Mga Kabataan, Maaari Kayong Magkaroon ng Kasiya-siyang Buhay
“Ipababatid mo sa akin ang landas ng buhay.”—AWIT 16:11.
1, 2. Gaya ng karanasan ng isang estudyante sa high school, anong pagbabago ang posible?
GUSTO nang tumigil ni Tony sa kaniyang pag-aaral sa high school. Ulila na siya sa ama, walang ganang mag-aral, at laging nasa sinehan o kasama ng barkada tuwing weekend. Hindi naman siya marahas at sugapa sa droga. Wala lang talagang layunin ang buhay niya. At nag-aalinlangan siya kung may Diyos. Pagkaraan, nakilala niya ang isang mag-asawang Saksi at sinabi niya sa kanila ang mga tanong niya at alinlangan. Binigyan nila siya ng dalawang brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking at Saan Nagmula ang Buhay?
2 Nang bumalik ang mag-asawa, nagbago na ang saloobin ni Tony. Pinag-aralan niya nang husto ang mga brosyur, kaya nagkatupi-tupi at nagkalukot-lukot ang mga ito. “Dapat lang na may Diyos,” ang sabi niya. Nagpa-Bible study siya, at unti-unting nagbago ang pananaw niya sa buhay. At mula sa pagiging mahinang estudyante, siya na ngayon ang isa sa pinakamahusay sa kanilang paaralan. Maging ang prinsipal, na nakaalam sa bagong pananampalataya ni Tony, ay namangha. “Malaki ang ipinagbago ng saloobin mo at ng grades mo,” ang sabi niya. “Dahil ba ’yan sa pakikisama mo sa mga Saksi ni Jehova?” “Opo,” ang sagot ni Tony, at saka siya nagpatotoo. Nakatapos siya ng high school at ngayon, isa na siyang regular pioneer at ministeryal na lingkod. Masaya rin siya dahil mayroon na siyang maibiging Ama, si Jehova.—Awit 68:5.
SUMUNOD KAY JEHOVA, AT KAYO AY MAGTATAGUMPAY
3. Anong landasin ang gusto ni Jehova na tahakin ng mga kabataan?
3 Ipinaaalaala sa atin ng karanasan ni Tony na interesadong-interesado si Jehova sa mga kabataan. Gusto niyang magkaroon kayo ng matagumpay at kasiya-siyang buhay. Dahil dito, nagpayo siya: “Alalahanin . . . ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong [kabataan].” (Ecles. 12:1) Sa mundong ito, hindi iyan laging madali, pero posible. Sa tulong ng Diyos, magtatagumpay ka, hindi lang sa panahon ng iyong kabataan kundi maging sa iyong buong buhay. Halimbawa, tingnan ang matututuhan natin mula sa pananakop ng mga Israelita sa Lupang Pangako at sa pakikipaglaban ni David kay Goliat.
4, 5. Anong mahalagang aral ang matututuhan natin mula sa pananakop ng mga Israelita sa Canaan at sa pakikipaglaban ni David kay Goliat? (Tingnan ang mga larawan sa simula ng artikulo.)
4 Nang malapit na ang mga Israelita sa Lupang Pangako, hindi iniutos ng Diyos na magsanay sila nang husto para sa pakikipagdigma. (Deut. 28:1, 2) Sa halip, sinabi niyang kailangan nilang sumunod sa kaniyang mga utos at magtiwala sa kaniya. (Jos. 1:7-9) Sa pananaw ng tao, parang hindi makatuwiran ang payong iyon! Pero iyon ang pinakamabuti, dahil binigyan sila ni Jehova ng sunod-sunod na tagumpay laban sa mga Canaanita. (Jos. 24:11-13) Oo, kailangan ng pananampalataya para masunod ang Diyos, pero ang pananampalatayang iyan ay laging nagdudulot ng tagumpay. Totoong-totoo pa rin iyan hanggang sa ngayon.
5 Si Goliat, isang makapangyarihang mandirigma, ay may taas na halos tatlong metro at nasasandatahang mabuti. (1 Sam. 17:4-7) Pero dalawa lang ang mayroon si David: isang panghilagpos at ang kaniyang pananampalataya sa Diyos na Jehova. Para sa mga walang pananampalataya, nagmukhang mangmang si David. Pero nagkakamali sila! Si Goliat ang mangmang.—1 Sam. 17:48-51.
6. Ano ang tatalakayin natin?
6 Tinalakay sa nakaraang artikulo ang apat na bagay na nagdudulot ng kaligayahan at tagumpay sa buhay. Ang mga ito ay ang pagsapat sa ating espirituwal na pangangailangan, pagpapahalaga sa ating bigay-Diyos na mga kaibigan, pagtatakda ng espirituwal na mga tunguhin, at pagpapahalaga sa ating kalayaan bilang bayan ng Diyos. Talakayin natin nang higit ang mga ito habang isinasaalang-alang ang mga simulaing makikita sa Awit 16.
