Ikaw ba’y Nananatiling Malinis sa Lahat ng Paraan?
“Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, kayo’y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna niya, kayo’y magpakalinis, kayong nagdadala ng mga sisidlan ni Jehova.”—ISAIAS 52:11.
1. (a) Paanong ang isang utos ng hari ay nagpahintulot na ang mga sisidlan ni Jehova’y maibalik sa Jerusalem? (b) Paanong ang iba sa mga sisidlang iyon ay nilapastangan?
BIGLANG-BIGLA na sila’y pinalaya—makalipas ang 70 taon ng pagkaalipin! Isang utos ng hari noong humigit-kumulang 538 B.C.E. ang nagpahintulot sa bansang Judio na magbalik “at muling itayo ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel.” (Ezra 1:2, 3) Pagkatapos, may isa pang kamangha-manghang pangyayari: “Si Haring Ciro [ng Persia] ang mismong naglabas ng mga sisidlan ng bahay ni Jehova, na inilabas naman ni Nabucodonosor sa Jerusalem.” (Ezra 1:7, 8) Kabilang na rito ang mga sagradong sisidlan ni Belsasar at ng kaniyang mga mahal na tao na nilapastangan nila nang kanilang inuman iyon noong gabi ng pagbagsak ng Babilonya sa pamamagitan ng buong kapangahasang paggamit nito upang purihin ang mga diyus-diyosan! (Daniel 5:3, 4) Ngayon ang mga sisidlang ito ay maaari nang ibalik sa Jerusalem ng mga dating bihag at gamitin nila sa pagpuri kay Jehova!
2. (a) Anong hula ni Isaias ang naalaala ng mga magsisibalik? Kanino iyon kumakapit? (b) Bakit sila sinabihan na huwag hihipo ng anumang bagay na marumi?
2 Samantalang sila’y sabik na sabik na naghahanda para sa pag-alis, tiyak na naalaala ng magsisibalik na mga Judio ang mga salita ni propeta Isaias: “Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, kayo’y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna niya, kayo’y magpakalinis, kayong nagdadala ng mga sisidlan ni Jehova.” (Isaias 52:11) Mangyari pa, ang mga Levita ang aktuwal na nagdala ng mga sisidlan. (Bilang 1:50, 51; 4:15) Gayunman, ang hula ni Isaias ay nagsasabi na lahat ng magsisibalik ay magsisilbing pandangal na mga tagapagdala ng sisidlan. Lahat nga ay obligado na magpakalinis. Hindi nila huhubaran ang mga taga-Babilonya ng mahalagang mga bagay gaya ng ginawa ng mga Israelita nang sila’y lilisan sa Ehipto. (Ihambing ang Exodo 12:34-38.) Kailangan na sila’y walang anumang materyalistiko o mapag-imbot na motibo sa pagbabalik. Kung tungkol naman sa “dumuduming mga idolo” ng Babilonya, kahit na lamang ang paghipo sa isa nito ay pagpapakarumi.a (Jeremias 50:1, 2) Tanging sa pagpapakalinis sa lahat ng paraan makalalakad ang mga Judio sa “Daan ng Kabanalan” pabalik sa Jerusalem.—Isaias 35:8, 9.
3. Sino sa ngayon ang nagdadala ng “mga kasangkapan” ni Jehova? Bakit isang malaking hamon para sa kanila na manatiling malinis?
3 Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay kailangan ding magpakalinis bilang mga tagapagdala ng “mga kasangkapan” ni Jehova. Sinipi ni apostol Pablo ang mga salita ni Isaias at ikinapit sa mga Kristiyano noong kaniyang kaarawan, na nagsasabi: “Magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Diyos.” (2 Corinto 6:17–7:1) Bukod sa namumuhay tayo sa isang karumal-dumal na daigdig, tayo’y kailangang makipagbuno sa ating minanang makasalanang mga hilig. (Genesis 8:21) Ang Jeremias 17:9 ay nagpapaalaala sa atin: “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib. Sino ang makakaalam nito?” Dinadaya ng iba ang kanilang sarili at ang mga iba pa rin sa paniniwala na ang kanilang mga pamumuhay ay malinis at kalugud-lugod sa Diyos, ngunit ang totoo sila ay hindi gayon. Sila’y namimihasa sa paggawa ng isang anyo ng pagpapaimbabaw. Kailangan ngang itanong ng bawat isa sa atin, ‘Pinagsusumikapan ko ba na maging malinis sa harap ni Jehova sa lahat ng paraan?’ Upang tulungan tayo sa paggawa ng gayon, ang ating pansin ay ipako natin ngayon sa apat na anyo ng kalinisan.
