Ano ang Pinakamahalaga sa Iyong Buhay?
“Ipaalam mo sa akin ang daan na dapat kong lakaran.”—AWIT 143:8.
1. Ano ang sinabi ni Haring Solomon tungkol sa mga gawain at tagumpay ng tao?
MALAMANG na alam mo katulad ng sinuman na ang buhay ay lipos ng gawain at kabalisahan. Kapag pinag-isipan mo iyon, makikilala mo ang ilan doon na mahalaga. Ang ibang gawain at kabalisahan ay hindi gaanong mahalaga o wala pa ngang kabuluhan. Ang bagay na natatalos mo ito ay nangangahulugan na nakakasuwato mo ang isa sa mga pinakapantas na tao kailanman, si Haring Solomon. Pagkatapos na suriin nang lubusan ang mga gawain sa buhay, nasabi niya: “Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 2:4-9, 11; 12:13) Ano ang kahulugan nito para sa atin ngayon?
2. Anong saligang tanong ang dapat na iharap sa kanilang sarili ng mga taong may-takot sa Diyos, anupat umaakay sa anong kaugnay na mga tanong?
2 Kung ibig mong “matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos,” itanong sa iyong sarili ang nakaaantig na tanong na ito, ‘Ano ba ang pinakamahalaga sa aking buhay?’ Totoo, marahil ay hindi mo pinag-iisipan sa araw-araw ang tanong na ito, ngunit bakit hindi isaalang-alang ito ngayon? Sa katunayan, ipinahihiwatig nito ang ilang kaugnay na tanong, gaya ng, ‘Maaari kayang labis kong pinahahalagahan ang aking trabaho o propesyon o ang materyal na mga bagay? Anong dako mayroon ang aking tahanan, pamilya, at mga minamahal sa aking buhay?’ Baka itanong ng isang kabataan, ‘Gaano kalaking atensiyon at panahon ang inuubos ko para sa aking edukasyon? Sa totoo lamang, ang akin bang pangunahing interes ay isang libangan, isport, o isang anyo ng aliwan o teknolohiya?’ At anuman ang ating edad o kalagayan, nararapat nating itanong, ‘Anong dako mayroon sa aking buhay ang paglilingkod sa Diyos?’ Malamang na sasang-ayon ka na kailangang may mga priyoridad. Ngunit paano at saan tayo makakakuha ng tulong upang maitakda ang mga ito nang may katalinuhan?
3. Ano ang nasasangkot sa pagtatakda ng mga priyoridad para sa mga Kristiyano?
3 Ang “pinakamahalaga” ay may saligang diwa ng isang bagay na nauuna sa lahat ng iba pang bagay o na kailangang unang isaalang-alang. Kung ikaw man ay isang Saksi ni Jehova o kabilang ka sa milyun-milyong taimtim na estudyante ng Salita ng Diyos na nakikisama sa kanila, pag-isipan ang katotohanang ito: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, samakatuwid baga’y panahon sa bawat pangyayari sa silong ng langit.” (Eclesiastes 3:1) Wasto naman, kasali riyan ang pagpapakita mo ng maibiging pagkabahala sa iyong mga kaugnayang pampamilya. (Colosas 3:18-21) Kasangkot dito ang tapat na paglalaan para sa iyong sambahayan sa pamamagitan ng sekular na trabaho. (2 Tesalonica 3:10-12; 1 Timoteo 5:8) At para mapaiba naman, maaari kang mag-ukol ng panahon para sa isang dibersiyon o paminsan-minsang paglilibang o pamamahinga. (Ihambing ang Marcos 6:31.) Subalit, kung pag-iisipan nang malalim, hindi mo ba nakikita na wala sa mga ito ang pinakamahalaga sa buhay? May iba pang bagay na mas mahalaga.
