Pantubos
Kahulugan: Ang halagang ibinabayad sa layuning tumubos o magpalaya mula sa isang obligasyon o gipit na kalagayan. Ang pinakamahalagang pantubos ay ang itinigis na dugo ni Jesu-Kristo. Sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga ng pantubos na iyon sa langit, binuksan ni Jesus ang daan upang ang mga supling ni Adan ay mailigtas sa kasalanan at kamatayan na minana nating lahat dahil sa kasalanan ng ating ninunong si Adan.
Paanong ang kamatayan ni Jesu-Kristo ay naiiba sa kamatayan ng iba na naging mga martir?
Si Jesus ay isang sakdal na tao. Isinilang siya na walang anomang bahid ng kasalanan at pinanatili niya ang kasakdalang iyon sa buong buhay niya. “Siya’y hindi nagkasala.” Siya’y “walang dungis, nahihiwalay sa mga makasalanan.”—1 Ped. 2:22; Heb. 7:26.
Siya ang bukod-tanging Anak ng Diyos. Ito’y pinatunayan mismo ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasalita mula sa langit. (Mat. 3:17; 17:5) Ang Anak na ito ay dating namuhay sa langit; sa pamamagitan niya pinairal ng Diyos ang lahat ng iba pang mga persona at mga bagay sa buong sansinukob. Upang maganap ang Kaniyang kalooban, makahimalang inilipat ng Diyos ang buhay ng Anak na ito sa bahay-bata ng isang dalaga upang maipanganak siya bilang tao. Bilang pagdidiin sa bagay na siya’y naging isang tunay na tao, tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang Anak ng tao.—Col. 1:15-20; Juan 1:14; Luc. 5:24.
Siya’y hindi walang kapangyarihan nang nasa harap ng mga papatay sa kaniya. Sinabi niya: “Ibinibigay ko ang aking kaluluwa . . . Sinoma’y hindi nag-aalis nito sa akin, kundi kusa kong ibinibigay.” (Juan 10:17, 18) Siya’y tumangging humingi ng tulong sa mga anghelikong hukbo. (Mat. 26:53, 54) Bagama’t pinahintulutan ang mga balakyot na maisakatuparan ang kanilang pakana na siya’y patayin, ang kaniyang kamatayan ay isa pa ring tunay na hain.
Ang kaniyang itinigis na dugo ay may sapat na halaga upang maglaan ng kaligtasan para sa iba. “Ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos sa marami.” (Mar. 10:45) Kaya ang kaniyang kamatayan ay higit pa kaysa basta pagiging martir dahil lamang sa pagtangging ikompromiso ang kaniyang mga paniniwala.
Tingnan din ang mga pahina 239, 240, sa ilalim ng paksang “Memoryal.”
Bakit kailangang ilaan ang pantubos sa gayong paraan upang magkaroon tayo ng walang-hanggang buhay?
Roma 5:12: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan dahil sa kasalanan, kaya’t ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng tao sapagka’t silang lahat ay nagkasala.” (Gaano mang kabuti ang ating pamumuhay, tayong lahat ay isinilang na makasalanan. [Awit 51:5] Walang paraang magagawa sa sariling pagsisikap upang magkaroon ng karapatang mabuhay magpakailanman.)
Roma 6:23: “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.”
Awit 49:6-9: “Silang nagtitiwala sa kanilang tinatangkilik, at naghahambog sa karamihan ng kanilang mga kayamanan, wala sa kaniyang makatutubos sa ano pa mang paraan kahit sa kaniyang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos sa kaniya; (sapagka’t ang katubusan ng kanilang kaluluwa ay napakamahal anupa’t ito’y naglilikat magpakailanman) upang siya’y mabuhay magpakailanman at huwag makakita ng hukay.” (Walang di-sakdal na tao ang makapaglalaan ng sapat na halaga upang tubusin ang iba mula sa kasalanan at kamatayan. Hindi kayang bilhin ng kaniyang salapi ang buhay na walang hanggan, at kahit ibigay niya ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan, yamang ito’y mangyayari din lamang sa kaniya bilang kabayaran ng kasalanan, ito’y hindi rin makatutubos kaninoman.)
