DAVID
[malamang, Minamahal].
Sa Bagong Sanlibutang Salin, ang pangalang ito ay lumilitaw nang 1,079 na beses sa Hebreong Kasulatan, kabilang na ang 75 beses sa mga superskripsiyon ng 73 awit, at 59 na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa lahat ng tauhan sa Hebreong Kasulatan na tinukoy ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya, tanging sina Moises at Abraham lamang ang mas malimit nilang banggitin kaysa sa kaniya. Sa 1,138 dako kung saan lumilitaw ang pangalang David, ang tinutukoy ay iisang indibiduwal lamang, ang ikalawang hari ng Israel, o ang isa na kung minsan ay inilalarawan ni David: si “Jesu-Kristo, na anak ni David.”—Mat 1:1.
Ang lalaking ito na pastol, manunugtog, makata, kawal, estadista, propeta, at hari ay lubhang namumukod-tangi sa Hebreong Kasulatan. Siya ay isang matapang na mandirigma na nagpakita ng pagbabata sa ilalim ng mahihirap na kalagayan, isang lider at kumandante na may tunay at di-natitinag na lakas ng loob, gayunma’y mapagpakumbaba anupat kinilala niya ang kaniyang mga pagkakamali at pinagsisihan ang kaniyang malulubhang pagkakasala. Gayundin, siya ay magiliw at mahabagin, maibigin sa katotohanan at katuwiran, at higit sa lahat, lubos na nagtitiwala sa kaniyang Diyos na si Jehova.
Si David, na isang inapo nina Boaz at Ruth, ay nagmula sa isang angkan na matatalunton kina Perez at Juda. (Ru 4:18-22; Mat 1:3-6) Ang bunsong ito sa walong anak na lalaki ni Jesse ay mayroon ding dalawang kapatid na babae na maaaring mga kapatid niya sa ina. (1Sa 16:10, 11; 17:12; 1Cr 2:16) Maliwanag na ang isa sa mga kapatid na lalaki ni David ay namatay na walang anak kung kaya inalis ito sa mas huling mga rekord ng talaangkanan. (1Cr 2:13-16) Hindi binanggit ang pangalan ng ina ni David. Sinasabi ng ilan na si Nahas ang kaniyang ina, ngunit mas malamang na si Nahas ay ama ng mga kapatid na babae ni David sa ina.—2Sa 17:25; tingnan ang NAHAS Blg. 2.
Ang Betlehem, na mga 9 na km (5.5 mi) sa TTK ng Jerusalem, ang sariling bayan ni David, ang bayang pinanirahan ng kaniyang mga ninunong sina Jesse, Obed, at Boaz, at kung minsan ay tinatawag itong “lunsod ni David.” (Luc 2:4, 11; Ju 7:42) Ngunit pansinin na hindi ito ang binabanggit sa 2 Samuel 5:7 na “Lunsod ni David,” na tumutukoy sa Sion sa Jerusalem.—2Sa 5:7.
Bilang Isang Kabataan. Una nating makikilala si David bilang pastol na nag-aalaga sa mga tupa ng kaniyang ama sa isang parang na malapit sa Betlehem, anupat maaalaala natin na pagkaraan ng mahigit isang milenyo, sa isang parang din malapit sa Betlehem, lubhang namangha ang mga pastol dahil sila ang pinili upang makarinig ng patalastas ng anghel ni Jehova hinggil sa kapanganakan ni Jesus. (Luc 2:8-14) Nang si Samuel ay isugo ng Diyos sa sambahayan ni Jesse upang pahiran ang isa sa mga anak nito bilang hari sa hinaharap, hindi niya pinili ang pitong nakatatandang kapatid ni David at sinabi niya, “Hindi pinili ni Jehova ang mga ito.” Sa kahuli-hulihan ay ipinasundo si David sa parang. Makapigil-hininga ang tagpo nang dumating si David—“siya ay may mapulang kutis, isang kabataang lalaki na may magagandang mata at makisig ang anyo”—sapagkat hanggang sa pagkakataong iyon ay walang nakaaalam kung bakit pumaroon si Samuel. “Tumindig ka,” ang utos ni Jehova kay Samuel, “pahiran mo siya, sapagkat siya na nga!” Ang isang ito ang tinutukoy ni Jehova nang sabihin niya, “Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse, isang lalaking kalugud-lugod sa aking puso, na gagawa ng lahat ng bagay na ninanasa ko.”—1Sa 16:1-13; 13:14; Gaw 13:22.
Ang mga taon na ginugol ni David bilang isang kabataang pastol ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kaniyang buhay. Naihanda siya ng kaniyang buhay sa parang para sa pamumuhay bilang isang takas nang kailanganin niyang magtagô dahil sa poot ni Saul. Naging bihasa rin siya sa pagpapahilagpos ng mga bato, at nalinang niya ang pagbabata, lakas ng loob, at pagiging handa na sundan at sagipin ang mga tupang napahiwalay sa kawan, anupat hindi siya nag-atubiling pumatay ng oso o leon kung kinakailangan.—1Sa 17:34-36.
