Buhay Pagkatapos ng Kamatayan—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
“Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.”—GENESIS 3:19.
1, 2. (a) Ano ang iba’t ibang ideya tungkol sa Kabilang-Buhay? (b) Ano ang kailangan nating suriin upang matiyak kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kaluluwa?
ANG teoriya ng walang-hanggang pagdurusa ay hindi kaayon ng paniniwala hinggil sa pag-ibig ng Diyos para sa mga kinapal. . . . Ang paniniwala sa walang-hanggang pagpaparusa sa kaluluwa dahilan sa mga pagkakamali sa loob ng ilang taon, nang hindi binibigyan iyon ng pagkakataong maituwid, ay kasalungat ng lahat ng makatuwirang sinusunod na simulain,” sabi ng pilosopong Hindu na si Nikhilananda.
2 Tulad ni Nikhilananda, marami sa ngayon ang hindi mapalagay sa turo ng walang-hanggang pagpapahirap. Sa ganiyan ding paraan, nahihirapang unawain ng iba ang paniniwalang gaya ng pagtatamo ng Nirvana at pagiging kaisa ng kalikasan. Kahit na sa mga nag-aangkin na ang kanilang paniniwala’y salig sa Bibliya, may iba’t ibang ideya tungkol sa kung ano ang kaluluwa at kung ano ang nangyayari rito kapag tayo’y namatay. Pero ano ba talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kaluluwa? Upang malaman, kailangan nating suriin ang mga kahulugan ng Hebreo at Griegong mga salita na isinaling “kaluluwa” sa Bibliya.
Ang Kaluluwa Ayon sa Bibliya
3. (a) Anong salita ang isinaling “kaluluwa” sa Hebreong Kasulatan, at ano ang saligang kahulugan nito? (b) Paano pinatutunayan ng Genesis 2:7 na ang salitang “kaluluwa” ay tumutukoy sa isang buong persona?
3 Ang salitang Hebreo na isinaling “kaluluwa” ay neʹphesh, at 754 beses na lumilitaw ito sa Hebreong Kasulatan. Ano ang kahulugan ng neʹphesh? Ayon sa The Dictionary of Bible and Religion, ito’y “karaniwang tumutukoy sa buong nabubuhay na persona, sa buong indibiduwal.” Ito ay pinatutunayan ng paglalarawan ng Bibliya sa kaluluwa sa Genesis 2:7: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Pansinin na ang unang tao ay “naging” isang kaluluwa. Ang ibig sabihin, si Adan ay hindi nagkaroon ng isang kaluluwa; siya ay isang kaluluwa—kung paanong ang isa na naging doktor ay isang doktor. Kung gayon, ang salitang “kaluluwa” rito ay lumalarawan sa buong persona.
4. Anong salita ang isinaling “kaluluwa” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at ano ang saligang kahulugan ng salitang ito?
4 Ang salitang isinaling “kaluluwa” (psy·kheʹ) ay lumilitaw nang mahigit na isang daang ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Gaya ng neʹphesh, ang salitang ito ay karaniwang tumutukoy sa buong persona. Halimbawa, isaalang-alang ang sumusunod na pananalita: “Ang aking kaluluwa ay nababagabag.” (Juan 12:27) “Ang takot ay nagpasimulang sumapit sa bawat kaluluwa.” (Gawa 2:43) “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) “Iilang tao, alalaong baga, walong kaluluwa, ang dinalang ligtas sa tubig.” (1 Pedro 3:20) Maliwanag, ang psy·kheʹ, gaya ng neʹphesh, ay tumutukoy sa buong persona. Ayon sa iskolar na si Nigel Turner, ang salitang ito ay “kumakatawan sa kung ano talaga ang tao, ang sarili, ang materyal na katawan na nagtataglay ng rûaḥ [espiritu] ng Diyos na inihinga rito. . . . Ang pagdiriin ay nasa buong pagkatao.”
