Ano ang Pangmalas ng Diyos sa Alak?
ANG katamtamang pag-inom ng alak ay hindi ipinagbawal ng ating Maylalang, na walang ibang hinangad kundi ang ating kabutihan.a Sa kabaligtaran, ibinigay niya ang “alak na nagpapaligaya sa puso ng tao, langis na nagpapaningning sa kanyang mukha, at tinapay na nagpapalakas.” (Awit 104:15, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Sa isang kasalan, ginawa ni Jesu-Kristo na “pinakamabuting alak” ang tubig anupat nagdagdag ng saya sa okasyon.—Juan 2:3-10, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Kaya makatuwirang isipin na alam na alam ng Maylalang kung paano nakaaapekto ang alak sa ating katawan at isip. Sa pamamagitan ng Bibliya, ‘tinuturuan tayo ng ating Ama sa langit upang makinabang tayo,’ at mahigpit niya tayong binababalaan laban sa sobrang pag-inom ng alak. (Isaias 48:17) Pag-isipan ang tuwirang mga babalang ito:
“Huwag kayong magpakalasing sa alak, kung saan may kabuktutan.” (Efeso 5:18) “Hindi magmamana ng kaharian ng Diyos . . . ang mga lasenggo.” (1 Corinto 6:9-11) Hinahatulan ng Salita ng Diyos ang “mga paglalasingan, mga walang-taros na pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.”—Galacia 5:19-21.
Talakayin natin ang ilan sa mga panganib ng labis na pag-inom ng alak.
Mga Panganib ng Labis na Pag-inom
Bagaman may ilang kabutihang naidudulot ang alak, mayroon din naman itong matatapang na sangkap na nakaaapekto sa ating isip at katawan. Ang sobrang pag-inom ng alak ay maaaring magdulot ng alinman sa sumusunod na mga problema:
Naaapektuhan ang isip ng isang tao ng labis na pag-inom kaya “di [siya] makapag-isip na mabuti.” (Kawikaan 23:33, Magandang Balita Biblia) Ganito ang paliwanag ni Allen, isang malakas uminom ng alak na binanggit sa naunang artikulo: “Ang pagiging alkoholiko ay hindi lang sakit sa katawan; sakit din ito sa isip at pag-uugali. Hindi mo na naiisip kung nakasasakit ka ng ibang tao.”
Kapag sobra ang pag-inom ng alak, nawawala ang pagpipigil sa sarili. Nagbabala ang Bibliya: “Alak at matamis na alak ang siyang nag-aalis ng mabuting motibo.” (Oseas 4:11) Paano? Kapag nakainom ang isa, ang mga kaisipan at pagnanasang karaniwan nang pinipigilan niya ay nagiging waring katanggap-tanggap—kung hindi man kanais-nais. Pinahihina ng alak ang ating determinasyong gawin ang tama anupat nasisira ang ating kaugnayan sa Diyos.
Halimbawa, nagkaroon ng pagtatalo si John at ang kaniyang kabiyak. Dahil sa galit, pumunta siya sa bar. Uminom siya nang kaunti para maging kalmado nang may lumapit sa kaniyang isang babae. Pagkatapos na makainom pa nang ilang ulit, umalis si John sa bar kasama ang babae, at nakagawa sila ng imoralidad. Sising-sisi si John sa ginawa niya. Hindi sana iyon nangyari kung hindi nawala ang kaniyang pagpipigil sa sarili dahil sa alak.
Maaari kang makapagsalita at kumilos nang padalus-dalos kapag labis na nakainom. “Sino ang laging nasa gulo? Sino ang nakikipagtalo at nakikipag-away?” ang tanong ng Bibliya. “Siyang nagpupuyat upang uminom ng isa pa.” (Kawikaan 23:29, 30, Contemporary English Version) “Makakatulad [ng taong labis uminom ng alak ang isa na] nasa gitna ng dagat at inihahampas ng malalaking alon; pasuray-suray.” (Kawikaan 23:34, Magandang Balita Biblia) Ang isang taong lasing ay nagigising na lamang na “punô ng mga pasa pero hindi matandaan kung ano ang nangyari sa kaniya.”—Kawikaan 23:35, CEV.
Maaaring magdulot ng sakit ang labis na pag-inom. “Mangangagat [ang alak] na parang ahas at makalalason na animo’y ulupong.” (Kawikaan 23:32, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Pinatutunayan ng siyensiya sa medisina ang sinaunang kawikaang ito. Ang pag-inom ng maraming alak ay lason sa katawan na maaaring magdulot ng iba’t ibang kanser, hepatitis, sakit sa atay, sakit sa lapay, mababang blood sugar sa mga may diabetes, fetal alcohol syndrome, istrok, o sakit sa puso—na ilan lamang sa maaari nating banggitin. At kahit ang isang beses na pagkalango sa alak ay maaaring maging dahilan ng koma o kamatayan. Gayunman, hindi binabanggit sa mga aklat pangmedisina ang pinakamapanganib na resulta ng labis na pag-inom ng alak.
Ang pinakamapanganib na resulta. Kahit na hindi malasing ang isang tao, ang sobrang pag-inom ay mapanganib sa espirituwal. Malinaw na sinasabi ng Bibliya: “Sa aba ng mga maagang bumabangon sa kinaumagahan upang makapaghanap lamang sila ng nakalalangong inumin, na nagtatagal hanggang sa kadiliman ng gabi anupat pinagniningas sila ng alak!” Bakit? Ipinaliwanag ni Isaias ang panganib sa espirituwal ng labis na pag-inom ng alak: “Ang gawain ni Jehova ay hindi nila tinitingnan, at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay hindi nila nakikita.”—Isaias 5:11, 12.
Nagpapayo ang Bibliya na huwag “sumama sa mga labis uminom ng alak.” (Kawikaan 23:20) Binabalaan ang matatandang babae na huwag ‘magpaalipin sa maraming alak.’ (Tito 2:3) Bakit? Unti-unti at karaniwan nang hindi napapansin ng mga tao na mas marami ang kanilang naiinom at mas madalas pa nga kaysa sa dati. Sa dakong huli, ang mga ito ay magtatanong, “Kailan kaya ako magigising para makahanap uli ng maiinom?” (Kawikaan 23:35, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Hindi pa siya nasiyahan sa pag-inom kaya’t alak ang ginagawa niyang pangmumog sa umaga.
Nagbababala ang Bibliya na ang mga taong nakikisangkot sa “mga pagpapakalabis sa alak, mga walang-taros na pagsasaya, mga paligsahan sa pag-inom . . . ay magsusulit sa isa na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay.” (1 Pedro 4:3, 5) At may kinalaman sa mapanganib na panahong kinabubuhayan natin, nagbabala si Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw [ni Jehova] ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo.”—Lucas 21:34, 35.
Ano kung gayon ang dapat gawin ng mga mahilig sa alak para hindi “mapabigatan ng . . . labis na pag-inom”?
[Talababa]
a Sa artikulong ito, ang salitang “alak” ay tumutukoy sa beer at iba pang inuming de-alkohol.
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Maraming idinudulot na problema ang labis na pag-inom ng alak