SAMUEL, MGA AKLAT NG
Dalawang aklat ng Hebreong Kasulatan na maliwanag na hindi magkahiwalay sa orihinal na Hebreong kanon. Ipinahihiwatig ito ng isang nota sa Masora na nagpapakitang ang mga salita sa Unang Samuel, kabanata 28 (isa sa huling mga kabanata ng Unang Samuel), ay nasa kalagitnaan ng aklat.
Mga Manunulat at Panahong Saklaw. Ayon sa sinaunang tradisyong Judio, si Samuel ang sumulat ng unang bahagi ng aklat at sina Natan at Gad naman ang sumulat ng natitirang bahagi. Pinatutunayan ng 1 Cronica 29:29 na talagang may isinulat ang tatlong propetang iyon. Ang aklat mismo ay nag-uulat: “Sinalita ni Samuel sa bayan ang tungkol sa kaukulang nararapat sa pagkahari at isinulat iyon sa isang aklat at inilagay iyon sa harap ni Jehova.” (1Sa 10:25) Gayunman, salig sa 1 Samuel 27:6, kung saan may binabanggit na “mga hari ng Juda,” ipinapalagay ng maraming iskolar na ang huling pagtitipon sa mga aklat ng Samuel ay isinagawa ilang panahon pagkatapos na magsimulang umiral ang sampung-tribong kaharian ng Israel. Kung ang pananalitang “mga hari ng Juda” ay tumutukoy lamang sa mga Judeanong hari ng dalawang-tribong kaharian, mangangahulugan ito na ibang tao ang huling nagtipon sa mga isinulat nina Samuel, Natan, at Gad. Sa kabilang dako, kung ang “mga hari ng Juda” ay tumutukoy lamang sa mga haring nagmula sa tribo ni Juda, maaaring si Natan ang nagtala ng mga salitang iyon, yamang nabuhay siya sa ilalim ng pamamahala ng dalawang Judeanong hari, sina David at Solomon.—1Ha 1:32-34; 2Cr 9:29.
Bagaman si Hana at ang isang “lalaki ng Diyos” na di-binanggit ang pangalan ay gumamit ng mga salitang “hari” at “pinahiran” maraming taon pa bago aktuwal na pinamahalaan ng isang hari ang Israel, hindi ito sumusuporta sa argumento ng ilan na ang mga talatang ito ay mula sa isang yugto na mas huli kaysa sa ipinakikita sa aklat. (1Sa 2:10, 35) Ang ideya ng pagkakaroon ng hari sa hinaharap ay hindi naman bago sa mga Hebreo. May kinalaman kay Sara, na ninuno ng mga Israelita, nangako ang Diyos na pagmumulan siya ng “mga hari ng mga bayan.” (Gen 17:16) Bukod diyan, ang hula ni Jacob nang mamamatay na siya (Gen 49:10), ang makahulang mga salita ni Balaam (Bil 24:17), at ang Kautusang Mosaiko (Deu 17:14-18) ay tumukoy sa panahon na magkakaroon ng hari ang mga Israelita.
Ang makasaysayang salaysay na nasa dalawang aklat ng Samuel ay nagsimula sa panahon ng mataas na saserdoteng si Eli at nagtapos sa mga pangyayari noong paghahari ni David. Samakatuwid, sumasaklaw ito sa isang yugto na humigit-kumulang 140 taon (mga 1180-mga 1040 B.C.E.). Yamang hindi binabanggit sa rekord ang pagkamatay ni David, malamang na natapos ang ulat (posibleng maliban sa editoryal na mga dagdag) noong mga 1040 B.C.E.
