Patuloy na Lumakad na Kasama ng Diyos
“Patuloy na lumakad sa espiritu at hindi kayo kailanman makagagawa ng makalamang nasa.”—GALACIA 5:16.
1. (a) Sa gitna ng anong mga kalagayan at gaano katagal lumakad si Enoc na kasama ng Diyos? (b) Gaano katagal lumakad si Noe na kasama ng Diyos, at nagkaroon siya ng anong mabibigat na pananagutan?
SINASABI sa atin ng Bibliya na si Enoc ay “patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” Sa kabila ng nakapangingilabot na pananalita at di-makadiyos na paggawi ng mga tao sa palibot niya, siya’y matiyagang lumakad na kasama ng Diyos hanggang sa matapos ang kaniyang buhay sa edad na 365. (Genesis 5:23, 24; Judas 14, 15) Si Noe rin naman ay “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” Gayon ang ginawa niya samantalang nangangalaga ng kaniyang pamilya, samantalang nagbabata sa isang sanlibutang naiimpluwensiyahan ng rebeldeng mga anghel at ng kanilang mararahas na supling, at samantalang nag-aasikaso sa lahat ng detalye may kinalaman sa pagtatayo ng isang malaking daong na mas malaki kaysa sa anumang sasakyang pandagat noong unang panahon. Patuloy siyang lumakad na kasama ng Diyos pagkatapos ng Delubyo, kahit na noong muling bumangon ang paghihimagsik kay Jehova sa Babel. Sa katunayan, patuloy na lumakad si Noe kasama ng Diyos hanggang sa mamatay siya sa edad na 950.—Genesis 6:9; 9:29.
2. Ano ang ibig sabihin ng ‘paglakad na kasama ng Diyos’?
2 Kapag sinasabing ang mga lalaking ito na may pananampalataya ay “lumakad” na kasama ng Diyos, ginagamit ng Bibliya ang salitang ito sa isang makasagisag na diwa. Nangangahulugan ito na sina Enoc at Noe ay gumawi sa paraang nagpatunay sa kanilang matibay na pananampalataya sa Diyos. Ginawa nila ang iniutos ni Jehova sa kanila at inugitan ang kanilang buhay kasuwato ng nalalaman nila tungkol sa kaniya mula sa kaniyang pakikitungo sa sangkatauhan. (Ihambing ang 2 Cronica 7:17.) Hindi lamang sila sumang-ayon sa sinabi at ginawa ng Diyos kundi ginawa nila ang lahat ng kaniyang hinihiling—hindi lamang ang ilan dito kundi ang lahat ng magagawa nila bilang mga taong di-sakdal. Kaya naman, bilang halimbawa, ginawa ni Noe kung ano ang eksaktong iniutos ng Diyos sa kaniya. (Genesis 6:22) Hindi nagpauna si Noe sa mga bagay na iniutos sa kaniya, at hindi rin naman siya nagpabaya at nagpahuli. Bilang isa na may matalik na kaugnayan kay Jehova, anupat malayang nananalangin sa Diyos at nagpapahalaga sa banal na pangunguna, siya’y lumakad na kasama ng Diyos. Ganiyan ba ang ginagawa ninyo?
Isang Di-Nagbabagong Landasin ng Buhay
3. Ano ang lubhang mahalaga para sa lahat ng nakaalay at bautisadong lingkod ng Diyos?
3 Nakasisiyang makita ang mga tao na nagsisimulang lumakad na kasama ng Diyos. Habang gumagawa sila ng positibong mga hakbang kasuwato ng kalooban ni Jehova, napatutunayan ang kanilang pananampalataya, na kung wala nito ay hindi maaaring palugdan ng isa ang Diyos. (Hebreo 11:6) Anong saya natin na bawat taon, bilang katamtamang bilang sa nakaraang limang taon, mahigit sa 320,000 katao ang nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at nagharap ng kanilang sarili upang pabautismo sa tubig! Ngunit mahalaga rin para sa kanila at para sa ating lahat ang patuloy na paglakad kasama ng Diyos.—Mateo 24:13; Apocalipsis 2:10.
