“Siyasatin Mo Ako, Oh Diyos”
“Siyasatin mo ako, Oh Diyos, at alamin mo ang aking puso. . . . Patnubayan mo ako sa daang walang-hanggan.”—AWIT 139:23, 24.
1. Papaano nakikitungo si Jehova sa kaniyang mga lingkod?
LAHAT tayo’y nagnanais na pakitunguhan tayo ng isa na maunawain, isa na isinasaalang-alang ang ating mga kalagayan, isa na tumutulong pagka tayo’y nagkasala, na hindi tayo hinahanapan nang higit kaysa nagagawa natin. Ganiyan nakikitungo ang Diyos na Jehova sa kaniyang mga lingkod. Ang Awit 103:14 ay nagsasabi: “Nalalaman niya ang ating anyo, kaniyang inaalaala na tayo’y alabok.” At si Jesu-Kristo, na sakdal na larawan ng kaniyang Ama, ay nagpapahatid ng mainit na paanyaya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagiginhawahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok [o, “Sumailalim kayo ng aking pamatok kasama ko,” talababa] at matuto sa akin, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”—Mateo 11:28-30.
2. Ipakita ang pagkakaiba ng pananaw ni Jehova sa pananaw ng mga tao kung tungkol (a) kay Jesu-Kristo, at (b) sa mga tagasunod ni Kristo.
2 Ang pananaw ni Jehova tungkol sa kaniyang mga lingkod ay kadalasan ibang-iba kaysa pananaw ng mga tao. Minamalas niya ang mga bagay-bagay buhat sa isang naiibang punto de vista at isinasaalang-alang ang mga aspekto na maaaring hindi alam ng iba. Nang si Jesu-Kristo ay narito sa lupa, siya’y “itinakwil at iniwasan ng mga tao.” Yaong mga hindi sumampalataya sa kaniya bilang ang Mesiyas ay “itinuring [siya] na walang kabuluhan.” (Isaias 53:3; Lucas 23:18-21) Subalit, sa mata ng Diyos, siya ay “Anak [ng Diyos], ang sinisinta,” na sinabihan ng Ama: “Sa iyo ako lubos na nalulugod.” (Lucas 3:22; 1 Pedro 2:4) Sa mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay kabilang ang mga taong itinuturing na hamak sapagkat sila’y mahihirap at nagtitiis ng maraming kapighatian. Gayunman, sa paningin ni Jehova at ng kaniyang Anak, ang gayong mga tao ay mayayaman. (Roma 8:35-39; Apocalipsis 2:9) Bakit may pagkakaiba ng punto de vista?
3. (a) Bakit ang pananaw ni Jehova tungkol sa mga tao ay kadalasan ibang-iba kaysa pananaw ng mga tao? (b) Bakit lubhang mahalaga para sa atin na suriin kung ano ang ating pagkataong-loob?
3 Ang Jeremias 11:20 ay sumasagot: “Sinusuri ni Jehova . . . ang mga bató at ang puso.” Kaniyang nakikita kung ano ang nasa ating kalooban, kahit na ang mga katangian ng ating pagkatao na nalilingid sa mata ng iba. Sa kaniyang pagsusuri, hinahanap niya ang mga katangian at mga kalagayan na kailangan sa isang mabuting kaugnayan sa kaniya, yaong magbibigay sa atin ng walang-hanggang kabutihan. Ang pagkaalam natin niyan ay nagbibigay sa atin ng pagtitiwala; ito’y nagdudulot rin ng kahinahunan. Yamang si Jehova ay nagbibigay-pansin sa ating pagkataong-loob, mahalaga na suriin natin kung ano ang ating pagkataong-loob kung nais nating patunayan na tayo ang uri ng mga tao na nais niya sa kaniyang bagong sanlibutan. Ang kaniyang Salita ang tumutulong sa atin na gumawa ng gayong pagsusuri.—Hebreo 4:12, 13.
Anong Pagkahala-halaga Nga ng mga Pag-iisip ng Diyos!
4. (a) Ano ang nag-udyok sa salmista na ipahayag na ang mga pag-iisip ng Diyos ay pagkahala-halaga sa kaniya? (b) Bakit dapat na ang mga ito ay maging mahalaga sa atin?
