Si Jehova ang Ating Kanlungan
“Sapagkat sinabi mo: ‘Si Jehova ang aking kanlungan,’ . . . walang kapahamakang mangyayari sa iyo.”—AWIT 91:9, 10.
1. Bakit natin masasabi na si Jehova ang ating kanlungan?
SI Jehova ay tunay na kanlungan para sa kaniyang bayan. Kung lubos ang ating debosyon sa kaniya, tayo ay maaaring ‘gipitin sa bawat paraan, ngunit hindi nasisikipan anupat hindi na makakilos; maaaring maguluhan, ngunit hindi lubos na walang malabasan; maaaring usigin, ngunit hindi iniiwan sa kagipitan; maaaring ibagsak, ngunit hindi napupuksa.’ Bakit? Dahil pinagkakalooban tayo ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7-9) Oo, tinutulungan tayo ng ating makalangit na Ama na magtaguyod ng isang makadiyos na pamumuhay, at maaari nating dibdibin ang mga salita ng salmista: “Sapagkat sinabi mo: ‘Si Jehova ang aking kanlungan,’ ginawa mong iyong tahanan ang mismong Kataas-taasan; walang kapahamakang mangyayari sa iyo.”—Awit 91:9, 10.
2. Ano ang masasabi tungkol sa Awit 91 at ano ang ipinangangako nito?
2 Ang mga salitang iyon ng Awit 91 ay malamang na isinulat ni Moises. Siya ang tinukoy ng isang superskripsiyon bilang kompositor ng ika-90 Awit, at sinundan ito ng Awit 91 nang walang anumang isiningit na pananalita na tumutukoy sa ibang manunulat. Marahil ang Awit 91 ay inawit sa paraang antiphonic; samakatuwid, maaaring aawit muna ang isang tao (91:1, 2), at may sasagot naman na isang koro (91:3-8). Posible na isang tinig ang susunod na maririnig (91:9a) at tutugunin naman ito ng isang grupo (91:9b-13). Pagkatapos ay isang mang-aawit ang malamang na aawit sa panghuling mga salita (91:14-16). Anuman ang paraan ng pag-awit dito, ang ika-91 Awit ay nangangako ng espirituwal na katiwasayan sa mga pinahirang Kristiyano bilang isang uri at nagbibigay ng gayunding katiyakan para sa kanilang nakaalay na mga kasamahan bilang isang grupo.a Suriin natin ang awit na ito mula sa punto de vista ng lahat ng gayong mga lingkod ni Jehova.
Tiwasay sa ‘Lihim na Dako ng Diyos’
3. (a) Ano ang “lihim na dako ng Kataas-taasan”? (b) Ano ang nararanasan natin sa pamamagitan ng ‘panunuluyan sa pinakalilim ng Makapangyarihan-sa-lahat’?
3 Umawit ang salmista: “Ang sinumang tumatahan sa lihim na dako ng Kataas-taasan ay makasusumpong ng kaniyang matutuluyan sa pinakalilim ng Makapangyarihan-sa-lahat. Sasabihin ko kay Jehova: ‘Ikaw ang aking kanlungan at aking moog, ang aking Diyos, na pagtitiwalaan ko.’ ” (Awit 91:1, 2) Ang “lihim na dako ng Kataas-taasan” ay isang makasagisag na dako ng proteksiyon para sa atin, at lalo na para sa mga pinahiran, na pantanging mga tudlaan ng Diyablo. (Apocalipsis 12:15-17) Mapupuksa niya tayong lahat kung hindi lamang sa proteksiyon na tinatamasa natin na gaya niyaong nakikipanuluyan sa Diyos bilang espirituwal na mga panauhin. Sa pamamagitan ng ‘panunuluyan sa pinakalilim ng Makapangyarihan-sa-lahat,’ nararanasan natin ang nagsasanggalang na silungan, o lilim ng Diyos. (Awit 15:1, 2; 121:5) Wala nang mas ligtas na kanlungan o mas matatag na moog kaysa sa ating Soberanong Panginoon, si Jehova.—Kawikaan 18:10.