Ngunit sa kabila ng kaniyang kagitingan bilang mandirigma, maaalaala rin si David bilang isang bihasang manunugtog ng alpa at isang mangangatha ng awit, mga kakayahang marahil ay natamo niya sa maraming oras ng pagbabantay sa mga tupa. Nakilala rin si David sa paglikha ng mga bagong panugtog. (2Cr 7:6; 29:26, 27; Am 6:5) Dahil sa pag-ibig ni David kay Jehova, nakakatha siya ng mga liriko na mas matayog kaysa sa pangkaraniwang mga awit anupat ang mga iyon ay naging mga klasikal na obra maestra na nauukol sa pagsamba at pagpuri kay Jehova. Ipinakikita ng mga superskripsiyon ng di-kukulangin sa 73 awit na si David ang kumatha ng mga ito, at ang ibang mga awit naman ay kinikilala sa ibang bahagi ng Bibliya bilang isinulat ni David. (Ihambing ang Aw 2:1 sa Gaw 4:25; Aw 95:7, 8 sa Heb 4:7.) Malamang na ang ilan, gaya ng mga Awit 8, 19, 23, 29, ay nagpapabanaag ng mga karanasan ni David bilang pastol.
Ang lahat ng pagsasanay na ito habang nag-aalaga ng mga tupa ay naghanda kay David sa mas mahalagang gawain ng pagpapastol sa bayan ni Jehova, gaya nga ng nasusulat: “Pinili [ni Jehova] si David na kaniyang lingkod at kinuha niya siya mula sa mga kural ng kawan. Mula sa pagsunod sa mga tupang babaing nagpapasuso dinala niya siya upang maging pastol sa Jacob na kaniyang bayan at sa Israel na kaniyang mana.” (Aw 78:70, 71; 2Sa 7:8) Gayunman, nang unang iwanan ni David ang mga tupa ng kaniyang ama, hindi pa niya hahalinhan noon ang nakaluklok na hari. Sa halip, naglingkod siya bilang manunugtog ng korte ayon sa rekomendasyon ng isang tagapayo ni Saul, na naglarawan kay David kapuwa bilang ‘dalubhasa sa pagtugtog’ at bilang “isang magiting at makapangyarihang lalaki at isang lalaking mandirigma at isang matalinong tagapagsalita at isang lalaking may makisig na anyo, at si Jehova ay sumasakaniya.” (1Sa 16:18) Kaya si David ang naging manunugtog ng alpa ng nababagabag na si Saul, at kaniya ring tagapagdala ng baluti.—1Sa 16:19-23.
Nang maglaon, sa mga kadahilanang hindi binanggit, bumalik si David sa bahay ng kaniyang ama sa loob ng di-matiyak na yugto ng panahon. Nang magdala siya ng mga panustos sa kaniyang mga kapatid na nasa hukbo ni Saul, na nang panahong iyon ay pansamantalang tumigil sa pakikipaglaban sa mga Filisteo, nagalit siya nang makita niya at marinig na dinudusta ni Goliat si Jehova. “Sino ang di-tuling Filisteong ito upang tuyain niya ang mga hukbo ng Diyos na buháy?” ang tanong ni David. (1Sa 17:26) “Si Jehova,” ang sabi pa niya, “na nagligtas sa akin mula sa pangalmot ng leon at mula sa pangalmot ng oso, siya ang magliligtas sa akin mula sa kamay ng Filisteong ito.” (1Sa 17:37) Nang bigyan ng pahintulot, ang lalaking ito na pumatay ng leon at oso ay lumapit kay Goliat, na sinasabi: “Ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong tinuya.” Biglang ipinukol ni David ang isang bato gamit ang kaniyang panghilagpos at pinabagsak ang tagapagtanggol ng mga kaaway. Pagkatapos, sa pamamagitan ng sariling tabak ni Goliat, pinugutan ito ni David ng ulo, at bumalik siya sa kampo dala ang mga tropeo ng digmaan, ang ulo at tabak ng higanteng iyon.—1Sa 17:45-54; LARAWAN, Tomo 1, p. 745.
Kapansin-pansin na sa Septuagint, gaya ng makikita sa manuskritong Griego na Vatican 1209 ng ikaapat na siglo, ay wala ang 1 Samuel 17:55 hanggang sa salitang “Filisteo” sa 18:6a. Kaya naman minarkahan ng Moffatt ng doblihang mga braket ang lahat ng talatang ito maliban sa pinakahuli, anupat tinawag ang mga ito na “alinman sa editoryal na mga dagdag o mga interpolasyon.” Gayunman, may mga katibayang sumusuporta sa bersiyon ng tekstong Masoretiko.—Tingnan ang SAMUEL, MGA AKLAT NG (Mga Seksiyon na Wala sa Griegong Septuagint).
