gilalas ang naging tagumpay ng gawaing pangangaral kapuwa noong una at ika-20 siglo. Nagpapagunita ito ng hula ni Isaias. Hinggil sa pagbabalik sa Juda ng mga Judiong ipinatapon noong ikaanim na siglo B.C.E., sumulat si Isaias: “Bawat libis ay mátaas, at bawat bundok at burol ay mábabâ. At ang umbuk-umbok na dako ay magiging patag na lupain, at ang baku-bakong lupain ay magiging kapatagang libis.” (Isaias 40:4) Si Jehova ay naghanda at nagpatag din ng daan para sa malalaking kampanya ng pangangaral kapuwa sa una at sa ika-20 siglo.
3. Sa anu-anong paraan nagagawa ni Jehova na maisakatuparan ang kaniyang layunin?
3 Hindi ito nangangahulugan na tuwirang iniimpluwensiyahan ni Jehova ang bawat pangyayari sa lupa upang sumulong ang pangangaral ng mabuting balita; ni nangangahulugan man ito na ginagamit ni Jehova ang kaniyang patiunang kaalaman upang tiyakin ang bawat detalye ng lahat ng mangyayari. Totoo, maaari niyang alamin at ugitan ang mga pangyayari sa hinaharap. (Isaias 46:9-11) Ngunit magagawa rin niyang tumugon sa mga pangyayari habang nagaganap ang mga ito. Gaya ng isang makaranasang pastol na nakaaalam kapuwa kung paano aakayin at ipagsasanggalang ang kaniyang kawan, si Jehova ay pumapatnubay sa kaniyang bayan. Inaakay niya sila patungo sa kaligtasan, anupat ipinagsasanggalang ang kanilang espirituwalidad at pinakikilos sila na samantalahin ang mga situwasyon at mga pangyayari na nagtataguyod ng matagumpay na pangangaral ng mabuting balita sa buong daigdig.—Awit 23:1-4.
Isang Mahirap na Atas
4, 5. Bakit isang hamon ang atas na pangangaral ng mabuting balita?
4 Gaya ng pagtatayo ng daong noong panahon ni Noe, ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay isang napakalaking proyekto—kapuwa noong unang siglo at sa modernong panahon. Ang atas na abutin ang lahat ng tao taglay ang anumang mensahe ay talagang mahirap, ngunit ang atas na ito ay lalo nang isang hamon. Noong unang siglo, kakaunti lamang ang mga alagad. Ang kanilang Lider, si Jesus, ay pinatay bilang isa na pinagbintangang nag-aalsa laban sa pamahalaan. Matatag na ang relihiyon ng mga Judio. Isang maringal na templo ang nakatayo sa Jerusalem. Matatag na rin ang di-Judiong mga relihiyon sa Mediteraneo, na may mga templo at mga pagkasaserdote. Sa katulad na paraan, nang magsimula “ang panahon ng kawakasan” noong 1914, iilan lamang ang pinahirang mga Kristiyano, at marami ang nagtataguyod ng iba pang relihiyon na nag-aangking naglilingkod sa Diyos.—Daniel 12:9.
5 Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sila’y pag-uusigin. Sinabi niya: “Dadalhin kayo ng mga tao sa kapighatian at papatayin kayo, at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” (Mateo 24:9) Bilang karagdagan sa gayong mga suliranin, lalo na sa “mga huling araw,” masusumpungan ng mga Kristiyano ang kanilang sarili sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang lawak ng gawain, ang katiyakan ng pag-uusig, at ang kahirapan ng panahon ay dahilan kung bakit isang hamon at mahirap ang gawaing pangangaral. Kailangan ang malaking pananampalataya.
6. Anong katiyakan ng tagumpay ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan?
6 Bagaman batid ni Jehova na magkakaroon ng mga kahirapan, alam din niya na walang makapagpapahinto sa gawain. Ang tagumpay ay patiunang sinabi sa isang kilalang-kilalang hula na may pambihirang katuparan kapuwa sa una at sa ika-20 siglo: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.”—Mateo 24:14.