4. Bagaman nagpakita sila ng pananampalataya, bakit hindi nakapasok sa Lupang Pangako ang karamihan sa mga Israelita na lumisan sa Ehipto?
4 Noong panahon ni Moises, kinailangan ng pananampalataya para maipagdiwang ng isang pamilyang Israelita ang Paskuwa sa Ehipto at magwisik ng dugo sa mga poste ng pinto at sa gawing itaas ng pintuan ng kanilang tahanan. (Exodo 12:1-28) Gayunman, naging mabuway ang pananampalataya ng marami nang makita nilang nasusukol na sila ng hukbo ni Faraon sa Dagat na Pula. (Exodo 14:9-12) Ipinakikita ng Awit 106:12 na noong ligtas silang makatawid sa tuyong sahig ng dagat at nakita nilang nilipol ng bumubugsong katubigan ang hukbong Ehipsiyo, sila ay muling “nanampalataya sa salita [ni Jehova].” Subalit, paglipas lamang ng sandaling panahon sa ilang, ang mga Israelita ay nagsimulang magreklamo tungkol sa maiinom na tubig, pagkain, at pangangasiwa. Natakot sila dahil sa negatibong ulat ng 10 sa 12 espiya na bumalik mula sa Lupang Pangako. Sa ilalim ng ganoong mga kalagayan, gaya ng sabi sa Awit 106:24, “sila’y hindi nanampalataya sa salita [ng Diyos].” Ibig nilang bumalik sa Ehipto. (Bilang 14:1-4) Nakita lamang ang anumang taglay nilang pananampalataya nang masaksihan nila ang pambihirang mga pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos. Hindi sila nagpatuloy sa paglakad na kasama ng Diyos. Bunga nito, ang mga Israelitang iyon ay hindi nakapasok sa Lupang Pangako.—Awit 95:10, 11.
5. Paano nauugnay ang 2 Corinto 13:5 at Kawikaan 3:5, 6 sa paglakad na kasama ng Diyos?
5 Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano kayo mismo.” (2 Corinto 13:5) Ang pagiging “nasa pananampalataya” ay nangangahulugan ng panghahawakan sa kalipunan ng mga paniniwalang Kristiyano. Mahalaga ito kung ibig nating magtagumpay sa paglakad na kasama ng Diyos sa lahat ng araw ng ating buhay. Upang makalakad na kasama ng Diyos, kailangan din nating isagawa ang katangian ng pananampalataya, anupat lubusang nagtitiwala kay Jehova. (Kawikaan 3:5, 6) Maraming bitag at patibong na maaaring sumilo sa mga hindi gagawa ng gayon. Ano ang ilan sa mga ito?
Iwasan ang Silo ng Kumpiyansa-sa-Sarili
6. Ano ang nalalaman ng lahat ng Kristiyano tungkol sa pakikiapid at pangangalunya, at ano ang nadarama nila tungkol sa mga kasalanang ito?
6 Bawat isa na nag-aral ng Bibliya, nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova, at nagpabautismo ay nakababatid na hinahatulan ng Salita ng Diyos ang pakikiapid at pangangalunya. (1 Tesalonica 4:1-3; Hebreo 13:4) Ang gayong mga tao ay sumasang-ayon na wasto ito. Ibig nilang mamuhay kasuwato nito. Gayunman, ang seksuwal na imoralidad ay nananatiling isa sa pinakamabibisang silo ni Satanas. Bakit?