4. Anong mga kasangkapan ang ginagamit ng “manghuhuli ng ibon,” si Satanas, at paano tayo nakatatakas?
4 Sinabi pa ng salmista: “Siya [ si Jehova] ang magliligtas sa iyo mula sa bitag ng manghuhuli ng ibon, mula sa salot na nagdudulot ng mga kapighatian.” (Awit 91:3) Ang manghuhuli ng ibon sa sinaunang Israel ay malimit makahuli ng mga ibon sa pamamagitan ng paggamit ng mga silo o bitag. Kabilang sa mga silo ng “manghuhuli ng ibon,” si Satanas, ay ang kaniyang balakyot na organisasyon at “tusong mga gawa.” (Efeso 6:11, talababa sa Ingles) Ang mga nakatagong bitag ay iniuumang sa ating landas upang hikayatin tayo sa kabalakyutan at maging sanhi ng pagkasira ng ating espirituwalidad. (Awit 142:3) Gayunman, dahil sa itinakwil natin ang kalikuan, ‘ang ating kaluluwa ay tulad ng ibong nakatatakas mula sa bitag.’ (Awit 124:7, 8) Kay laki ng pasalamat natin na inililigtas tayo ni Jehova mula sa balakyot na “manghuhuli ng ibon”!—Mateo 6:13.
5, 6. Anong “salot” ang nagdudulot ng “mga kapighatian,” ngunit bakit hindi napadaraig dito ang bayan ni Jehova?
5 Binanggit ng salmista ang “salot na nagdudulot ng mga kapighatian.” Tulad ng isang nakahahawang epidemyang sakit, may isang bagay na nagiging sanhi ng “mga kapighatian” para sa pamilya ng tao at para sa mga tagapagtaguyod ng soberanya ni Jehova. Hinggil dito, sumulat ang istoryador na si Arnold Toynbee: “Mula nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig II ay dinoble ng nasyonalismo ang bilang ng lokal na mga soberanong independiyenteng estado . . . Ang kasalukuyang saloobin ng sangkatauhan ay lalong nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi.”
6 Sa nakalipas na mga siglo, pinag-alab ng ilang pinuno ang mga apoy ng internasyonal na alitan na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi. Hiniling din nila na sila o ang iba’t ibang imahen o mga sagisag ay pag-ukulan ng pagpipitagan. Ngunit hindi kailanman pahihintulutan ni Jehova na madaig ng gayong “salot” ang kaniyang tapat na bayan. (Daniel 3:1, 2, 20-27; 6:7-10, 16-22) Bilang isang maibiging internasyonal na kapatiran, pinag-uukulan natin si Jehova ng bukod-tanging debosyon, pinananatili ang maka-Kasulatang neutralidad, at walang-pagtatanging kinikilala na “sa bawat bansa ang tao na natatakot sa [Diyos] at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35; Exodo 20:4-6; Juan 13:34, 35; 17:16; 1 Pedro 5:8, 9) Bagaman dumaranas tayo ng “mga kapighatian” sa anyong pag-uusig bilang mga Kristiyano, tayo ay nagagalak at tiwasay sa espirituwal na paraan “sa lihim na dako ng Kataas-taasan.”
7. Paano tayo ipinagsasanggalang ni Jehova “sa pamamagitan ng kaniyang mga bagwis”?
7 Yamang kanlungan natin si Jehova, nagtatamo tayo ng kaaliwan mula sa mga salitang: “Sa pamamagitan ng kaniyang mga bagwis ay haharangan niya ang lalapit sa iyo, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay manganganlong ka. Ang kaniyang katapatan ay magiging isang malaking kalasag at balwarte.” (Awit 91:4) Ipinagsasanggalang tayo ng Diyos, kung paanong umaali-aligid ang isang magulang na ibon upang ipagsanggalang ang mga inakáy nito. (Isaias 31:5) ‘Sa pamamagitan ng kaniyang mga bagwis ay hinaharangan niya ang lumalapit sa atin.’ Karaniwan na, ang “mga bagwis” ng ibon ay ang mga pakpak nito. Sa pamamagitan ng mga ito ay nilililiman ng isang ibon ang kaniyang mga inakáy, anupat ipinagsasanggalang sila mula sa mga maninila. Tulad ng mga inakáy, tayo ay tiwasay sa ilalim ng makasagisag na mga bagwis ni Jehova dahil nanganlong tayo sa kaniyang tunay na Kristiyanong organisasyon.—Ruth 2:12; Awit 5:1, 11.