Bilang Isang Takas. (MAPA, Tomo 1, p. 746) Dahil sa mabibilis na pangyayaring iyon, ang buhay ni David ay nagbago mula sa paninirahan sa ilang tungo sa pagiging isang taong kilalá sa buong Israel. Nang atasan siyang mamahala sa mga lalaking mandirigma, sinalubong si David ng sayaw at pagsasaya nang bumalik siya mula sa isang matagumpay na pakikipagbaka sa mga Filisteo, anupat ganito ang inaawit ng karamihan nang araw na iyon, “Si Saul ay nagpabagsak ng kaniyang libu-libo, at si David ay ng kaniyang sampu-sampung libo.” (1Sa 18:5-7) “Minamahal ng buong Israel at Juda si David,” at ang mismong anak ni Saul na si Jonatan ay nakipagtibay kay David ng isang panghabang-buhay na tipan ng pag-ibig sa isa’t isa at pakikipagkaibigan, anupat maging ang anak ni Jonatan na si Mepiboset at ang kaniyang apo na si Mica ay tumanggap ng mga kapakinabangang dulot ng tipang iyon.—1Sa 18:1-4, 16; 20:1-42; 23:18; 2Sa 9:1-13.
Dahil sa pagiging popular ni David, kinainggitan siya ni Saul, na palaging “tumitingin kay David nang may paghihinala magmula nang araw na iyon.” Makalawang ulit, samantalang tumutugtog si David gaya noong una, hinagisan siya ni Saul ng sibat upang tuhugin siya sa dingding, at sa dalawang pagkakataong iyon ay iniligtas siya ni Jehova. Bago nito, ipinangako ni Saul na ibibigay niya ang kaniyang anak na babae sa sinumang makapapatay kay Goliat, ngunit ngayon ay atubili na siyang ibigay ito kay David. Nang bandang huli ay sumang-ayon din si Saul na ipakasal kay David ang kaniyang ikalawang anak na babae, sa kundisyon na magdadala si David sa kaniya ng “isang daang dulong-balat ng mga Filisteo,” isang di-makatuwirang kahilingan na iniisip ni Saul na magiging dahilan ng kamatayan ni David. Ngunit dinoble pa ng matapang na si David ang dote, dinala niya kay Saul ang 200 dulong-balat, at napangasawa niya si Mical. Kaya dalawa na sa mga anak ni Saul ang buong-pusong nakipagtipan kay David, na naging dahilan naman upang lalo siyang kapootan ni Saul. (1Sa 18:9-29) Nang muling tumugtog si David sa harap ni Saul, tinangka ng hari na tuhugin siya sa dingding sa ikatlong pagkakataon. Sa dilim ng gabi ay tumakas si David, anupat muli na lamang niyang nakita si Saul sa ilalim ng naiiba at totoong kakatwang mga kalagayan.—1Sa 19:10.
Noong sumunod na mga taon ay namuhay si David bilang isang takas, na palipat-lipat sa iba’t ibang dako dahil walang-tigil siyang tinutugis ng isang mapagmatigas at balakyot na hari na determinadong pumatay sa kaniya. Unang nanganlong si David sa Rama na kinaroroonan ng propetang si Samuel (1Sa 19:18-24), ngunit nang hindi na ligtas na magtago roon ay nagtungo siya sa Filisteong lunsod ng Gat. Bago dumeretso sa Gat, dumaan siya sa Nob upang pumaroon sa mataas na saserdoteng si Ahimelec, na nagbigay sa kaniya ng tabak ni Goliat. (1Sa 21:1-9; 22:9-23; Mat 12:3, 4) Gayunman, nakatakas lamang siya sa Gat sa pamamagitan ng pagbabalatkayo niya ng kaniyang katinuan, habang gumagawa ng mga paekis na marka sa pintuang-daan gaya ng isang bata at pinatutulo ang laway niya sa kaniyang balbas. (1Sa 21:10-15) Ibinatay ni David sa karanasang ito ang nilalaman ng mga Awit 34 at 56. Pagkatapos ay nagtago siya sa yungib ng Adulam, kung saan pumaroon sa kaniya ang kaniyang pamilya at ang mga 400 lalaking sawing-palad at nagigipit. Maaaring ginugunita ng Awit 57 o 142, o ng dalawang ito, ang kaniyang pagtigil sa yungib na iyon. Nagpatuloy si David sa pagpapalipat-lipat—mula roon patungo sa Mizpe sa Moab at pagkatapos ay pabalik sa kagubatan ng Heret sa Juda. (1Sa 22:1-5) Noong naninirahan siya sa Keila, nabalitaan niya na si Saul ay naghahandang sumalakay, kung kaya siya at ang kaniyang mga tauhan, na noon ay mga 600 na ang bilang, ay lumisan patungo sa Ilang ng Zip. Patuloy siyang tinugis ni Saul sa iba’t ibang dako, mula sa Ilang ng Zip sa Hores hanggang sa Ilang ng Maon. Mahuhuli na sana ni Saul noon si David ngunit may dumating na balita na lumusob ang mga Filisteo. Dahil dito, pansamantalang itinigil ni Saul ang paghabol anupat nakatakas si David patungo sa En-gedi. (1Sa 23:1-29) Ang magagandang Awit na pumupuri kay Jehova dahil sa paglalaan ng makahimalang pagliligtas (Aw 18, 59, 63, 70) ay nagmula sa mga karanasang katulad nito.
