Laging Itaguyod ang Kagandahang-Loob
“Siyang nagtataguyod ng katuwiran at kagandahang-loob ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at karangalan.”—KAWIKAAN 21:21.
1. Bakit maaasahan natin na yaong inaakay ng espiritu ng Diyos ay magpapakita ng kabaitan?
SI Jehova ay mabait at mahabagin. Siya ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan.” (Exodo 34:6, 7) Kung gayon, mauunawaan kung bakit sa bunga ng kaniyang banal na espiritu ay kabilang ang pag-ibig at kabaitan.—Galacia 5:22, 23.
2. Anong mga halimbawa ang isasaalang-alang natin ngayon?
2 Yaong mga inaakay ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ni Jehova, ay nagpapakita ng bunga nito na kabaitan. Sila’y nagpapakita ng kagandahang-loob sa kanilang kaugnayan sa iba. Oo, kanilang tinutularan ang halimbawa ni apostol Pablo, ipinagkakapuri ang kanilang sarili bilang mga ministro ng Diyos “sa pamamagitan ng kabaitan” at sa iba pang mga paraan. (2 Corinto 6:3-10) Ang kanilang mabait, mahabagin, nagpapatawad na espiritu ay kasuwato ng personalidad ni Jehova, na “sagana sa kagandahang-loob” at ang Salita niya ay may taglay na maraming halimbawa ng kabaitan. (Awit 86:15; Efeso 4:32) Ano ba ang matututuhan natin buhat sa ilan sa mga ito?
Sa Pamamagitan ng Kabaitan Tayo ay Nagiging Mapagbigay at Mapagpatuloy
3. Papaanong si Abraham ay uliran sa pagpapakita ng kabaitan, at anong pampatibay-loob ang ibinibigay ni Pablo tungkol dito?
3 Ang patriarkang si Abraham (Abram)—na “kaibigan ni Jehova” at “ang ama ng lahat ng may pananampalataya”—ay isang mainam na halimbawa sa pagpapakita ng kabaitan. (Santiago 2:23; Roma 4:11) Siya at ang kaniyang pamilya, kasali na ang kaniyang pamangkin na si Lot, ay umalis sa siyudad ng Ur ng mga Caldeo at pumasok sa Canaan sa pag-uutos ng Diyos. Bagaman si Abraham ang nakatatandang lalaki at ulo ng pamilya, siya’y mabait at mapagbigay sa pagpayag na mapabigay kay Lot ang pinakamagagaling na mga lupaing pastulan, samantalang ang kinuha niya para sa kaniyang sarili ay yaong natira na lamang. (Genesis 13:5-18) Ang katulad na kabaitan ay maaaring mag-udyok sa atin na payagan ang iba na makinabang at nagdudulot naman ng kalugihan sa atin. Ang ganiyang mapagbigay na kabaitan ay kasuwato ng payo ni apostol Pablo: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa kaniyang kapuwa.” Si Pablo ay ‘nagbigay-lugod sa lahat ng tao sa lahat ng bagay, hindi hinahanap ang kaniyang sariling kapakinabangan kundi yaong kapakinabangan ng marami, upang sila’y maligtas.’—1 Corinto 10:24, 33.
4. Papaanong si Abraham at si Sara ay ginantimpalaan sa pagpapakita ng kabaitan na nasa anyo ng pagkamapagpatuloy?
4 Kung minsan ang kabaitan ay nasa kaanyuan ng taus-pusong pagpapatuloy. Si Abraham at ang kaniyang asawa, si Sara, ay mabait at mapagpatuloy sa tatlong estranghero na dumaan sa kanila noong isang araw. Sila’y nahikayat ni Abraham na makituloy sa kanila nang sandali, habang siya at si Sara ay mabilis na naghahanda ng isang masarap na pagkain para sa mga bisita. Ang mga estrangherong iyon ay mga anghel pala ni Jehova, isa sa kanila ang naghatid ng pangako na ang matanda na at baog na si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki. (Genesis 18:1-15) Anong inam na kagantihan para sa may kabaitang pagkamapagpatuloy!