8. Paanong ang “katapatan” ni Jehova ay isang malaking kalasag at balwarte?
8 Nagtitiwala tayo sa “katapatan,” o sa pagiging tapat. Tulad ito ng isang malaking kalasag noong sinaunang panahon, na kadalasan ay parihaba at sapat ang laki upang matakpan ang buong katawan ng isang tao. (Awit 5:12) Ang pagtitiwala sa gayong proteksiyon ay nagpapalaya sa atin mula sa takot. (Genesis 15:1; Awit 84:11) Tulad ng ating pananampalataya, ang katapatan ng Diyos ay isang malaking nagsasanggalang na kalasag na sumasangga sa nag-aapoy na mga suligi ni Satanas at sumasalág sa mga ulos ng kaaway. (Efeso 6:16) Ito rin ay isang balwarte, isang matibay na depensang gulod na sa likod nito ay matatag tayong nakatayo.
‘Hindi Tayo Matatakot’
9. Bakit ang gabi ay maaaring maging isang nakatatakot na panahon, ngunit bakit hindi tayo natatakot?
9 Dahil sa proteksiyon ng Diyos, sinabi ng salmista: “Hindi ka matatakot sa anumang bagay na nakapanghihilakbot sa gabi, ni sa palaso na lumilipad sa araw, ni sa salot na lumalakad sa karimlan, ni sa pagkapuksa na nananamsam sa katanghaliang tapat.” (Awit 91:5, 6) Yamang maraming kabalakyutan ang ginagawa sa lambong ng kadiliman, ang gabi ay maaaring maging nakatatakot na panahon. Sa gitna ng espirituwal na kadiliman na tumatakip ngayon sa lupa, ang ating mga kaaway ay malimit gumamit ng mapanlinlang na mga gawa sa pagsisikap na sirain ang ating espirituwalidad at pahintuin ang ating gawaing pangangaral. Ngunit ‘hindi tayo natatakot sa anumang bagay na nakapanghihilakbot sa gabi’ sapagkat binabantayan tayo ni Jehova.—Awit 64:1, 2; 121:4; Isaias 60:2.
10. (a) Ano ang waring ipinahihiwatig ng “palaso na lumilipad sa araw,” at ano ang reaksiyon natin dito? (b) Ano ang katangian ng “salot na lumalakad sa karimlan,” at bakit hindi natin ito kinatatakutan?
10 Ang “palaso na lumilipad sa araw” ay waring nagpapahiwatig ng berbal na pagsalakay. (Awit 64:3-5; 94:20) Habang nagtitiyaga tayo sa paghaharap ng makatotohanang impormasyon, ang gayong hayagang pagsalansang sa ating sagradong paglilingkod ay mabibigo. Bukod dito, hindi natin kinatatakutan ang “salot na lumalakad sa karimlan.” Ito ay isang makasagisag na salot na pinalalaganap sa gitna ng karimlan ng sanlibutang ito na may sakit sa moral at relihiyosong paraan at nasa kapangyarihan ni Satanas. (1 Juan 5:19) Nagdudulot ito ng nakamamatay na kalagayan ng isip at puso, anupat ang mga tao ay iniiwang walang nalalaman tungkol kay Jehova, sa kaniyang mga layunin, at sa kaniyang maibiging mga paglalaan. (1 Timoteo 6:4) Sa gitna ng kadilimang ito, hindi tayo natatakot, yamang sagana tayong nagtatamasa ng espirituwal na liwanag.—Awit 43:3.
11. Ano ang nangyayari sa mga dumaranas ng ‘pananamsam sa katanghaliang tapat’?
11 Ang “pagkapuksa na nananamsam sa katanghaliang tapat” ay hindi rin nakatatakot sa atin. Maaaring ipinahihiwatig ng “katanghaliang tapat” ang tinatawag na kaliwanagan sa sanlibutan. Yaong mga nagpapadaig sa materyalistikong mga pangmalas nito ay dumaranas ng espirituwal na pagkapuksa. (1 Timoteo 6:20, 21) Habang buong-tapang nating ipinahahayag ang mensahe ng Kaharian, hindi natin kinatatakutan ang sinuman sa ating mga kaaway, sapagkat si Jehova ang ating Tagapagsanggalang.—Awit 64:1; Kawikaan 3:25, 26.