5. Ang mga hayop ba ay mga kaluluwa? Ipaliwanag.
5 Kapansin-pansin, ang salitang “kaluluwa” sa Bibliya ay kumakapit hindi lamang sa mga tao kundi pati sa mga hayop. Halimbawa, sa paglalarawan sa paglalang sa mga kinapal sa dagat, sinasabi ng Genesis 1:20 na ipinag-utos ng Diyos: “Bukalan ang tubig ng kulupon ng mga nabubuhay na kaluluwa.” At nang sumunod na araw ng paglalang, sinabi ng Diyos: “Bukalan ang lupa ng mga nabubuhay na kaluluwa ayon sa kani-kanilang uri, maamong hayop at gumagalang hayop at mailap na hayop sa lupa ayon sa uri nito.”—Genesis 1:24; ihambing ang Bilang 31:28.
6. Ano ang masasabi tungkol sa paggamit ng Bibliya sa salitang “kaluluwa”?
6 Kung gayon, ang salitang “kaluluwa” na ginamit sa Bibliya ay tumutukoy sa isang tao o sa isang hayop o sa buhay na tinatamasa ng tao o ng hayop. (Tingnan ang kahon sa itaas.) Ang pagpapakahulugan ng Bibliya sa kaluluwa ay simple, hindi nagbabago, at hindi nababahiran ng masalimuot na mga pilosopiya at pamahiin ng mga tao. Kung gayon, ang napakahalagang tanong na dapat ibangon ay, Ayon sa Bibliya, ano ang nangyayari sa kaluluwa sa panahon ng kamatayan?
Ang Patay ay Walang Malay
7, 8. (a) Ano ang isinisiwalat ng Kasulatan tungkol sa kalagayan ng mga patay? (b) Magbigay ng mga halimbawa mula sa Bibliya na nagpapakitang namamatay ang kaluluwa.
7 Ang kalagayan ng patay ay nililiwanag sa Eclesiastes 9:5, 10, kung saan ay mababasa natin: “Hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay . . . Walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man o karunungan, sa libingan.” (Moffatt) Samakatuwid, ang kamatayan ay isang kalagayan ng hindi pag-iral. Isinulat ng salmista na kapag namatay ang isang tao, “bumabalik siya sa kaniyang pagkalupa; sa araw na iyon ay napaparam ang kaniyang mga kaisipan.” (Awit 146:4) Ang patay ay walang malay at walang ginagawa.
8 Nang iginagawad ang hatol kay Adan, sinabi ng Diyos: “Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Bago siya anyuan ng Diyos mula sa alabok ng lupa at bigyan siya ng buhay, hindi umiiral si Adan. Nang mamatay siya, bumalik siya sa ganiyang kalagayan. Ang parusa sa kaniya ay kamatayan—hindi ang paglipat sa ibang dako. Kung gayon, ano ang nangyari sa kaniyang kaluluwa? Yamang ang salitang “kaluluwa” sa Bibliya ay kadalasang tumutukoy lamang sa tao, kapag sinasabi nating namatay si Adan, sinasabi natin na ang kaluluwang nagngangalang Adan ay namatay. Maaaring iba ang datíng nito sa isang tao na naniniwala sa imortalidad ng kaluluwa. Gayunman, sinasabi ng Bibliya: “Ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Bumabanggit ang Levitico 21:1 ng “isang namatay na kaluluwa” (isang “bangkay,” The Jerusalem Bible). At sinabihan ang mga Nazareo na huwag lalapit sa “anumang patay na kaluluwa” (“isang patay na katawan,” Lamsa).—Bilang 6:6.
