Purihin Mo si Jehova sa Iyong Pagkukusang-Loob!
“Dahil sa pagkukusang-loob ng bayan, pagpalain [o, purihin] ninyo si Jehova.”—HUK. 5:2.
1, 2. (a) Ano ang gustong palabasin nina Elipaz at Bildad tungkol sa paglilingkod natin sa Diyos? (b) Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang nadarama tungkol dito?
“MAYROON bang silbi sa Diyos ang isang matipunong lalaki, anupat ang sinumang may kaunawaan ay may silbi sa kaniya? May anumang kaluguran ba ang Makapangyarihan-sa-lahat kung ikaw ay matuwid, o anumang pakinabang kung ginagawa mong walang kapintasan ang iyong lakad?” (Job 22:1-3) Napag-isipan mo na ba ang sagot sa mga tanong na iyan? Nang iharap ni Elipaz na Temanita ang mga tanong na iyan kay Job, kumbinsido siya na ang sagot sa mga ito ay wala. Sinabi pa nga ng kasamahan niyang si Bildad na Shuhita na imposibleng magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos ang mga tao.—Basahin ang Job 25:4.
2 Gusto nilang palabasin na ang mga pagsisikap nating paglingkuran si Jehova nang tapat ay walang pakinabang sa kaniya, at na sa tingin ng Diyos, para lang tayong insekto, uod, o bulati. (Job 4:19; 25:6) Sa unang tingin, baka isipin nating mapagpakumbaba sina Elipaz at Bildad. (Job 22:29) Tutal, kung nasa tuktok tayo ng mataas na bundok o kung sisilip tayo mula sa bintana ng eroplano, parang walang halaga ang ginagawa ng mga tao. Pero ganiyan ba ang tingin ni Jehova sa mga nagagawa natin para sa Kaharian? Ipinakita ni Jehova ang nadarama niya tungkol dito nang sawayin niya sina Elipaz, Bildad, at Zopar dahil sa pagsasalita ng kabulaanan. Pero nalugod siya kay Job, na tinawag niyang “aking lingkod.” (Job 42:7, 8) Kaya naman ang tao ay puwedeng ‘magkaroon ng silbi sa Diyos.’
“ANO ANG IBINIBIGAY MO SA KANIYA?”
3. Ano ang sinabi ni Elihu tungkol sa mga pagsisikap nating paglingkuran si Jehova, at ano ang ibig niyang sabihin?
3 Hindi itinuwid ni Jehova si Elihu nang magtanong ito: “Kung ikaw ay talagang nasa tama, ano ang ibinibigay mo sa kaniya [sa Diyos], o ano ang tinatanggap niya mula sa iyong kamay?” (Job 35:7) Ipinahihiwatig ba ni Elihu na walang kabuluhan ang mga pagsisikap nating paglingkuran ang Diyos? Hindi. Ibig niyang sabihin, hindi nakadepende si Jehova sa ating pagsamba. Kumpleto na si Jehova. Hindi natin siya mapayayaman o mapalalakas. Sa katunayan, anumang magandang katangian, talento, o kakayahang taglay natin ay mula sa Diyos, at binibigyang-pansin niya kung paano natin ito ginagamit.
4. Kapag nagpapakita tayo ng kabaitan sa iba, ano ang nadarama ni Jehova?
4 Para kay Jehova, ang mga gawa ng matapat na pag-ibig na ipinakikita sa kaniyang mga lingkod ay parang sa kaniya mismo ginagawa. “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya,” ang sabi ng Kawikaan 19:17. Ipinahihiwatig ba ng tekstong ito na napapansin ni Jehova ang bawat kabaitang ipinakikita sa mga maralita? Itinuturing ba ng Maylikha ng uniberso na nagkakautang siya sa hamak na mga taong nagpapakita ng kaawaan at na ang mga gawang ito ay mga pautang na kailangan niyang bayaran ng mga pagpapala? Oo! At tiniyak iyan ng Anak ng Diyos.—Basahin ang Lucas 14:13, 14.
5. Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
5 Inanyayahan ni Jehova ang propetang si Isaias na magsalita para sa Kaniya, na nagpapakitang gusto ng Diyos na makibahagi ang tapat na mga tao sa pagsasakatuparan ng Kaniyang layunin. (Isa. 6:8-10) Kusang-loob na tinanggap ni Isaias ang paanyayang iyon at sinabi niya: “Narito ako! Isugo mo ako.” Libo-libo rin sa ngayon ang nagpapakita ng gayong saloobin sa pamamagitan ng pagtanggap ng mabibigat na atas sa paglilingkod kay Jehova. Pero baka maitanong ng isa: ‘Talaga bang mahalaga ang pagsisikap ko? Natutuwa ako na binibigyan ako ni Jehova ng pagkakataon na kusang-loob na maglingkod sa kaniya, pero hindi ba ilalaan naman niya ang anumang kailangan para matupad ang kaniyang Salita, gaanuman kalaki o kaliit ang ginagawa ko?’ Pansinin kung paano sinasagot ng nangyari noong panahon nina Debora at Barak ang mga tanong na iyan.
NADAIG NG TAKOT, PERO PINATIBAY NG DIYOS
6. Paghambingin ang mga Israelita at ang hukbo ni Jabin.
6 Ang mga Israelita ay “siniil . . . nang may kabagsikan” ni Haring Jabin ng Canaan sa loob ng 20 taon. Nagtatago pa nga sila dahil sa sobrang takot. Parang wala silang kalaban-laban, at wala man lang silang sandata o baluti, samantalang ang mga kalaban nila ay may 900 karong pandigma na may mga lingkaw na bakal.—Huk. 4:1-3, 13; 5:6-8.a
7, 8. (a) Ano ang unang tagubilin na ibinigay ni Jehova kay Barak? (b) Paano tinalo ng Israel ang hukbo ni Jabin? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
7 Pero binigyan ni Jehova si Barak ng malinaw na utos sa pamamagitan ni Debora na propetisa: “Yumaon ka at mangalat ka sa Bundok Tabor, at magsama ka ng sampung libong lalaki mula sa mga anak ni Neptali at mula sa mga anak ni Zebulon. At tiyak na itataboy ko sa iyo sa agusang libis ng Kison si Sisera na pinuno ng hukbo ni Jabin at ang kaniyang mga karong pandigma at ang kaniyang pulutong, at ibibigay ko nga siya sa iyong kamay.”—Huk. 4:4-7.
8 Kumalat ang balita. Nagtipon-tipon sa Bundok Tabor ang mga nagkusang-loob na sumama. Agad na sinunod ni Barak ang tagubilin ni Jehova. (Basahin ang Hukom 4:14-16.) Habang naglalabanan sila sa Taanac, bumugso ang malakas na ulan kung kaya naging putikan ang buong paligid. Hinabol ni Barak ang hukbo ni Sisera hanggang sa Haroset—na may layong 24 na kilometro. Habang tumatakas, iniwan ni Sisera ang dating kinatatakutan pero ngayon ay wala nang silbing karo, at saka tumakbo papuntang Zaananim, malamang na malapit sa Kedes. Nanganlong siya sa tolda ni Jael, ang asawa ni Heber na Kenita, at pinatuloy naman siya nito. Sa sobrang pagod sa labanan, nakatulog si Sisera. Habang natutulog siya, nagkaroon si Jael ng lakas ng loob na patayin siya. (Huk. 4:17-21) Nagtagumpay ang Israel sa kanilang mga kalaban!b
MAGKAIBANG SALOOBIN SA PAGKUKUSANG-LOOB
9. Tungkol sa pakikipaglaban kay Sisera, anong mga detalye ang makikita sa Hukom 5:20, 21?
9 Marami pa tayong matututuhan tungkol sa mga pangyayaring iniulat sa Hukom kabanata 4 kung babasahin natin ang susunod na kabanata. Halimbawa, sinasabi sa Hukom 5:20, 21: “Mula sa langit ay nakipaglaban ang mga bituin, mula sa kanilang mga landas ay nakipaglaban sila kay Sisera. Tinangay sila ng ilog ng Kison.” Tumutukoy ba ito sa pagtulong ng mga anghel, o sa pag-ulan ng mga bulalakaw? Hindi sinasabi ng ulat. Pero ano pa ba maliban sa tulong ng Diyos ang dahilan ng malakas na pagbuhos ng ulan sa eksaktong lugar at panahon para lumubog sa putikan ang 900 karong pandigma? Tatlong beses na sinasabi ng Hukom 4:14, 15, na ang tagumpay ay dahil kay Jehova. Walang sinuman sa 10,000 Israelitang nagkusang-loob ang makapagsasabing sila ang dahilan ng tagumpay.
10, 11. Ano ang “Meroz,” at bakit ito isinumpa?
