Lumakad sa Pamamagitan ng Pananampalataya, Hindi sa Pamamagitan ng Paningin!
“Lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”—2 CORINTO 5:7.
1. Ano ang nagpapakita na si apostol Pablo ay lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin?
NOON ay taóng 55 C.E. Mga 20 taon na ang nakalipas mula nang yakapin ng isang lalaki ang Kristiyanismo. Ang dating pangalan ng lalaking ito ay Saul, isang mang-uusig ng mga Kristiyano. Hindi niya hinayaang humina ang kaniyang pananampalataya sa Diyos sa paglipas ng panahon. Bagaman hindi niya nakikita sa pamamagitan ng kaniyang pisikal na mga mata ang mga bagay sa langit, matibay pa rin ang kaniyang pananampalataya. Kaya naman nang sumulat siya sa mga pinahirang Kristiyano, na may makalangit na pag-asa, sinabi ni apostol Pablo: “Lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”—2 Corinto 5:7.
2, 3. (a) Paano natin ipinakikita na lumalakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya? (b) Ano ang ibig sabihin ng lumakad sa pamamagitan ng paningin?
2 Ang paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng lubos na pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na patnubayan ang ating buhay. Dapat na lubusan tayong kumbinsido na talagang alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin. (Awit 119:66) Kapag nagpapasiya tayo at kumikilos kaayon ng mga ito, isinasaalang-alang natin ang “mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Kalakip dito ang ipinangakong “mga bagong langit at isang bagong lupa.” (2 Pedro 3:13) Sa kabilang panig naman, ang paglakad sa pamamagitan ng paningin ay nangangahulugang itinataguyod natin ang isang landasin ng buhay na inuugitan lamang ng mga bagay na ipinahihiwatig ng ating pisikal na mga pandamdam. Mapanganib ito dahil maaari itong humantong sa lubusan nating pagwawalang-bahala sa kalooban ng Diyos.—Awit 81:12; Eclesiastes 11:9.
3 Kabilang man tayo sa “munting kawan,” na may makalangit na pag-asa, o sa “ibang mga tupa,” na may makalupang pag-asa, dapat isapuso ng bawat isa sa atin ang payo na lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin. (Lucas 12:32; Juan 10:16) Tingnan natin kung paano tayo maipagsasanggalang ng pagsunod sa kinasihang payong ito mula sa pagiging biktima ng “pansamantalang kasiyahan sa kasalanan,” ng silo ng materyalismo, at ng kawalan ng pansin sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay. Susuriin din natin ang mga panganib sa paglakad sa pamamagitan ng paningin.—Hebreo 11:25.
Tanggihan ang “Pansamantalang Kasiyahan sa Kasalanan”
4. Ano ang pinili ni Moises, at bakit?
4 Gunigunihin ang naging buhay sana ni Moises, ang anak ni Amram. Palibhasa’y pinalaki kasama ng maharlikang mga supling sa sinaunang Ehipto, may pagkakataon sana si Moises na maging makapangyarihan, mayaman, at maimpluwensiya. Maaari sanang ikinatuwiran ni Moises: ‘Lubusan akong naturuan sa ipinagmamalaking karunungan ng Ehipto, at makapangyarihan ako sa salita at sa gawa. Kung mananatili ako sa maharlikang sambahayan, magagamit ko ang aking posisyon upang makinabang ang aking mga kapatid na Hebreo na inaapi!’ (Gawa 7:22) Sa halip, pinili ni Moises na “mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos.” Bakit? Ano ang nag-udyok kay Moises na talikuran ang lahat ng iniaalok ng Ehipto? Sumasagot ang Bibliya: “Sa pananampalataya ay iniwan [ni Moises] ang Ehipto, ngunit hindi natakot sa galit ng hari, sapagkat nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:24-27) Ang pananampalataya ni Moises sa tiyak na gantimpala ni Jehova dahil sa katuwiran ang tumulong sa kaniya na labanan ang kasalanan at ang pagpapakasasa at ang pansamantalang kasiyahang dulot nito.
