Ayon kay Juan
19 Pagkatapos, iniutos ni Pilato na hagupitin si Jesus.+ 2 At gumawa ang mga sundalo ng koronang tinik at inilagay iyon sa ulo niya at sinuotan siya ng purpurang* damit,+ 3 at lumalapit sila sa kaniya at sinasabi nila: “Magandang araw, Hari ng mga Judio!” Pinagsasampal din nila siya.+ 4 Muling lumabas si Pilato, at sinabi niya: “Tingnan ninyo! Inihaharap ko siya sa inyo para malaman ninyo na wala akong makitang dahilan para hatulan siya.”*+ 5 Lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at ang purpurang damit. Sinabi ni Pilato sa kanila: “Narito ang tao!” 6 Pero nang makita siya ng mga punong saserdote at mga guwardiya, sumigaw sila: “Ibayubay* siya sa tulos! Ibayubay siya sa tulos!”+ Sinabi ni Pilato: “Kunin ninyo siya at kayo ang pumatay sa kaniya dahil wala akong makitang dahilan para hatulan siya.”*+ 7 Sumagot ang mga Judio: “May kautusan kami, at ayon sa kautusan,+ dapat siyang mamatay dahil inaangkin niyang anak siya ng Diyos.”+
8 Nang marinig ni Pilato ang sinabi nila, lalo siyang natakot, 9 at pumasok siyang muli sa bahay ng gobernador at sinabi niya kay Jesus: “Saan ka nagmula?” Pero hindi siya sinagot ni Jesus.+ 10 Kaya sinabi ni Pilato: “Hindi ka ba sasagot? Hindi mo ba alam na may awtoridad akong palayain ka o patayin ka?”* 11 Sumagot si Jesus: “Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng awtoridad, wala ka sanang awtoridad sa akin.+ Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagbigay sa akin sa kamay mo.”
12 Dahil dito, patuloy na naghanap si Pilato ng paraan para mapalaya siya. Pero sumigaw ang mga Judio: “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ni Cesar. Ang sinuman na ginagawang hari ang sarili niya ay nagsasalita laban* kay Cesar.”+ 13 Kaya pagkarinig ni Pilato sa sinabi nila, inilabas niya si Jesus, at umupo siya sa luklukan ng paghatol sa lugar na tinatawag na Latag ng Bato, pero sa Hebreo ay Gabata. 14 Noon ay araw ng Paghahanda+ sa Paskuwa, mga ikaanim na oras. Sinabi niya sa mga Judio: “Tingnan ninyo! Ang inyong hari!” 15 Pero sumigaw sila: “Patayin siya! Patayin siya! Ibayubay siya sa tulos!” Sinabi ni Pilato: “Papatayin ko ba ang hari ninyo?” Sumagot ang mga punong saserdote: “Wala kaming ibang hari kundi si Cesar.” 16 Pagkatapos, ibinigay niya si Jesus sa kanila para ibayubay sa tulos.+
Kaya kinuha nila si Jesus. 17 Habang pasan ang pahirapang tulos, lumabas si Jesus papunta sa lugar na tinatawag na Golgota sa Hebreo, na ang ibig sabihin ay Bungo.+ 18 Doon nila siya ipinako sa tulos+ kasama ang dalawa pang lalaki, ang bawat isa sa magkabilang panig ni Jesus.+ 19 Isinulat din ni Pilato ang ganitong mga salita at ipinalagay sa pahirapang tulos: “Si Jesus na Nazareno, ang Hari ng mga Judio.”+ 20 Maraming Judio ang nakabasa nito, dahil malapit sa lunsod ang lugar kung saan ipinako si Jesus sa tulos, at nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin, at Griego. 21 Pero sinabi ng mga punong saserdote ng mga Judio kay Pilato: “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi isulat mo na sinabi niya, ‘Ako ay Hari ng mga Judio.’” 22 Sumagot si Pilato: “Kapag naisulat ko na, naisulat ko na.”
