Magsaya sa Kasal ng Kordero!
“Magsaya tayo at mag-umapaw sa kagalakan . . . sapagkat ang kasal ng Kordero ay dumating na.”—APOC. 19:7.
1, 2. (a) Kaninong kasal ang magdudulot ng kagalakan sa langit? (b) Anong mga tanong ang bumabangon?
KAILANGAN ang panahon para maihanda ang isang kasalan. Pero isang napakaespesyal na kasalan ang bibigyang-pansin natin, isang maharlikang kasalan. Isip-isipin: Mga 2,000 taon na itong inihahanda. At ngayon, malapit nang makaisang-dibdib ng nobyo ang kaniyang nobya. Mapupuno ng masayang musika ang palasyo ng Hari, at aawit ang makalangit na mga pulutong: “Purihin ninyo si Jah, sapagkat si Jehova na ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nagsimulang mamahala bilang hari. Magsaya tayo at mag-umapaw sa kagalakan, at ibigay natin sa kaniya ang kaluwalhatian, sapagkat ang kasal ng Kordero ay dumating na at ang kaniyang asawa ay naghanda na ng kaniyang sarili.”—Apoc. 19:6, 7.
2 Ang “Kordero,” na ang kasal ay magdudulot ng kagalakan sa langit, ay walang iba kundi si Jesu-Kristo. (Juan 1:29) Ano ang isusuot niya sa kasal? Sino ang kaniyang nobya? Paano inihanda ang nobya para sa kasal? Kailan magaganap ang kasalan? Kung magsasaya ang mga nasa langit dahil sa kasalang ito, makikipagsaya rin ba ang mga umaasang mabuhay nang walang hanggan sa lupa? May-pananabik nating alamin ang sagot sa mga ito habang patuloy na sinusuri ang Awit 45.
PINABANGO ANG KANIYANG KASUUTAN
3, 4. (a) Ano ang sinabi tungkol sa kasuutang pangkasal ng Nobyo, at ano ang lalo pang nagpapasaya sa kaniya? (b) Sino ang “malareynang abay” at ang “mga anak na babae ng mga hari” na nakikigalak sa Nobyo?
3 Basahin ang Awit 45:8, 9. Ang Nobyo, si Jesu-Kristo, ay nagbihis ng kaniyang maharlikang kasuutang pangkasal. Angkop lang na humahalimuyak iyon sa “mga pinakapiling pabango,” gaya ng mira at kasia, na kasama sa mga sangkap ng banal na langis na pamahid na ginamit sa Israel.—Ex. 30:23-25.
4 Ang napakagandang musika sa palasyo ay lalo pang nagpapasaya sa Nobyo habang papalapit ang kaniyang kasal. Nakikigalak sa kaniya ang “malareynang abay,” ang makalangit na bahagi ng organisasyon ng Diyos, at kinabibilangan ito ng “mga anak na babae ng mga hari,” na tumutukoy sa banal na mga anghel. Nakapananabik ngang marinig ang mga tinig sa langit na naghahayag: “Magsaya tayo at mag-umapaw sa kagalakan . . . sapagkat ang kasal ng Kordero ay dumating na”!
INIHANDA ANG NOBYA PARA SA KASAL
5. Sino ang “asawa ng Kordero”?
5 Basahin ang Awit 45:10, 11. Nakilala na natin kung sino ang Nobyo, pero sino ang kaniyang nobya? Isa siyang makasagisag na nobya na binubuo ng mga miyembro ng kongregasyong pinangungunahan ni Jesu-Kristo. (Basahin ang Efeso 5:23, 24.) Magiging bahagi sila ng Mesiyanikong Kaharian ni Kristo. (Luc. 12:32) Ang 144,000 Kristiyanong ito na pinahiran ng espiritu ay “patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon.” (Apoc. 14:1-4) Sila ang magiging “asawa ng Kordero,” at maninirahan sila sa langit kasama niya.—Apoc. 21:9; Juan 14:2, 3.
6. Bakit tinawag na “anak na babae ng hari” ang mga pinahiran? Bakit sila tinagubilinang ‘limutin ang kanilang bayan’?
6 Ang nobya ay hindi lang basta tinawag na “anak na babae” kundi “anak na babae ng hari.” (Awit 45:13) Sino ang ‘haring’ ito? Ang mga pinahirang Kristiyano ay inampon bilang “mga anak” ni Jehova. (Roma 8:15-17) Dahil magiging makalangit na nobya sila, ang mga pinahiran ay tinagubilinan: “Limutin mo ang iyong bayan at ang bahay ng iyong ama [sa laman].” Ang kanilang pag-iisip ay dapat nilang panatilihing ‘nakatuon sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa.’—Col. 3:1-4.
