Tumanggap Nang May Pagpapahalaga—Magbigay Nang Bukal sa Loob
NAGMAMALASAKIT sa lahat ng kaniyang mga lingkod ang ating maibiging Ama sa langit, si Jehova. Tinitiyak ito sa atin ng Bibliya. (1 Ped. 5:7) Tinutulungan tayo ni Jehova sa iba’t ibang paraan para maging tapat tayo sa paglilingkod sa kaniya. (Isa. 48:17) Nais ni Jehova na makinabang tayo sa inilalaan niyang tulong lalo na kapag napapaharap tayo sa mabibigat na problema. Makikita ito sa Kautusang Mosaiko.
Sa Kautusang ito, maibiging naglaan si Jehova sa “napipighati,” gaya ng mga ulila, balo, at dayuhan. (Lev. 19:9, 10; Deut. 14:29) Alam niyang ang ilan sa kaniyang mga lingkod ay maaaring mangailangan ng tulong ng kanilang kapuwa mananamba. (Sant. 1:27) Kaya hindi dapat mag-atubili ang kaniyang mga lingkod na tumanggap ng tulong mula sa taong pinakikilos ni Jehova na tumulong sa kanila. Gayunpaman, kapag tumatanggap ng gayong tulong, dapat na mayroon tayong tamang saloobin.
Idiniriin ng Bibliya na ang bayan ng Diyos ay may mga pagkakataon ding magbigay. Alalahanin ang ulat tungkol sa “nagdarahop na babaing balo” na nakita ni Jesus sa templo sa Jerusalem. (Luc. 21:1-4) Malamang na nakinabang siya sa maibiging mga paglalaan ni Jehova para sa mga balo gaya ng binanggit sa Kautusan. Bagaman siya ay nagdarahop, naaalaala ang balo hindi dahil sa pagtanggap kundi dahil sa pagbibigay. Tiyak na naging masaya siya sa pagbibigay dahil sinabi ni Jesus, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Kung gayon, paano ka magiging maligaya sa “pagbibigay”?—Luc. 6:38.
“Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?”
Naisip ng salmista: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng mga pakinabang ko mula sa kaniya?” (Awit 116:12) Ano ang mga tinanggap niya mula kay Jehova? Tinulungan siya ni Jehova sa mga panahon ng “kabagabagan at pamimighati.” Bukod diyan, “iniligtas [ni Jehova] ang [kaniyang] kaluluwa mula sa kamatayan.” Ano ngayon ang magagawa ng salmista para sa paanuman ay ‘makaganti’ kay Jehova? Sinabi niya: “Ang aking mga panata ay tutuparin ko kay Jehova.” (Awit 116:3, 4, 8, 10-14) Determinado siyang patuloy na tuparin ang kaniyang mga pangako at obligasyon kay Jehova.
Magagawa mo rin iyan. Paano? Sa pamamagitan ng laging pagsunod sa mga batas at simulain ng Diyos. Kaya dapat na tiyakin mong pangunahin sa iyong buhay ang pagsamba kay Jehova at hayaang ang espiritu ng Diyos ang pumatnubay sa lahat ng iyong ginagawa. (Ecles. 12:13; Gal. 5:16-18) Ang totoo, hindi mo kailanman magagantihan si Jehova sa lahat ng ginawa niya para sa iyo. Gayunman, ‘mapasasaya mo si Jehova’ kung buong-puso kang maglilingkod sa kaniya. (Kaw. 27:11) Isa ngang napakagandang pribilehiyo na mapalugdan si Jehova!
Tumulong sa Ikabubuti ng Kongregasyon
Tiyak na nakinabang ka sa maraming paraan mula sa Kristiyanong kongregasyon. Nagbibigay si Jehova ng saganang espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng kongregasyon. Nalaman mo ang katotohanan na nagpalaya sa iyo sa huwad na relihiyon at espirituwal na kadiliman. (Juan 8:32) Dahil sa mga pulong sa kongregasyon, asamblea, at kombensiyon na isinasaayos ng “tapat at maingat na alipin,” nagkaroon ka ng kaalaman na aakay sa iyo sa buhay na walang hanggan sa paraisong lupa kung saan wala ng kirot at pagdurusa. (Mat. 24:45-47) Kaya mo pa bang bilangin sa iyong mga daliri ang mga pagpapalang tinanggap mo na—at tatanggapin pa lamang—sa kongregasyon ng Diyos? Ano naman kaya ang maibibigay mo sa kongregasyon?
Isinulat ni apostol Pablo: “Ang buong katawan, palibhasa’y magkakasuwatong pinagbubuklod at pinapangyaring magkatulungan sa pamamagitan ng bawat kasukasuan na nagbibigay ng kinakailangan, ayon sa pagkilos ng bawat isang sangkap sa kaukulang sukat, ay gumagawa sa ikalalaki ng katawan sa ikatitibay nito sa pag-ibig.” (Efe. 4:15, 16) Bagaman pangunahin nang kumakapit sa kalipunan ng mga pinahirang Kristiyano, ang simulain ng tekstong ito ay kapit din sa lahat ng Kristiyano ngayon. Oo, ang bawat miyembro ng kongregasyon ay makatutulong para sa ikabubuti at ikasusulong ng kongregasyon. Sa anu-anong paraan?