23 Nang si Jesus ay maipako na ng mga sundalo sa tulos, kinuha nila ang balabal niya at hinati sa apat, isa sa bawat sundalo. Kinuha rin nila ang damit niya. Pero wala itong dugtungan at hinabi mula sa itaas hanggang sa ibaba. 24 Kaya sinabi nila sa isa’t isa: “Huwag natin itong punitin, kundi magpalabunutan tayo para malaman kung kanino ito mapupunta.”+ Nangyari ito para matupad ang nasa Kasulatan: “Pinaghati-hatian nila ang damit ko, at pinagpalabunutan nila ang kasuotan ko.”+ Gayon nga ang ginawa ng mga sundalo.
25 Sa tabi ng pahirapang tulos* ni Jesus ay nakatayo ang kaniyang ina+ at ang kapatid na babae nito, gayundin si Maria na asawa ni Clopas at si Maria Magdalena.+ 26 Kaya nang makita ni Jesus ang kaniyang ina at ang minamahal niyang alagad+ na nakatayo sa malapit, sinabi niya sa kaniyang ina: “Tingnan mo!* Ang iyong anak!” 27 At sinabi niya sa alagad: “Tingnan mo! Ang iyong ina!” Mula noon, kinupkop na ng alagad sa sarili niyang tahanan ang ina ni Jesus.
28 Pagkatapos nito, nakita ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya para matupad ang nasa Kasulatan, sinabi niya: “Nauuhaw ako.”+ 29 May isang lalagyan doon na punô ng maasim na alak. Kaya naglagay sila ng espongha na punô ng maasim na alak sa isang tangkay ng isopo at inilapit iyon sa bibig niya.+ 30 Pagkatapos matikman ang maasim na alak, sinabi ni Jesus: “Naganap na!”+ Pagyuko niya, nalagutan siya ng hininga.+
31 Dahil araw noon ng Paghahanda,+ hiniling ng mga Judio kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakabayubay at ibaba ang mga katawan nito para hindi manatili ang mga ito sa pahirapang tulos+ sa Sabbath (dahil espesyal ang araw ng Sabbath na iyon).+ 32 Kaya pumunta ang mga sundalo at binali ang mga binti ng dalawang lalaking ibinayubay kasama ni Jesus. 33 Pero paglapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang mga binti niya. 34 Pero sinaksak ng sibat ng isa sa mga sundalo ang tagiliran ni Jesus,+ at agad na lumabas ang dugo at tubig. 35 Ang mga ito ay pinatotohanan ng taong nakakita nito, at tunay ang patotoo niya. Alam niya na totoo ang sinasabi niya, at sinabi niya ang mga ito para maniwala rin kayo.+ 36 Sa katunayan, nangyari ang mga ito para matupad ang kasulatan: “Walang isa mang buto niya ang mababali.”*+ 37 At sinasabi pa sa ibang kasulatan: “Titingin sila sa sinaksak nila.”+
38 Pagkatapos, si Jose ng Arimatea ay humingi ng pahintulot kay Pilato na makuha ang katawan ni Jesus. Alagad siya ni Jesus, pero inilihim niya ito dahil sa takot sa mga Judio.+ Pinahintulutan siya ni Pilato kaya pumunta siya at kinuha niya ang katawan ni Jesus.+ 39 Dumating din si Nicodemo,+ ang lalaking pumunta noon kay Jesus nang gabi. May dala siyang pinaghalong mira at aloe na mga 100 libra ang bigat.+ 40 Kaya kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga telang lino na may mababangong sangkap,*+ ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.+ 41 Nagkataong may hardin sa lugar kung saan siya pinatay,* at sa harding iyon ay may bagong libingan+ na wala pang naililibing. 42 Dahil araw iyon ng Paghahanda+ ng mga Judio at malapit lang ang libingan, doon nila inilibing si Jesus.