Ang Kadakilaan ni Jehova ay Di-masaliksik
“Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin, at ang kaniyang kadakilaan ay di-masaliksik.”—AWIT 145:3.
1, 2. Anong uri ng tao si David, at ano ang tingin niya sa kaniyang sarili may kaugnayan sa Diyos?
ISA sa pinakakilalang tao sa kasaysayan ang kumatha ng Awit 145. Noong bata pa siya, hinarap niya ang isang nasasandatahang higante at pinatay ito. At bilang mandirigmang-hari, nilupig ng salmistang ito ang maraming kaaway. Ang pangalan niya ay David, at siya ang ikalawang hari ng sinaunang Israel. Nanatiling bantog si David pagkamatay niya, anupat may alam pa rin tungkol sa kaniya ang milyun-milyon maging hanggang sa ngayon.
2 Sa kabila ng mga kahanga-hangang nagawa ni David, mapagpakumbaba siya. Tungkol kay Jehova, umawit siya: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat pinangangalagaan mo siya?” (Awit 8:3, 4) Sa halip na isiping siya mismo ay dakila, itinuring ni David na si Jehova ang dahilan ng pagkaligtas niya mula sa lahat ng kaniyang mga kaaway at sinabi tungkol sa Diyos: “Ibibigay mo sa akin ang iyong kalasag ng kaligtasan, at pinadadakila ako ng iyong kapakumbabaan.” (2 Samuel 22:1, 2, 36) Nagpapamalas si Jehova ng kapakumbabaan sa pagpapakita ng awa sa mga makasalanan, at pinahalagahan ni David ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.
‘Dadakilain Ko ang Diyos na Hari’
3. (a) Ano ang pangmalas ni David sa paghahari sa Israel? (b) Hanggang sa anong antas ninais purihin ni David si Jehova?
3 Bagaman si David ay hinirang ng Diyos bilang hari, si Jehova ang minalas niyang tunay na Hari ng Israel. Sinabi ni David: “Sa iyo ang kaharian, O Jehova, ang Isa rin na nagtataas ng iyong sarili bilang ulo ng lahat.” (1 Cronica 29:11) At gayon na lamang ang pagpapahalaga ni David sa Diyos bilang Tagapamahala! “Dadakilain kita, O aking Diyos na Hari,” ang awit niya, “at pagpapalain ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman. Buong araw kitang pagpapalain, at pupurihin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Awit 145:1, 2) Nais purihin ni David ang Diyos na Jehova sa buong araw at hanggang sa walang hanggan.
4. Inilalantad ng Awit 145 ang anu-anong maling mga pag-aangkin?
4 Ang Awit 145 ay isang mapuwersang sagot sa pag-aangkin ni Satanas na ang Diyos ay isang makasariling tagapamahala na nagkakait ng kalayaan sa kaniyang mga nilalang. (Genesis 3:1-5) Inilalantad din ng awit na ito ang kasinungalingan ni Satanas na sumusunod lamang ang mga tao sa Diyos dahil may nakukuha silang pakinabang dito, at hindi dahil iniibig nila ang Diyos. (Job 1:9-11; 2:4, 5) Tulad ni David, sinasagot ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon ang maling mga paratang ng Diyablo. Mahalaga sa kanila ang pag-asa nila na buhay na walang hanggan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian sapagkat nais nilang purihin si Jehova nang walang hanggan. Milyun-milyon na ang nagsimulang gumawa nito sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus at masunuring paglilingkod kay Jehova dahil sa pag-ibig bilang nakaalay at bautisadong mga mananamba niya.—Roma 5:8; 1 Juan 5:3.
5, 6. Sa anu-anong pagkakataon maaaring pagpalain at purihin si Jehova?
5 Isip-isipin ang maraming pagkakataon natin para pagpalain at purihin si Jehova bilang mga lingkod niya. Magagawa natin ito sa panalangin kapag lubha tayong naantig ng nabasa natin sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Maaari tayong magpahayag ng mapagpahalagang papuri at pasasalamat kapag naantig tayo ng paraan ng pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan o kapag natuwa tayo sa isang aspekto ng kamangha-manghang nilalang niya. Pinagpapala rin natin ang Diyos na Jehova kapag tinatalakay natin ang kaniyang mga layunin sa ating mga kapananampalataya sa Kristiyanong mga pagpupulong o sa pribadong mga usapan. Sa katunayan, nagbibigay ng papuri kay Jehova ang lahat ng “maiinam na gawa” para sa mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 5:16.