9. Ano ang ibig sabihin ng Bibliya nang banggitin nito na “naglalaho ang kaluluwa” ni Raquel?
9 Subalit kumusta naman ang sinabi sa Genesis 35:18 hinggil sa kalunus-lunos na pagkamatay ni Raquel, na naganap nang magsilang siya ng kaniyang pangalawang anak na lalaki? Doo’y mababasa natin: “Habang naglalaho ang kaniyang kaluluwa (sapagkat namatay siya) ay tinawag niyang Ben-oni ang pangalan nito; ngunit tinawag itong Benjamin ng kaniyang ama.” Ipinahihiwatig ba ng talatang ito na si Raquel ay mayroong nasa loob niya na humihiwalay nang siya’y mamatay? Hindi naman. Tandaan, ang salitang “kaluluwa” ay tumutukoy rin sa buhay na taglay ng isang tao. Kaya sa kasong ito, ang “kaluluwa” ni Raquel ay nangangahulugan lamang ng kaniyang “buhay.” Iyan ang dahilan kung bakit ang pagkakasalin ng ibang salin ng Bibliya sa pariralang “naglalaho ang kaniyang kaluluwa” ay “nauubos ang kaniyang buhay” (Knox), “huminga siya ng kaniyang huling hininga” (JB), at “nawalan siya ng buhay” (Bible in Basic English). Walang pahiwatig na may isang mahiwagang bahagi ni Raquel na nanatiling buhay pagkatapos na siya’y mamatay.
10. Sa anong paraan “bumalik sa loob niya” ang kaluluwa ng binuhay-muling anak na lalaki ng isang biyuda?
10 Katulad ito ng pagkabuhay-muli ng anak na lalaki ng isang biyuda, na nakaulat sa 1 Hari kabanata 17. Sa 1Hari 17 talatang 22, mababasa natin na noong si Elias ay manalangin alang-alang sa batang lalaki, “si Jehova ay nakinig sa tinig ni Elias, anupat ang kaluluwa ng bata ay bumalik sa loob niya at siya ay nabuhay.” Muli, ang salitang “kaluluwa” ay nangangahulugang “buhay.” Kaya naman, ganito ang mababasa sa New American Standard Bible: “Ang buhay ng bata ay bumalik sa kaniya at siya’y nabuhay.” Oo, iyo’y buhay, hindi isang tulad-aninong kaanyuan, na bumalik sa bata. Ito ay kasuwato ng sinabi ni Elias sa ina ng bata: “Tingnan mo, ang iyong anak [ang buong persona] ay buháy.”—1 Hari 17:23.
Ano Naman ang Espiritu?
11. Bakit ang salitang “espiritu” ay hindi maaaring tumukoy sa isang hiwalay na bahagi ng isang tao na nananatiling buháy pagkatapos ng kamatayan?
11 Sinasabi ng Bibliya na kapag namatay ang isang tao, “ang kaniyang espiritu ay nawawala, bumabalik siya sa kaniyang pagkalupa.” (Awit 146:4) Nangangahulugan ba ito na isang hiwalay na espiritu ang literal na umaalis sa katawan at patuloy na nabubuhay pagkatapos na mamatay ang isang tao? Hindi maaaring magkagayon, sapagkat ganito ang sumunod na sinabi ng salmista: “Sa araw na iyon ay napaparam ang kaniyang mga kaisipan” (“nagwawakas ang kaniyang buong pag-iisip,” The New English Bible). Kung gayon, ano ang espiritu, at paano ito “nawawala” sa isang tao kapag namatay siya?
12. Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “espiritu” sa Bibliya?
12 Sa Bibliya, ang mga salitang isinalin na “espiritu” (Hebreo, ruʹach; Griego, pneuʹma) ay karaniwang nangangahulugang “hininga.” Kaya naman, sa halip na “ang kaniyang espiritu ay nawawala,” ginamit ng salin ni R. A. Knox ang pananalitang “nililisan ng hininga ang kaniyang katawan.” (Awit 145:4) Ngunit hindi lamang ang aktuwal na paghinga ang ipinahihiwatig ng salitang “espiritu.” Halimbawa, nang inilalarawan ang pagkalipol ng mga tao at mga hayop noong panahon ng pangglobong Delubyo, ganito ang sabi ng Genesis 7:22: “Ang lahat ng may hininga ng puwersa [o, espiritu; Hebreo, ruʹach] ng buhay sa mga butas ng kaniyang ilong, samakatuwid ay lahat ng nasa tuyong lupa, ay namatay.” Kaya ang “espiritu” ay maaaring tumukoy sa puwersa ng buhay na aktibo sa lahat ng nabubuhay na nilalang, kapuwa sa mga tao at sa mga hayop, at nananatiling buháy sa pamamagitan ng paghinga.
