Pananatiling may Pagkakaisang Kristiyano sa Relasyong Pangnegosyo
“Masdan ninyo! Anong pagkabuti-buti at pagkaliga-ligaya na ang magkakapatid ay magsitahang magkakasama sa pagkakaisa!”—AWIT 133:1.
1. Bakit totoong kanais-nais ang pagkakaisang Kristiyano?
TUNAY nga na ‘mabuti at maligaya para sa mga magkakapatid na Kristiyano na magsitahang magkakasama sa pagkakaisa,’ lalo na sa ngayon na totoong baha-bahagi ang daigdig. Kung saan mayroong tunay na pagkakaisa, ito’y isang kagandahan, na ang resulta’y mga taong may mahigpit na buklod ng pag-iibigang pangmagkakapatid, anupa’t isang kagalakan ang magkasama-sama. Sa kabilang panig, ang di-pagkakaisa ay pangit at ang resulta’y pagsasamaan-ng-loob, pagkakapootan, at pagkakahiwa-hiwalay ng mga magkakasama.
2. Paanong ang ating iisang pangmalas sa mga prinsipyo ng Bibliya ay nagpapalawak ng ating pagkakaisa bilang magkakapatid kahit na sa negosyo?
2 Pagka ang mga Kristiyano’y nakikitungo sa negosyo sa mga ibang lingkod ni Jehova, ang kanilang iisang pangmalas sa mga prinsipyo ng Bibliya ay dapat magpalawak pa sa kanilang pagkakaisa bilang magkakapatid. Ganito ang pagkasabi ng isang tagapangasiwa sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova: “Habang patuloy na naaagnas ang pagtitiwala mo sa sanlibutan, lalo namang nakagiginhawa na gumawa kasama ng may prinsipyong mga kapuwa Kristiyano. Hindi na kailangang tayo’y ‘palaging nagpapakaingat’ bawa’t minuto. Ang dalisay, mapagtapat na mga kasosyo sa negosyo ay patuloy na kumakaunti sa sistemang ito. Anong buti nga na gumawa na kasama ng mapagtapat na mga tao na hindi naninigarilyo o gumagamit ng pangit na pananalita, mga taong may pagpipigil-sa-sarili, na ang pangunahing motibo ay hindi kasakiman sa kayamanan.”
3. (a) Ano ang ilang mga relasyong pangnegosyo na doo’y kasangkot ang mga kapananampalataya? (b) Anong mga prinsipyo ang kailangang maging giya sa pagnenegosyo?
3 Ano ang ilan sa mga relasyong pangnegosyo na maaaring makasangkutan ng mga magkakapananampalataya? Isa na yaong kung saan dalawa o higit pang mga Kristiyano ang pumasok sa isang negosyo bilang magkasosyo. Ang isa pa ay kung saan ang isa ay siyang among may patrabaho at ang isa nama’y siyang empleyado. At ang isa pang sitwasyon ay kung saan ang isang Kristiyano ay nag-aalok ng isang produkto o serbisyo sa isang kapananampalataya. Sa alin man sa ganiyang pagnenegosyo, ang prinsipyo ng pagkamapagtapat at integridad na nasusulat sa kinasihang Salita ni Jehova ang kailangang maging giya sa kanilang pagkilos. Sa ganitong paraan ang pagkakaisa ng magkakapatid at ang kagalakan ng pagtatrabahong sama-sama ay napalalawak.—1 Corinto 10:31.
4. Anong panganib ang nakaharap sa mga Kristiyano sa negosyo?
4 Datapuwa’t, nariyan ang panganib na ang iba’y hindi manatiling may mataas na pagkakilala bilang Kristiyano. Baka sila’y magsimulang mag-isip ng labis-labis tungkol sa kanilang sariling mga kapakanan. (Filipos 2:4) Baka ang salapi ay maging lalong importante kaysa pagkakaisang Kristiyano. Subalit ang pag-iimbot sa negosyo ay maaaring makasira ng mga relasyong pangmagkakapatid at ng relasyon ng isa kay Jehova. Kailanma’y hindi natin gustong mangyari iyan!—Juan 13:34, 35; Hebreo 13:5; 1 Timoteo 3:2, 3; 1 Juan 3:16; 4:20, 21.
