Ang Awa ni Jehova ang Nagliligtas sa Atin sa Kawalang-Pag-asa
“Maawa ka sa akin, Oh Diyos, ayon sa iyong kagandahang-loob. Ayon sa karamihan ng iyong malumanay na kaawaan ay pawiin mo ang aking mga pagsalansang.”—AWIT 51:1.
1, 2. Papaano maaaring maapektuhan ng malubhang pagkakasala ang isa sa mga lingkod ni Jehova?
ANG kautusan ni Jehova ay hindi maaaring labagin nang hindi maparurusahan ang lumabag. Anong linaw na makikita iyan kung tayo’y gumawa ng isang malubhang pagkakasala sa Diyos! Bagaman maaaring tayo’y naglingkod kay Jehova nang may katapatan sa loob ng maraming taon, ang paglabag sa kaniyang kautusan ay maaaring maging sanhi ng malaking pagkabalisa o matinding panlulumo. Marahil ay nadarama natin na tayo’y pinabayaan na ni Jehova at hindi na tayo karapat-dapat maglingkod sa kaniya. Ang ating kasalanan ay maaaring waring isang malaking ulap na humaharang sa liwanag ng pabor ng Diyos.
2 Minsan ay nasumpungan ni Haring David ng sinaunang Israel ang kaniyang sarili sa gayong kalagayan. Papaano nga nangyari ang ganito?
Ang mga Maling Hakbang ay Makaaakay Tungo sa Malaking Pagkakasala
3, 4. Ano ang nangyari kay Haring David sa isang panahon ng kaunlaran?
3 Si David ay umiibig sa Diyos ngunit kumuha ng mga maling hakbang na umakay tungo sa malulubhang kasalanan. (Ihambing ang Galacia 6:1.) Ito’y maaaring mangyari sa kaninumang di-sakdal na tao, lalo na kung siya’y may mga taong nasasakupan. Bilang isang mayamang hari, si David ay nagtamasa ng katanyagan at kapangyarihan. Sino ang mangangahas na hamunin siya sa kaniyang salita? May kakayahang mga lalaki ay handang maglingkod sa kaniya nang kusa, at ang mga tao ay may kasabikan sa paggawa ng kaniyang hinihiling sa kanila na gawin. Subalit, si David ay nagkamali dahil sa kaniyang pagpaparami ng asawa at pagbilang sa bayan.—Deuteronomio 17:14-20; 1 Cronica 21:1.
4 Sa panahong ito ng materyal na kaunlaran, si David ay gumawa ng malulubhang pagkakasala sa Diyos at sa mga tao. Aba, ang isang kasalanan ay umakay tungo sa isa pa na gaya ng hinabing mga sinulid ng isang tela na dinisenyo ni Satanas! Samantalang ang kapuwa mga Israelita ay nakikipagbaka sa mga Amonita, buhat sa bubong ng kaniyang bahay ay nagmasid si David sa magandang asawa ni Uriah, si Bath-sheba, sa kaniyang paliligo. Samantalang nasa digmaan si Uriah, ang babae ay ipinadala ng hari sa kaniyang palasyo at nagkasala ng pangangalunya kasama niya. Gunigunihin ang kaniyang pagkabigla nang mabalitaan nang bandang huli na ito’y nagdadalang-tao! Ipinatawag ni David si Uriah, sa pag-asang ito’y magpapalipas ng magdamag sa piling ni Bath-sheba at ang magiging supling ay ituturing na kaniyang sariling anak. Bagaman siya’y nilasing ni David, si Uriah ay tumangging sumiping kay Bath-sheba. Palibhasa ngayon ay nawalan na ng pag-asa, pinadalhan ni David ang punong-hukbo na si Joab ng lihim na pag-uutos na si Uriah ay ilagay sa mga pang-unang hanay na kung saan siya’y tiyak na mamamatay. Si Uriah ay napaslang sa labanan, ang karaniwang panahon ng pamimighati ay ginanap ng kaniyang biyuda, at pinakasalan siya ni David bago nahalata ng mga mamamayan ang kaniyang pagdadalang-tao.—2 Samuel 11:1-27.
5. Ano ang nangyari pagkatapos magkasala si David ng pangangalunya kay Bath-sheba, at ano ang naging epekto sa kaniya ng kaniyang mga kasalanan?
