Ipinakikita sa Atin ni Jehova Kung Paano Bibilangin ang Ating mga Araw
“Ipakita mo sa amin kung paano bibilangin ang aming mga araw upang makapagtamo kami ng pusong may karunungan.”—AWIT 90:12.
1. Bakit angkop na hilingin kay Jehova na ipakita sa atin kung paano ‘bibilangin ang ating mga araw’?
ANG Diyos na Jehova ang ating Maylalang at Tagapagbigay-Buhay. (Awit 36:9; Apocalipsis 4:11) Kung gayon, wala nang iba pa na mas nasa kalagayang ipakita sa atin kung paano gagamitin ang mga taon ng ating buhay sa matalinong paraan. Angkop lamang kung gayon na nagsumamo ang salmista sa Diyos: “Ipakita mo sa amin kung paano bibilangin ang aming mga araw upang makapagtamo kami ng pusong may karunungan.” (Awit 90:12) Ang ika-90 Awit, kung saan natin matatagpuan ang pakiusap na iyon, ay tiyak na karapat-dapat sa ating maingat na pagsasaalang-alang. Gayunman, alamin muna natin ang maikling sumaryo ng awit na ito na kinasihan ng Diyos.
2. (a) Sino ang tinutukoy na kumatha sa Awit 90, at kailan ito maaaring isinulat? (b) Paano dapat makaapekto ang ika-90 Awit sa ating pangmalas sa buhay?
2 Tinatawag ito ng superskripsiyon ng Awit 90 na “panalangin ni Moises, na lalaki ng tunay na Diyos.” Yamang idiniriin ng awit na ito ang pagiging panandalian ng buhay ng tao, malamang na kinatha ito pagkatapos iligtas ang mga Israelita mula sa pagkakaalipin sa Ehipto at noong panahon ng kanilang 40-taóng paglalakbay sa ilang, nang magwakas ang isang walang-pananampalatayang salinlahi dahilan sa libu-libo ang nangamatay. (Bilang 32:9-13) Anuman ang pangyayari, ipinakikita ng Awit 90 na maikli ang buhay ng di-sakdal na mga tao. Kung gayon, maliwanag na dapat nating gamitin nang may katalinuhan ang ating mahahalagang araw.
3. Ano ang mga pangunahing nilalaman ng Awit 90?
3 Sa Awit 90, si Jehova ay ipinakikilala ng talatang 1 hanggang 6 bilang ang ating walang-hanggang tahanang dako. Ipinakikita ng talatang 7 hanggang 12 kung ano ang kailangan natin upang magamit ang panandaliang mga taon ng ating buhay sa paraang kaayaaya sa kaniya. At gaya ng ipinahayag sa talatang 13 hanggang 17, taimtim nating hinahangad na makatanggap ng maibiging-kabaitan at pagpapala ni Jehova. Siyempre pa, hindi inihuhula ng awit na ito ang ating indibiduwal na mga karanasan bilang mga lingkod ni Jehova. Gayunman, dapat na personal nating dibdibin ang may-pananalanging mga saloobin nito. Kung gayon, suriin nating mabuti ang Awit 90 sa pamamagitan ng mga mata niyaong mga nakaalay sa Diyos.
Si Jehova—Ang Ating “Tunay na Tahanang Dako”
4-6. Paanong isang “tunay na tahanang dako” si Jehova para sa atin?
4 Nagsimula ang salmista sa ganitong pananalita: “O Jehova, ikaw ay naging tunay na tahanang dako namin sa sali’t salinlahi. Bago naipanganak ang mga bundok, o bago mo iniluwal na waring may mga kirot ng pagdaramdam ang lupa at ang mabungang lupain, mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda ay ikaw ang Diyos [o, ang Makapangyarihan].”—Awit 90:1, 2, talababa sa Ingles.