Importante ang Pormal na Kasunduan
5. Paanong ang karanasan ni Abraham sa pagbili ng lupa ay nagpapakita ng kahalagahan ng isang pormal na kasunduan?
5 Upang makatulong para maiwasan ang di-pagkakaunawaan sa negosyo, pag-isipan ang paraan ng pagkabili ni Abraham sa kapirasong lupa. Kaniyang “tinimbang kay Ephron ang salaping sinabi sa harap ng mga anak ni Heth, apat na raang siklong pilak na karaniwang salapi ng mga mangangalakal. Kaya ang parang ni Ephron na nasa Machpelah . . . ay pinagtibay kay Abraham bilang kaniyang biniling pag-aari sa harap ng mga anak ni Heth sa harapan ng lahat ng nagsisipasok sa pintuang daan ng kaniyang bayan.” Ito’y hindi isang pribadong kasunduan ng mga maginoo. Ito’y isang pormal na kasunduan, pinagtibay sa harap ng mga saksi. Walang di-pagkakaunawaan tungkol sa pag-aaring binili at sa eksaktong presyo.—Genesis 23:2-4, 14-18.
6. Paanong ang mga Kristiyano’y makabubuo ng importanteng mga transaksiyon sa negosyo?
6 Gayundin naman, isang katalinuhan para sa mga Kristiyano na gawing pormal ang importanteng mga transaksiyon. Kung ang transaksiyon ay tungkol sa pagbibili ng isang bagay, maaaring isulat ng dalawang panig kung ano ang ipinagbibili, ang presyo, ang paraan ng pagbabayad, kailan at kung paano ihahatid ang kalakal, at iba pang mga kondisyon na pagkakasunduan. Kung tungkol naman iyon sa isang serbisyo na kailangang gawin, maaaring isulat ng dalawang panig ang trabaho na gagawin, kung kailan ito matatapos, ang presyo, at iba pang mga detalye. Ang dokumentong ito ay kailangang sulatan ng petsa at pirmahan, at ang dalawang panig ay dapat bigyan ng kani-kanilang kopya. Ang ganiyang nasusulat na kasunduan ay lalung-lalo nang kailangan sa isang pagsusosyo sa negosyo. Tinutulungan nito ang magkabilang panig upang maunawaan nang maliwanag ang kanilang relasyon at tinutulungan sila na mamuhay na kasuwato ng payo ni Jesus: “Hayaang ang inyong Oo ay maging Oo, Ang inyong Hindi, ay Hindi.” (Mateo 5:37) Sa higit na masalimuot na mga bagay-bagay, baka mas mabuti na sumangguni sa isang propesyonal na tutulong sa paggawa ng isang nasusulat na kasunduan.
7. (a) Ano pa ang kailangang pag-isipan tungkol sa nasusulat na mga kasunduan? (b) Anong espiritu ang dapat taglay ng mga Kristiyano sa negosyo?
7 Sa pagbuo ng nasusulat na mga kasunduan, dapat pag-isipan ng dalawang panig hindi lamang ang mga layunin kundi gayundin ang posibleng mga ibubunga niyaon, tulad baga ng kung paano tatapusin ang kaayusan sakaling kailangan iyon. (Kawikaan 21:5) Sa lahat ng negosyo ay pumapasok ang elemento ng peligro, at hindi maaaring ilagay sa dokumento ang bawa’t kalagayan na maaaring bumangon. Sakaling magbago ang mga kalagayan, baka kailangan na susugan ang kasunduan o aregluhin. Balang araw baka lumitaw pa nga na ang isang tao ay lumagay sa alanganin at kailangang labasan niya ang kalagayang iyon sa isang marangal na paraan. Gayunman, ito’y hindi dapat gawin na isang paraan lamang upang makaiwas sa pananagutan sa mga inutang dahil sa personal na luho o maling pangangasiwa. Kailangang pag-usapan ang bagay na iyon upang alamin kung ang kasunduan ay maaaring tapusin na at kung ano ang kailangang gawin kung tungkol sa problema sa pananalapi, kung mayroon nito. Oo, ang isang taong may malinis na budhi ay gagawa ng lahat ng makatuwirang magagawa niya upang tupdin ang mga obligasyon na pinagkasunduan, kahit na kung kailangan na sa sandaling panahon ay baguhin niya ang kaniyang estilo ng pamumuhay. (2 Tesalonica 3:12) Kung ibig ng isang Kristiyano na lumakad nang walang kapintasan at gumawa ng katuwiran, sisikapin niya na tupdin ang kaniyang mga obligasyon sa isang kasunduan kahit na ang gayon ay hindi sa pinakamagaling na kapakanan niya, kundi upang manatili sa kaniya ang pagsang-ayon ni Jehova. “Siya’y sumumpa sa ikasasama niya, subalit hindi siya nagbabago.” (Awit 15:1-4) Sa lahat ng ganiyang mga pangyayari, kailangan ng mga lingkod ni Jehova na “gawin nang may pag-ibig ang kanilang ginagawa.”—1 Corinto 16:14.