7. Gaano na kalawak ang gawaing pangangaral noong unang siglo?
7 Palibhasa’y puspos ng pananampalataya at banal na espiritu, ang mga lingkod ng Diyos noong unang siglo ay humayo upang isagawa ang kanilang atas. Dahil sa napatunayang sumasakanila si Jehova, nagtamo sila ng tagumpay na higit pa sa inaasahan nila. Nang sumulat si Pablo sa mga taga-Colosas, mga 27 taon pagkamatay ni Jesus, nasabi niya na ang mabuting balita ay “ipinangaral sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” (Colosas 1:23) Bilang paghahalintulad, sa pagtatapos ng ika-20 siglo, ang mabuting balita ay ipinangangaral na sa 233 lupain.
8. Sa anong uri ng mga kalagayan tinanggap ng marami ang mabuting balita? Magbigay ng mga halimbawa.
8 Milyun-milyon ang tumanggap sa mabuting balita nitong nakalipas na mga dekada. Marami ang gumawa nito sa ilalim ng mahirap na mga kalagayan—sa mga panahon ng digmaan, pagbabawal, at matinding pag-uusig. Naging totoo rin iyan noong unang siglo. Minsan, sina Pablo at Silas ay buong-kalupitang pinaghahampas ng tungkod at inihagis sa bilangguan. Tunay na isang di-kanais-nais na situwasyon para gumawa ng mga alagad! Gayunman, ginamit ni Jehova ang situwasyong ito upang makagawa nga ng mga alagad. Nakalaya sina Pablo at Silas, at naging mananampalataya ang tagapagbilanggo pati na ang kaniyang pamilya. (Gawa 16:19-33) Ipinakikita ng gayong mga karanasan na ang mabuting balita ay hindi maaaring patahimikin ng mga sumasalansang dito. (Isaias 54:17) Gayunpaman, ang kasaysayan ng Kristiyanismo ay hindi nawawalan ng kagipitan at pag-uusig. Magtuon tayo ngayon ng pansin sa ilang kaayaayang pangyayari na nakatulong sa pagpatag ng daan para sa matagumpay na pangangaral ng mabuting balita kapuwa noong una at ika-20 siglo.
Kalagayan sa Relihiyon
9, 10. Paano pumukaw si Jehova ng pag-asam sa pangangaral ng mabuting balita noong una at ika-20 siglo?
9 Isaalang-alang ang panahon ng kampanya para sa pangglobong pangangaral. Gaya ng kalagayan noong unang siglo, ang hula tungkol sa 70 sanlinggo ng mga taon, na masusumpungan sa Daniel 9:24-27, ay nagtuturo sa taon ng paglitaw ng Mesiyas—29 C.E. Bagaman hindi naunawaan ng mga Judio noong unang siglo ang eksaktong panahon ng katuparan ng mga bagay-bagay, sila’y may inaasahan, anupat hinihintay nila ang Mesiyas. (Lucas 3:15) Ganito ang sabi ng Pranses na Manuel Biblique: “Batid ng mga tao na malapit nang matapos ang pitumpung sanlinggo ng mga taon na itinakda ni Daniel; walang nagulat nang marinig na ipinahahayag ni Juan Bautista na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.”
10 Kumusta naman ang kalagayan sa modernong panahon? Buweno, ang isang di-malilimot na pangyayari ay ang pagkakaluklok ni Jesus sa langit, na siyang pasimula ng kaniyang pagkanaririto taglay ang kapangyarihan ng Kaharian. Ipinakikita ng hula sa Bibliya na naganap ito noong 1914. (Daniel 4:13-17) Ang paghihintay sa pangyayaring ito ay naging sanhi rin ng labis na pag-asam ng ilang relihiyosong tao sa modernong panahon. Ang pag-asam ay kitang-kita rin sa tapat na mga Estudyante ng Bibliya na siyang nagsimulang maglathala ng magasing ito noong 1879 bilang ang Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence. Kaya, kapuwa noong unang siglo at sa modernong panahon, inihanda ng relihiyosong pag-asam ang kalagayan para sa pangangaral ng mabuting balita.a
