“Pagpalain Mo si Jehova, O Kaluluwa Ko”
“ITONG nakalipas na mga buwan, ang aking ministeryo ay nagiging kainip-inip at malungkot,” sabi ni Nancy.a Mga sampung taon na siyang naglilingkod bilang isang regular pioneer, isang buong-panahong tagapaghayag ng mabuting balita. Ngunit, dagdag pa niya: “Hindi ko gusto ang nangyayari sa akin. Waring inihaharap ko ang mensahe ng Kaharian sa paraang walang kasigla-sigla at hindi nagmumula sa puso. Ano’ng gagawin ko?”
Tingnan din natin ang pangyayari kay Keith, isang matanda sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Gayon na lamang ang gulat niya nang marinig niya ang kaniyang asawa na nagsasabi: “Mukhang may iba kang iniisip. Sa katatapos na panalangin mo, pinasalamatan mo ang pagkain, gayong hindi naman oras ng pagkain ngayon!” Inamin ni Keith: “Nagiging mekanikal na nga lamang ang aking panalangin.”
Walang-alinlangan, hindi mo gustong maging malamig at walang-sigla ang iyong pagpapahayag ng papuri sa Diyos na Jehova. Sa kabaligtaran, nais mong ito’y maging taos-puso, anupat ginagawa ito dahil sa pagtanaw ng utang na loob. Gayunman, ang damdamin ay hindi maaaring isuot o hubarin na gaya ng isang damit. Ito’y dapat magmula sa kalooban. Paano makadarama ng pagpapahalaga ang isa mula sa puso? Ang ika-103 ng Awit 103 ay nagbibigay sa atin ng kaunawaan hinggil sa bagay na ito.
Si Haring David ng sinaunang Israel ang may-akda ng ika-103 ng Awit 103. Nagsimula siya sa pananalitang: “Pagpalain mo si Jehova, O kaluluwa ko, maging ng lahat ng nasa loob ko, ang kaniyang banal na pangalan.” (Awit 103:1) “Ang salitang pagpalain, kung tumutukoy sa Diyos,” ayon sa isang reperensiya, “ay nangangahulugang purihin, na palaging nagpapahiwatig ng isang matinding damdamin para sa kaniya at pagkadama ng utang na loob.” Sa pagnanais na purihin si Jehova taglay ang pusong punô ng pag-ibig at pagpapahalaga, pinayuhan ni David ang kaniyang sariling kaluluwa—siya mismo—na ‘purihin si Jehova.’ Subalit ano ang nag-udyok sa puso ni David upang madama ang magiliw na damdaming ito para sa Diyos na kaniyang sinasamba?
Nagpatuloy si David: “Huwag mong limutin ang lahat ng kaniyang [ni Jehova] ginagawa.” (Awit 103:2) Ang pagtanaw ng utang na loob kay Jehova ay maliwanag na may kaugnayan sa mapagpahalagang pagbubulay-bulay sa “kaniyang ginagawa.” Anong eksaktong mga ginagawa ni Jehova ang nasa isip ni David? Ang pagmamasid sa mga nilalang ng Diyos na Jehova, gaya ng kalangitang punung-puno ng bituin sa maaliwalas na gabi, ay tunay na makapag-uudyok sa puso na makadama ng pasasalamat sa Maylalang. Ang mabituing kalangitan ay lubhang nagpaantig sa damdamin ni David. (Awit 8:3, 4; 19:1) Gayunman, sa ika-103 ng Awit 103, naaalaala ni David ang iba pang mga ginagawa ni Jehova.
Si Jehova ay “Nagpapatawad ng Lahat ng Iyong Kamalian”
Sa awit na ito, isinasalaysay ni David ang mga gawa ng maibiging-kabaitan ng Diyos. Sa pagtukoy sa una at pinakamahalaga sa mga ito, siya’y umawit: ‘Si Jehova ay nagpapatawad ng lahat ng iyong kamalian.’ (Awit 103:3) Tiyak na batid ni David ang kaniyang sariling makasalanang kalagayan. Matapos na kausapin siya ng propetang si Nathan tungkol sa kaniyang mapangalunyang relasyon kay Bath-sheba, inamin ni David: “Laban sa iyo [Jehova], sa iyo lamang, ako ay nagkasala, at ang masama sa iyong paningin ay nagawa ko.” (Awit 51:4) Taglay ang pusong wasak, nagmakaawa siya: “Pagpakitaan mo ako ng lingap, O Diyos, ayon sa iyong maibiging-kabaitan. Ayon sa kasaganaan ng iyong mga kaawaan ay pawiin mo ang aking mga pagsalansang. Lubusan mo akong hugasan mula sa aking kamalian, at linisin mo ako mula sa aking kasalanan.” (Awit 51:1, 2) Tiyak na gayon na lamang ang pasasalamat ni David nang siya’y patawarin! Palibhasa’y isang di-sakdal na tao, siya’y nakagawa ng iba pang kasalanan sa kaniyang buhay, subalit palagi siyang nagsisisi, tumatanggap ng saway, at nagtutuwid ng kaniyang mga daan. Ang pagbubulay-bulay sa mga kahanga-hangang kabaitan ng Diyos sa kaniya ang nagpakilos kay David upang pagpalain niya si Jehova.