4 Pagkatapos bulay-bulayin ang lawak at lalim ng kaalaman ng Diyos tungkol sa kaniyang mga lingkod, gayundin ang pambihirang kakayahan ng Diyos na maglaan ng anumang tulong na kailangan nila, ang salmistang si David ay sumulat: “Kung gayon, anong pagkahala-halaga nga sa akin ng iyong mga pag-iisip!” (Awit 139:17a) Ang mga pag-iisip na iyon, na isiniwalat ng kaniyang nasusulat na Salita, ay makapupong mataas kaysa anumang nanggagaling sa mga tao, gaano mang kahalaga kung wawariin ang kanilang mga kuru-kuro. (Isaias 55:8, 9) Ang mga pag-iisip ng Diyos ay tumutulong sa atin na itutok ang ating pansin sa talagang mahalagang mga bagay sa buhay at maging masigasig sa paglilingkuran sa kaniya. (Filipos 1:9-11) Ang mga ito’y nagpapakita sa atin kung papaano mamalasin ang mga bagay ayon sa paraan ng Diyos. Tinutulungan tayo ng mga ito na huwag dayain ang ating sarili, na tanggapin nang may katapatan kung tayo’y ano ngang uri ng mga tao sa ating puso. Kayo ba’y handang gawin iyan?
5. (a) Ano ang ipinapayo sa atin ng Salita ng Diyos na ingatan “higit sa lahat”? (b) Papaano makabubuti sa ating puso ang pag-uulat ng Bibliya tungkol kay Cain? (c) Bagaman wala tayo sa ilalim ng Kautusang Mosaico, papaano ito tumutulong sa atin na maunawaan kung ano ang nakalulugod kay Jehova?
5 Ang mga tao ay may hilig na labis magpahalaga sa panlabas na kaanyuan, subalit tayo’y pinapayuhan ng Kasulatan: “Higit sa lahat na dapat ingatan, pakaingatan ang iyong puso.” (Kawikaan 4:23) Kapuwa sa pamamagitan ng mga utos at mga halimbawa, tinutulungan tayo ng Bibliya na gawin iyan. Sinasabi nito sa atin na kinaugalian na ni Cain na maghandog sa Diyos ng mga hain samantalang sa kaniyang puso ay nag-uumapaw ang galit, saka ang pagkapoot, sa kaniyang kapatid na si Abel. At ito’y nagpapayo sa atin na huwag siyang tularan. (Genesis 4:3-5; 1 Juan 3:11, 12) Iniuulat nito ang pagsunod na kahilingan ng Kautusang Mosaico. Subalit idiniriin din nito na ang pinakapangunahing kahilingan ng Kautusan ay ibigin si Jehova ng mga sumasamba sa kaniya nang kanilang buong puso, isip, kaluluwa, at lakas; at sinasabi nito na ang susunod na mahalagang utos ay ang ibigin ang kanilang kapuwa gaya ng kanilang sarili.—Deuteronomio 5:32, 33; Marcos 12:28-31.
6. Sa pagkakapit ng Kawikaan 3:1, ano ang mga dapat nating itanong sa ating sarili?
6 Sa Kawikaan 3:1, tayo ay hinihimok na hindi lamang sumunod sa mga utos ng Diyos kundi tiyakin na ang pagsunod ay isang kapahayagan ng talagang nasa ating puso. Tanungin ang ating sarili, ‘Totoo ba iyan tungkol sa aking pagsunod sa mga kahilingan ng Diyos?’ Kung matanto natin na sa ilang bagay ay may pagkukulang ang ating motibo o kaisipan—at walang isa man sa atin ang makapagsasabing tayo ay hindi nagkakamali—kung gayo’y tanungin natin ang ating sarili, ‘Ano ba ang ginagawa ko upang maiayos ang kalagayan?’—Kawikaan 20:9; 1 Juan 1:8.
7. (a) Papaano ang sinabi ni Jesus sa Mateo 15:3-9 hinggil sa mga Pariseo ay tutulong sa atin na ingatan ang ating puso? (b) Anong mga kalagayan ang makatutulong sa atin na gumawa ng mahihigpit na hakbang upang disiplinahin ang ating isip at puso?