4. Paano nauugnay ang Filipos 1:9, 10 sa pagtatakda natin ng mga priyoridad?
4 Malamang na talastas mo na ang mga patnubay na mga simulain sa Bibliya ay mahahalagang tulong sa pagtatakda ng mga priyoridad at paggawa ng matalinong mga pasiya. Halimbawa, sa Filipos 1:9, 10, hinihimok ang mga Kristiyano na “managana nawa nang higit at higit pa na may tumpak na kaalaman at ganap na kaunawaan.” Sa anong layunin? Idinagdag ni apostol Pablo: “Upang matiyak ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.” Hindi ba tama iyan? Salig sa tumpak na kaalaman, matitiyak ng isang may-unawang Kristiyano kung ano ang dapat na unahin—ang pinakamahalaga—sa buhay.
Isang Huwaran Hinggil sa Kung Ano ang Pinakamahalaga
5. Sa paglalarawan ng huwaran para sa mga Kristiyano, paano ipinakita ng Kasulatan kung ano ang pinakamahalaga sa buhay ni Jesus?
5 Masusumpungan natin ang isang mahalagang pitak ng kaalaman sa mga salita ni apostol Pedro: “Sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iiwan ng huwaran sa inyo upang sundan ninyo nang maingat ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Oo, para sa mga palatandaan hinggil sa kung ano ang pinakamahalaga sa buhay, maaari nating suriin ang kaisipan ni Jesu-Kristo tungkol dito. Makahulang sinabi ng Awit 40:8 tungkol sa kaniya: “Nalulugod akong gawin ang iyong kalooban, O aking Diyos, at ang iyong batas ay nasa aking kaloob-loobang mga bahagi.” Ganito ang pagkasabi niya sa gayunding kaisipan: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.”—Juan 4:34; Hebreo 12:2.
6. Paano natin makakamit ang resultang tulad ng nakamit ni Jesus sa pag-una sa kalooban ng Diyos?
6 Pansinin ang susing iyon—ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Idiniriin ng halimbawa ni Jesus kung ano ang nararapat na gawin ng kaniyang mga alagad na pinakamahalaga sa kanilang buhay, sapagkat sinabi niya na “ang bawat isa na sakdal na naturuan ay magiging tulad sa kaniyang guro.” (Lucas 6:40) At sa paglakad ni Jesus sa daan na nilayon ng kaniyang Ama, ipinakita niya na may “pagsasaya nang lubusan” sa pag-una sa kalooban ng Diyos. (Awit 16:11; Gawa 2:28) Nauunawaan mo ba ang ipinahihiwatig nito? Habang inuuna ng mga tagasunod ni Jesus sa kanilang buhay ang paggawa ng kalooban ng Diyos, tatamasahin nila ang “pagsasaya nang lubusan” at ang tunay na buhay. (1 Timoteo 6:19) Kaya may higit pang dahilan para unahin ang paggawa ng kalooban ng Diyos sa ating buhay.
7, 8. Anu-anong pagsubok ang napaharap kay Jesus, at ano ang matututuhan natin mula rito?
7 Karaka-raka pagkatapos na sagisagan ni Jesus ang paghaharap ng kaniyang sarili upang gawin ang kalooban ng Diyos, sinikap ng Diyablo na hadlangan siya. Paano? Sa pamamagitan ng pagtukso sa tatlong larangan. Sa bawat pagkakataon ay maka-Kasulatan at maliwanag ang naging tugon ni Jesus. (Mateo 4:1-10) Subalit higit pang pagsubok ang naghihintay sa kaniya—pag-uusig, panunuya, pagkakanulo ni Judas, maling paratang, at pagkatapos ay kamatayan sa pahirapang tulos. Gayunpaman, wala sa mga pagsubok na ito ang nakapaglihis sa matapat na Anak ng Diyos mula sa kaniyang landasin. Sa isang maselang na panahon, nanalangin si Jesus: “Hindi ayon sa kalooban ko, kundi ayon sa kalooban mo. . . . Maganap nawa ang iyong kalooban.” (Mateo 26:39, 42) Hindi ba dapat na bawat isa sa atin ay lubhang maantig ng ganitong katangian ng huwarang iniwan para sa atin, anupat pakilusin tayong ‘magmatiyaga sa pananalangin’?—Roma 12:12.