Magagawa natin ito kung lagi nating sisikapin na patibayin ang ating mga kapatid sa paglilingkod kay Jehova. (Roma 14:19) Makatutulong din tayo sa “ikalalaki ng katawan” kung ipinakikita natin ang mga bunga ng espiritu ng Diyos kapag nakikitungo sa ating mga kapananampalataya. (Gal. 5:22, 23) Karagdagan pa, maaari din tayong humanap ng mga pagkakataon para “gumawa . . . ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Gal. 6:10; Heb. 13:16) Ang lahat sa kongregasyon—lalaki at babae, bata’t matanda—ay makatutulong “sa ikatitibay nito sa pag-ibig.”
Magagamit din natin ang ating mga kakayahan, lakas, at pag-aari para makibahagi sa nagliligtas-buhay na gawain ng kongregasyon. “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad,” ang sabi ni Jesu-Kristo. (Mat. 10:8) Kung gayon, lubusan tayong makibahagi sa napakahalagang gawain ng pangangaral at paggawa ng alagad. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Nalilimitahan ba ang iyong pakikibahagi rito dahil sa iyong kalagayan? Alalahanin ang nagdarahop na babaing balo. Maliit lang ang ibinigay niya. Pero sinabi ni Jesus na higit ang ibinigay niya kaysa sa iba dahil ibinigay niya ang lahat ng kaya niyang ibigay.—2 Cor. 8:1-5, 12.
Tumanggap Nang May Tamang Saloobin
Gayunpaman, baka may ilang pagkakataon na kailanganin mo ang tulong ng kongregasyon. Huwag mag-atubiling tanggapin ang tulong ng kongregasyon kapag nahihirapan kang harapin ang mga problema sa masamang sanlibutang ito. Naglaan si Jehova ng kuwalipikado at mapagmalasakit na mga lalaki para “magpastol sa kongregasyon”—para tulungan ka sa panahon ng pangangailangan. (Gawa 20:28) Nais ng mga elder at ng iba pa sa kongregasyon na ipagsanggalang, tulungan, at aliwin ka sa mahihirap na panahon.—Gal. 6:2; 1 Tes. 5:14.
Gayunman, kapag tumatanggap tayo ng gayong tulong, dapat nating tiyakin na mayroon tayong tamang saloobin. Laging pahalagahan ang tulong na tinatanggap mo mula sa mga kapananampalataya. Ituring ito bilang kapahayagan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. (1 Ped. 4:10) Bakit ito mahalaga? Dahil ayaw nating maging katulad ng marami sa sanlibutang ito—mga walang utang na loob.
Maging Timbang at Makatuwiran
Sa kaniyang liham sa kongregasyon sa Filipos, ganito ang isinulat ni Pablo hinggil kay Timoteo: “Wala na akong iba pa na may saloobing katulad ng sa kaniya na tunay na magmamalasakit sa mga bagay na may kinalaman sa inyo.” Pero idinagdag ni Pablo: “Ang lahat ng iba pa ay naghahangad ng kanilang sariling mga kapakanan, hindi yaong mga kay Kristo Jesus.” (Fil. 2:20, 21) Isang seryosong bagay ang sinabi ni Pablo. Kung gayon, paano natin maiiwasan na lagi lamang isipin ang ating “sariling mga kapakanan”?
Kapag may problema tayo at kailangan natin ang panahon at atensiyon ng ating mga kakongregasyon, hindi tayo dapat maging mapaghanap. Bakit? Isipin ito: Tiyak na pahahalagahan natin kung may kapatid na magbigay sa atin ng materyal na tulong sa panahon ng kagipitan. Pero dapat ba tayong umasa na tutulungan niya tayo sa materyal na paraan? Siyempre hindi. Sa katulad na paraan, bagaman laging handang tumulong sa atin ang ating maibiging mga kapatid, kailangan nating maging balanse at makatuwiran sa inaasahan nating ilalaan nilang panahon sa atin. Tutal, gusto natin na ibigay nila nang bukal sa loob ang anumang tulong na ibibigay nila sa atin kapag nangangailangan tayo.
Tiyak na laging handa ang ating mga Kristiyanong kapatid na tulungan tayo. Pero baka hindi nila maibigay kung minsan ang lahat ng ating kailangan. Kung mangyari iyan, makatitiyak tayo na tutulungan tayo ni Jehova sa lahat ng ating problema, gaya ng ginawa niya sa salmista.—Awit 116:1, 2; Fil. 4:10-13.
Kung gayon, laging pahalagahan ang anumang tulong na ibinibigay ni Jehova sa atin—lalo na kapag napipighati tayo dahil sa problema. (Awit 55:22) Iyan ang gusto niyang gawin natin. Pero gusto rin niya tayong maging ‘masaya sa pagbibigay.’ Kaya depende sa ating kalagayan, magbigay ayon sa “ipinasiya [ng ating] puso” para sa tunay na pagsamba. (2 Cor. 9:6, 7) Sa ganitong paraan, makatatanggap tayo nang may pagpapahalaga at makapagbibigay nang bukal sa loob.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 31]
“Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng mga pakinabang ko mula sa kaniya?”—Awit 116:12
▪ Humanap ng mga pagkakataon para “gumawa . . . ng mabuti sa lahat”
▪ Patibayin ang iyong mga kapatid sa paglilingkod kay Jehova
▪ Lubusang makibahagi sa paggawa ng alagad sa abot ng iyong makakaya