Ano ang Masasabi sa Iyo ng mga Bituin?
ANG mabituing langit sa isang maaliwalas na gabi ay tunay na isang kahanga-hangang tanawin, kahit na sa paningin. Ang pinilakang buwan, ang di-mabilang na kumikislap na mga bituin, ang kukuti-kutitap na Milky Way—lahat ng ito ay para bang napakatahimik, napakamisteryoso. Natural lamang na ang isa ay magtanong: ‘Bakit sila naroroon? Mayroon ba silang nais sabihin sa atin?’
Buhat pa noong panahong hindi maalaala, sinikap na ng tao na hanapin ang mga kasagutan sa nakalilitong mga tanong na ito. Gayunman, kailan lamang naunawaan ng mga siyentipiko kung gaano kalawak ang materyal na sansinukob at, kung ihahambing, anong pagkaliit-liit, walang halagang butil lamang ang lupa. Kakatuwa ngang isipin na ang lahat ng libu-libong milyong mga galaksi ng mga bituin, angaw-angaw na light-years ang layo, ay naroroon upang bigyan lamang ng kahulugan ang ating buhay at kapalaran! Tiyak na higit pa riyan ang nais nilang sabihin sa atin.
Isang Malinaw na Mensahe
Bagaman ang ilan, gaya ng nakita natin, ay sinisikap na basahin sa mga bituin ang mistikong mga tanda at mga pangitain, sa napakaraming tao, ang kadakilaan ng mabituing kalangitan ay naghahatid ng matayog at mataas na mensahe na pumupukaw ng kanilang pinakamasidhing damdamin ng pagkasindak at pagpipitagan. “Ang likas na mga batas ng sansinukob ay napakaeksakto,” sabi ng siyentipiko sa kalawakan na si Wernher von Braun, “na . . . may naglagay ng mga batas na ito.” Sa gayunding paraan, tungkol sa “kaayusan sa buong sansinukob sa palibot natin,” binabanggit ng dating astronaut na si John Glenn na ang tanging makatuwiran konklusyon ay na “may Kapangyarihang naglagay ng lahat ng ito sa orbita at pinananatili ito roon.”
Datapuwat, hindi nangangailangan ng isang lubhang sinanay na propesyonal o isang dakilang siyentipiko upang maunawaan ito. Halimbawa, isang sinaunang haring Hebreo, na napakilos ng gayong tanawin, ay makatang bumigkas ng isang tula na bumubuod sa natural na tugon ng karamihan sa atin. Sulat niya:
“Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos;
At ng mga gawang-kamay niya’y nagbabadya ang kalawakan.
Sa araw-araw ay umaawas ang pananalita,
At gabi-gabi’y nagtatanghal ng karunungan.
Walang pananalita, o wika man;
Ang kanilang tinig ay hindi marinig.
Ang kanilang pangungusap ay lumaganap sa buong lupa,
At ang kanilang mga salita ay hanggang sa wakas ng mabungang lupain.”—Awit 19:1-4.
Kung paano ang isang mahusay na ipinintang larawan ay nagsasabi sa atin tungkol sa talino at kahusayan ng pintor, gayundin naman ang mga bituin, ay may sinasabi sa atin nang walang pananalita, wika, at tinig. Hindi, hindi dahilan sa ang mga ito ay may halina o na ang mga ito, sa ibang paraan, ay nakaiimpluwensiya sa ating personalidad at kapalaran. Bagkus, ang kaayusan at disenyo na makikita sa mabituing kalangitan ay nagbabadya ng malinaw na mensahe na ang mga ito ay gawang-kamay ng isang intelihente at makapangyarihang Disenyador at Maylikha. Gaya ng pagkakasabi rito ni apostol Pablo: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita magmula pa ng paglalang sa sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniya mang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.”—Roma 1:20.
Ang Puwersa na Umuugit sa Lahat ng Bagay
Sa pag-aaral sa materyal na sansinukob, ang mga siyentipiko ay natututo na ang lahat ng bagay—mula sa pinakamalaking galaksi hanggang sa pinakamaliit na atomo—ay inuugitan ng ilang pisikal na mga batas. At tayo ay bahagi ng sansinukob na iyan na inuugitan ng malinaw na mga batas at mga simulain, pati na ang mga batas at mga simulain ng moralidad.
Ang ika-18 siglong pilosopo at edukador na Aleman na si Immanuel Kant, na lubhang iginagalang dahil sa kaniyang mga ulat tungkol sa lohika at pangangatuwiran, ay sumulat: “Dalawang bagay ang pumupuno sa isipan ng bago at dumaraming paghanga at pagkasindak, mientras mas madalas at lagi nating binubulaybulay ang mga ito: ang mabituing kalangitan sa itaas at ang moral na batas sa loob natin.” Oo, ang isa na lumikha ng mga batas na umuugit sa pisikal na “mabituing kalangitan” ang siya ring lumikha ng “moral na batas sa loob natin.” (Roma 2:14, 15) Ang “batas na iyon sa loob natin,” na pinalalaki at pinalalago ng Salita ng Diyos, ay maaaring pumatnubay sa atin sa ating paghahanap ng kaligayahan at layunin sa buhay. Sa kadahilanang ito na ang salmista, pagkatapos mapakilos na kilalanin ang kaluwalhatian ng Diyos sa pagmamasid sa mabituing kalangitan, ay nagsabi:
“Ang batas ni Jehova ay sakdal, isinasauli ang kaluluwa.
Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, pinadudunong ang walang karanasan.
Ang mga utos ni Jehova ay matuwid, pinasasaya ang puso;
Ang kautusan ni Jehova ay malinis, pinakikinang ang mga mata.
Ang takot kay Jehova ay dalisay, tatayo magpakailanman.
Ang mga hatol ni Jehova’y totoo; napatunayang matuwid na talaga.”—Awit 19:7-9.
Kaya, ano ba ang sinasabi sa atin ng mga bituin? Na ang Maylikha, sa kaniyang karunungan at pag-ibig, ay naglaan hindi lamang ng pisikal na mga batas upang ugitan ang masalimuot na mga pagkilos ng sansinukob sa palibot natin kundi ng moral na mga batas rin naman upang patnubayan tayo sa ating mabilis-ang-takbo at nagbabagong lipunan. Hindi, hindi tayo ginawa ng Diyos na parang mga piyesa sa isang chessboard, na ang “tauhan” ay patiunang tinitiyak at na ang mga “pagkilos” ay kontrolado ng manlalaro. Bagkus, binigyan niya tayo ng moral na mga batas na makatutulong sa atin na kumilos nang may katalinuhan, ngunit bilang mga may kalayaang pumili, nasasa-atin na kung tatanggapin at ikakapit natin ang bigay-Diyos na moral na mga batas na ito.
Saan masusumpungan ang mga batas na ito? Si apostol Pablo ay nagsasabi sa atin: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Oo, ang kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay naglalaman ng kapaki-pakinabang na mga tuntunin para sa lahat ng mga gawain ng tao. Dahil dito, tayo ay pinapayuhan ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas. Huwag kang magpakadunong sa iyong sariling mga mata. Matakot ka kay Jehova at humiwalay ka sa kasamaan.”—Kawikaan 3:5-7.