POOT
Sa Kasulatan, ang salitang “poot” ay may ilang kahulugan na nagkakaiba-iba nang bahagya. Maaari itong tumukoy sa masidhing galit o sa nagtatagal na sama ng loob na kadalasa’y may kasamang hangaring maminsala. Ang gayong poot ay maaaring maging isang napakatinding emosyon na nag-uudyok sa isa upang magdulot ng pinsala sa kaniyang kinapopootan. Ang “poot” ay maaari ring tumukoy sa masidhing pagkamuhi na walang anumang layuning magdulot ng pinsala sa kinamumuhian, kundi nag-uudyok lamang sa isa na iwasan ang kinapopootan dahil sa pagkarimarim doon. Ginagamit din ng Bibliya ang salitang “poot” upang mangahulugang hindi gaanong ibigin. (Gen 29:31, 33; Deu 21:15, 16) Halimbawa, sinabi ni Jesu-Kristo: “Kung ang sinuman ay pumaparito sa akin at hindi napopoot sa kaniyang ama at ina at asawang babae at mga anak at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae, oo, at maging sa kaniyang sariling kaluluwa, hindi siya maaaring maging alagad ko.” (Luc 14:26) Maliwanag na hindi ibig sabihin ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay dapat na makadama ng galit o pagkarimarim sa kanilang mga pamilya o sa kanilang sarili, yamang hindi ito magiging kaayon ng iba pang bahagi ng Kasulatan.—Ihambing ang Mar 12:29-31; Efe 5:28, 29, 33.
Sinabi sa Kautusan ng Diyos sa Israel: “Huwag mong kapopootan ang [ipinagpatuloy sa pahina 961] [karugtong ng pahina 944] iyong kapatid sa iyong puso.” (Lev 19:17) Ang isa sa mga kahilingan para sa taong nagsasabing siya’y nakapatay nang di-sinasadya at naghahangad na mapaglaanan ng kaligtasan sa mga kanlungang lunsod ay na hindi niya dating kinapopootan ang napatay.—Deu 19:4, 11-13.
Dapat Bang Kapootan ng Isa ang Kaniyang mga Kaaway? Ang payo ni Jesus na ibigin ng isa ang kaniyang mga kaaway ay lubusang kasuwato ng diwa ng Hebreong Kasulatan. (Mat 5:44) Batid ng tapat na si Job na mali para sa kaniya ang makadama ng anumang pagsasaya dahil sa kapahamakan niyaong masidhing napopoot sa kaniya. (Job 31:29) Ipinag-utos ng Kautusang Mosaiko sa mga Israelita ang pananagutang sumaklolo sa ibang mga Israelita na maaaring itinuturing nila bilang kanilang mga kaaway. (Exo 23:4, 5) Sa halip na magsaya dahil sa kasakunaan ng kaaway, ang mga lingkod ng Diyos ay tinatagubilinan: “Kung ang napopoot sa iyo ay nagugutom, bigyan mo siya ng tinapay na makakain; at kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng tubig na maiinom.”—Kaw 24:17, 18; 25:21.
Ang ideyang dapat kapootan ang mga kaaway ay isa sa mga bagay na idinagdag sa kautusan ng Diyos ng Judiong mga guro ng tradisyon. Yamang ipinag-utos ng Kautusan sa mga Israelita na ibigin ang kanilang kapuwa (Lev 19:18), ipinalagay ng mga gurong ito na nagpapahiwatig iyon na dapat nilang kapootan ang kanilang mga kaaway. Ang “kaibigan” at “kapuwa” ay itinuring na tumutukoy lamang sa mga Judio, samantalang ang lahat ng iba pa ay itinuring na likas na mga kaaway. Kaayon ng kanilang tradisyonal na pagkaunawa sa salitang “kapuwa” at dahil sa tradisyong nagtataguyod ng pakikipag-alit sa mga Gentil, madaling makita kung bakit nila idinagdag sa pananalita ng kautusan ng Diyos ang di-awtorisadong mga salitang “at kapopootan mo ang iyong kaaway.”—Mat 5:43.
Sa kabaligtaran, pananagutan ng isang Kristiyano na ibigin ang kaniyang mga kaaway, samakatuwid nga, yaong mga gumagawa sa kanilang sarili na kaniyang personal na mga kaaway. Ang gayong pag-ibig (sa Gr., a·gaʹpe) ay hindi sentimentalidad, na nakasalig sa personal na pagkagiliw, gaya ng kadalasang ipinapalagay ng iba, kundi isang pag-ibig na nakasalig sa kusang-loob na pagsang-ayon ng kalooban dahil sa simulain, tungkulin, at dahil iyon ang wastong gawin, anupat taimtim na hinahangad ang ikabubuti ng iba ayon sa kung ano ang tama. Ang (pag-ibig na) a·gaʹpe ay nananaig sa personal na mga alitan, anupat hindi kailanman pinahihintulutan ang mga ito na maging dahilan upang iwan niya ang tamang mga simulain at gumanti. Kung tungkol naman sa mga sumasalansang sa kaniyang landasing Kristiyano at umuusig sa kaniya, anupat ginagawa iyon sa kawalang-alam, ipananalangin pa nga ng lingkod ng Diyos na mabuksan ang kanilang mga mata upang makita nila ang katotohanan may kinalaman sa Diyos at sa Kaniyang mga layunin.—Mat 5:44.