Bakit hindi na lamang ipinag-utos ng Diyos na, bagama’t kailangang mamatay sina Adan at Eba dahil sa kanilang paghihimagsik, ang lahat ng kanilang supling na magiging masunurin sa Diyos ay maaaring mabuhay magpakailanman?
Sapagka’t si Jehova ay “umiibig sa katuwiran at katarungan.” (Awit 33:5; Deut. 32:4; Jer. 9:24) Kaya, ang paghaharap niya sa suliranin ay naging kaayon ng kaniyang katuwiran, tumugon sa kahilingan ng ganap na katarungan, at gayon din, nagpatingkad ng kaniyang pag-ibig at kaawaan. Bakit natin masasabi ito?
(1) Sina Adan at Eba ay hindi nagkaanak bago sila nagkasala, kaya walang isinilang na sakdal. Ang lahat ng supling ni Adan ay isinilang sa kasalanan, at ang kasalanan ay humahantong sa kamatayan. Kung ito’y basta ipinagwalang-bahala ni Jehova, magiging pagtanggi ito sa kaniyang sariling matuwid na mga pamantayan. Hindi ito magagawa ng Diyos sapagka’t kung gayon magiging kunsintidor siya ng kalikuan. Hindi niya isinaisang-tabi ang mga kahilingan ng ganap na katarungan; kaya sa bagay na ito ay walang tunay na maipipintas ang sinomang matalinong nilalang.—Roma 3:21-26.
(2) Yamang hindi naman maaaring ipagwalang-bahala ang hinihiling ng katarungan, papaano mapaglalaanan ng kaligtasan yaong mga supling ni Adan na magiging masunurin kay Jehova dahil sa pag-ibig? Kung ang isang sakdal na tao ay mamatay bilang hain, magiging kaayon ng katarungan na ang sakdal na buhay na iyan ay magtatakip ng mga kasalanan niyaong sasampalataya sa paglalaang iyon. Yamang ang kasalanan ng isang tao (si Adan) ang naging sanhi ng kasalanan ng buong sangkatauhan, ang itinigis na dugo ng isa pang sakdal na tao (na siyang ikalawang Adan), palibhasa’y may katumbas na halaga, ay makatutugon sa kahilingan ng timbangan ng katarungan. Sapagka’t si Adan ay kusang nagkasala, siya’y hindi maaaring makinabang dito; subali’t yamang ang parusa sa kasalanan na dapat sanang bayaran ng buong sangkatauhan ay inako ng iba sa ganitong paraan, ang mga supling ni Adan ay maaaring matubos. Nguni’t walang umiiral na gayong sakdal na tao. Kailanma’y hindi matutugunan ng sangkatauhan ang mga kahilingang iyon ng ganap na katarungan. Kaya, bagama’t ito’y malaking sakripisyo sa kaniyang bahagi, si Jehova mismo ang gumawa ng paglalaang ito bilang kapahayagan ng kaniyang kagilagilalas na pag-ibig. (1 Cor. 15:45; 1 Tim. 2:5, 6; Juan 3:16; Roma 5:8) Ang bugtong na Anak ng Diyos ay handang gumawa ng kaniyang bahagi. Matapos niyang buong pagpapakumbabang iwan ang kaniyang makalangit na kaluwalhatian upang maging sakdal na tao, si Jesus ay namatay alang-alang sa sangkatauhan.—Fil. 2:7, 8.
Paglalarawan: Ang isang ulo ng pamilya ay naging kriminal at hinatulan ng kamatayan. Ang kaniyang mga anak ay naiwang naghihikahos at nakabaon sa utang. Ang kanilang mabait na lolo ay tumulong sa kanila, at gumawa ng paglalaan sa pamamagitan ng kaniyang anak na kasama niya sa bahay na bayaran ang kanilang mga utang at bigyan sila ng pagkakataon ukol sa panibagong buhay. Sabihin pa, upang makinabang, kailangang tanggapin ng mga bata ang kaayusang ito, at makatuwirang ipagawa sa kanila ng kanilang lolo ang ilang mga kahilingan bilang katiyakan na hindi gagayahin ng mga bata ang iginawi ng kanilang ama.
Kanino unang ikinapit ang bisa ng hain ni Jesus, at ano ang layunin nito?
