Maging Mapagtapat sa Lahat ng Bagay
“Kami’y may tiwala na malinis ang aming budhi, yamang kami’y naghahangad na maging mapagtapat sa lahat ng bagay.”—HEBREO 13:18.
1, 2. (a) Sa panahon natin ano ang nangyayari sa katangiang pagkamapagtapat? (b) Anong uri ng mga tao ang kasangkot sa pandaraya?
NATATANDAAN ng mga taong may edad ang panahon ng, sa maraming lugar, hindi ikinakandado ng mga tao ang kanilang mga pinto. Hindi rin naman sila nag-iisip na magnakaw sa iba o dayain ang iba. Kung sila’y nanghihiram ng salapi, kanilang inaakala na nakataya ang kanilang karangalan upang bayaran iyon. At ang kanilang salita ay ‘singbuti na rin ng ginto.’ Totoo, may mga pandaraya, subalit hindi naman malaganap. Subalit, sa ngayon, ang pagnanakaw, pagsisinungaling, at panlilinlang ay karaniwan na sa buong daigdig. At maraming pandaraya ang nagmumula sa umano’y respetableng mga tao na namumuhay at nagtatrabaho sa magagandang kapaligiran, makikisig manamit, may relihiyon, at ang turing sa kanilang sarili ay mabubuting mamamayan. Oo, ang pandaraya ay naging palasak na sa mga opisyales ng gobyerno at sa negosyo.
2 Sa Estados Unidos mahigit na 11 milyong mga malulubhang krimen na may kinalaman sa pandaraya ang iniuulat taun-taon. At, ang hindi pag-uulat ng lahat ng kitang dapat ibuwis ay umaabot sa halagang mahigit na $250 bilyon isang taon. Sa New York City, humigit-kumulang isang daang libong katao ang hindi nagbabayad ng pamasahe sa pagsakay sa mga sasakyan sa subway—araw-araw. Isang opisyal ang nagsabi na kung lahat ng mga manlilinlang na ito ay aarestuhin, “magkakabuhul-buhol ang sistema ng hukuman ng kung ilang mga buwan.” Sa Hapon, gumawa ng surbey sa mga nagbabayad ng buwis at natuklasan na 95 porsiyento ang nagdaraya sa buwis na ibinabayad, kasali na ang 92 porsiyento ng mga abogado. Sa loob ng isang buwan, mahigit na 16,000 katao ang nahuli na hindi nagbabayad sa pagsakay nila sa mga tren.
3. Paanong ang pandaraya ay naging lalong malaganap sa mga mag-asawa?
3 Ang pandaraya ay lalong malaganap na rin sa buhay may-asawa. Noong mga ilang taóng lumipas isiniwalat ng isang surbey na 30 porsiyento ng mga Amerikanang may-asawa ang “nakipagtalik sa hindi nila asawa.” Sa isang surbey kamakailan sa mahigit na isang daang libong mga babaing may-asawa, 50 porsiyento ang umamin na “sila’y nakipagtalik sa mga hindi nila asawa, na minsan man lamang.” Isang tagapagmasid ang nagsabi na marahil “90 porsiyento ng mga lalaking may-asawa” ang gumawa rin ng gayon.
Bahagi ng “mga Huling Araw”
4. Bakit ang paglaganap ng pandaraya ay hindi natin pinagtatakhan?
4 Hindi pinagtatakhan ng mga lingkod ni Jehova ang paglaganap ng pandaraya. Batid nila na ito’y bahagi ng tanda ng “mga huling araw” na ito. Inihula ng Salita ng Diyos na sa panahon natin ang mga tao ay magiging ‘maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, di-tapat, walang pagpipigil-sa-sarili, di-maibigin sa kabutihan, may anyo ng banal na debosyon ngunit itinatakwil ang kapangyarihan niyon, at patuloy na sumásamâ.’ (2 Timoteo 3:1-5, 13) Inamin ng isang grupo ng mga eksperto na “patuloy na dumarami” ang mga tao sa daigdig na “hindi na sumusunod sa kinagisnang mga pamantayan ng tama at mali at hindi na sumusunod sa budhi.”
5. Ano ang nangyari nang isang kalagayan na katulad ng sa ating kaarawan ang umiral sa sampung-tribong kaharian ng Israel?