7 Nang ang mga Judiong Pariseo ay nagkunwaring nagpaparangal sa Diyos samantalang buong-katusuhang nagtataguyod ng isang kaugalian na ang motibo ay sariling kapakanan, sila’y pinagwikaan ni Jesus na sila ay mga mapagpaimbabaw at nagpakita iyon na walang kabuluhan ang kanilang pagsamba. (Mateo 15:3-9) Si Jesus ay nagbabala rin na upang makalugod sa Diyos, na nakakakita sa puso, hindi sapat na sa panlabas ay mamuhay nang may kalinisang-asal samantalang, upang makaranas ng mahalay na kalayawan, tayo naman ay nagpapakalabis sa mahalay na mga kaisipan. Baka tayo’y kailangang gumawa rin ng mahihigpit na hakbang upang disiplinahin ang ating isip at puso. (Kawikaan 23:12; Mateo 5:27-29) Ang ganiyang disiplina ay kailangan din kung dahil sa ating sekular na trabaho, sa ating mga tunguhin sa edukasyon, o sa ating pinipiling libangan, tayo’y nagiging mga tagatulad ng sanlibutan, pinapayagan na ito ang humubog sa atin ayon sa mga pamantayan nito. Harinawang huwag nating kalimutan na tinagurian ng alagad na si Santiago na “mga mangangalunya” yaong mga nagpapanggap na nasa panig ng Diyos ngunit sila’y nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan. Bakit? Sapagkat “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.”—Santiago 4:4; 1 Juan 2:15-17; 5:19.
8. Upang lubusang makinabang sa pagkahala-halagang mga pag-iisip ng Diyos, ano ang kailangang gawin natin?
8 Upang lubusang makinabang sa mga pag-iisip ng Diyos tungkol sa mga ito at sa iba pang mga bagay, kailangang maglaan tayo ng panahon upang mabasa o mapakinggan ang mga ito. Bukod pa riyan, kailangang pag-aralan natin, ipakipag-usap, at bulay-bulayin ang mga iyan. Maraming mambabasa ng Ang Bantayan ang palagiang dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na kung saan tinatalakay ang Bibliya. Binabawasan nila ang panahon para sa ibang gawain upang magawa ito. (Efeso 5:15-17) At ang kanilang tinatanggap bilang kapalit ay makapupong higit pa ang halaga kaysa materyal na kayamanan. Hindi ba ganiyan ang nadarama ninyo?
9. Bakit ang ilang dumadalo sa mga pulong Kristiyano ay sumusulong nang lalong mabilis kaysa iba?
9 Gayunman, ang ilan sa nagsisidalo sa mga pulong na ito ay sumusulong ang espirituwalidad nang lalong mabilis kaysa iba. Ano ang dahilan nito? Malimit, ang isang pangunahing dahilan ay ang kanilang pagkamasigasig sa personal na pag-aaral. Kanilang nauunawaan na tayo’y hindi lamang sa tinapay nabubuhay; ang espirituwal na pagkain sa araw-araw ay kasinghalaga rin ng pisikal na pagkain. (Mateo 4:4; Hebreo 5:14) Kaya sinisikap nila na gumugol ng kahit man lamang kaunting panahon sa araw-araw sa pagbabasa ng Bibliya o mga publikasyon na nagpapaliwanag nito. Sila’y naghahanda para sa mga pulong ng kongregasyon, patiunang nag-aaral ng mga leksiyon at binabasa ang mga teksto. Higit pa ang kanilang ginagawa kaysa pagbabasa lamang ng materyal; kanilang binubulay-bulay iyon. Kasali sa kanilang kaayusan sa pag-aaral ang seryosong paglilimi-limi ng magiging epekto sa kanilang sariling buhay ng kanilang natututuhan. Habang umuunlad ang kanilang espirituwalidad, nagiging damdamin nila ang gaya ng isinulat ng salmista: “Anong laki ng pag-ibig ko sa iyong kautusan! . . . Ang iyong mga paalaala ay kagila-gilalas.”—Awit 1:1-3; 119:97, 129.
10. (a) Gaano katagal kapaki-pakinabang magpatuloy ng pag-aaral ng Salita ng Diyos? (b) Papaano ito ipinakikita ng Kasulatan?
10 Pinag-aralan man natin ang Salita ng Diyosna pag-ibig nang isang taon, 5 taon, o 50 taon, ito’y hindi kailanman nagiging paulit-ulit lamang—hindi nga kung mahalaga sa atin ang mga pag-iisip ng Diyos. Gaano man ang natutuhan ng sinuman sa atin buhat sa Kasulatan, higit pa ang hindi natin alam. “Oh Diyos, pagkadaki-dakila ng kabuuan nila!” ang sabi ni David. “Kung aking bibilangin, higit sila sa bilang kaysa mga butil ng buhangin.” Ang mga pag-iisip ng Diyos ay hindi natin kayang bilangin. Kung ating iisa-isahing banggitin ang mga pag-iisip ng Diyos buong maghapon at makatulog tayo sa paggawa nang gayon, paggising natin sa umaga, mayroon pa ring matitira upang pag-isipan. Sa gayon, si David ay sumulat: “Ako’y nagising na, gayunman ay kasama mo pa rin ako.” (Awit 139:17, 18) Kahit na sa walang-hanggan ay mayroong higit pa na matututuhan tayo tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga lakad. Tayo’y hindi kailanman darating sa punto na kung saan alam na natin ang lahat.—Roma 11:33.