Autentisidad. Hindi mapag-aalinlanganan ang autentisidad ng ulat na nasa mga aklat ng Samuel. Si Kristo Jesus mismo, nang ibuwal niya ang pagtutol na ibinangon ng mga Pariseo, ay bumanggit sa insidenteng nakatala sa 1 Samuel 21:3-6 may kinalaman sa pagtanggap ni David ng tinapay na pantanghal mula kay Ahimelec na saserdote. (Mat 12:1-4) Sa sinagoga ng Antioquia sa Pisidia, sumipi ang apostol na si Pablo mula sa 1 Samuel 13:14 nang magbigay siya ng maikling repaso ng mga pangyayari sa kasaysayan ng Israel. (Gaw 13:20-22) Ang apostol na ito, sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, ay gumamit ng mga salita mula sa awit ni David, na masusumpungan kapuwa sa 2 Samuel 22:50 at Awit 18:49, upang patunayan na ang ministeryo ni Kristo sa mga Judio ay nagbigay-katiyakan sa mga pangako ng Diyos at naglaan ng saligan upang “luwalhatiin [ng mga di-Judio] ang Diyos dahil sa kaniyang awa.” (Ro 15:8, 9) Ang mga salita ni Jehova kay David sa 2 Samuel 7:14 ay sinipi at ikinapit kay Kristo Jesus sa Hebreo 1:5.
Namumukod-tangi rin ang pagkatahasan ng rekord na ito. Inilantad nito ang mga kamalian ng makasaserdoteng sambahayan ni Eli (1Sa 2:12-17, 22-25), ang katiwalian ng mga anak ni Samuel (1Sa 8:1-3), at ang mga pagkakasala ni Haring David gayundin ang mga suliranin sa kaniyang pamilya (2Sa 11:2-15; 13:1-22; 15:13, 14; 24:10).
Ang isa pang katibayan ng autentisidad ng ulat ay ang natupad na mga hula—ang paghiling ng Israel ng isang hari (Deu 17:14; 1Sa 8:5), ang pagtatakwil ni Jehova sa sambahayan ni Eli (1Sa 2:31; 3:12-14; 1Ha 2:27), at ang pagpapatuloy ng pagkahari sa linya ni David (2Sa 7:16; Jer 33:17; Eze 21:25-27; Mat 1:1; Luc 1:32, 33).
Ang rekord ay lubusang kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan. Lalo na itong kapansin-pansin kapag sinuri ang mga awit, na ang marami ay binibigyang-linaw ng nilalaman ng mga aklat ng Samuel. Ang pagsusugo ni Haring Saul ng mga mensahero na magbabantay sa bahay ni David upang patayin siya ang nagsilbing tagpo ng Awit 59. (1Sa 19:11) Ang mga karanasan ni David sa Gat, kung saan nagkunwari siyang baliw upang hindi siya patayin, ay ipinahihiwatig sa Awit 34 at 56. (1Sa 21:10-15; maliwanag na ang pangalang Abimelec na nasa superskripsiyon ng Awit 34 ay dapat ituring na isang titulo ni Haring Akis.) Maaaring ipinababanaag sa Awit 142 ang mga kaisipan ni David samantalang nagtatago siya mula kay Saul sa yungib ng Adulam (1Sa 22:1) o sa yungib na nasa Ilang ng En-gedi. (1Sa 24:1, 3) Marahil ay nasa gayunding kalagayan si David nang kathain niya ang Awit 57. Gayunman, kung ihahambing ang Awit 57:6 sa 1 Samuel 24:2-4, waring ang yungib na nasa Ilang ng En-gedi ang tagpo ng Awit 57, sapagkat doon nahulog si Saul, wika nga, sa hukay na dinukal niya para kay David. Ang Awit 52 ay hinggil sa pagbibigay-alam ni Doeg kay Saul tungkol sa pakikipag-ugnayan ni David kay Ahimelec. (1Sa 22:9, 10) Ang pagbubunyag ng mga Zipeo kay Haring Saul hinggil sa kinaroroonan ni David ang pinagbatayan ng Awit 54. (1Sa 23:19) Waring ipinahihiwatig ng Awit 2 ang mga pagtatangka ng mga Filisteo na alisin si David sa pagiging hari pagkatapos niyang mabihag ang moog ng Sion. (2Sa 5:17-25) Ang kaligaligang idinulot ng mga Edomita noong panahon ng pakikipagdigma kay Hadadezer ang tagpo ng Awit 60. (2Sa 8:3, 13, 14) Ang Awit 51 ay isang panalangin ni David, kung saan humihingi siya ng kapatawaran dahil sa kaniyang pagkakasala may kaugnayan kay Bat-sheba. (2Sa 11:2-15; 12:1-14) Ang pagtakas ni David mula kay Absalom ang nagsilbing saligan ng Awit 3. (2Sa 15:12-17, 30) Posibleng ang tagpo ng Awit 7 ay ang pagsumpa ni Simei kay David. (2Sa 16:5-8) Maaaring ipinahihiwatig ng Awit 30 ang mga pangyayari hinggil sa pagtatayo ni David ng altar sa giikan ni Arauna. (2Sa 24:15-25) Ang Awit 18 ay katulad ng 2 Samuel 22 at may kaugnayan sa pagliligtas ni Jehova kay David mula kay Saul at sa iba pang mga kaaway.
