HAMOG
Maliliit na patak ng tubig na resulta ng kondensasyon ng halumigmig sa hangin, ng singaw ng tubig mula sa lupa, at ng halumigmig na nanggagaling sa mga halaman. Ang salitang Hebreo para sa “hamog” (tal) ay nangangahulugan ding “ambon.” (Kaw 3:20) Kapag ang temperatura ng mabababang suson ng hangin ay bumaba sa 0° C. (32° F.), ang mga hamog ay nagiging malapilak na mga butil ng yelo (hoarfrost). Si Jehova ang lumikha ng mga patak ng hamog at sinasabing pinangangalat niya ang nagyelong hamog na “tulad ng abo.”—Aw 147:16; Job 38:28.
Nagkakaroon ng hamog kapag ang hangin sa gabi na namimigat sa singaw ng tubig ay lumamig, anupat ang singaw, na nag-anyong likido, ay naiiwan sa mas malalamig na bagay. Namumuo rin ito kapag ang mainit at matubig na singaw mula sa lupa ay lumamig dahil sa hangin. Ipinaliliwanag ng Bibliya na maaga sa kasaysayan ng lupa, bago nagkaroon ng ulan sa lupa, “isang manipis na ulap [singaw] ang pumapailanlang mula sa lupa at dinidiligan nito ang buong ibabaw ng lupa.” (Gen 2:6 at tlb sa Rbi8) Nagkakaroon din ng hamog kapag ang halumigmig mula sa mga pananim ay sumingaw sa hangin. Patuloy na hinihigop ng isang halaman ang tubig na sinipsip ng mga ugat nito hanggang sa magpantay ang temperatura sa dulo ng mga dahon nito at sa mga ugat ng halaman. Ang saganang hamog na nalilikha ng ilang punungkahoy sa ganitong paraan ay kadalasang maririnig na pumapatak sa gabi. Waring ito ang karaniwang pinagmumulan ng hamog sa umaga. Sinabi ni Job, “Ang aking ugat ay nakabukas para sa tubig, at ang hamog ay mananatili nang magdamag sa aking sanga.”—Job 29:19.
Sa Israel, karaniwan nang halos walang ulan mula sa kalagitnaan ng Abril hanggang sa kalagitnaan ng Oktubre. Ngunit sa mga buwang ito, namumuo ang mga hamog na siyang dumidilig sa mga pananim. Ang The Geography of the Bible ni D. Baly (1974, p. 45) ay nagsabi: “Napakahalaga ng hamog para sa mga Israelita, . . . sapagkat pinalalaki nito ang mga bunga ng ubas sa panahon ng tagtuyot kapag tag-araw.” Binanggit ni Isaias ang “hamog sa init ng pag-aani [ng ubas].” (Isa 18:4, 5) Kasunod naman nito ang mga “ulan sa taglagas” o “maagang ulan.” (Joe 2:23; San 5:7) Sa ilang lugar, napakakapal ng hamog sa gabi anupat ang mga punungkahoy at iba pang mga halaman ay doon kumukuha ng sapat na halumigmig upang mapalitan ang tubig na sumingaw sa mga ito sa maghapon. Kaya naman ang hamog sa gabi ang dahilan ng masaganang ani sa mga lugar na karaniwan nang nanganganib na masalanta ng tagtuyot at pagkagutom.
Natuklasan kung gaano kahalaga ang hamog nang mapansin na ang mga halamang nalanta ng init ay mas mabilis na nanariwa nang mahamugan ang mga dahon ng mga ito sa gabi kaysa noong diligin ang lupa. Napakaraming halumigmig ang nasipsip ng mga ito anupat bumalik ang mga ito sa normal noong sumunod na araw kahit hindi diniligan ang lupa. Kung minsan, ang dami ng tubig na sinipsip ng halaman mula sa hamog at nang maglaon ay inilabas ng mga ugat upang imbakin sa lupa ay kasimbigat ng buong halaman.