7. Sa Kapatagan ng Moab, paano nasangkot ang mga lalaking Israelita sa paggawi na alam nilang mali?
7 Sa pasimula, yaong nasangkot sa gayong imoral na paggawi ay maaaring hindi nagbalak na gumawa ng gayon. Marahil ay totoo rin ito sa mga Israelita sa Kapatagan ng Moab. Sa mga lalaking Israelita na nanghihimagod na sa buhay sa ilang, maaaring sa una ay waring palakaibigan at mapagpatuloy ang mga babaing Moabita at Midianita na umakit sa kanila. Ngunit ano ang nangyari nang paunlakan ng mga Israelita ang mga paanyaya na makisama sa mga taong naglilingkod kay Baal at hindi kay Jehova, mga taong hinahayaan ang kanilang mga anak na babae (maging yaong galing sa mga prominenteng pamilya) na sumiping sa mga lalaking hindi nila asawa? Nang sa wari ay kanais-nais ang gayong pakikipagsamahan para sa mga kalalakihan sa kampo ng Israel, sila’y narahuyong gumawa ng mga bagay na alam nilang mali, at buhay nila ang naging kapalit nito.—Bilang 22:1; 25:1-15; 31:16; Apocalipsis 2:14.
8. Sa ating panahon, ano ang maaaring umakay sa isang Kristiyano sa seksuwal na imoralidad?
8 Ano ang maaaring magpangyari na mahulog ang isang tao sa katulad na silo sa ating panahon? Bagaman maaaring nalalaman niya ang kaselanan ng seksuwal na imoralidad, kung hindi rin niya nauunawaan ang panganib ng kumpiyansa-sa-sarili, baka hayaan niya ang sarili na malagay sa isang situwasyon na kung saan ang pang-akit na gumawa ng masama ay mangibabaw sa kaniyang pangangatuwiran.—Kawikaan 7:6-9, 21, 22; 14:16.
9. Anong maka-Kasulatang mga babala ang makapag-iingat sa atin laban sa imoralidad?
9 Sa simpleng pananalita ay binababalaan tayo ng Salita ng Diyos na huwag maligaw sa pag-iisip na tayo’y totoong matatag anupat hindi tayo mapipinsala ng masasamang kasama. Kasali rito ang panonood ng mga programa sa telebisyon na nagtatampok sa buhay ng imoral na mga tao at pagtingin sa mga magasin na pumupukaw ng imoral na mga pita. (1 Corinto 10:11, 12; 15:33) Maging ang pakikisalamuha sa mga kapananampalataya sa ilalim ng di-angkop na mga kalagayan ay maaaring humantong sa malulubhang suliranin. Malakas ang atraksiyon sa pagitan ng magkaibang sekso. Kaya naman maibiging nagbababala ang organisasyon ni Jehova laban sa pagsosolo at pagbubukod kasama ng isang di-kasekso na hindi natin asawa o hindi kapamilya. Upang patuloy na makalakad na kasama ng Diyos, kailangan nating iwasan ang silo ng kumpiyansa-sa-sarili at sundin ang babalang payo na ibinibigay niya sa atin.—Awit 85:8.
Huwag Hayaang Masupil Kayo ng Pagkatakot sa Tao
10. Paano nagdadala ng silo ang “panginginig sa mga tao”?
10 Ang isa pang panganib ay ipinakikilala sa Kawikaan 29:25, na nagsasabi: “Ang panginginig sa mga tao ang nagdadala ng silo.” Ang bitag ng isang mangangaso ay malimit na may isang panilo na sumasakal sa leeg o mga lubid na sumasalabid sa mga paa ng isang hayop. (Job 18:8-11) Sa katulad na paraan, ang panginginig sa mga tao ay maaaring humadlang sa kakayahan ng isang tao na magsalita nang malaya at gumawi sa paraang nakalulugod sa Diyos. Normal lamang ang hangaring mapalugdan ang iba, at hindi para sa isang Kristiyano ang tahasang magwalang-bahala sa iniisip ng ibang tao. Ngunit kailangang maging timbang. Kapag ang pagkabahala sa posibleng reaksiyon ng ibang tao ay nagpapangyari sa isa na gawin ang ipinagbabawal ng Diyos o huminto sa paggawa ng iniuutos ng Salita ng Diyos, nasilo na ang taong iyon.
11. (a) Ano ang proteksiyon laban sa pagpapahintulot na ang isa ay supilin ng pagkatakot sa tao? (b) Paano tinutulungan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na nakikipagpunyagi sa pagkatakot sa mga tao?