5 Para sa atin ang “walang-hanggang Diyos,” si Jehova, ay “tunay na tahanang dako”—isang espirituwal na kanlungan. (Roma 16:26) Nakadarama tayo ng kapanatagan, dahil lagi siyang handang tumulong sa atin bilang ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Dahil sa inihahagis natin ang ating mga kabalisahan sa ating makalangit na Ama sa pamamagitan ng kaniyang minamahal na Anak, ‘ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay nagbabantay sa ating mga puso at mga kakayahang pangkaisipan.’—Filipos 4:6, 7; Mateo 6:9; Juan 14:6, 14.
6 Nagtatamasa tayo ng espirituwal na katiwasayan sapagkat, sa makasagisag na pananalita, si Jehova ay isang “tunay na tahanang dako” para sa atin. Naglalaan din siya ng “mga loobang silid”—malamang na may malapit na kaugnayan sa mga kongregasyon ng kaniyang bayan—bilang mga espirituwal na kublihan, kung saan ang maibiging mga pastol ay nakatutulong nang malaki sa pagkadama natin ng katiwasayan. (Isaias 26:20; 32:1, 2; Gawa 20:28, 29) Bukod dito, ang ilan sa atin ay kabilang sa mga pamilyang may mahabang kasaysayan ng paglilingkuran sa Diyos at personal na nasumpungan siya bilang ‘tunay na tahanang dako sa sali’t salinlahi.’
7. Sa anong diwa “naipanganak” ang mga bundok at iniluwal ang lupa na waring may “mga kirot ng pagdaramdam”?
7 Umiral na si Jehova bago “naipanganak” ang mga bundok o bago iniluwal ang lupa na waring may “mga kirot ng pagdaramdam.” Kung titingnan mula sa pangmalas ng tao, ang paglikha sa lupa lakip na ang lahat ng katangian nito, kimikal na kayarian, at masalimuot na mga mekanismo nito ay nangangailangan ng malaking pagsisikap. At sa pagsasabing “naipanganak” ang mga bundok at iniluwal ang lupa na waring may “mga kirot ng pagdaramdam,” ipinakikita ng salmista ang matinding paggalang sa laki ng gawaing nasangkot nang lalangin ni Jehova ang mga bagay na ito. Hindi ba’t dapat na magkaroon tayo ng gayunding paggalang at pagpapahalaga sa gawang-kamay ng Maylalang?
Si Jehova ay Laging Handang Tumulong sa Atin
8. Ano ang ibig sabihin ng pananalitang si Jehova ay Diyos “mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda”?
8 “Mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda ay ikaw ang Diyos,” ang awit ng salmista. Ang “panahong walang takda” ay maaaring tumukoy sa mga bagay na may wakas ngunit ang itatagal nito ay hindi pa itinakda. (Exodo 31:16, 17; Hebreo 9:15) Gayunman, sa Awit 90:2 at sa iba pang bahagi ng Kasulatang Hebreo, ang “panahong walang takda” ay nangangahulugang “walang hanggan.” (Eclesiastes 1:4) Hindi mauunawaan ng ating isipan kung paano posibleng ang Diyos ay laging umiiral. Gayunman, si Jehova ay walang pasimula at hindi magkakaroon ng wakas. (Habakuk 1:12) Siya ay magiging laging buháy at handang tumulong sa atin.
9. Sa ano itinumbas ng salmista ang isang libong taon ng pag-iral ng tao?
9 Ang salmista ay kinasihan na itumbas ang isang libong taon ng pag-iral ng tao sa napakaikling panahon ng karanasan ng walang-hanggang Maylalang. Patungkol sa Diyos, isinulat niya: “Pinababalik mo ang taong mortal sa durog na bagay, at sinasabi mo: ‘Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao.’ Sapagkat ang isang libong taon sa iyong paningin ay gaya lamang ng kahapon kapag ito ay nakalipas na, at gaya ng isang pagbabantay sa gabi.”—Awit 90:3, 4.