5 Sa pamamagitan ni propeta Nathan, ibinunyag ng Diyos ang mga kasalanan ni David at nagsabi: “Ako’y magtitindig ng kasamaan laban sa iyo na mula sa iyong sariling sambahayan.” Kaya naman, ang sanggol na isinilang ni Bath-sheba ay namatay. (2 Samuel 12:1-23) Ang panganay na anak ni David, si Amnon, ang humalay sa kaniyang sariling kapatid sa ama na si Tamar at pinaslang ng kaniyang kapatid. (2 Samuel 13:1-33) Sinubok ni Absalom na anak ng hari na agawin ang trono at hiyain ang kaniyang ama sa pamamagitan ng pagsiping sa kinakasamang mga babae ni David. (2 Samuel 15:1—16:22) Ang giyera sibil ay natapos sa kamatayan ni Absalom at sa lalo pang maraming kalumbayan para kay David. (2 Samuel 18:1-33) Gayunman, ang mga kasalanan ni David ang umakay sa kaniya upang magpakumbaba at nagpadama sa kaniya ng pangangailangan na manatiling malapit sa kaniyang mahabaging Diyos. Kung tayo’y magkakamali, mapakumbabang magsisi tayo at maging malapít kay Jehova.—Ihambing ang Santiago 4:8.
6. Bakit may lalong malaking kasalanan si Haring David?
6 Ang lalong nagpalaki sa kasalanan ni David ay ang bagay na siya’y isang pinunong Israelita na lubusang may kamalayan sa Kautusan ni Jehova. (Deuteronomio 17:18-20) Siya’y hindi isang faraong Ehipsiyo o isang haring Babiloniko na wala ng gayong kaalaman at maaaring kinaugalian nang gawin ang mga bagay na hindi sinasang-ayunan ng Diyos. (Ihambing ang Efeso 2:12; 4:18.) Bilang bahagi ng isang bansang nag-alay kay Jehova, batid ni David na ang pangangalunya at ang pagpatay ay malalaking kasalanan. (Exodo 20:13, 14) Ang mga Kristiyano ay may kaalaman din sa kautusan ng Diyos. Gayunman, tulad ni David ito ay nilalabag ng ilan sa kanila dahilan sa minanang pagkamakasalanan, kahinaan ng tao, at tuksong hindi napaglabanan. Kung sakaling iyan ay mangyari sa kaninuman sa atin, hindi naman kailangang tayo’y manatili sa isang madilim na kalagayan na nagpapalabo ng ating espirituwal na pananaw at nilalambungan tayo ng matinding kawalang-pag-asa.
Ang Pagtatapat Niyaon ay Nagdudulot ng Ginhawa
7, 8. (a) Ano ang nangyari kay David nang kaniyang subuking ikubli ang kaniyang mga kasalanan? (b) Bakit kailangang ipagtapat at ihinto na ng isa ang pagkakasala?
7 Kung nagkakasala ng malulubhang pagsalansang sa kautusan ng Diyos, maaaring nahihirapan tayo na ipagtapat ang ating mga kasalanan, kahit kay Jehova. Ano ang maaaring mangyari sa ilalim ng gayong mga kalagayan? Sa Awit 32, inamin ni David: “Nang ako’y tumahimik [sa halip na magtapat] ang aking mga buto ay nanlumo dahil sa aking pagdaing buong araw. Sapagkat sa araw at gabi ang kamay mo [Jehova] ay nagpapabigat sa akin. Ang halumigmig ng aking buhay ay nagbago na gaya sa tigang na init ng tag-araw.” (Aw 32 Talatang 3, 4) Ang pagsisikap na ikubli ang kaniyang kasalanan at sansalain ang budhing nagkasala ay nagbigay ng panlulumo sa suwail na si David. Dahil sa dalamhati ay nawalan siya ng sigla anupat siya’y mistulang isang punungkahoy sa tagtuyot na walang nagbibigay-buhay na halumigmig. Sa katunayan, malamang na siya’y nakaranas ng masasamang epektong iyon sa isip at sa pangangatawan. Sa papaano man, napawi ang kaniyang kagalakan. Kung sakaling ang sinuman sa atin ay mapalagay sa gayong kalagayan, ano ang dapat nating gawin?