Mga Seksiyon na Wala sa Griegong “Septuagint.” Ang 1 Samuel 17:12-31, 55–18:6a ay hindi masusumpungan sa Griegong Septuagint ng Vatican Manuscript No. 1209. Dahil dito, ipinapalagay ng maraming iskolar na ang nawawalang mga seksiyon ay idinagdag na lamang sa tekstong Hebreo noong bandang huli. Upang pabulaanan ang pangmalas na ito, sina C. F. Keil at F. Delitzsch ay nagkomento: “Ang gayong palagay, na ang mga seksiyong pinag-aalinlanganan ay mga interpolasyong nakapasok sa teksto, ay hindi mapanghahawakan kung batay lamang sa awtoridad ng bersiyong Septuagint; yamang maliwanag sa lahat na ang mga tagapagsalin ng bersiyong ito ay basta na lamang nagsagawa ng pag-aalis at pagdaragdag.”—Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo II, 1 Samuel, p. 177, tlb.
Kung tiyakang mapatutunayan na talagang may mga pagkakaiba sa pagitan ng inalis na mga seksiyon at ng iba pang bahagi ng aklat, ang autentisidad ng 1 Samuel 17:12-31, 55–18:6a ay makatuwirang pag-alinlanganan. Isinisiwalat ng paghahambing sa 1 Samuel 16:18-23 at 1 Samuel 17:55-58 ang sa wari’y isang pagkakasalungatan, sapagkat sa huling nabanggit na mga talata ay sinasabing itinanong ni Saul ang pagkakakilanlan ng kaniya mismong manunugtog sa korte at tagapagdala ng baluti, si David. Gayunman, dapat pansinin na bagaman bago nito ay inilarawan si David bilang “isang magiting at makapangyarihang lalaki at isang lalaking mandirigma,” iyon ay maaaring batay lamang sa kaniyang lakas-loob na mga pagkilos nang mag-isa niyang patayin ang isang leon at isang oso upang iligtas ang mga tupa ng kaniyang ama. (1Sa 16:18; 17:34-36) Gayundin, hindi sinasabi ng Kasulatan na aktuwal na naglingkod si David sa digmaan bilang tagapagdala ng baluti ni Saul bago niya pinatay si Goliat. Ang kahilingan ni Saul kay Jesse ay ganito: “Pakisuyo, hayaan mong patuloy na maglingkod si David sa akin, sapagkat nakasumpong siya ng lingap sa aking paningin.” (1Sa 16:22) Sa kabila ng kahilingang ito, posible pa rin na nang maglaon ay pinahintulutan ni Saul si David na bumalik sa Betlehem kung kaya nang sumiklab ang digmaan laban sa mga Filisteo, si David ay kasalukuyang nagpapastol sa kawan ng kaniyang ama.