Hindi ba tayo’y makasalanan din? (Roma 5:12) Maging si apostol Pablo ay nanaghoy: “Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap. Miserableng tao ako! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito?” (Roma 7:22-24) Laking pasasalamat natin na si Jehova ay hindi nagbibilang ng ating mga kasalanan! Malugod niyang nililimot ang mga ito kapag tayo’y nagsisisi at humihingi ng tawad.
Ipinaalaala ni David sa kaniyang sarili: “[Si Jehova ang] nagpapagaling ng lahat ng iyong karamdaman.” (Awit 103:3) Yamang ang pagpapagaling ay isang gawa ng pagsasauli, higit pa sa basta pagpapatawad sa kamalian ang sangkot dito. May kinalaman din dito ang pag-aalis ng mga “karamdaman”—ang masasamang bunga ng kamalian ng ating mga daan. Sa bagong sanlibutan na kaniyang gagawin, talagang aalisin na ni Jehova ang pisikal na mga bunga ng kasalanan, gaya ng sakit at kamatayan. (Isaias 25:8; Apocalipsis 21:1-4) Gayunman, ngayon pa lamang ay pinagagaling na tayo ng Diyos sa ating espirituwal na mga karamdaman. Para sa ilan, lakip dito ang maruming budhi at isang nasirang kaugnayan sa kaniya. “Huwag mong limutin” ang personal na nagawa na ni Jehova para sa bawat isa sa atin hinggil dito.
Siya ang “Tumutubos ng Iyong Buhay”
“[Si Jehova ang] tumutubos ng iyong buhay mula sa hukay mismo,” ang awit ni David. (Awit 103:4) Ang “hukay mismo” ay ang karaniwang libingan ng mga tao—Sheol, o Hades. Bago pa man naging hari sa Israel, nasumpungan ni David ang kaniyang sarili sa bingit ng kamatayan. Halimbawa, nagtanim ng matinding galit si Haring Saul laban kay David at ilang ulit siyang nagtangka na patayin ito. (1 Samuel 18:9-29; 19:10; 23:6-29) Hinangad din ng mga Filisteo na patayin si David. (1 Samuel 21:10-15) Subalit sa bawat pagkakataon, inililigtas siya ni Jehova mula sa “hukay mismo.” Tiyak na gayon na lamang ang pasasalamat ni David kapag nagugunita ang mga ginawang ito ni Jehova!
Kumusta ka naman? Inaalalayan ka ba ni Jehova sa panahon ng panlulumo o panahon ng pangungulila? O may nabalitaan ka na bang mga pangyayari na sinagip niya ang buhay ng kaniyang mga tapat na Saksi mula sa hukay ng Sheol sa ating kapanahunan? Marahil ay naantig na ang iyong damdamin sa pagbabasa sa mga ulat ng kaniyang mga gawang pagliligtas sa mga pahina ng magasing ito. Bakit hindi mo subuking maglaan ng panahon na buong-pagpapahalagang binubulay-bulay ang mga ginagawang ito ng tunay na Diyos? At, mangyari pa, tayong lahat ay may dahilan upang magpasalamat kay Jehova dahil sa pag-asa ng pagkabuhay-muli.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
Galing kay Jehova ang ating buhay at ginagawa niya itong kasiya-siya at makabuluhan. Ipinahayag ng salmista na ang Diyos ay “nagpuputong sa iyo ng maibiging-kabaitan at kaawaan.” (Awit 103:4) Sa panahon ng ating pangangailangan, hindi tayo pinababayaan ni Jehova kundi tinutulungan niya tayo sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon at ng hinirang na matatanda, o mga pastol, sa kongregasyon. Ang gayong tulong ay nagpapangyari sa atin na maharap ang mahihirap na kalagayan nang hindi nawawala ang paggalang sa sarili at dignidad. Gayon na lamang ang pagmamalasakit ng mga Kristiyanong pastol sa mga tupa. Pinatitibay nila ang mga maysakit at mga nanlulumo at ginagawa ang lahat ng kanilang magagawa upang mapanumbalik ang mga nagkasala. (Isaias 32:1, 2; 1 Pedro 5:2, 3; Judas 22, 23) Ang mga pastol na ito ay inuudyukan ng espiritu ni Jehova na maging madamayin at mapagmahal sa kawan. Ang kaniyang “maibiging-kabaitan at kaawaan” ay tunay na parang isang putong na nagiging palamuti natin at nagbibigay sa atin ng dignidad! Yamang hindi natin kailanman kinalilimutan ang kaniyang mga ginagawa, pagpalain natin si Jehova at ang kaniyang banal na pangalan.
