“Kayo’y Magpakabanal . . . ”
“Dahil sa Banal na Siyang tumawag sa inyo, magpakabanal din naman kayo sa lahat ng pitak ng pamumuhay ninyo, sapagkat nasusulat: ‘Kayo’y magpakabanal, sapagkat ako’y banal.’ ”—1 PEDRO 1:15, 16.
1, 2. (a) Anong tagapagpaalaala ang nakahantad para makita sa mitra ng mataas na saserdote, at sa anong layunin nagsilbi iyon? (b) Bakit ang isang tagapagpaalaala ng kabanalan ni Jehova ay angkop ngayon? (c) Anong payo ang ibinibigay ni Pedro tungkol sa kabanalan?
“KABANALAN kay Jehova.” Ang pumupukaw na mga salitang ito ay nakahantad para makita ng lahat, nakaukit sa isang laminang taganas na ginto na nakatali sa mitra na suot ng mataas na saserdote ng Israel. (Exodo 28:36-38) Ito’y nagsisilbing isang maningning na tagapagpaalaala na di-tulad ng mga bansang pagano na sa maruruming diyus-diyosan sumasamba, ang Israel naman ay sumasamba sa isang malinis at banal na Diyos.
2 Kung ikaw ay isa na sa mga Saksi ni Jehova, iyo bang pinahahalagahan kung gaano kadalisay, kalinis, kabanal, at matuwid ang Diyos na iyong sinasamba? Ang isang tagapagpaalaala ng ganiyang mahalagang katotohanan ay baka waring hindi na kailangan. Sabihin pa, bilang bayan ni Jehova, tayo’y pinagpala sa pagkakaroon ng pang-unawa sa “malalim na bagay ng Diyos”—yaong masalimuot na mga hula sa Bibliya, ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, ang doktrina ng Bibliya. (1 Corinto 2:10; ihambing ang Daniel 12:4.) Gayunman, maliwanag na ang ilan ay kulang ng taos-pusong pagpapahalaga sa kabanalan ni Jehova. Bakit? Sapagkat libu-libo taun-taon ang nahuhulog sa iba’t ibang uri ng imoralidad. Libu-libo pa ang humahantad sa kapahamakan sa paggawa ng mga bagay na halos paglabag na sa kautusan ng Bibliya. Maliwanag, hindi nasasakyan ng ilan ang kaselangan ng mga salita sa 1 Pedro 1:15, 16: “Dahil sa Banal na Siyang tumawag sa inyo, magpakabanal din naman kayo sa lahat ng pitak ng pamumuhay ninyo, sapagkat nasusulat: ‘Kayo’y magpakabanal, sapagkat ako’y banal.’”
Banal na Diyos, Banal na mga Mananamba
3. Tungkol kay Jehova, ano ang ipinakikita ng awit ni Moises?
3 ‘Isang taong di-sakdal—banal? Imposible!’ baka sabihin mo. Subalit, isaalang-alang ang kasaysayan ng payo ni Pedro. Dito ang apostol ay sumipi ng mga salita na unang binanggit na patungkol sa Israel hindi natatagalan pagkatapos ng Paglabas sa Ehipto. Sa pamamagitan nitong kahima-himalang pagkaligtas, si Jehova ay nahayag bilang isang Tagapagligtas, isang Tagatupad ng mga pangako, “isang dakilang mandirigmang persona.” (Exodo 3:14-17; 15:3) Sa isang awit na nagdiriwang ng tagumpay laban sa mga Ehipsiyo sa Dagat na Pula, inihayag ni Moises noon ang isa pang katangian ni Jehova: “Sino sa mga diyos ang gaya mo, Oh Jehova? Sino ang gaya mo, na napatutunayang dakila sa kabanalan?” (Exodo 15:11) Ito ang unang nasusulat na okasyon na kung saan binanggit na si Jehova ay banal.
4. (a) Paanong si Jehova ay “dakila sa kabanalan”? (b) Paano ngang naiiba si Jehova sa mga diyos ng Canaan?