May kinalaman sa tanong ni Saul na, “Kaninong anak ang batang iyon, Abner?” ang nabanggit na komentaryo ay nagsabi (p. 178, tlb.): “Hindi man nagbigay si Abner ng impormasyon tungkol sa angkan ng manunugtog ng alpa ni Saul, tiyak na hindi nalimutan ni Saul na si David ay anak ng Betlehemitang si Jesse. Ngunit may higit pang ipinahihiwatig ang tanong ni Saul. Hindi lamang ang pangalan ng ama ni David ang nais niyang malaman, kundi kung ano nga bang uri talaga ng tao ang amang iyon ng isang kabataang may lakas ng loob na magsagawa ng lubhang kahanga-hangang kabayanihan; at iniharap ang tanong hindi lamang upang mapagkalooban niya ang sambahayan nito ng eksemsiyon sa mga buwis gaya ng ipinangako bilang gantimpala sa lulupig kay Goliat (tal. 25), kundi malamang na nais din niyang ilagay ang gayong tao sa kaniyang korte, yamang nahinuha niya, batay sa lakas ng loob at katapangan ng anak, na may gayunding mga katangian ang ama nito. Totoo na tumugon lamang si David ng, ‘Anak ng iyong lingkod na si Jesse ng Betlehem;’ ngunit napakaliwanag batay sa pananalita sa kab. xviii. 1, ‘nang matapos na siya sa pakikipag-usap kay Saul,’ na patuloy pa siyang kinausap ni Saul tungkol sa kaniyang pamilya, yamang ang mismong mga salitang iyon ay nagpapahiwatig ng mahabang pag-uusap.” (Para sa iba pang mga halimbawa kung saan ang “sino” ay nangangahulugan ng higit pa sa basta pag-alam sa pangalan ng isa, tingnan ang Exo 5:2; 1Sa 25:10.)
Samakatuwid, may matibay na dahilan upang ituring ang 1 Samuel 17:12-31, 55–18:6a bilang bahagi ng orihinal na teksto.
[Kahon sa pahina 1075]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG UNANG SAMUEL
Rekord hinggil sa pasimula ng pamamahala ng mga hari sa Israel, na nagdiriin ng pagsunod kay Jehova
Isinulat nina Samuel, Natan, at Gad; ang Unang Samuel ay sumasaklaw sa panahon mula sa kapanganakan ni Samuel hanggang sa kamatayan ng unang hari ng Israel, si Saul
Ibinangon ni Jehova si Samuel bilang propeta sa Israel (1:1–7:17)
Ipinanganak si Samuel bilang sagot sa panalangin ng kaniyang inang si Hana; pagkaawat niya sa suso, dinala siya sa santuwaryo upang maglingkod doon bilang pagtupad sa panata ni Hana
Kinausap ni Jehova si Samuel, anupat bumigkas siya ng hatol laban sa sambahayan ni Eli dahil ang mga anak nito na sina Hopni at Pinehas ay gumagawi nang may kabalakyutan ngunit hindi sinasaway ni Eli
Habang lumalaki si Samuel, nakikilala siya bilang isang propeta ni Jehova
Nagsimulang matupad ang salita ni Jehova laban kay Eli: Nabihag ng mga Filisteo ang Kaban at pinatay nila ang mga anak ni Eli; namatay si Eli nang mabalitaan niya ito
Pagkaraan ng maraming taon, hinimok ni Samuel ang mga Israelita na iwan ang idolatriya at kay Jehova lamang maglingkod; pinagtagumpay sila ni Jehova laban sa mga Filisteo
Si Saul ang naging unang hari ng Israel (8:1–15:35)
Nilapitan ng matatanda ng Israel ang may-edad nang si Samuel upang humiling ng isang taong hari; sinabi ni Jehova sa kaniya na pakinggan ang kanilang tinig
Inutusan ni Jehova si Samuel na pahiran ang Benjaminitang si Saul bilang hari
Iniharap ni Samuel si Saul sa isang kapulungan ng mga Israelita sa Mizpa; tinanggihan ng iba si Saul
Natalo ni Saul ang mga Ammonita; muling pinagtibay sa Gilgal ang kaniyang pagkahari; pinaalalahanan ni Samuel ang bayan na patuloy na maging masunurin kay Jehova