Sa pagpapatuloy sa kaniyang pagpapayo sa sarili, ang salmistang si David ay umawit: “[Si Jehova ang] bumubusog sa iyong buong buhay ng bagay na mabuti; ang iyong kabataan ay patuloy na nababagong tulad ng sa agila.” (Awit 103:5) Ang buhay na ibinibigay ni Jehova ay lipos ng kasiyahan at kagalakan. Aba, ang mismong pagkaalam ng katotohanan sa ganang sarili ay isang kayamanang walang kapantay at bukal ng walang-kahulilip na kagalakan! At isaalang-alang kung gaano katindi ang kasiyahang dulot ng gawaing ibinigay sa atin ni Jehova, yaong pangangaral at paggawa ng mga alagad. Kay laking kaluguran na makasumpong ng isa na interesadong matutuhan ang hinggil sa tunay na Diyos at matulungan ang isang iyon na makilala si Jehova at pagpalain siya! Subalit, makinig man o hindi ang sinuman sa ating lugar, isang dakilang pribilehiyo na magkaroon ng bahagi sa isang gawaing may kaugnayan sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at sa pagbabangong-puri sa kaniyang soberanya.
Sa patuloy na paninindigan sa gawaing paghahayag ng Kaharian ng Diyos, sino nga ba ang hindi nahihirapan o napapagod? Subalit patuloy na pinagbabagong-lakas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, na ginagawa silang ‘tulad ng mga agila’ na may malalakas na pakpak at nakalilipad nang pagkatataas sa kalangitan. Laking pasasalamat natin na ang ating maibiging Ama sa langit ay naglalaan ng gayong “dinamikong lakas” upang buong-katapatan nating maisagawa ang ating ministeryo sa araw-araw!—Isaias 40:29-31.
Bilang paglalarawan: Si Clara ay buong-panahong naghahanapbuhay at gumugugol din ng mga 50 oras bawat buwan sa ministeryo sa larangan. Sabi niya: “Kung minsan ay pagod na ako, at itinutulak ko ang aking sarili na lumabas sa paglilingkod sa larangan dahil lamang sa nakapangako na ako sa isang kapatid na sasama ako sa kaniya. Pero kapag ako’y nasa larangan na, palagi akong nakadarama ng sigla.” Ikaw man marahil ay nakadama na rin ng kasiglahang bunga ng pagsuporta ng Diyos sa ministeryong Kristiyano. Sana’y maudyukan kang magsabi, na gaya ng pambungad na pananalita ni David sa awit na ito: “Pagpalain mo si Jehova, O kaluluwa ko, maging ng lahat ng nasa loob ko, ang kaniyang banal na pangalan.”
Inililigtas ni Jehova ang Kaniyang Bayan
Ganito pa ang awit ng salmista: “Si Jehova ay naglalapat ng mga gawang katuwiran at ng mga hudisyal na pasiya para sa lahat ng dinadaya. Ipinaalam niya ang kaniyang mga daan kay Moises, ang kaniyang mga pakikitungo sa mga anak ni Israel.” (Awit 103:6, 7) Malamang, iniisip ni David ang ‘pandaraya’ sa mga Israelita sa ilalim ng mga maniniil na Ehipsiyo noong kaarawan ni Moises. Sa pagbubulay-bulay kung paano ipinaalam ni Jehova kay Moises ang kaniyang paraan ng pagliligtas, tiyak na nadama ni David sa kaniyang puso ang pagtanaw ng utang na loob.
Mauudyukan tayo na makadama ng gayunding pagtanaw ng utang na loob sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa pakikitungo ng Diyos sa mga Israelita. Ngunit dapat din nating isip-isipin ang mga karanasan ng modernong-panahong mga lingkod ni Jehova, gaya ng binabanggit sa kabanata 29 at 30 ng aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Ang mga dokumentadong ulat dito at sa iba pang publikasyon ng Samahang Watch Tower ay nagpapangyari sa atin na makita kung paano tinutulungan ni Jehova ang kaniyang bayan sa modernong panahon upang mabata ang pagkabilanggo, pang-uumog, pagbabawal, mga kampong piitan, at mga kampo ng sapilitang pagpapatrabaho. May mga pagsubok sa mga lupaing ginigiyagis ng digmaan gaya sa Burundi, Liberia, Rwanda, at sa dating Yugoslavia. Kapag nagkakaroon ng pag-uusig, ang kamay ni Jehova ay palagi nang umaalalay sa kaniyang tapat na mga lingkod. Ang nadama ni David sa kaniyang pagmumuni-muni sa ulat ng pagliligtas mula sa Ehipto ay madarama rin natin kung bubulay-bulayin natin ang mga gawang ito ng ating dakilang Diyos na si Jehova.