8 Oo, kapag nagtatakda tayo ng mga priyoridad sa ating buhay, higit na makatutulong ang patnubay ng Diyos, lalo na kung nakaharap tayo sa mga kaaway ng katotohanan at mga sumasalansang sa kalooban ng Diyos. Alalahanin ang pamamanhik ng tapat na si Haring David ukol sa patnubay nang salansangin siya ng kaaway. Mauunawaan natin ito habang isinasaalang-alang natin ang isang bahagi ng Awit 143. Dapat itong tumulong sa atin na maunawaan kung paano natin mapatitibay ang ating personal na kaugnayan kay Jehova at mapatatatag na patuloy na unahin ang paggawa ng kalooban ng Diyos sa ating buhay.
Dinirinig at Sinasagot ni Jehova ang Ating mga Panalangin
9. (a) Bagaman si David ay isang makasalanan, ano ang isinisiwalat ng kaniyang mga salita at pagkilos? (b) Bakit hindi tayo dapat manghimagod sa paggawa ng tama?
9 Bagaman isang makasalanang mortal, nanampalataya si David na pakikinggan ni Jehova ang kaniyang pamamanhik. Mapagpakumbabang nagsumamo siya: “O Jehova, dinggin mo ang aking panalangin; pakinggan mo ang aking pamamanhik. Sa iyong katapatan ay sagutin mo ako ng iyong katuwiran. At huwag mong hatulan ang iyong lingkod; sapagkat sa harap mo ay walang sinumang buhay ang maaaring maging matuwid.” (Awit 143:1, 2) Batid ni David ang kaniyang pagiging di-sakdal, gayunma’y buo ang kaniyang puso para sa Diyos. Kaya naman, may tiwala siya na sasagutin siya nang may katuwiran. Hindi ba ito nakapagpapatibay-loob sa atin? Kahit na di tayo makaabot sa katuwiran ng Diyos, makapagtitiwala tayo na dinirinig niya tayo kung ang ating puso ay buo para sa kaniya. (Eclesiastes 7:20; 1 Juan 5:14) Samantalang nagmamatiyaga sa pananalangin, dapat tayong maging determinado na “daigin ng mabuti ang masama” sa balakyot na mga araw na ito.—Roma 12:20, 21; Santiago 4:7.
10. Bakit may mga panahong balisang-balisa si David?
10 Katulad natin, nagkaroon din si David ng mga kaaway. Siya man ay isang takas mula kay Saul, anupat napilitang humanap ng kanlungan sa mapanglaw, liblib na mga lugar, o isang hari na nililigalig ng mga kaaway, may mga panahong balisang-balisa si David. Inilarawan niya kung paano ito nakaapekto sa kaniya: “Tinugis ng kaaway ang aking kaluluwa . . . Pinapangyari niyang tumahan ako sa madidilim na dako . . . At ang aking espiritu ay nanlambot sa loob ko; sa aking kalooban ang aking puso ay nagpamalas na ito ay natitigilan.” (Awit 143:3, 4) Nagkaroon ka na ba ng dahilan upang makadama nang gayon?
11. Anu-anong panahon ng kabalisahan ang napapaharap sa modernong-panahong mga lingkod ng Diyos?
11 Ang panggigipit ng kaaway, mga pagsubok dahil sa matinding kahirapan ng buhay, malubhang karamdaman, o iba pang nakababalisang suliranin ay umakay sa ilan sa bayan ng Diyos na manlupaypay. Kung minsan ang kanila ring puso ay para na bang natitigilan. Iyon ay para bang bawat isa ay sumisigaw sila: “Dahil sa pinapangyari mong makakita ako ng maraming kabagabagan at kalamidad, ako nawa’y buhayin mong muli . . . Ako nawa’y palibutan at aliwin mo.” (Awit 71:20, 21) Paano sila natulungan?