5. Paano tayo hinihimok ng halimbawa ni Moises?
5 Tayo rin ay kadalasang napapaharap sa pangangailangang gumawa ng mahihirap na pasiya hinggil sa mga isyung gaya nito: ‘Dapat ko bang talikuran ang mga gawain o kaugalian na hindi lubusang kaayon ng mga simulain ng Bibliya? Dapat ko bang tanggapin ang trabaho na waring malaki nga ang materyal na kapakinabangan pero makahahadlang naman sa aking pagsulong sa espirituwal?’ Hinihimok tayo ng halimbawa ni Moises na huwag gumawa ng mga pasiyang nagpapaaninag ng makitid na isip ng sanlibutang ito; sa halip, dapat tayong manampalataya sa malawak na karunungan ng “Isa na di-nakikita”—ang Diyos na Jehova. Gaya ni Moises, pahalagahan sana natin ang pakikipagkaibigan kay Jehova nang higit kaysa sa anumang bagay na iniaalok ng sanlibutang ito.
6, 7. (a) Paano ipinakita ni Esau na mas pinili niyang lumakad sa pamamagitan ng paningin? (b) Anong babalang halimbawa ang nakita natin kay Esau?
6 Ihambing si Moises kay Esau, anak ng patriyarkang si Isaac. Mas pinili ni Esau ang dagliang kasiyahan. (Genesis 25:30-34) Palibhasa’y “hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado,” ipinamigay ni Esau ang kaniyang mga karapatan bilang panganay “kapalit ng isang pagkain.” (Hebreo 12:16) Hindi niya isinaalang-alang kung paano makaaapekto sa kaniyang kaugnayan kay Jehova ang kaniyang pasiya na ipagbili ang karapatan niya sa pagkapanganay o kung anong impluwensiya ang idudulot ng kaniyang pagkilos sa mga supling niya. Wala siyang espirituwal na pananaw. Ipinikit ni Esau ang kaniyang mga mata sa mahahalagang pangako ng Diyos, anupat hindi niya pinahalagahan ang mga ito. Lumakad siya sa pamamagitan ng paningin, hindi sa pamamagitan ng pananampalataya.
7 Nagpakita si Esau ng babalang halimbawa para sa atin sa ngayon. (1 Corinto 10:11) Kapag kailangan tayong magpasiya, malaki man ito o maliit, hindi tayo dapat magpadaya sa propaganda ng sanlibutan ni Satanas, na nagsasabing dapat mong makamit ngayon mismo ang gusto mo. Dapat nating tanungin ang ating sarili: ‘Nahahalata ba sa aking mga desisyon ang mga saloobin ni Esau? Kung gagawin ko ang gusto ko ngayon, matatabunan kaya ang espirituwal na mga kapakanan? Nanganganib ba ang aking pakikipagkaibigan sa Diyos at ang aking gantimpala sa hinaharap dahil sa mga gusto kong gawin? Anong uri ng halimbawa ang ipinakikita ko sa iba?’ Kung maaaninag sa mga gusto nating gawin ang pagpapahalaga sa sagradong mga bagay, pagpapalain tayo ni Jehova.—Kawikaan 10:22.
Iwasan ang Silo ng Materyalismo
8. Anong babala ang tinanggap ng mga Kristiyano sa Laodicea, at bakit tayo dapat maging interesado rito?
8 Sa isang pagsisiwalat kay apostol Juan noong papatapos na ang unang siglo, inihatid ng niluwalhating si Jesu-Kristo ang mensahe sa kongregasyong nasa Laodicea, Asia Minor. Isa itong babalang mensahe laban sa materyalismo. Bagaman mayaman sa materyal ang mga Kristiyano sa Laodicea, sila naman ay dukha sa espirituwal. Sa halip na patuloy na lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hinayaan nilang mabulag ng materyal na mga pag-aari ang kanilang espirituwal na mga mata. (Apocalipsis 3:14-18) Gayundin ang epekto sa ngayon ng materyalismo. Pinahihina nito ang ating pananampalataya at pinatitigil tayo sa ‘pagtakbo nang may pagbabata sa takbuhan’ ukol sa buhay. (Hebreo 12:1) Kung hindi tayo mag-iingat, matatabunan ng “mga kaluguran sa buhay na ito” ang espirituwal na mga gawain hanggang sa ‘lubusan nang masakal’ ang mga ito.—Lucas 8:14.