5. Papaano nagpakita si Gayo ng kabaitan, at papaano tayo makagagawa ng katulad niyaon?
5 Ang isang paraan na lahat ng Kristiyano ay makapagpapakita ng kabaitan ay sa pamamagitan ng pagiging mapagpatuloy. (Roma 12:13; 1 Timoteo 3:1, 2) Kaya naman, ang mga lingkod ni Jehova ay may kabaitang nagpapatuloy sa naglalakbay na mga tagapangasiwa. Ito’y nagpapagunita ng kabaitan na ipinakita ng Kristiyanong si Gayo noong unang siglo. Siya’y gumawa ng “isang tapat na gawain” sa pagtanggap nang may kagandahang-loob sa dumadalaw na mga kapatid—at sila’y “mga estranghero” na dati’y hindi niya nakikilala. (3 Juan 5-8) Karaniwan na, kilala natin yaong mga taong may kabaitang maaanyayahan natin na tumuloy sa atin. Marahil ating napapansin na ang espirituwal na sister ay nalulumbay. Ang kaniyang kabiyak ay baka isang di-kapananampalataya o dili kaya’y isang taong tiwalag. Anong laking pagkakataon na magpakita tayo ng kabaitan sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa kaniya na makisama sa atin sa espirituwal na mga gawain at makisalo sa pagkain sa ating pamilya paminsan-minsan! Bagaman marahil hindi tayo makapaghanda ng isang bangkete, tiyak na ang ating pamilya ay magagalak sa pagpapakita ng kabaitan sa gayong sister. (Ihambing ang Kawikaan 15:17.) At walang-alinlangan na siya’y magpapasalamat nang tahasan o sa pamamagitan ng isang may kabaitang kalatas ng pasasalamat.
6. Papaano nagpakita si Lydia ng kabaitan, at bakit mahalaga na magpakita ng pagpapahalaga sa mga gawang kabaitan?
6 Pagkatapos na mabautismuhan ang debotong babaing si Lydia, “siya’y namanhik: ‘Kung inaakala ninyo [si Pablo at ang kaniyang mga kasama ang tinutukoy] na ako’y tapat kay Jehova, pumasok kayo sa aking bahay at kayo’y magsitira rito.’ At kami’y pinilit niya,” isinusog ni Lucas. Walang-alinlangan, ang kabaitan ni Lydia ay pinahalagahan. (Gawa 16:14, 15, 40) Subalit ang hindi pagpapakita ng pagpapahalaga ay totoong nakapanghihina. Minsan, isang 80-anyos na sister na hindi na gaanong malakas at wala nang gaanong kabuhayan ang may kabaitang naghanda ng pagkain para sa ilang mga bisita. Siya’y tunay na nasiraan ng loob nang isa sa mga binata ay hindi man lamang nagpatalastas sa kaniya na ito’y hindi makararating doon. Sa isa namang pagkakataon, dalawang sister ang hindi dumating pagkatapos na maipaghanda sila ng pagkain na talagang inihanda para sa kanila. “Ako ay nadismaya,” ang sabi niya, “palibhasa’y walang isa man sa kanila ang nakalimot. . . . Mas gusto ko pa ngang marinig na kanilang nalimutan ang tungkol sa pananghalian, subalit sa halip walang isa man sa dalawang sister ang may kabaitan o may sapat na pag-ibig upang magtulak sa kaniya na tawagan ako.” Ang bunga ng banal na espiritu na kabaitan ay mag-udyok kaya sa iyo na magpahalaga at maging maalalahanin sa ilalim ng katulad na mga kalagayan?
Kabaitan ang Nag-uudyok sa Atin na Maging Makonsiderasyon
7. Anong punto tungkol sa kabaitan ang ipinaghahalimbawa sa pagsisikap na makasunod sa mga kahilingan ni Jacob sa paglilibing?