8. Bakit mabuti na ‘kuwentahin ang magagastos’ bago pumasok sa isang relasyong pangnegosyo?
8 Dahilan dito, bago pumasok sa isang relasyong pangnegosyo, ang mabuti ay kuwentahin ang magagastos. (Lucas 14:28-30) Baka ang iba’y ginagamit ang oportunidad na maglayag sa karagatan ng komersiyo taglay ang maaliwalas na pag-asa subalit napasalpok naman sa nakakubling mga batuhan sa ilalim niyaon. Halimbawa, may akala ang iba na ang mga tubo na napakinabang ng kanilang mga amo ay maaaring napasa-kanila sana kung sila’y mayroong sariling negosyo. Subalit hindi nila natatalos na ang pamamanihala sa negosyo ay hindi madali sa daigdig na ito ng mahigpitang kompetisyon. Taun-taon libu-libong mga negosyo ang bumabagsak sa buong daigdig. Sa gayon, pagkatapos na makaranas ng masaklap na mga kabiguan sa negosyo, maraming mga Kristiyano ang nakaalpas at muling naging mga empleyado na may matatag na suweldo.
Paggalang sa mga Relasyong Pangnegosyo
9. Ano ang ilang mga paraan na nagpapakita kung paano maigagalang ng mga Kristiyano ang isa’t-isa sa pagtatrabaho?
9 “Sa paggalang sa isa’t-isa ay manguna kayo,” ang sabi ng Roma 12:10. Ang mga empleyadong Kristiyano na gumagawa nito ay hindi nagsasamantala sa kanilang amo dahil sa siya’y isang kapuwa Saksi, anupa’t hindi tumutulad sa saloobing makasanlibutan na yamang ang amo ay may kaya na gawin iyon, dapat niyang pagbigyan ang mga pagkukulang ng kaniyang mga empleyado. Sa halip, sila ay gagalang sa kanilang amo sa pamamagitan ng kanilang saloobin at kasipagan sa trabaho. (1 Timoteo 6:2) Sa kabilang panig, ang mga among Kristiyano ay magpapakita naman ng paggalang sa mga kapuwa Saksing empleyado sa pamamagitan ng paraan ng kanilang pakikipag-usap at pakikitungo sa mga ito. Hindi dapat isipin ng isang amo na siya’y mataas sa isang kapananampalataya na nagtatrabaho sa kaniya kundi dapat niyang tandaan na kapuwa sila mga alipin ni Jehova, magkapantay sa harap Niya. (Efeso 6:9) Gayundin, ang amo at empleyado ay kapuwa magsasaisip ng payong ito sa Galacia 6:10: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na sa ating kapananampalataya.”
10. Paano tumutulong ang pagpapakumbaba sa pagpapakita ng paggalang sa isa’t-isa?
10 Ang paggalang ay hindi mahirap na gawin kung saan umiiral ang pagpapakumbaba. Bilang halimbawa, ang isang mapagpakumbabang hinirang na matanda sa isang kongregasyong Kristiyano ay hindi mahihirapan na sa negosyo’y ipasakop ang kaniyang sarili sa isang kapuwa Kristiyano na walang kaparehong mga pribilehiyo sa kongregasyon. Sa kabilang panig, ang mapagpakumbabang amo naman ay hindi mahihirapan na ipasakop ang kaniyang sarili sa kaniyang empleyado, ang hinirang na matanda, sa mga aktibidades ng kongregasyon. Dahil sa pagpapakumbaba sila kapuwa ay hindi magiging labis na mapamintas o hinahanapan ng kasakdalan ang isa’t-isa, yamang “lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.”—Roma 3:23; 12:3.