7. (a) Paano inihahanda ni Kristo ang kaniyang nobya? (b) Paano kinikilala ng nobya ang kaniyang Nobyo?
7 Sa nakalipas na mga siglo, inihahanda ni Kristo ang kaniyang nobya para sa kasalan sa langit. Ipinaliwanag ni apostol Pablo na “inibig . . . ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito, upang mapabanal niya ito, na nililinis ito sa paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita, upang maiharap niya ang kongregasyon sa kaniyang sarili sa karilagan nito, na walang batik o kulubot o anumang bagay na gayon, kundi upang ito ay maging banal at walang dungis.” (Efe. 5:25-27) Sinabi ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano sa Corinto: “Naninibugho ako may kinalaman sa inyo taglay ang makadiyos na paninibugho, sapagkat personal ko kayong ipinangakong ipakakasal sa isang asawang lalaki upang maiharap ko kayong gaya ng isang malinis na birhen sa Kristo.” (2 Cor. 11:2) Pinahahalagahan ng Nobyong-Hari na si Jesu-Kristo ang espirituwal na “kariktan” ng kaniyang nobya. Kinikilala naman ng nobya si Jesus bilang kaniyang “panginoon” at ‘yumuyukod siya rito’ bilang kaniyang magiging asawa.
‘INIHATID SA HARI’ ANG NOBYA
8. Bakit angkop lang na inilarawan ang nobya bilang “lubos na maluwalhati”?
8 Basahin ang Awit 45:13, 14a. Ang nobya ay iniharap sa maharlikang kasalan bilang “lubos na maluwalhati.” Sa Apocalipsis 21:2, ang nobya ay inihahalintulad sa isang lunsod, ang Bagong Jerusalem, at “nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki.” Taglay ng makalangit na lunsod na ito ang “kaluwalhatian ng Diyos,” at nagniningning itong “tulad ng isang napakahalagang bato, gaya ng batong jaspe na kumikinang na sinlinaw ng kristal.” (Apoc. 21:10, 11) Ang karingalan ng Bagong Jerusalem ay inilalarawan sa aklat ng Apocalipsis. (Apoc. 21:18-21) Hindi nga kataka-takang inilarawan ng salmista ang nobya bilang “lubos na maluwalhati”! Angkop lang iyon dahil sa langit ang kasalan.
9. Sino ang “hari” na pinagdalhan sa nobya, at ano ang suot ng nobya?
9 Ang pinagdalhan sa nobya ay ang Nobyo—ang Mesiyanikong Hari. Matagal na niyang inihahanda ang nobya, “na nililinis ito sa paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita.” Ang nobya ay “banal at walang dungis.” (Efe. 5:26, 27) Dapat ding angkop ang suot ng nobya para sa okasyon. At ganoon nga, dahil “ang kaniyang pananamit ay may mga palamuting ginto,” at ‘ihahatid siya sa hari nang may kasuutang hinabi.’ Para sa kasal ng Kordero, “ipinagkaloob sa [nobya] na magayakan ng maningning, malinis, mainam na lino, sapagkat ang mainam na lino ay kumakatawan sa matuwid na mga gawa ng mga banal.”—Apoc. 19:8.
‘ANG KASAL AY DUMATING NA’
10. Kailan nakatakdang maganap ang kasal ng Kordero?
10 Basahin ang Apocalipsis 19:7. Kailan magaganap ang kasal ng Kordero? Bagaman “ang kaniyang asawa ay naghanda na ng kaniyang sarili” para sa kasal, hindi inilarawan sa sumunod na mga talata ang aktuwal na kasalan. Sa halip, malinaw na inilalarawan doon ang huling bahagi ng malaking kapighatian. (Apoc. 19:11-21) Ibig bang sabihin, magaganap ang kasalan bago lubusin ng Nobyong-Hari ang kaniyang pananaig? Hindi. Ang mga pangitain sa Apocalipsis ay hindi isinulat ayon sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod. Sa Awit 45, ang maharlikang kasalan ay magaganap pagkatapos magbigkis ng kaniyang tabak ang Hari na si Jesu-Kristo at “magtagumpay” sa mga kaaway.—Awit 45:3, 4.
