Mga Kabataan—‘Patuloy na Gumawa Ukol sa Inyong Sariling Kaligtasan’
“Kung paanong kayo ay laging sumusunod, . . . patuloy kayong gumawa ukol sa inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.”—FIL. 2:12.
1. Bakit napakahalagang hakbang ang pagpapabautismo? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
BAWAT taon, libo-libong inaaralan sa Bibliya ang nababautismuhan. Marami sa mga ito ay kabataan—mga tin-edyer o mas bata pa. Baka ang ilan sa kanila ay pinalaki sa katotohanan. Isa ka ba sa kanila? Kung oo, dapat kang papurihan. Ang pagpapabautismo ay kahilingan para sa mga Kristiyano, at mahalagang hakbang ito para sa kaligtasan.—Mat. 28:19, 20; 1 Ped. 3:21.
2. Bakit hindi dapat iwasan o katakutan ang pag-aalay kay Jehova?
2 Dahil sa bautismo, marami kang tatanggaping pagpapala, pero may kasama rin itong responsibilidad. Bakit? Noong araw ng iyong bautismo, sumagot ka ng oo sa tanong na, “Salig sa hain ni Jesu-Kristo, pinagsisihan mo na ba ang iyong mga kasalanan at inialay ang iyong sarili kay Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban?” Ang bautismo ay sagisag ng iyong pag-aalay. Ito ay taimtim na pangakong iibigin mo si Jehova at uunahin ang kaniyang kalooban kaysa sa ibang bagay. Seryosong pangako iyan. Dapat mo bang pagsisihan ito? Siyempre hindi! Kahit kailan, hindi maling ialay ang buhay kay Jehova. Pag-isipan ito: Ang isang taong hiwalay kay Jehova ay nasa ilalim ng pamamahala ni Satanas. Ayaw ng Diyablo na maligtas ka. Matutuwa pa nga siya kung kakampi ka sa kaniya at maiwala mo ang pag-asang buhay na walang hanggan dahil tinanggihan mo ang soberanya ni Jehova.
3. Ano ang mga pagpapala ng pag-aalay ng iyong sarili kay Jehova?
3 Sa halip na kumampi kay Satanas, pag-isipan ang mga pagpapalang tinatanggap mo bilang isang nakaalay at bautisadong Kristiyano. Tiyak na masasabi mo: “Si Jehova ay nasa panig ko; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?” (Awit 118:6) Wala nang hihigit na karangalan kaysa sa pagkaalam na nasa panig ka ng Diyos at sinasang-ayunan ka niya.
ISANG PERSONAL NA PANANAGUTAN
4, 5. (a) Paano masasabing personal na pananagutan ang pag-aalay? (b) Anong mga pagsubok ang napapaharap sa lahat ng Kristiyano, anuman ang kanilang edad?
4 Bilang bautisadong Kristiyano, ang iyong kaugnayan kay Jehova ay hindi gaya ng isang cellphone ‘family plan’ na binabayaran ng mga magulang mo. Sa halip, ikaw ang responsable sa iyong sariling kaligtasan—kahit nasa iisang bubong lang kayo. Bakit mahalagang tandaan iyan? Dahil hindi mo alam kung anong mga hamon ang darating sa iyo sa hinaharap. Halimbawa, baka nabautismuhan ka bago magtin-edyer. Pero ngayong tin-edyer ka na, mayroon kang bagong mga nararamdaman at hamon. Ganito ang sabi ng isang 18-anyos na dalaga: “Hindi naman magtatampo ang isang batang Saksi ni Jehova dahil lang sa hindi siya nabigyan ng birthday cake sa school. Pero pagkalipas lang ng ilang taon, kapag malakas na ang pagnanasang makipag-sex, kailangang kumbinsidong-kumbinsido siya na ang pagsunod sa mga batas ni Jehova ang laging pinakamagandang gawin.”
5 Siyempre pa, hindi lang mga kabataan ang napapaharap sa bagong mga pagsubok. Kahit mga bautisadong adulto ay napapaharap din sa di-inaasahang mga pagsubok sa pananampalataya. Baka may kinalaman ito sa pag-aasawa, kalusugan, o trabaho. Oo, anuman ang edad natin, mapapaharap tayo sa mga sitwasyon na kailangan nating ipakita ang katapatan kay Jehova.—Sant. 1:12-14.