6 Kabilang sa mga kamakailang halimbawa ng gayong maiinam na gawa ang pagtatayo ng maraming dako ng pagsamba ng bayan ni Jehova sa naghihikahos na mga lupain. Ang karamihan sa mga ito ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng pinansiyal na tulong ng mga kapananampalataya sa ibang mga bansa. Tumulong ang ilang Kristiyano sa pamamagitan ng kusang-loob na pagtungo sa gayong mga lugar upang makibahagi sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. At ang pinakamahalaga sa lahat ng maiinam na gawa ay ang purihin si Jehova sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian. (Mateo 24:14) Gaya ng ipinakikita sa huling mga talata ng Awit 145, pinahalagahan ni David ang pamamahala ng Diyos at lubhang pinuri ang Kaniyang paghahari. (Awit 145:11, 12) May gayon ka rin bang pagpapahalaga sa maibiging paraan ng pamamahala ng Diyos? At regular mo bang ipinakikipag-usap sa iba ang kaniyang Kaharian?
Mga Halimbawa ng Kadakilaan ng Diyos
7. Magbigay ng pangunahing dahilan upang purihin si Jehova.
7 Nagbibigay ng pangunahing dahilan ang Awit 145:3 upang purihin si Jehova. Umawit si David: “Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin, at ang kaniyang kadakilaan ay di-masaliksik.” Walang hangganan ang kadakilaan ni Jehova. Hindi ito ganap na masasaliksik, mauunawaan, o masusukat ng mga tao. Subalit tiyak na makikinabang tayo sa pagsasaalang-alang naman ngayon sa mga halimbawa ng di-masaliksik na kadakilaan ni Jehova.
8. Ano ang isinisiwalat ng sansinukob tungkol sa kadakilaan at kapangyarihan ni Jehova?
8 Sikaping gunitain nang minsang malayo ka sa nakasisilaw na mga ilaw ng lunsod at tumingala sa maaliwalas na langit sa gabi. Hindi ka ba namangha sa pagkarami-raming bituin na nagniningning sa madilim na kalawakan? Hindi ka ba naudyukang purihin si Jehova dahil sa kaniyang kadakilaan sa paglalang ng lahat ng bagay na iyon na nasa langit? Gayunman, ang nakita mo ay katiting lamang ng bilang ng mga bituin sa galaksi na kinabibilangan ng lupa. Karagdagan pa, tinatayang may mahigit na isang daang bilyong galaksi, at tatlo lamang sa mga ito ang makikita nang hindi gumagamit ng teleskopyo. Tunay ngang ang di-mabilang na mga bituin at galaksi na bumubuo sa pagkalaki-laking sansinukob ay patotoo sa kapangyarihang lumalang at di-masaliksik na kadakilaan ni Jehova.—Isaias 40:26.
9, 10. (a) Anu-anong aspekto ng kadakilaan ni Jehova ang naipamalas may kaugnayan kay Jesu-Kristo? (b) Paano dapat makaapekto sa ating pananampalataya ang pagkabuhay-muli ni Jesus?
9 Isaalang-alang ang iba pang aspekto ng kadakilaan ni Jehova—yaong may kaugnayan kay Jesu-Kristo. Nakita ang kadakilaan ng Diyos sa paglalang niya sa kaniyang Anak at sa paggamit sa kaniya sa napakatagal na panahon bilang Kaniyang “dalubhasang manggagawa.” (Kawikaan 8:22-31) Nahayag ang kadakilaan ng pag-ibig ni Jehova nang ibigay niya ang kaniyang bugtong na Anak bilang haing pantubos para sa sangkatauhan. (Mateo 20:28; Juan 3:16; 1 Juan 2:1, 2) At hindi malirip ng tao ang maluwalhati at imortal na katawang espiritu na dinisenyo ni Jehova para kay Jesus nang buhayin siyang muli.—1 Pedro 3:18.
10 Maraming kahanga-hangang aspekto ng di-masaliksik na kadakilaan ni Jehova ang nasangkot sa pagkabuhay-muli ni Jesus. Walang-alinlangang ibinalik ng Diyos ang alaala ni Jesus tungkol sa gawaing kinailangan sa paglalang kapuwa ng mga bagay na di-nakikita at nakikita. (Colosas 1:15, 16) Kabilang sa mga ito ang ibang mga espiritung nilalang, ang sansinukob, ang mabungang lupa, at ang lahat ng anyo ng pisikal na buhay sa ating mundo. Bukod sa ibinalik ni Jehova ang kaalaman ng kaniyang Anak tungkol sa buong kasaysayan ng buhay sa langit at lupa na nasaksihan noong bago umiral ang Anak bilang tao, idinagdag pa Niya ang naging karanasan ni Jesus bilang sakdal na tao. Oo, isinisiwalat sa pagkabuhay-muli ni Jesus ang di-masaliksik na kadakilaan ni Jehova. Karagdagan pa, ang dakilang gawang iyon ay isang garantiya na posible ang pagkabuhay-muli ng iba pa. Dapat itong magpatibay sa ating pananampalataya na kayang buhaying muli ng Diyos ang milyun-milyong namatay na nasa kaniyang sakdal na alaala.—Juan 5:28, 29; Gawa 17:31.