Roma 1:16: “Ang mabuting balita [tungkol kay Jesu-Kristo at sa kaniyang papel sa layunin ni Jehova] . . . ang siyang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawa’t sumasampalataya, una’y sa Judio, at gayon din sa Griyego.” (Ang panawagan upang makinabang sa paglalaan ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo ay unang ibinigay sa mga Judio, pagkatapos sa mga di-Judio.)
Efe. 1:11-14: “Kaisa ni [Kristo] tayo rin naman [Mga Judio, kasama rin si apostol Pablo] ay ginawang tagapagmana [Tagapagmana ng ano? Ng makalangit na Kaharian] . . . upang tayo’y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong unang nagsiasa kay Kristo. Nguni’t kayo rin naman [Mga Kristiyanong galing sa bansang Gentil, gaya ng marami sa Efeso] ay nagsiasa sa kaniya pagkarinig ng salita ng katotohanan, ng mabuting balita ng inyong kaligtasan. Sa kaniya rin naman, mula nang kayo’y magsisampalataya, kayo’y tinatakan ng ipinangakong banal na espiritu, na siyang paunang patotoo ng ating mana, sa ikatutubos ng sariling pag-aari ng Diyos, sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.” (Ang manang iyon, gaya ng ipinakikita sa 1 Pedro 1:4, ay nakalaan sa kalangitan. Ipinahihiwatig ng Apocalipsis 14:1-4 na ang mga makikibahagi doon ay may bilang na 144,000. Kasama ni Kristo, sila’y magiging mga hari at saserdote sa sangkatauhan sa loob ng 1,000 taon, na sa panahong iyon maisasakatuparan ang layunin ng Diyos na ang lupa ay gawing isang paraisong tatahanan ng sakdal na mga supling ng unang mag-asawang tao.)
Sino pa sa ating kaarawan ang nakikinabang sa hain ni Jesus?
1 Juan 2:2: “Siya [si Jesu-Kristo] ang haing pampalubag-loob sa ating mga kasalanan [yaong kay apostol Juan at sa iba pang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano], subali’t hindi lamang sa atin, kundi gayon din naman ng sa buong sanlibutan [ang iba sa sangkatauhan na may pagkakataong mabuhay magpakailanman sa lupa].”
Juan 10:16: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, isang pastol.” (Ang “ibang mga tupang” ito ay napapasa ilalim ng pagkalinga ni Jesu-Kristo habang nasa lupa pa ang nalabi ng “munting kawan” ng mga tagapagmana ng Kaharian; kaya maaaring makasama ng “ibang tupa” ang mga tagapagmana ng Kaharian bilang bahagi ng “isang kawan.” Marami sa mga kapakinabangan ng hain ni Jesus ay tinatamasa nilang lahat, nguni’t hindi parehong-pareho, sapagka’t magkaiba ang kanilang pag-asa.)
Apoc. 7:9, 14: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at, narito! ang isang malaking pulutong, na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa’t bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika . . . ‘Ang mga ito’y siyang nagsilabas mula sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit at pinaputi sa dugo ng Kordero.’ ” (Kaya, ang mga kabilang sa malaking pulutong na ito ay nabubuhay sa panahong nagsisimula ang malaking kapighatian, at taglay nila ang isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos dahil sa pananampalataya nila sa pantubos. Ang katuwirang ibinibilang sa kanila dahil dito ay sapat na upang sila’y maingatang buháy sa lupa sa panahon ng malaking kapighatian.)
Anong mga pagpapala ang tatamasahin sa hinaharap dahil sa pantubos?
Apoc. 5:9, 10: “Sila’y nag-aawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi: ‘Ikaw [ang Kordero, si Jesu-Kristo] ang karapatdapat na kumuha ng balumbon at magbukas ng mga tatak nito, sapagka’t ikaw ay pinatay at binili mo sa Diyos ng iyong dugo ang mga tao sa bawa’t angkan at wika at bayan at bansa, at ginawa mo sila upang maging isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at sila’y mangagpupuno bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.’ ” (Napakahalaga ng pantubos sa pagbubukas ng daan tungo sa makalangit na buhay para sa mga maghaharing kasama ni Kristo. Di magtatagal at ang lahat ng mga magpupuno sa bagong pamahalaan ng lupa ay nakaupo na sa kanilang makalangit na mga luklukan.)