6. (a) Bakit masasabi na walang kondisyon ang iyong pag-aalay kay Jehova? (b) Ano ang matututuhan mo sa Filipos 4:11-13?
6 Para makapanatiling matapat sa lahat ng pagkakataon, tandaan na walang kondisyon ang iyong pangako kay Jehova. Ibig sabihin, nangako ka na patuloy kang maglilingkod sa Soberano ng uniberso—kahit huminto ang mga magulang at kaibigan mo. (Awit 27:10) Sa lahat ng sitwasyon, tutulungan ka ni Jehova na lakas-loob na mamuhay ayon sa iyong pag-aalay.—Basahin ang Filipos 4:11-13.
7. Ano ang ibig sabihin ng paggawa ukol sa iyong sariling kaligtasan “nang may takot at panginginig”?
7 Gusto ni Jehova na maging kaibigan mo siya. Pero para maingatan ang pagkakaibigang iyan, kailangan mong magsikap at gumawa ukol sa iyong sariling kaligtasan. Sa katunayan, sinasabi ng Filipos 2:12: “Patuloy kayong gumawa ukol sa inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.” Ipinakikita nito na kailangan mong alagaan ang pakikipagkaibigan mo kay Jehova at manatiling tapat sa kaniya sa kabila ng mga hamon. Hindi ka puwedeng maging kampante. Tandaan na kahit ang ilang matagal nang lingkod ng Diyos ay napariwara. Kaya ano ang puwede mong gawin para makagawa ka ukol sa iyong sariling kaligtasan?
IMPORTANTE ANG PAG-AARAL NG BIBLIYA
8. Ano ang kasama sa personal na pag-aaral, at bakit ito importante?
8 Para maging kaibigan ni Jehova, kailangan ang komunikasyon—pakikinig at pagsasalita. Ang pangunahing paraan ng pakikinig kay Jehova ay sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Bibliya. Kasama rito ang pagkuha ng kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos at mga publikasyong salig sa Bibliya. Habang ginagawa mo iyan, tandaan na ang pag-aaral ng Bibliya ay hindi gaya ng pag-aaral para sa isang exam sa school, kung saan nagsasaulo ka ng impormasyon para lang makapasa. Ang mabungang pag-aaral ay parang paglalakbay, kung saan marami kang natutuklasan at natututuhang bagong bagay tungkol kay Jehova. Tutulong ito sa iyo na mapalapít sa Diyos, at pagkatapos, lalapit din siya sa iyo.—Sant. 4:8.
9. Anong mga pantulong ang nagamit mo na sa iyong personal na pag-aaral?
9 Naglaan ang organisasyon ni Jehova ng mga pantulong para sa mabungang pag-aaral. Halimbawa, ang “Activity Para sa Pag-aaral ng Bibliya” na makikita sa seksiyong “Tin-edyer” sa jw.org/tl ay tutulong sa iyo na matuto ng praktikal na mga aral mula sa mga pangyayari sa Bibliya. Ang mga gabay sa pag-aaral na “Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?” na makikita rin sa jw.org/tl ay tutulong sa iyo na magkaroon ng pananampalataya sa iyong mga paniniwala. Gamit ang mga ito, maipaliliwanag mo ang iyong paniniwala sa iba. May iba pang mungkahi para sa pag-aaral na makikita sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Gagawing Kawili-wili ang Pagbabasa ng Bibliya?” sa Abril 2009 na isyu ng Gumising! Mahalaga ang pag-aaral at pagbubulay-bulay para makagawa ka ukol sa iyong sariling kaligtasan.—Basahin ang Awit 119:105.
MAHALAGA ANG PANALANGIN
10. Bakit mahalaga ang panalangin para sa mga bautisadong Kristiyano?
10 Kung ang personal na pag-aaral ay paraan para makinig kay Jehova, ang panalangin naman ay paraan ng pakikipag-usap natin sa kaniya. Para sa mga Kristiyano, ang panalangin ay hindi isang ritwal; hindi rin ito ‘pampasuwerte’ para magtagumpay sa isang gawain. Sa halip, ang panalangin ay pakikipag-usap sa ating Maylikha. Gusto kang pakinggan ni Jehova. (Basahin ang Filipos 4:6.) Kapag nababalisa, sundin ang payo ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova.” (Awit 55:22) Naniniwala ka ba diyan? Milyon-milyong kapatid ang magsasabi sa iyo na nakatulong iyan sa kanila. Makatutulong din iyan sa iyo!