Pagkapoot sa Kinapopootan ni Jehova
11. Bakit mahalaga na hindi lamang maalaman ang mga pag-iisip ng Diyos kundi madama rin natin ang kaniyang nadarama?
11 Ang ating pag-aaral ng Salita ng Diyos ay hindi lamang upang punuin ang ating ulo ng mga bagay na totoo. Samantalang iyon ay pinatatagos natin sa ating puso, tayo rin naman ay nagsisimulang makadama ng damdamin ng Diyos. Anong pagkahala-halaga nga niyan! Kung hindi natin pauunlarin ang gayong damdamin, ano kaya ang magiging resulta? Bagaman marahil ay mauulit-ulit natin ang sinasabi ng Bibliya, gayunpaman, baka kanais-nais pa rin ang tingin natin sa isang bagay na ibinabawal, o baka isipin nating pabigat ang isang bagay na hinihiling. Totoo na kahit na kapootan natin ang isang bagay na masama, marahil ay makikipagpunyagi tayo dahilan sa di-kasakdalan ng tao. (Roma 7:15) Ngunit kung hindi tayo gagawa ng taimtim na pagsisikap na maiayon ang ating pagkataong-loob sa bagay na matuwid, tayo ba’y makaaasang makalulugod kay Jehova, “ang sumusubok ng mga puso”?—Kawikaan 17:3.
12. Gaano kahalaga ang maka-Diyos na pag-ibig at maka-Diyos na pagkapoot?
12 Ang maka-Diyos na pagkapoot ay isang mabisang proteksiyon laban sa paggawa ng masama, kung papaano rin na ang maka-Diyos na pag-ibig ay nagbibigay ng kaluguran sa paggawa ng mabuti. (1 Juan 5:3) Paulit-ulit na hinihimok tayo ng Kasulatan na paunlarin kapuwa ang pag-ibig at ang pagkapoot. “Oh kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama.” (Awit 97:10) “Kasuklaman ninyo ang balakyot, manatili kayo sa mabuti.” (Roma 12:9) Ginagawa ba natin iyan?
13. (a) Sa anong panalangin ni David tungkol sa pagkapuksa ng balakyot ang lubusang kasang-ayon tayo? (b) Gaya ng ipinakikita ng panalangin ni David, sino ang mga balakyot na ipinanalangin niya na puksain na ng Diyos?
13 Malinaw na ipinahayag ni Jehova ang kaniyang layunin na puksain ang mga balakyot sa lupa at itatag ang isang bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran. (Awit 37:10, 11; 2 Pedro 3:13) Ang mga umiibig sa katuwiran ay nananabik na dumating na ang panahong iyon. Sila ay lubusang kasang-ayon ng salmistang si David, na nanalangin: “Walang pagsalang iyong papatayin ang balakyot, Oh Diyos! Hihiwalayan nga ako ng mga taong mapagbubo ng dugo, na nagsasalita ng mga bagay tungkol sa iyo ayon sa kanilang sariling idea; kanilang ginagamit ang iyong pangalan sa walang kabuluhan—ang iyong mga kaaway.” (Awit 139:19, 20) Hindi naman personal na hinangad ni David na puksain ang gayong mga balakyot. Siya’y nanalangin na si Jehova ang maghiganti sa kanila. (Deuteronomio 32:35; Hebreo 10:30) Sila’y hindi ang mga taong sa anumang paraan ay nagdulot lamang kay David ng personal na ikasasamâ ng loob. Sila’y nagturo ng mga kasinungalingan tungkol sa Diyos, anupat ginamit ang kaniyang pangalan sa walang kabuluhan. (Exodo 20:7) May kasinungalingang nagpanggap sila na naglilingkod sa kaniya, subalit ginagamit nila ang kaniyang pangalan upang itaguyod ang kanilang sariling mga pakana. Walang pag-ibig si David sa mga taong ang minabuti ay maging mga kaaway ng Diyos.