7 Kabaitan ang dapat mag-udyok sa atin na maging makonsiderasyon sa iba at sa kanilang karapat-dapat na mga hangarin. Bilang halimbawa: Hiniling ni Jacob (Israel) sa kaniyang anak na si Jose na siya’y pagpakitaan ng kagandahang-loob sa pamamagitan ng hindi paglilibing sa kaniya sa Ehipto. Bagaman dahil dito kinailangan na dalhin sa malayong lugar ang bangkay ni Jacob, ang ginawa ni Jose at ng iba pang mga anak ni Jacob ay “dinala siya sa lupain ng Canaan at inilibing sa yungib ng bukid ng Machpela, ang bukid na binili ni Abraham kay Ephron na Hetheo bilang pag-aari na gagawing isang libingang dako na katapat ng Mamre.” (Genesis 47:29; 49:29-31; 50:12, 13) Kasuwato ng halimbawang iyan, hindi ba ang kagandahang-loob ang dapat mag-udyok sa atin na sumunod sa sinasang-ayunan ng Kasulatan na mga kaayusan sa paglilibing na nais ng isa sa mga miyembro ng isang pamilyang Kristiyano?
8. Ano ang itinuturo sa atin ng kaso ni Rahab tungkol sa pagganti sa kabaitan?
8 Pagka tayo’y pinagpapakitaan ng iba ng kagandahang-loob, hindi ba dapat na magpahayag tayo ng pagpapahalaga o gumanti sa anumang paraan? Tunay na dapat nga. Ang patutot na si Rahab ay nagpakita ng kabaitan sa pamamagitan ng pagtatago sa mga espiyang Israelita. Kaya naman, ang mga Israelita ay nagpakita ng kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagliligtas sa kaniya at sa kaniyang sambahayan nang ang siyudad ng Jerico ay kanilang italaga sa pagkapuksa. (Josue 2:1-21; 6:20-23) Anong inam na halimbawa na nagpapakitang dapat nating gantihin ang kabaitan sa pamamagitan ng ating pagiging makonsiderasyon at mabait!
9. Bakit mo masasabing wastong hilingin sa kaninuman na magpakita sa atin ng kagandahang-loob?
9 Sa bagay na iyan, wastong hilingin sa kaninuman na magpakita sa atin ng kagandahang-loob. Ito ay ginawa ni Jonathan, anak ng unang hari ng Israel, si Saul. Hiniling ni Jonathan sa kaniyang nakababatang mahal na kaibigang si David na ito’y magpakita sa kaniya at sa kaniyang sambahayan ng kagandahang-loob. (1 Samuel 20:14, 15; 2 Samuel 9:3-7) Naalaala ito ni David nang kaniyang ipaghiganti ang mga Gabaonita na ginawan ng masama ni Saul. Pagkatapos maalaala “ang sumpa ni Jehova” sa pagitan niya at ni Jonathan, si David ay nagpakita ng kagandahang-loob nang iligtas niya ang buhay ng anak ni Jonathan na si Mephiboseth. (2 Samuel 21:7, 8) Hinahayaan ba rin natin na ‘ang ating Oo ay maging Oo’? (Santiago 5:12) At kung tayo’y matatanda sa kongregasyon, tayo ba ay mahabagin din pagka ang kapuwa mga kapananampalataya ay kailangang pagpakitaan ng kagandahang-loob?
Ang Kabaitan ay Nagpapatibay ng Buklod
10. Papaano pinagpala ang kagandahang-loob ni Ruth?
10 Ang kagandahang-loob ay nagpapatibay ng buklod ng pamilya at nagbubunga ng kaligayahan. Ito’y ipinakita sa halimbawa ng Moabitang si Ruth. Siya’y naging isang mamumulot sa bukid ng matanda nang si Boaz malapit sa Bethlehem, at natustusan ng pagkain ang kaniyang sarili at ang kaniyang nabiyuda at maralitang biyenang babae, si Naomi. (Ruth 2:14-18) Nang malaunan ay sinabi ni Boaz kay Ruth: “Ikaw ay nagpakita ng higit na kagandahang-loob sa huli kaysa una, sa hindi mo pagsunod sa mga bagong-tao maging sa dukha o sa mayaman.” (Ruth 3:10) Una, si Ruth ay nagpakita ng kagandahang-loob kay Naomi. “Sa huli,” ang Moabita ay nagpakita ng kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagpayag na maging asawa ng matanda nang si Boaz upang magbangon ng binhi ukol sa kaniyang asawang namatay at ukol sa matanda nang si Naomi. Bilang asawa ni Boaz, si Ruth ay naging ina ng lolo ni David na si Obed. At siya’y binigyan ng Diyos ng “lubos na gantimpala” sa pagiging isang ninuno ni Jesu-Kristo. (Ruth 2:12; 4:13-17; Mateo 1:3-6, 16; Lucas 3:23, 31-33) Anong laking pagpapala ang ibinunga kay Ruth at sa kaniyang pamilya ng kaniyang kagandahang-loob! Sa ngayon, mga pagpapala, kaligayahan, at pagpapatibay ng buklod ng pamilya ang ibinubunga rin pagka umiiral sa maka-Diyos na mga tahanan ang kagandahang-loob.