8 Ang pagtatapat nito sa Diyos ay makapagdadala ng kapatawaran at kaginhawahan. “Ang aking kasalanan ay ipinagtapat ko sa iyo sa wakas, at ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli,” inawit ni David. “Aking sinabi: ‘Aking ipagtatapat kay Jehova ang aking mga pagkakasala.’ At iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking mga kasalanan.” (Awit 32:5) Ikaw ba ay pinalulumbay ng ilang nakakubling kasalanan? Hindi ba ang pinakamagaling ay ipagtapat at ihinto iyon upang tanggapin ang awa ng Diyos? Bakit hindi tawagin ang matatanda sa kongregasyon at patulong upang gumaling ka sa espirituwal? (Kawikaan 28:13; Santiago 5:13-20) Kikilalanin ang iyong espiritu ng pagsisisi, at sa hustong panahon ay mapapasauli ang iyong kagalakan bilang Kristiyano. “Maligaya siyang pinatawad ang pagsalansang, na natakpan ang kasalanan,” sabi ni David. “Maligaya ang taong hindi pinararatangan ni Jehova ng kasamaan, at sa kaniyang espiritu ay walang daya.”—Awit 32:1, 2.
9. Kailan kinatha ang Awit 51, at bakit?
9 Si David at si Bath-sheba ay may sagutin sa Diyos na Jehova dahil sa kanilang pagkakasala. Bagaman sila ay maaari sanang pinatay dahil sa kanilang mga pagkakasala, sila ay kinaawaan ng Diyos. Si David ang lalong higit na kinaawaan niya dahil sa tipan sa Kaharian. (2 Samuel 7:11-16) Ang pagsisisi ni David sa kaniyang nagawang mga pagkakasala kaugnay si Bath-sheba ay makikita sa Awit 51. Ang may-akda ng nakababagbag-damdaming awit na ito ay ang nagsising hari pagkatapos gisingin ng propetang si Nathan ang kaniyang budhi sa pagkakilala ng kabigatan ng kaniyang mga pagsalansang sa banal na kautusan. Nangailangan ng lakas ng loob para kay Nathan na itawag pansin kay David ang kaniyang mga kasalanan, gaya kung papaano ang hinirang na Kristiyanong matatanda ay kailangang may lakas ng loob na gawin ang gayong bagay sa ngayon. Sa halip na ikaila ang bintang at iutos na patayin si Nathan, ang hari ay mapakumbabang nagtapat ng pagkakasala. (2 Samuel 12:1-14) Sa Awit 51 ay makikita ang kaniyang sinabi sa Diyos sa pananalangin tungkol sa kaniyang kahiya-hiyang ikinilos at angkop na angkop na bulay-bulayin lakip na ang panalangin, lalo na kung tayo ay nagkasala at nagnanasang kaawaan ni Jehova.
Tayo ay Mananagot sa Diyos
10. Papaano mararanasan ni David ang panunumbalik ng kaniyang espirituwalidad?
10 Hindi sinikap ni David na ipagdahilan ang kaniyang kasalanan kundi nagmakaawa: “Maawa ka sa akin, Oh Diyos, ayon sa iyong kagandahang-loob. Ayon sa karamihan ng iyong malumanay na kaawaan ay pawiin mo ang aking mga pagsalansang.” (Awit 51:1) Sa pagsalansang, nilampasan ni David ang mga hangganan ng Kautusan ng Diyos. Gayunpaman, may pag-asa para sa panunumbalik ng kaniyang espirituwalidad kung pinagpakitaan siya ng Diyos ng pagsang-ayon ayon sa Kaniyang kagandahang-loob, o tapat na pag-ibig. Ang kasaganaan ng nakalipas na mga kaawaan ng Diyos ay nagbigay sa nagsising hari ng saligan ng pananampalataya na papawiin ng kaniyang Maylikha ang kaniyang mga pagsalansang.
11. Ano ba ang ipinahihiwatig ng mga hain sa Araw ng Katubusan, at ano ang kinakailangan para sa kaligtasan ngayon?
11 Sa pamamagitan ng makahulang mga anino ng mga hain sa Araw ng Katubusan, ipinahiwatig ni Jehova na siya ay may paraan upang malinis ang mga nagsisisi sa kanilang kasalanan. Batid na natin ngayon na ang kaniyang awa at pagpapatawad ay ipinaabot sa atin salig sa ating pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Kung si David, na mga tipo at mga anino lamang ng haing ito ang nasa isip, ay nakapagtiwala sa kagandahang-loob at mga kaawaan ni Jehova, gaano pa kaya makapagsasagawa ng pananampalataya ang kasalukuyang mga lingkod ng Diyos sa pantubos na inilaan ukol sa kanilang kaligtasan!—Roma 5:8; Hebreo 10:1.
