“Sino ang Gaya ni Jehova na Ating Diyos?”
“Sino ang gaya ni Jehova na ating Diyos, na tumatahan sa itaas?”—AWIT 113:5.
1, 2. (a) Papaano minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang Diyos at ang Bibliya? (b) Anong mga tanong ang karapat-dapat isaalang-alang?
ANG mga pumupuri kay Jehova ay tunay na pinagpala. Anong laking pribilehiyo na mapabilang sa maligayang pulutong na ito! Bilang kaniyang mga Saksi, tinatanggap natin ang payo, mga batas, mga turo, mga pangako, at mga hula ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Tayo’y nagagalak na matuto buhat sa Kasulatan at ‘maturuan ni Jehova.’—Juan 6:45.
2 Dahilan sa kanilang matinding pagpapakundangan sa Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay makapagtatanong: “Sino ang gaya ni Jehova na ating Diyos?” (Awit 113:5) Ang mga salitang iyan ng salmista ay nagpapahiwatig ng pananampalataya. Subalit bakit ba ang mga Saksi ay may gayong pananampalataya sa Diyos? At anong mga dahilan mayroon sila sa pagpuri kay Jehova?
Ang Pananampalataya at Papuri ay Angkop
3. Ano ang mga Awit ng Hallel, at bakit pinanganlan nang ganiyan?
3 Ang pananampalataya kay Jehova ay may garantiya sapagkat siya ang natatanging Diyos. Ito ay idiniriin sa Mga Awit 113, 114, at Aw 115, bahagi ng anim na Mga Awit ng Hallel. Sang-ayon sa rabinikong Paaralan ni Hillel, ang Mga Awit 113 at 114 ay inawit nang panahon ng pagkain ng Paskuwa ng mga Judio pagkatapos na ang alak sa ikalawang kopa ay ibuhos at ipaliwanag ang kahulugan ng pagdiriwang. Ang Mga Awit 115 hanggang 118 ay inawit pagkatapos ng ikaapat na kopa ng alak. (Ihambing ang Mateo 26:30.) Ang mga ito ay tinatawag na “Mga Awit ng Hallel” sapagkat paulit-ulit na ginagamit ng mga ito ang papuring Hallelujah!—“Purihin si Jah!”
4. Ano ang kahulugan ng terminong “Hallelujah,” at gaano kadalas lumilitaw ito sa Bibliya?
4 Ang “Hallelujah!” ay isang letra por letrang pagkasalin ng pananalitang Hebreo na lumilitaw nang 24 na beses sa Mga Awit. Sa ibang mga lugar sa Bibliya, isang anyong Griego nito ang lumilitaw nang makaapat may kinalaman sa kagalakang naranasan sa pagkapuksa ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at ang pagsasaya na kaugnay ng pagpapasimula ng Diyos na Jehova ng pagpupunò bilang Hari. (Apocalipsis 19:1-6) Samantalang ngayon ay sinusuri natin ang tatlo sa mga Awit ng Hallelujah, ating maguguniguni na inaawit natin ang mga awiting ito ng papuri kay Jehova.
Purihin si Jah!
5. Sinasagot ng Awit 113 ang anong tanong, at kanino kumakapit lalung-lalo na ang utos ng Awit 113:1, 2?
5 Sinasagot ng Awit 113 ang tanong na, Bakit dapat purihin si Jehova? Ito’y nagsisimula sa utos na: “Purihin si Jah, ninyong mga tao! Maghandog ng papuri, Oh kayong mga lingkod ni Jehova, purihin ang pangalan ni Jehova. Harinawang purihin ang pangalan ni Jehova mula ngayon at hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 113:1, 2) “Hallelujah!” Oo, “Purihin si Jah!” Ang utos na iyan ay kumakapit lalung-lalo na sa bayan ng Diyos sa “panahon ng kawakasan” na ito. (Daniel 12:4) Mula ngayon at magpakailanman, ang pangalan ni Jehova ay dadakilain sa buong lupa. Ang kaniyang mga Saksi ngayon ay naghahayag na si Jehova ang Diyos, si Kristo ay Hari, at ang Kaharian ay naitatag na sa langit. Walang magagawa si Satanas na Diyablo upang mahadlangan ang pagpuring ito kay Jehova.