11. Ano ang naging epekto ng kabaitan ni Filemon?
11 Ang kabaitan ay nagpapatibay ng buklod sa loob ng mga kongregasyon ng bayan ni Jehova. Ang lalaking Kristiyano na si Filemon ay napatanyag sa pagpapakita ng kagandahang-loob sa mga kapananampalataya. Sinabi sa kaniya ni Pablo: “Nagpapasalamat akong lagi sa aking Diyos pagka ikaw ay binabanggit ko sa aking mga panalangin, sa patuloy na pagkabalita ko ng iyong pag-ibig at ng pananampalataya mo sa Panginoong Jesus at sa lahat ng mga banal . . . ako’y totoong nagalak at naaliw sa iyong pag-ibig, sapagkat ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid.” (Filemon 4-7) Hindi sinasabi ng Kasulatan kung papaano ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan ni Filemon. Gayunman, tiyak na siya’y nagpakita ng kagandahang-loob sa kapuwa mga pinahiran sa sarisaring paraan na nagbigay ng kaginhawahan sa kanila, at ito ang walang-alinlangang nagpatibay ng buklod sa pagitan nila. Ganiyan ding mga bagay ang nadarama pagka ang mga Kristiyano’y nagpakita ng kagandahang-loob sa ngayon.
12. Ano ang resulta ng kabaitan na ipinakita ni Onesiforo?
12 Ang kabaitan ni Onesiforo ay nagkaroon din ng mabuting epekto. “Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sambahayan ni Onesiforo,” ang sabi ni Pablo, “sapagkat madalas niya akong pinadadalhan ng pampaginhawa, at hindi niya ikinahiya ang aking mga tanikala. Bagkus, nang siya’y nasa Roma, hinanap niya ako nang buong sikap at ako’y nasumpungan niya. Pagkalooban nawa siya ng Panginoon na masumpungan niya ang awa ni Jehova sa araw na yaon. At totoong alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso.” (2 Timoteo 1:16-18) Kung tayo’y magsusumikap na magpakita ng kagandahang-loob sa mga kapananampalataya, tayo’y magiging maligaya at ating patitibayin ang buklod ng pagmamahalang-magkakapatid sa loob ng kongregasyong Kristiyano.
13, 14. Papaano isang uliran ang kongregasyon sa Filipos, at papaano tumugon si Pablo sa kabaitan nito?
13 Pagka ang isang buong kongregasyon ay nagpakita ng kagandahang-loob sa mga kapuwa mananamba, ito’y nagpapatibay ng buklod sa pagitan nila. Ang gayong matibay na buklod ay umiral sa pagitan ni Pablo at ng kongregasyon sa siyudad ng Filipos. Sa katunayan, ang isang dahilan kung kaya niya isinulat ang kaniyang liham sa mga taga-Filipos ay upang magpasalamat sa kanilang kabaitan at materyal na tulong. Siya’y sumulat: “Nang pasimulan ang paghahayag ng mabuting balita, nang umalis ako sa Macedonia, walang isa mang kongregasyon na nakiisa sa akin sa pagbibigay at pagtanggap, kundi kayo lamang; sapagkat kahit sa Tesalonica, kayo’y nagpadala minsan at makalawa para sa aking kailangan. . . . Mayroon ako ng lahat ng bagay sa kalubusan at mayroon akong sagana. Ako’y busog, ngayon na tinanggap ko kay Epafrodito ang mga bagay na galing sa inyo, may isang samyo ng masarap na amoy, isang handog na kaaya-aya, na lubhang nakalulugod sa Diyos.”—Filipos 4:15-18.