4 Ang mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “banal” sa Bibliya ay nagbibigay ng ideya na pagiging ‘maaliwalas, bago, sariwa, walang mantsa, at malinis.’ Sa gayo’y inilarawan ni Moises si Jehova bilang kalinis-linisan, walang anumang dungis, walang pagkasira, sa tuwina’y hindi kunsintidor sa karumihan. (Habacuc 1:13) Si Jehova’y lubhang naiiba sa mga diyos ng lupain na malapit nang tahanán ng mga Israelita noon—ang Canaan. Ang mga dokumentong nahukay sa Ras Shamra, isang bayan sa hilagang baybayin ng Sirya, ay nagbibigay ng isang limitado, ngunit nagbibigay-liwanag, na pananaw sa templo ng mga diyos ng Canaan. Ang mga tekstong ito ay naglalarawan sa mga diyos na, sang-ayon sa aklat ni John Gray na The Canaanites, “palaaway, mapanibughuin, mapaghiganti, malibog.”
5, 6. (a) Paanong ang pagsamba sa karumal-dumal na mga diyos ay nakaapekto sa mga Canaaneo? (b) Paanong ang pagsamba sa banal na Diyos ay nakaapekto sa mga Israelita?
5 Maaasahan, na sa kultura ng mga Canaaneo ay masisinag ang napakasasamang mga diyos na kanilang sinasamba. Ganito ang paliwanag ng The Religion of the People of Israel: “Ang mga gawa bilang pagtulad sa diyus-diyosan ay itinuturing na paglilingkod sa diyos. . . . [Ang diyosa ng sekso] na si Astarte ay pinaglilingkuran ng maraming mga lalaki at mga babae na sinasabing mga taong konsagrado . . . Sila’y konsagrado sa paglilingkod sa kaniya sa pagpapatutot.” Isinusog ng iskolar na si William F. Albright: “Subalit, ang kasama-samaan pa’y na ang erotikong aspekto ng kanilang kulto ay napalubog na sa labis na karima-rimarim na kalagayang panlipunan.” Ang pagsamba sa malalaswang “sagradong tikin,” pagsunog sa mga bata bilang sakripisyo, madyik, pang-eengkanto, insesto, sodomiya, at bestiyalidad—lahat ng ito ang naging ‘kalakaran sa lupain’ ng Canaan.—Exodo 34:13; Levitico 18:2-25; Deuteronomio 18:9-12.
6 Sa kabilang dako, si Jehova ay “dakila sa kabanalan.” Siya’y hindi kunsintidor sa gayong mababang uring pagsamba. (Awit 15) Kaya naman, di-tulad ng hamak na mga diyos ng mga Canaaneo, ang kaniyang bayan ay pinadakila ni Jehova. Sa pagbigkas sa mga salita na sa bandang huli’y sisipiin ni Pedro, paulit-ulit na ipinayo ni Jehova: “Patunayan ninyong kayo’y banal, sapagkat akong si Jehova ninyong Diyos ay banal.”—Levitico 11:44; 19:2; 20:26.
‘Ang Kautusan Ay Banal, Matuwid, at Mabuti’
7, 8. (a) Paanong ang mga Israelita ay ‘makapagpapatunay na sila’y banal’? (b) Ipakita ang pagkakaiba ng Kautusan ni Jehova at ng Babilonikong Kodigo ni Hammurabi.
7 Ang ‘pagpapatunay na sila’y banal’ ay nangangahulugan hindi ng kasakdalan ni ng pagbabanal-banalan man; ito’y nangangahulugan ng pagsunod sa isang malawakang kodigo ng kautusan na ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni Moises. (Exodo 19:5, 6) Di-tulad ng ibang pambansang kautusan, ang Kautusan ng Diyos ay masasabing “banal at matuwid at mabuti.”—Roma 7:12.
