Ang Bibliya—Aklat ng Mapananaligang mga Hula, Bahagi 4
Inihula ng Bibliya na ang Kristo ay Pahihirapan at Papatayin
Sa seryeng ito na may walong bahagi, tatalakayin ng “Gumising!” ang isang kahanga-hangang katangian ng Bibliya—ang mga hula nito, o prediksiyon. Tutulungan ka ng mga artikulong ito na masagot ang sumusunod na mga tanong: Ang mga hula ba ng Bibliya ay inimbento lang ng matatalinong tao? O ang mga ito ay nagmula sa Diyos? Inaanyayahan ka naming suriin ang katibayan.
NOONG narito si Jesu-Kristo sa lupa mga 2,000 taon na ang nakararaan, alam niyang daranas siya ng malupit na kamatayan sa kamay ng kaniyang mga kaaway. Bakit alam niya iyon? Dahil pamilyar na pamilyar siya sa mga hula tungkol sa kaniya sa Hebreong Kasulatan, o “Matandang Tipan.” Ang marami sa mga hulang iyon ay isinulat ni propeta Isaias mahigit 700 taon bago pa isinilang si Jesus. Paano natin matitiyak na patiunang isinulat ni Isaias ang mga iyon?
Noong 1947, sa West Bank, isang pastol na Bedouin ang nakakita ng mga balumbon sa isang kuweba sa Qumran, sa hilagang-kanlurang baybayin ng Dagat na Patay. Ang mga balumbong iyon, kasama ang iba pang natagpuan sa katabing mga kuweba, ay tinawag na Dead Sea Scrolls. Kabilang dito ang isang kopya ng buong aklat ni Isaias.a Ang kopyang ito ay tinakdaan ng petsa na mga ikalawang siglo bago ang kapanganakan ni Jesus. Kaya ang isinulat ni Isaias ay talagang hula. Ano ang mga inihula niya tungkol sa paghihirap at kamatayan ng Kristo, o Mesiyas?b Isaalang-alang ang dalawa sa mga hula ni Isaias.
Inihulang Pahihirapan ang Kristo
Hula 1: “Ang aking likod ay iniharap ko sa mga nananakit.”—Isaias 50:6.c
Katuparan: Noong taóng 33 C.E., dinala si Jesus ng kaniyang mga kaaway na Judio sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato para litisin. Nang makita ng gobernador na walang kasalanan si Jesus, gusto niya itong palayain. Pero dahil iginiit ng mga Judio na patayin si Jesus, “naggawad si Pilato ng hatol na ibigay ang kanilang hinihingi” at saka ibinigay si Jesus para ibayubay sa tulos. (Lucas 23:13-24) Pero bago iyon, “kinuha ni Pilato si Jesus at hinagupit siya,” o ipinag-utos niyang hagupitin si Jesus. (Juan 19:1) Gaya ng inihula ni Isaias, hindi man lang nanlaban si Jesus kundi ‘iniharap ang kaniyang likod sa mga nananakit.’
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Pinatutunayan ng kasaysayan na karaniwan nang hinahagupit muna ng mga Romano ang mga kriminal bago sila patayin. Ayon sa isang akda, “ang panghahagupit ay ginagawa gamit ang isang panghagupit na gawa sa makikitid na piraso ng katad na may nakakabit na mga piraso ng tingga o matalas na metal. Ang biktima ay hinuhubaran hanggang baywang . . . at hinahagupit sa likod . . . hanggang sa magkasugat-sugat ang laman. Kung minsa’y namamatay ang biktima.” Pero nakayanan ni Jesus ang pahirap na ito.
Inihulang Papatayin ang Kristo
Hula 2: “Ibinuhos niya ang kaniyang kaluluwa hanggang sa mismong kamatayan.” (Isaias 53:12)d Binanggit din sa Awit 22:16: “Kinubkob ako ng pangkat ng masasamang tao; ang mga kamay ko at paa ay kanilang sinaksak.”—“Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.”
Katuparan: “Pagkatapos na maipahagupit si Jesus, ibinigay [siya ni Pilato] upang maibayubay,” ang sabi sa Marcos 15:15. Sa kaso ng pagbabayubay kay Jesus, ang kaniyang mga kamay at paa ay ipinako sa isang tulos. (Juan 20:25) Pagkaraan ng ilang oras, “humiyaw si Jesus ng isang malakas na sigaw at nalagutan ng hininga.”—Marcos 15:37.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Bagaman walang gaanong sinasabi ang mga sekular na ulat kung paano namatay si Jesus, ang kilaláng Romanong istoryador na si Tacitus, na isinilang noong mga 55 C.E., ay sumulat na “si Christus, na pinagmulan ng pangalang [Kristiyano], ay dumanas ng pinakamatinding parusa sa panahon ng paghahari ni Tiberio sa mga kamay ng isa sa ating mga prokurador, si Poncio Pilato.”e Ang isinulat ni Tacitus ay lubos na kaayon ng mga ulat ng Ebanghelyo, na bumabanggit din kina Tiberio Cesar, Poncio Pilato, at sa iba pang mga opisyal.—Lucas 3:1; 23:1-33; Juan 19:1-24.
Pinatutunayan din ng kasaysayan na ibinabayubay ng mga Romano ang mga alipin at ang mga itinuturing nilang kasuklam-suklam na kriminal. Kung minsan, itinatali nila sa tulos ang mga biktima. Kung minsan naman, ipinapako nila ang mga ito. “Ang mga pako ay ibinabaon sa mga kamay at paa,” ang sabi ng isang akda, “at ang biktima ay iniiwang nakabitin at naghihirap,” anupat dumaranas ng “napakatinding uhaw, at di-mailarawang kirot.”