SAPATAN ANG INYONG ESPIRITUWAL NA PANGANGAILANGAN
7. (a) Paano mo ilalarawan ang isang taong espirituwal? (b) Ano ang “bahagi” ni David, at paano ito nakaapekto sa kaniya?
7 Ang taong espirituwal ay may pananampalataya sa Diyos at tumutulad sa pananaw ng Diyos sa mga bagay-bagay. Humihingi siya ng patnubay sa Diyos at determinadong sumunod sa kaniya. (1 Cor. 2:12, 13) Magandang halimbawa si David. Umawit siya: “Si Jehova ang sukat ng aking takdang bahagi at ng aking kopa.” (Awit 16:5) Kasama sa “bahagi” ni David ang kaniyang malapít na kaugnayan sa Diyos, na ginawa niyang kanlungan. (Awit 16:1) Ang resulta? “Nagsasaya ang aking puso,” ang sabi niya. Oo, walang nagbibigay ng higit na kagalakan kay David kundi ang kaniyang malapít na kaugnayan sa Diyos.—Basahin ang Awit 16:9, 11.
8. Ano ang ilang bagay na nagdudulot ng kasiya-siyang buhay?
8 Ang kagalakang nadama ni David ay hindi nadarama ng mga taong inuuna ang mga kaluguran at kayamanan. (1 Tim. 6:9, 10) “Ang tunay na kaligayahan,” ang sabi ng isang brother sa Canada, “ay nagmumula, hindi sa mga bagay na natatamo natin sa buhay, kundi sa ibinibigay natin sa Tagapagbigay ng bawat mabuting kaloob, ang Diyos na Jehova.” (Sant. 1:17) Oo, ang pagpapatibay ng pananampalataya kay Jehova at paglilingkod sa kaniya ang magbibigay sa iyo ng makabuluhan at kasiya-siyang buhay. Pero paano mo mapatitibay ang iyong pananampalataya? Dapat kang gumugol ng panahon kasama siya, wika nga, sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita, pagmamasid sa kaniyang mga nilalang, at pagbubulay-bulay sa kaniyang mga katangian, kasama na ang pag-ibig niya sa iyo.—Roma 1:20; 5:8.
9. Gaya ni David, paano ka magpapahubog sa Salita ng Diyos?
9 Kung minsan, ipinakikita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng pagtutuwid gaya ng ginagawa ng isang ama. Tinanggap ni David ang ganitong mabait na payo. Sinabi niya: “Pagpapalain ko si Jehova, na nagpapayo sa akin. Tunay nga, kapag gabi ay itinutuwid ako ng aking mga bato.” (Awit 16:7) Oo, binulay-bulay niya ang kaisipan ng Diyos, tinularan iyon, at nagpahubog dito. Kapag ginawa mo iyan taglay ang pananampalataya, sisidhi rin ang pag-ibig mo sa Diyos pati na ang iyong pagnanais na sundin siya. Susulong ka rin sa espirituwal na pagkamaygulang. Sinabi ng sister na si Christin: “Kapag nagre-research at nagbubulay-bulay ako tungkol sa nabasa ko, pakiramdam ko, ipinasulat talaga iyon ni Jehova para sa akin!”
10. Gaya ng nabanggit sa Isaias 26:3, ano ang kapakinabangan ng pagiging palaisip sa espirituwal?
10 Hindi kalabisang sabihin na kapag palaisip ka sa espirituwal, magkakaroon ka rin ng natatanging kaalaman at kaunawaan. Dahil diyan, nakikita mo ang sanlibutan at ang kinabukasan nito ayon sa pananaw ng Diyos. Bakit ka bibigyan ng Diyos ng ganitong kaalaman at kaunawaan? Gusto niyang magkaroon ka ng tamang priyoridad sa buhay, makagawa ka ng tamang desisyon, at maharap mo ang kinabukasan nang may lakas ng loob! (Basahin ang Isaias 26:3.) Sinabi ng brother na si Joshua, na taga-United States, “Kapag malapít ka kay Jehova, napananatili mo ang tamang pananaw sa mga bagay-bagay.” Totoo iyan, at nagdudulot iyan ng kasiyahan!