Noong panahon ng 40-taóng paglalakbay ng Israel sa ilang, ang bigay-Diyos na manna ay regular na bumababang kasama ng hamog at naiiwan sa lupa pagkasingaw nito. (Exo 16:13-18; Bil 11:9) Sa pamamagitan ng dalawang tanda na doo’y nasangkot ang hamog, pinatotohanan ni Jehova kay Gideon na nasa kaniya ang suporta ng Diyos bago siya humayo upang makipaglaban sa mga Midianita. Una, iniwan niyang magdamag na nakalantad sa giikan ang isang balahibong lana, anupat sa balahibo lamang namuo ang hamog samantalang tuyo ang lupa. Binaligtad naman ang pangyayari sa ikalawang pagsubok. Hindi isiniwalat kung tagtuyot noon anupat maaasahang may hamog.—Huk 6:36–7:1.
Makasagisag na Paggamit. Ang hamog ay iniuugnay ng Kasulatan sa pagpapala, katabaan ng lupa, at kasaganaan. (Gen 27:28; Deu 33:13, 28; Zac 8:12) Ang panunumbalik kay Jehova ay magbubunga ng pagpapala, anupat sinabi ng Diyos: “Ako ay magiging gaya ng hamog sa Israel.” (Os 14:1, 5) Sa pamamagitan ni Mikas, inihula ng Diyos na “ang nalalabi sa Jacob” ay “magiging tulad ng hamog mula kay Jehova sa gitna ng maraming bayan, tulad ng saganang ulan sa pananim,” anupat inihuhula na ang nalabi ng espirituwal na Jacob (Israel) ay magiging isang pagpapala mula sa Diyos para sa mga tao.—Mik 5:7.
Sa kabaligtaran naman, ang kawalan o ang pagkakait ng hamog ay iniuugnay sa di-sinang-ayunang kalagayan. (Gen 27:39; Hag 1:10) Noong mga araw ni Haring Ahab at ni Elias, nagkaroon ng taggutom nang pagkaitan ng Diyos ng hamog at ulan ang lupain ng Israel.—1Ha 17:1; Luc 4:25.
Sa Israel, ang mga ulap at hamog sa umaga ay mabilis maglaho sa init ng araw. Sa katulad na paraan, mabilis ding naglaho ang anumang maibiging-kabaitan ng Efraim (Israel) at Juda. (Os 6:4) At dahil sa paggawa ng masama, ang mga tumatahan sa Efraim (Israel) ay dadalhin sa pagkatapon, anupat magiging “gaya ng hamog na maagang naglalaho.”—Os 13:1-3, 16.
Ang mga patak ng hamog ay tahimik at sagana. Marahil bilang pagtukoy sa palihim na pagsalakay o sa isang pangkat na singkapal ng mga patak ng hamog, sinabi ni Husai kay Absalom: “Tayo mismo ay daragsa [kay David] na gaya ng paglagpak ng hamog sa lupa.” (2Sa 17:12) Ang Hari ni Jehova ay may “pulutong ng mga kabataan na gaya ng mga patak ng hamog,” na marahil ay tumutukoy sa dami nila.—Aw 110:3.
Ang hamog ay banayad din at nakarerepresko. Angkop itong iniuugnay sa makahulang awit ng pamamaalam ni Moises. (Deu 32:2) Ang kabutihang-loob ng hari ay inihahambing sa nakarerepreskong epekto ng hamog sa mga pananim. (Kaw 19:12) Ang maibiging pagkakaisa sa gitna ng bayan ng Diyos ay nakarerepreskong “tulad ng hamog sa Hermon na bumababa sa mga bundok ng Sion.” Dahil sa matataas na dako sa Bundok Hermon na nababalutan ng kagubatan at palaging may niyebe, ang mga singaw sa gabi ay pumapailanlang at tinatangay sa malayo ng daloy ng malamig na hangin na bumababa sa Hermon mula sa H upang ang mga singaw na ito ay mamuo sa ibabaw ng mga bundok ng Sion maraming milya sa dakong timog.—Aw 133:1-3; LARAWAN, Tomo 1, p. 332.