11. Bakit dapat kang magpasalamat kay Jehova palagi?
11 Pero hindi lang tayo nananalangin para humingi ng tulong kay Jehova. Sinasabi ng Bibliya: “Ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat.” (Col. 3:15) Kung minsan, dahil sa dami ng problema, nakakaligtaan natin ang mga pagpapalang tinatanggap natin. Subukan ito: Araw-araw, mag-isip ng kahit tatlong bagay na ipinagpapasalamat mo, at sabihin iyon kay Jehova sa panalangin. Si Abigail, isang tin-edyer na nabautismuhan sa edad na 12, ay nagsabi: “Sa tingin ko, si Jehova ang dapat nating pasalamatan higit kaninuman. Sa bawat pagkakataon, magpasalamat tayo para sa mga regalong ibinigay niya sa atin. Minsan, may narinig akong magandang paalaala: Paano kaya kung pagkagising natin bukas, ang ibibigay lang ni Jehova ay ang mga bagay na ipinagpasalamat natin ngayon?”a
KAILANGAN ANG PERSONAL NA KARANASAN
12, 13. Paano mo personal na natikman ang kabutihan ni Jehova, at bakit mahalagang pag-isipan ito?
12 Si Haring David ay iniligtas mula sa maraming napakahirap na pagsubok. Sa isang awit, sinabi niya: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti; maligaya ang matipunong lalaki na nanganganlong sa kaniya.” (Awit 34:8) Ipinakikita ng tekstong iyan na kailangan nating personal na maranasan ang kabutihan ni Jehova. Kapag nagbabasa ka ng Bibliya at ng ating mga publikasyon at dumadalo sa Kristiyanong pagpupulong, napatitibay ka sa mga karanasan ng iba kung paano sila tinulungan ng Diyos na makapanatiling tapat. Pero habang sumusulong ka sa espirituwal, kailangan mong makita ang pagtulong ni Jehova sa iyong sariling buhay. Paano mo personal na ‘natikman’ ang kabutihan ni Jehova?
13 Natikman ng bawat Kristiyano ang kabutihan ni Jehova sa pamamagitan ng isang espesyal na paraan. Iyan ay nang anyayahan tayong lumapit sa Diyos at sa kaniyang Anak. Sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Totoo ba iyan sa iyo? Baka ikatuwiran ng isang kabataan, ‘Inilapit ni Jehova ang mga magulang ko sa kaniya, at sumunod lang ako.’ Pero nang mag-alay ka kay Jehova at mabautismuhan, nagkaroon ka na ng personal na kaugnayan sa kaniya. Ngayon, talagang kilala ka na niya. Sinasabi ng Bibliya: “Kung iniibig ng sinuman ang Diyos, ang isang ito ay kilala niya.” (1 Cor. 8:3) Laging pahalagahan ang iyong papel sa organisasyon ni Jehova.
14, 15. Paano makatutulong ang ministeryo para tumibay ang iyong pananampalataya?
14 Matitikman mo rin ang kabutihan ni Jehova kapag naranasan mo ang tulong niya habang nangangaral ka sa iba, sa ministeryo man o sa paaralan. Ang ilan ay nahihirapang mangaral sa mga kaeskuwela. Baka naiintindihan mo kung bakit, dahil hindi mo alam kung paano sila tutugon. At baka mas nakatatakot makipag-usap sa isang malaking grupo kaysa sa iisang kaklase lang. Ano ang makatutulong sa iyo?
15 Pag-isipan muna kung bakit ka kumbinsido sa iyong mga paniniwala. Available ba sa inyong wika ang mga gabay sa pag-aaral na nasa jw.org? Kung hindi ka sigurado, maglaan ng panahon para hanapin ang mga iyon. Ang mga ito ay dinisenyo para masuri mo ang mga paniniwala mo, kung bakit mo pinaniniwalaan iyon, at kung paano mo iyon ipaliliwanag sa iba. Kung matibay ang iyong pananampalataya at handa ka, mauudyukan kang magpatotoo tungkol kay Jehova.—Jer. 20:8, 9.