10. Paano ‘pinababalik [ng Diyos ang tao] sa durog na bagay’?
10 Ang tao ay mortal, at ‘pinababalik [siya ng Diyos] sa durog na bagay.’ Samakatuwid nga, ang tao ay bumabalik “sa alabok,” bilang durog, o pinulbos, na lupa. Sa diwa, sinasabi ni Jehova: ‘Bumalik ka sa alabok ng lupa kung saan ka ginawa.’ (Genesis 2:7; 3:19) Kumakapit ito sa lahat—malakas o mahina, mayaman o dukha—sapagkat walang di-sakdal na tao ‘ang sa paanuman ay makatutubos sa kaniyang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos para sa kaniya, upang mabuhay siya magpakailanman.’ (Awit 49:6-9) Ngunit kay laki ng pasasalamat natin na ‘ibinigay ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa sa nananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan’!—Juan 3:16; Roma 6:23.
11. Bakit natin masasabi na ang mahabang panahon para sa atin ay napakaikli sa Diyos?
11 Sa pangmalas ni Jehova, maging ang 969-na-taóng-gulang na si Matusalem ay nabuhay nang wala pang isang araw. (Genesis 5:27) Sa Diyos, ang isang libong taon ay parang kahapon lamang—isang yugto na 24 na oras —kapag ito ay lumipas na. Binanggit din ng salmista na sa Diyos, ang isang libong taon ay gaya ng apat-na-oras na pagbabantay ng isang tanod sa isang kampamento kapag gabi. (Hukom 7:19) Kung gayon, maliwanag na ang mahabang panahon para sa atin ay napakaikli sa walang-hanggang Diyos, si Jehova.
12. Paano “pinalis” ng Diyos ang mga tao?
12 Kabaligtaran ng walang-hanggang pag-iral ng Diyos, ang kasalukuyang buhay ng tao ay talagang maikli. Sinabi ng salmista: “Pinalis mo sila; sila ay nagiging gaya lamang ng pagtulog; sa umaga ay gaya sila ng luntiang damo na nagbabago. Sa umaga ay namumulaklak ito at nagbabago; sa gabi ay nalalanta ito at natutuyo nga.” (Awit 90:5, 6) Nakita ni Moises na namatay sa iláng ang libu-libong Israelita, “pinalis” ng Diyos na gaya sa isang baha. Ang bahaging ito ng awit ay isinalin na: “Pinalis mo ang mga tao sa pamamagitan ng pagtulog sa kamatayan.” (New International Version) Sa kabilang panig, ang haba ng buhay ng di-sakdal na mga tao ay “gaya lamang ng [sandaling] pagtulog”—maihahalintulad lamang sa isang gabing pag-idlip.
13. Paanong tayo ay ‘gaya ng luntiang damo,’ at paano ito dapat makaapekto sa ating pag-iisip?
13 Tayo ay ‘gaya ng luntiang damo na namumulaklak sa umaga’ ngunit nalalanta na pagdating ng gabi dahil sa tindi ng init ng araw. Oo, ang buhay natin ay panandalian lamang na gaya ng damo na nalalanta sa loob ng isang araw. Kung gayon, huwag nating sayangin ang mahalagang kayamanang ito. Sa halip, dapat nating hingin ang patnubay ng Diyos kung paano natin dapat gamitin ang ating natitirang mga taon sa sistemang ito ng mga bagay.
Tinutulungan Tayo ni Jehova na ‘Bilangin ang Ating mga Araw’
14, 15. Ang Awit 90:7-9 ay nagkaroon ng anong katuparan sa mga Israelita?
14 Tungkol sa Diyos, sinabi pa ng salmista: “Sumapit kami sa kawakasan sa iyong galit, at dahil sa iyong pagngangalit ay naligalig kami. Inilagay mo ang aming mga kamalian sa mismong harap mo, ang mga nakatagong bagay namin sa harapan ng iyong maningning na mukha. Sapagkat ang lahat ng aming mga araw ay sumasapit sa kanilang pagtatapos dahil sa iyong poot; natapos namin ang aming mga taon na katulad lamang ng bulong.”—Awit 90:7-9.