11. Paano makapagpapakita ang mga Kristiyano ng pagkamakatuwiran sa negosyo?
11 Ang Bibliya ay nag-uutos din: “Ipakilala sa lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Hindi magiging makatuwiran para sa isang Kristiyano na umasang tatanggap ng pantanging mga pabor o magaling na trabaho o laging pinakamababang presyo dahil lamang sa isang kapananampalataya ang pinakikitunguhan niya. Hindi rin dapat umasa ang isang Kristiyano na karapatan niya na bigyan siya ng libreng panahon o ng iba pang mga pribilehiyo, tulad halimbawa ng paggamit ng mga makina o mga sasakyan, dahilan sa ang kaniyang amo ay isang kapananampalataya. Ang mga pabor, magagaling na trabaho, mabababang presyo, o libreng panahon ay maaaring kusang dumating ngunit hindi dapat na hingin. Ang di-makatuwirang mga inaasahan ay maaaring pagmulan ng samaan-ng-loob ng mga Kristiyano, at sumira ng kanilang relasyon.—Kawikaan 18:19.
12. Tungkol sa pagpapatotoo sa Kaharian, anong pag-iingat ang kailangang gawin sa lugar ng trabaho?
12 Bagaman ang mga Kristiyano ay nagnanais na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga di-kapananampalataya, sa lugar ng kanilang trabaho sila ay dapat magpakaingat upang ang gayong pagpapatotoo sa Kaharian ay gawin sa nararapat na panahon. (Eclesiastes 3:1, 7) Kung ito’y ginagawa sa mga oras ng trabaho, kailangan na may pagsang-ayon ng amo. Sapagkat kung hindi ay baka ikagalit iyon ng amo, at ito’y magdadala ng upasala kay Jehova at sa Kaniyang mga lingkod. (1 Timoteo 6:1) Mayroong mga ibang panahon, tulad halimbawa, kung oras ng pananghalian o oras ng pamamahinga sa pagtatrabaho, na ang gayong pagpapatotoo ay maaaring maisagawa. Isa pa, kung mayroong mga ilang Saksi na magkakasama sa trabaho, hindi nila gugustuhin na gumugol ng panahon sa pag-uusap-usap tungkol sa mga bagay na teokratiko kung mga oras na sila’y dapat magtrabaho.
Pag-iingat Tungkol sa Motibo sa Negosyo
13. Tungkol sa kani-kanilang sekular na trabaho ano ang pagkakilala roon ni Pablo at ng kaniyang tinuluyang mga kapatid sa Corinto?
13 Samantalang nasa Corinto, si apostol Pablo ay pumasok sa isang relasyong pangnegosyo sa kaniyang tinutuluyan na mga kapuwa Kristiyano, sina Aquila at Priscilla. (Gawa 18:1-3) Sila’y nagtrabaho upang may maitustos sa pamumuhay, subalit iyan ay pangalawa lamang sa kanilang pangunahing motibo—ang pagpapalaganap ng pagsamba kay Jehova. Tunay na hindi sila maaaring bintangan ng “pag-iisip na ang maka-Diyos na debosyon ay isang paraan ng [materyal] na pakinabang.” (1 Timoteo 6:5) Lahat silang tatlo ay saganang pinagpala ni Jehova at mainam ang pagkabanggit sa kanila sa Bibliya.—Roma 16:3-5.
14. (a) Bakit mabuti na suriin ang mga motibo bago pumasok sa isang negosyo? (b) Paano nilutas ng tatlong Saksi ang kanilang problema?
14 Sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa mga motibo bago pumasok sa isang negosyo, maiiwasan ng isang Kristiyano ang maraming mga suliranin. Halimbawa, baka ibig ng isang Kristiyano na magkaroon ng higit pang panahon upang mapalawak ang mga kapakanang pang-Kaharian, samantalang ang isang kasosyo niya ay baka ang ibig ay mapahusay pa ang istilo ng kaniyang pamumuhay. Baka nais ng isa na ang kanilang natubo ay idagdag sa puhunan upang mapaunlad ang negosyo. Subalit yaong isa naman ay handang magbayad ng mas malalaking buwis at ayaw nang idagdag sa puhunan ang mga natubo upang maiwasan ang higit pang pagkasangkot. Sa isang bansa, tatlo sa mga Saksi ni Jehova na magkakamag-anak din ang naging magkakasosyo sa negosyo. Subalit dumating ang panahon na ang kanilang mga punto-de-vista ay nagkaiba-iba tungkol sa kung hanggan saan nais ng bawa’t isa na masangkut sa negosyo. Nilutas nila ito sa pamamagitan ng desisyon ng isa’t-isa na magkaniya-kaniya ng negosyo at baha-bahaginin sa isa’t-isa ang kanilang mga kliyente. Sa ganitong paraan ay naingatan nila kapuwa ang kanilang espirituwal at ang kanilang pampamilyang relasyon. Kanilang sinunod ang payo ng Bibliya na “itaguyod ang mga bagay na gumagawa ng ikapapayapa at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t-isa.”—Roma 14:19.
