Ang Ika-132 Gradwasyon ng Gilead
Mga Tagapagtanggol ng Katotohanan
ISANG espesyal na araw ang Marso 10, 2012 sa sentro ng edukasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Patterson, New York. Libu-libong bihis-na-bihis na tao, kasama na ang mga bisita mula sa iba’t ibang bansa, ang nagtipun-tipon para dumalo sa gradwasyon ng ika-132 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Marami ang pumila sa awditoryum sa Patterson; ang iba naman ay nanood ng programa sa ibang mga lokasyon sa Bethel sa pamamagitan ng hookup. Ang bilang ng lahat ng dumalo ay 9,042.
Sabik na sabik ang lahat. Di-tulad ng mga klase noon, lahat ng magtatapos ngayon ay dati nang nasa pantanging buong-panahong paglilingkod—mga Bethelite, special pioneer, naglalakbay na tagapangasiwa, o mga misyonero. Lahat sila ay ngayon pa lang nakapag-aral sa Gilead. Ano kaya ang sasabihin sa makaranasang mga estudyanteng ito?
Hindi na naghintay nang matagal ang mga tagapakinig. Si Gerrit Lösch, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang chairman ng programa at ang bumigkas ng unang pahayag. Itinanong niya, “Tagapagtanggol Ka Ba?” Ipinaliwanag niya na ang mga Kristiyano ay mga tagapagtanggol ng katotohanan, anupat ipinagtatanggol ang lahat ng turong Kristiyano. Ang pagtataguyod sa katotohanan ay hindi lang pagtuturo sa mga tao ng katotohanan, kundi pagtulong din sa kanila na ibigin ito.
“Paano natin natitiyak na taglay natin ang katotohanan?” ang tanong ni Brother Lösch. Sinabi niyang ang basehan nito ay hindi ang dami ng tumatanggap sa katotohanan. Bagaman milyun-milyon sa ngayon ang tumatanggap sa tunay na pagsamba, iilan lamang ang tumanggap dito noong Pentecostes 33 C.E. Binanggit niya ang limang basehan kung bakit natin natitiyak na taglay natin ang katotohanan: (1) Patuloy nating sinusunod ang turo ni Jesus, (2) iniibig natin ang isa’t isa, (3) nanghahawakan tayo sa matataas na moral na pamantayan ng Diyos, (4) nananatili tayong neutral sa mga usapin sa sanlibutang ito, at (5) taglay natin ang pangalan ng Diyos.
“Patuloy na Sumunod sa mga Tagubilin”
Nagtaka ang mga tagapakinig nang makita nilang may dalang maleta ang susunod na tagapagsalita na si Geoffrey Jackson ng Lupong Tagapamahala. Ang pamagat ng kaniyang pahayag ay “Patuloy na Sumunod sa mga Tagubilin,” batay sa Isaias 50:5. Bilang hula tungkol kay Jesu-Kristo, sinasabi ng tekstong ito: “Ako, sa ganang akin, ay hindi naging mapaghimagsik. Hindi ako bumaling sa kabilang direksiyon.”
Hinimok ni Brother Jackson ang mga estudyante na maging alisto sa tagubiling ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, Bibliya, at organisasyon. Sa talinghaga tungkol sa mga talento na nakaulat sa Mateo 25:14-30, ang bawat alipin ay masasabing nakatanggap ng parehong halaga dahil ibinatay sa kanilang kakayahan ang natanggap nila. Inaasahang gagawin nila ang kanilang pinakamabuti. Pinapurihan ang dalawang alipin at tinawag na “mabuti at tapat.” Ang katapatan ay hindi nakadepende sa mga resulta, kundi sa patuloy na pagsunod sa mga tagubilin.