5 Ang kalagayan sa daigdig ngayon ay mas malala kaysa noong panahon bago pinarusahan ni Jehova ang sinaunang sampung-tribong kaharian ng Israel. Tungkol sa panahong iyon ang Oseas 4:1-3 ay nagsasabi: “Si Jehova ay may kaso sa mga mananahan sa lupain, sapagkat walang katotohanan ni kaawaan man ni kaalaman man tungkol sa Diyos sa lupain. Wala kundi pagsumpa at pandaraya at pagpatay at pagnanakaw at pangangalunya, at nagkakabubuan ng dugo. Kaya naman ang lupain ay tatangis at bawa’t tumatahan doon ay mapaparam.” Ang parusang inihatol ni Jehova ay isinagawa noong 740 B.C.E. nang pahintulutan niya ang Asirya na sakupin ang Israel at ang kabesera niyaon na Samaria at dalhing bihag ang mga nananahan doon.
6. Bakit parurusahan ng Diyos ang kasalukuyang sistemang ito, at gaano katiyak ang parusang iyan?
6 Gayundin naman, si Jehova ay may “kaso” laban sa magdarayang sanlibutang ito. Nililiwanag ng Kasulatan na ito’y hinatulan na ni Jehova ng parusa at ito’y “mapaparam” pagka pinuksa na. “Ang mga langit at ang lupa ngayon ay iningatan para sa apoy at inilalaan para sa araw ng paghuhukom at paglipol sa mga taong masasama.” (2 Pedro 3:7) Tiyak na tiyak ang katuparan nito kung kaya’t sa Salita ng Diyos ay tinutukoy ito na para bagang nangyari na: “Narito! Dumating si Jehova kasama ang kaniyang laksa-laksang mga banal, upang isagawa ang paghuhukom sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng masasama sa lahat ng kanilang gawang masama na kanilang ginawang may kasamaan.”—Judas 14, 15.
7. Hangga’t hindi winawakasan ng Diyos ang magdarayang sanlibutang ito, anong mga hamon ang nakaharap sa kaniyang mga lingkod?
7 Gayunman, hangga’t hindi winawakasan ng Diyos ang magdarayang sanlibutang ito, dito pa rin mamumuhay ang kaniyang mga lingkod. Ang mga Kristiyano ay “nasa sanlibutan” nga, subalit, gaya ng sinabi ni Jesus, “sila’y hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:11-14) Kaya naman, araw-araw sila ay kinakailangang gumawa ng moral na mga pasiya may kinalaman sa pagkamatapat. Kasali rito ang mga sitwasyon sa trabaho, sa paaralan, sa pamilya, o sa pakikitungo sa mga kaibigan. Sa lahat ng mga hamon na napapaharap sa kanilang budhi na sinanay sa Bibliya, ang nais ng mga lingkod ni Jehova ay makatulad sila ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin: “Kami’y may tiwala na malinis ang aming budhi, yamang kami’y naghahangad na maging mapagtapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
Hindi Lamang Ito ‘ang Pinakamagaling na Patakaran’
8. Bakit ang pagtatapat ang patakarang sinusunod ng mga lingkod ni Jehova?
8 May kasabihan na ‘honesty is the best policy.’ (Ang pagtatapat ang pinakamagaling na patakaran), na nangangahulugang nagdudulot ng praktikal na mga resulta ang pagiging mapagtapat. Subalit para sa mga Kristiyano, higit pa riyan ang ibig sabihin nito. Ang pagtatapat ang tanging patakaran na sinusunod nila. Bilang mga lingkod ni Jehova, sila ay obligado na huwag tumulad sa hinatulang sanlibutang ito sa kaniyang kawalang-pagtatapat—hindi sa anupamang dahilan. Sa halip, lahat ng kanilang aktibidades ay kailangang gawin nila na kasuwato ng mga kautusan ng Diyos. At ang kaniyang mga kautusan ay hindi nagbabago kung tungkol dito.
9. Paanong sa kautusan ni Jehova sa sinaunang Israel ay idiniin ang pagtatapat?
9 Halimbawa, sa sinaunang Israel, sinabi ni Jehova: “Huwag kang mangangalunya. Huwag kang magnanakaw. Huwag kang sasaksi ng kabulaanan laban sa iyong kapuwa-tao. Huwag mong hahangarin . . . ang anuman na pag-aari ng iyong kapuwa-tao.” (Exodo 20:14-17) Gayundin naman, sa Levitico 19:11, 12 ay sinasabi: “Kayong mga tao ay huwag magnanakaw, at kayo’y huwag manlilinlang, at kayo’y huwag makikitungo nang may pandaraya sa kaninuman sa kaniyang kapuwa. At kayo’y huwag manunumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan, upang huwag ninyong malapastangan ang pangalan ng inyong Diyos. Ako’y si Jehova.”