Gaya ng binanggit sa pasimula, patiunang alam ni Jesus na daranas siya ng malupit na kamatayan. Kaya naman nang papalapit na ang kaniyang kamatayan, sinabi ng matapang na taong ito sa kaniyang tapat na mga tagasunod: “Paahon tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga punong saserdote at mga eskriba, at hahatulan nila siya ng kamatayan, at ibibigay siya sa mga tao ng mga bansa upang gawing katatawanan at upang hagupitin at upang ibayubay.” (Mateo 20:18, 19) Pero gaya ng tanong ng ilan, bakit kailangang mamatay si Jesus? Ang sagot sa tanong na iyan ay nagsasangkot sa ating lahat, at ito’y kaugnay ng pinakamagandang balita na puwede nating marinig!
‘Siniil Dahil sa Ating mga Kamalian’
Dahil hindi tayo sakdal, madalas tayong makagawa ng mali. Tinatawag ito sa Bibliya na kasalanan. Ang kasalanan ay parang mga buhanging pumasok sa makina ng sasakyan. Di-magtatagal, sisirain nito ang makina hanggang sa hindi na umandar. Sa katulad na paraan, dahil sa kasalanan, tayo’y tumatanda, nagkakasakit, at namamatay. “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” ang sabi sa Roma 6:23. Gayunman, dahil sa kamatayan ni Kristo, posibleng makalaya tayo sa miserableng kalagayang ito. Paano? Sa isa pang kamangha-manghang hula, isinulat ni Isaias na ang Kristo ay mamamatay ‘dahil sa ating pagsalansang,’ o ‘sisiilin dahil sa ating mga kamalian,’ at ‘dahil sa kaniyang mga sugat ay nagkaroon ng pagpapagaling para sa atin.’f—Isaias 53:5.
Ipinaaalaala sa atin ng hula ni Isaias ang sinabi ni Jesus sa Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Paano ka magkakaroon ng pananampalataya kay Jesus? Pag-aralan ang tungkol sa kaniya. Sinabi ni Jesus sa panalangin: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang mahalagang kaalamang iyan ay nasa Bibliya.—2 Timoteo 3:16.
Siyempre pa, gusto ni Jesus na magtamo ng buhay na walang hanggan ang pinakamaraming tao hangga’t maaari. Kaya naman nang malapit na siyang mamatay, binigkas niya ang kamangha-manghang hulang ito: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian [gobyerno ng Diyos, na maglalaan ng mga pagpapala salig sa hain ni Kristo] ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Gaya ng tatalakayin sa susunod na dalawang artikulo ng seryeng ito, ang hulang iyan ay kitang-kitang natutupad din.
[Mga talababa]
a Ang kaisa-isang kumpletong balumbon ay ang buong aklat ni Isaias. Ang iba pang mga balumbon ay pira-piraso lang.
b Para sa iba pang mga hula sa Bibliya na nagpapakilala sa Mesiyas, tingnan ang Hulyo 2012 ng Gumising!
c Ipinakikita ng konteksto na ang “ko” sa hulang ito ay tumutukoy sa Kristo. Halimbawa, sinasabi sa talata 8: “Ang Isa [Diyos] na nag-aaring matuwid sa akin [Jesu-Kristo] ay malapit.” Noong narito sa lupa si Jesus, siya lamang ang matuwid, o walang kasalanan, sa paningin ng Diyos.—Roma 3:23; 1 Pedro 2:21, 22.
d Inihula sa Isaias 52:13–53:12 ang maraming detalye tungkol sa Mesiyas. Halimbawa, sinasabi sa Isaias 53:7: “Siya ay dinalang tulad ng isang tupa patungo sa patayan . . . Hindi rin niya ibinubuka ang kaniyang bibig.” Sinasabi naman sa talata 10 na ibinigay niya ang kaniyang kaluluwa “bilang handog ukol sa pagkakasala.”
e Binabanggit din ng ibang sinaunang mananalaysay ang tungkol kay Kristo. Kabilang dito ang kilaláng Romanong istoryador na si Suetonius (unang siglo); si Pliny na Nakababata, na gobernador ng Bitinia (maagang bahagi ng ikalawang siglo); at ang Judiong istoryador na si Josephus (unang siglo), na tumukoy kay “Santiago, na kapatid ni Jesus na tinatawag na Kristo.”
f Si Jesus ay ‘hindi nakagawa ng kasalanan’ kung kaya hindi siya dapat mamatay. (1 Pedro 2:22) Pero ibinigay niya ang kaniyang buhay bilang pambayad para matubos tayo sa kasalanan at kamatayan. Kaya ang kamatayan ni Jesus ay tinatawag na “pantubos.” (Mateo 20:28) Para sa higit pang impormasyon sa paksang ito, tingnan ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? sa Web site na www.jw.org.
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
INILARAWAN ANG SAKRIPISYONG KAMATAYAN NI KRISTO
Ang Kautusan ng Diyos sa bansang Israel ay naglalaman ng mga tuntunin na nagsilbing larawan, o modelo, ng mga bagay na gagawin ng Mesiyas. Halimbawa, kapag ang isang Israelita ay nagkasala, o lumabag sa utos ng Diyos, dapat siyang maghandog ng isang malusog na hayop. (Levitico 17:11; 22:21) Lubusan bang nakapag-aalis ng kasalanan ang mga haing hayop? Hindi. (Hebreo 10:4) Ang mga ito ay lumarawan lang sa hain na maaaring magtakip sa kasalanan—ang hain ng “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29; Hebreo 10:1, 5-10) Ang lahat ng nananampalataya sa makasagisag na Kordero, si Jesu-Kristo, ay may pag-asang mabuhay nang walang hanggan.—Juan 6:40.