Ang Pisikal na Kalinisan: Inuuna
4. (a) Bakit ang pisikal na kalinisan ay inuuna ng mga lingkod ni Jehova? (b) Bakit baka kung minsan ay mahirap na mapanatili ang mataas na pamantayan ng kalinisan?
4 Ang pisikal na kalinisan ay inuuna ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon gaya rin noong sinaunang panahon. (Exodo 30:17-21; 40:30-32) Higit sa lahat, paggalang ba sa “mga kasangkapan ni Jehova” kung ang ating buhok, mga kamay, mukha, ngipin, o mga kuko ay marurumi, o kung ang ating katawan ay nangangalingasaw sa maanghit na amoy? Oo, madali na payagang makaimpluwensiya sa atin ang mabababang pamantayan ng sanlibutan.—Roma 12:2.
5. (a) Bakit lubhang mahalaga na ating panatilihing mataas ang ating pamantayan ng kalinisan? Magbigay ng mga halimbawa sa inyong pook kung paanong ang ganitong payo ay maikakapit. (b) Paano makatutulong ang hinirang na matatanda?
5 Paano natin maipakikitang tayo’y naiiba sa sanlibutan kung padadala tayo sa mabababang pamantayan ng sanlibutan? Hindi baga ang isang marungis na tahanan o isang di-maayos na dako ng pagsamba ay magiging dahilan upang ‘lapastanganin ang salita ng Diyos’? (Tito 2:5) Subalit kung tayo’y namihasa sa pagsunod sa mabubuting simulain ng kalinisan, sa pagpulot ng mga kalat sa pinagkukombensiyunang lugar, sa pagtulong sa paglilinis ng Kingdom Hall, at sa pagpapanatiling maayos at malinis ng ating mga tahanan—kahit ng pinakamaralita mang tahanan—tayo’y nagdadala ng kapurihan sa Diyos! (Ihambing ang 1 Pedro 2:12.) Mga hinirang na matatanda, kayo’y magpakita ng mabuting halimbawa sa kalinisan. Huwag ‘ipagkait’ ang pagbibigay ng angkop na payo kung kinakailangan.—Gawa 20:20.
6. Ano ang dapat na maging pamantayan natin ng damit para sa mga pulong at sa paglilingkod sa larangan?
6 Kumusta naman ang damit na ating suot sa mga pulong pagka tayo’y sumasamba at pagka nasa paglilingkod sa larangan? Hindi ba ito dapat na ‘mahinhin at maayos’? (1 Timoteo 2:9; Hebreo 10:23-25) Huwag mangangatuwiran na tayo’y obligado na magbihis nang maayos tangi lamang kung tayo’y may bahagi sa pulong. Ang sobrang impormal na kasuotan ay di-mahinhin at di-angkop para sa pagsamba. Ang sira-sira nang mga bag ng aklat at mga Bibliyang nakatupi at marurumi ang mga pahina ay makaaapekto rin sa mensahe ng Kaharian.
Ang Pag-iwas sa Maruming Kaisipan
7. Ano ang susi sa kalinisan ng kaisipan, ayon sa Filipos 4:8?
7 Sa Filipos 4:8 ay nagpayo si Pablo: “Sa wakas, mga kapatid, anumang bagay ang totoo, anumang bagay ang karapat-dapat pag-isipan, anumang bagay ang matuwid, anumang bagay ang malinis, anumang bagay ang kaibig-ibig, anumang bagay ang may mabuting ulat, kung may anumang kagalingan at kung may anumang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito.” Gayunman, saanman tayo bumaling ay may mga tukso na humihila upang “ang ‘malalalim na bagay ni Satanas’ ” ay ating aninagin.—Apocalipsis 2:24.