Kung Paano Haharapin ang mga Pagtatangka ng Kaaway
12. Paano hinarap ni Haring David ang mga panganib at pagsubok?
12 Ipinakikita ng Awit 143:5 kung ano ang ginawa ni David nang mapaharap sa panganib at matitinding pagsubok: “Aking inalaala ang mga araw noong una; aking binulay-bulay ang tungkol sa lahat ng iyong gawain; aking kusang-loob na iningatang nakatuon ang aking pansin sa gawa ng iyong sariling mga kamay.” Ginunita ni David ang pakikitungo ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod at kung paano niya mismo naranasan ang pagkaligtas. Binulay-bulay niya ang nagawa ni Jehova alang-alang sa Kaniyang dakilang pangalan. Oo, iningatan ni David na nakatuon ang kaniyang pansin sa mga gawa ng Diyos.
13. Kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok, paanong ang paggunita sa mga sinauna at modernong halimbawa ng tapat na mga lingkod ay makatutulong sa atin na makapagbata?
13 Hindi ba madalas nating ginugunita ang pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan? Tiyak naman! Kasali rito ang rekord ng ‘malaking ulap ng mga saksi’ noong bago ang panahong Kristiyano. (Hebreo 11:32-38; 12:1) Ang mga pinahirang Kristiyano noong unang siglo ay pinasigla ring ‘patuloy na alalahanin ang mga araw noong una’ at kung ano ang tiniis nila. (Hebreo 10:32-34) Kumusta naman ang mga karanasan ng mga lingkod ng Diyos sa modernong panahon, tulad niyaong inilahad sa Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos?a Ang mga dokumentadong salaysay roon at sa iba pa ay nagpapaalaala sa atin kung paano tinutulungan ni Jehova ang kaniyang bayan na mabata ang mga pagbabawal, pagkabilanggo, pang-uumog, at mga kampong piitan at sapilitang pagtatrabaho. May mga pagsubok sa mga lupaing giniyagis ng digmaan, tulad sa Burundi, Liberia, Rwanda, at sa dating Yugoslavia. Kapag nahahayag ang pagsalansang, nakapagbabata ang mga lingkod ng Diyos dahil sa pagkakaroon ng matibay na kaugnayan kay Jehova. Inalalayan ng kaniyang kamay yaong inuna sa kanilang buhay ang paggawa ng kaniyang kalooban.
14. (a) Ano ang isang halimbawa ng pag-alalay ng Diyos sa isang tao na nasa kalagayang maaaring katulad ng sa atin? (b) Ano ang natututuhan mo sa halimbawang iyon?
14 Gayunman, baka sabihin mo na hindi mo nararanasan ang gayong malupit na pang-aabuso, at baka nadarama mong malayong maranasan mo iyon. Subalit ang pag-alalay ng Diyos sa kaniyang bayan ay hindi laging sa anyo na minamalas ng ilan bilang sukdulang mga kalagayan. Inalalayan niya ang maraming “pangkaraniwang” indibiduwal sa “normal” na mga kalagayan. Narito ang isa lamang sa maraming halimbawa: Nakikilala mo ba ang larawan sa itaas, at nakatutulong ba ito sa iyo na maalaala ang mga pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan? Lumabas ito sa Ang Bantayan ng Disyembre 1, 1996. Nabasa mo ba ang paglalahad ni Penelope Makris? Tunay ngang napakahusay na halimbawa ng Kristiyanong integridad! Maaalaala mo ba kung ano ang tiniis niya mula sa mga kapitbahay, kung paano siya nakipagpunyagi sa malulubhang karamdaman, at kung paano siya nagsikap na manatili sa buong-panahong ministeryo? Kumusta naman ang kaniyang kaayaayang karanasan sa Mytilene? Ang punto ay, Minamalas mo ba ang gayong mga halimbawa bilang tulong para sa ating lahat sa pagtatakda ng mga priyoridad, anupat inuuna sa ating buhay ang paggawa ng kalooban ng Diyos?