9. Paano nagsisilbing proteksiyon sa atin ang pagiging kontento at ang pagpapahalaga sa espirituwal na pagkain?
9 Ang susi sa pagkakaroon ng espirituwal na proteksiyon ay ang pagiging kontento sa halip na ang paggamit nang lubusan sa sanlibutang ito at pagpapayaman sa ating sarili sa materyal na paraan. (1 Corinto 7:31; 1 Timoteo 6:6-8) Kapag lumalakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin, nakasusumpong tayo ng kagalakan sa espirituwal na paraiso sa ngayon. Habang nakikibahagi tayo sa nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain, hindi ba’t nauudyukan tayong ‘humiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso’? (Isaias 65:13, 14) Bukod diyan, nalulugod tayo sa ating pakikipagsamahan sa mga nagpapamalas ng mga bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Napakahalaga nga na masiyahan at maginhawahan tayo sa inilalaan ni Jehova sa espirituwal na paraan!
10. Anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
10 Narito ang ilan sa dapat nating itanong sa ating sarili: ‘Gaano kahalaga ang materyal na mga bagay sa aking buhay? Ginagamit ko ba ang aking materyal na mga pag-aari upang magpakasasa sa buhay o upang itaguyod ang tunay na pagsamba? Ano ang nagdudulot sa akin ng lubos na kasiyahan? Pag-aaral ba ng Bibliya at pakikipagsamahan sa Kristiyanong mga pagpupulong, o mga dulo ng sanlinggo na libre sa mga responsibilidad bilang Kristiyano? Inilalaan ko ba ang maraming dulong sanlinggo para sa paglilibang sa halip na gamitin ang mga ito sa ministeryo sa larangan at sa iba pang gawaing may kaugnayan sa dalisay na pagsamba?’ Ang paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangahulugan na lagi tayong abala sa gawaing pang-Kaharian, anupat lubos na nagtitiwala sa mga pangako ni Jehova.—1 Corinto 15:58.
Laging Isinasaisip ang Wakas
11. Paano tumutulong sa atin ang paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya upang laging maisaisip ang wakas?
11 Ang paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya ay tumutulong sa atin na iwasan ang makalamang mga pangmalas na malayo pa ang wakas o hindi na ito darating kailanman. Di-tulad ng mga mapag-alinlangan na nagwawalang-bahala sa hula ng Bibliya, nauunawaan natin kung paano tinutupad ng mga pangyayari sa daigdig ang inihula ng Salita ng Diyos para sa ating panahon. (2 Pedro 3:3, 4) Halimbawa, hindi ba’t pinatutunayan ng saloobin at paggawi ng mga tao sa pangkalahatan na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw”? (2 Timoteo 3:1-5) Sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya, nakikita natin na ang kasalukuyang mga pangyayari sa daigdig ay hindi lamang basta mga kasaysayang nauulit. Sa halip, ang mga ito ang bumubuo sa “tanda ng . . . pagkanaririto [ni Kristo] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 24:1-14.
12. Paano natupad noong unang siglo ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Lucas 21:20, 21?
12 Isaalang-alang ang isang pangyayari noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon na may pagkakatulad sa ating panahon. Nang nasa lupa si Jesu-Kristo, nagbabala siya sa kaniyang mga tagasunod: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa loob niya ay umalis.” (Lucas 21:20, 21) Bilang katuparan ng hulang ito, kinubkob nga ng hukbong Romano na nasa ilalim ng pamumuno ni Cestius Gallus ang Jerusalem noong 66 C.E. Ngunit bigla na lamang umurong ang mga hukbo, anupat nagbigay ng hudyat at pagkakataon para “tumakas patungo sa mga bundok” ang mga Kristiyanong naroroon. Noong 70 C.E., bumalik ang mga hukbong Romano, sinalakay ang lunsod ng Jerusalem at winasak ang templo nito. Iniuulat ni Josephus na mahigit isang milyong Judio ang namatay, at 97,000 ang dinalang bihag. Ipinatupad ang hatol ng Diyos sa Judiong sistemang iyon ng mga bagay. Yaong mga lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya at nakinig sa babala ni Jesus ay nakaligtas sa kapahamakan.
13, 14. (a) Ano ang malapit nang maganap? (b) Bakit tayo dapat manatiling alisto sa katuparan ng hula ng Bibliya?