8. Paano maipaghahalimbawa ang mga panganib na likha ng sarisaring anyo ng libangan? Magbigay ng mga halimbawa sa inyong pook.
8 Halimbawa, dahil sa palasak na mahahalay na babasahín at labis na mararahas na panoorin ang resulta’y malulubhang problema para sa mga ibang gumagamit ng videocassette recorders. Sa Europa, isang may-asawang kapatid na lalaki ang nanonood ng masasagwang tapes kapag tulóg na ang kaniyang maybahay. Ang binhi ng pagkakasala ay naitanim nang husto, at ang resulta’y pangangalunya. (Ihambing ang Santiago 1:14, 15.) Sa isang bansa sa Aprika, isang grupo ng mga Saksing kabataan ang nanghiram ng mga masasagwang tapes sa kanilang mga kamag-aral at kanilang pinanood ito habang wala ang kanilang mga magulang. Isang elder sa Nigeria, gayunman, ang may puna: ‘Kadalasan ay lalong malaking panganib ang mapapanood sa regular na mga programa sa TV na kapapanooran din ng karahasan, krimen, digmaan, mga eksena sa pagtatalik, at pagtataksil sa asawa.’ Ang mumurahing mga pahayagang tabloid, pornograpikong mga magasin, mga nobelang pumupukaw sa sekso, mga pelikula sa sine, at mabababang-uring musika ay mga panganib na laganap din.
9. (a) Bakit kailangang tayo’y maging pihikan tungkol sa ating pinakikinggan, pinanonood, at binabasa? (b) Paano tayo dapat kumilos pagka napaharap sa atin ang di-kanais-nais na materyal?
9 Hindi natin maaatim na parumihin ang ating mga isip ng mga bagay na “kahiya-hiyang sambitin man lamang.” (Efeso 5:12) Kaya’t maging pihikan tungkol sa iyong pinakikinggan, pinanonood, at binabasa. Mag-ingat at dagling kumilos upang tanggihan ang di-kanais-nais na materyal. (Awit 119:37) Dito’y kailangan ang tunay na pagpipigil-sa-sarili, marahil sa makasagisag na pananalita ‘hampasin ang iyong katawan at supilin iyon na parang alipin.’ (1 Corinto 9:27) Laging tandaan, kung gayon, na ang ating pinanonood sa lihim ay nakikita ng “Isang di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Kaya tanggihan ang anumang bagay na nasa alanganin. “Patuloy na tiyakin ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon.”—Efeso 5:10.
‘Patuloy na Nag-iingat’ Upang Manatiling Malinis sa Moral
10. (a) Ano ang isang dahilan kung bakit napakarami ang sumasailalim ng pagsaway o natitiwalag taun-taon? (b) Anong simulain ng Bibliya ang dapat umakay sa atin kung tayo’y nagbabakasyon at kung nasa trabaho?
10 Sa Efeso 5:5 si Pablo ay nagbabala: “Sapagkat alam naman ninyo ito, na talastas ninyong lubos, na sinumang mapakiapid o mahalay o masakim na tao—na ibig sabihin ang pagiging isang mananamba sa idolo—ay walang anumang mamanahin sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.” Gayunman, libu-libo taun-taon ang sumasailalim ng pagsaway o natitiwalag dahilan sa seksuwal na imoralidad—isang ‘pagkakasala laban sa katawan.’ (1 Corinto 6:18) Kalimitan, resulta ito ng hindi “patuloy na pag-iingat ayon sa salita [ng Diyos].” (Awit 119:9) Halimbawa, maraming kapatid ang hindi nagpapakaingat kung mga panahon ng bakasyon. Hindi teokratikong mga kasama ang kanilang pinipili, kundi sila’y nakikipagkaibigan sa makasanlibutang mga bakasyunista. Yamang ikinakatuwiran nila na ang mga ito naman ay ‘talagang mababait na tao,’ ang ibang mga Kristiyano’y sumama sa kanila sa kuwestiyunableng mga gawain. Gayundin, ang iba naman ay labis na nakipagkaibigan sa kanilang mga kasamahan sa trabaho. Isang elder na Kristiyano ang nahulog nang husto ang loob sa isang babaing kasamahan sa trabaho na anupa’t iniwan niya ang kaniyang pamilya at nakisama sa babaing iyon! Pagkatiwalag ang naging bunga. Anong pagkatotoo nga ang mga salita ng Bibliya, “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali”!—1 Corinto 15:33.