Apoc. 7:9, 10: “Narito! ang isang malaking pulutong, na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa’t bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng luklukan at sa harapan ng Kordero [si Jesu-Kristo, na namatay tulad ng isang inihain na kordero], na nangadaramtan ng mapuputing damit; at may mga palma sa kanilang mga kamay. At sila’y nagsisigawan sa malakas na tinig, na nangagsasabi: ‘Kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa luklukan, at sa Kordero.’ ” (Ang pananampalataya sa hain ni Kristo ay isang mahalagang salik sa pagkaligtas ng malaking pulutong na ito sa malaking kapighatian.)
Apoc. 22:1, 2: “At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Diyos at ng Kordero sa gitna ng lansangan niyaon. At sa dako rito ng ilog at sa ibayo nito, naroon ang mga punong-kahoy ng buhay na namumunga ng labindalawang iba’t ibang bunga, na namumunga sa bawa’t buwan. At ang mga dahon ng mga punong-kahoy ay pampagaling sa mga bansa.” (Kaya, ang pagkakapit ng bisa ng hain ng Kordero ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay isang mahalagang bahagi ng paglalaan ng Diyos upang pagalingin ang sangkatauhan mula sa lahat ng bakas ng kasalanan at upang sila’y makapagtamasa ng walang-hanggang buhay.)
Roma 8:21: “Ang buong sangnilalang [sangkatauhan] din naman ay palalayain mula sa pagka-alipin sa kabulukan at magtataglay ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”
Ano ang hinihiling sa atin upang makinabang mula sa sakdal na hain ni Jesus magpakailanman?
Juan 3:36: “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay sumasa kaniya.”
Heb. 5:9: “Nang siya [si Jesu-Kristo] ay mapaging sakdal ay ipinagkatiwala sa kaniya ang walang-hanggang kaligtasan niyaong lahat na nagsisitalima sa kaniya.”
Ang paglalaan ng pantubos ay naghahayag ng anong damdamin ng Diyos sa sangkatauhan?
1 Juan 4:9, 10: “Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin, sapagka’t sinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo’y magtamo ng buhay sa pamamagitan niya. Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo’y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at sinugo ang kaniyang Anak bilang haing pampalubag-loob sa ating mga kasalanan.”
Roma 5:7, 8: “Sapagka’t ang isang tao’y bahagya nang mamatay dahil sa isang taong matuwid; bagama’t dahil sa isang taong mabuti marahil ay may mangangahas mamatay. Datapuwa’t ipinakikita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin, na nang tayo’y mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay dahil sa atin.”
Ang paglalaang ito ay dapat magkaroon ng anong epekto sa ating paraan ng pamumuhay?
1 Ped. 2:24: “Siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa ibabaw ng tulos, upang maiwaksi natin ang kasalanan at mabuhay tayo sa katuwiran.” (Dahil sa lahat ng ginawa ni Jehova at ng kaniyang Anak upang tayo’y linisin sa kasalanan, dapat tayong makipagpunyagi upang mapagtagumpayan ang makasalanang mga hilig natin. Hindi natin dapat man lamang na isipin na sadyang gawin ang anomang bagay na alam natin ay makasalanan!)
Tito 2:13, 14: “Si Kristo Jesus . . . [ay] nagbigay ng kaniyang sarili dahil sa atin upang tayo’y matubos niya sa lahat ng uri ng kasamaan at malinis niya ang isang bayan ukol sa kaniyang sarili, na masikap sa mabubuting gawa.” (Dapat tayong pakilusin ng pagpapahalaga sa kamanghamanghang paglalaang ito upang makibahaging masikap sa gawaing ipinag-utos ni Kristo sa kaniyang tunay na mga tagasunod.)
2 Cor. 5:14, 15: “Ang pag-ibig ni Kristo ang pumipilit sa amin, sapagka’t ganito ang ipinasiya namin, na ang isang tao ay namatay para sa lahat; kung gayo’y lahat ay nangamatay; at siya’y namatay para sa lahat upang ang nangabubuhay ay huwag nang mabuhay pa sa kanilang sarili, kundi doon sa namatay para sa kanila at muling nabuhay.”