12. Ano ang ibig sabihin ng magkasala, at ano ang saloobin ni David tungkol sa kaniyang pagkakasala?
12 Sa pagmamakaawa sa Diyos, sinabi pa ni David: “Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan. Sapagkat nakikilala ko ang aking mga pagsalansang, at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.” (Awit 51:2, 3) Ang ibig sabihin ng magkasala ay ang sumala sa tanda tungkol sa mga pamantayan ni Jehova. Tunay na ganiyan ang ginawa ni David. Gayunman, siya’y hindi katulad ng isang mamamatay-tao o isang mangangalunya na walang pagkabahala tungkol sa kaniyang pagkakasala, nababagabag lamang sa magiging parusa sa kaniya o sa posibilidad na tablan ng isang sakit. Bilang isang umiibig kay Jehova, kinapootan ni David ang masama. (Awit 97:10) Siya’y nasuklam sa mismong kasalanan niya at ibig niyang siya’y lubusang linisin doon ng Diyos. Si David ay may ganap na kamalayan sa kaniyang mga pagsalansang at lubhang ikinalungkot na kaniyang hinayaang manaig sa kaniya ang kaniyang makasalanang naisin. Ang kaniyang kasalanan ay laging nasa harap niya, sapagkat ang nagkasalang budhi ng isang taong may takot sa Diyos ay hindi naluluwagan hangga’t hindi siya nagsisisi, nagtatapat ng pagkakasala, at nakakamit ang pagpapatawad ni Jehova.
13. Bakit nasabi ni David na siya’y nagkasala laban sa Diyos lamang?
13 Sa pagkilala sa kaniyang pananagutan kay Jehova, sinabi ni David: “Laban sa iyo, sa iyo lamang, ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin, upang ikaw ay ariing matuwid pagka nagsasalita ka, at maging malinis pagka humahatol ka.” (Awit 51:4) Nilabag ni David ang mga kautusan ng Diyos, nilapastangan ang tungkuling pagkahari, at “walang alinlangang hindi iginalang si Jehova,” inihantad Siya sa upasala. (2 Samuel 12:14; Exodo 20:13, 14, 17) Ang mga pagsalansang ni David ay mga pagkakasala rin laban sa lipunang Israelita at sa mga miyembro ng kaniyang pamilya, kung papaanong ang isang bautisadong nagkasala sa ngayon ay nagdudulot ng kalungkutan o pagkabagabag sa kongregasyong Kristiyano at sa mga mahal sa buhay. Bagaman ang nagsising hari ay may kabatiran na siya’y nagkasala sa gayong mga kapuwa-tao na tulad ni Uriah, kaniyang kinilala ang isang lalong mataas na pananagutan kay Jehova. (Ihambing ang Genesis 39:7-9.) Kinilala ni David na ang paghatol ni Jehova ay matuwid. (Roma 3:4) Ang mga Kristiyano na nagkasala ay kailangang magkaroon ng ganoon ding punto de vista.
Nagpapagaan na mga Kalagayan
14. Anong nagpapagaan na mga kalagayan ang binanggit ni David?
14 Bagaman si David ay hindi nagsikap na ariing matuwid ang kaniyang sarili, kaniyang sinabi: “Narito! Ako’y inanyuan sa kasamaan at iniluwal na may kahirapan, at sa kasalanan ipinaglihi ako ng aking ina.” (Awit 51:5) Si David ay iniluwal na taglay na ang kasamaan, at ang kaniyang ina ay nakaranas ng kahirapan sa panganganak dahilan sa minanang pagkamakasalanan. (Genesis 3:16; Roma 5:12) Ang kaniyang mga salita ay hindi nangangahulugan na ang wastong relasyon ng mga mag-asawa, ang paglilihi, at ang panganganak ay makasalanan, yamang ang Diyos ang naglaan ng pag-aasawa at panganganak; si David ay hindi rin naman tumutukoy ng anumang espesipikong kasalanan ng kaniyang ina. Siya’y ipinaglihi sa kasalanan dahilan sa ang kaniyang mga magulang ay makasalanan tulad ng lahat ng mga taong di-sakdal.—Job 14:4.