11 Ang proteksiyon laban sa gayong silo ay nakasalalay, hindi sa likas na disposisyon ng isa, kundi sa ‘pagtitiwala kay Jehova.’ (Kawikaan 29:25b) Kung may tiwala sa Diyos, kahit ang isang taong likas na mahiyain ay maaaring mapatunayang malakas ang loob at matatag. Hangga’t napalilibutan tayo ng mga panggigipit ng satanikong sistemang ito ng mga bagay, kakailanganin nating maging mapagbantay laban sa nakasisilong pagkatakot sa tao. Bagaman si propeta Elias ay may mainam na rekord ng may-lakas-ng-loob na paglilingkod, buong-pagkatakot na tumakas siya nang magbanta si Jezebel na ipapapatay siya. (1 Hari 19:2-18) Sa ilalim ng panggigipit, buong-takot na ikinaila ni apostol Pedro na kilala niya si Jesu-Kristo, at pagkaraan ng mga taon ay hinayaang ang takot ay mag-udyok sa kaniya na gumawi sa paraan na salungat sa pananampalataya. (Marcos 14:66-71; Galacia 2:11, 12) Gayunman, sina Elias at Pedro ay kapuwa tumanggap ng espirituwal na tulong at, taglay ang pagtitiwala kay Jehova, patuloy na naglingkod sa Diyos sa kaayaayang paraan.
12. Anong modernong-panahong mga halimbawa ang nagpapakita kung paano tinutulungan ang mga indibiduwal na maiwasang maudyukan sila ng takot upang huminto na palugdan ang Diyos?
12 Marami sa mga lingkod ni Jehova sa ating panahon ang natuto rin kung paano dadaigin ang nakasisilong takot. Ganito ang inamin ng isang tin-edyer na Saksi sa Guyana: “Sa paaralan ay matindi ang pakikipagpunyagi laban sa panggigipit ng mga kasama.” Ngunit idinagdag niya: “Gayundin katindi ang aking pananampalataya kay Jehova.” Nang tuyain siya ng kaniyang guro sa harap ng buong klase dahil sa kaniyang pananampalataya, tahimik siyang nanalangin kay Jehova. Pagkaraan ay mataktika siyang nagpatotoo sa guro nang silang dalawa lamang. Nang dumadalaw sa kaniyang bayan sa Benin, ang isang kabataang lalaki na natututo ng mga kahilingan ni Jehova ay nagpasiya na itapon ang idolo na ginawa ng kaniyang ama para sa kaniya. Alam ng kabataan na ang imahen ay walang buhay, at hindi siya natakot dito, ngunit alam din niya na ang mga galít na taganayon ay maaaring maghangad na patayin siya. Nanalangin siya kay Jehova, at pagkatapos ay sa bandang gabi niya dinala ang idolo sa kakahuyan at itinapon iyon. (Ihambing ang Hukom 6:27-31.) Nang magsimulang maglingkod kay Jehova ang isang babae sa Dominican Republic, iginiit ng kaniyang asawa na mamili siya sa pagitan nito at ni Jehova. Nagbantang makikipagdiborsiyo ang lalaki. Dahil ba sa takot ay tatalikuran niya ang kaniyang pananampalataya? Sumagot siya: “Kung pagtataksil ang nasasangkot, mahihiya ako, ngunit hindi ko ikahihiya ang paglilingkod sa Diyos na Jehova!” Patuloy siyang lumakad na kasama ng Diyos, at dumating ang panahon na ang kaniyang asawa ay nakisama sa kaniya sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Taglay ang lubusang pagtitiwala sa ating makalangit na Ama, maiiwasan din naman natin na maudyukan tayo ng pagkatakot sa tao na huminto sa paggawa ng alam nating makalulugod kay Jehova.