11. Anong relihiyosong pundasyon ang nailatag upang tumulong sa pangangaral ng mabuting balita?
11 Ang isa pang salik na nakatulong sa gawain ng mga Kristiyano sa dalawang yugtong ito ng panahon ay ang bagay na maraming tao ang pamilyar na sa Banal na Kasulatan. Noong unang siglo, ang mga Judiong komunidad ay nakakalat sa nakapalibot na mga bansang Gentil. Ang mga komunidad na iyon ay may mga sinagoga kung saan regular na nagtitipon ang mga tao upang pakinggan ang pagbasa at pagtalakay sa Kasulatan. Kaya naman, sinamantala ng mga unang Kristiyano ang relihiyosong kaalaman na taglay na ng mga tao. (Gawa 8:28-36; 17:1, 2) Maaga sa panahon nating ito, ang bayan ni Jehova ay nagtamasa ng katulad na kalagayan sa maraming lupain. Ang Bibliya ay laganap sa buong nasasakupan ng Sangkakristiyanuhan, lalo na sa mga lupaing Protestante. Binabasa ito sa maraming simbahan; milyun-milyon na ang may kopya. Taglay na ng mga tao ang Bibliya, ngunit kailangan nila ng tulong upang maunawaan ang kanilang taglay.
Ang mga Kapakinabangan ng Batas
12. Paano karaniwan nang naging isang proteksiyon ang Romanong batas noong unang siglo?
12 Ang pangangaral ng Kristiyano ay malimit na nakikinabang sa batas ng pamahalaan. Nangibabaw ang Imperyong Romano sa daigdig noong unang siglo, at ang mga nasusulat na batas nito ay may malalim na epekto sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang mga batas na ito ay naglaan ng pananggalang, at nakinabang mula rito ang mga unang Kristiyano. Halimbawa, ang apela ni Pablo sa batas ng Roma ay humantong sa kaniyang paglaya mula sa bilangguan at nagligtas sa kaniya mula sa panghahampas. (Gawa 16:37-39; 22:25, 29) Ang pagtukoy sa probisyon ng Romanong sistema ng batas ay nakatulong upang pahupain ang isang galít na pulutong sa Efeso. (Gawa 19:35-41) Minsan, si Pablo ay nakaligtas mula sa karahasan sa Jerusalem dahil siya ay isang mamamayang Romano. (Gawa 23:27) Pagkaraan, pinahintulutan siya ng Romanong batas upang legal na maipagtanggol ang kaniyang pananampalataya sa harap ni Cesar. (Gawa 25:11) Bagaman ang ilan sa mga Cesar ay namahala bilang mga diktador, ang mga batas noong unang siglo ay karaniwan nang nagpapahintulot “sa pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita.”—Filipos 1:7.
13. Paano malimit na nakikinabang sa batas ang gawaing pangangaral sa ating panahon?
13 Totoo rin ito sa maraming lupain sa ngayon. Bagaman may ‘nagpapanukala ng kaguluhan sa pamamagitan ng batas,’ isinasaalang-alang sa mga nasusulat na batas sa maraming bansa ang kalayaan sa relihiyon bilang isang saligang karapatan. (Awit 94:20) Palibhasa’y natatalos na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi panganib sa kaayusan ng lipunan, maraming pamahalaan ang nagkaloob sa atin ng legal na pagkilala. Sa Estados Unidos, kung saan ginagawa ng mga Saksi ang malaking bahagi ng paglilimbag, pinapangyari ng umiiral na mga batas ang paglalabas ng magasing Watchtower nang patuluyan sa loob ng 120 taon at pagbabasa nito sa buong daigdig.
Mga Panahon ng Kapayapaan at Pagpaparaya
14, 15. Paano nakinabang sa relatibong katiwasayan sa lipunan ang gawaing pangangaral noong unang siglo?
14 Ang gawaing pangangaral ay nakinabang din sa mga panahon ng relatibong kapayapaan. Bagaman wastong inihula ni Jesus na sa mga panahong nasasangkot ay ‘titindig ang bansa laban sa bansa,’ may mga yugto ng katiwasayan na magpapangyaring maipangaral nang husto ang Kaharian. (Mateo 24:7) Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay namuhay sa ilalim ng Pax Romana, o Romanong Kapayapaan. Sumulat ang isang mananalaysay: “Lubusang nasakop ng Roma ang mga bayan sa lipunang Mediteraneo anupat tinapos niya para sa kanila ang mga panahon ng halos walang-tigil na digmaan.” Ang katiwasayang ito ay nagbukas ng daan upang ligtas na makapaglakbay ang mga unang Kristiyano sa buong imperyo ng Roma.