14 Hindi nga ipagtataka na isinali ni Pablo sa kaniyang mga panalangin ang mababait na mga taga-Filipos! Sinabi niya: “Ako’y nagpapasalamat sa aking Diyos sa tuwing kayo’y aking naaalaala na parating sa bawat daing ko alang-alang sa inyong lahat, habang nagsusumamo ako nang may kagalakan, dahilan sa inyong pakikisama sa pagpapalaganap ng mabuting balita mula ng unang araw hanggang ngayon.” (Filipos 1:3-5) Ang gayong may kagandahang-loob at bukas-palad na pagsuporta sa gawaing pangangaral ng Kaharian ay hindi kailanman nagpapaging dukha sa isang kongregasyon. Pagkatapos na may kabaitang gawin ng mga taga-Filipos ang kaya nila na gawin sa bagay na ito, si Pablo ay nagbigay sa kanila ng katiyakan: “Lubusan namang sasapatan ng Diyos ang lahat ng inyong pangangailangan ayon sa kaniyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Kristo Jesus.” (Filipos 4:19) Oo, ginaganti ng Diyos ang kabaitan at pagkabukas-palad. Ang kaniyang Salita ay nagsasabi: “Bawat isa, anumang mabuti ang gawin niya, ay gayundin ang muling tatanggapin niya kay Jehova.”—Efeso 6:8.
Pagka Nagpapakita ng Kabaitan ang mga Babae
15, 16. (a) Papaanong ang kabaitan ni Dorcas ay inalaala, at ano ang nangyari nang siya’y mamatay? (b) Papaanong ang mababait na mga babaing Kristiyano ay nananagana sa mabubuting gawa ngayon?
15 Ang kagandahang-loob ng alagad na si Dorcas (Tabita) ng Joppe ay ginantimpalaan. “Siya’y sagana sa mabubuting gawa at sa pagkakawanggawa,” at nang ‘siya ay magkasakit at mamatay,’ ipinasundo ng mga alagad si Pedro sa Lydda. Pagdating niya, “kanilang sinamahan siya sa silid sa itaas; at lahat ng mga biyuda ay naparoon sa kaniya na umiiyak at ipinakikita ang maraming panloob na mga kasuotan at panlabas na mga kasuotan na ginawa ni Dorcas nang siya’y kasama pa nila.” Gunigunihin ang tanawin: Malulungkot, lumuluhang mga biyuda ang nagbalita sa apostol ng lubhang kabaitan ni Dorcas at kanilang ipinakita sa kaniya ang mga kasuotang iyon bilang patotoo ng kaniyang pag-ibig at kabaitan. Pagkatapos palabasin ang lahat ng naroroon, si Pedro ay lumuhod upang manalangin at bumaling sa bangkay. Makinig ka! Aniya: “Tabita, magbangon ka!” At narito! “Kaniyang idinilat ang kaniyang mga mata, at nang makita niya si Pedro, siya’y naupo. At iniabot ni Pedro sa kaniya ang kaniyang kamay, at siya’y itinindig, at tinawag niya ang mga banal at ang mga babaing balo at siya’y iniharap niyang buháy.” (Gawa 9:36-41) Anong laking pagpapala buhat sa Diyos!