10. Paano idiniriin ng Kristiyanismo ang pagkamapagtapat?
10 Ang ganiyang mga kautusan ay muling sinalita para sa mga Kristiyano. Sa gayon, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong liko ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyos-diyosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaki ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang masasakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga mapagmura, ni ang mga mangingikil ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos;” ni ang sinuman na “gumagawa ng kasinungalingan.” (1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 22:15) Lahat ng nagnanais mabuhay sa bagong sistema ng Diyos ay kailangang makitaan ng kaniyang mga katangian, na ang isa na rito’y na “ang Diyos . . . ay hindi nagsisinungaling.” (Tito 1:2; Hebreo 6:18) Ang kasinungalingan ay nagmumula kay Satanas, “ang ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.
11, 12. (a) Bakit tayo dapat matutong maging mapagtapat ngayon? (b) Bakit tayo’y may katiwasayan sa nakikitang organisasyon ng Diyos?
11 Yamang ang “katuwiran ay tatahan” sa ipinangako ng Diyos na “bagong lupa,” “katuwiran ang tunay na matututuhan ng mga nananahan sa mabungang lupain.” (2 Pedro 3:13; Isaias 26:9) Kaya naman ang mabilis na dumaraming bilang ng umaasang magiging mga mamamayan ng lupang Paraiso ay ngayon pa ‘tinuturuan na tungkol sa mga daan ni Jehova,’ kasali na rito ang pagkamapagtapat. (Isaias 2:3, 4) Kaya, ang Salita ng Diyos ay nagpapayo sa atin: “Huwag magbulaan sa isa’t-isa. Hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito.” (Colosas 3:9) Sinasabi rin nito: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi bagkus magpagal, na iginagawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay, upang may maibigay siya sa nangangailangan.”—Efeso 4:28.
12 Kaya’t ang mga lingkod ni Jehova ay kailangang maging mapagtapat sa lahat ng bagay. Yamang sa bagong sistema ay kailangang maging ganiyan ang bawa’t isa, kailangang maging ganiyan na ngayon ang mga lingkod ng Diyos. At anong laking kaluguran ang makisama sa isang internasyonal na lipunan ng milyun-milyong mga tao na nagpapaunlad ng pagkamapagtapat! Anong laki ng katiwasayan natin sa espirituwal na paraisong ito na siyang resulta ng makapangyarihang banal na espiritu ng Diyos, “na ibinigay ng Diyos sa mga tumatalima sa kaniya bilang pinuno.” (Gawa 5:32) Pansinin na napakalaki ang kaibahan nito sa masamang espiritu na laganap sa sanlibutang ito sa ilalim ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas na Diyablo.—2 Corinto 4:4; Galacia 5:19-24.
Napapansin ng Iba ang Pagkamapagtapat
13, 14. Paanong ang mga iba ay nagkomento tungkol sa pagkamapagtapat ng mga lingkod ni Jehova?
13 Ang pagkamapagtapat ng mga lingkod ng Diyos ay malimit na napapansin ng iba. Halimbawa, ang pahayagang Italyano na Il Piccolo ay naglathala ng isang liham buhat sa isa sa mga mambabasa nito na nagsasabi: “Nais kong pasalamatan ang babae na nagpakilala ng kaniyang sarili bilang isang Saksi ni Jehova at nagpatunay ng kaniyang ulirang ugaling pagkamapagtapat sa pamamagitan ng pagsasauli sa akin, sa pamamagitan ng pahayagang ito, ng isang malaki-laki rin namang halaga na nawala sa akin.” Sa Estados Unidos, sumulat ang The Indianapolis Star tungkol sa isang mag-asawang Saksi na nakapulot ng $4,000 at isinauli iyon sa may-ari. Sinabi ng pahayagan na ang mag-asawa ay “hindi nagkaroon ng anumang pag-aalinlangan sa dapat nilang gawin.” Bakit? Sabi nila: “Hindi namin maaaring itago iyan. Kami’y mga Saksi ni Jehova.”