MAGKAROON NG TUNAY NA MGA KAIBIGAN
11. Paano isiniwalat ni David ang susi sa pagkakaroon ng tunay na mga kaibigan?
11 Basahin ang Awit 16:3. Alam ni David ang sekreto para makahanap ng tunay na mga kaibigan. Nakadama siya ng “kaluguran” sa pakikipagsamahan sa mga umiibig kay Jehova. Inilarawan sila bilang “mga banal”—malinis sa moral at matapat. Ganiyan din ang nadama ng isang salmista tungkol sa pinipili niyang mga kaibigan. Isinulat niya: “Kasamahan ako ng lahat ng natatakot sa iyo, at ng mga tumutupad ng iyong mga pag-uutos.” (Awit 119:63) Gaya ng nakita natin sa nakaraang artikulo, puwede ka ring makahanap ng maraming mabuting kaibigan na may-takot at sumusunod kay Jehova. Siyempre, kabilang dito ang mga taong may iba’t ibang edad.
12. Ano ang saligan ng pagkakaibigan nina David at Jonatan?
12 Hindi lang mga kaedaran ni David ang kinaibigan niya. Natatandaan mo ba kung sino ang “maringal” na taong naging matalik niyang kaibigan? Siya si Jonatan. Sa katunayan, ang pagkakaibigan nila ang isa sa pinakamagandang pagkakaibigang nakaulat sa Kasulatan. Pero alam mo bang mas matanda nang mga 30 taon si Jonatan kaysa kay David? Kung gayon, ano ang saligan ng kanilang pagkakaibigan? Pananampalataya sa Diyos, matinding paggalang sa isa’t isa, at ang tapang na nakita nila sa isa’t isa habang nakikipaglaban sa mga kaaway ng Diyos.—1 Sam. 13:3; 14:13; 17:48-50; 18:1.
13. Paano ka magpapalawak pagdating sa pakikipagkaibigan? Magbigay ng halimbawa.
13 Gaya nina David at Jonatan, makadarama rin tayo ng “kaluguran” kapag iniibig natin ang mga umiibig kay Jehova at ang mga nananampalataya sa kaniya. Sinabi ni Kiera, na matagal nang naglilingkod sa Diyos: “Marami akong kaibigan sa iba’t ibang panig ng mundo, at iba-iba ang kanilang pinagmulan at kultura.” Kung magpapalawak ka rin sa ganitong paraan, makikita mo ang malinaw na katibayan ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos at ng espiritu na pagkaisahin ang mga tao.
UMABÓT NG MAKABULUHANG MGA TUNGUHIN
14. (a) Ano ang tutulong sa iyo na magtakda ng makabuluhang mga tunguhin sa buhay? (b) Ano ang nadama ng ilang kabataan tungkol sa pagtatakda ng espirituwal na mga tunguhin?
14 Basahin ang Awit 16:8. Nakapokus si David sa paglilingkod sa Diyos. Magkakaroon ka rin ng kasiya-siyang buhay kung uunahin mo ang paglilingkod kay Jehova at magtatakda ng mga tunguhin habang isinasaisip siya. Sinabi ng brother na si Steven: “Kapag may tunguhin ako at naabot ko iyon, natutuwa ako kapag binabalikan ko ang aking mga nagawang pagsulong.” Sinabi ng isang kabataang brother, na taga-Germany, na naglilingkod na ngayon sa ibang lupain, “Kapag tumanda na ako, ayaw kong mangyari na kapag binalikan ko ang nakaraan, makikita kong puro sarili ko lang ang inintindi ko.” Sana ay ganiyan din ang nadarama mo. Kaya gamitin ang iyong mga kaloob para parangalan ang Diyos at tulungan ang iba. (Gal. 6:10) Magtakda ng espirituwal na mga tunguhin, at ipanalangin kay Jehova na tulungan kang maabot ang mga iyon. Nalulugod siyang sagutin ang ganiyang mga panalangin.—1 Juan 3:22; 5:14, 15.
15. Ano ang puwede mong maging mga tunguhin? (Tingnan ang kahong “Ilang Praktikal na Tunguhin.”)
15 Ano ang puwede mong maging tunguhin? Puwede kang magkomento sa iyong sariling pananalita sa mga Kristiyanong pagpupulong, magpayunir, o maglingkod sa Bethel. Puwede ka ring mag-aral ng ibang wika para makapaglingkod sa teritoryong banyaga ang wika. Sinabi ni Barak, isang kabataang nasa buong-panahong paglilingkod: “Sa tuwing gigising ako at alam kong ibibigay ko ang aking buong lakas para kay Jehova, nakadarama ako ng kasiyahang hindi maibibigay ng kahit anong gawain.”