13. Paano bumabalik sa Diyos ang espiritu kapag namatay ang isang tao?
13 Kung gayon, ano naman ang kahulugan ng Eclesiastes 12:7 na nagsabing kapag namatay ang isang tao, “ang espiritu ay babalik sa tunay na Diyos na nagbigay nito”? Nangangahulugan ba ito na ang espiritu ay literal na naglalakbay sa kalawakan patungo sa kinaroroonan ng Diyos? Walang ipinahihiwatig na ganiyan. Yamang ang espiritu ay puwersa ng buhay, ito’y “babalik sa tunay na Diyos” sa diwa na anumang pag-asa ng panghinaharap na buhay para sa taong iyon ay lubusang nakasalalay ngayon sa Diyos. Tanging ang Diyos ang makapagsasauli ng espiritu, o puwersa ng buhay, anupat muling mabubuhay ang isang tao. (Awit 104:30) Ngunit nilayon ba ng Diyos na gawin iyon?
“Siya ay Babangon”
14. Ano ang sinabi at ginawa ni Jesus upang paginhawahin at aliwin ang mga kapatid ni Lazaro matapos mamatay ang kanilang kapatid?
14 Sa maliit na bayan ng Betania, mga tatlong kilometro sa gawing silangan ng Jerusalem, nagdadalamhati sina Maria at Marta dahil sa maagang pagkamatay ng kanilang kapatid na si Lazaro. Nakidalamhati sa kanila si Jesus, sapagkat mahal niya si Lazaro at ang mga kapatid nito. Paano maaaliw ni Jesus ang magkapatid? Hindi sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila ng isang masalimuot na kuwento, kundi sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila ng katotohanan. Sinabi lamang ni Jesus: “Ang iyong kapatid ay babangon.” Pagkatapos ay pumunta si Jesus sa libingan, at kaniyang binuhay-muli si Lazaro—anupat ibinalik ang buhay ng isang taong apat na araw nang patay!—Juan 11:18-23, 38-44.
15. Ano ang naging tugon ni Marta sa sinabi at ginawa ni Jesus?
15 Nagtaka ba si Marta sa sinabi ni Jesus na si Lazaro ay “babangon”? Maliwanag na hindi, sapagkat sumagot siya: “Alam ko na siya ay babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” Dati na siyang nananampalataya sa pangako ng pagkabuhay-muli. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay.” (Juan 11:23-25) Ang himala ng pagkabuhay-muli ni Lazaro ay nagpatibay sa kaniyang pananampalataya at nagkintal ng pananampalataya sa iba. (Juan 11:45) Ngunit ano ba talaga ang kahulugan ng salitang “pagkabuhay-muli”?
16. Ano ang kahulugan ng salitang “pagkabuhay-muli”?
16 Ang salitang “pagkabuhay-muli” ay isinalin mula sa Griegong salita na a·naʹsta·sis, na literal na nangangahulugang “isang muling pagtayo.” Isinalin ng mga Hebreong tagapagsalin ng Griego ang a·naʹsta·sis sa mga salitang nangangahulugan ng “muling pagkabuhay ng patay” (Hebreo, techi·yathʹ ham·me·thimʹ).a Kaya naman, ang pagkabuhay-muli ay pagbabangon sa tao mula sa walang-buhay na kalagayan ng patay—na ibinabalik at pinapapanauli ang pagkatao ng indibiduwal.
17. (a) Bakit hindi magiging isang problema sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo ang pagbuhay-muli sa mga indibiduwal? (b) Ano ang ipinangako ni Jesus tungkol sa mga nasa alaalang libingan?
17 Palibhasa’y nagtataglay ng walang-hanggang karunungan at sakdal na alaala, madaling buhayin ng Diyos na Jehova ang isang tao. Ang pag-alaala sa pagkatao ng mga patay—ang kanilang personal na mga katangian, ang kanilang indibiduwal na kasaysayan, at ang lahat ng detalye ng pagkakakilanlan sa kanila—ay hindi suliranin para sa kaniya. (Job 12:13; ihambing ang Isaias 40:26.) Bukod dito, gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Lazaro, si Jesu-Kristo ay may pagnanais at may kakayahang bumuhay ng patay. (Ihambing ang Lucas 7:11-17; 8:40-56.) Sa katunayan, sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang [ni Jesus] tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Oo, nangako si Jesu-Kristo na lahat ng nasa alaala ni Jehova ay bubuhaying-muli. Maliwanag, ayon sa Bibliya, ang kaluluwa ay namamatay, at ang lunas sa kamatayan ay ang pagkabuhay-muli. Ngunit bilyun-bilyong tao na ang nabuhay at namatay. Sino sa kanila ang nasa alaala ng Diyos, anupat naghihintay ng pagkabuhay-muli?