Huwag Maliitin ang Payo
13. Tungkol sa anong silo binababalaan tayo ng 1 Timoteo 6:9?
13 Bagaman ang ilang silo na ginagamit ng mga mangangaso ay dinisenyo upang makahuli ng anumang hayop na nagkataong dumaraan sa isang lugar, ang ibang silo ay umaakit sa mga hayop sa pamamagitan ng mapanlinlang na bitag. Sa maraming tao, parang ganiyan ang kayamanan. (Mateo 13:22) Sa 1 Timoteo 6:8, 9, pinasisigla tayo ng Bibliya na maging kontento na sa pagkain at pananamit. Pagkatapos ay nagbabala ito: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming walang-kabuluhan at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkasira.”
14. (a) Ano ang maaaring humadlang sa isang tao sa pagsunod sa payo na maging kontento na sa pagkain at pananamit? (b) Paanong ang maling pagpapakahulugan sa kayamanan ay magpangyari sa isa na maliitin ang babala na nakaulat sa 1 Timoteo 6:9? (c) Sa paanong paraan mapangyayari ng “pagnanasa ng mga mata” na maging bulag ang ilan sa silo na naghihintay sa kanila?
14 Sa kabila ng babalang ito, marami ang nasisilo dahil ang payo ay hindi nila ikinakapit sa kanilang sarili. Bakit? Inuudyukan kaya sila ng pagmamapuri upang igiit ang pagsunod sa isang istilo ng pamumuhay na naghahangad ng higit pa kaysa sa “pagkain at pananamit” na sa mga ito’y hinihimok naman tayo ng Bibliya na maging kontento na? Minamaliit kaya nila ang babala ng Bibliya marahil dahil sa ang pagpapakahulugan nila sa kayamanan ay batay sa tinataglay ng totoong mayayamang tao? Ipinakikita lamang ng Bibliya ang pagkakaiba sa pagitan ng determinasyong yumaman at ng pagiging kontento na sa pagkain at pananamit. (Ihambing ang Hebreo 13:5.) Pinangyayari kaya ng “pagnanasa ng mga mata”—ang pagnanasa na magtaglay ng mga bagay na nakikita nila, kahit kapalit ng espirituwal na mga tunguhin—na ilagay na lamang sa pangalawahing dako ang kapakanan ng tunay na pagsamba? (1 Juan 2:15-17; Hagai 1:2-8) Mas maligaya nga yaong tunay na sumusunod sa payo ng Bibliya at lumalakad na kasama ng Diyos anupat inuuna sa kanilang buhay ang paglilingkuran kay Jehova!
Matagumpay na Hinaharap ang mga Kabalisahan sa Buhay
15. Anong mga situwasyon ang mauunawaang nagdudulot ng kabalisahan sa marami na kabilang sa bayan ni Jehova, at sa anong silo tayo dapat na maging mapagbantay kapag tayo’y nasa gayong kagipitan?
15 Mas pangkaraniwan kaysa sa determinasyong yumaman ay ang kabalisahan sa pagkuha ng mga pangangailangan sa buhay. Marami sa mga lingkod ni Jehova ang nabubuhay na may kakaunting tinatangkilik. Nagpapagal sila sa loob ng maraming oras upang magkaroon kahit man lamang ng kinakailangang pananamit, ng isang lugar na matutulugan ng kanilang pamilya sa gabi, at sa paano man ng pagkain para sa araw-araw. Ang iba ay nakikipagpunyagi sa mga suliraning dulot ng pagkakasakit o ng pagtanda nila o ng mga miyembro ng pamilya. Tunay ngang napakadali na hayaang ang gayong mga kalagayan ay magsaisangtabi sa espirituwal na mga kapakanan sa kanilang buhay!—Mateo 13:22.