8 Totoo, ang Babilonikong Kodigo ni Hammurabi, na sinasabing nauna sa Kautusang Mosaiko, ay sumaklaw ng kasindaming mga paksa. Ang ilan sa mga alituntunin nito, tulad baga ng kautusan na ‘mata-sa-mata,’ o talion, ay nahahawig sa mga simulaing Mosaiko. Kaya sinasabi ng mga kritiko na hiniram lamang ni Moises sa kodigo ni Hammurabi ang kaniyang mga kautusan. Subalit, ang kodigo ni Hammurabi ay walang gaanong ginawa kundi purihin si Hammurabi at magsilbi sa kaniyang pulitikal na mga kapakanan. Ang Kautusan ng Diyos ay ibinigay sa Israel ‘ukol sa kanilang ikabubuti sa tuwina, upang sila’y manatiling buháy.’ (Deuteronomio 6:24) Kakaunti rin ang ebidensiya na ang kautusan ni Hammurabi ay legal na nagkabisa sa Babilonya, nagsilbing medyo mahigit lamang kaysa “legal na tulong para sa mga taong naghahanap ng payo.” (The New Encyclopædia Britannica, edisyon ng 1985, Tomo 21, pahina 921) Datapuwat, ang Kautusang Mosaiko ay may bisa at may taglay na makatarungang mga parusa para sa di-sumusunod. Sa katapus-tapusan, ang kodigo ni Hammurabi ay nakapokus sa kung paano makikitungo sa mga manggagawa ng masama; mayroon lamang 5 sa 280 mga kautusan nito ang mga tuwirang pagbabawal. Ang bisa ng Kautusan ng Diyos, gayunman, ay nasa paghadlang, hindi pagpaparusa, sa gawang masama.
9. Ano ang naging epekto ng Kautusang Mosaiko sa pamumuhay ng mga Judio?
9 Dahilan sa iyon ay ‘banal, matuwid, at mabuti,’ ang Kautusang Mosaiko ay nagkaroon ng matinding epekto sa personal na pamumuhay ng mga Judio. Ito ang nagsaayos ng kanilang pagsamba, naglaan ng mga Sabbath ng pagpapahinga sa kanilang gawain, kumontrol sa ekonomiya ng bansa, bumalangkas ng mga ilang kahilingan tungkol sa pananamit, at nagbigay ng mapapakinabangang patnubay tungkol sa pagkain, sa seksuwal na gawain, at sa mga kaugalian sa kalinisan. Maging ang normal na mga gawain ng mga sangkap ng katawan ay sumailalim ng pagsusuri ng Kautusang Mosaiko.
“Ang Utos ni Jehova ay Malinis”
10. (a) Bakit saklaw ng Kautusan ang napakaraming mga pitak ng buhay? (b) Paano itinaguyod ng Kautusan ang pisikal na kalinisan at ang mabuting kalusugan? (Isali ang talababa.)
10 Ang gayong detalyadong mga regulasyon na sumasaklaw sa araw-araw na pamumuhay ay may matayog na layunin: ang gawing malinis ang mga Israelita—sa pisikal, espirituwal, mental, at moral. Halimbawa, ang mga kautusan na tungkol sa paliligo, pagbabaon ng kanilang dumi, pagkukuwarentenas sa mga may sakit na nakahahawa, at pag-iwas sa mga ibang pagkain ay pawang tumutulong sa ikalulusog at sa pisikal na kalinisan nila.a—Exodo 30:18-20; Levitico, kabanata 11; Lev 13:4, 5, 21, 26; 15:16-18, 21-23; Deuteronomio 23:12-14.
11. Ano ang ibig sabihin ng pagiging marumi sa seremonyal na paraan?
11 Gayunman, ang mabuting kalusugan at kalinisan ay talagang pangalawa lamang sa espirituwal na kalinisan. Kaya ang isa na nakakain ng isa sa ipinagbabawal na pagkain, nakipagtalik, o humipo sa isang bangkay ay ipinapahayag din na marumi sa seremonyal na paraan. (Levitico, kabanata 11, 15; Bilang, kabanata 19) Ang gayong maruming tao ay binabawalan na makibahagi sa pagsamba—sa mga ilang kaso ay pinarurusahan ng kamatayan pagka sumuway! (Levitico 15:31; 22:3-8) Subalit ano ba ang kaugnayan ng gayong mga pagbabawal at ng espirituwal na kalinisan?
12. Paanong ang mga kautusan tungkol sa seremonyal na kalinisan ay tumulong ukol sa pagkakaroon ng espirituwal na kalinisan?
