ARALIN 36
Maging Tapat sa Lahat ng Bagay
Gusto ng lahat na magkaroon ng tapat na kaibigan. Iyan din ang gusto ni Jehova. Pero mahirap maging tapat sa mundong hindi tapat. Ano ang mga pakinabang ng pagiging tapat sa lahat ng bagay?
1. Ano ang pinakamahalagang dahilan kung bakit gusto nating maging tapat?
Kapag tapat tayo sa iba, ipinapakita natin kay Jehova na mahal at nirerespeto natin siya. Pag-isipan ito: Alam ni Jehova ang lahat ng iniisip at ginagawa natin. (Hebreo 4:13) Nakikita niya kung nagiging tapat tayo, at masaya siyang makita iyon. Sinasabi ng Bibliya: “Nasusuklam si Jehova sa mga mapanlinlang, pero ang matuwid ay matalik niyang kaibigan.”—Kawikaan 3:32.
2. Paano tayo magiging tapat sa lahat ng bagay?
Gusto ni Jehova na “magsalita [tayo] ng katotohanan sa isa’t isa.” (Zacarias 8:16, 17) Ano ang ibig sabihin nito? Hindi tayo magsisinungaling o magbibigay ng maling impormasyon sa mga kapamilya natin, katrabaho, kapatid sa kongregasyon, o sa mga opisyal ng gobyerno. Hindi magnanakaw o mandaraya ang isang tapat na tao. (Basahin ang Kawikaan 24:28 at Efeso 4:28.) At magbabayad siya ng mga buwis. (Roma 13:5-7) Ilan lang ito sa mga bagay na magpapakitang ‘gumagawi tayo nang tapat sa lahat ng bagay.’—Hebreo 13:18.
3. Ano ang mga pakinabang ng pagiging tapat?
Kapag kilalá tayong tapat, pagtitiwalaan tayo ng iba. Makakatulong tayo na maging panatag ang mga kapatid sa kongregasyon, gaya ng sa isang pamilya. Magkakaroon tayo ng malinis na konsensiya. Kung tapat tayo, ‘magdudulot ito ng papuri sa turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos,’ at gugustuhin ng iba na kilalanin si Jehova.—Tito 2:10.
PAG-ARALAN
Tingnan kung paano makakaapekto kay Jehova at sa iyo ang pagiging tapat, at kung paano ka magiging tapat sa lahat ng bagay.
4. Napapasaya natin si Jehova kapag tapat tayo
Basahin ang Awit 44:21 at Malakias 3:16. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit maling isipin na may maitatago tayo kay Jehova?
Sa tingin mo, ano ang nararamdaman ni Jehova kapag nagsasabi tayo ng totoo, kahit mahirap itong gawin?
5. Maging tapat sa lahat ng pagkakataon
Iniisip ng marami na hindi laging posible na maging tapat. Pero tingnan kung bakit dapat tayong maging tapat sa lahat ng pagkakataon. Panoorin ang VIDEO.
Basahin ang Hebreo 13:18. Pagkatapos, talakayin kung paano magiging tapat . . .
sa mga kapamilya.
sa trabaho o paaralan.
sa iba pang sitwasyon.
6. Malaki ang nagagawa ng pagiging tapat
Posible kang magkaproblema kapag naging tapat ka. Pero sa paglipas ng panahon, magpapasalamat ka na naging tapat ka. Basahin ang Awit 34:12-16. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang puwedeng maging epekto sa buhay mo ng pagiging tapat?
Titibay ang pagsasama ng mag-asawang tapat sa isa’t isa
Makukuha ng tapat na empleado ang tiwala ng boss niya
Magiging maganda ang reputasyon ng isang tapat na tao sa mga opisyal ng gobyerno
MAY NAGSASABI: “Okey lang namang magsinungaling sa maliliit na bagay.”
Bakit ka naniniwala na ayaw ni Jehova ang pagsisinungaling, maliit man ito, o malaki?
SUMARYO
Gusto ni Jehova na maging tapat ang mga kaibigan niya sa lahat ng sasabihin at gagawin nila.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang ilang paraan para maipakitang tapat tayo?
Bakit maling isipin na puwede nating itago kung ano ang totoo?
Bakit gusto mong maging tapat sa lahat ng pagkakataon?
TINGNAN DIN
Paano tuturuan ng mga magulang ang anak nila na maging tapat?
Bakit magandang tumupad sa mga pangako?
Bakit kailangan nating magbayad ng buwis kahit nagagamit ito sa maling paraan?
“Dapat Ka Bang Magbayad ng Buwis?” (Ang Bantayan, Setyembre 1, 2011)
Ano ang nakatulong sa isang dating di-tapat na tao na baguhin ang buhay niya?
“Natutuhan Ko na Maawain at Mapagpatawad si Jehova” (Ang Bantayan, Mayo 1, 2015)