14 Nang isang Saksi sa Missouri ang nakapulot ng $9,500 at ibalik niya iyon sa polisya, isang pahayagan ang sumipi sa isang opisyal na nagsabi: “Pambihirang-pambihira na ang sinuman ay makapulot ng ganiyang karaming salapi at isauli pa. Wala akong alam na sinuman na gumawa ng ganiyan. Talaga namang nakapagtataka.” Binanggit ng artikulo na sa Saksi ay “hindi kailanman sumagi sa isip na itago ang salapi.” Ang opisyal na nangangasiwa ay nagsabi na dahil sa Saksi “nanumbalik ang kaniyang paniniwala na mayroon pa rin palang mga ilang tao na tapat sa kapuwa.” Ang Saksi ay tumugon naman: “Bilang isang bayan ay maipagmamalaki namin na kami’y mapagtapat sa lahat ng bagay.”
15, 16. Anong mga karanasan ang nagpapakita na ang pagkamapagtapat kahit na sa maliliit na bagay ay napapansin ng iba?
15 Hindi sa malalaking bagay lamang kailangan tayong maging mapagtapat. Kailangan ang pagiging mapagtapat sa maliliit na bagay muna. (Lucas 16:10) Halimbawa, may isang pamilya ng Saksi na tumuloy sa isang otel sa Florida, ngunit sa di-sinasadya’y nakadala ang kanilang anak na lalaki ng isang punda ng unan, sapagkat kaniyang napagkamalan na iyon ay kaniyang kamiseta. Iyon ay isinauli ng pamilya sa pamamagitan ng koreo, at ang hotel manager ay sumulat: “Marami pong salamat sa inyo sa inyong pagiging mapagtapat. Bagaman ang pagsasauli ng aming punda ng unan ay marahil isang karaniwan na gawain sa araw-araw kung para sa inyo, pero sa amin ito’y isang bagay na dapat papurihan.” Gayundin naman, nang isang mag-asawang Saksi ang sa di-sinasadya’y nakadala ng isang pangsulat na pen buhat sa isang otel sa Georgia at pagkatapos ay isinauli iyon, ang manager ay sumulat: “Pinasasalamatan ko kayo sa pagbibigay ng panahon sa pagsasauli ng panulat na pen na sa di-sinasadya’y napasama sa inyong mga gamit. Nakatutuwang makatanggap ng sulat na gaya niyaong inyong ipinadala buhat sa ganiyang mga tao na mapagtapat at mapagmalasakit!”
16 Isang batang lalaking Saksi na nasa ikalimang grado ang naglalaro ng baseball sa paaralan. Ang laro ay mahigpitan, subalit batid niya na siya’y “out.” Sinabi ng kaniyang mga kasama sa koponan na siya’y “safe.” Subalit isang miyembro ng kalabang koponan ang nagsabi na mayroong isang siguradong paraan upang tiyakin ang katotohanan. Sinabi niya: “Tanungin siya kung siya’y out o hindi. Siya’y isang Saksi, at ang mga Saksi ay hindi nagsisinungaling.” Ang mabuting iginagawi ng batang iyan sa araw-araw ay napansin ng iba. Oo, sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos, maging “sa bibig man ng mga sanggol” ay maaaring manggaling ang mga papuri kay Jehova.—Mateo 21:16.
17, 18. Anong mabuting epekto sa mga taong may pusong mapagtapat ang nagagawa ng mga prinsipyo ni Jehova tungkol sa pagiging mapagtapat?
17 Sa Nigeria, ang asawang lalaki ng isang Saksi ay salungat na salungat sa pagdalo ng Saksing ito sa isang pansirkitong asamblea. Kaya’t sinundan siya roon ng asawang lalaki at sinubukan nito na manggulo. Pagkatapos ng sesyon, sinabi ng lalaki: “Ngayon ay susubukin ko kayong mga Saksi.” Nang walang nakatingin na sinuman, dumukot siya ng pera sa kaniyang bulsa, minarkahan iyon, nilukot, at inihulog sa lupa. Nang magtagal-tagal, kaniyang binanggit na siya’y nawalan ng pera. Gayunman, sinabi sa kaniya na huwag mag-alala sapagkat iyon ay makukuha niya uli. Bumalik siya doon sa lugar na pinaghulugan niya ng pera, pero wala na iyon doon. “Aha,” sabi niya, “nahuli ko kayong mga tao na nagnanakaw!” Pagkatapos ay sinabi sa kaniya na marahil ang pera niya ay dinala sa Lost and Found Department. At tunay nga na ang minarkahang perang iyon ay naroon at kanilang isinauli sa kaniya. Dahilan sa karanasang ito ay sinuri niya ang pinaniniwalaan ng kaniyang asawa, at sa ngayon ang lalaking ito ay isa sa mga Saksi ni Jehova.