13 Kahawig nito ang malapit nang maganap sa ating panahon. Ang mga elemento ng United Nations ay masasangkot sa pagsasakatuparan ng hatol ng Diyos. Kung paanong ang mga hukbong Romano noong unang siglo ay nilayong magpanatili ng Pax Romana (Kapayapaang Romano), ang United Nations sa ngayon ay nilayon ding maging instrumento sa pagpapanatili ng kapayapaan. Bagaman sinikap ng mga hukbong Romano na matiyak ang isang antas ng kaligtasan sa buong daigdig na kilala noon, sila ang naging tagapagwasak ng Jerusalem. Gayundin naman sa ngayon, ipinahihiwatig ng hula ng Bibliya na ituturing ng mga hukbong militar ng United Nations na isang nakagagambalang elemento ang relihiyon at kikilos sila upang puksain ang makabagong-panahong Jerusalem—ang Sangkakristiyanuhan—gayundin ang natitira pang bahagi ng Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 17:12-17) Oo, malapit nang mapuksa ang buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.
14 Ang pagkapuksa ng huwad na relihiyon ay magiging hudyat ng pasimula ng malaking kapighatian. Sa huling bahagi ng malaking kapighatian, ang natitirang mga elemento ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay ay pupuksain. (Mateo 24:29, 30; Apocalipsis 16:14, 16) Dahil sa paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya, nananatili tayong alisto sa katuparan ng hula ng Bibliya. Hindi tayo nalilinlang sa pag-iisip na isang ahensiya ng tao, tulad ng United Nations, ang gagamitin ng Diyos sa pagpapasapit ng tunay na kapayapaan at katiwasayan. Kung gayon, hindi ba’t dapat ipakita ng ating paraan ng pamumuhay ang ating pananalig na “ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na”?—Zefanias 1:14.
Paglakad sa Pamamagitan ng Paningin—Gaano Kapanganib?
15. Bagaman naranasan nila ang pagpapala ng Diyos, sa ano nasilo ang bansang Israel?
15 Ipinakikita ng mga karanasan ng sinaunang Israel ang mga panganib ng pagpapahintulot na humina ang pananampalataya ng isa dahil sa paglakad sa pamamagitan ng paningin. Bagaman nasaksihan ng mga Israelita ang sampung salot na humiya sa huwad na mga diyos ng Ehipto at pagkatapos ay naranasan ang kagila-gilalas na pagliligtas sa kanila sa Dagat na Pula, sumuway pa rin sila anupat gumawa ng ginintuang guya at sinamba ito. Nainip sila at nanghimagod sa paghihintay kay Moises, na “nagtatagal sa pagbaba mula sa bundok.” (Exodo 32:1-4) Dahil sa pagkainip, sumamba sila sa isang idolo na nakikita ng likas na mata. Ang kanilang paglakad sa pamamagitan ng paningin ay nakainsulto kay Jehova at humantong sa pagpatay sa “mga tatlong libong lalaki.” (Exodo 32:25-29) Napakalungkot nga kapag ang isang mananamba ni Jehova sa ngayon ay gumagawa ng mga pasiyang nagpapahiwatig ng kawalan ng pagtitiwala kay Jehova at kawalan ng pananalig sa kaniyang kakayahan na tuparin ang kaniyang mga pangako!
16. Paano naapektuhan ang mga Israelita dahil sa panlabas na anyo?
16 Ang panlabas na anyo ay nagdulot ng negatibong epekto sa mga Israelita sa iba pang paraan. Nanginig sila sa takot sa kanilang mga kaaway dahil sa paglakad sa pamamagitan ng paningin. (Bilang 13:28, 32; Deuteronomio 1:28) Dahil dito, hinamon nila ang bigay-Diyos na awtoridad ni Moises at nagreklamo tungkol sa uri ng buhay na taglay nila. Dahil sa ganitong kawalan ng pananampalataya, mas pinili nila ang Ehipto na kontrolado ng mga demonyo kaysa sa Lupang Pangako. (Bilang 14:1-4; Awit 106:24) Tiyak na nasaktan si Jehova nang masaksihan niya ang matinding kawalang-galang na ipinakita ng kaniyang bayan sa kanilang di-nakikitang Hari!