Sa En-gedi, pumasok si Saul sa isang yungib upang manabi. Si David, na nagtatago sa kaloob-loobang dako ng yungib, ay tahimik na lumapit at pinutol ang laylayan ng kasuutan ni Saul ngunit hindi niya ito pinatay, anupat sinabi na malayong mangyari na saktan niya ang hari, “sapagkat siya ang pinahiran ni Jehova.”—1Sa 24:1-22.
Pagkamatay ni Samuel. Nang mamatay na si Samuel, si David, na nananatili pa ring isang tapon, ay nanahanan sa Ilang ng Paran. (Tingnan ang PARAN.) Siya at ang kaniyang mga tauhan ay nagpakita ng kabaitan kay Nabal, isang mayamang tao na may mga alagang hayop sa Carmel, sa dakong T ng Hebron, subalit itinaboy lamang sila ng walang-utang-na-loob na taong ito. Dahil sa mabilis na pag-iisip ng asawa ni Nabal na si Abigail, hindi itinuloy ni David ang paglipol sa mga lalaki sa sambahayang iyon, ngunit si Nabal ay sinaktan ni Jehova at namatay. Pagkatapos nito, napangasawa ni David ang balo, kaya bukod pa kay Ahinoam na mula sa Jezreel, nagkaroon si David ng isa pang asawa, si Abigail na taga-Carmel; noon namang panahong wala si David, ibinigay ni Saul si Mical sa ibang lalaki.—1Sa 25:1-44; 27:3.
Sa ikalawang pagkakataon ay nanganlong si David sa Ilang ng Zip, at sinimulan na naman siyang tugisin ng hari. Itinulad ni David si Saul at ang 3,000 tauhan nito sa mga naghahanap ng “isang pulgas, gaya ng isang humahabol ng isang perdis sa mga bundok.” Isang gabi ay tahimik na pumasok sina David at Abisai sa kampo ni Saul samantalang tulóg ang lahat ng naroroon at tinangay nila ang sibat at ang banga ng tubig nito. Gusto nang patayin ni Abisai si Saul, ngunit sa ikalawang pagkakataon ay hindi pinatay ni David si Saul, anupat sinabi niya na mula sa pangmalas ni Jehova, malayong mangyari na iunat niya ang kaniyang kamay laban sa pinahiran ng Diyos. (1Sa 26:1-25) Ito na ang huling pagkakataon na nakita ni David ang kaniyang kalaban.
Namayan si David sa Ziklag sa teritoryong Filisteo, kung saan malayo siya kay Saul sa loob ng 16 na buwan. Maraming makapangyarihang lalaki ang umalis sa mga hukbo ni Saul at sumama sa mga tapon na nasa Ziklag, anupat nakaya ni David na lusubin ang mga bayan ng mga kaaway ng Israel sa T, sa gayo’y pinatibay ang mga hangganan ng Juda at pinalakas ang kaniyang posisyon bilang hari sa hinaharap. (1Sa 27:1-12; 1Cr 12:1-7, 19-22) Nang pinaghahandaan ng mga Filisteo na salakayin ang mga hukbo ni Saul, inanyayahan ni Haring Akis si David na sumama sa kanila, palibhasa’y iniisip nito na si David ay naging “alingasaw sa kaniyang bayang Israel.” Ngunit hindi sumang-ayon dito ang ibang mga panginoon ng alyansa dahil iniisip nilang isang panganib sa seguridad si David. (1Sa 29:1-11) Sa pagbabaka na nagtapos sa Bundok Gilboa, namatay si Saul at ang tatlo sa kaniyang mga anak, kasama si Jonatan.—1Sa 31:1-7.
Samantala, ninakawan at sinunog ng mga Amalekita ang Ziklag, anupat tinangay ang lahat ng mga babae at mga bata. Kaagad na tinugis ng mga hukbo ni David ang mga mandarambong, naabutan ang mga ito, at binawi ang kanilang mga asawa at mga anak at ang lahat ng mga pag-aari. (1Sa 30:1-31) Pagkaraan ng tatlong araw, dinala ng isang Amalekita ang diadema at pulseras ni Saul, anupat may-panlilinlang na ipinaghambog na siya ang pumatay sa sugatáng hari dahil umaasa siyang bibigyan siya ng gantimpala. Bagaman kasinungalingan lamang iyon, iniutos ni David na patayin ang Amalekita dahil sa pag-aangking siya ang “pumatay sa pinahiran ni Jehova.”—2Sa 1:1-16; 1Sa 31:4, 5.