Isaalang-alang din ang maibiging paghango ni Jehova sa atin mula sa bigat ng kasalanan. Inilaan niya “ang dugo ng Kristo” upang ‘linisin ang ating mga budhi mula sa patay na mga gawa.’ (Hebreo 9:14) Kapag nagsisisi tayo sa ating mga kasalanan at humihingi ng kapatawaran batay sa itinigis na dugo ng Kristo, inilalayo ng Diyos ang ating mga pagsalansang mula sa atin—“kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw”—at ibinabalik niya sa atin ang kaniyang pagsang-ayon. At isip-isipin ang mga paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ng mga Kristiyanong pagpupulong, nakapagpapatibay na pagsasamahan, mga pastol sa kongregasyon, at mga publikasyong salig sa Bibliya na tinatanggap natin sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Hindi ba napatitibay ng lahat ng mga gawang ito ni Jehova ang ating kaugnayan sa kaniya? Ipinahayag ni David: “Si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. . . . Hindi pa niya ginawa sa atin ang ayon nga sa ating mga kasalanan; ni pinasapitan man tayo ng nararapat sa atin ayon sa ating mga kamalian.” (Awit 103:8-14) Ang pagbubulay-bulay sa mapagmahal na pangangalaga ni Jehova ay tiyak na mag-uudyok sa atin na luwalhatiin siya at dakilain ang kaniyang banal na pangalan.
“Pagpalain Ninyo si Jehova, Ninyong Lahat na mga Gawa Niya”
Kung ihahambing sa imortalidad ni Jehova, ang “walang-hanggang Diyos,” ang “mga araw” ng “taong mortal” ay napakaigsi—“tulad ng sa luntiang damo.” Subalit buong-pagpapahalagang napagwari ni David “Ang maibiging-kabaitan ni Jehova ay mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda sa mga may takot sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran sa mga anak ng mga anak, sa mga nag-iingat ng kaniyang tipan at sa mga umaalaala ng kaniyang mga pag-uutos upang isagawa ang mga ito.” (Genesis 21:33, talababa sa Ingles; Awit 103:15-18) Hindi nalilimutan ni Jehova yaong mga natatakot sa kaniya. Sa takdang panahon, ibibigay niya sa kanila ang buhay na walang hanggan.—Juan 3:16; 17:3.
Bilang pagpapahalaga sa paghahari ni Jehova, sinabi ni David: “Itinatag ni Jehova nang matibay ang kaniyang trono sa mismong mga langit; at ang kaniyang paghahari ay nagpupuno sa lahat.” (Awit 103:19) Bagaman ang paghahari ni Jehova ay pansamantalang nahayag sa pamamagitan ng kaharian ng Israel, ang kaniyang trono ay aktuwal na nasa langit. Dahil sa siya ang Maylalang, si Jehova ang Soberanong Tagapamahala ng sansinukob at isinasagawa ang kaniyang banal na kalooban sa langit at sa lupa ayon sa kaniyang sariling layunin.
Tinagubilinan pa man din ni David ang makalangit na mga nilalang na anghel. Umawit siya: “Pagpalain ninyo si Jehova, O ninyong mga anghel niya, makapangyarihan sa kalakasan, na tumutupad ng kaniyang salita, dahil sa pakikinig sa tinig ng kaniyang salita. Pagpalain ninyo si Jehova, ninyong lahat na mga hukbo niya, ninyong mga lingkod niya, na gumagawa ng kaniyang kalooban. Pagpalain ninyo si Jehova, ninyong lahat na mga gawa niya, sa lahat ng dakong kaniyang pinamumunuan. Pagpalain mo si Jehova, O kaluluwa ko.” (Awit 103:20-22) Hindi kaya dapat din tayong mapakilos ng ating pagmumuni-muni sa mga gawa ng maibiging-kabaitan ni Jehova sa atin upang pagpalain siya? Oo! At makatitiyak tayo na ang taginting ng ating tinig sa personal na pagpuri sa Diyos ay hindi matatabunan ng malakas na koro ng mga tagapuri na dito’y kasali maging ang mga matuwid na anghel. Sana’y buong-puso nating purihin ang ating makalangit na Ama, na palaging binabanggit ang tungkol sa kaniyang kabutihan. Tunay, isapuso natin ang mga salita ni David, “Pagpalain mo si Jehova, O kaluluwa ko.
[Talababa]
a Pinalitan ang ilang pangalan.
[Larawan sa pahina 23]
Binulay-bulay ni David ang gawa ni Jehova na maibiging-kabaitan. Ikaw?