6. Papaano pinupuri si Jehova ‘mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog’?
6 Ang awit ng papuri ay magpapatuloy hanggang sa pangyarihin ni Jehova na punuin nito ang lupa. “Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon ang pangalan ni Jehova ay pupurihin.” (Awit 113:3) Ito’y nangangahulugan ng higit pa kaysa pang-araw-araw na pagsamba ng sinumang makalupang mga nilalang. Ang araw ay sumisikat sa silangan at lumulubog sa kanluran, saklaw ang buong lupa. Sa lahat ng dako na sinisikatan ng araw, ang pangalan ni Jehova ay malapit nang purihin ng lahat ng taong pinalaya buhat sa pagkaalipin sa huwad na relihiyon at sa organisasyon ni Satanas. Sa katunayan, ang awit na ito na hindi na kailanman magwawakas ay inaawit ngayon ng pinahirang mga Saksi ni Jehova at ng magiging makalupang mga anak ng kaniyang Hari, si Jesu-Kristo. Anong laking pribilehiyo ang taglay nila bilang mga mang-aawit ng papuri kay Jehova!
Si Jehova ay Walang Katulad
7. Anong dalawang pitak ng pagiging kataas-taasan ni Jehova ang binabanggit sa Awit 113:4?
7 Isinusog ng salmista: “Si Jehova ay naging mataas sa ibabaw ng lahat ng bansa; ang kaniyang kaluwalhatian ay mataas sa mga langit.” (Awit 113:4) Ito’y nagbibigay-pansin sa dalawang pitak ng pagiging kataas-taasan ng Diyos: (1) Kay Jehova, ang Isang Kataas-taasan, “mataas sa ibabaw ng lahat ng bansa,” sila’y gaya ng isang patak ng tubig sa timba at parang alabok lamang sa timbangan; (Isaias 40:15; Daniel 7:18) (2) ang kaniyang kaluwalhatian ay makapupong dakila kaysa pisikal na kalangitan, sapagkat ginagawa ng mga anghel ang kaniyang kalooban bilang soberano.—Awit 19:1, 2; 103:20, 21.
8. Bakit at papaano nagpapakababa sa pagtingin si Jehova sa mga bagay sa langit at sa lupa?
8 Palibhasa’y pinukaw ng dakilang kataasan ng Diyos, sinabi ng salmista: “Sino ang gaya ni Jehova na ating Diyos, siya na tumatahan sa itaas? Siya’y nagpapakababang tumingin sa mga bagay na nasa langit at nasa lupa.” (Awit 113:5, 6) Ang Diyos ay lubhang napakataas kung kaya kailangang magpakababang tumingin sa mga bagay sa langit at sa lupa. Bagaman si Jehova ay hindi nakabababa sa kaninuman o napasasakop sa iba, siya’y nagpapakita ng kapakumbabaan sa pagiging maawain at mahabagin sa nakabababang mga makasalanan. Ang paglalaan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, bilang isang “pantakip na hain” para sa pinahirang mga Kristiyano at sa sanlibutan ng sangkatauhan ay isang kapahayagan ng pagpapakumbaba ni Jehova.—1 Juan 2:1, 2.
Si Jehova ay Mahabagin
9, 10. Papaano itinataas ng Diyos ang ‘dukha, upang maupo na kasama ng mga pangulo’?
9 Sa pagdiriin sa pagkamahabagin ng Diyos, isinusog ng salmista na “ibinabangon [ni Jehova] ang dukha mula sa alabok; kaniyang itinataas ang maralita buhat sa abo mismo, upang siya’y maupo na kasama ng mga pangulo, ng mga pangulo ng kaniyang bayan. Ang babaing baog ay kaniyang pinatítirá sa bahay na gaya ng isang masayang ina ng mga anak na lalaki. Purihin si Jah, ninyong mga tao!” (Awit 113:7-9) Ang bayan ni Jehova ay may pananampalataya na kaniyang maililigtas ang matuwid na mga taong nasa pangangailangan, binabago ang kanilang mga kalagayan, at tinutustusan ang kanilang tamang mga pangangailangan at hangarin. ‘Binubuhay ng Mataas at Matayog ang loob ng mga nagpapakumbaba at ang puso ng mga nagsisisi.’—Isaias 57:15.