15. Ano ang ilan sa mga ginawa ni Jehova na dapat nating bulay-bulayin?
15 Pinatitibay tayo ng pagbubulay-bulay sa mga gawain ni Jehova, gaya ng ginawa ni David. Sa pagtupad sa kaniyang layunin, naglaan si Jehova para sa kaligtasan sa pamamagitan ng kamatayan, pagkabuhay-muli, at kaluwalhatian ng kaniyang Anak. (1 Timoteo 3:16) Itinatag niya ang kaniyang makalangit na Kaharian, nilinis ang mga langit mula kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo, at isinauli rito sa lupa ang tunay na pagsamba. (Apocalipsis 12:7-12) Pinaiiral niya ang isang espirituwal na paraiso at pinagpapala ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng paglago. (Isaias 35:1-10; 60:22) Ang kaniyang bayan ay nagbibigay ngayon ng pangwakas na patotoo bago sumiklab ang malaking kapighatian. (Apocalipsis 14:6, 7) Oo, marami tayong dapat bulay-bulayin.
16. Sa ano tayo pinasisigla na magtuon ng pansin, at ano ang ikikintal nito sa atin?
16 Ang pag-iingat na nakatuon ang ating pansin sa gawa ng mga kamay ng Diyos sa halip na maging okupado sa mga tunguhin ng tao ay magkikintal sa atin ng bagay na di-mahahadlangan ang praktikal na kapangyarihan ni Jehova. Subalit ang mga gawang ito ay hindi limitado sa kamangha-manghang pisikal na mga gawa ng paglalang sa mga langit at dito sa ibabaw ng lupa. (Job 37:14; Awit 19:1; 104:24) Kasali sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa ang pagliligtas sa kaniyang bayan mula sa mapaniil na mga kaaway, gaya ng ipinakita sa mga karanasan ng kaniyang sinaunang piniling bayan.—Exodo 14:31; 15:6.
Pag-alam sa Daan na Dapat Lakaran
17. Gaano katotoo si Jehova para kay David, at paano tayo mapatitibay nito?
17 Nanalangin si David ukol sa tulong sakaling maubos na ang kaniyang lakas: “Ibinuka ko ang aking mga kamay sa iyo; ang aking kaluluwa ay tulad ng isang tigang na lupa sa iyo. O magmadali ka, sagutin mo ako, O Jehova. Mauupos na ang aking espiritu. Huwag mong ikubli sa akin ang iyong mukha, baka ako’y maging katulad niyaong bumababa sa hukay.” (Awit 143:6, 7) Bilang isang makasalanan, alam ni David na natatalos ng Diyos ang kaniyang kalagayan. (Awit 31:7) Kung minsan ay baka madama rin natin na nanghihina na tayo sa espirituwal. Ngunit hindi naman sa wala nang pag-asa ang kalagayan. Maaaring pabilisin ni Jehova, na dumirinig sa ating mga panalangin, ang ating panunumbalik sa pamamagitan ng pagpapalakas sa atin ng maibiging matatanda, mga artikulo sa Ang Bantayan, o mga bahagi sa pulong na waring dinisenyo para sa atin.—Isaias 32:1, 2.
18, 19. (a) Ano ang dapat na marubdob nating ipamanhik kay Jehova? (b) Sa ano tayo makatitiyak?
18 Pinakikilos tayo ng ating tiwala kay Jehova na mamanhik sa kaniya: “Iparinig mo sa akin ang iyong maibiging-kabaitan, sapagkat sa iyo ako naglagak ng aking tiwala. Ipaalam mo sa akin ang daan na dapat kong lakaran.” (Awit 143:8) Binigo ba niya si Sister Makris, na nakabukod sa isang isla sa Gresya? Kaya bibiguin ka kaya niya habang inuuna mo sa iyong buhay ang paggawa ng kaniyang kalooban? Nais ng Diyablo at ng kaniyang mga ahente na hadlangan o lubusang pahintuin ang ating gawain na paghahayag ng Kaharian ng Diyos. Naglilingkod man tayo sa mga lupain na doo’y karaniwan nang pinahihintulutan ang tunay na pagsamba o naglilingkod tayo kung saan ito ay ipinagbabawal, ang ating nagkakaisang mga panalangin ay kasuwato ng pakiusap ni David: “Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Jehova. Ako’y nagkukubli sa iyo. (Awit 143:9) Ang ating kaligtasan mula sa espirituwal na kalamidad ay nakasalalay sa pananahanan sa lihim na dako ng Kataas-taasan.—Awit 91:1.