15. Bakit lalo nang kailangang magpakaingat tayo sa ating mga motibo tungkol sa salapi?
15 Ang isa’y lalo nang dapat magpakaingat sa kaniyang motibo tungkol sa salapi. “Ang taong mapagtapat,” ang tiyakang sinasabi sa atin ng Bibliya, “ay magtatamo ng maraming pagpapala, ngunit siyang nagmamadali sa pagpapayaman ay hindi mananatiling walang sala.” (Kawikaan 28:20) Sa pamamagitan ng ‘pagmamadali sa pagpapayaman,’ baka hindi makita ng isang Kristiyano ang isang bagay na lalong mahalaga—ang kaniyang pakikipagkapatirang Kristiyano. Ito’y maaaring maging sanhi ng di-pagkakaisa sa kongregasyon, sapagkat baka sumamâ ang loob ng iba dahilan sa kaniyang inuuna ang salapi kaysa sa mga intereses ng Kaharian. Kaya naman ang Bibliya ay nagbibigay ng babala: “Silang mga desididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang walang kabuluhan at nakasásamâ, na nagbubulusok sa mga tao sa kapahamakan at pagkapariwara. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay naihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.”—1 Timoteo 6:9, 10.
16. Paano kailangang paandarin ang negosyo?
16 “Ang pag-ibig sa salapi” ay maaaring makapaghiwalay sa pananampalataya sa isang Kristiyano sa pamamagitan ng pagtukso sa kaniya na sumunod sa mga kaugalian na labag sa etika o tuwirang pandaraya. Pagka ang mga kapuwa Kristiyano ay napasangkot sa gawain ng gayong tao, baka ang maging resulta’y ang di-pagkakaisa at ang gayong mga kinaugalian ay nagsasapanganib sa relasyon ng isang tao kay Jehova. Upang ang mga relasyong pangnegosyo ay umandar nang mahusay, mahalaga na isaisip na ang pandaraya sa negosyo “ay isang bagay na kasuklam-suklam kay Jehova.” (Kawikaan 11:1; 20:23) Sa halip, ang naisin ng mga Kristiyano ay makapagsabi sila, ng gaya ng sinabi ni apostol Pablo: “Kami’y may tiwala na malinis ang aming budhi yamang kami’y naghahangad na maging mapagtapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
Paglutas sa mga Problema sa Negosyo
17. Paano malulutas ang mga ilang di-malulubhang problema?
17 Sa anumang relasyong pangnegosyo ng magkakapatid, maaaring may bumangon na problema. Ang ilan sa di-malulubhang problema ay maaaring malutas sa pamamagitan lamang ng pagkakapit ng prinsipyo sa 1 Pedro 4:8, na nagsasabi: “Higit sa lahat, kayo’y magkaroon ng maningas na pag-iibigan, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” Kung ang mga problema ay hindi malutas sa ganiyang paraan, huwag payagan na ito’y lalong lumaki at lumubha. Baka ang maging resulta’y ang pagkawala ng paggalang sa isa’t-isa at ang pagkakalayo. Ang kalutasan ay malimit na naroon sa may kabaitan at prangkahang pag-uusap bago patuloy na lumubha ang situwasyon. Ang Salita ng Diyos ay nagpapayo sa atin na agad ayusin ang mga di-pagkakaunawaan.—Mateo 5:23-25; Efeso 4:26, 27.
18. Ano ang maaaring gawin ng Kristiyano kung siya’y may paniwala na ang isang kapuwa Kristiyano ay nagkasala sa kaniya nang malubha?