12. Kaninong tabi ‘nabubuwal’ ang libu-libo, at sa anong paraan?
12 Nagpatuloy pa ang salmista: “Isang libo ang mabubuwal sa iyo mismong tabi at sampung libo sa iyong kanan; sa iyo ay hindi iyon lalapit. Titingnan mo lamang ng iyong mga mata at makikita mo ang kagantihan sa mga balakyot.” (Awit 91:7, 8) Dahil sa hindi nila ginawang kanlungan si Jehova, marami ang ‘nabuwal’ sa espirituwal na kamatayan sa “mismong tabi” natin. Sa diwa, “sampung libo” ang nabuwal sa “kanan” ng mga espirituwal na Israelita ngayon. (Galacia 6:16) Ngunit tayo man ay mga pinahirang Kristiyano o nakaalay na mga kasamahan nila, tiwasay tayo sa “lihim na dako” ng Diyos. ‘Tinitingnan lamang natin at nakikita ang kagantihan sa balakyot,’ na umaani ng suliranin sa komersiyal, relihiyoso, at iba pang paraan.—Galacia 6:7.
‘Walang Kapahamakang Mangyayari sa Atin’
13. Anong mga kapahamakan ang hindi nangyayari sa atin, at bakit?
13 Bagaman gumuguho na ang katiwasayan ng sanlibutang ito, inuuna natin ang Diyos at napatitibay ang ating loob mula sa mga salita ng salmista: “Sapagkat sinabi mo: ‘Si Jehova ang aking kanlungan,’ ginawa mong iyong tahanan ang mismong Kataas-taasan; walang kapahamakang mangyayari sa iyo, at ni isa mang salot ay hindi lalapit sa iyong tolda.” (Awit 91:9, 10) Oo, si Jehova ang ating kanlungan. Gayunman, ginagawa rin nating ‘ating tahanan’ ang Kataas-taasang Diyos, kung saan nakasusumpong tayo ng kaligtasan. Pinupuri natin si Jehova bilang ang Soberano ng Sansinukob, ‘nananahanan’ tayo sa kaniya bilang ang Pinagmumulan ng ating katiwasayan, at ipinahahayag natin ang mabuting balita ng kaniyang Kaharian. (Mateo 24:14) Dahil dito, ‘walang kapahamakang mangyayari sa atin’—wala ni isa sa mga naunang inilarawang kapahamakan sa awit na ito. Nararanasan man natin tulad ng iba ang mga kapahamakang gaya ng mga lindol, malalakas na bagyo, baha, taggutom, at mga pinsalang dulot ng digmaan, hindi nito sinisira ang ating pananampalataya o ang ating espirituwal na katiwasayan.
14. Bilang mga lingkod ni Jehova, bakit hindi tayo nahahawa sa nakamamatay na mga salot?
14 Ang mga pinahirang Kristiyano ay gaya ng mga naninirahang dayuhan na nakatira sa mga toldang nakahiwalay sa sistemang ito ng mga bagay. (1 Pedro 2:11) ‘Ni isa mang salot ay hindi lumalapit sa kanilang tolda.’ Sa langit man o sa lupa ang ating pag-asa, hindi tayo bahagi ng sanlibutan, at hindi tayo nahahawa sa nakamamatay sa espirituwal na mga salot nito na gaya ng imoralidad, materyalismo, huwad na relihiyon, at pagsamba sa “mabangis na hayop” at sa “larawan” nito, ang United Nations.—Apocalipsis 9:20, 21; 13:1-18; Juan 17:16.
15. Sa anu-anong paraan natin tinatamasa ang tulong ng mga anghel?
15 Hinggil sa proteksiyon na tinatamasa natin, sinabi pa ng salmista: “Magbibigay [ si Jehova] ng utos sa kaniyang sariling mga anghel may kinalaman sa iyo, upang bantayan ka sa lahat ng iyong mga lakad. Bubuhatin ka nila sa kanilang mga kamay, upang hindi mo maihampas ang iyong paa sa anumang bato.” (Awit 91:11, 12) Ang mga anghel ay binigyan ng kapangyarihang ipagsanggalang tayo. (2 Hari 6:17; Awit 34:7-9; 104:4; Mateo 26:53; Lucas 1:19) Binabantayan nila tayo ‘sa lahat ng ating mga lakad.’ (Mateo 18:10) Tinatamasa natin ang patnubay at pangangalaga ng mga anghel bilang mga tagapaghayag ng Kaharian at hindi tayo natitisod sa espirituwal na paraan. (Apocalipsis 14:6, 7) Maging ang ‘mga bato’ gaya ng mga pagbabawal sa ating gawain ay hindi naging sanhi upang matisod tayo at mawala ang pagsang-ayon ng Diyos.