15 Ang walang-pananampalatayang mga Israelita ay ‘sumapit sa kawakasan dahil sa galit ng Diyos.’ Sila ay ‘naligalig dahil sa kaniyang pagngangalit,’ o ‘nasindak dahil sa kaniyang galit.’ (New International Version) Ang ilan ay ‘ibinuwal sa iláng’ bilang resulta ng mga paghatol ng Diyos. (1 Corinto 10:5) ‘Inilagay [ni Jehova] ang kanilang kamalian sa mismong harap niya.’ Pinapagsulit niya sila sa kanilang hayagang paggawa ng kamalian, ngunit maging ang kanilang “mga nakatagong bagay,” o inilihim na mga pagkakasala, ay nasa ‘harapan ng kaniyang maningning na mukha.’ (Kawikaan 15:3) Bilang mga tudlaan ng matinding galit ng Diyos, ‘natapos [ng di-nagsisising mga Israelita] ang kanilang mga taon na katulad lamang ng bulong.’ Tungkol sa bagay na iyan, ang mismong maikling buhay natin ay gaya ng hininga na dumaraan sa ating mga labi na parang bulong lamang.
16. Kung ang ilan ay palihim na gumagawa ng kasalanan, ano ang dapat nilang gawin?
16 Kung ang sinuman sa atin ay palihim na gagawa ng kasalanan, maaaring maikubli natin nang ilang panahon ang gayong paggawi sa mga kapuwa tao. Ngunit ang ating patagong paggawa ng kamalian ay mapapasa ‘harapan ng maningning na mukha ni Jehova,’ at sisirain ng ating mga kilos ang ating kaugnayan sa kaniya. Upang muling maging malapít kay Jehova, kailangan tayong manalangin ukol sa kaniyang kapatawaran, magwaksi ng ating mga pagsalansang, at may-pagpapahalagang tumanggap ng espirituwal na tulong ng Kristiyanong matatanda. (Kawikaan 28:13; Santiago 5:14, 15) Tunay na mas mabuti pa iyon kaysa sa ‘matapos ang ating mga taon na katulad lamang ng bulong,’ anupat isinasapanganib ang ating pag-asa na buhay na walang hanggan!
17. Anong haba ng buhay ang karaniwan sa mga tao sa pangkalahatan, at ang mga taon natin ay punô ng ano?
17 Hinggil sa haba ng buhay ng di-sakdal na mga tao, sinasabi ng salmista: “Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahil sa natatanging kalakasan ay walumpung taon, ngunit ang pinagpupunyagian nila ay ang kabagabagan at nakasasakit na mga bagay; sapagkat madali itong lumilipas, at kami ay lumilipad na.” (Awit 90:10) Karaniwan na sa mga tao sa pangkalahatan ang 70 taóng haba ng buhay, at sa edad na 85, binanggit ni Caleb ang kaniyang pambihirang lakas. May ilang eksepsiyon, tulad nina Aaron (123), Moises (120), at Josue (110). (Bilang 33:39; Deuteronomio 34:7; Josue 14:6, 10, 11; 24:29) Ngunit tungkol sa walang-pananampalatayang salinlahi na lumabas sa Ehipto, ang mga rehistrado mula 20 taóng gulang pataas ay namatay sa loob ng 40 taon. (Bilang 14:29-34) Sa ngayon, ang pangkalahatang haba ng buhay ng tao sa maraming bansa ay nananatili sa haba ng panahon na ibinigay ng salmista. Ang mga taon natin ay punô ng “kabagabagan at nakasasakit na mga bagay.” Ang mga ito ay mabilis na lumilipas, ‘at tayo ay lumilipad na.’—Job 14:1, 2.
18, 19. (a) Ano ang ibig sabihin ng ‘bilangin ang ating mga araw upang makapagtamo tayo ng pusong may karunungan’? (b) Ang paggamit natin ng karunungan ay magpapakilos sa atin na gawin ang ano?
18 Sumunod ay inawit ng salmista: “Sino ang nakaaalam ng tindi ng iyong galit at ng iyong poot ayon sa pagkatakot sa iyo? Ipakita mo sa amin kung paano bibilangin ang aming mga araw upang makapagtamo kami ng pusong may karunungan.” (Awit 90:11, 12) Walang isa man sa atin ang lubos na nakaaalam sa tindi ng galit ng Diyos o sa kasukdulan ng kaniyang poot, at dapat nitong pasidhiin ang ating mapitagang pagkatakot kay Jehova. Sa katunayan, dapat tayong udyukan nito na itanong sa kaniya ‘kung paano [natin] bibilangin ang ating mga araw upang makapagtamo tayo ng pusong may karunungan.’