11. Bakit ang mga pagtitipong Kristiyano ay dapat na wastong pangasiwaan?
11 Buhat sa Timog Aprika ay nanggaling ang ganitong ulat: “Ang isa pang panganib na nagbabanta sa moralidad ng marami ay ang malalaking handaan . . . na ang ilan ay idinaos pagkatapos ng mga sesyon ng pandistritong kombensiyon. Datapuwat, ang maliliit na mga pagtitipong Kristiyano na mahusay ang pangangasiwa ay bihirang mapauwi sa “walang taros na mga pagsasayá.” (Galacia 5:21) Kung magsisilbi ng alak, pangasiwaan ito at gumamit ng katamtaman. “Ang alak ay manunuya,” at sa impluwensiya nito, ang ibang mga kapatid ay nawalan ng pagpipigil sa sarili o nagising sa kanila ang natutulog na mga kahinaan. (Kawikaan 20:1) Sa gayon, dalawang binatang ministro ang nagkasala ng mga gawang homoseksuwal pagkatapos na masobrahan ng alak.
12, 13. (a) Paano ipinangatuwiran ng iba ang imoralidad? Bakit ang gayong pangangatuwiran ay hindi totoo? (b) Paano tayo makapananatiling nag-iingat laban sa mga panganib sa mabuting moral?
12 Pagka tinutukso ka na magkasala, isaisip na, gaano man kalinis ang panlabas na hitsura natin, ang mahalaga ay kung ano tayo sa loob. (Kawikaan 21:2) May iba na marahil naniniwalang patatawarin ng Diyos ang paulit-ulit na paggawa ng imoralidad dahil sa sila’y mahina. Subalit sa ganito’y hindi baga “ang di-sana-nararapat na awa ng ating Diyos ay ginagawang dahilan ng paggawa ng kalibugan?” (Judas 4) Ginuguniguni pa mandin ng iba na “hindi tayo nakikita ni Jehova.” (Ezekiel 8:12) Subalit, alalahanin na “walang anumang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin, kundi lahat ng bagay ay hubad at nakalantad sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.”—Hebreo 4:13.
13 Kaya mag-ingat laban sa mga panganib sa mabuting moral! “Ang pakikiapid at ang anumang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal; o ang nakahihiyang asal o ang walang kawawaang pagsasalita o ang masagwang pagbibiro, na mga bagay na di-nararapat.” (Efeso 5:3, 4) “Kapootan ninyo ang masama,” bagaman totoong nakalulugod iyon sa laman.—Roma 12:9.
Pananatiling Malinis sa Espirituwal
14, 15. (a) Paanong ang iba’y kusang humantad sa espirituwal na karumihan? (b) Paano ginagamit ng mga apostata ang kanilang ‘mga bibig upang ipahamak ang kanilang kapuwa’? (c) Sa paanong ang mga apostata ay talagang karumal-dumal, at ano ang kanilang nakalimutan?
14 Ang iba naman ay kusang humantad sa posibleng makahawang espirituwal na karumihan sa pamamagitan ng pakikinig sa isinasahimpapawid na relihiyosong mga programa sa radyo at telebisyon. Sa isang bansa sa Aprika, ang iba’y nanood ng mga drama sa TV na ang mga pamahiin ng mga tradisyunal na relihiyong animista ay itinatanghal sa isang kaaya-ayang liwanag. Gayunman, si apostol Pablo ay nagbabala tungkol sa isang lalong nakamamatay na panganib—mga taong apostata na “nagliligaw ng pananampalataya ng iba.” (2 Timoteo 2:16-18) Mayroon pa ring mga taong katulad niyan! (2 Pedro 2:1-3) At kung minsan sila’y nagtatagumpay sa pagpaparumi sa kaisipan ng iba. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 11:9: “Sa pamamagitan ng kaniyang bibig ay ipinahahamak ng apostata ang kaniyang kapuwa.”