Bilang Hari. (MAPA, Tomo 1, p. 746) Labis na napighati si David sa masaklap na balitang patay na si Saul. Hindi niya ikinagalak ang pagkamatay ng kaniyang pangunahing kaaway kundi nabagabag pa nga siya dahil nabuwal ang pinahiran ni Jehova. Bilang panaghoy, kinatha ni David ang isang panambitan na pinamagatang “Ang Busog.” Ibinulalas niya roon na ang kaniyang pinakamahigpit na kaaway at ang kaniyang pinakamatalik na kaibigan ay magkasamang nabuwal sa pagbabaka—“si Saul at si Jonatan, ang mga kaibig-ibig at ang mga kaiga-igaya noong sila ay nabubuhay, at sa kanilang kamatayan ay hindi sila nagkahiwalay.”—2Sa 1:17-27.
Pagkatapos nito, lumipat si David sa Hebron, kung saan siya pinahiran ng matatandang lalaki ng Juda bilang hari sa kanilang tribo noong 1077 B.C.E., nang siya ay 30 taóng gulang. Ang anak naman ni Saul na si Is-boset ang ginawang hari ng ibang mga tribo. Ngunit pagkaraan ng mga dalawang taon, si Is-boset ay pinaslang, anupat ang kaniyang ulo ay dinala kay David ng mga mamamaslang na umaasang tatanggap sila ng gantimpala, ngunit pinatay rin sila gaya niyaong nagpanggap na pumatay kay Saul. (2Sa 2:1-4, 8-10; 4:5-12) Bilang resulta ng pagkamatay ni Is-boset, sumama sa Juda ang mga tribo na hanggang noong panahong iyon ay sumusuporta sa anak ni Saul, at nang maglaon, isang hukbo na may bilang na 340,822 ang nagtipun-tipon at si David ay ginawa nilang hari ng buong Israel.—2Sa 5:1-3; 1Cr 11:1-3; 12:23-40.
Pamamahala sa Jerusalem. Pagkatapos na mamahala si David sa Hebron nang pito at kalahating taon, inilipat niya ang kaniyang kabisera, ayon sa tagubilin ni Jehova, sa nabihag na moog ng mga Jebusita, ang Jerusalem. Doon ay itinayo niya sa Sion ang Lunsod ni David at namahala siya nang 33 taon pa. (2Sa 5:4-10; 1Cr 11:4-9; 2Cr 6:6) Noong naninirahan si Haring David sa Hebron, nadagdagan pa ang kaniyang mga asawa, kinuha niyang muli si Mical, at nagkaroon siya ng maraming anak na lalaki at babae. (2Sa 3:2-5, 13-16; 1Cr 3:1-4) Pagkalipat niya sa Jerusalem, kumuha siya ng mas marami pang mga asawa at mga babae na nagsilang naman sa kaniya ng mas marami pang anak.—2Sa 5:13-16; 1Cr 3:5-9; 14:3-7.
Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay naging hari ng buong Israel, umahon sila upang ibagsak siya. Gaya ng dati (1Sa 23:2, 4, 10-12; 30:8), sumangguni si David kay Jehova kung dapat ba siyang umahon laban sa kanila. “Umahon ka,” ang sagot sa kaniya, at pinasapitan ni Jehova ang kaaway ng isang napakatinding pagkawasak kung kaya tinawag ni David ang dakong iyon na Baal-perazim, na nangangahulugang “May-ari ng mga Paglansag.” Nang muli silang makipagsagupaan, iniba ni Jehova ang estratehiya, at inutusan niya si David na lumigid at saktan ang mga Filisteo mula sa likuran.—2Sa 5:17-25; 1Cr 14:8-17.
Tinangka ni David na dalhin ang kaban ng tipan sa Jerusalem, ngunit nabigo ito nang hawakan ni Uzah ang kaban at pabagsakin siya dahil dito. (2Sa 6:2-10; 1Cr 13:1-14) Pagkaraan ng mga tatlong buwan, matapos ang maingat na mga paghahanda, kasama rito ang pagpapabanal sa mga saserdote at mga Levita at ang pagtiyak na ang Kaban ay nakapasan sa kanilang mga balikat sa halip na nakapatong sa isang karwahe gaya noong una, dinala ito sa Jerusalem. Habang nakadamit nang simple lamang, ipinakita ni David ang kaniyang kagalakan at pananabik sa natatanging okasyong ito nang siya ay ‘maglulukso at sumayaw sa harap ni Jehova.’ Ngunit sinaway si David ng kaniyang asawang si Mical, na nagsabing kumilos siyang ‘gaya ng isa sa mga taong walang-isip.’ Dahil sa di-makatuwirang reklamong ito, si Mical ay ‘hindi nagkaroon ng anak hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.’—2Sa 6:11-23; 1Cr 15:1-29.