Sa harap ng pagsalakay ng mga Filisteo, hindi sinunod ni Saul si Jehova nang hindi niya hintayin si Samuel at siya mismo ang maghandog ng mga hain; sinabi ni Samuel kay Saul na dahil dito ay hindi mamamalagi ang kaniyang kaharian
Natalo ni Saul ang mga Amalekita, ngunit sumuway siya nang panatilihin niyang buháy si Haring Agag at ang pinakamainam sa mga hayop; sinabi ni Samuel kay Saul na itinatakwil siya ni Jehova bilang hari at na ang pagsunod ay mas mahalaga kaysa sa hain
Naging prominente si David, na ikinagalit naman ni Saul (16:1–20:42)
Pinahiran ni Samuel si David, at lumisan kay Saul ang espiritu ni Jehova; si David ay naging manunugtog ng alpa para kay Saul upang paginhawahin ito kapag ito’y nababagabag
Pinatay ni David ang Filisteong tagapagtanggol na si Goliat, at naging matalik na magkaibigan si David at ang anak ni Saul na si Jonatan
Nang ilagay si David upang mamahala sa mga mandirigma ni Saul, nagtamo siya ng maraming tagumpay at pinarangalan siya sa mga awit nang higit kaysa kay Saul; nanibugho si Saul
Makalawang ulit na nabigo ang pagtatangka ni Saul na patayin si David, gayundin ang pakana niyang mamatay si David sa mga kamay ng mga Filisteo sa pagkuha ng dote para sa anak ni Saul na si Mical
Sa kabila ng pangako niya kay Jonatan, tinangka ni Saul na patayin si David sa ikatlong pagkakataon, at tumakas si David patungo kay Samuel sa Rama
Nakiusap si Jonatan sa kaniyang ama para kay David ngunit hindi siya nagtagumpay; binabalaan niya si David, at silang dalawa ay nagtibay ng isang tipan
Ang buhay ni David bilang takas (21:1–27:12)
Sa Nob, binigyan ng mataas na saserdoteng si Ahimelec si David ng pagkain at ibinigay rin niya kay David ang tabak ni Goliat; pagkatapos, tumakas si David patungong Gat, kung saan naiwasan niya ang kapahamakan nang magkunwari siyang baliw
Nanganlong siya sa yungib ng Adulam at pagkatapos ay sa kagubatan ng Heret; ipinapatay ni Saul si Ahimelec at ang lahat ng nasa Nob; ang anak ni Ahimelec na si Abiatar ay nakaligtas at pumaroon kay David
Iniligtas ni David ang Keila mula sa mga Filisteo, ngunit pagkatapos ay nilisan niya ang lunsod upang hindi siya maisuko kay Saul
Ibinunyag ng mga tao ng Zip ang kinaroroonan ni David; muntik na siyang mabihag
Nagkaroon si David ng pagkakataong patayin si Saul ngunit hindi niya iyon ginawa
Namatay si Samuel
Bilang resulta ng matalinong pagkilos ni Abigail, nakaiwas si David sa pagbububo ng dugo dahil sa bugso ng galit
Sa ikalawang pagkakataon, pinaligtas ni David si Saul, at nanganlong siya sa teritoryong Filisteo
Ang pagtatapos ng paghahari ni Saul (28:1–31:13)
Nagtipon si Saul ng isang hukbo laban sa sumasalakay na mga Filisteo
Ayaw sagutin ni Jehova ang mga pagsangguni ni Saul dahil sa pagkamasuwayin nito, kaya sumangguni si Saul sa isang espiritista sa En-dor
Sa pakikipagbaka sa mga Filisteo, si Saul ay nasugatan nang malubha at nagpatiwakal; napatay ang kaniyang mga anak na sina Jonatan, Abinadab, at Malki-sua
[Kahon sa pahina 1077]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG IKALAWANG SAMUEL
Rekord ng paghahari ni David—ang mga pagpapalang tinamasa niya, gayundin ang disiplinang tinanggap niya nang siya’y magkasala
Orihinal na kasama ng Unang Samuel sa iisang balumbon; ang Ikalawang Samuel ay natapos isulat nina Gad at Natan noong mga 1040 B.C.E. bago mamatay si David
Si David ay naging hari at namahala mula sa Hebron (1:1–4:12)