12 Bahagi ng pagsambang pagano ang pagpapatutot, ang pagsamba sa mga patay, at ang walang patumanggang pagsasayá. Subalit ganito ang sabi ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Walang seksuwal na pagtatalik ang pinapayagan bilang isang paraan ng pagsamba kay Yahweh. Lahat ng gayong gawain, samakatuwid, ay gumagawang marumi sa isa. . . . Sa Israel ang mga patay ay binibigyan ng hustong parangal, subalit sa anumang paraan ay hindi sila binibigyan ng di-nararapat na paggalang ni sinasamba man sila . . . Ang pakikihalubilo sa mga kapistahang ginaganap ng mga pagano sa kapaligiran nila, kasali na rito ang pagdaraos ng mga piging, ay imposible para sa isang Israelita, sapagkat ang kanilang pagkain ay marumi.” Ang mga regulasyon ng Kautusan ay nagsilbing isang “pader” na naghihiwalay sa kanila buhat sa karumal-dumal na mga bagay na relihiyoso.—Efeso 2:14.
13. Paanong ang Kautusan ay tumulong ukol sa pagkakaroon ng mental na kalinisan?
13 Ang Kautusan ay tumulong din ukol sa mental na kalinisan ng mga Israelita. Sa pamamagitan ng mga utos tungkol sa pagtatalik ng mag-asawa, halimbawa, ay napataas sa marangal na antas ang kaisipan ng tao. (Levitico 15:16-33) Ang mga Israelita ay natutong magtimpi sa seksuwal na pagtatalik, at di tumulad sa mga Canaaneo na walang pagtitimpi sa mga pita ng laman. Tinuruan pa mandin ng Kautusan ang mga sumusunod dito na magtimpi sa kanilang mga damdamin at mga hangarin, anupa’t kinukondena ang pag-iisíp ng kasakiman.—Exodo 20:17.
14. Paanong ang Kautusan ng Diyos ay natatangi sa pagtulong ukol sa pagkakaroon ng moral na kalinisan?
14 Datapuwat, ang pambihira sa lahat ay ang pagdiriin ng Kautusan sa moral na kalinisan. Totoo, kinondena rin ng kodigo ni Hammurabi ang mga kasamaan na gaya ng pangangalunya. Gayunman, isang artikulo sa The Biblical Archaeologist ang may ganitong puna: “Di-tulad ng mga Babiloniko at ng mga Asirio na ang tingin sa pangangalunya’y isa lamang krimen laban sa mga karapatan ng asawang lalaki bilang may-ari, itinuturing ng mga batas ng Matandang Tipan na ang pangangalunya ay isa ring malubhang kasalanan laban sa moralidad.”
15. (a) Magbigay ng halimbawa kung paanong ang isang Israelita ay kailangang gumawa ng malaking pagsisikap upang makapanatiling malinis. (b) Paano nakinabang ang mga Israelita sa gayong pagsisikap?
15 Anong pagkatotoo nga, kung gayon, ang mga salita ng salmista: “Ang kautusan ni Jehova ay malinis, pinakikinang ang mga mata.” (Awit 19:8) Ipagpalagay natin, kung minsan ang pananatiling malinis ay nangangailangan ng malaking pagsisikap. Ang mga bagong ina, mga ilang linggo lamang pagkapanganak nila, ay kailangang pumunta sa Jerusalem upang dumaan sa mga kaparaanan ng paglilinis. (Levitico 12:1-8; Lucas 2:22-24) Kapuwa ang mga lalaki at mga babae ay kinakailangang maglinis sa seremonyal na paraan pagkatapos na sila’y makipagtalik sa kani-kanilang asawa, pati na rin sa mga iba pang kaugnay na mga kalagayan. (Levitico 15:16, 18; Deuteronomio 23:9-14; 2 Samuel 11:11-13) Kung kanilang maingat na susundin ang Kautusan at sila’y mananatiling malinis, sila’y ‘makikinabang sa ganang sarili’—sa pisikal, mental, moral, at espirituwal. (Isaias 48:17) Isa pa, ang kahalagahan at kaselangan ng pananatiling malinis ay hindi mabubura kundi mapapatanim iyon sa kanilang alaala. Pinakamahalaga, ang gayong taimtim na pagsisikap na manatiling banal ay magtatamo para sa kanila ng pagsang-ayon ng Diyos.