17. Bakit tinanggihan ng mga Israelita ang patnubay ni Jehova noong panahon ni Samuel?
17 Muli, noong panahon ni propeta Samuel, ang kinalulugdang bansang Israel ay nasilo na naman ng paglakad sa pamamagitan ng paningin. Ang bayan ay naghangad ng isang haring makikita nila. Bagaman ipinakita ni Jehova na siya ang kanilang Hari, hindi ito naging sapat para lumakad sila sa pamamagitan ng pananampalataya. (1 Samuel 8:4-9) Sa kanilang sariling ikapipinsala, buong-kamangmangan nilang tinanggihan ang walang-kapintasang patnubay ni Jehova, anupat minabuti pang maging kagaya ng mga bansa sa palibot nila.—1 Samuel 8:19, 20.
18. Anu-anong aral ang matututuhan natin tungkol sa mga panganib ng paglakad sa pamamagitan ng paningin?
18 Bilang makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova, pinahahalagahan natin ang ating mabuting kaugnayan sa Diyos. Gustung-gusto nating matutuhan at ikapit sa ating buhay ang mahahalagang aral mula sa nakalipas na mga pangyayari. (Roma 15:4) Nang lumakad ang mga Israelita sa pamamagitan ng paningin, nalimutan nila na pinapatnubayan sila ng Diyos sa pamamagitan ni Moises. Kung hindi tayo mag-iingat, malilimutan din natin na pinapatnubayan ng Diyos na Jehova at ng Lalong Dakilang Moises, si Jesu-Kristo, ang kongregasyong Kristiyano sa ngayon. (Apocalipsis 1:12-16) Dapat tayong magbantay laban sa pagkakaroon ng makataong pangmalas sa makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova. Ang paggawa natin nito ay maaaring humantong sa pagrereklamo at kawalan ng pagpapahalaga sa mga kinatawan ni Jehova at sa espirituwal na pagkaing inilalaan ng “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45.
Maging Determinadong Lumakad sa Pamamagitan ng Pananampalataya
19, 20. Ano ang determinado mong gawin, at bakit?
19 “Tayo ay may pakikipagbuno,” ang sabi ng Bibliya, “hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efeso 6:12) Ang ating pangunahing kaaway ay si Satanas na Diyablo. Tunguhin niya na sirain ang ating pananampalataya kay Jehova. Gagamitin niya ang lahat ng panghihikayat na makapaglilihis sa atin mula sa ating kapasiyahang maglingkod sa Diyos. (1 Pedro 5:8) Ano ang magsasanggalang sa atin upang hindi tayo malinlang ng panlabas na anyo ng sistema ni Satanas? Ang paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin! Ang pagtitiwala at pananalig sa mga pangako ni Jehova ang mag-iingat sa atin upang hindi tayo dumanas ng ‘pagkawasak may kinalaman sa ating pananampalataya.’ (1 Timoteo 1:19) Kung gayon, maging determinado tayo na magpatuloy sa paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya, na lubusang nagtitiwala sa pagpapala ni Jehova. At patuloy sana tayong manalangin na nawa’y makatakas tayo sa lahat ng bagay na nakatalagang maganap sa malapit na hinaharap.—Lucas 21:36.
20 Habang lumalakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin, mayroon tayong napakahusay na Huwaran. “Si Kristo ay nagdusa para sa inyo,” ang sabi ng Bibliya, “na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Tatalakayin ng susunod na artikulo kung paano tayo makapagpapatuloy sa paglakad na gaya niya.
Naaalaala Mo Ba?
• Ano ang natutuhan mo mula sa mga halimbawa nina Moises at Esau may kaugnayan sa paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin?
• Ano ang susi sa pag-iwas sa materyalismo?
• Paano tumutulong sa atin ang paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya upang maiwasan ang pangmalas na malayo pa ang wakas?
• Bakit mapanganib ang paglakad sa pamamagitan ng paningin?
[Larawan sa pahina 17]
Lumakad si Moises sa pamamagitan ng pananampalataya
[Larawan sa pahina 18]
Madalas bang hindi mo na nagagawa ang teokratikong mga gawain dahil sa paglilibang?
[Larawan sa pahina 20]
Paano ka ipinagsasanggalang ng pagbibigay-pansin sa Salita ng Diyos?