Ipinagdalamhati ni David ang pagkamatay nina Saul at Jonatan; nanirahan siya sa Hebron at pinahiran siya ng mga lalaki ng Juda bilang hari
Ginawang hari ni Abner ang anak ni Saul na si Is-boset sa natitirang bahagi ng Israel; nagkaroon ng labanan sa pagitan ng magkaribal na kaharian
Lumipat si Abner sa panig ni David ngunit pinatay siya ni Joab
Pinaslang si Is-boset; iniutos ni David na patayin ang mga pumaslang
Namahala si David bilang hari sa lahat ng tribo ng Israel (5:1–10:19)
Pinahiran si David bilang hari sa buong Israel; binihag niya ang moog ng Sion at ginawang kaniyang kabiserang lunsod ang Jerusalem
Makalawang ulit na sumalakay at natalo ang mga Filisteo
Tinangka ni David na dalhin sa Jerusalem ang Kaban; hindi iyon itinuloy nang mamatay si Uzah dahil tinangka nitong pigilan ang Kaban upang hindi bumagsak
Nagtagumpay si David sa kaniyang ikalawang pagtatangka nang buhatin ang Kaban sa tamang paraan
Sinabi ni David kay Natan na nais niyang ipagtayo ng templo si Jehova; nakipagtipan si Jehova sa kaniya ukol sa isang kaharian
Nagkasala si David may kaugnayan kay Bat-sheba; sinapitan siya ng kapahamakan mula sa kaniyang sariling sambahayan (11:1–20:26)
Nakipagdigma ang mga Israelita laban sa Ammon; nangalunya si David kay Bat-sheba, na ang asawang si Uria ay naglilingkod sa hukbo; nang mabigo ang mga pagsisikap ni David na ikubli ang kaniyang pagkakasala, isinaayos niyang mamatay si Uria sa pagbabaka at kinuha niya bilang asawa ang nabalong si Bat-sheba
Sa pamamagitan ng isang mahusay na ilustrasyon, sinaway ni Natan si David dahil sa kaniyang pagkakasala at ipinahayag ang kahatulan ni Jehova: Sasapit ang kapahamakan mula sa kaniyang sariling sambahayan, hahalayin ang kaniya mismong mga asawa, mamamatay ang anak niya kay Bat-sheba
Namatay ang bata; muling nagdalang-tao si Bat-sheba at isinilang si Solomon
Ginahasa ng anak ni David na si Amnon ang kapatid nito sa ama na si Tamar; ipinaghiganti si Tamar ng anak ni David na si Absalom, na tunay na kapatid ni Tamar, sa pamamagitan ng pag-uutos na patayin si Amnon; tumakas si Absalom patungong Gesur
Matapos matamo ni Absalom ang lubos na kapatawaran ni David, nagsimula siyang magpakana laban sa kaniyang ama; nang dakong huli, ipinaproklama niya sa Hebron ang kaniyang sarili bilang hari
Nilisan ni David at ng kaniyang mga tagasuporta ang Jerusalem upang matakasan si Absalom at ang mga kapanig nito; sa Jerusalem, sinipingan ni Absalom ang sampu sa mga kinakasamang babae ni David; tinugis ng mga hukbo ni Absalom si David ngunit natalo sila; salungat sa espesipikong utos ni David, si Absalom ay pinatay
Ibinalik si David sa pagkahari; naghimagsik ang Benjaminitang si Sheba, at iniatang ni David kay Amasa ang pamamahala sa hukbo upang sugpuin ang paghihimagsik; pinatay ni Joab si Amasa at siya ang nanguna sa hukbo; napatay si Sheba
Huling mga pangyayari sa paghahari ni David (21:1–24:25)
Ibinigay ni David sa mga Gibeonita ang pitong anak ni Saul para patayin upang maipaghiganti ang pagkakasala sa dugo ng sambahayan ni Saul laban sa kanila
Kumatha si David ng mga awit ng papuri kay Jehova, anupat kinilala niya na ang Diyos ang kumasi sa kaniya
Nagkasala si David nang magpakuha siya ng sensus, na nagbunga ng pagkamatay ng mga 70,000 dahil sa salot
Binili ni David ang giikan ni Arauna na Jebusita upang mapagtayuan ng isang altar para kay Jehova