Isinaayos din ni David na mapalawak ang pagsamba kay Jehova sa bagong lokasyon ng Kaban sa pamamagitan ng pag-aatas ng mga bantay ng pintuang-daan at mga manunugtog at pagtiyak na may “mga handog na sinusunog . . . nang palagian sa umaga at sa gabi.” (1Cr 16:1-6, 37-43) Karagdagan pa, inisip ni David na magtayo ng isang templong yari sa sedro upang maging bahay ng Kaban, bilang kahalili ng tolda nito. Ngunit hindi pinahintulutan si David na itayo ang bahay, sapagkat ang sabi ng Diyos: “Pagkarami-raming dugo ang iyong ibinubo, at malalaking digmaan ang iyong ipinakipaglaban. Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan, sapagkat napakaraming dugo ang iyong ibinubo sa lupa sa harap ko.” (1Cr 22:8; 28:3) Gayunman, nakipagtipan si Jehova sa kaniya anupat nangakong ang paghahari ay mananatili sa kaniyang pamilya nang walang hanggan, at may kaugnayan sa tipang ito, tiniyak ng Diyos na ang kaniyang anak na si Solomon, na ang pangalan ay mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “kapayapaan,” ang siyang magtatayo ng templo.—2Sa 7:1-16, 25-29; 1Cr 17:1-27; 2Cr 6:7-9; Aw 89:3, 4, 35, 36.
Kaayon ng tipang ito ukol sa kaharian, pinahintulutan ni Jehova si David na palawakin ang teritoryo niya mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa Eufrates, anupat pinatitibay ang kaniyang mga hanggahan, pinananatili ang pakikipagpayapaan sa hari ng Tiro, at nakikipagbaka at nanlulupig sa mga kalaban sa magkabi-kabila—mga Filisteo, mga Siryano, mga Moabita, mga Edomita, mga Amalekita, at mga Ammonita. (2Sa 8:1-14; 10:6-19; 1Ha 5:3; 1Cr 13:5; 14:1, 2; 18:1–20:8) Dahil sa bigay-Diyos na mga tagumpay na ito, si David ay naging isang napakamakapangyarihang tagapamahala. (1Cr 14:17) Gayunman, alam na alam ni David na nagkaroon siya ng gayong katayuan hindi dahil sa panlulupig o sa pagmamana kundi dahil sa tulong ni Jehova, na siyang naglagay sa kaniya sa trono ng makalarawang teokrasyang iyon.—1Cr 10:14; 29:10-13.
Nagdulot ng kapahamakan ang kaniyang mga pagkakasala. Noong isinasagawa ang patuluyang kampanya laban sa mga Ammonita, naganap ang isa sa pinakamalulungkot na pangyayari sa buhay ni David. Nagsimula ito nang mamasdan ng hari mula sa kaniyang bubong ang magandang si Bat-sheba na naliligo at magkaroon siya ng maling pagnanasa rito. (San 1:14, 15) Nang malaman ni David na ang asawa nitong si Uria ay nasa digmaan, iniutos niya na dalhin ang babae sa kaniyang palasyo, at doon ay sinipingan niya ito. Nang maglaon ay ipinasabi ng babae sa hari na siya’y nagdadalang-tao. Walang alinlangang dahil sa takot na si Bat-sheba ay ilantad sa madla at patayin dahil sa imoral na gawain, kaagad na nagsugo si David sa hukbo upang utusan si Uria na mag-ulat sa kaniya sa Jerusalem, anupat umaasang magpapalipas ng gabi si Uria kasama ng asawa nito. Ngunit kahit na nilasing ito ni David, hindi pa rin sinipingan ni Uria si Bat-sheba. Palibhasa’y gipit na gipit na, pinabalik ni David si Uria sa hukbo dala ang lihim na mga tagubilin sa kumandanteng si Joab na ilagay si Uria sa unahan ng labanan, kung saan tiyak na mapapatay ito. Nagtagumpay ang pakana. Namatay si Uria sa pagbabaka, ipinangilin ng kaniyang balo ang kaugaliang yugto ng pagdadalamhati, at pagkatapos ay kinuha ni David ang balo bilang asawa bago malaman ng taong-bayan ang pagdadalang-tao nito.—2Sa 11:1-27.
Ngunit nagmamasid si Jehova, at ibinunyag niya ang kasuklam-suklam na pangyayaring iyon. Kung pinahintulutan ni Jehova na mga taong hukom sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang humawak sa kaso nina David at Bat-sheba, pinatay na sana ang dalawang nagkasala, at sabihin pa, ang di-pa-naisisilang na supling na bunga ng kanilang pangangalunya ay mamamatay kasama ng kaniyang ina. (Deu 5:18; 22:22) Gayunman, si Jehova mismo ang humawak sa kasong ito at pinagpakitaan niya ng awa si David dahil sa tipan ukol sa Kaharian (2Sa 7:11-16), walang alinlangang dahil si David mismo ay nagpakita ng awa (1Sa 24:4-7; ihambing ang San 2:13) at dahil sa pagsisisi na nakita ng Diyos sa mga nagkasala. (Aw 51:1-4) Ngunit hindi nila naiwasan ang lahat ng kaparusahan. Sa pamamagitan ng propetang si Natan, ipinahayag ni Jehova: “Narito, magbabangon ako laban sa iyo ng kapahamakan mula sa iyong sariling sambahayan.”—2Sa 12:1-12.