10 Pero sa awit ng tagumpay nina Debora at Barak para kay Jehova, kataka-takang sinabi nila: “‘Sumpain ninyo ang Meroz,’ ang sabi ng anghel ni Jehova, ‘sumpain ninyo nang walang lubay ang mga tumatahan sa kaniya, sapagkat hindi sila pumaroon upang tumulong kay Jehova, upang tumulong kay Jehova kasama ng mga makapangyarihan.’”—Huk. 5:23.
11 Maliwanag na napakabisa ng sumpa sa Meroz kung kaya nawala na ang lahat ng bakas nito. Ito kaya ay isang lunsod na ang mga naninirahan ay hindi tumugon sa unang panawagan para sa mga kusang-loob na sasama sa digmaan? Kung ito ay nasa rutang dinaanan ni Sisera habang tumatakas siya, nagkaroon kaya ng pagkakataon ang mga tagarito na hulihin siya pero hindi nila iyon ginawa? Imposibleng hindi nila nalaman ang panawagan ni Jehova para sa mga kusang-loob na sasama. Sampung libo mula sa rehiyon nila ang nagtipon-tipon para lumaban. Isip-isipin na nakikita ng mga taga-Meroz ang mandirigmang si Sisera habang mag-isa siyang tumatakbo sa kanilang mga lansangan. Pagkakataon na sana nila iyon para suportahan ang layunin ni Jehova at tumanggap ng kaniyang pagpapala. Pero sinayang nila ito dahil wala silang ginawa. Kabaligtaran nga ito ng lakas-loob na pagkilos ni Jael na inilarawan sa sumunod na mga talata!—Huk. 5:24-27.
12. Anong magkaibang saloobin ang makikita sa Hukom 5:9, 10, at paano ito dapat makaapekto sa atin?
12 Sa Hukom 5:9, 10, may makikita pa tayong pagkakaiba sa saloobin ng mga sumama kay Barak at ng mga hindi sumama. Pinuri nina Debora at Barak ang “mga kumandante ng Israel, na mga nagkusang-loob sa gitna ng bayan.” Ibang-iba sila sa “mga nakasakay sa manilaw-nilaw na pulang mga asnong babae,” na nagpapaimportante at ayaw sumama sa kusang-loob na paglilingkod, at sa “mga nakaupo sa mararangyang alpombra,” na nagpapakasarap sa buhay. Di-tulad ng “mga naglalakad sa daan,” na pinili ang kaalwanan, ang mga sumama kay Barak ay handang makipaglaban sa mababatong dalisdis ng Tabor at sa maputik na libis ng Kison. Kaya sinabihan ang mga ito: “Pag-isipan ninyo!” Oo, kailangan nilang pag-isipan ang pagkakataong pinalampas nila para tumulong sa layunin ni Jehova. Ganito rin ang dapat gawin ng sinumang nag-aatubiling maglingkod sa Diyos nang lubusan.
13. Ano ang pagkakaiba ng saloobin ng mga tribo nina Ruben, Dan, at Aser sa saloobin ng mga tribo nina Zebulon at Neptali?
13 Nasaksihan mismo ng mga nagkusang-loob na sumama sa digmaan kung paano dinakila ni Jehova ang kaniyang soberanya. Maisasalaysay nila sa iba ang nakita nila, “ang matuwid na mga gawa ni Jehova.” (Huk. 5:11) Sa kabaligtaran, tinukoy ang mga tribo nina Ruben, Dan, at Aser sa Hukom 5:15-17 dahil mas nagbigay sila ng atensiyon sa kanilang mga pag-aari—mga kawan, barko, at daungan—kaysa sa gawain ni Jehova. Pero isinapanganib ng Zebulon at Neptali ang “kanilang mga kaluluwa hanggang sa punto ng kamatayan” para suportahan sina Debora at Barak. (Huk. 5:18) May mahalagang aral tayong matututuhan sa magkaibang saloobing ito tungkol sa pagkukusang-loob.
PURIHIN SI JEHOVA!