11. Ano ang sunud-sunod na gagawin ni Kristo para lubusin ang kaniyang pananaig?
11 Kaya naman masasabi natin na ganito ang magiging pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari: Una, ilalapat ang hatol sa “dakilang patutot,” ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apoc. 17:1, 5, 16, 17; 19:1, 2) Pagkatapos, ilalapat ni Kristo ang kahatulan ng Diyos sa iba pang bahagi ng sistema ni Satanas sa lupa sa pamamagitan ng pagpuksa rito sa Armagedon, ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apoc. 16:14-16; 19:19-21) Bilang panghuli, lulubusin ng Mandirigmang-Hari ang kaniyang pananaig kapag ibinulid na niya si Satanas at ang mga demonyo sa kalaliman, sa isang tulad-patay na kalagayan.—Apoc. 20:1-3.
12, 13. (a) Kailan magaganap ang kasal ng Kordero? (b) Sa langit, sino ang magsasaya sa kasal ng Kordero?
12 Sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, ang mga pinahirang Kristiyano na mananatiling tapat hanggang kamatayan ay agad na bubuhaying muli sa langit. Pero di-magtatagal pagkatapos mapuksa ang Babilonyang Dakila, titipunin na ni Jesus ang lahat ng natitirang miyembro ng uring nobya. (1 Tes. 4:16, 17) Kaya bago sumiklab ang digmaan ng Armagedon, ang lahat ng miyembro ng “nobya” ay nasa langit na. Pagkatapos ng digmaang iyon, maaari nang maganap ang kasal ng Kordero. Isa ngang napakasayang okasyon! “Maligaya yaong mga inanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero,” ang sabi sa Apocalipsis 19:9. Talagang magiging maligaya ang 144,000 miyembro ng uring nobya. At magiging napakasaya ng Nobyong-Hari kapag ang lahat ng pinahiran ay makasagisag nang ‘kumakain at umiinom sa kaniyang mesa sa kaharian niya.’ (Luc. 22:18, 28-30) Pero hindi lang ang Nobyo at ang kaniyang nobya ang magsasaya sa kasal ng Kordero.
13 Gaya ng nabanggit na, ang makalangit na mga pulutong ay sama-samang aawit: “Magsaya tayo at mag-umapaw sa kagalakan, at ibigay natin sa kaniya [kay Jehova] ang kaluwalhatian, sapagkat ang kasal ng Kordero ay dumating na at ang kaniyang asawa ay naghanda na ng kaniyang sarili.” (Apoc. 19:6, 7) Kumusta naman ang mga lingkod ni Jehova sa lupa? Makikigalak din ba sila?
“IHAHATID SILA NA MAY PAGSASAYA”
14. Gaya ng binanggit sa Awit 45, sino ang ‘mga dalagang kasamahan’ ng nobya?
14 Basahin ang Awit 45:12, 14b, 15. Inihula ni propeta Zacarias na sa panahon ng kawakasan, ang mga tao ng mga bansa ay malugod na sasama sa nalabi ng espirituwal na Israel. Isinulat niya: “Sa mga araw na iyon . . . sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang tatangan, oo, tatangan sila sa laylayan ng lalaki na isang Judio, na sinasabi: ‘Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.’” (Zac. 8:23) Sa Awit 45:12, ang makasagisag na “sampung lalaki” ay tinukoy bilang “anak na babae ng Tiro” at “mayayaman sa bayan.” Nagdadala sila ng mga kaloob sa pinahirang nalabi para magtamo ng pabor at tumanggap ng espirituwal na tulong. Mula noong 1935, pinahintulutan ng milyun-milyon ang mga nalabi na ‘dalhin sila tungo sa katuwiran.’ (Dan. 12:3) Ang tapat na mga kasamahang ito ng mga pinahirang Kristiyano ay naglinis ng kanilang buhay at naging espirituwal na mga dalaga o birhen. Ang ‘mga dalagang kasamahan’ ng nobya ay nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at pinatunayan nilang tapat na mga sakop sila ng Nobyong-Hari.