18. Sino ang mga bubuhaying-muli?
18 Yaong mga nagtaguyod ng matuwid na landasin bilang mga lingkod ni Jehova ay bubuhaying-muli. Subalit, milyun-milyong iba pa ang namatay nang hindi nakapagpakita kung sila’y susunod sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Alinman sa sila’y di-nakaalam ng mga kahilingan ni Jehova o hindi nagkaroon ng sapat na panahon upang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. Ang ibang ito’y nasa alaala rin ng Diyos anupat bubuhaying-muli, sapagkat nangangako ang Bibliya: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15.
19. (a) Anong pangitain ang nakita ni apostol Juan tungkol sa pagkabuhay-muli? (b) Ano ang ‘inihagis sa lawa ng apoy,’ at ano ang ibig sabihin ng pananalitang iyan?
19 Si apostol Juan ay nakakita ng kapana-panabik na pangitain ng mga binuhay-muli na nakatayo sa harapan ng luklukan ng Diyos. Sa paglalarawan nito, sumulat siya: “Ibinigay ng dagat yaong mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades yaong mga patay na nasa kanila, at hinatulan sila nang isa-isa alinsunod sa kanilang mga gawa. At inihagis ang kamatayan at ang Hades sa lawa ng apoy. Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy.” (Apocalipsis 20:12-14) Isipin ang kahulugan nito! Lahat ng patay na nasa alaala ng Diyos ay palalayain mula sa Hades, o Sheol, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Awit 16:10; Gawa 2:31) Pagkatapos, ang “kamatayan at ang Hades” ay ihahagis sa tinatawag na “lawa ng apoy,” na sumasagisag sa ganap na pagkapuksa. Hindi na iiral pa ang karaniwang libingan ng sangkatauhan.
Isang Pambihirang Pag-asa!
20. Milyun-milyong namatay na ang bubuhaying-muli sa anong uri ng kapaligiran?
20 Kapag binuhay-muli ang milyun-milyon, hindi sila ibabalik upang mabuhay sa isang lupang walang laman. (Isaias 45:18) Magigising sila sa isang pinagandang kapaligiran at masusumpungan nila na may tirahan, kasuutan, at saganang pagkain na inihanda para sa kanila. (Awit 67:6; 72:16; Isaias 65:21, 22) Sino ang maghahanda ng lahat ng ito? Maliwanag, may mga taong nabubuhay na sa bagong sanlibutan bago pa man magsimula ang pagkabuhay-muli sa lupa. Ngunit sino?
21, 22. Anong pambihirang pag-asa ang naghihintay sa mga nabubuhay sa “mga huling araw”?
21 Ipinakikita ng katuparan ng hula sa Bibliya na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay.b (2 Timoteo 3:1) Malapit na malapit na, makikialam ang Diyos na Jehova sa mga gawain ng tao at aalisin niya ang kabalakyutan sa lupa. (Awit 37:10, 11; Kawikaan 2:21, 22) Sa panahong iyon, ano naman ang mangyayari sa mga buong-katapatang naglilingkod sa Diyos?
22 Hindi pupuksain ni Jehova ang mga matuwid kasama ng mga balakyot. (Awit 145:20) Hindi pa niya kailanman ginawa ang ganiyan, at hindi niya gagawin iyon kapag nilinis niya ang lupa mula sa lahat ng kasamaan. (Ihambing ang Genesis 18:22, 23, 26.) Sa katunayan, ang huling aklat ng Bibliya ay bumabanggit ng “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika,” na lumalabas mula sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9-14) Oo, isang lubhang karamihan ang makaliligtas sa malaking kapighatian na tatapos sa kasalukuyang balakyot na sanlibutan, at sila’y papasok sa bagong sanlibutan ng Diyos. Doon, lubusang makikinabang ang masunuring sangkatauhan mula sa kamangha-manghang paglalaan ng Diyos para mapalaya ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. (Apocalipsis 22:1, 2) Sa gayon, hindi na kailangang matikman pa ng “malaking pulutong” ang kamatayan. Tunay na isang pambihirang pag-asa!