18 Sa isang liham na isinulat sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York, isang babae na hindi isang Saksi ang nagsabi na ibig niyang ikuwento sa iba ang nangyari sa kaniyang anak na babae sa paaralan. Ang kaniyang anak ay may isang mamahaling kabisada ng kabayo na ninakaw sa kaniya noong isang araw. Makalipas ang dalawang taon, ang anak na babaing ito ay tumanggap ng isang liham na nagsasabi: “Mahal kong Lili, Narito ang iyong kabisada na ninakaw sa iyo may dalawang taon na ngayon ang nakalipas. Ako ang kumuha nito, pero ngayon ako’y isa na sa mga Saksi ni Jehova, at ang aking bagong budhi ay ayaw nang pumayag na itago ko pa ito. Talagang ikinalulungkot ko ang nangyari. Pakisuyong patawarin mo ako.” Oo, para sa mga nagnanais maglingkod kay Jehova kailangang pagyamanin nila ang ‘isang malinis na budhi, yamang sila’y naghahangad na maging mapagtapat sa lahat ng bagay.’—Hebreo 13:18.
Pagpapanatiling Malinis sa Organisasyon
19. (a) Kung sakaling ang isang Kristiyano’y nagkasala ng pandaraya, ano ang kailangan niyang gawin? (b) Kung ang ilang mga kasamahan natin ay nananatili ng paggawa ng pandaraya, ano ang mangyayari sa kanila, at bakit?
19 Kung ang isang lingkod ng Diyos ay nagkasala ng pandaraya na di-sinasadya, kailangang dagling humingi siya ng kapatawaran sa oras na mabatid niya iyon o itawag-pansin iyon sa kaniya. At kung ang ilang mga kasama natin ay mawalan ng kanilang pagpapahalaga sa mga prinsipyo ng Bibliya at manatili sa paggawa ng pandaraya, sila’y hindi papayagan na makahawa sa bayan ng Diyos. Sila’y ititiwalag. (1 Corinto 5:11-13) Sa bagay na ito ay makakaasa tayo sa tulong ng langit, sapagkat inihula ni Jesus: “Susuguin ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin at ilalabas sa kaniyang kaharian ang lahat ng bagay na tumitisod at ang mga tao na gumagawa ng katampalasanan . . . Sa panahong iyon ang mga matuwid ay sisikat nang buong kaningningan gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.”—Mateo 13:41-43.
20, 21. (a) Bakit tayo may pagtitiwalang makapag-aanyaya sa mga maaamo na sumama sa atin ng pagsamba kay Jehova? (b) Anong pitak ng pagiging mapagtapat ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
20 Sa gayon, ang organisasyon ni Jehova ay napananatiling malinis. Kaya naman, ito’y ‘sumisikat nang buong ningning’ tulad ng ilaw na panghudyat sa tapat-pusong mga tao. Kaya naman tayo ay may pagtitiwalang nagsasabi sa mga maaamo sa lupa: “Magsiparito kayo, kayong mga tao, at tayo’y umakyat sa bundok ni Jehova [ang mataas na dako o puwesto ng tunay na pagsamba] . . . at kaniyang tuturuan tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.”—Mikas 4:2.
21 Yamang ang mga lingkod ni Jehova ay kailangang maging mapagtapat sa lahat ng bagay, mangyari pa, kasali rito ang kanilang mga pakikitungo sa negosyo sa mga ibang Saksi. Dito rin naman ay maaaring may bumangong mga paghamon sa pagiging mapagtapat ng isa. Ano ang ilan sa mga ito? Paano natin pakikitunguhan ang mga ito? Ang sumusunod na artikulo ang tatalakay sa pitak na ito ng pagkamapagtapat.
Rerepasuhing mga Tanong
◻ Ano na ang nangyari sa katangiang pagkamapagtapat sa panahon natin? Bakit?
◻ Paano ang pagkabanggit ng Salita ng Diyos tungkol sa pangangailangan na maging mapagtapat?
◻ Bakit kailangang paunlarin natin ang pagkamapagtapat kahit na bago dumating ang bagong sistema?
◻ Anong mga karanasan ang nagpapakita na mahalaga ang pagkamapagtapat?
◻ Ano ang katiyakan na sa gitna natin ay mapananatili ang katangiang pagkamapagtapat?
[Larawan sa pahina 13]
Kahit na ngayon pa, ang umaasang magiging mga mamamayan ng bagong sistema ng Diyos ay tinuturuan na sa daan ni Jehova ng pagkamapagtapat