18 Gayunman, kung ang isang Kristiyano’y may paniwala na ang isang kapananampalataya ay nagkasala sa kaniya ng malubha sa negosyo, ang mga hakbang na tinutukoy sa Mateo 18:15-17 ang dapat na sunding maingat. Sa pamamagitan ng unang hakbang o ng ikalawa ay dapat maayos ang di-pagkakaunawaan. Kung hindi pa malutas ang suliranin, ang ikatlong hakbang ay ang paglapit sa hinirang na matatanda upang siyasatin ang bagay na iyon. Kung sakaling ganito ang mangyari, ang mga kapatid na kasangkot ay mariing papayuhan ng matatanda na huwag magharap ng sakdal laban sa isa’t-isa. Ang pagsasakdal sa isang kapananampalataya ay mangangahulugan, gaya ng sabi ni Pablo, ng “ganap na pagkatalo para sa inyo.” Isinusog niya: “Bakit hindi na lamang ninyo pagtiisan ang gayong mga kalikuan na ginawa sa inyo? Bakit hindi na lamang kayo padaya?” (1 Corinto 6:1-8) Mas mabuti na pagtiisan ang mga kalugihan sa salapi kaysa magdala ng kasiraan sa pangalan ni Jehova at pati sa kongregasyon at masira ang ating pagkakaisa dahil sa paghahabla sa hukuman sa isang kapananampalataya. Mangyari pa, bagaman ang kasong iyon ay hindi dinala sa hukuman, baka kailanganin na gumawa ng aksiyon ang kongregasyon kung ang kaso’y tungkol sa pandaraya.
19. Anong napakainam na mga halimbawa sa Bibliya ang maaaring itawag-pansin ng matatanda pagka sila’y nagpapayo tungkol sa mga problema sa negosyo?
19 Sa pagpapayo sa mga may suliranin sa negosyo, maaaring itawag-pansin sa kanila ng matatanda ang walang-imbot na halimbawa na ipinakita ni Abraham nang nanganganib na masira ang kaniyang relasyon kay Lot. Bagaman si Abraham ay nakatatanda, may kabaitan na ibinigay niya kay Lot ang pinakamagaling na lupain imbes na payagang masira ang kanilang relasyon. (Genesis 13:5-11) Maaari ring itawag-pansin ng matatanda ang magandang halimbawa ni Zacheo. Siya’y handang ibigay ang kalahati ng kaniyang mga ari-arian sa dukha at ang natitirang kalahati ay gagamitin niya upang kung sakaling nakasingil siyang maydaya sa kaninumang tao ay isasauli niya iyon nang makaapat.—Lucas 19:1-10; tingnan din ang 1 Corinto 10:24.
20, 21. Ano ang kailangang pangunahing isaisip tungkol sa sekular na aktibidad?
20 Anong inam nga pagka mabisang nalutas ng mga Kristiyano ang mga problema sa negosyo sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa payo ng Bibliya! Sa ganito’y mananatili silang nagkakaisa kahit na mabigo ang negosyo. Iyan ang magiging maligayang resulta kung pangunahing isinasaisip natin sa tuwina na, para sa mga Kristiyano, ang sekular na aktibidad ay pangalawa lamang sa mga intereses ng Kaharian at sa pagkakaisa ng kapatiran. Mainam din kung ang mga kapakanang pangnegosyo ay maisasaayos upang magkaroon ng higit pang panahon para sa lalong mahalagang mga bagay na may kinalaman sa gawain sa Kaharian.—Mateo 6:33; ihambing ang Filipos 1:9, 10.
21 Samakatuwid, ang talagang mahalaga sa ating buhay ay ang ating relasyon kay Jehova at sa ating mga kapatid na Kristiyano. (Mateo 22:36-39) Kailanman ay hindi natin ibig na ito’y masira dahilan sa impluwensiya ng sanlibutan o ng negosyo, sapagkat talagang walang maihahambing sa ating kaugnayan kay Jehova o sa kagandahan ng ating nagkakaisang kapatiran!
Mga Tanong sa Repaso
◻ Paanong ang pagsunod sa Salita ng Diyos ay lalong nagpapalawak ng mga relasyong pangnegosyo?
◻ Bakit matalino na magkaroon ng pormal na kasunduan?
◻ Paanong ang mga Kristiyano ay makapagpapakita ng paggalang sa isa’t-isa sa trabaho?
◻ Bakit dapat nating suriin ang ating mga motibo sa negosyo?
◻ Anong saloobin ang dapat na ipakita sa paglutas sa mga problema sa negosyo?
[Larawan sa pahina 16]
Pinagtibay ni Abraham ang pagkabili niya ng lupa sa pamamagitan ng kasunduan na ginawa kay Ephron
[Larawan sa pahina 18]
Ang pagtatrabaho upang magkaroon ng pantustos-buhay ay pangalawa lamang kina Pablo, Aquila, at Priscilla