Wastong Pagkapoot. Gayunpaman, may mga kalagayan at mga panahon kung kailan wasto ang mapoot. “May . . . panahon ng pag-ibig at panahon ng pagkapoot.” (Ec 3:1, 8) Kahit si Jehova ay sinasabing napoot kay Esau. (Mal 1:2, 3) Ngunit ito’y hindi dahil sa sariling kagustuhan lamang ng Diyos. Si Esau ay napatunayang di-karapat-dapat sa pag-ibig ni Jehova dahil hinamak niya ang kaniyang pagkapanganay at ipinagbili niya iyon, sa gayo’y pati ang mga pangako ng Diyos at ang mga pagpapalang kalakip niyaon. Bukod diyan, nilayon niyang patayin ang kaniyang kapatid na si Jacob. (Gen 25:32-34; 27:41-43; Heb 12:14-16) Kinapopootan din ng Diyos ang matayog na mga mata, bulaang dila, mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala, pusong kumakatha ng mga nakasasakit na pakana, mga paang nagmamadali sa pagtakbo sa kasamaan, bulaang saksi, sinumang naghahasik ng mga pagtatalo sa gitna ng magkakapatid, sa katunayan, ang lahat ng indibiduwal at lahat ng bagay na lubusang sumasalansang kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga kautusan.—Kaw 6:16-19; Deu 16:22; Isa 61:8; Zac 8:17; Mal 2:16.
Anong uri ng pagkapoot ang dapat linangin ng mga lingkod ng Diyos?
Palibhasa’y tunay na matapat kay Jehova, kinapopootan ng kaniyang mga lingkod ang anumang bagay at sinumang indibiduwal na kaniyang kinapopootan. (2Cr 19:2) “Hindi ko ba kinapopootan yaong mga masidhing napopoot sa iyo, O Jehova, at hindi ba ako naririmarim sa mga sumasalansang sa iyo? Napopoot ako sa kanila taglay ang ganap na pagkapoot. Sila ay naging tunay na mga kaaway ko.” (Aw 139:21, 22) Ngunit hindi hinahangad ng pagkapoot na ito na pinsalain ang iba. Sa halip, nakikita ito sa lubusang pagkamuhi sa anumang bagay na balakyot, anupat iniiwasan ang bagay na masama at yaong mga masidhing napopoot kay Jehova. (Ro 12:9, 17, 19) Wasto lamang na kapootan ng mga Kristiyano yaong mga kilaláng kaaway ng Diyos, gaya ng Diyablo at ng kaniyang mga demonyo, gayundin ang mga taong sadya at kusang naninindigan laban kay Jehova.
Bagaman hindi iniibig ng mga Kristiyano ang mga taong ginagawang dahilan ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos para sa mahalay na paggawi, hindi nila kinapopootan ang mga taong nasasangkot sa paggawa ng masama ngunit karapat-dapat namang pagpakitaan ng awa. Sa halip na kapootan ang nagsisising manggagawa ng kamalian, ang kinapopootan nila ay ang balakyot na gawa, oo, “maging ang panloob na kasuutan na narumhan ng laman.”—Jud 4, 23.
Pag-iwas sa Di-wastong Pagkapoot. Kapag ang isa ay naging Kristiyano, inaalis na niya ang pagkapoot sa iba. (Tit 3:3) Ang isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay lumalakad pa rin sa kadiliman, at ang anumang pag-aangkin niya na iniibig niya ang Diyos ay isa ngang kasinungalingan. Ang pagkapoot sa kapatid ay katumbas ng pagpaslang.—1Ju 2:9, 11; 4:20; 3:15.
Dahil sa sentimentalidad, maaaring masira ang timbang na pangmalas ng isa sa pag-ibig at pagkapoot, gaya ng lumilitaw na nangyari kay David may kaugnayan sa kaniyang anak na si Absalom. (2Sa 18:33; 19:1-6) Gayundin naman, “ang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit ang umiibig sa kaniya ay yaong humahanap sa kaniya taglay ang disiplina.”—Kaw 13:24.
Ang paggalang sa pribadong buhay ng iba at pagpapakita ng maibiging konsiderasyon ay makatutulong sa isang tao upang hindi siya kapootan ng iba. Kaayon ito ng payo na: “Gawin mong madalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa, upang hindi siya magsawa sa iyo at talagang kapootan ka.”—Kaw 25:17.
Tingnan din ang GALIT.