14. Mayroon bang mga balakyot na maaaring matulungan? Kung gayon, papaano?
14 May bilyun-bilyong tao na hindi nakakakilala kay Jehova. Marami sa kanila ang sa kawalang alam ay gumagawa ng mga bagay na ipinakikita ng Salita ng Diyos na masama. Kung sila’y magpapatuloy sa ganitong landasin, sila’y makakabilang sa mga mapupuksa sa panahon ng malaking kapighatian. Subalit, si Jehova ay hindi nalulugod sa pagkamatay ng mga balakyot, gayon din tayo. (Ezekiel 33:11) Habang ipinahihintulot ng panahon, ating pinagsusumikapan na tulungan ang gayong mga tao na matutuhan at maikapit ang mga paraan ni Jehova. Subalit ano kung ang ilang tao ay nagpapakita ng matinding pagkapoot kay Jehova?
15. (a) Sino ang mga itinuturing ng salmista na “tunay na mga kaaway”? (b) Papaano natin maipakikita sa ngayon na “kinasusuklaman” natin yaong mga naghihimagsik laban kay Jehova?
15 Tungkol sa kanila, sinabi ng salmista: “Hindi ko ba kinapopootan ang mga may matinding pagkapoot sa iyo, Oh Jehova, at hindi ko ba kinasusuklaman yaong mga naghihimagsik laban sa iyo? Sila’y lubos na kinapopootan ko. Sila’y naging tunay na mga kaaway ko.” (Awit 139:21, 22) Dahil sa sila’y may matinding pagkapoot kay Jehova kaya sila kasuklam-suklam sa paningin ni David. Ang mga apostata ay kasali sa mga nagpapakita ng pagkapoot kay Jehova sa pamamagitan ng paghihimagsik laban sa kaniya. Ang apostasya ay, sa katunayan, isang paghihimagsik laban kay Jehova. Inaangkin ng ilang apostata na sila’y nakakakilala at naglilingkod sa Diyos, subalit kanilang itinatakwil ang mga turo o kahilingan na nasa kaniyang Salita. Ang iba naman ay nag-aangking naniniwala sa Bibliya, subalit kanilang itinatakwil ang organisasyon ni Jehova at puspusang nagsisikap na hadlangan ang gawain nito. Kung kusa nilang ginagawa ang gayong kasamaan pagkatapos makilala ang matuwid, pagka ang kasamaan ay nag-ugat na nang malalim anupat naging bahagi na iyon ng kanilang pagkatao, kung gayon ang isang Kristiyano ay kailangan na mapoot (sa maka-Kasulatang diwa ng salita) sa mga taong hindi na mapuknat sa kasamaan. Taglay ng tunay na mga Kristiyano ang damdamin ni Jehova sa gayong mga apostata; hindi sila usisero tungkol sa mga idea ng apostata. Bagkus pa nga, kanilang “kinasusuklaman” yaong mga ginagawa ang kanilang sarili na kaaway ng Diyos, ngunit kay Jehova nila ipinauubaya ang paghihiganti.—Job 13:16; Roma 12:19; 2 Juan 9, 10.
Pagka Tayo ay Sinisiyasat ng Diyos
16. (a) Bakit nais ni David na siyasatin siya ni Jehova? (b) Ano ang taglay ng ating puso na dapat nating hilingin sa Diyos na tulungan tayong alamin?
16 Hindi nais ni David na siya’y maging gaya ng balakyot sa anumang paraan. Maraming tao ang nagsisikap ikubli ang pagkataong-loob, subalit may kababaang-loob na nanalangin si David: “Siyasatin mo ako, Oh Diyos, at alamin mo ang aking puso. Subukin mo ako, at alamin mo ang lumiligalig sa akin na mga pag-iisip, at tingnan mo kung may anumang masaklap na paraan sa akin, at patnubayan mo ako sa daang walang-hanggan.” (Awit 139:23, 24) Sa pagtukoy sa kaniyang puso, hindi ang ibig sabihin ni David ay yaong pisikal na puso. Kasuwato ng makasagisag na kahulugan ng pananalitang iyan, ang tinutukoy niya ay kung ano siya sa loob, ang taong panloob. Tayo rin ay dapat magnais na siyasatin ng Diyos ang ating puso at alamin kung tayo’y may di-nararapat na mga hangarin, kinagigiliwan, damdamin, layunin, pag-iisip, o motibo. (Awit 26:2) Tayo’y inaanyayahan ni Jehova: “Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso, at malugod ang iyong mga mata sa aking mga daan.”—Kawikaan 23:26.