Mga Kamangha-mangha at Makapangyarihang Gawa
11. Anong dakilang gawa ni Jehova ang pinasimulan noong Pentecostes 33 C.E.?
11 Mula nang buhaying muli si Jesus, marami pang ibang dakila at mga kamangha-manghang bagay na ginawa si Jehova. (Awit 40:5) Noong Pentecostes 33 C.E., pinangyari ni Jehova na umiral ang isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos,” na binubuo ng mga alagad ni Kristo na pinahiran ng banal na espiritu. (Galacia 6:16) Sa makapangyarihang paraan, lumawak ang bagong espirituwal na bansang ito sa buong sanlibutan na kilala noon. Sa kabila ng apostasya na humantong sa pagbuo sa Sangkakristiyanuhan pagkamatay ng mga apostol ni Jesus, patuloy na nagsagawa si Jehova ng mga kamangha-manghang gawa upang tiyakin ang katuparan ng kaniyang layunin.
12. Ang katotohanang makukuha ang Bibliya sa lahat ng pangunahing wika sa lupa ay patotoo ng ano?
12 Halimbawa, ang kanon ng Bibliya ay naingatan at naisalin nang maglaon sa lahat ng pangunahing wika sa lupa ngayon. Kadalasang isinasalin ang Bibliya sa ilalim ng mahihirap na kalagayan at bantang mapatay ng mga kinatawan ni Satanas. Ang totoo, hindi maisasalin ang Bibliya sa mahigit na 2,000 wika kung hindi ito kalooban ng Diyos na di-masaliksik ang kadakilaan, si Jehova!
13. Mula noong 1914, paano nahahayag ang kadakilaan ni Jehova may kinalaman sa kaniyang mga layuning pang-Kaharian?
13 Nahahayag ang kadakilaan ni Jehova may kinalaman sa kaniyang mga layuning pang-Kaharian. Halimbawa, noong taóng 1914, iniluklok niya ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, bilang makalangit na Hari. Di-nagtagal pagkatapos nito, kumilos si Jesus laban kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo. Pinalayas sila sa langit at pinanatili sa palibot ng lupa, kung saan sila naghihintay na ihagis sa kalaliman. (Apocalipsis 12:9-12; 20:1-3) Mula noon, dumanas na ng mas maraming pag-uusig ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus. Gayunman, inaalalayan sila ni Jehova sa panahong ito ng di-nakikitang pagkanaririto ni Kristo.—Mateo 24:3; Apocalipsis 12:17.
14. Anong kamangha-manghang gawa ang isinagawa ni Jehova noong 1919, at ano ang naisakatuparan nito?
14 Noong taóng 1919, nagsagawa ng isa pang kamangha-manghang gawa si Jehova na nagtanghal ng kaniyang kadakilaan. Pinasigla ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus na nasadlak sa kalagayan ng kawalang-ginagawa sa espirituwal. (Apocalipsis 11:3-11) Sa mga taóng sumunod mula noon, masigasig nang ipinangaral ng mga pinahiran ang mabuting balita ng naitatag na makalangit na Kaharian. Tinipon ang iba pang mga pinahiran upang buuin ang bilang na 144,000. (Apocalipsis 14:1-3) At sa pamamagitan ng pinahirang mga tagasunod ni Kristo, inilatag ni Jehova ang pundasyon ng “isang bagong lupa,” na isang lipunan ng matutuwid na tao. (Apocalipsis 21:1) Ngunit ano ang mangyayari sa “bagong lupa” pagkatapos umakyat sa langit ang lahat ng tapat na pinahiran?