16. Paano tayo tinutulungan ni Jehova na makayanan ang mga panggigipit sa buhay?
16 Sa maibiging paraan, sinasabi sa atin ni Jehova ang tungkol sa kaginhawahang mararanasan sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian. (Awit 72:1-4, 16; Isaias 25:7, 8) Tinutulungan din niya tayo na makayanan ang mga kagipitan sa buhay ngayon sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng payo kung paano pananatilihing nasa ayos ang ating mga priyoridad. (Mateo 4:4; 6:25-34) Sa pamamagitan ng ulat kung paano niya tinulungan ang kaniyang mga lingkod noon, tayo’y binibigyang-katiyakan ni Jehova. (Jeremias 37:21; Santiago 5:11) Pinatitibay niya tayo sa pamamagitan ng kaalaman na, anuman ang kagipitang dumating sa atin, hindi magbabago ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang matapat na mga lingkod. (Roma 8:35-39) Doon sa mga nagtitiwala kay Jehova, ipinahayag niya: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”—Hebreo 13:5.
17. Magbigay ng mga halimbawa kung paano nakapagpatuloy sa paglakad na kasama ng Diyos yaong mga taong dumaranas ng matinding kagipitan.
17 Palibhasa’y napalakas sa pagkaalam nito, ang mga tunay na Kristiyano ay patuloy na lumalakad na kasama ng Diyos sa halip na bumaling sa makasanlibutang mga daan. Isang pangkaraniwang makasanlibutang pilosopiya ng mga dukha sa maraming lupain ay na hindi pagnanakaw ang pagkuha mula sa isang taong mas maraming tinataglay nang sa gayo’y may maipakain ka sa iyong pamilya. Ngunit ang ganitong pangmalas ay tinatanggihan niyaong mga lumalakad sa pananampalataya. Mahalaga sa kanila higit sa anupaman ang pagsang-ayon ng Diyos at umaasa sila na kaniyang gagantimpalaan ang kanilang tapat na paggawi. (Kawikaan 30:8, 9; 1 Corinto 10:13; Hebreo 13:18) Nasumpungan ng isang biyuda sa India na ang pagiging handang magtrabaho lakip na ang pagkamaparaan ay nakatulong sa kaniya na makaraos. Sa halip na maghinanakit sa kaniyang kalagayan sa buhay, batid niya na kung uunahin niya sa kaniyang buhay ang Kaharian ng Diyos at ang Kaniyang katuwiran, pagpapalain ni Jehova ang kaniyang mga pagsisikap na makakuha ng mga pangangailangan para sa kaniyang sarili at sa kaniyang anak. (Mateo 6:33, 34) Libu-libo sa buong lupa ang nagpakita na, anuman ang kagipitang nararanasan nila, si Jehova ang kanilang kanlungan at matibay na moog. (Awit 91:2) Totoo ba ito sa inyo?
18. Ano ang susi sa pag-iwas sa mga silo ng sanlibutan ni Satanas?
18 Hangga’t nabubuhay tayo sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, may mga silong dapat iwasan. (1 Juan 5:19) Ang mga ito ay ipinakikilala ng Bibliya at ipinakikita sa atin kung paano maiiwasan ang mga ito. Ang gayong mga silo ay mapagtatagumpayan niyaong mga tunay na umiibig kay Jehova at may kapaki-pakinabang na pagkatakot na di-makalugod sa kaniya. Kung sila’y ‘patuloy na lalakad sa espiritu,’ hindi sila madaraig ng makasanlibutang mga daan. (Galacia 5:16-25) Para sa lahat ng tunay na inuuna sa kanilang buhay ang kanilang kaugnayan kay Jehova, nariyan ang dakilang pag-asa na lumakad na kasama ng Diyos, anupat magtamasa ng matalik na kaugnayan sa kaniya magpakailanman.—Awit 25:14.
Ano ang Iyong Komento?
◻ Paano maaaring maging isang silo ang kumpiyansa-sa-sarili?
◻ Ano ang makapag-iingat sa atin upang hindi tayo masupil ng pagkatakot sa tao?
◻ Ano ang maaaring mag-udyok sa atin na hindi ikapit ang payo tungkol sa panganib ng pagsusumakit ukol sa kayamanan?
◻ Ano ang magpapangyari sa atin na maiwasang masilo ng mga kabalisahan sa buhay?
[Larawan sa pahina 16, 17]
Marami ang patuloy na lumalakad na kasama ng Diyos sa buong buhay nila