Malinis sa Isang Maruming Sanlibutan
16, 17. (a) Hanggang saan kailangang manatiling malinis ang mga Kristiyano ngayon? (b) Bakit ang pananatiling malinis ay napakahirap ngayon? (c) Paanong ang prominenteng mga tao ay bigo bilang pinaka-huwaran?
16 Lalo nang mapahahalagahan natin ngayon ang mga salita ni Pedro sa mga Kristiyano: “Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong umasal nang ayon sa inyong dating mga pita nang kayo’y wala pang kaalaman, kundi, dahil sa Banal na Siyang tumawag sa inyo, magpakabanal din naman kayo sa lahat ng pitak ng pamumuhay ninyo, sapagkat nasusulat: ‘Kayo’y magpakabanal, sapagkat ako’y banal.’ ”—1 Pedro 1:14-16.
17 Ating aaminin, ito’y hindi madali. Saanman tayo tumingin, makikita natin ang mga taong namihasa na sa mga gawang panlilinlang, pandaraya, seksuwal na imoralidad. Nag-ulat ang The New York Times: “Dumaraming mga Amerikano ang nagsasama na bago pakasal.” Maging ang prominenteng mga tao man ay hindi magagandang halimbawa ang ipinakikita. Ang ilan sa pinakapopular na mga tao sa daigdig ngayon sa larangan ng sports, pulitika, at libangan ay hayagang namihasa sa paggawa ng mga bagay na karumal-dumal. “Ito’y isang malaking kabiguan,” ang hinanakit ng isang mahilig sa sports, na ikaw ay “maniwala sa isa na ginawa mong pinaka-huwaran at pagkatapos ay lumabas na may dungis pala.” Ang problema? Ilang popular na mga manlalaro ang umamin na sila’y mga biktima ng pag-aabuso sa droga. Anong dalas nga na ang mga taong kinikilalang mga idolo ay may imoral na mga pamumuhay, oo, mga nakapandidiring pamumuhay pa nga, bilang mga mangangalunya, mapakiapid, homoseksuwal, tomboy, magnanakaw, mangingikil, at mga sugapa sa droga! Baka sa tingin, sa pisikal sila ay malilinis, subalit ang kanilang mga bibig ay punô ng pangit at malalaswang pananalita. Baka ikinatutuwa pa nila ang hayagang paglabag sa mga simulain ng pagkadisente, at ipinagmamalaki pa ang kanilang mga gawang imoral.
18. Paanong marami sa may maruming pamumuhay ang ‘umaani ng kanilang itinanim’?
18 Datapuwat, ang mga salita ng Bibliya ay hindi madaling iwaksi: “Ang Diyos ay hindi napabibiro. [“Hindi mo matutuya ang Diyos.”—Byington] Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya; sapagkat ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman.” (Galacia 6:7, 8) Ang kadalasa’y ibinubunga ng masamang pamumuhay ay sakit, o dili kaya’y maagang kamatayan buhat sa mga sakit na gaya ng sipilis, gonorya, at AIDS, bilang ilan lamang sa mga laganap ngayon. Ang pagkasira ng mental at emosyonal na katinuan, panlulumo, at pagpapatiwakal ang kung minsan ay ibinubunga ng pamumuhay na walang disiplina sa moral. Kaya’t samantalang yaong mga namimihasa sa mga gawang imoral ay marahil tumutuya sa mga taong nagsisikap na manatiling malinis, ang kanilang pagtatawa ay napapahinto pagka ang mga manlilibak ay ‘nag-aani na ng kanilang inihasik.’—Ihambing ang Roma 1:24-27.
19, 20. Paano pinatunayan ng klero ng Sangkakristiyanuhan na sila’y marungis sa kanilang pagsamba at moral?
19 Tayo’y namumuhay rin sa isang sanlibutan na pinarumi ng marungis na relihiyon. Ang mga klerigo ay marahil nakasuot ng magagandang damit na malilinis, subalit sila’y nagtuturo ng mga gawain at mga aral na marurumi at maka-Babilonya, tulad baga ng idolatriya, ng Trinidad, impierno ng apoy, pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, at purgatoryo. Sila’y katulad ng mga lider ng relihiyon na pinagsabihan ni Jesus: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat tulad kayo ng mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwat sa loob ay punô ng mga buto ng mga patay na tao at ng lahat ng karumal-dumal. Gayundin naman kayo, sa labas ay nag-aanyong matuwid sa harap ng mga tao, datapuwat sa loob ay punô kayo ng pagpapaimbabaw at katampalasan.”—Mateo 23:27, 28.