PAHALAGAHAN ANG INYONG BIGAY-DIYOS NA KALAYAAN
16. Ano ang nadama ni David tungkol sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova, at bakit?
16 Basahin ang Awit 16:2, 4. Gaya ng nakita natin sa nakaraang artikulo, ang matuwid na mga kautusan at simulain ng Diyos ay nakapagpapalaya dahil natutulungan tayo nito na linangin ang pag-ibig sa kabutihan at ang pagkapoot sa kasamaan. (Amos 5:15) Kinilala ng salmistang si David na si Jehova ang Bukal ng kabutihan. Ang kabutihan ay kahusayan sa moral, o kagalingan. Talagang nagsikap si David para matularan ang kabutihan ng Diyos. Nalinang din ni David ang pagkapoot sa mga bagay na masama sa paningin ng Diyos. Kasama diyan ang idolatriya, isang gawaing nagpapababa sa moral ng tao at umaagaw ng kaluwalhatiang nararapat kay Jehova.—Isa. 2:8, 9; Apoc. 4:11.
17, 18. (a) Ano ang napansin ni David na masamang resulta ng huwad na pagsamba? (b) Bakit ‘dumarami ang kirot’ ng mga tao sa ngayon?
17 Noong panahon ng Bibliya, kadalasan nang kasama sa huwad na pagsamba ang seksuwal na imoralidad. (Os. 4:13, 14) Tiyak na ang ganoong uri ng pagsamba ay kaakit-akit sa makasalanang laman. Pero pansamantala lang ang kaligayahang dulot nito! Ang totoo, sinabi ni David na kapag sumusunod sila sa ibang diyos, “ang mga kirot ay dumarami sa kanila.” Dahil sa kanila, nagdusa rin ang di-mabilang na mga bata. (Isa. 57:5) Karima-rimarim kay Jehova ang gayong kalupitan! (Jer. 7:31) Kung nabuhay ka noong panahong iyon, siguradong ipagpapasalamat mo kung ang iyong mga magulang ay mananamba ni Jehova at sumusunod sa kaniya.
18 Sa ngayon, kadalasan nang kinukunsinti rin ng huwad na pagsamba ang seksuwal na imoralidad, pati ang homoseksuwalidad. Pero ang resulta ng pakikisangkot sa itinuturing nilang kalayaan sa moral ay kapareho pa rin noong panahon ng Bibliya. (1 Cor. 6:18, 19) “Ang mga kirot [ng mga tao] ay dumarami,” gaya ng nakikita mo. Kaya mga kabataan, makinig sa inyong makalangit na Ama. Maging kumbinsido na ang pagkamasunurin sa kaniya ang pinakamabuti para sa iyo. Laging tandaan na pansamantala lang ang kalugurang naibibigay ng maling gawain kung ikukumpara sa nagtatagal na kapahamakang dulot nito. (Gal. 6:8) Sinabi ni Joshua, na binanggit kanina: “Magagamit natin ang ating kalayaan sa anumang paraang gusto natin, pero ang maling paggamit nito ay hindi magiging kasiya-siya.”
19, 20. Anong pagpapala ang naghihintay sa mga kabataang nananampalataya kay Jehova at sumusunod sa kaniya?
19 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Kasama sa kalayaang iyan ang kalayaan mula sa huwad na relihiyon, kawalang-alam, at mga pamahiin. At higit pa riyan, gaya ng nakita natin, magtatamo tayo sa bandang huli ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Mararanasan mo ang kalayaang iyan ngayon pa lang kung ‘mananatili ka sa salita ng Kristo,’ o sa kaniyang mga turo. Sa ganitong paraan, “malalaman [mo] ang katotohanan” hindi lang sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol dito, kundi sa pagsasabuhay rin nito.
20 Mga kabataan, pahalagahan ang kalayaang ibinigay ng Diyos sa inyo. Gamitin iyan nang may katalinuhan para magkaroon ka ng matatag na pundasyon para sa hinaharap. Sinabi ng isang kabataang brother: “Ang matalinong paggamit ng kalayaan bilang kabataan ay talagang nakakatulong kapag kailangan mong gumawa ng malalaking desisyon sa hinaharap, gaya ng paghahanap ng angkop na trabaho, o kung mag-aasawa ka o mananatili munang single.”
21. Paano ka mananatili sa daan tungo sa “tunay na buhay”?
21 Sa lumang sistemang ito, gumanda man ang buhay ng isang tao, pansamantala lang iyon at walang katiyakan. Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. (Sant. 4:13, 14) Kaya ang matalinong gawin ay ang manatili sa daang umaakay sa “tunay na buhay”—buhay na walang hanggan. (1 Tim. 6:19) Siyempre pa, hindi tayo pinipilit ng Diyos na lumakad sa daang iyan. Tayo ang magpapasiya. Gawing iyong “bahagi” si Jehova. Pahalagahan ang mga “bagay na mabuti” na ibinigay niya sa iyo. (Awit 103:5) At manampalatayang maibibigay niya sa iyo ang “lubos na pagsasaya” at “kaigayahan . . . magpakailanman.”—Awit 16:11.