16. Paano nagkakaiba ang mga pagsalakay na ginagawa ng isang “batang leon” at ng isang “kobra,” at ano ang ating reaksiyon sa mga ito?
16 Nagpapatuloy ang salmista: “Ang batang leon at ang kobra ay tatapakan mo; yuyurakan mo ang may-kilíng na batang leon at ang malaking ahas.” (Awit 91:13) Kung paanong ang isang batang leon ay hayagan at harapang sumasalakay, ipinakikita rin ng ilan sa ating mga kaaway ang kanilang pagsalansang sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga batas na dinisenyo upang pahintuin ang ating gawaing pangangaral. Ngunit ang mga di-inaasahang pagsalakay na gaya niyaong sa isang kobra na tumutuklaw mula sa isang kublihang dako ay ginagawa rin sa atin. Habang nagkukubli sa mga mata ng publiko, ang klero kung minsan ay sumasalakay sa atin sa pamamagitan ng mga mambabatas, mga hukom, at iba pa. Ngunit dahil sa suporta ni Jehova, mapayapa tayong humahanap ng solusyon sa mga hukuman, sa gayon ay ‘ipinagtatanggol at legal na itinatatag ang mabuting balita.’—Filipos 1:7; Awit 94:14, 20-22.
17. Paano natin niyuyurakan ang “may-kilíng na batang leon”?
17 Binabanggit ng salmista ang pagyurak sa ‘may-kilíng na batang leon at sa malaking ahas.’ Ang may-kilíng na batang leon ay maaaring napakabagsik, at ang malaking ahas ay maaaring isang malaking reptilya. (Isaias 31:4) Gayunman, gaano man kabagsik ang may-kilíng na batang leon kapag harapang sumasalakay, makasagisag na niyuyurakan natin ito sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos sa halip na sa tulad-leon na mga tao o mga organisasyon. (Gawa 5:29) Kaya ang mapanganib na “leon” ay hindi nagdudulot sa atin ng espirituwal na pinsala.
18. Sino ang ipinagugunita sa atin ng “malaking ahas,” at ano ang kailangan nating gawin kapag sinasalakay tayo?
18 Sa Griegong Septuagint, “ang malaking ahas” ay tinatawag na “isang dragon.” Ipinagugunita sa atin nito ang tungkol sa “malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” (Apocalipsis 12:7-9; Genesis 3:15) Siya ay gaya ng isang halimaw na reptilya na may-kakayahang durugin at lulunin ang kaniyang nasila. (Jeremias 51:34) Kapag sinisikap ni Satanas na lingkisin tayo, anupat durugin tayo sa pamamagitan ng mga panggigipit ng sanlibutang ito, at lulunin tayo, magpumiglas tayo upang makawala tayo at mayurakan ang “malaking ahas” na ito. (1 Pedro 5:8) Dapat na gawin ito ng pinahirang nalabi kung gusto nilang makibahagi sa katuparan ng Roma 16:20.
Si Jehova—Ang Pinagmumulan ng Ating Kaligtasan
19. Bakit tayo nanganganlong kay Jehova?
19 Hinggil sa tunay na mananamba, kinakatawan ng salmista ang Diyos sa pagsasabing: “Dahil iniukol niya sa akin ang kaniyang pagmamahal, paglalaanan ko rin siya ng pagtakas. Ipagsasanggalang ko siya sapagkat nalaman niya ang aking pangalan.” (Awit 91:14) Sa literal, ang pariralang “ipagsasanggalang ko siya” ay “ilalagay ko siya sa mataas na dako,” samakatuwid nga, hindi maaabot. Nanganganlong tayo kay Jehova bilang kaniyang mga mananamba lalo na dahil ‘iniukol natin sa kaniya ang ating pagmamahal.’ (Marcos 12:29, 30; 1 Juan 4:19) ‘Pinaglalaanan naman tayo [ng Diyos] ng pagtakas’ mula sa ating mga kaaway. Kailanman ay hindi tayo papalisin sa lupa. Sa halip, maliligtas tayo sapagkat alam natin ang banal na pangalan at tumatawag tayo rito taglay ang pananampalataya. (Roma 10:11-13) At determinado tayong ‘lumakad sa pangalan ni Jehova magpakailanman.’—Mikas 4:5; Isaias 43:10-12.