10 Papaano ‘itinataas [ni Jehova] ang maralita, upang paupuin siya na kasama ng mga pangulo’? Pagka iyon ang kalooban ng Diyos, kaniyang inilalagay ang kaniyang mga lingkod sa posisyon ng kaluwalhatian na katumbas niyaong taglay ng mga pangulo. Kaniyang ginawa iyan kung tungkol kay Jose, na naging tagapamanihala ng pagkain sa Ehipto. (Genesis 41:37-49) Sa Israel, ang pag-upong kasama ng mga pangulo, o mga taong may awtoridad sa gitna ng bayan ni Jehova, ay isang pribilehiyo na dapat pakamahalin. Tulad ng Kristiyanong matatanda sa ngayon, ang gayong mga lalaki ay may taglay na tulong at pagpapala ng Diyos.
11. Bakit masasabing ang Awit 113:7-9 ay lalong higit na kumakapit sa bayan ni Jehova sa modernong panahon?
11 Kumusta naman kung papaano ang ‘babaing baog ay nagiging isang masayang ina’? Binigyan ng Diyos ang baog na si Ana ng isang anak na lalaki—si Samuel, na kaniyang itinalaga sa paglilingkod sa Kaniya. (1 Samuel 1:20-28) Lalong mahalaga, pasimula kay Jesus at sa pagbubuhos ng banal na espiritu sa kaniyang mga alagad noong Pentecostes 33 C.E., ang simbolikong babae ng Diyos, ang makalangit na Sion, ay nagsimulang magluwal ng espirituwal na mga anak. (Isaias 54:1-10, 13; Gawa 2:1-4) At kung papaano muling ibinalik ng Diyos ang mga Judio sa kanilang sariling bayan pagkatapos na maipatapon sa Babilonya, noong 1919 kaniyang pinalaya ang pinahirang nalabi ng “Israel ng Diyos” mula sa pagkabihag sa Babilonya at sila’y lubusang pinagpala sa espirituwal kung kaya ang mga salita ng Awit 113:7-9 ay kumakapit sa kanila. (Galacia 6:16) Bilang tapat na mga Saksi ni Jehova, ang mga nalabi ng espirituwal na Israel at ang kanilang mga kasamahan na may makalupang pag-asa ay buong-pusong tumutugon sa huling pananalita ng Awit 113: “Purihin si Jah, ninyong mga tao!”
Patotoo na si Jehova ay Bukud-tangi
12. Papaano ipinakikita ng Awit 114 na si Jehova ay bukud-tangi?
12 Ipinakikita ng Awit 114 na si Jehova ay bukud-tangi sa pamamagitan ng pagbanggit ng namumukod-tanging mga pangyayari tungkol sa mga Israelita. Umawit ang salmista: “Nang lumabas ang Israel sa Ehipto, ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang walang kamuwangan kung mangusap, ang Juda ay naging kaniyang santuwaryo, ang Israel ay kaniyang sakop.” (Awit 114:1, 2) Iniligtas ng Diyos ang Israel buhat sa pagkaalipin sa mga taga-Ehipto, na ang wika ay kakatuwa sa kanilang pandinig. Ang pagkaligtas ng bayan ni Jehova, tinatawag na Juda at Israel sa mga pananalitang patula, ay nagpapakita na maililigtas ng Diyos ang lahat ng kaniyang mga lingkod sa ngayon.
13. Papaano ipinakikita ng Awit 114:3-6 ang pagiging kataas-taasan ni Jehova at ang pagiging kapit nito sa mga karanasan ng sinaunang Israel?
13 Ang soberanya ni Jehova sa lahat ng nilalang ay makikita sa mga salitang: “Nakita ng dagat at tumakas; ang Jordan naman, ito’y napaurong. Ang mga bundok ay nagsiluksong parang mga lalaking tupa, ang mga burol ay naging parang mga batang tupa. Ano ba ang nangyari sa iyo, Oh dagat, na ikaw ay tumakas, Oh Jordan, na ikaw ay umurong? Oh mga bundok, ano’t kayo’y nagsiluksong parang mga lalaking tupa; Oh mga burol, na gaya ng mga batang tupa?” (Awit 114:3-6) Ang Mapulang Dagat ay “tumakas” nang buksan ng Diyos ang isang daan na lagusan doon para sa kaniyang bayan. Nang magkagayon ay nakita ng Israel ang dakilang kamay ni Jehova na kumikilos laban sa mga Ehipsiyo na namatay sa sumauling tubig. (Exodo 14:21-31) Sa isang nakakatulad na pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos, ang tubig ng Ilog Jordan ay “nagsimulang mahawi,” anupat ang mga Israelita ay nakatawid tungo sa Canaan. (Josue 3:14-16) ‘Ang mga bundok ay nagsiluksong parang mga lalaking tupa’ habang ang Bundok Sinai ay nag-uusok at nayayanig nang itatag ang tipang Kautusan. (Exodo 19: 7-18) Yamang ang kasukdulan ng kaniyang awit ay malapit na, ang mga bagay ay binuo ng salmista sa anyong patanong, marahil ipinahihiwatig na ang walang buhay na dagat, ilog, mga bundok, at mga burol ay nasindak sa pagpapakitang ito ng kapangyarihan ni Jehova.
14. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova, ano ang ginawa niya sa Meribah at Kades, at papaano dapat makaapekto ito sa kaniyang mga lingkod sa modernong panahon?
14 Nagpapahiwatig pa rin ng tungkol sa kapangyarihan ni Jehova, ang salmista ay umawit: “Dahilan sa Panginoon ay manginig ka sa matinding sakit, Oh lupa, dahilan sa Diyos ng Jacob, na pinagiging tipunan ng tubig ang malaking bato, ang pingkiang bato ay pinagiging bukal ng tubig.” (Awit 114:7, 8) Sa makasagisag na paraan, ipinakikita ng salmista na ang sangkatauhan ay dapat na masindak sa harap ni Jehova, ang Panginoon at Pansansinukob na Hari ng buong lupa. Siya “ang Diyos ng Jacob,” o Israel, gaya rin ng espirituwal na mga Israelita at ng kanilang makalupang mga kasamahan. Sa Meribah at Kades sa ilang, ipinakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ng makahimalang pagtutustos ng tubig sa Israel, na “pinagiging tipunan ng tubig ang malaking bato, ang pingkiang bato ay pinagiging bukal ng tubig.” (Exodo 17:1-7; Bilang 20:1-11) Ang ganiyang pagpapagunita ng nakasisindak na kapangyarihan ni Jehova at ng malumanay na pangangalaga niya ay nagbibigay sa kaniyang mga Saksi ng matitibay na dahilan ukol sa walang pag-aalinlangang pananampalataya sa kaniya.
Di-Gaya ng mga Diyos na Idolo
15. Papaano nga marahil inawit ang Awit 115?
15 Tayo’y hinihimok ng Awit 115 na magpuri at magtiwala kay Jehova. Ang pagpapala at tulong ay sinasabi nito na sa kaniya nagmumula at nagpapatunay na walang kabuluhan ang mga idolo. Ang awit na ito ay marahil inawit nang salitan. Ibig sabihin, baka ang isang grupo ng mga manganganta ay aawit: “Kayong mga natatakot kay Jehova, magtiwala kayo kay Jehova.” Ang kongregasyon naman ay marahil sasagot: “Siya ang tumutulong sa kanila at siya ang kanilang kalasag.”—Awit 115:11.
16. Ano ang pagkakaiba ni Jehova sa mga idolo ng mga bansa?
16 Ang kaluwalhatian ay hindi dapat sa atin matungo kundi sa pangalan ni Jehova, ang Diyos ng maibiging-awa, o tapat na pag-ibig, at katotohanan. (Awit 115:1) Marahil ang mga kaaway ay palibak na magtatanong: “Nasaan . . . ang kanilang Diyos?” Subalit ang bayan ni Jehova ay makatutugon: ‘Ang aming Diyos ay nasa langit at ginagawa ang lahat na kaniyang kinalulugdan na gawin.’ (Aw 115 Talatang 2, 3) Gayunman, ang mga idolo ng mga bansa ay walang nagagawa kailanman, sapagkat sila ay gawang-taong mga estatuwang pilak at ginto. Bagaman sila ay may mga bibig, mata, at tainga, sila’y hindi nakapagsasalita, bulag, at bingi. Sila’y may mga ilong ngunit hindi nakaaamoy, mga paa ngunit hindi nakalalakad, at mga lalamunan na hindi pinagmumulan ng anumang tunog. Yaong nagsisigawa ng walang kabuluhang mga idolo at pati na yaong mga nagtitiwala sa kanila ay magiging gaya rin nila na walang buhay.—Aw 115 Talata 4-8.