15 Sinikap ng Imperyong Romano na pagkaisahin ang mga tao sa ilalim ng makapangyarihang kamay nito. Itinaguyod ng patakarang ito hindi lamang ang paglalakbay, pagpaparaya, at pagpapalitan ng mga ideya kundi pati ang ideya ng pandaigdig na kapatiran. Ganito ang sabi ng aklat na On the Road to Civilization: “Ginawang kanais-nais ng pagkakaisa ng [Romanong] Imperyo ang larangan [para sa pangangaral ng mga Kristiyano]. Giniba ang mga pambansang hangganan. Ang isang mamamayang Romano ay isang mamamayan ng daigdig. . . . Bukod dito, ang isang relihiyon na nagtuturo ng kapatiran ng tao ay mauunawaan sa isang estado na siyang bumuo sa ideya ng pansansinukob na pagkamamamayan.”—Ihambing ang Gawa 10:34, 35; 1 Pedro 2:17.
16, 17. Ano ang nag-udyok sa mga pagsisikap na itaguyod ang kapayapaan sa modernong panahon, at anong konklusyon ang nabuo ng marami?
16 Kumusta naman sa ating panahon? Nasaksihan sa ika-20 siglo ang pinakamaraming mapangwasak na digmaan sa kasaysayan, at patuloy na tumitindi ang mga digmaang panrehiyon sa ilang lupain. (Apocalipsis 6:4) Gayunman, nagkaroon din ng mga panahon ng relatibong kapayapaan. Mahigit nang 50 taon na ang mga pangunahing kapangyarihan sa daigdig ay hindi naglaban-laban sa isang ganap na digmaan. Nakatulong nang malaki ang situwasyong ito sa pangangaral ng mabuting balita sa mga lupaing iyon.
17 Ang mga kakilabutan ng pagdidigmaan sa ika-20 siglo ay umakay sa marami na kilalanin ang pangangailangan para sa isang pandaigdig na pamahalaan. Ang pagkatakot sa digmaan ay umakay sa pagkatatag kapuwa ng Liga ng mga Bansa at ng Nagkakaisang mga Bansa. (Apocalipsis 13:14) Ang ipinahayag na layunin ng dalawang organisasyong ito ay ang pagtataguyod ng pagtutulungan at kapayapaan sa pagitan ng mga bansa. Ang mga tao na nakadarama ng gayong pangangailangan ay tumutugon nang mainam sa mabuting balita tungkol sa pandaigdig na pamahalaan na magdudulot ng tunay at namamalaging kapayapaan—ang Kaharian ng Diyos.
18. Anong saloobin hinggil sa relihiyon ang naging pabor sa gawaing pangangaral?
18 Bagaman buong-kalupitang pinag-uusig kung minsan ang mga Kristiyano, nasaksihan kapuwa sa una at sa ika-20 siglo ang mga panahon ng relihiyosong pagpaparaya. (Juan 15:20; Gawa 9:31) Malayang tinanggap at nakibagay ang mga Romano sa mga diyos at diyosa ng mga bayan na kanilang sinakop. Sumulat si Propesor Rodney Stark: “Sa maraming paraan ay nagbigay-daan ang Roma sa mas malaking antas ng kalayaan na muling naranasan lamang pagkatapos ng Amerikanong Himagsikan.” Sa modernong panahon, ang mga tao sa maraming lupain ay naging mas bukás sa ibang pangmalas, anupat nagbunga ito ng kanilang pagiging handang makinig sa mensahe ng Bibliya na dala ng mga Saksi ni Jehova.