19 Matibay ang saligan ng ating pananalig sa kung ano ang pinakamahalaga. (Roma 12:1, 2) Kung gayon, labanan ang pagtatangka ng sanlibutan na ipilit sa iyo kung ano ang iniisip nito na mahalaga sa pangmalas ng tao sa mga bagay-bagay. Panatilihing sa bawat pitak ng iyong buhay ay masasalamin na batid mo kung ano ang pinakamahalaga—ang paggawa ng kalooban ng Diyos.—Mateo 6:10; 7:21.
20. (a) Ano ang natutuhan natin tungkol kay David sa Awit 143:1-9? (b) Paano nasasalamin sa mga Kristiyano sa ngayon ang espiritu ni David?
20 Idiniriin sa unang siyam na talata ng Awit 143 tal 1-9 ang malapit at personal na kaugnayan ni David kay Jehova. Nang nasusukol na ng mga kaaway, malaya siyang namanhik ukol sa patnubay ng Diyos. Ibinulalas niya ang nilalaman ng kaniyang puso, anupat humingi ng tulong ukol sa tamang daan na lalakaran. Gayundin naman sa ngayon sa nalabi ng mga pinahiran ng espiritu sa lupa at sa kanilang mga kasamahan. Itinuturing nilang napakahalaga ang kanilang kaugnayan kay Jehova habang namamanhik sila sa kaniya ukol sa patnubay. Inuuna nila ang paggawa ng kalooban ng Diyos, sa kabila ng mga panggigipit ng Diyablo at ng sanlibutan.
21. Bakit mahalaga para sa atin na magpakita ng mabuting halimbawa upang maturuan natin ang iba kung ano ang dapat na maging pinakamahalaga sa kanilang buhay?
21 Kailangang kilalanin ng milyun-milyong nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova na ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang siyang pinakamahalaga. Matutulungan natin silang maunawaan ito kapag tinatalakay ang kabanata 13 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na nagdiriin sa mga simulain na nasasangkot sa pagiging masunurin sa Salita.b Sabihin pa, dapat nilang makita na isinasagawa natin kung ano ang itinuturo natin sa kanila. Pagkatapos ng halos maikling yugto ng panahon, malalaman din naman nila ang daan na dapat nilang lakaran. Habang personal na nauunawaan ng milyun-milyong ito kung ano ang dapat na pinakamahalaga sa kanilang buhay, marami ang mapapakilos na mag-alay at magpabautismo. Pagkatapos nito, matutulungan sila ng kongregasyon na patuloy na lumakad sa daan ng buhay.
22. Anu-anong tanong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
22 Marami ang kusang kumikilala na ang kalooban ng Diyos ang dapat na maging pinakapangunahin sa kanilang buhay. Subalit paano pasulong na tinuturuan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na gawin ang kaniyang kalooban? Anu-anong kapakinabangan ang idinudulot nito sa kanila? Isasaalang-alang ang mga tanong na ito, kasabay ang pagtalakay sa isang susing talata, ang Awit 143:10, sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Inilathala noong 1993 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Inilathala noong 1995 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Ano ang Sagot Mo?
◻ Sa pamamagitan ng pagkakapit sa Filipos 1:9, 10, paano tayo makapagtatakda ng mga priyoridad?
◻ Paano ipinakita ni Jesus kung ano ang pinakamahalaga sa kaniyang buhay?
◻ Ano ang matututuhan natin mula sa pagkilos ni David nang siya ay nasa ilalim ng pagsubok?
◻ Sa anong paraan nakatutulong sa atin ngayon ang Awit 143:1-9?
◻ Ano ang dapat na maging pinakamahalaga sa ating buhay?
[Larawan sa pahina 10]
Pinatunayan ng pagkilos ni David ang kaniyang pagtitiwala kay Jehova
[Credit Line]
Kopya mula sa Illustrirte Pracht - Bibel/Heilige Schrift des Alten und Neuen Testaments, nach der deutschen Uebersetzung D.Martin Luther’s