17. Yamang ang mga patay ay hindi makapupuri kay Jehova, ano ang dapat na gawin natin, at ano ang tatamasahin natin?
17 Ang kasunod ay pagpapayo na magtiwala kay Jehova bilang Tagatulong at nagliligtas na Kalasag ng Israel, ng makasaserdoteng sambahayan ni Aaron, at ng lahat ng natatakot sa Diyos. (Awit 115:9-11) Bilang yaong mga natatakot kay Jehova, tayo’y may matinding pagpapakundangan sa Diyos at isang magaling na pagkatakot na siya’y baka hindi natin mapalugdan. Taglay rin natin ang pananampalataya na “ang Maygawa ng langit at lupa” ay nagpapala sa kaniyang tapat na mga mananamba. (Aw 115 Talatang 12-15) Ang mga langit ang dako ng kaniyang luklukan, subalit ginawa ng Diyos ang lupa upang maging walang-hanggang tahanan ng tapat at masunuring sangkatauhan. Yamang ang tahimik, walang malay na mga patay ay hindi makapupuri kay Jehova, tayo, ang mga buháy, ang dapat ngang gumawa niyaon na taglay ang lubos na debosyon at katapatan. (Eclesiastes 9:5) Tanging yaong mga pumupuri kay Jehova ang magtatamasa ng buhay na walang-hanggan at magagawa nilang “luwalhatiin si Jah” magpakailanman, na nagsasalita nang mabuti tungkol sa kaniya “hanggang sa panahong walang takda.” Kung gayon ay manindigan tayong tapat kasama niyaong mga tumutupad ng payo na: “Purihin si Jah, ninyong mga tao!”—Awit 115:16-18.
Ang Kahanga-hangang mga Katangian ni Jehova
18, 19. Sa anong mga paraan ipinakikita ng mga katangian ni Jehova na siya’y naiiba sa mga diyus-diyusan?
18 Di-gaya ng mga walang buhay na mga idolo, si Jehova ang Diyos na buháy, na makikitaan ng kahanga-hangang mga katangian. Siya ang ulirang halimbawa ng pag-ibig at “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit, at sagana sa maibiging awa.” (Exodo 34:6; 1 Juan 4:8) Anong laking kaibahan niya sa malupit na diyos na si Molech ng mga Cananeo, na sa kaniya’y mga bata ang inihahain! May nagsasabi na ang imahen ng diyos na ito ay may anyong tao at ulo ng isang toro. Ayon sa ulat ang idolo ay pinaiinit hanggang sa magbaga, at ang mga bata ay inihahagis sa nakaunat na mga bisig nito, at nahuhulog sa nag-aapoy na hurno sa ibaba. Subalit si Jehova ay totoong maibigin at maawain na anupat ang idea ng gayong mga paghahain ng tao ay hindi man lamang “pumasok sa [kaniyang] puso.”—Jeremias 7:31.
19 Sa pangunahing mga katangian ni Jehova ay kasali ang sakdal na katarungan, walang-hanggang karunungan, at pagkamakapangyarihan sa lahat. (Deuteronomio 32:4; Job 12:13; Isaias 40:26) Kumusta naman ang mga diyos sa mga alamat? Sa halip na magsagawa ng katarungan, ang mga diyos at mga diyosa ng Babilonya ay mapaghiganti. Ang mga diyos ng Ehipto ay hindi mga uliran sa karunungan kundi inilalarawan na may mga kahinaan ng tao. Iyan ay hindi kataka-taka, yamang ang huwad na mga diyos at mga diyosa ang kinalabasang mga bunga ng “mangmang” na mga tao na nag-aangking marurunong. (Roma 1:21-23) Ang mga diyos ng mga Griego ay nagsasabwatan naman sa isa’t isa. Halimbawa, sa mga alamat, inabuso ni Zeus ang kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pag-agaw ng trono sa kaniyang ama, si Cronus, na umagaw naman ng trono sa kaniyang sariling ama, si Uranus. Anong laking pagpapala ang maglingkod at magpuri kay Jehova, ang buháy at tunay na Diyos, na makikitaan ng sakdal na pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan!