Ang ikatlong alipin ay tinawag na “balakyot at makupad” at ‘walang-kabuluhan.’ Bakit? Ibinaón niya sa lupa ang kaniyang mga talento. Ang isang talento ay hindi isang barya. Ito ay isang yunit ng timbang na katumbas ng 6,000 denario at may bigat na mga 20 kilo. Halos kasimbigat iyan ng maletang puwedeng dalhin ng isang maglalakbay sa ibang bansa. Hindi madaling magbaón ng kasinlaki ng isang maleta. Kaya may ginawa naman ang alipin—ibinaón niya ang talento—pero hindi iyan ang itinagubilin sa kaniya. Sa katulad na paraan, maaaring abala ang isang misyonero—pero abala saan? Sa paggawa ng mahahabang sulat, pag-i-Internet, pakikipagkuwentuhan, o pagnenegosyo? Maaari siyang mapagod nang husto sa paggawa ng ganiyang mga bagay sa buong araw, pero hindi niya nagawa ang itinagubilin sa kaniya. Sinabi ni Brother Jackson bilang pagtatapos: “Laging sumunod sa tagubilin!”
“Huwag Mag-alinlangan kay Jehova”
Iyan ang tema ng pahayag ni Anthony Morris ng Lupong Tagapamahala. “Hindi kailanman pinag-ugnay ng Bibliya ang pananampalataya at ang pag-aalinlangan,” ang sabi niya. “Itinataboy ng pananampalataya ang pag-aalinlangan.” Nagtagumpay si Satanas sa paghahasik ng pag-aalinlangan sa isip ng perpektong babaing si Eva, kaya maaari din niyang magawa iyan sa atin. “Palakasin ninyo ang inyong pananampalataya, at tuluyang mawawala ang inyong mga pag-aalinlangan,” ang sabi ni Brother Morris. Binanggit niya ang ulat tungkol kay Pedro na “lumakad sa ibabaw ng tubig,” pero “nang makita ang buhawi” ay natakot at nagsimulang lumubog. Nang mahawakan ni Jesus ang kamay ni Pedro, sinabi ni Jesus: “Bakit ka nagbigay-daan sa pag-aalinlangan?” (Mateo 14:29-31) “Habang abalang-abala kayong mga misyonero sa inyong buong-panahong paglilingkod, maaaring humanga ang iba sa lahat ng inyong ginagawa na para bang kayo ay naglalakad sa ibabaw ng tubig, pero kapag may dumating na bagyo, huwag magbigay-daan sa pag-aalinlangan.”
Bilang pagpapatuloy, sinabi ni Brother Morris na dumanas man tayo ng tulad-bagyong problema, unti-unti ring huhupa ang malakas na hangin. Kapag maraming hamon sa buhay, pinayuhan niya ang mga estudyante na alalahanin ang ginawa nina Pablo at Silas nang makulong sila sa Filipos. Sinasabi sa Gawa 16:25: “Nang bandang kalagitnaan ng gabi sina Pablo at Silas ay nananalangin at pumupuri sa Diyos sa pamamagitan ng awit; oo, naririnig sila ng mga bilanggo.” Pansinin: Hindi lang sila nanalangin, umawit din sila. Malakas ang pag-awit nila, anupat narinig ito ng ibang mga bilanggo. Karamihan sa atin, ang sabi ni Brother Morris, ay hindi naman marunong kumanta, pero hindi tayo dapat mahiyang kumanta lalo na kapag may pinagdaraanang problema. Tinapos ni Brother Morris ang kaniyang pahayag sa pamamagitan ng pagbasa sa liriko ng Awit bilang 135, “Magbata Hanggang sa Wakas,” sa aklat-awitang Umawit kay Jehova.
Iba Pang Nakapagpapatibay na Pahayag
“Iniibig Mo ba ang Sapat na Dami ng mga Araw?” ang pamagat ng pahayag ni Robert Luccioni ng Purchasing Department. Ang tema ay mula sa mga salita ni Haring David sa Awit 34:12. Tinalakay ni Brother Luccioni kung paano mahaharap ang mga problema at kasabay nito ay mapananatili ang mabuting kaugnayan kay Jehova. Maraming aral ang mapupulot sa ulat ng 1 Samuel kabanata 30. Habang si David, ang kaniyang mga tauhan, at kani-kanilang pamilya ay tumatakas mula kay Haring Saul, nanatili muna sila sa Ziklag. Nang bihagin ng mga manlulusob na Amalekita ang kanilang mga pamilya, sinisi ng kaniyang mga tauhan si David at gusto nila siyang batuhin. Ano ang reaksiyon ni David? Sa halip na masiraan ng loob, “pinatibay ni David ang kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jehova na kaniyang Diyos.” (1 Samuel 30:6) Humiling siya ng tagubilin kay Jehova, kumilos ayon sa tagubilin ng Diyos, at iniligtas ang mga bihag. Tiniyak ng tagapagsalita sa mga estudyante na kung magtitiwala rin sila kay Jehova at susunod sa kaniyang mga tagubilin, iibigin nila ang sapat na dami ng mga araw. Masisiyahan sila sa buhay dahil sa napakahalagang pribilehiyong taglay nila.
