Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Galit?
Ang sagot ng Bibliya
Sinasabi ng Bibliya na nakakasamâ ang di-makontrol na galit, kapuwa sa taong nagagalit at sa mga taong nasa paligid niya. (Kawikaan 29:22) Kung minsan, may dahilan naman kung bakit tayo nagagalit, pero sinasabi ng Bibliya na ang mga taong laging may “silakbo ng galit” ay hindi makaliligtas sa araw ng Diyos. (Galacia 5:19-21) May mga simulain sa Bibliya na makakatulong para makontrol natin ang ating galit.
Lagi bang mali ang magalit?
Hindi. May pagkakataong makatuwiran lang magalit. Halimbawa, ang tapat na taong si Nehemias ay ‘lubhang nagalit’ nang malaman niyang pinahihirapan ang mga kapuwa niya mananamba.—Nehemias 5:6.
Nagagalit din ang Diyos. Halimbawa, nang hindi tumupad ang bayan niya noon sa kasunduan nilang siya lang ang sasambahin at naglingkod sila sa ibang diyos, “lumagablab ang galit ni Jehova laban sa Israel.” (Hukom 2:13, 14) Pero hindi galit ang nangingibabaw na katangian ng Diyos na Jehova. Ang kaniyang galit ay laging makatuwiran at kontrolado.—Exodo 34:6; Isaias 48:9.
Kailan maling magalit?
Maling magalit kapag hindi ito makontrol o wala sa katuwiran, na madalas nangyayari sa di-sakdal na mga tao. Halimbawa:
Si Cain ay “nag-init sa matinding galit” nang hindi tanggapin ng Diyos ang handog niya. Hinayaan ni Cain na patuloy siyang magalit, kaya napatay niya ang kaniyang kapatid.—Genesis 4:3-8.
Ang propetang si Jonas ay “nag-init sa galit” noong maawa ang Diyos sa mga Ninevita. Itinuwid ng Diyos si Jonas; ipinakita niyang hindi ‘tama na mag-init ito sa galit’ at na dapat ay naaawa ito sa mga makasalanang nagsisisi.—Jonas 3:10–4:1, 4, 11.a
Ipinapakita lang ng mga halimbawang ito na dahil hindi sakdal ang mga tao, ‘ang poot ng tao ay hindi nagpapakita ng katuwiran ng Diyos.’—Santiago 1:20.
Paano mo makokontrol ang iyong galit?
Tandaan na mapanganib ang di-makontrol na galit. Iniisip ng ilan na tanda ng kalakasan ang paglalabas ng galit. Pero ang totoo, kapag hindi makontrol ng isang tao ang kaniyang galit, mahina siya. “Gaya ng lunsod na nilusob, na walang pader, ang taong hindi nagpipigil ng kaniyang espiritu.” (Kawikaan 25:28; 29:11) Sa kabilang banda, kapag sinisikap nating kontrolin ang ating galit, nagpapakita tayo ng tunay na lakas at kaunawaan. (Kawikaan 14:29) Sinasabi ng Bibliya: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki.”—Kawikaan 16:32.
Kontrolin mo ang iyong galit bago ka makagawa ng isang bagay na pagsisisihan mo. “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit,” ang sabi ng Awit 37:8. Idinagdag pa nito: “Huwag kang mag-init na hahantong lamang sa paggawa ng masama.” Kaya kapag nakakaramdam tayo ng galit, may magagawa tayo—puwede natin itong pahupain bago pa tayo ‘makagawa ng masama.’ Sabi sa Efeso 4:26, “mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala.”
Kung posible, umalis ka kapag nagagalit ka na. “Ang pasimula ng pagtatalo ay gaya ng isang nagpapakawala ng tubig,” ang sabi ng Bibliya. “Bago sumiklab ang away, umalis ka na.” (Kawikaan 17:14) Kahit na tamang ayusin agad ang mga di-pagkakasundo, kailangan muna ninyong magpalamig para mahinahon kayong makapag-usap.
Alamin ang totoong nangyari. “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit,” ang sabi sa Kawikaan 19:11. Kailangang malaman muna natin ang lahat ng detalye bago tayo gumawa ng konklusyon. Kung pakikinggan nating mabuti ang lahat ng panig, hindi tayo basta-basta magagalit.—Santiago 1:19.
Manalangin para sa kapayapaan ng isip. Matutulungan tayo ng pananalangin na magkaroon ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Filipos 4:7) Puwede nating hilingin sa panalangin ang banal na espiritu ng Diyos, na tutulong sa atin na magkaroon ng mga katangiang gaya ng kapayapaan, mahabang pagtitiis, at pagpipigil sa sarili.—Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23.
Piliing mabuti ang mga kasama. May tendensiya tayong maging katulad ng mga taong nakakasama natin. (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Kaya nagbababala ang Bibliya: “Huwag kang makikisama sa sinumang madaling magalit; at sa taong magagalitin ay huwag kang sasama.” Bakit? Para “hindi mo matutuhan ang kaniyang mga landas at magdala nga ng silo sa iyong kaluluwa.”—Kawikaan 22:24, 25.
a Lumilitaw na tinanggap ni Jonas ang pagtutuwid at hindi na siya nagalit, dahil sa kaniya ipinasulat ng Diyos ang bahagi ng Bibliya na ipinangalan sa kaniya.