Buhay na Walang Kamatayan
23, 24. Ano ang dapat mong gawin kung nais mong magtamasa ng buhay na walang kamatayan sa Paraiso sa lupa?
23 Makapagtitiwala ba tayo sa kamangha-manghang pag-asang ito? Aba oo! Ipinakita ni Jesu-Kristo mismo na darating ang panahon na ang mga tao’y mabubuhay anupat hindi na kailanman mamamatay. Bago pa lamang buhaying-muli ang kaniyang kaibigang si Lazaro, sinabi ni Jesus kay Marta: “Ang bawat isa na nabubuhay at nagsasagawa ng pananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.”—Juan 11:26.
24 Nais mo bang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa? Nananabik ka bang makitang muli ang iyong mga mahal sa buhay? “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman,” sabi ni apostol Juan. (1 Juan 2:17) Ngayon na ang panahon upang malaman kung ano ang kalooban ng Diyos at magpasiyang mamuhay na kasuwato nito. Kung magkagayon, ikaw, kasama ng milyun-milyong iba pa na gumagawa na ngayon ng kalooban ng Diyos, ay maaaring mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa.
[Mga talababa]
a Bagaman ang salitang “pagkabuhay-muli” ay hindi lumilitaw sa Hebreong Kasulatan, ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay malinaw na ipinahahayag sa Job 14:13, Daniel 12:13, at Oseas 13:14.
b Tingnan Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 98-107.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang saligang kahulugan ng mga salita sa orihinal na wika na isinaling “kaluluwa”?
◻ Ano ang nangyayari sa kaluluwa sa panahon ng kamatayan?
◻ Ayon sa Bibliya, ano ang lunas sa kamatayan?
◻ Anong pambihirang pag-asa ang naghihintay sa mga taong tapat ngayon?
[Kahon sa pahina 15]
Ang “Kaluluwa” Bilang Buhay ng Isang Nilalang
Kung minsan, ang salitang “kaluluwa” ay tumutukoy sa buhay na tinatamasa ng isang tao o ng isang hayop. Hindi nito binabago ang pagpapakahulugan ng Bibliya sa kaluluwa bilang isang persona o isang hayop. Upang ilarawan: Sinasabi natin na ang isang tao ay buháy, na ang ibig sabihin, siya ay isang nabubuhay na persona. Maaari rin nating sabihin na siya ay nagtataglay ng buhay. Sa katulad na paraan, ang isang taong nabubuhay ay isang kaluluwa. Gayunman, habang siya’y nabubuhay, ang “kaluluwa” ay maaaring banggitin na isang bagay na kaniyang tinataglay.
Halimbawa, sinabi ng Diyos kay Moises: “Ang lahat ng tao na naghahanap sa iyong kaluluwa ay patay na.” Maliwanag, hangad ng mga kaaway ni Moises na kitlin ang kaniyang buhay. (Exodo 4:19; ihambing ang Josue 9:24; Kawikaan 12:10.) Ginamit ni Jesus ang salitang ito sa katulad na paraan nang sabihin niya: “Ang Anak ng tao ay dumating . . . upang . . . ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28; ihambing ang 10:28.) Sa bawat pagkakataon, ang salitang “kaluluwa” ay nangangahulugan ng “buhay ng isang nilalang.”
[Mga larawan sa pahina 15]
Sila ay pawang mga kaluluwa
[Credit Line]
Hummingbird: U.S. Fish and Wildlife Service, Washington, D.C./Dean Biggins
[Larawan sa pahina 17]
Ipinakita ni Jesus na ang lunas sa kamatayan ay ang pagkabuhay-muli
[Larawan sa pahina 18]
“Bawat isa na nabubuhay at nagsasagawa ng pananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.”—Juan 11:26