Ang Bibliya at ang Kinabukasan Mo
ISIPING naglalakad ka sa isang madilim na kalsada. Kahit matagal nang lumubog ang araw, hindi ka nawawalan ng pag-asa dahil may dala kang flashlight. Kapag itinutok mo ito sa ibaba, makikita mo nang malinaw ang dinaraanan mo. Kapag itinutok mo naman ito nang deretso, makikita mo nang malinaw ang nasa unahan mo.
Ang Bibliya ay para ding flashlight. Gaya ng nabanggit sa mga naunang artikulo, makatutulong sa atin ang Salita ng Diyos para maharap natin ang mga problemang dumarating sa atin araw-araw sa daigdig na ito na walang katiyakan. Pero hindi lang iyan. Malinaw nitong ipinakikita ang mangyayari sa hinaharap para makalakad tayo sa daan na umaakay sa kaligayahan at pagkakontento. (Awit 119:105) Paano?
Talakayin natin ang dalawang paraan kung paano nagbibigay ang Bibliya ng pag-asa sa hinaharap: 1 Tinutulungan tayo nito na magkaroon ng layunin sa buhay, at 2 itinuturo nito kung paano tayo magiging kaibigan ng ating Maylalang magpakailanman.
1 LAYUNIN SA BUHAY
Naglalaan ang Bibliya ng maaasahang payo para maharap natin ang mga problema. Pero hindi lang ito gaya ng mga aklat na nagbibigay ng payo. Sa halip na himukin tayong magpokus sa sarili, tinuturuan tayo ng Bibliya kung paano lalawak ang ating pananaw. Sa gayon, magkakaroon ng kabuluhan ang ating buhay.
Kuning halimbawa ang simulaing ito sa Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Nakatulong ka na ba sa isang nangangailangan? O marahil ay nakinig ka sa isang kaibigan habang sinasabi niya sa iyo ang kaniyang niloloob. Tiyak na naging masaya ka dahil napasaya mo ang iba.
Magiging maligaya tayo kapag nagbibigay tayo nang walang hinihintay na kapalit. Sinabi ng isang awtor: “Kapag sagana kang nagbibigay, siguradong tatanggap ka nang higit pa kaysa sa ibinigay mo—basta’t nagbibigay ka nang walang inaasahang kapalit.” Pero kapag nagbibigay tayo—lalo na sa mga taong walang kakayahang suklian ang ating ginawa—mayroon tayong natatanggap na kapalit. Nagiging bahagi tayo ng layunin ni Jehova. Oo, nakikipagtulungan tayo sa ating Maylalang, na ang pananaw sa gayong kabaitan ay gaya ng pagpapautang sa kaniya. (Kawikaan 19:17) Pinahahalagahan niya ang ginagawa natin para sa mga nangangailangan, at nangangako siyang gagantimpalaan niya tayo ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa—isa ngang kapana-panabik na pag-asa!—Awit 37:29; Lucas 14:12-14.a
Higit sa lahat, itinuturo ng Bibliya na makikita natin ang tunay na layunin ng buhay kung sasambahin natin ang tunay na Diyos, si Jehova. Hinihimok tayo ng kaniyang Salita na purihin, parangalan, at sundin siya. (Eclesiastes 12:13; Apocalipsis 4:11) Sa paggawa nito, napasasaya natin ang ating Maylalang. Hinihimok niya tayo: “Magpakarunong ka . . . at pasayahin mo ang aking puso.” (Kawikaan 27:11) Isipin ito: Kapag nagdedesisyon tayo ayon sa simulain ng Bibliya, napasasaya natin ang puso ng ating makalangit na Ama. Bakit? Dahil nagmamalasakit siya sa atin at gusto niyang makinabang tayo sa pagsunod sa kaniyang payo. (Isaias 48:17, 18) May hihigit pa ba sa pagsamba sa Soberano ng uniberso at pamumuhay sa paraang magpapasaya sa kaniyang puso?
2 MAGING KAIBIGAN NG ATING MAYLALANG
Itinuturo din ng Bibliya kung paano tayo magiging kaibigan ng ating Maylalang. Sinasabi nito: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Kung minsan, baka nag-aalinlangan tayo kung posible tayong maging kaibigan ng Maylalang na makapangyarihan-sa-lahat. Pero tinitiyak ng Bibliya na kung ‘hahanapin natin ang Diyos, talagang masusumpungan natin siya,’ dahil “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Ang payo ng Bibliya na maging kaibigan ng Diyos ay talagang mahalaga para sa ating kinabukasan. Paano?
Pag-isipan ito: Kahit anong gawin natin, hindi natin kayang takasan ang huling kaaway—ang kamatayan. (1 Corinto 15:26) Pero ang Diyos ay walang-hanggan. Hindi siya mamamatay, at gusto rin niyang mabuhay ang mga kaibigan niya magpakailanman. Gamit ang simple pero magandang pananalita, ipinakita sa Bibliya ang gusto ni Jehova para sa mga humahanap sa kaniya: “Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.”—Awit 22:26.
Paano ka magiging kaibigan ng Diyos magpakailanman? Patuloy na kilalanin siya sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. (Juan 17:3; 2 Timoteo 3:16) Humingi ng tulong sa kaniya para maunawaan ang Kasulatan. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na kung ‘patuloy tayong hihingi ng karunungan sa Diyos,’ bibigyan niya tayo nito.b (Santiago 1:5) Pagkatapos, sikaping gawin ang natututuhan mo, hayaang ang Salita ng Diyos ay magsilbing “lampara sa [iyong] paa” at “liwanag sa [iyong] landas”—ngayon at magpakailanman.—Awit 119:105.
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan sa Paraiso, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aalok ng libreng pag-aaral sa Bibliya para mas maunawaan mo ang Kasulatan. Para malaman ang tungkol dito, pakisuyong panoorin ang video na Paano Ginagawa ang Pag-aaral sa Bibliya? na nasa www.jw.org/tl.
Ang Diyos ay walang-hanggan, at gusto rin niyang mabuhay ang mga kaibigan niya magpakailanman