At nagkagayon nga. Di-kalaunan ay namatay ang anak sa pangangalunya na isinilang ni Bat-sheba, kahit pa nag-ayuno at nagdalamhati si David nang pitong araw noong ang bata ay may sakit. (2Sa 12:15-23) Pagkatapos ay ginahasa ng panganay na anak ni David na si Amnon ang kaniyang kapatid sa ama na si Tamar, at bilang resulta nito ay pinaslang si Amnon ng tunay na kapatid ni Tamar, na nagdulot naman ng pighati kay David. (2Sa 13:1-33) Nang maglaon, tinangka ni Absalom, ang ikatlo at minamahal na anak ni David, na agawin ang trono anupat lantaran din niyang hinamak at dinusta ang kaniyang ama sa pamamagitan ng pagsiping sa mga babae ni David. (2Sa 15:1–16:22) Umabot sa sukdulan ang kahihiyang ito nang ibulusok ng digmaang sibil ang bansa sa isang tunggalian ng anak at ama, na nagwakas sa kamatayan ni Absalom, isang bagay na hindi kailanman hinangad ni David kung kaya lubha itong nakapighati sa kaniya. (2Sa 17:1–18:33) Noong tinutugis siya ni Absalom, kinatha ni David ang Awit 3, na doon ay sinabi niya, “Ang kaligtasan ay kay Jehova.”—Aw 3:8.
Ngunit sa kabila ng lahat ng kaniyang mga pagkakamali at malulubhang pagkakasala, laging nagpapakita si David ng wastong kalagayan ng puso sa pamamagitan ng pagsisisi at paghingi ng kapatawaran ni Jehova. Pagkatapos ng kaniyang pagkakasala may kaugnayan kay Bat-sheba, isinulat ni David ang Awit 51, na nagsasabi, “Sa kamalian ay iniluwal ako . . . sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” (Aw 51:5) Noon namang udyukan siya ni Satanas na kumuha ng sensus ng mga lalaking kuwalipikado para sa mga hukbong militar, mapagpakumbabang ipinagtapat ni David ang kaniyang mga pagkakasala.—2Sa 24:1-17; 1Cr 21:1-17; 27:24; tingnan ang PAGPAPAREHISTRO, PAGREREHISTRO.
Pagbili sa lupang pagtatayuan ng templo. Nang huminto ang salot na dulot ng pagkakamali ng hari sa huling nabanggit na pangyayari, binili ni David ang giikan ni Ornan at, bilang hain kay Jehova, inihandog niya ang mga baka at ang karetang panggiik. Nang maglaon ay itinayo ni Solomon sa dakong ito ang maringal na templo. (2Sa 24:18-25; 1Cr 21:18-30; 2Cr 3:1) Laging nasa puso ni David ang pagtatayo ng templong iyon, at bagaman hindi siya pinahintulutang itayo iyon, pinayagan siyang bumuo ng isang malaking pangkat ng manggagawa upang magtabas ng mga bato at magtipon ng mga materyales kasama na rito ang 100,000 talento na ginto ($38,535,000,000) at 1,000,000 talento na pilak ($6,606,000,000), at tanso at bakal na walang takdang dami. (1Cr 22:2-16) Mula sa sarili niyang kayamanan ay nag-abuloy si David ng ginto ng Opir at dinalisay na pilak na nagkakahalaga ng mahigit sa $1,202,000,000. Inilaan din ni David ang mga arkitektural na plano, na tinanggap niya sa pamamagitan ng pagkasi, at inorganisa niya ang sampu-sampung libong Levita sa maraming pangkat ng paglilingkod, kasama ang isang malaking koro ng mga mang-aawit at manunugtog.—1Cr 23:1–29:19; 2Cr 8:14; 23:18; 29:25; Ezr 3:10.
Katapusan ng paghahari. Sa huling mga araw ng buhay ni David, ang 70-taóng gulang na hari, na hindi na makaalis noon sa higaan, ay patuloy pa ring umaani ng kapahamakan sa loob ng kaniyang pamilya. Lingid sa kaniyang kaalaman at walang pahintulot niya at, mas malubha pa, walang pagsang-ayon ni Jehova, tinangka ng kaniyang ikaapat na anak na si Adonias na gawing hari ang sarili nito. Nang makarating kay David ang balitang ito, agad siyang kumilos upang ang kaniyang anak na si Solomon, ang pinili ni Jehova, ay opisyal na maitalaga bilang hari at maiupo sa trono. (1Ha 1:5-48; 1Cr 28:5; 29:20-25; 2Cr 1:8) Pagkatapos ay pinayuhan ni David si Solomon na lumakad sa mga daan ni Jehova, tuparin ang Kaniyang mga batas at mga utos, kumilos nang may kapantasan sa lahat ng bagay, at kung magkagayon ay mapapabuti siya.—1Ha 2:1-9.