15 Ang damdaming pagkamakasarili ang kadalasa’y pinupukaw ng mga apostata, at sinasabi nila na tayo’y pinagkaitan ng ating mga kalayaan, kasali na ang kalayaan na magbigay ng interpretasyon sa Bibliya para sa ating sarili. (Ihambing ang Genesis 3:1-5) Sa totoo, ang mga tagapagparuming ito ay walang iniaalok kundi ang pagbabalik sa nakaririmarim na mga turo ng “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:5; 2 Pedro 2:19-22) Ang iba naman ay ang laman ang pinupukaw, hinihimok nila ang dating mga kasamahan na “magpa-easy-easy lamang” sapagkat ang mapakumbabang gawain na pagpapatotoo sa bahay-bahay ay “di na kailangan” o “di-maka-Kasulatan.” (Ihambing ang Mateo 16:22, 23.) Totoo naman, ang gayong mga mahuhusay magsalita ay tinging malilinis sa panlabas sa pisikal at sa moral na paraan. Subalit sa loob sila ay karumal-dumal sa espirituwal, palibhasa ang binigyan-daan nila ay ang mapagmataas at malasariling kaisipan. Kanilang nakalimutan ang lahat ng kanilang natutuhan tungkol kay Jehova, sa kaniyang banal na pangalan at mga katangian. Hindi na nila ngayon kinikilala na lahat ng kanilang natutuhan tungkol sa katotohanan ng Bibliya—ang maningning na pag-asa sa Kaharian at ang isang lupang paraiso at ang gumuhong mga huwad na doktrina, na gaya baga ng Trinidad, ng kaluluwa ng tao bilang walang kamatayan, ng walang-hanggang pagpaparusa, at ng purgatoryo—oo, lahat ng ito ay sumapit sa kanila sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45-47.
16. Paanong ang matuwid ay inililigtas “sa pamamagitan ng kaalaman”?
16 Kapansin-pansin, isang tagapangasiwa ng sirkito sa Pransiya ang may ganitong puna: “Ang ilang mga kapatid ay nalilinlang dahil sa kulang sila ng tumpak na kaalaman.” Kaya naman ang Kawikaan 11:9 ay nagsasabi: “Sa pamamagitan ng kaalaman ay inililigtas ang mga matuwid.” Hindi ibig sabihin nito na tayo’y makikinig sa mga apostata o magbabasa ng kanilang mga isinulat. Bagkus, ang ibig sabihin nito ay pagkakaroon ng “tumpak na kaalaman sa mga banal na lihim ng Diyos” sa pamamagitan ng masigasig na sarilinang pag-aaral ng Bibliya at ng mga lathalain ng Samahan na salig sa Bibliya. Kung taglay ang ganitong tumpak na kaalaman, sino pa ang magiging totoong mausisa upang magbigay-pansin man lamang sa mga nanggagaling sa bibig ng mga apostata? Huwag nawa “kayong madaya ng sinuman sa mga salitang kaakit-akit”! (Colosas 2:2-4) Ang walang katotohanang propagandang relihiyoso buhat sa anumang pinanggagalingan ay dapat na iwasan na tulad sa lason! Totoo naman, yamang ginagamit ng ating Panginoon “ang tapat at maingat na alipin” upang ihatid sa atin ang “mga salita ng buhay na walang-hanggan,” bakit nga tayo maghahangad pa na tumingin saan pa man?—Juan 6:68.
Ikaw ba’y Mananatiling Malinis?
17, 18. Bakit kailangan na paunlarin ang (a) pisikal na kalinisan, (b) kalinisan sa kaisipan, (c) kalinisan sa moral, at (d) espirituwal na kalinisan?