15. Anong gawain ang pinangungunahan ng pinahirang mga Kristiyano, at anu-ano ang mga resulta?
15 Noong 1935, lumabas sa Agosto 1 at Agosto 15 na isyu ng babasahing ito ang napakahalagang mga artikulo na tumatalakay sa “malaking pulutong” na binanggit sa Apocalipsis kabanata 7. Masigasig na sinimulang hanapin ng pinahirang mga Kristiyano ang mga kapuwa mananambang ito mula sa lahat ng bansa, mga tribo, mga bayan, at mga wika at inanyayahan silang sumama sa kanila. Makaliligtas ang “malaking pulutong” na ito mula sa napipintong “malaking kapighatian,” taglay ang pag-asang walang-hanggang buhay sa Paraiso bilang permanenteng mga miyembro ng “bagong lupa.” (Apocalipsis 7:9-14) Dahil sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad, na pinangungunahan ng pinahirang mga Kristiyano, mahigit na anim na milyong tao na ngayon ang may pag-asang buhay na walang hanggan sa makalupang paraiso. Sino ang dapat bigyan ng papuri dahil sa gayong pagdami sa kabila ng pagsalansang ni Satanas at ng kaniyang tiwaling sanlibutan? (1 Juan 5:19) Si Jehova lamang ang makagagawa ng lahat ng ito, na ginagamit ang kaniyang banal na espiritu.—Isaias 60:22; Zacarias 4:6.
Ang Maluwalhating Karilagan at Dangal ni Jehova
16. Bakit hindi literal na makikita ng mga tao ‘ang maluwalhating karilagan ng dangal ni Jehova’?
16 Anuman ang mga ito, ang “mga kamangha-manghang gawa” at “makapangyarihang mga gawa” ni Jehova ay hindi kailanman malilimutan. Sumulat si David: “Papupurihan ng sali’t salinlahi ang iyong mga gawa, at ipahahayag nila ang tungkol sa iyong makapangyarihang mga gawa. Ang maluwalhating karilagan ng iyong dangal at ang tungkol sa iyong mga kamangha-manghang gawa ay pagtutuunan ko ng pansin. At magsasalita sila tungkol sa kalakasan ng iyong mga kakila-kilabot na bagay; at tungkol naman sa iyong kadakilaan, ipahahayag ko iyon.” (Awit 145:4-6) Gayunman, gaano ba karami ang maaaring malaman ni David tungkol sa maluwalhating karilagan ni Jehova, gayong “ang Diyos ay Espiritu” at samakatuwid ay hindi nakikita ng mga mata ng tao?—Juan 1:18; 4:24.
17, 18. Paano lumago ang pagpapahalaga ni David sa ‘maluwalhating karilagan ng dangal ni Jehova’?
17 Bagaman hindi niya nakikita ang Diyos, may mga paraan upang lumago ang pagpapahalaga ni David sa dangal ni Jehova. Halimbawa, mababasa niya ang ulat ng Kasulatan tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos, gaya ng pagpuksa sa balakyot na sanlibutan sa pamamagitan ng pangglobong baha. Malamang na nalaman ni David kung paano hinamak ang mga diyus-diyosan ng Ehipto nang iligtas ng Diyos ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ang gayong mga pangyayari ay nagpapatotoo sa dangal at kadakilaan ni Jehova.
18 Walang-alinlangang lumago ang pagpapahalaga ni David sa dangal ng Diyos hindi lamang sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kasulatan kundi sa pamamagitan din ng pagbubulay-bulay rito. Halimbawa, maaaring binulay-bulay niya kung ano ang nangyari nang ibigay ni Jehova ang Kautusan sa Israel. May mga kulog, mga kidlat, isang makapal na ulap, at napakalakas na tunog ng tambuli. Nayanig at umusok ang Bundok Sinai. Narinig pa nga ng mga Israelita, na nagkatipon sa paanan ng bundok, “ang Sampung Salita” mula sa gitna ng apoy at ulap habang nagsasalita si Jehova sa kanila sa pamamagitan ng anghel na kinatawan niya. (Deuteronomio 4:32-36; 5:22-24; 10:4; Exodo 19:16-20; Gawa 7:38, 53) Anong kagila-gilalas ngang mga kapahayagan ng karingalan ni Jehova! Ang mga umiibig sa Salita ng Diyos na nagbubulay-bulay sa mga ulat na ito ay tiyak na maaantig sa ‘maluwalhating karilagan ng dangal ni Jehova.’ Mangyari pa, nasa atin ngayon ang buong Bibliya, na naglalaman ng iba’t ibang maluluwalhating pangitain na nagpapahanga sa atin sa kadakilaan ni Jehova.—Ezekiel 1:26-28; Daniel 7:9, 10; Apocalipsis, kabanata 4.