20. Gaya ng pagtatapos ng Awit 91, ano ang ipinangangako ni Jehova sa kaniyang tapat na lingkod?
20 Gaya ng pagtatapos ng Awit 91, ganito ang sinabi ni Jehova tungkol sa kaniyang tapat na lingkod: “Tatawag siya sa akin, at sasagutin ko siya. Ako ay sasakaniya sa kabagabagan. Ililigtas ko siya at luluwalhatiin siya. Bubusugin ko siya ng kahabaan ng mga araw, at ipakikita ko sa kaniya ang aking pagliligtas.” (Awit 91:15, 16) Kapag tumatawag tayo sa Diyos sa panalangin ayon sa kaniyang kalooban, sinasagot niya tayo. (1 Juan 5:13-15) Nakaranas na tayo ng maraming kabagabagan dahil sa poot na pinag-alab ni Satanas. Ngunit ang mga salitang “ako ay sasakaniya sa kabagabagan” ay naghahanda sa atin sa mga pagsubok sa hinaharap at tumitiyak sa atin na palalakasin tayo ng Diyos kapag pinuksa na ang balakyot na sistemang ito.
21. Paanong ang mga pinahiran ay naluwalhati na?
21 Sa kabila ng matinding pagsalansang ni Satanas, ang lahat ng kabilang sa mga pinahiran na kasama natin ay luluwalhatiin sa langit sa takdang panahon ni Jehova —pagkatapos ng ‘mahabang mga araw’ sa lupa. Gayunman, ang pambihirang mga pagliligtas ng Diyos ay nagdulot na ng espirituwal na kaluwalhatian sa pinahiran. At kay laki ngang karangalan para sa kanila na manguna bilang mga Saksi ni Jehova sa lupa sa mga huling araw na ito! (Isaias 43:10-12) Ang pinakadakilang pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan ay magaganap sa panahon ng kaniyang dakilang digmaan ng Armagedon kapag ipinagbangong-puri niya ang kaniyang pagkasoberano at pinabanal ang kaniyang sagradong pangalan.—Awit 83:18; Ezekiel 38:23; Apocalipsis 16:14, 16.
22. Sino ang ‘makakakita sa pagliligtas ni Jehova’?
22 Tayo man ay mga pinahirang Kristiyano o mga nakaalay na kasamahan nila, umaasa tayo sa Diyos ukol sa kaligtasan. Sa panahon ng “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova,” yaong mga matapat na naglilingkod sa Diyos ay maliligtas. (Joel 2:30-32) Yaong mga kabilang sa atin na bubuo sa “malaking pulutong” ng mga nakaligtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos at mananatiling tapat sa panahon ng pangwakas na pagsubok ay ‘bubusugin niya ng kahabaan ng mga araw’—buhay na walang wakas. Bubuhayin din niya ang napakarami. (Apocalipsis 7:9; 20:7-15) Tiyak na malulugod nang husto si Jehova na ‘ipakita sa atin ang pagliligtas’ sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Awit 3:8) Taglay ang gayong mga dakilang pag-asa sa hinaharap, patuloy tayong umasa sa tulong ng Diyos sa pagbilang sa ating mga araw ukol sa kaniyang kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, patuloy nawa nating patunayan na si Jehova ang ating kanlungan.
[Talababa]
a Hindi tinalakay ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang Awit 91 mula sa punto de vista ng Mesiyanikong hula. Sabihin pa, si Jehova ay isang kanlungan at isang moog para sa lalaking si Jesu-Kristo, gayundin para sa mga pinahirang tagasunod ni Jesus at sa kanilang nakaalay na mga kasamahan bilang isang grupo sa “panahon[g ito] ng kawakasan.”—Daniel 12:4.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang “lihim na dako ng Kataas-taasan”?
• Bakit hindi tayo natatakot?
• Paanong ‘walang kapahamakan na mangyayari sa atin’?
• Bakit natin masasabi na si Jehova ang pinagmumulan ng ating kaligtasan?
[Larawan sa pahina 17]
Alam mo ba kung paanong ang katapatan ni Jehova ay isang malaking kalasag para sa atin?
[Mga larawan sa pahina 18]
Tinutulungan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na magampanan ang kanilang ministeryo sa kabila ng di-inaasahang mga pagsalakay at hayagang pagsalansang
[Credit Line]
Kobra: A. N. Jagannatha Rao, Trustee, Madras Snake Park Trust