Ang Papel ng Teknolohiya
19. Paano ginamit ng mga unang Kristiyano ang codex?
19 Sa katapus-tapusan, isaalang-alang kung paano pinapangyari ni Jehova na makinabang ang kaniyang bayan sa mga pagsulong sa teknolohiya. Bagaman ang mga unang Kristiyano ay hindi nabuhay sa isang panahon ng mabilis na pagsulong sa teknolohiya, ang isang pagsulong na ginamit nila ay ang codex, o pahinang-aklat. Hinalinhan ng codex ang malaki at mabigat na balumbon. Sinasabi ng aklat na The Birth of Codex: “Kung ihahambing sa mabagal at unti-unting pamamaraan ng paghalili ng codex sa balumbon sa sekular na panitikan, ang paggamit ng mga Kristiyano sa codex ay waring karaka-raka at malawakan.” Sinasabi rin ng reperensiyang ito: “Gayon na lamang kalawak ang paggamit ng mga Kristiyano sa codex noong ikalawang siglo anupat ang pagpapakilala rito ay tiyak na nagsimula bago ang A.D. 100.” Mas madaling gamitin ang codex kaysa sa isang balumbon. Mas mabilis na matagpuan ang mga kasulatan. Tiyak na nakatulong ito sa mga unang Kristiyano na, gaya ni Pablo, ay hindi lamang nagpaliwanag sa Kasulatan kundi ‘nagpatunay [rin] sa pamamagitan ng mga reperensiya’ ng mga bagay na itinuturo nila.—Gawa 17:2, 3.
20. Paano ginamit ng bayan ng Diyos ang modernong teknolohiya sa gawaing pangangaral sa buong daigdig, at bakit?
20 Kahanga-hanga ang mga pagsulong ng teknolohiya sa ating siglo. Ang mabibilis na palimbagan ay nakatulong upang maging posible ang sabay-sabay na paglalathala ng literatura sa Bibliya sa maraming wika. Pinabilis ng modernong teknolohiya ang gawaing pagsasalin sa Bibliya. Pinabilis naman ng mga trak, tren, barko, at mga eroplano ang paghahatid ng mga literatura sa Bibliya sa buong lupa. Nagkatotoo ang kagyat na komunikasyon sa pamamagitan ng mga telepono at fax machine. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, pinakilos ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na gamitin sa praktikal na paraan ang gayong teknolohiya upang itaguyod ang pagpapalaganap ng mabuting balita sa buong daigdig. Hindi nila ginagamit ang mga pagsulong na ito dahil lamang sa hangaring malaman at magamit ang anumang pinakabagong tuklas sa daigdig na ito. Sa halip, ang kanilang una at pinakamahalagang mithiin ay kung ano ang makatutulong sa kanila upang maisakatuparan ang kanilang atas na pangangaral sa pinakaepektibong paraan.
21. Sa ano tayo makapagtitiwala?
21 “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa,” ang inihula ni Jesus. (Mateo 24:14) Kung paanong nakita ng mga unang Kristiyano ang katuparan ng hulang iyan, nakikita natin ito sa ngayon sa isang malawak na antas. Sa kabila ng lawak at pagiging mahirap ng gawain, sa panahong kaayaaya at di-kaayaaya, sa kabila ng nagbabagong mga batas at saloobin, sa panahon ng digmaan at kapayapaan, at sa kabila ng lahat ng uri ng pagsulong sa teknolohiya, ang mabuting balita ay naipangaral at ipinangangaral pa rin. Hindi ka ba pinupuspos nito ng paghanga sa karunungan at kagila-gilalas na malayong pananaw ni Jehova? Tayo’y ganap na makatitiyak na matatapos ang gawaing pangangaral alinsunod sa talaorasan ni Jehova at maisasakatuparan ang kaniyang maibiging layunin sa ikapagpapala ng mga matuwid. Sila ang magmamay-ari sa lupa at maninirahan dito magpakailanman. (Awit 37:29; Habacuc 2:3) Kung ang ating buhay ay gagawin nating kasuwato ng layunin ni Jehova, makakabilang tayo sa kanila.—1 Timoteo 4:16.
[Talababa]
a Para sa mas detalyadong paliwanag tungkol sa dalawang hulang ito tungkol sa Mesiyas, tingnan ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, pahina 36, 97, at 98-107, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Mga Punto sa Pagrerepaso
◻ Bakit isang hamon ang atas na pangangaral ng mabuting balita?
◻ Sa anu-anong paraan nakinabang ang gawain ng mga Kristiyano mula sa mga kaayusan ng pamahalaan at sa relatibong katiwasayan sa lipunan?
◻ Ano pang mga pangyayari sa hinaharap ang tinitiyak sa atin ng pagpapala ni Jehova sa gawaing pangangaral?