17 Samakatuwid ay malaki ang kasangkot sa pananatiling malinis sa harap ng Diyos na Jehova. Ang pagpapanatiling may pisikal na kalinisan ang ating mga katawan, tahanan, pananamit, at ang ating mga Kingdom Hall ay nagpapaganda sa ating balita ng Kaharian. Ang pananatili sa mental na kalinisan na may malinis na kaisipan ay tumutulong sa atin na manatiling malinis sa moral at sa espirituwal. Kailangan dito na sundin natin ang payo ni Pablo sa Filipos 4:8, na ang ating mga isip ay ipako sa mga bagay na totoo, malinis, at kapuri-puri.
18 Tayo’y makapagpapahalaga rin higit kailanman na tayo ay kailangang manatiling malinis sa moral kapuwa sa salita at sa gawa. Maliwanag na ibinababala sa atin ni Jehova na ang mga taong namimihasa sa anumang anyo ng imoralidad ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9-11) Magtingin mang lubhang kalugud-lugod ang gayong maruruming bagay, kung tayo’y maghahasik ukol sa laman, tayo’y mag-aani ng kabulukan buhat sa laman. (Galacia 6:8) Sa katapus-tapusan, nariyan ang tungkol sa pananatiling malinis sa espirituwal, malinis sa doktrina. Ang gayong kalinisan ay tumutulong sa atin na mapanatili ang kadalisayan ng ating mga puso at mga isip. Tayo kung gayon ay pinakikilos lagi na hanapin ang mga kaisipan ng Diyos sa mga bagay-bagay—hindi ang ating sariling kaisipan.
19. Ano ang makatutulong kapuwa sa pinahiran at sa “malaking pulutong” sa pananatiling malinis sa lahat ng paraan?
19 Hindi na magtatagal at ang mismong promotor ng karumihan—si Satanas na Diyablo—kasama ang kaniyang mga demonyo, ay ibubulid sa kalaliman. Hanggang sa panahong iyon, harinawang lahat ng mga lingkod ni Jehova—ang pinahiran at ang mga nasa “malaking pulutong”—ay manatiling malinis bilang mga tagapagdala ng mga sisidlan ni Jehova. (Apocalipsis 7:9, 13-15; 19:7, 8; 20:1-3) Ang pagbabaka ay walang-lubay at mahirap. Subalit, tandaan na saganang nagbibigay si Jehova ng kaniyang “espiritu ng kabanalan.” (Roma 1:4) Ang kaniyang malinis na organisasyon, sampu ng mga hinirang na matatanda ay handa rin naman na tumulong sa atin sa pamamagitan ng pagbibigay ng matatag na payong nagbubuhat sa Kasulatan. Sa pamamagitan ng gayong tulong at ng ating sariling determinasyon, tayo’y makapananatiling malinis sa lahat ng paraan!
[Talababa]
a Ang salitang Hebreo para sa dumuduming mga idolo, na gil·lu·limʹ, ay isang termino ng paghamak na ang orihinal na kahulugan ay “dumi ng hayop”—isang bagay na kinasusuklaman ng mga Judio.—Deuteronomio 23:12-14; 1 Hari 14:10; Ezekiel 4:12-17.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Bakit ang mga Judiong nagsibalik galing sa Babilonya ay kailangang magpakalinis?
◻ Paano natin mapag-uukulan ng pansin ang pisikal na kalinisan?
◻ Paano natin mabibigyan ng proteksiyon ang ating mga isip upang huwag mahawa sa karumihan?
◻ Paano tayo makapag-iingat laban sa mga panganib sa moral?
◻ Paano natin mapananatili ang ating espirituwal na kalinisan?
[Larawan sa pahina 16]
Ang ating mga tahanan ay dapat na maging mga uliran ng kalinisan
[Larawan sa pahina 17]
Ang mga Kristiyano’y kailangang magpasiya na umiwas sa video tapes at mga programa sa TV na makarurumi sa isip
[Larawan sa pahina 18]
Ang maliliit na pagtitipon ay makapagpapatibay sa moral
[Larawan sa pahina 19]
Ang masigasig na mga Saksi ay nananatiling malinis sa espirituwal at nakakasumpong ng proteksiyon at kagalakan sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Bibliya