14. Paano natin masusuportahan ang soberanya ni Jehova ngayon?
14 Sa ngayon, hindi na tayo literal na nakikipagdigma, pero may pribilehiyo tayong ipakita ang ating lakas ng loob at sigasig sa gawaing pangangaral. Kailangang-kailangan ngayon sa organisasyon ni Jehova ang mga kusang-loob na maglilingkod. Milyon-milyong brother, sister, at kabataan ang naghahandog ng kanilang sarili sa iba’t ibang uri ng buong-panahong paglilingkod bilang mga payunir, Bethelite, Kingdom Hall construction volunteer, at mga boluntaryo sa asamblea at kombensiyon. Nariyan din ang mga elder na may mabibigat na pananagutan sa Hospital Liaison Committee at sa pag-oorganisa ng mga kombensiyon. Makatitiyak ka na talagang pinahahalagahan ni Jehova ang iyong pagkukusang-loob, at hindi niya iyon kalilimutan.—Heb. 6:10.
15. Paano natin malalaman kung nawawalan na tayo ng sigla sa paglilingkod kay Jehova?
15 Makabubuting tanungin ang sarili: ‘Kontento na ba akong ipaubaya sa iba ang halos lahat ng gawain? Hinahayaan ko bang makahadlang sa aking pagkukusang-loob ang sobrang pag-iisip sa materyal? Gaya nina Barak, Debora, Jael, at ng 10,000 nagkusang-loob na sumama sa digmaan, may pananampalataya ba ako at lakas ng loob na gamitin ang anumang tinataglay ko para gawin ang kalooban ni Jehova? Kung nagpaplano akong lumipat ng ibang lugar o mangibang-bansa para umasenso sa buhay, ipinananalangin ko ba ito at iniisip ang magiging epekto nito sa pamilya ko at sa kongregasyon?’c
16. Kahit taglay na ni Jehova ang lahat, ano ang puwede nating maibigay sa kaniya?
16 Binibigyang-dangal tayo ni Jehova dahil pinahihintulutan niya tayong suportahan ang kaniyang soberanya. Dahil mga tao ang unang hinikayat ng Diyablo na kumampi sa kaniya, ang pagpanig mo sa pamamahala ni Jehova ay nagbibigay ng malakas at malinaw na sagot kay Satanas. Kalugod-lugod kay Jehova ang iyong pananampalataya at katapatan na nagpapakilos sa iyo na magkusang-loob. (Kaw. 23:15, 16) Ang pagpapakita mo ng suporta ay magiging sagot niya sa mga pagtuya ni Satanas. (Kaw. 27:11) Kaya maibibigay mo ang iyong matapat na pagsunod kay Jehova, na pahahalagahan niya at magdudulot sa kaniya ng kagalakan.
17. Ano ang ipinahihiwatig ng Hukom 5:31 tungkol sa hinaharap?
17 Malapit nang mapunô ang lupa ng mga taong pumapanig sa soberanya ni Jehova. Inaasam na natin ang araw na iyon! Kasama nina Debora at Barak, aawit tayo: “Gayon nawa malipol ang lahat ng iyong mga kaaway, O Jehova, at ang mga umiibig sa iyo ay maging gaya nawa ng araw kapag yumayaon sa kaniyang kalakasan.” (Huk. 5:31) Mangyayari iyan kapag winakasan na ni Jehova ang masamang sanlibutan ni Satanas! Kapag nagsimula na ang digmaan ng Armagedon, hindi na kailangan ng mga taong magkukusang-loob para lupigin ang mga kalaban. Sa panahong iyon, ‘mananatili tayong nakatayo at titingnan ang pagliligtas ni Jehova.’ (2 Cro. 20:17) Samantala, marami tayong pagkakataon ngayon para suportahan ang layunin ni Jehova nang may lakas ng loob at sigasig.
18. Paano makikinabang ang iba sa iyong kusang-loob na paglilingkod?
18 “Dahil sa pagkukusang-loob ng bayan, pagpalain [o, purihin] ninyo si Jehova.” Ganiyan sinimulan nina Debora at Barak ang kanilang awit ng tagumpay para purihin, hindi ang mga nilalang, kundi ang Kataas-taasan. (Huk. 5:1, 2) Mapakilos din sana ng iyong pagkukusang-loob ang iba na purihin si Jehova!
a Ang lingkaw ay isang matalas, mahaba, at kung minsan ay pakurbang talim. Malamang na nakausli ito mula sa gitna ng mga gulong ng karo. Tiyak na walang magtatangkang lumapit sa gayong nakatatakot na sasakyang pandigma!
b Para sa higit pang detalye tungkol sa ulat na ito, tingnan ang artikulong “‘Ako ay Bumangon Bilang Isang Ina sa Israel’” sa Ang Bantayan, Agosto 1, 2015.
c Tingnan ang artikulong “Pagkabalisa sa Pera,” sa Ang Bantayan, Hulyo 1, 2015.