15. Bagaman isasaalang-alang ng Diyos ang nagpapagaan na mga kalagayan, ano ang hindi natin dapat gawin?
15 Kung tayo’y nagkasala, maaari nating banggitin sa panalangin sa Diyos ang anumang nagpapagaan na mga kalagayan na maaaring kasangkot sa ating pagkakasala. Subalit ang di-sana-nararapat na awa ng Diyos ay huwag sana nating gawing dahilan para sa mahalay na paggawi o gamitin ang minanang pagkamakasalanan bilang isang lambong na mapagtataguan upang hindi managot sa ating kasalanan. (Judas 3, 4) Tinanggap ni David ang pananagutan sa pagkikimkim ng marurungis na kaisipan at pagpapadala sa tukso. Idalangin natin na huwag tayong pabayaang matukso at pagkatapos ay kumilos tayo na kasuwato ng gayong panalangin.—Mateo 6:13.
Pakiusap na Linisin
16. Anong katangian ang kinalulugdan ng Diyos, at papaano dapat maapektuhan niyan ang ating asal?
16 Ang mga tao ay maaaring mukhang mabuti at nakatalaga sa Diyos, subalit siya’y tumitingin hindi lamang hanggang sa panlabas at kaniyang nakikita kung ano sila sa loob. Sinabi ni David: “Narito! Ikaw [Jehova] ay nalulugod sa katotohanan maging sa mga loob na sangkap; at sa lihim na sarili ko’y harinawang ipakilala mo sa akin ang lubos na karunungan.” (Awit 51:6) Si David ay nagkasala ng kasinungalingan at panlilinlang sa pagmamaneobra ng kamatayan ni Uriah at pagsisikap na ikubli ang katotohanan tungkol sa pagdadalang-tao ni Bath-sheba. Gayunpaman, batid niya na nalulugod ang Diyos sa pagsasalita ng katotohanan at sa kabanalan. Dapat na maapektuhan nito ang ating asal sa mabuting paraan, sapagkat tayo’y hahatulan ni Jehova kung tayo’y manlilinlang. (Kawikaan 3:32) Natalos din ni David na kung ‘pangyayarihin [ng Diyos] na siya’y makaalam ng lubos na karunungan,’ bilang isang nagsisising hari, siya’y makasusunod sa banal na mga pamantayan sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay.
17. Ano ang kahulugan ng panalangin na tayo’y linisin ng hisopo?
17 Dahilan sa nakita ng salmista ang kaniyang pangangailangan ng tulong ng Diyos sa pananaig sa makasalanang mga hilig, siya’y nakiusap pa: “Harinawang linisin mo ako ng hisopo sa aking kasalanan, upang ako’y maging malinis; harinawang hugasan mo ako, upang ako’y maging lalong maputi kaysa niyebe.” (Awit 51:7) Bukod sa iba pang mga bagay, ang halamang hisopo (marahil marjoram, o Origanum maru) ay ginamit sa seremonyang paglilinis sa mga taong dating may sakit ng ketong. (Levitico 14:2-7) Kaya angkop naman na ipanalangin ni David na siya’y linisin ng hisopo buhat sa kaniyang kasalanan. Ang kalinisan ay kaugnay rin ng kaniyang pakiusap na hugasan siya ni Jehova upang siya’y maging lubusang malinis, na maputi pa kaysa niyebe na hindi pa kinakapitan ng dumi o iba pang sukal. (Isaias 1:18) Kung ang sinuman sa atin ay dumaranas ngayon ng hapdi ng budhi dahil sa anumang pagkakasala, harinawang magkaroon tayo ng pananampalataya na kung tayo’y magsisisi at hihingi ng kapatawaran sa Diyos, tayo’y kaniyang dadalisayin at lilinisin salig sa haing pantubos na ibinigay ni Jesus.
Pakiusap na Isauli sa Dati
18. Ano ang kalagayan ni David bago siya nagsisi at nagtapat ng kaniyang kasalanan, at papaanong ang pagkaalam nito ay makatutulong sa ngayon?