Pagkaraan ng 40-taóng paghahari, si David ay namatay at inilibing sa Lunsod ni David, matapos patunayan na karapat-dapat siyang mapabilang sa talaan ni Pablo ng mga saksi na may namumukod-tanging pananampalataya. (1Ha 2:10, 11; 1Cr 29:26-30; Gaw 13:36; Heb 11:32) Nang sipiin ni Jesus ang Awit 110, sinabi niya na isinulat iyon ni David “sa ilalim ng pagkasi.” (Mat 22:43, 44; Mar 12:36) Sa maraming talata ng Bibliya, kinilala ng mga apostol at ng iba pang mga manunulat na si David ay isang kinasihang propeta ng Diyos.—Ihambing ang Aw 16:8 sa Gaw 2:25; Aw 32:1, 2 sa Ro 4:6-8; Aw 41:9 sa Ju 13:18; Aw 69:22, 23 sa Ro 11:9, 10; Aw 69:25 at 109:8 sa Gaw 1:16, 20.
Makalarawan. Madalas banggitin ng mga propeta si David at ang kaniyang maharlikang sambahayan, kung minsan ay may kaugnayan sa huling mga hari ng Israel na umupo sa “trono ni David” (Jer 13:13; 22:2, 30; 29:16; 36:30) at kung minsan ay sa mga pananalitang makahula. (Jer 17:25; 22:4; Am 9:11; Zac 12:7-12) Itinutuon ng ilang Mesiyanikong hula ang pansin sa tipan ni Jehova kay David ukol sa kaharian. Halimbawa, sinabi ni Isaias na ang isa na tatawaging “Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan” ay matibay na itatatag sa “trono ni David” hanggang sa panahong walang takda. (Isa 9:6, 7; ihambing din ang 16:5.) Inihalintulad ni Jeremias ang Mesiyas sa “isang sibol na matuwid” na ‘ibabangon ni Jehova para kay David.’ (Jer 23:5, 6; 33:15-17) Sa pamamagitan ni Ezekiel, tinukoy ni Jehova ang Mesiyanikong Pastol bilang ang ‘aking lingkod na si David.’—Eze 34:23, 24; 37:24, 25.
Nang ipatalastas ng anghel kay Maria na magsisilang ito ng isang anak na lalaki na tatawaging Jesus, sinabi niya na “ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama.” (Luc 1:32) Si “Jesu-Kristo, na anak ni David,” ay kapuwa ang legal at ang likas na tagapagmana ng trono ni David. (Mat 1:1, 17; Luc 3:23-31) Sinabi ni Pablo na si Jesus ang supling ni David ayon sa laman. (Ro 1:3; 2Ti 2:8) Kinilala rin si Jesus ng karaniwang mga tao bilang ang “Anak ni David.” (Mat 9:27; 12:23; 15:22; 21:9, 15; Mar 10:47, 48; Luc 18:38, 39) Mahalagang matiyak ito, sapagkat, gaya ng inamin ng mga Pariseo, ang Mesiyas ay anak ni David. (Mat 22:42) Mismong ang binuhay-muling si Jesus ay nagpatotoo rin sa bagay na ito, na sinasabi: “Ako, si Jesus, . . . ang ugat at ang supling ni David.”—Apo 22:16; gayundin sa Apo 3:7; 5:5.
[Dayagram sa pahina 567]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ISANG TALAANGKANAN NI DAVID
(Nakasulat sa puro malalaking titik ang pangalan ng mga lalaki)
BOAZ at Ruth (kaniyang asawa)
OBED
JESSE
PAMILYA NI JESSE
ELIAB (Elihu)
ABINADAB
SHAMAH (Simea[h], Simei)
NETANEL
RADAI
OZEM
Zeruias
-di-pinangalanan-
DAVID
Abigail
MGA PAMANGKIN NI DAVID
JEHONADAB
ABISAI
JOAB
ASAHEL
AMASA
MGA ASAWA NI DAVID
Mical
mga asawa at babae-di-pinangalanan-
Ahinoam
Abigail
Maaca
Hagit
Abital
Egla
Bat-sheba
MGA ANAK NI DAVID
AMNON
DANIEL (Kileab)
ABSALOM (Abisalom)
Tamar
ADONIAS
SEPATIAS
ITREAM
IBHAR
ELISUA (Elisama)
NOGA
ELIPELET (Elpelet)
NEPEG
JAPIA
ELISAMA
BEELIADA (Eliada)
ELIPELET
JERIMOT
-di-pinangalanan-
SIMEA (Samua)
SOBAB
NATAN
SOLOMON (Jedidias)
MARIA
JOSE