16 Ito ang unang napasulat na pagkabuhay-muli na ginanap ng isang apostol ni Jesu-Kristo. At ang mga pangyayaring humantong sa kamangha-manghang himalang ito ay nakasalig sa kabaitan. Sino ang makapagsasabing si Dorcas ay bubuhayin kung siya’y hindi nanagana sa mabubuting gawa at mga pagkakawanggawa—kung siya’y hindi nanagana sa kagandahang-loob? Hindi lamang sa bagay na si Dorcas at ang mga biyudang iyon ay pinagpala kundi nagsilbing isang patotoo sa kaluwalhatian ng Diyos ang himala ng kaniyang pagkabuhay-muli. Oo, “ito’y napabalita sa buong Joppe, at marami ang sumampalataya sa Panginoon.” (Gawa 9:42) Sa ngayon, mababait na mga babaing Kristiyano ang nananagana rin sa mabubuting gawa—marahil nananahi ng mga kasuotan para sa mga kapuwa mananampalataya, naghahanda ng mga pagkain para sa may edad nang mga kasamahan natin, nagmamagandang-loob sa pagpapatuloy sa iba. (1 Timoteo 5:9, 10) Anong laking patotoo ito sa mga nakakakita! Higit sa lahat, anong ligaya natin na ang maka-Diyos na debosyon at kagandahang-loob ang nagpapakilos sa ganitong ‘malaking hukbo ng mga babae upang ihayag ang mabuting balita’ sa ikaluluwalhati ng ating Diyos, si Jehova!—Awit 68:11.
Patuloy na Itaguyod ang Kagandahang-Loob
17. Ano ang sinasabi sa Kawikaan 21:21, at papaanong ang mga salitang iyon ay kumakapit sa mga taong maka-Diyos?
17 Lahat ng naghahangad ng pagsang-ayon ng Diyos ay kailangang magtaguyod ng kagandahang-loob. “Siyang nagtataguyod ng katuwiran at kagandahang-loob ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at karangalan,” ang sabi ng isang pantas na kawikaan. (Kawikaan 21:21) Ang isang taong maka-Diyos ay masigasig na nagtataguyod ng katuwiran ng Diyos, sa tuwina’y inaakay ng mga pamantayan ng Diyos. (Mateo 6:33) Patuloy na nagpapakita siya ng tapat na pag-ibig, o kagandahang-loob, sa iba sa materyal at lalo na sa espirituwal na paraan. Sa gayon, siya’y nakasusumpong ng katuwiran, sapagkat ang espiritu ni Jehova ang tumutulong sa kaniya na mamuhay sa isang matuwid na paraan. Sa katunayan, siya’y ‘nabibihisan ng katuwiran’ tulad ng maka-Diyos na taong si Job. (Job 29:14) Ang gayong tao ay hindi ang kaniyang sariling kaluwalhatian ang hinahanap. (Kawikaan 25:27) Bagkus, kaniyang nakakamtan ang anumang kaluwalhatian na ipinahihintulot ni Jehova na tanggapin niya, marahil sa anyo ng respeto buhat sa mga kapuwa tao na inuudyukan ng Diyos na makitungo nang may kabaitan sa kaniya dahilan sa kaniyang sariling kagandahang-loob sa kanila. Bukod dito, yaong tapat na mga gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nakasusumpong ng buhay—hindi lamang sa loob ng ilang panandaliang mga taon kundi magpakailanman.
18. Bakit tayo dapat magtaguyod ng kagandahang-loob?
18 Kung gayon, hayaang lahat ng umiibig sa Diyos na Jehova ay patuloy na magtaguyod ng kagandahang-loob. Dahil sa katangiang ito ay napapamahal tayo sa Diyos at sa mga iba. Pinauunlad nito ang pagkamapagpatuloy at tayo’y ginagawang makonsiderasyon. Ang kabaitan ay nagpapatibay ng buklod na bumibigkis sa pamilya at sa kongregasyong Kristiyano. Ang mga babaing nagpapakita ng kagandahang-loob ay pinahahalagahan at lubhang malaki ang pagtingin sa kanila. At lahat ng nagtataguyod ng napakainam na katangiang ito ay nagdadala ng kaluwalhatian sa Diyos ng kagandahang-loob si Jehova.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaanong si Abraham ay uliran sa pagpapakita ng kabaitan?
◻ Ano ang itinuturo sa atin ng kaso ni Rahab tungkol sa kung papaano ginaganti ang kabaitan?
◻ Papaano nagpakita ng kabaitan ang kongregasyon sa Filipos?
◻ Papaanong ang mababait na mga babaing Kristiyano ay sumasagana sa mabubuting gawa ngayon?
◻ Bakit tayo dapat magtaguyod ng kagandahang-loob?