19 Ang mga salita ng salmista ay isang panalangin na nawa’y turuan ni Jehova ang kaniyang bayan kung paano gagamitin ang karunungan sa pagpapahalaga at paggugol sa kanilang natitirang mga araw sa paraang sinasang-ayunan ng Diyos. Ang 70 taóng haba ng buhay ay naglalaan ng mga 25,500 araw. Gayunman, anuman ang ating edad, ‘hindi natin nalalaman kung ano ang magiging buhay natin bukas, sapagkat tayo ay isang singaw na lumilitaw nang kaunting panahon at pagkatapos ay naglalaho.’ (Santiago 4:13-15) Yamang ‘ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa ating lahat,’ hindi natin masasabi kung gaano pa tayo katagal mabubuhay. Kung gayon ay manalangin tayo ukol sa karunungan upang maharap ang mga pagsubok, mapakitunguhan nang wasto ang iba, at magawa ang buong makakaya natin sa paglilingkod kay Jehova sa kasalukuyan mismo—ngayon! (Eclesiastes 9:11; Santiago 1:5-8) Pinapatnubayan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang espiritu, at ng kaniyang organisasyon. (Mateo 24:45-47; 1 Corinto 2:10; 2 Timoteo 3:16, 17) Ang paggamit ng karunungan ay magpapakilos sa atin na ‘hanapin muna ang Kaharian ng Diyos’ at gugulin ang mga araw natin sa paraang magdudulot ng kaluwalhatian kay Jehova at magpapasaya sa kaniyang puso. (Mateo 6:25-33; Kawikaan 27:11) Siyempre pa, ang buong-pusong pagsamba sa kaniya ay hindi mag-aalis sa lahat ng ating problema, ngunit tiyak na magbubunga naman ito ng malaking kagalakan.
Ang Pagpapala ni Jehova ay Nagdudulot sa Atin ng Kagalakan
20. (a) Sa anong paraan “nalulungkot” ang Diyos? (b) Paano makikitungo sa atin si Jehova kung malubha tayong nagkasala ngunit nagpapamalas naman ng tunay na pagsisisi?
20 Napakaganda nga kung makapagsasaya tayo habang tayo ay nabubuhay! Hinggil dito, nagsumamo si Moises: “Bumalik ka, O Jehova! Hanggang kailan pa? At ikalungkot mo ang tungkol sa iyong mga lingkod. Busugin mo kami sa umaga ng iyong maibiging-kabaitan [o, “matapat na pag-ibig”], upang humiyaw kami nang may kagalakan at magsaya sa lahat ng aming mga araw.” (Awit 90:13, 14; talababa sa Ingles) Hindi nagkakamali ang Diyos. Gayunman, talagang ‘nalulungkot’ siya at ‘tinatalikuran’ ang kaniyang galit at ang paglalapat ng parusa kapag ang kaniyang babala hinggil sa paggawa ng gayon ay nagbubunga ng pagbabago sa saloobin at paggawi sa panig ng nagsisising mga manggagawa ng kamalian. (Deuteronomio 13:17) Kaya sakali mang magkasala tayo nang malubha ngunit nagpamalas naman ng tunay na pagsisisi, ‘bubusugin tayo ni Jehova ng kaniyang maibiging-kabaitan,’ at magkakaroon tayo ng dahilan upang ‘humiyaw nang may kagalakan.’ (Awit 32:1-5) At sa pagtataguyod ng isang matuwid na landasin, madarama natin ang matapat na pag-ibig ng Diyos para sa atin at magagawa nating ‘magsaya sa lahat ng ating mga araw’—oo, habang tayo ay nabubuhay.