17. (a) Sa halip na pagtakpan ang lumiligalig na mga pag-iisip, ano ang dapat nating gawin? (b) Dapat ba tayong magtaka kung makasumpong tayo ng masamang hilig sa ating puso, at ano ang dapat nating gawin tungkol dito?
17 Kung mayroon tayong itinatagong anumang masaklap, lumiligalig na mga pag-iisip dahilan sa maling mga hangarin o maling mga motibo o dahil sa anumang maling nagawa natin, tiyak na ibig nating tulungan tayo ni Jehova na maituwid iyon. Sa halip na gamitin ang pananalitang “anumang masaklap na paraan,” ang ginagamit ng salin ni Moffatt ay ang pananalitang “isang maling hakbang”; ang The New English Bible ay nagsasabi naman: “Anumang landas na ikinalulungkot mo [alalaong baga, ng Diyos].” Baka tayo man ay hindi malinaw ang pagkaunawa sa mga pag-iisip na lumiligalig sa atin kaya hindi natin maipahayag sa Diyos ang ating suliranin, subalit nauunawaan niya ang ating situwasyon. (Roma 8:26, 27) Hindi natin dapat pagtakhan kung sakaling may masasamang hilig sa ating puso; gayunpaman, hindi natin dapat bigyang-dahilan ang mga ito. (Genesis 8:21) Tayo’y dapat patulong sa Diyos upang lubusang maalis ang mga ito. Kung talagang iniibig natin si Jehova at ang kaniyang mga daan, malalapitan natin siya para humingi ng gayong tulong taglay ang pagtitiwala na “ang Diyos ay mas dakila kaysa ating mga puso at nalalaman ang lahat ng bagay.”—1 Juan 3:19-21.
18. (a) Papaano tayo pinapatnubayan ni Jehova sa daang walang-hanggan? (b) Kung patuloy na susunod tayo sa patnubay ni Jehova, anong masiglang komendasyon ang maaasahang tatanggapin natin?
18 Kasuwato ng panalangin ng salmista na siya’y papatnubayan ni Jehova sa daang walang-hanggan, tunay na pinapatnubayan ni Jehova ang kaniyang mapagpakumbaba, masunuring mga lingkod. Kaniyang inaakay sila hindi lamang sa landas na makapagdudulot ng mahabang buhay dahil sa sila’y hindi maagang pinupuksa sa kanilang masamang gawa kundi sa daan na patungo sa buhay na walang-hanggan. Kaniyang ikinikintal sa atin ang pangangailangan natin ng nagtatakip-kasalanang bisa ng hain ni Jesus. Sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon, pinaglalaanan niya tayo ng kailangang turo upang magawa natin ang kaniyang kalooban. Idiniriin niya sa atin ang kahalagahan ng pagtugon sa kaniyang tulong upang sa panloob tayo ay maging yaong uri ng tao na sinasabi nating tayo sa panlabas. (Awit 86:11) At pinalalakas-loob niya tayo sa pag-asang magtamo ng sakdal na kalusugan sa isang matuwid na bagong sanlibutan lakip na ang buhay na walang-hanggan upang gamitin sa paglilingkod sa kaniya, ang tanging tunay na Diyos. Kung magpapatuloy tayo na tumugon nang may katapatan sa kaniyang patnubay, tunay na sasabihin niya sa atin ang gaya ng sinabi niya sa kaniyang Anak: “Sa iyo ako lubos na nalulugod.”—Lucas 3:22; Juan 6:27; Santiago 1:12.
Ano ba ang Komento Mo?
◻ Bakit ang pananaw ni Jehova tungkol sa kaniyang mga lingkod ay kadalasan ibang-iba sa pananaw ng mga tao?
◻ Ano ang tutulong sa atin na maunawaan kung ano ang nakikita ng Diyos pagka sinisiyasat niya ang ating puso?
◻ Anong uri ng pag-aaral ang tumutulong sa atin na matutuhan ang mga katotohanan at maingatan ang ating puso?
◻ Bakit mahalaga na hindi lamang maalaman ang mga pag-iisip ng Diyos kundi madama rin ang kaniyang nadarama?
◻ Bakit dapat na tayo’y personal na manalangin na: “Siyasatin mo ako, Oh Diyos, at alamin mo ang aking puso”?
[Larawan sa pahina 16]
Pagka nag-aaral, pagsikapan na ang iyong mga pag-iisip at damdamin ay makatulad ng sa Diyos
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga pag-iisip ni Jehova ay ‘higit ang bilang kaysa mga butil ng buhangin’
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.