18 Sinumang Kristiyano na nakaranas ng budhing nagkasala ay makauunawa ng mga salita ni David: “Harinawang pagparinggan mo ako [Oh Jehova] ng kagalakan at kasayahan, upang ang mga buto na iyong binali ay mangagalak.” (Awit 51:8) Bago nagsisi si David at nagtapat ng kaniyang mga kasalanan, siya’y lubhang pinahirapan ng kaniyang naliligalig na budhi. Siya’y hindi man lamang nakasumpong ng kaluguran sa mga awit ng kagalakan at kasayahan buhat sa maiinam na mang-aawit at bihasang mga manunugtog. Ganiyan na lamang kalaki ang paghihirap ng nagkasalang si David sa hindi pagsang-ayon sa kaniya ng Diyos anupat siya’y mistulang isang taong ang mga buto ay nabalian nang pagkasakit-sakit. Kaniyang kinasabikan ang kapatawaran, espirituwal na paggaling, at panunumbalik ng kagalakan na dati niyang taglay. Ang isang nagsisising nagkasala sa ngayon ay nangangailangan din ng kapatawaran ni Jehova upang muling makamtan ang kagalakan na dating taglay niya bago siya gumawa ng isang bagay na nagsapanganib ng kaniyang kaugnayan sa Diyos. Ang pagsasauli ng “kagalakan ng banal na espiritu” sa isang taong nagsisisi ay nagpapakita na siya’y pinatawad na ni Jehova at iniibig siya. (1 Tesalonica 1:6) Anong laking kaaliwan ang dulot niyan!
19. Ano ang madarama ni David kung pinawi ng Diyos ang lahat ng kaniyang mga pagkakamali?
19 Si David ay nagpatuloy pa ng pananalangin: “Ikubli mo ang iyong mukha buhat sa aking mga kasalanan, at pawiin mo ang lahat ng aking pagkakamali.” (Awit 51:9) Maaasahan na hindi sasang-ayunan ni Jehova ang kasalanan. Sa gayon, sa kaniya’y hiniling na ikubli ang kaniyang mukha buhat sa mga kasalanan ni David. Ang hari ay nakiusap din na pawiin ng Diyos ang lahat ng kaniyang pagkakamali, alisin ang lahat ng kaniyang kasamaan. Kung sana ay gagawin lamang iyan ni Jehova! Pasisiglahin niya ang kalooban ni David, aalisin ang pabigat na dulot ng isang nababagabag na budhi, at ipaaalam sa ngayo’y nagsisising hari na siya’y pinatawad na ng kaniyang maibiging Diyos.
Ano Kung Ikaw ay Nagkasala?
20. Ano ang ipinapayo na dapat gawin ng sinumang Kristiyano na nagkasala nang malubha?
20 Ipinakikita ng Awit 51 na sinuman sa nag-alay na mga lingkod ni Jehova na nagkasala nang malubha ngunit nagsisisi ay may tiwalang makahihiling sa kaniya na sila’y kaawaan at linisin sa kanilang kasalanan. Kung ikaw ay isang Kristiyano na nagkasala sa anumang paraan, bakit hindi hilingin sa pamamagitan ng mapakumbabang panalangin sa ating makalangit na Ama na patawarin ka? Kilalanin ang iyong pangangailangan na tulungan ka ng Diyos upang kaniyang sang-ayunan, at hilingin na isauli ang iyong dating kagalakan. Ang nagsisising mga Kristiyano ay may pagtitiwalang makalalapit kay Jehova sa panalangin taglay ang gayong mga kahilingan, sapagkat “siya’y magpapatawad nang sagana.” (Isaias 55:7; Awit 103:10-14) Mangyari pa, ang matatanda sa kongregasyon ay dapat hilingan na sila’y magbigay ng kinakailangang espirituwal na tulong.—Santiago 5:13-15.
21. Ano ang susunod nating susuriin?
21 Ang awa ni Jehova ay nagliligtas sa kaniyang bayan buhat sa kawalang-pag-asa. Subalit suriin natin ang iba pang taos-pusong pakiusap ng nagsising si David sa Awit 51. Ang ating pag-aaral ay magpapakita na hindi hinahamak ni Jehova ang isang pusong bagbag.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang maaaring maging epekto sa isang lingkod ni Jehova ng malubhang kasalanan?
◻ Papaano naapektuhan si David nang subukin niyang ikubli ang kaniyang kasalanan?
◻ Bakit sinabi ni David na siya’y nagkasala laban sa Diyos lamang?
◻ Bagaman ang nagpapagaan na mga kalagayan ay isasaalang-alang ng Diyos kung tayo’y nagkasala, ano ang hindi natin dapat na gawin?
◻ Ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano kung siya’y nagkasala nang malubha?