16. Paano mo mapagtatagumpayan ang pag-aatubiling ipakipag-usap ang iyong paniniwala?
16 Pero kahit nakapaghanda ka, baka mag-atubili ka pa ring magsalita tungkol sa iyong paniniwala. Isang 18-anyos na sister, na nabautismuhan sa edad na 13, ang nagsabi, “Alam ko kung ano ang pinaniniwalaan ko, pero kung minsan, hiráp akong sabihin ang nasa isip ko.” Paano niya ito napagtagumpayan? “Sinisikap kong maging natural lang,” ang sabi niya. “Malayang naikukuwento ng mga kaklase ko ang mga ginagawa nila. Dapat ganoon din ako. Kaya, halimbawa, pasimple kong sasabihin, ‘Noong isang araw, nagtuturo ako ng Bibliya, ’tapos . . . ’ Saka ko itutuloy ang talagang ikukuwento ko. Kahit hindi naman direktang tungkol sa Bibliya ang ikinukuwento ko, kadalasan, naku-curious ang ilan at nagtatanong kung ano ang ginagawa ko kapag nagtuturo ng Bibliya. Habang mas ginagamit ko ang paraang ito, mas madali nang makipag-usap sa iba. Ang sarap sa pakiramdam!”
17. Kapag may kumpiyansa ka sa iyong paniniwala, paano ito makatutulong sa pakikipag-usap mo sa iba?
17 Kapag iginagalang mo ang iba at nagmamalasakit ka sa kanila, mas malamang na ganiyan din ang magiging pakikitungo nila sa iyo. “Dati, takót na takót akong isama sa usapan ang tungkol sa Bibliya, dahil baka isipin ng iba na panatiko ako.” Iyan ang nasabi ni Olivia, 17 anyos at nabautismuhan bago siya magtin-edyer. Pero sa halip na magpadaig sa takot, ikinatuwiran ni Olivia: “Maraming kabataan ang walang alam tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Tayo lang ang Saksing kilala nila. Kaya nakadepende sa pagkilos natin kung paano sila tutugon. Paano kung mahiyain tayo o nahihirapang ipaliwanag ang paniniwala natin, at kapag nagsalita naman tayo, naduduwag tayo? Baka isipin nilang ikinahihiya natin kung sino tayo. At dahil wala tayong kumpiyansa, baka masama pa ang maging tugon nila. Pero kung magsasalita tayo nang maayos at may kumpiyansa tungkol sa ating paniniwala, at sasanayin nating makipag-usap sa ganitong paraan, mas malamang na igalang nila tayo.”
PATULOY NA GUMAWA UKOL SA IYONG SARILING KALIGTASAN
18. Ano ang kasama sa paggawa ukol sa iyong sariling kaligtasan?
18 Gaya ng nakita natin, seryosong pananagutan ang paggawa ukol sa iyong sariling kaligtasan. Kasama rito ang pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagbubulay-bulay rito, pananalangin kay Jehova, at pagsasaisip ng mga paraan kung paano ka niya pinagpala. Kung gagawin mo ito, mas magkakaroon ka ng kumpiyansa na si Jehova ang iyong Kaibigan. Tutulong iyan para masabi mo sa iba ang iyong paniniwala.—Basahin ang Awit 73:28.
19. Bakit sulit ang pagsisikap mong gumawa ukol sa iyong kaligtasan?
19 Sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.” (Mat. 16:24) Maliwanag, ang pagiging alagad—kasama ang pag-aalay at bautismo—ay pananagutan mo bilang isang Kristiyano. Pero dahil dito, maaari kang tumanggap ng maraming pagpapala ngayon at ng buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. Kaya marami kang dahilan para patuloy na gumawa ukol sa iyong sariling kaligtasan!
a Para sa iba pang mungkahi, tingnan ang “Tanong ng mga Kabataan—Bakit Kailangan Kong Manalangin?” at ang kasama nitong worksheet sa jw.org/tl.