ARALIN 08
Puwede Kang Maging Kaibigan ni Jehova
Gusto ni Jehova na mas makilala mo siya. Bakit? Kasi umaasa siya na kapag alam mo ang mga katangian niya, pakikitungo niya sa mga tao, at ang layunin niya, mas gugustuhin mo siyang maging kaibigan. Pero puwede ka ba talagang maging kaibigan ng Diyos? (Basahin ang Awit 25:14.) Ano ang puwede mong gawin para maging kaibigan niya? Mababasa mo ang sagot sa Bibliya. Sinasabi nito kung bakit ang pinakamahalagang kaugnayan ay ang pakikipagkaibigan mo kay Jehova.
1. Ano ang imbitasyon ni Jehova sa iyo?
“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Ano ang ibig sabihin nito? Gusto ni Jehova na maging kaibigan ka niya. Nahihirapang maniwala diyan ang ilan kasi hindi nila siya nakikita. Pero makikita sa kaniyang Salita, ang Bibliya, ang lahat ng tungkol kay Jehova para maging malapít tayo sa kaniya. Kapag binabasa natin ang mensahe niya sa Bibliya, mas titibay ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova kahit hindi natin siya nakikita.
2. Bakit si Jehova ang pinakamabuting Kaibigan?
Walang makakapantay sa pag-ibig ni Jehova sa iyo. Gusto niya na maging masaya ka. At gusto rin niya na lumapit ka sa kaniya kapag kailangan mo ng tulong. Puwede mong ‘ihagis sa kaniya ang lahat ng iyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa iyo.’ (1 Pedro 5:7) Laging handang sumuporta, magpatibay, at makinig si Jehova sa mga kaibigan niya.—Basahin ang Awit 94:18, 19.
3. Ano ang gusto ni Jehova na gawin ng mga kaibigan niya?
Mahal ni Jehova ang lahat ng tao, “pero ang matuwid ay matalik niyang kaibigan.” (Kawikaan 3:32) Gusto ni Jehova na gawin ng mga kaibigan niya ang mga bagay na gusto niya at iwasan ang mga bagay na ayaw niya. Iniisip ng ilan na hindi nila kayang sundin ang lahat ng gusto ni Jehova. Pero maunawain si Jehova. Gusto niya na maging kaibigan ang mga nagmamahal sa kaniya at gumagawa ng makakaya nila para mapasaya siya.—Awit 147:11; Gawa 10:34, 35.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano mo magiging kaibigan si Jehova at kung bakit siya ang pinakamabuting Kaibigan.
4. Kaibigan ni Jehova si Abraham
Sa ulat ng Bibliya tungkol kay Abraham (tinatawag ding Abram), magkakaideya tayo kung anong ibig sabihin ng pagiging kaibigan ng Diyos. Basahin ang Genesis 12:1-4. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang ipinagawa ni Jehova kay Abraham?
Ano ang ipinangako ni Jehova sa kaniya?
Ano naman ang ginawa ni Abraham?
5. Ang inaasahan ni Jehova sa mga kaibigan niya
Madalas na may mga inaasahan tayo sa mga kaibigan natin.
Ano ang gusto mong gawin ng kaibigan mo para sa iyo?
Basahin ang 1 Juan 5:3. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang inaasahan ni Jehova na gagawin ng mga kaibigan niya?
Para masunod si Jehova, baka kailangan nating baguhin ang mga ugali natin at mga nakasanayan. Basahin ang Isaias 48:17, 18. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit gusto ni Jehova na gumawa ng mga pagbabago ang mga kaibigan niya?
6. Ang ginagawa ni Jehova para sa mga kaibigan niya
Tinutulungan ni Jehova ang mga kaibigan niya na makayanan ang mga problema. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano tinulungan ni Jehova ang isang babae na mawala ang negatibong kaisipan at damdamin nito?
Basahin ang Isaias 41:10, 13. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang ipinangako ni Jehova na gagawin niya para sa lahat ng kaibigan niya?
Sa tingin mo, magiging mabuting Kaibigan mo kaya si Jehova? Bakit?
7. Makipag-usap at makinig kay Jehova para maging kaibigan niya
Napapatibay ng komunikasyon ang pagkakaibigan. Basahin ang Awit 86:6, 11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Paano tayo nakikipag-usap kay Jehova?
Paano nakikipag-usap si Jehova sa atin?
MAY NAGSASABI: “Imposibleng makipagkaibigan sa Diyos.”
Anong teksto ang gagamitin mo para ipakitang posible ito?
SUMARYO
Gusto kang maging kaibigan ni Jehova. At tutulungan ka niya para mapalapít ka sa kaniya.
Ano ang Natutuhan Mo?
Paano tinutulungan ni Jehova ang mga kaibigan niya?
Bakit gusto ni Jehova na gumawa ng pagbabago ang mga kaibigan niya?
Mahirap bang gawin ang inaasahan ni Jehova sa mga kaibigan niya? Bakit iyan ang sagot mo?
TINGNAN DIN
Paano binabago ng pakikipagkaibigan sa Diyos ang buhay mo?
“Si Jehova—Isang Diyos na Karapat-dapat Makilala” (Ang Bantayan, Pebrero 15, 2003)
Alamin kung paano ka makikipagkaibigan sa Diyos.
Alamin kung paano napabuti ang buhay ng isang babae dahil sa pakikipagkaibigan niya kay Jehova.
Pakinggan ang nadarama ng mga kabataan tungkol kay Jehova.