“Panatilihing Nauuna ang Inyong mga Mata sa mga Pagbabantay sa Gabi” ang tema ng pahayag ni Michael Burnett, isa sa mga instruktor sa Gilead. Hinahati ng mga Israelita ang gabi, mula sa paglubog hanggang sa pagsikat ng araw, sa tatlong pagbabantay na may tig-aapat na oras. Ang pinakahuli, mula 2:00 n.u. hanggang 6:00 n.u., ang pinakamadilim, pinakamalamig, at pinakanakakaantok. Sa panahong ito ng pagbabantay, pinupuno ng salmista ang kaniyang isipan ng mga salita ni Jehova para hindi siya makatulog. (Awit 119:148) “Kailangan ninyong maging mapagbantay,” ang sabi ni Brother Burnett sa mga estudyante. “Makararanas din kayo ng madidilim na panahon sa inyong buhay at makikita ang mga epekto ng malamig at salat-sa-pag-ibig na daigdig na ito. Kailangan ninyong maging handa.” Pagkatapos, ipinaalaala niya sa kanila na dapat nilang ipagpatuloy ang malalim at detalyadong pag-aaral ng mga paksa sa Bibliya para manatili silang mapagbantay. Nagpatuloy pa si Brother Burnett: “Araw-araw, nananalangin kayo kay Jehova dahil gusto ninyong maging kaibigan siya. Kaya bilang inyong kaibigan, hayaan ninyong kausapin kayo ni Jehova araw-araw sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya. Malalim na ang gabi, kaya planuhin kung paano gagamitin ang inyong panahon. Sa gayong paraan, mapananatili ninyong nauuna ang inyong mga mata sa mga pagbabantay sa gabi.”
“Sinanay Para sa mga Gawain,” batay sa 1 Pedro 5:10, ang tema ni Mark Noumair, isa pang instruktor sa Gilead. Itinanong niya sa mga estudyante: “Makaranasan na kayong mga ministro, pero bakit kaya kayo inanyayahan sa Watchtower Educational Center?” Ang sagot: “Dahil kayo ay mga propesyonal na sa inyong gawain. Maraming propesyonal ang nag-o-off sa trabaho para mag-aral at mapahusay ang kanilang mga kakayahan. Sa nakalipas na limang buwan, ‘pinatatag’ at ‘pinalakas’ kayo ni Jehova sa pamamagitan ng puspusang pag-aaral ng kaniyang Salita at organisasyon para maisabalikat ninyo ang mabibigat na pananagutang maaaring ibigay sa inyo. Ang matitibay na kahoy ay hindi madaling mabaluktot, mapilipit, o maputol. Makikita ang resulta ng inyong pagsasanay habang gumagawa kayong kasama ng mga kapatid. Dahil ba sa pressure ay lilihis na kayo sa makadiyos na mga simulain o mananatili kayong matatag at nakaayon sa mga natutuhan ninyo sa Salita ng Diyos? Matibay ang isang bagay kung kaya nitong magdala ng mabigat. Ang tibay ng mga kahoy ay nakadepende sa masinsing pagkakaayos ng mga hilatsa nito. Sa katulad na paraan, ang inyong lakas ay nakadepende sa kung ano talaga ang inyong pagkatao. Dinala kayo ni Jehova rito para maging malakas, maaasahan, at mapagkakatiwalaan para sa mga gawain. Ginawa na ng Diyos ang bahagi niya. Kaya dalangin namin na magawa ninyo ang inyong bahagi at hayaang tapusin ng inyong ‘Dakilang Tagapagturo’ ang pagsasanay sa inyo.”