21. Sa mga salitang nakaulat sa Awit 90:15, 16, ano ang maaaring hinihiling ni Moises?
21 Buong-taimtim na nanalangin ang salmista: “Pasayahin mo kami katumbas ng mga araw na ipinighati mo sa amin, ng mga taon na nakakita kami ng kapahamakan. Makita nawa ng iyong mga lingkod ang iyong mga gawa at ang iyong karilagan sa kanilang mga anak.” (Awit 90:15, 16) Marahil ay hinihiling ni Moises sa Diyos na pagpalain ang Israel ng pagsasaya na katumbas, o kasintagal ng mga araw, ng kanilang pamimighati at ng mga taon na nakaranas sila ng kapahamakan. Hiniling niya na ang “mga gawa” ng Diyos na pagpapala sa mga Israelita ay maging malinaw sa Kaniyang mga lingkod at na ang Kaniyang karilagan ay maipamalas sa kanilang mga anak, o supling. Angkop na maidadalangin natin na ibuhos sana ang mga pagpapala sa masunuring sangkatauhan sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.—2 Pedro 3:13.
22. Ayon sa Awit 90:17, ukol sa ano tayo angkop na makapananalangin?
22 Ang Awit 90 ay nagtatapos sa ganitong pakiusap: “Sumaamin nawa ang kaigayahan ni Jehova na aming Diyos, at ang gawa ng aming mga kamay ay itatag mo nga nang matibay sa amin. Oo, ang gawa ng aming mga kamay, itatag mo nga nang matibay.” (Awit 90:17) Ipinakikita ng mga salitang ito na angkop na makapananalangin tayo sa Diyos na pagpalain ang ating mga pagsisikap sa paglilingkod sa kaniya. Bilang mga pinahirang Kristiyano o mga kasamahan nila, ang “ibang mga tupa,” nagsasaya tayo na “ang kaigayahan ni Jehova” ay nananatili sa atin. (Juan 10:16) Anong ligaya nga natin na ‘matibay na itinatag [ng Diyos] ang gawa ng ating mga kamay’ bilang mga tagapaghayag ng Kaharian at sa iba pang mga paraan!
Patuloy Nating Bilangin ang Ating mga Araw
23, 24. Paano tayo makikinabang sa pagbubulay-bulay sa ika-90 Awit?
23 Ang pagbubulay-bulay sa ika-90 Awit ay dapat na magpatindi sa ating pagtitiwala kay Jehova, ang ating “tunay na tahanang dako.” Sa pagdidili-dili sa mga salita nito tungkol sa kaiklian ng buhay, dapat na lalo nating matanto na kailangan natin ang patnubay ng Diyos sa pagbilang sa ating mga araw. At kung magtitiyaga tayo sa paghahanap at paggamit sa makadiyos na karunungan, tiyak na tatanggapin natin ang maibiging-kabaitan at pagpapala ni Jehova.
24 Patuloy na ipakikita sa atin ni Jehova kung paano bibilangin ang ating mga araw. At kung susunod tayo sa kaniyang tagubilin, patuloy nating mabibilang ang ating mga araw magpakailanman. (Juan 17:3) Gayunman, kung talagang gusto natin ng buhay na walang hanggan, dapat na maging kanlungan natin si Jehova. (Judas 20, 21) Gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, ang puntong ito ay niliwanag nang husto sa nakapagpapatibay na mga salita ng ika-91 Awit.
Paano Mo Sasagutin?
• Paanong isang “tunay na tahanang dako” si Jehova para sa atin?
• Bakit natin masasabi na si Jehova ay laging handang tumulong sa atin?
• Paano tayo tinutulungan ni Jehova na ‘bilangin ang ating mga araw’?
• Ano ang nagpapangyari sa atin na ‘magsaya sa lahat ng ating mga araw’?
[Larawan sa pahina 10]
Si Jehova ay Diyos “bago naipanganak ang mga bundok”
[Larawan sa pahina 12]
Sa pangmalas ni Jehova, ang 969-na-taóng-gulang na si Matusalem ay nabuhay nang wala pang isang araw
[Mga larawan sa pahina 14]
‘Matibay na itinatag [ni Jehova] ang gawa ng ating mga kamay’