20 Pinalalampas mandin ng klero ang karumal-dumal na mga bagay sa kanilang kawan. Mga taong kilala bilang imoral at karumal-dumal—mga namihasa sa gawang pakikiapid, pangangalunya, homoseksuwalidad—ang pinapayagang manatili na nasa mabuting katayuan. Sa puntong ito, ang Newsweek ay nag-uulat: “Ang taga-Maryland na sikologong si Richard Sipe, isang dating pari, ay nagsasabi na humigit-kumulang 20 porsiyento ng 57,000 mga paring Katoliko sa E.U. ay mga homoseksuwal . . . Iniisip ng mga ibang terapista na ang totoong bilang sa ngayon ay baka malapit na sa 40 porsiyento.” Ang homoseksuwalidad ay hayagang ipinagmamatuwid ng teologong Katoliko na si John J. McNeill (inaaming isang homoseksuwal): “Ang pag-iibigan ng dalawang tomboy o dalawang bakla, kung ipagpapalagay na ito’y isang nakabubuting makataong pag-ibig, ay hindi makasalanan at hindi rin inilalayo nito sa plano ng Diyos ang mga magsing-ibig, kundi maaaring ito’y maging isang banal na pag-ibig.”—The Christian Century.
21. Paanong ang tagapagpaalaalang “Kabanalan kay Jehova” ay angkop sa atin ngayon?
21 Ang tagapagpaalaalang hantad ang pagkalagay sa mitra ng mataas na saserdote ay samakatuwid lalong angkop ngayon higit kailanman: “Kabanalan kay Jehova.” (Exodo 28:36) Kahilingan ni Jehova, oo, utos niya, na tayo’y manatiling malinis sa lahat ng paraan! Subalit paano nga ba magagawa ito ng isa? Anong mga pitak ng pamumuhay ang mangangailangan ng pantanging pansin? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mga katanungang ito.
[Talababa]
a Ang kautusan ni Hammurabi ay walang gayong mga probisyon; hindi rin nakatuklas ng nahahawig na kodigo ng kalinisan sa gitna ng sinaunang mga Ehipsiyo, bagama’t sila’y may masulong na uri ng panggagamot kung ihahambing sa iba. Ang sabi ng aklat na Ancient Egypt: “Ang mga engkanto at mga pormula ay saganang nasasalitan [sa Ehipsiyong mga aklat sa panggagamot] ng makatuwirang mga reseta.” Subalit, ang Kautusan ng Diyos ay wala ng gayong makademonyong mga sangkap kundi ito’y naaayon sa siyensiya. Halimbawa, ngayon lamang sa modernong panahon nakita ng mga doktor na kailangang maghugas pagkatapos na humipo ng mga bangkay, isang bagay na iniuutos ng Kautusang Mosaiko libu-libong taon na ngayon ang nakaraan!—Bilang, kabanata 19.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Paanong si Jehova ay “dakila sa kabanalan,” at ano ang kahulugan nito para sa mga sumasamba sa kaniya?
◻ Paanong ang Kautusan ni Moises ay naiiba sa mga batas ng lahat ng mga iba pang bansa?
◻ Paanong ang Kautusang Mosaiko ay tumulong sa pagkakaroon ng pisikal, espirituwal, mental, at moral na kalinisan?
◻ Paanong marami na may maruming pamumuhay ang ‘umaani ng kanilang itinanim’?
[Larawan sa pahina 11]
Ang pagsamba sa karumal-dumal na mga diyos ay humantong sa imbing kalagayan ng mga Canaaneo
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng British Museum, London
[Larawan sa pahina 12]
Ang kautusan ni Hammurabi ay nagdala ng kaayusan sa kaharian at ng kapurihan sa hari, subalit hindi nagdala iyon ng kabanalan sa mga taga-Babilonya
[Credit Line]
Louvre Museum, Paris