19. Ano ang magpapalago ng ating pagpapahalaga sa dangal ni Jehova?
19 Ang isa pang paraan na maaaring napahanga si David sa dangal ng Diyos ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga batas na ibinigay ng Diyos sa mga Israelita. (Deuteronomio 17:18-20; Awit 19:7-11) Ang pagsunod sa mga batas ni Jehova ay nagbigay-dangal sa bansang Israel at naging dahilan upang maiba sila sa lahat ng iba pang bayan. (Deuteronomio 4:6-8) Gaya ng nangyari kay David, magpapalago ng ating pagpapahalaga sa dangal ni Jehova ang regular na pagbabasa ng Kasulatan, malalim na pagbubulay-bulay rito, at masikap na pag-aaral dito.
Napakadakila ng Moral na mga Katangian ng Diyos!
20, 21. (a) Itinatanghal ng Awit 145:7-9 ang kadakilaan ni Jehova may kinalaman sa anu-anong katangian? (b) Ano ang epekto ng mga katangian ng Diyos na nabanggit dito sa lahat ng umiibig sa kaniya?
20 Gaya ng nalaman natin, ang unang anim na talata ng Awit 145 ay nagbibigay sa atin ng matitibay na dahilan upang purihin si Jehova dahil sa mga bagay na may kinalaman sa kaniyang di-masaliksik na kadakilaan. Itinatanghal ng talata 7 hanggang 9 ang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng pagbanggit sa kaniyang moral na mga katangian. Umawit si David: “Sa pagbanggit ng kasaganaan ng iyong kabutihan ay mag-uumapaw sila, at dahil sa iyong katuwiran ay hihiyaw sila nang may kagalakan. Si Jehova ay magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at dakila sa maibiging-kabaitan. Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.”
21 Unang itinatampok dito ni David ang kabutihan at katuwiran ni Jehova—mga katangiang kinuwestiyon ni Satanas na Diyablo. Ano ang epekto ng mga katangiang ito sa mga umiibig sa Diyos at nagpapasakop sa kaniyang pamamahala? Aba, ang kabutihan at matuwid na paraan ng pamamahala ni Jehova ay nagdudulot ng napakalaking kagalakan sa kaniyang mga mananamba anupat hindi nila mapigil na mag-umapaw ng papuri sa kaniya. Karagdagan pa, ipinaaabot ang kabutihan ni Jehova “sa lahat.” Makatulong nawa ito upang marami pa ang magsisi at maging mga mananamba ng tunay na Diyos bago maging huli ang lahat.—Gawa 14:15-17.
22. Paano nakikitungo si Jehova sa kaniyang mga lingkod?
22 Pinahalagahan din ni David ang mga katangiang itinampok mismo ng Diyos nang “dumaan [Siya] sa harap ng . . . mukha [ni Moises] at ipinahayag: ‘Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.’ ” (Exodo 34:6) Kaya naipahayag ni David: “Si Jehova ay magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at dakila sa maibiging-kabaitan.” Bagaman di-masaliksik ang kadakilaan ni Jehova, binibigyang-dangal niya ang kaniyang mga lingkod na tao sa pamamagitan ng mabait na pakikitungo sa kanila. Siya ay punô ng awa, handang magpatawad sa nagsisising mga makasalanan salig sa haing pantubos ni Jesus. Mabagal din sa pagkagalit si Jehova, sapagkat nagbibigay siya sa mga lingkod niya ng pagkakataong mapagtagumpayan ang mga kahinaang makahahadlang sa kanila sa pagpasok sa kaniyang bagong sanlibutan ng katuwiran.—2 Pedro 3:9, 13, 14.
23. Anong mahalagang katangian ang isasaalang-alang natin sa susunod na artikulo?
23 Dinadakila ni David ang maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ng Diyos. Sa katunayan, ipinakikita ng natitirang bahagi ng Awit 145 kung paano ipinamamalas ni Jehova ang katangiang ito at kung paano tumutugon ang kaniyang matapat na mga lingkod sa maibiging-kabaitan niya. Ang mga bagay na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
Paano Mo Sasagutin?
• Sa anu-anong pagkakataon maaaring purihin si Jehova sa “buong araw”?
• Anu-anong halimbawa ang nagpapakita na di-masaliksik ang kadakilaan ni Jehova?
• Paano natin mapalalago ang ating pagpapahalaga sa maluwalhating dangal ni Jehova?
[Larawan sa pahina 10]
Nagpapatotoo ang mga galaksi sa sansinukob sa kadakilaan ni Jehova
[Credit Line]
Courtesy of Anglo-Australian Observatory, photograph by David Malin
[Larawan sa pahina 12]
Paano nahayag ang kadakilaan ni Jehova may kaugnayan kay Jesu-Kristo?
[Larawan sa pahina 13]
Nang tanggapin ng mga Israelita ang Kautusan sa Bundok Sinai, may katibayan sila noon ng maluwalhating dangal ni Jehova