Mga Karanasan at Interbyu
Gaya rin ng dati, nakatutuwang marinig ang karanasan ng mga estudyante. Sa isang bahagi ng programa, isinadula ng mga estudyante ang kamakailan nilang karanasan sa pangangaral. Halimbawa, nang papunta sa Gilead School, naghintay ng mahigit anim na oras sa airport ang isang mag-asawang Pranses. Sa isang restaurant sa airport, kinausap nila ang dalawang lalaki na naghihintay rin. Nang sabihin ng isa na taga-Malawi siya, kinausap nila siya sa wikang Chichewa. Nagulat ang lalaki at nagtanong kung paano sila natuto ng kaniyang wika. Sinabi nilang mga misyonero sila sa Malawi. Nang sabihin naman ng isa pang lalaki na taga-Cameroon siya, kinausap nila siya sa wikang Pranses. Mataas ang tingin ng dalawang lalaki sa mga Saksi ni Jehova, at nangaral sa kanila ang mga misyonero.
Si Nicholas Ahladis ng Translation Services ay nag-interbyu naman ng dalawang mag-asawang estudyante. Ang isa ay mga taga-Australia na misyonero sa East Timor, kung saan laging may digmaan. Ang isa naman ay mga taga-Korea na naglilingkod sa Hong Kong. Pareho silang nasasabik na bumalik sa kani-kanilang teritoryo para maikapit ang kanilang natutuhan sa paaralan.
Pagkatapos maibigay ang mga diploma, isang estudyante ang kumatawan sa buong klase para basahin ang liham ng pasasalamat sa pagtuturong tinanggap nila. Bilang pagtatapos, gumamit si Brother Lösch ng ilang magagandang pananalita, anupat sinabi niyang ang katotohanan ay singganda ng bahaghari, tulad ng oasis sa disyerto, at tulad ng angkla sa maunos na dagat. “Talagang isang pagpapala na malaman ang katotohanan,” ang sabi niya. “Maging tagapagtanggol ng katotohanan, at tulungan ang iba na maging gayon din.”
[Chart/Mapa sa pahina 31]
ESTADISTIKA NG KLASE
12 bansa ang may kinatawan
36 katamtamang edad
20 katamtamang taon mula nang mabautismuhan
15 katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Inatasan ang klase sa mga bansang nasa ibaba:
MGA ATAS NG KLASE
BELIZE
BENIN
CAMBODIA
CAMEROON
CAPE VERDE
CÔTE D’IVOIRE
DOMINICAN REPUBLIC
EAST TIMOR
ECUADOR
GABON
GEORGIA
GUINEA
HONG KONG
LIBERIA
MADAGASCAR
MALAWI
PERU
SAMOA
SÃO TOMÉ AND PRÍNCIPE
UNITED STATES OF AMERICA
ZIMBABWE
[Larawan sa pahina 31]
Ang Ika-132 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Iap, R.; Iap, J.; Ng, T.; Ng, P.; Laurino, F.; Laurino, B.; Won, S.; Won, S.
(2) Morales, N.; Morales, M.; Zanutto, J.; Zanutto, M.; Rumph, I.; Rumph, J.; Germain, D.; Germain, N.
(3) Atchadé, Y.; Atchadé, Y.; Thomas, C.; Thomas, E.; Estigène, C.; Estigène, P.
(4) Ehrman, D.; Ehrman, A.; Bray, J.; Bray, A.; Amorim, M.; Amorim, D.; Seo, Y.; Seo, Y.
(5) Simon, J.; Simon, C.; Seale, C.; Seale, D.; Erickson, J.; Erickson, R.
(6) McCluskey, D.; McCluskey, T.; Brown, A.; Brown, V.; Mariano, D.; Mariano, C.; Loyola, Y.; Loyola, C.
(7) Rutgers, P.; Rutgers, N.; Foucault, P.; Foucault, C.; Wunjah, J.; Wunjah, E.