15. Paano nakikipagtulungan ang ‘mga dalagang kasamahan’ sa mga miyembro ng uring nobya na narito pa sa lupa?
15 Ang nalabi ng uring nobya ay partikular na nagpapasalamat sa kanilang ‘mga dalagang kasamahan’ dahil sa masigasig na pagtulong sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa buong tinatahanang lupa. (Mat. 24:14) Hindi lang ‘ang espiritu at ang kasintahang babae ang patuloy na nagsasabing “Halika!”’ kundi ang mga nakikinig ay nagsasabi ring “Halika!” (Apoc. 22:17) Oo, narinig ng “ibang mga tupa” ang mga miyembro ng pinahirang uring nobya na nagsasabi ng “Halika!” at sumama sila sa pagsasabi ng “Halika!” sa mga naninirahan sa lupa.—Juan 10:16.
16. Anong pribilehiyo ang ipinagkaloob ni Jehova sa ibang mga tupa?
16 Mahal ng mga pinahirang nalabi ang kanilang mga kasamahan, at natutuwa silang malaman na ang ibang mga tupa ay pinagkalooban ni Jehova, ang Ama ng Nobyo, ng pribilehiyong makigalak sa kasal ng Kordero. Inihula na ang ‘mga dalagang kasamahang’ ito ay “ihahatid . . . na may pagsasaya at kagalakan.” Oo, ang ibang mga tupa, na umaasang mabuhay magpakailanman sa lupa, ay makikipagsaya sa buong uniberso kapag naganap na sa langit ang kasal ng Kordero. Angkop lang na binabanggit sa Apocalipsis na ang mga miyembro ng “malaking pulutong” ay “nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” Nag-uukol sila kay Jehova ng sagradong paglilingkod sa makalupang looban ng kaniyang espirituwal na templo.—Apoc. 7:9, 15.
“ANG MAGIGING KAHALILI NG IYONG MGA NINUNO AY ANG IYONG MGA ANAK”
17, 18. Paano magiging mabunga ang kasal ng Kordero? Kanino magiging ama si Kristo sa panahon ng kaniyang Milenyong Paghahari?
17 Basahin ang Awit 45:16. Ang ‘mga dalagang kasamahan’ ng makalangit na nobya ni Kristo ay higit pang magsasaya kapag nakita nilang nagiging mabunga sa bagong sanlibutan ang kasal ng Kordero. Ibabaling ng Nobyong-Hari ang kaniyang pansin sa lupa at bubuhaying muli ang kaniyang makalupang “mga ninuno,” na magiging “mga anak” niya. (Juan 5:25-29; Heb. 11:35) Mula sa kanila, mag-aatas siya ng “mga prinsipe sa buong lupa.” Tiyak na mag-aatas din si Kristo ng mga mangunguna sa bagong sanlibutan mula sa mga tapat na elder sa ngayon.—Isa. 32:1.
18 Sa panahon ng kaniyang Milenyong Paghahari, si Kristo ay magiging ama ng iba pa. Sa katunayan, ang lahat ng naninirahan sa lupa na tatanggap ng buhay na walang hanggan ay magtatamo nito dahil nanampalataya sila sa haing pantubos ni Jesus. (Juan 3:16) Sa gayon, siya ay magiging kanilang “Walang-hanggang Ama.”—Isa. 9:6, 7.
NAPAKIKILOS NA ‘BANGGITIN ANG KANIYANG PANGALAN’
19, 20. Paano nakaaapekto sa lahat ng tunay na Kristiyano sa ngayon ang kapana-panabik na mga pangyayaring binabanggit sa Awit 45?
19 Basahin ang Awit 45:1, 17. Oo, lahat ng Kristiyano ay nasasangkot sa mga pangyayaring nakaulat sa Awit 45. Ang natitirang mga pinahiran sa lupa ay nasasabik nang makapiling sa langit ang kanilang mga kapatid at ang kanilang Nobyo. Ang ibang mga tupa naman ay napakikilos na higit na magpasakop sa kanilang maluwalhating Hari at nagpapasalamat sa pribilehiyong makasama ang natitirang miyembro ng kaniyang nobya sa lupa. Pagkatapos ng kasal, si Kristo at ang kaniyang mga kasamahan sa Kaharian ay maggagawad ng napakaraming pagpapala sa mga naninirahan sa lupa.—Apoc. 7:17; 21:1-4.
20 Habang hinihintay natin ang katuparan ng “mabuting bagay” may kinalaman sa Mesiyanikong Hari, hindi ba tayo napakikilos na ihayag ang kaniyang pangalan? Mapabilang nawa tayo sa mga ‘pupuri sa Hari magpakailan-kailanman.’