Si Jehova ay Karapat-dapat sa Walang-hanggang Papuri
20. Anong mga dahilan ang ibinigay ni Haring David sa pagpuri sa pangalan ni Jehova?
20 Gaya ng ipinakikita ng Mga Awit ng Hallelujah, si Jehova ay karapat-dapat sa walang-hanggang papuri. Sa katulad na paraan, nang si David at ang kapuwa mga Israelita ay nag-abuloy para sa pagtatayo ng templo, sinabi niya sa harap ng kongregasyon: “Purihin ka, Oh Jehova na Diyos ni Israel na aming ama, magpakailan-kailanman. Iyo, Oh Jehova ang kadakilaan at ang kapangyarihan at ang kagandahan at ang kagalingan at ang karangalan; sapagkat lahat ng nangasa langit at nangasa lupa ay iyo. Iyo ang kaharian, Oh Jehova, ang Isa ng nagtataas din ng iyong sarili bilang ulo sa lahat. Ang kayamanan at kaluwalhatian ay nagmumula sa iyo, at ikaw ang nagpupunò sa lahat; at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan, at nasa iyong kamay ang pagpapadakila at pagbibigay ng lakas sa lahat. At ngayon, Oh aming Diyos, kami ay nagpapasalamat sa iyo at pinupuri namin ang iyong maluwalhating pangalan.”—1 Cronica 29:10-13.
21. Ang Apocalipsis 19:1-6 ay nagbibigay ng anong patotoo na si Jehova ay pinupuri ng makalangit na mga hukbo?
21 Si Jehova ay pagpapalain din at pupurihin nang walang-hanggan sa mga langit. Si apostol Juan ay nakarinig ng “isang malaking pulutong sa langit” na nagsasabi: “Purihin si Jah, ninyong mga tao! Ang pagliligtas at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos, sapagkat tunay at matuwid ang kaniyang mga hatol. Sapagkat kaniyang isinagawa ang hatol sa bantog na patutot [ang Babilonyang Dakila] na nagpasamâ sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang pakikiapid, at iginanti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin sa kamay niya.” Muling sinabi nila: “Purihin si Jah ninyong mga tao!” At ganoon din ang ginawa ng “dalawampu’t apat na matatanda at ng apat na nilalang na buháy.” Isang tinig na nanggaling sa trono ang nagsabi: “Purihin ninyo ang ating Diyos, ninyong lahat na mga alipin niya, na nangatatakot sa kaniya, ang maliliit at ang malalaki.” Pagkatapos ay isinusog ni Juan: “Narinig ko ang gaya ng tinig ng isang malaking pulutong at gaya ng lagaslas ng maraming tubig at gaya ng ugong ng malakas na kulog. Sila’y nagsabi: “Purihin si Jah, ninyong mga tao, sapagkat si Jehova na ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nagsimula nang maghari.’ ”—Apocalipsis 19:1-6.
22. Papaano pupurihin si Jehova sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan?
22 Angkop na angkop nga na ang makalangit na mga hukbo ay pumuri kay Jehova! Sa kaniyang bagong sanlibutan na ngayo’y malapit na, ang binuhay-muling mga tapat ay makikisama sa mga nakaligtas sa katapusan ng sistemang ito sa pagpuri kay Jah. Ang pagkatataas na mga bundok ay magtataas ng kanilang mga ulo sa pag-awit ng papuri sa Diyos. Ang luntiang mga burol at mabungang mga punungkahoy ay aawit ng mga papuri sa kaniya. Aba, bawat nilalang na nabubuhay at humihinga ay magpupuri sa pangalan ni Jehova sa dakilang koro ng Hallelujah! (Awit 148) Ang inyo bang tinig ay maririnig sa masayang pulutong na iyon? Maririnig nga kung kayo ay buong katapatang maglilingkod kay Jah kasama ng kaniyang bayan. Iyan ang dapat na maging layunin ninyo sa buhay, sapagkat sino ang gaya ni Jehova na ating Diyos?
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit dapat purihin ang Diyos na Jehova?
◻ Sa anu-anong paraan walang kagaya si Jehova?
◻ Ano ang patotoo na si Jehova ay mahabagin?
◻ Papaano naiiba si Jehova sa walang buhay na mga idolo at mga diyus-diyusan?
◻ Bakit natin masasabi na si Jehova ay tatanggap ng walang-hanggang papuri sa langit at sa lupa?
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga Awit ng Hallelujah ay inawit sa panahon ng hapunan ng Paskuwa